Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Josue 1-14

Ang Paghahanda sa Pag-agaw ng Canaan

Nang mamatay na si Moises na lingkod ng Panginoon, sinabi ng Panginoon sa kanang-kamay ni Moises na si Josue na anak ni Nun, “Patay na ang lingkod kong si Moises. Kaya ngayon, maghanda kayo, ikaw at ang lahat ng Israelita, sa pagtawid sa Ilog ng Jordan papunta sa lupaing ibibigay ko sa inyo. Ayon sa ipinangako ko kay Moises, ibibigay ko sa inyo ang lahat ng lupaing mararating ninyo. Ito ang magiging teritoryo nʼyo: mula sa disyerto sa timog hanggang sa kabundukan ng Lebanon sa hilaga, at mula sa malaking Ilog ng Eufrates sa silangan, hanggang sa Dagat ng Mediteraneo sa kanluran, at ang lupain ng mga Heteo.

“Walang makakatalo sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagsama ko kay Moises. Hindi kita iiwan o kayaʼy pababayaan. Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang mamumuno sa mga taong ito para angkinin ang lupaing ipinangako ko sa mga ninuno nila. Bastaʼt magpakatatag ka lang at magpakatapang. Sundin mong mabuti ang lahat ng kautusan na ibinigay sa iyo ng lingkod kong si Moises. Huwag mo itong kalilimutan para magtagumpay ka sa lahat ng ginagawa mo. Huwag mong kalimutang basahin ang Aklat ng Kautusan. Pagbulay-bulayan mo ito araw at gabi para malaman mo kung paano mo matutupad nang mabuti ang lahat ng nakasulat dito. Kung gagawin mo ito, uunlad ka at magtatagumpay. Alalahanin mo palagi ang bilin ko sa iyo: Magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manghina, dahil ako, ang Panginoon na iyong Dios, ay sasaiyo kahit saan ka pumaroon.”

10 Kaya, inutusan ni Josue ang mga pinuno ng Israel, 11 “Libutin ninyo ang kampo at sabihin ninyo sa mga tao na maghanda sila ng mga pagkain nila dahil sa ikatlong araw mula ngayon, tatawid tayo sa Ilog ng Jordan para angkinin ang lupaing ibinigay sa atin ng Panginoon na ating Dios.”

12 At sinabi ni Josue sa mga lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase, 13 “Alalahanin nʼyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon. Sinabi niya na bibigyan kayo ng Panginoon na inyong Dios ng lugar na matitirhan na may kapahingahan. At ito na nga ang lupaing ibinigay niya sa inyo: 14 Ang silangang bahagi ng Ilog ng Jordan. Mananatili rito ang mga asawa, mga anak at mga hayop ninyo. Pero dapat mauna ang mga sundalo sa pagtawid sa Jordan para tulungan ang mga kapatid ninyo, 15 hanggang sa masakop nila ang lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon na ating Dios. Pagkatapos, maaari na kayong bumalik dito sa silangang bahagi ng Jordan, para angkinin ang lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod niya.”

16 Sumagot sila kay Josue, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi nʼyo, at pupunta kami kahit saan nʼyo kami ipadala. 17 Susunod kami sa inyo gaya ng pagsunod namin kay Moises. Samahan nawa kayo ng Panginoon na inyong Dios gaya ng pagsama niya kay Moises. 18 Papatayin ang sinumang lalabag sa pamumuno at utos ninyo. Kaya magpakatatag po kayo at magpakatapang!”

Nagpadala si Josue ng mga Espiya sa Jerico

Pagkatapos, lihim na nagpadala si Josue ng dalawang tao mula sa kampo ng mga Israelita sa Shitim para mag-espiya sa lupain ng Canaan, lalung-lalo na sa lungsod ng Jerico. Nang makarating ang dalawang espiya sa Jerico, nakituloy sila sa bahay ni Rahab na isang babaeng bayaran.

Nabalitaan ng hari ng Jerico na may dumating na mga Israelita nang gabing iyon para mag-espiya sa kanila. Kaya nagpadala ng mensahe ang hari kay Rahab, na sinasabi: “Palabasin mo ang mga taong nakituloy sa bahay mo, dahil nandito sila para mag-espiya sa lupain natin.”

4-6 Sinabi ni Rahab, “Totoo pong may mga taong nakituloy dito, pero hindi ko po alam kung taga saan sila. Umalis sila nang madilim na at pasara na ang pintuan ng lungsod. Hindi ko alam kung saan sila pupunta, pero kung susundan nʼyo agad sila, maaabutan nʼyo pa sila.” (Pero ang totoo, itinago ni Rahab ang dalawang espiya sa bubong ng bahay niya at tinakpan niya sila ng mga pinagputol-putol na halaman na ginagawang telang linen na pinapatuyo niya roon.)

Umalis ang mga tauhan ng hari para habulin ang dalawang espiya. Paglabas nila sa lungsod, isinara agad ang pintuan nito. Sa paghabol nila nakarating sila hanggang sa tawiran ng Ilog ng Jordan.

Bago matulog ang dalawang espiya, umakyat si Rahab sa bubong at sinabi sa kanila, “Alam kong ibinigay sa inyo ng Panginoon ang lupaing ito at labis ang pagkatakot ng mga tao rito sa inyo. 10 Nabalitaan namin kung paano pinatuyo ng Panginoon ang Dagat na Pula nang lumabas kayo sa Egipto. Nabalitaan din namin kung paano nʼyo pinatay ang dalawang hari ng mga Amoreo na sina Sihon at Og, sa silangan ng Jordan. 11 Natakot kami nang mabalitaan namin ito at naduwag ang bawat isa sa amin dahil sa inyo. Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay siyang Dios sa langit at sa lupa. 12 Kaya ngayon, ipangako nʼyo sa pangalan ng Panginoon na tutulungan nʼyo ang pamilya ko gaya ng pagtulong ko sa inyo. Bigyan nʼyo ako ng patunay 13 na hindi nʼyo papatayin ang mga magulang ko, mga kapatid ko at ang buo nilang sambahayan.”

14 Sinabi ng dalawang espiya kay Rahab, “Itataya namin ang buhay namin para sa inyo! Huwag mo lang ipagsasabi ang pag-espiya namin dito, hindi ka namin gagalawin kapag ibinigay na ng Panginoon ang lupaing ito sa amin.”

15 Si Rahab ay nakatira sa bahay na nasa pader ng lungsod, kaya tinulungan niya ang dalawang espiya na makababa sa bintana gamit ang lubid. 16 Sinabi ni Rahab sa kanila, “Pumunta kayo sa kabundukan para hindi kayo makita ng mga humahabol sa inyo. Magtago kayo roon sa loob ng tatlong araw hanggang makabalik sila rito. Pagkatapos, maaari na kayong umuwi.”

17 Sinabi ng dalawang espiya kay Rahab, “Tutuparin namin ang ipinangako namin sa iyo, 18 pero kailangang gawin mo rin ito: Kapag nilusob na namin ang lupain nʼyo, itali mo ang pulang lubid na ito sa bintanang binabaan namin. Tipunin mo sa bahay mo ang mga magulang mo, mga kapatid mo at ang buo nilang sambahayan. 19 Kung may isang lalabas at pupunta sa daan, hindi na namin pananagutan kapag namatay siya. Pero may pananagutan kami kapag may namatay sa loob ng bahay mo. 20 Pero kung ipagsasabi mo ang mga ginagawa namin, hindi namin tutuparin ang ipinangako namin sa iyo.” 21 Sumagot si Rahab, “Oo, payag ako.” Pagkatapos, pinaalis sila ni Rahab, at itinali niya agad ang pulang lubid sa bintana.

22 Nang makaalis na ang dalawang espiya, pumunta sila sa kabundukan. Doon sila nagtago sa loob ng tatlong araw habang hinahanap sila ng mga tauhan ng hari sa mga daanan. Hindi sila nakita, kaya umuwi na lang ang mga tauhan ng hari. 23 Bumaba ng kabundukan ang dalawang espiya, at tumawid sa ilog at bumalik kay Josue. Ikinuwento nila kay Josue ang lahat ng nangyari. 24 Sinabi nila, “Totoong ibinibigay ng Panginoon ang buong lupain sa atin. Ang mga tao roon ay takot na takot sa atin.”

Tumawid ang mga Israelita sa Jordan

Maaga paʼy bumangon na si Josue at ang lahat ng mga Israelita. Umalis sila sa Shitim at pumunta sa Ilog ng Jordan. Nagkampo muna sila roon bago sila tumawid. Pagkalipas ng tatlong araw, nag-ikot sa kampo ang mga pinuno at sinabi sa mga tao, “Kapag nakita nʼyong dinadala ng mga pari na ma Levita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios, sumunod kayo sa kanila, para malaman nʼyo kung saan kayo dadaan, dahil hindi pa kayo nakakadaan doon. Pero huwag kayong lalapit sa Kahon ng Kasunduan; magkaroon kayo ng agwat na isang kilometro.”

Pagkatapos, sinabi ni Josue sa mga tao, “Linisin nʼyo ang inyong sarili[a] dahil bukas ipapakita sa inyo ng Panginoon ang mga kamangha-manghang bagay.” Sinabi rin ni Josue sa mga pari, “Dalhin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan at mauna kayo sa mga tao.” Sinunod nila ang sinabi ni Josue.

At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, pararangalan kita sa harap ng lahat ng Israelita para malaman nilang sumasaiyo ako gaya ng pagsama ko kay Moises. Sabihin mo sa mga paring tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan na pagtapak nila sa Ilog ng Jordan ay huminto muna sila.”

Kaya tinawag ni Josue ang mga tao, “Halikayo sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios. 10 Ngayon, malalaman nʼyo na sumasainyo ang buhay na Dios, dahil siguradong itataboy niya papalayo sa inyo ang mga Cananeo, Heteo, Hiveo, Perezeo, Girgaseo, Amoreo at mga Jebuseo. 11 Tiyakin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo ay mauuna sa inyo sa pagtawid sa Ilog ng Jordan. 12 Kaya ngayon, pumili kayo ng 12 lalaki, isa sa bawat lahi ng Israel. 13 Kapag lumusong na ang mga pari na tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, ang Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo, hihinto ang pagdaloy ng tubig sa Ilog ng Jordan. Ang tubig nito mula sa itaas ay maiipon sa isang lugar.”

14-15 Anihan noon at umaapaw ang tubig sa pampang ng ilog ng Jordan. Umalis ang mga tao sa mga kampo nila para tumawid sa ilog. Nauuna sa kanila ang mga paring buhat ang Kahon ng Kasunduan. Paglusong ng mga pari sa ilog, 16 huminto agad sa pagdaloy ang tubig. Naipon ang tubig sa malayo, sa lugar na tinatawag na Adam – isang bayan malapit sa Zaretan. Walang tubig na dumaloy papunta sa Dagat na Patay,[b] kaya nakatawid ang mga tao sa lugar na malapit sa Jerico. 17 Nakatayo sa gitna ng natuyong ilog ang mga pari na buhat ang Kahon ng Kasunduan habang tumatawid ang mga Israelita. Hindi sila umalis doon hanggaʼt hindi nakakatawid ang lahat.

Nagtayo ang mga Israelita ng Monumento

Nang makatawid na ang lahat ng mamamayan ng Israel sa Ilog ng Jordan, sinabi ng Panginoon kay Josue, “Pumili ka ng 12 lalaki, isa sa bawat lahi, at utusan ang bawat isa sa kanila na kumuha ng isang bato sa gitna ng ilog, doon sa kinatatayuan ng mga pari. Pagkatapos, dadalhin nila ito sa lugar na tutuluyan nʼyo ngayong gabi.”

Kaya tinawag ni Josue ang 12 lalaki na pinili niya mula sa bawat lahi ng Israel at sinabi, “Pumunta kayo sa gitna ng ilog, sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios. Ang bawat isa sa inyoʼy kumuha ng isang malaking bato para sa bawat lahi ng Israel at pasanin ito. Gawin nʼyo agad itong monumento bilang alaala sa ginawa ng Panginoon. Sa darating na panahon, kapag nagtanong ang mga anak nʼyo kung ano ang ibig sabihin ng mga batong ito, sabihin nʼyo sa kanila na huminto sa pagdaloy ang Ilog ng Jordan nang itinawid dito ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Ang mga batong ito ay isang alaala para sa mga mamamayan ng Israel magpakailanman.”

Sinunod ng 12 Israelita ang iniutos sa kanila ni Josue, ayon sa sinabi ng Panginoon. Kumuha sila ng 12 bato sa gitna ng ilog, isang bato para sa bawat lahi ng Israel. Dinala nila ang mga bato sa kampo nila at inilagay doon. Naglagay din si Josue ng 12 bato sa gitna ng ilog, sa lugar na kinatatayuan mismo ng mga paring buhat ang Kahon ng Kasunduan. Hanggang ngayon nandoon pa ang mga batong iyon. 10 Nanatiling nakatayo sa gitna ng ilog ang mga pari hanggang sa matapos ng mga tao ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Josue, na ayon din sa iniutos ni Moises kay Josue.

11 Nang makatawid na silang lahat, itinawid din ang Kahon ng Kasunduan. At nauna ulit ang mga pari sa mga tao. 12 Tumawid din at nauna sa mga tao ang mga lalaking armado mula sa lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase, ayon sa iniutos ni Moises sa kanila. 13 Ang 40,000 armadong lalaki ay dumaan sa presensya ng Panginoon[c] at pumunta sa Kapatagan ng Jerico para makipaglaban.

14 Nang araw na iyon, pinarangalan ng Panginoon si Josue sa harap ng mga Israelita. At iginalang si Josue ng mga tao sa buong buhay niya gaya ng ginawa ng mga tao kay Moises.

15 Pagkatawid noon ng mga Israelita sa Ilog ng Jordan, sinabi ng Panginoon kay Josue, 16 “Utusan mo ang mga paring may buhat ng Kahon ng Kasunduan, na umahon na sila sa Ilog ng Jordan.” 17 At sinunod iyon ni Josue. 18 Kaya umahon ang mga pari na dala ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. At pagtapak nila sa pampang, dumaloy ulit ang tubig at umapaw gaya ng dati.

19 Ang pagtawid ng mga Israelita sa Ilog ng Jordan ay nangyari nang ikasampung araw ng unang buwan. Pagkatapos, nagkampo ang mga Israelita sa Gilgal, sa gawing silangan ng Jerico. 20 Doon ipinalagay ni Josue ang 12 bato na ipinakuha niya sa Ilog ng Jordan. 21 Sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Sa darating na panahon, kapag nagtanong sa inyo ang mga anak nʼyo kung anong ibig sabihin ng mga batong ito, 22 sabihin nʼyo na lumakad sa tuyong lupa ang mga Israelita nang tumawid sila sa Ilog ng Jordan. 23 Sabihin nʼyo sa kanila na pinatuyo ng Panginoon na inyong Dios ang Ilog ng Jordan hanggang sa makatawid kayo, gaya ng ginawa niya sa Dagat na Pula hanggang sa makatawid tayo. 24 Ginawa niya ito para kilalanin ng lahat ng mga tao sa mundo na makapangyarihan ang Panginoon at upang lagi kayong magkaroon ng takot sa Panginoon na inyong Dios.”

Ang Pagtutuli

Nabalitaan ng lahat ng hari na Amoreo sa kanluran ng Jordan at ng lahat ng haring Cananeo sa baybayin ng Dagat ng Mediteraneo kung paanong pinatuyo ng Panginoon ang Ilog ng Jordan nang tumawid ang mga Israelita. Kaya natakot sila at naduwag sa pakikipaglaban sa mga Israelita.

Nang panahong iyon, sinabi ng Panginoon kay Josue, “Gumawa ka ng mga patalim na gawa sa bato, at tuliin ang mga Israelita.” (Ito ang ikalawang pagkakataon na tutuliin ang mga Israelitang hindi pa tuli.) Kaya gumawa si Josue ng mga patalim, at tinuli ang mga lalaking Israelita roon sa lugar na tinawag na Bundok ng Pinagtulian.

4-6 Ito ang dahilan kung bakit tinuli ni Josue ang mga lalaki: Nang umalis ang mga Israelita sa Egipto, ang lahat ng lalaki ay natuli na. Pero ang mga isinilang sa loob ng 40 taon na paglalakbay nila sa ilang ay hindi pa natutuli. Nang panahong iyon, ang mga lalaking nasa tamang edad na para makipaglaban ay nangamatay dahil hindi sila sumunod sa Panginoon. Sinabi sa kanila ng Panginoon na hindi nila makikita ang maganda at masaganang lupain[d] na ipinangako niya sa mga ninuno nila. Ang mga anak nilang lalaki na pumalit sa kanila ang tinuli ni Josue, dahil hindi pa sila tuli nang panahong naglalakbay sila. Matapos silang matuli, nanatili sila sa mga kampo nila hanggang sa gumaling ang mga sugat nila.

At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, inalis ko sa inyo ang kahihiyan ng pagiging alipin nʼyo sa Egipto.” Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Gilgal[e] hanggang ngayon.

10 Noong gabi nang ika-14 na araw ng unang buwan, habang nagkakampo pa ang mga Israelita sa Gilgal, sa Kapatagan ng Jerico, ipinagdiwang nila ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 11 Kinaumagahan, kumain sila ng mga produkto ng lupaing iyon: binusang trigo at tinapay na walang pampaalsa. 12 Mula nang araw na iyon, tumigil na ang pagbagsak ng “manna”, at wala ng “manna” ang mga Israelita. Ang pagkain nila ay galing na sa inani sa lupain ng Canaan.

13 Nang malapit na si Josue sa Jerico, bigla niyang nakita ang isang lalaking nakatayo sa harap niya na may hawak na espada. Tinanong siya ni Josue, “Kakampi ka ba namin o kalaban?” 14 “Hindi,” sagot ng lalaki. “Naparito ako bilang pinuno ng mga sundalo ng Panginoon.” Nagpatirapa si Josue bilang paggalang sa kanya at nagtanong, “Ginoo, ano po ang gusto nʼyong ipagawa sa akin na inyong lingkod?” 15 Sumagot ang kumander ng mga sundalo ng Panginoon, “Hubarin mo ang sandalyas mo, dahil banal na lugar ang kinatatayuan mo.” At sinunod ni Josue ang iniutos sa kanya.

Ang Pagbagsak ng Jerico

Samantala, isinarang mabuti ng mga nakatira roon ang Jerico dahil sa mga Israelita. Walang makapasok o kayaʼy makalabas na mga tao sa lungsod. Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Ipapasakop ko sa inyo ang Jerico pati ang hari at mga sundalo nito. Ikaw at ang mga sundalo mo ay iikot sa lungsod ng isang beses sa bawat araw, sa loob ng anim na araw. Pauunahin mo sa Kahon ng Kasunduan ang pitong pari na ang bawat isa sa kanila ay may dalang trumpeta. Sa ikapitong araw, iikutan nʼyo ang lungsod ng pitong beses, kasama ng mga paring nagpapatunog ng mga trumpeta nila. Kapag narinig nʼyo na ang mahabang tunog ng trumpeta nila, sisigaw kayong lahat nang malakas. Pagkatapos, guguho ang pader ng lungsod at makakapasok kayong lahat nang walang hadlang.”

Kaya tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa mga ito, “Dalhin nʼyo ang Kahon ng Kasunduan. Mauuna ang pito sa inyo na may dalang trumpeta ang bawat isa.” At sinabi rin niya sa mga tao, “Lumakad na kayo! Paikutan nʼyo ang lungsod. Ang ibang mga sundalo ay mauuna sa pitong pari na may dalang trumpeta.”

Ayon sa sinabi ni Josue, nauna ang pitong pari sa Kahon ng Kasunduan at pinatunog nila ang mga trumpeta nila. Ang ibang mga sundalo ay nauuna sa mga pari, at may iba pang sumusunod sa Kahon ng Kasunduan. Walang hinto ang pagtunog ng mga trumpeta. 10 Pero sinabi ni Josue sa mga tao na huwag sumigaw o kayaʼy mag-ingay hanggaʼt hindi pa niya inuutos na sumigaw. 11 Ayon sa iniutos ni Josue, inikot nila sa lungsod ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon ng isang beses. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila at doon natulog kinagabihan.

12 Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue. Muling dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan, 13 at ang pito sa kanila ay nauna pa rin sa Kahon ng Kasunduan na nagpapatunog ng kanilang mga trumpeta. At ganoon din ang ginawa ng mga sundalo – ang iba sa kanila ay nasa unahan ng Kahon ng Kasunduan at ang ibaʼy nasa hulihan, habang patuloy na pinapatunog ang mga trumpeta. 14 Nang ikalawang araw, inikot nila ulit ang lungsod ng isang beses, at pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila. Ganoon ang ginawa nila sa loob ng anim na araw.

15 Nang ikapitong araw, madaling-araw pa lang ay bumangon na sila at inikutan ang lungsod ng pitong beses, sa ganoon ding paraan. Iyon lang ang araw na umikot sila sa lungsod ng pitong beses. 16 Sa ikapitong beses nilang pag-ikot, pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at inutusan ni Josue ang mga tao na sumigaw. At sinabi ni Josue, “Ibinigay na sa atin ng Panginoon ang lungsod na ito! 17 Ang buong lungsod at ang lahat ng makukuha rito ay wawasakin nang lubusan bilang handog na buo sa Panginoon. Si Rahab lang na babaeng bayaran at ang buo niyang sambahayan niya ang ililigtas dahil itinago niya ang mga espiya natin. 18 At huwag kayong kukuha ng kahit anumang bagay na inihandog na nang buo sa Panginoon. Kapag kumuha kayo ng kahit ano, malilipol kayo at kayo ang magiging dahilan ng pagkawasak na darating sa Israel. 19 Ang lahat ng bagay na gawa sa pilak, ginto, tanso, o kayaʼy bakal ay ihihiwalay para sa Panginoon, at dapat itong ilagay sa taguan ng kayamanan ng Panginoon.” 20 Pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at nagsigawan ang mga Israelita nang marinig nila ito. Nawasak ang mga pader ng lungsod at lumusob sila. Nakapasok sila ng walang hadlang at nasakop nila ang lungsod. 21 Inihandog nila nang buo sa Panginoon ang lungsod sa pamamagitan ng pagpatay sa mga lalakiʼt babae, matanda at bata, at pati mga baka, tupa at mga asno. 22 Inutusan ni Josue ang dalawang espiya, “Puntahan nʼyo ang bahay ng babaeng bayaran, at palabasin nʼyo sila at ang buong pamilya niya ayon sa ipinangako nʼyo sa kanya.” 23 Kaya umalis silang dalawa at dinala nila palabas si Rahab, kasama ang mga magulang niya, mga kapatid at ang buo niyang sambahayan. Pinalabas nila ang mga ito at nanatili sa labas ng kampo ng Israel. 24 Sinunog nila ang buong lungsod at ang lahat ng nandoon maliban sa mga bagay na gawa sa pilak, ginto, tanso at bakal. Pinagkukuha nila ito para ilagay sa taguan ng kayamanan ng Panginoon. 25 Iniligtas nga ni Josue si Rahab at ang sambahayan niya dahil itinago niya ang mga lalaking inutusan ni Josue para mag-espiya sa Jerico. Hanggang ngayon, ang mga angkan niya ay naninirahan sa Israel.

26 Nang panahong iyon, binalaan ni Josue ang mga Israelita, “Isusumpa ng Panginoon ang sinumang maghahangad na itayo ulit ang lungsod ng Jerico. Mamamatay ang panganay na anak ng sinumang magtatayo ng pundasyon o ang sinumang gagawa ng mga pintuan nito.”

27 Kasama ni Josue ang Panginoon, at naging tanyag siya sa buong lupain.

Ang Kasalanan ni Acan

Pero nilabag ng mga Israelita ang utos ng Panginoon na huwag kumuha ng kahit anumang handog na nakalaan nang buo para sa Panginoon. Kumuha si Acan ng mga bagay na hindi dapat kunin, kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanila. Si Acan ay anak ni Carmi. Si Carmi ay anak ni Zabdi. Si Zabdi ay anak ni Zera. Nagmula sila sa lahi ni Juda.

Mula sa Jerico, may inutusan si Josue na mga tao para mag-espiya sa Ai, isang lungsod sa silangan ng Betel, na malapit sa Bet Aven. Kaya umalis ang mga tao para mag-espiya. Pagbalik nila, sinabi nila kay Josue, “Hindi kailangang lumusob tayong lahat sa Ai, dahil kaunti lang naman ang mga naninirahan doon. Magpadala ka lang ng 2,000 o kayaʼy 3,000 tao para lumusob doon.” Kaya 3,000 Israelita ang lumusob sa Ai, pero napaatras sila ng mga taga-Ai. Hinabol sila mula sa pintuan ng lungsod hanggang sa Shebarim[f], at 36 ang napatay sa kanila habang bumababa sila sa kabundukan. Kaya naduwag at natakot ang mga Israelita. Dahil sa lungkot, pinunit ni Josue at ng mga tagapamahala ng Israel ang mga damit nila, at nilagyan ng alikabok ang mga ulo nila, at nagpatirapa sila sa harapan ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon hanggang sa gumabi. Sinabi ni Josue, “O Panginoong Dios, bakit nʼyo pa po kami pinatawid sa Ilog ng Jordan kung ipapatalo nʼyo rin lang naman kami sa mga Amoreo? Mabuti pang nanatili na lang kami sa kabila ng Jordan. Panginoon, ano po ang sasabihin ko, ngayong umurong na ang mga Israelita sa mga kalaban nila? Mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng iba pang taga-rito. Paiikutan nila kami at papatayin. Ano po ang gagawin nʼyo alang-alang sa dakila nʼyong pangalan?”

10 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tumayo ka! Bakit ka ba nakadapa? 11 Nagkasala ang Israel; nilabag nila ang kasunduan ko. Kumuha sila ng mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin. Ninakaw nila ito, nagsinungaling sila tungkol dito, at isinama nila ito sa mga ari-arian nila. 12 Ito ang dahilan kung bakit hindi sila makalaban sa mga kaaway nila. Natakot sila at tumakas dahil sila mismo ay lilipulin din bilang handog sa akin. Hindi ko na kayo sasamahan kung hindi ninyo wawasakin ang mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin.

13 “Tumayo ka at sabihin mo sa mga tao na linisin nila ang kanilang sarili[g] para bukas, dahil ako, ang Panginoon na Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘O Israel, may tinatago kayong mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin. Hindi kayo makakalaban sa mga kaaway nʼyo hanggaʼt nasa inyo ang mga bagay na ito. 14 Kaya bukas ng umaga, humarap kayo sa akin ayon sa inyong lahi. Ang lahing ituturo kong nagkasala ay humanay ayon sa angkan nila. Ang angkan na ituturo kong nagkasala ay humanay ayon sa pamilya nila. At ang pamilyang ituturo kong nagkasala ay humanay bawat isa. 15 Ang taong ituturo ko na nagtago ng mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin ay susunugin kasama ng pamilya niya at ng lahat ari-arian niya. Dahil nilabag niya ang kasunduan ko at gumawa siya ng kahiya-hiyang bagay sa Israel.’ ”

16 Kinabukasan, maagang pinalapit ni Josue ang mga Israelita ayon sa lahi nila. At napili ang angkan ni Juda. 17 Pinalapit ang lahi ni Juda, at napili ang angkan ni Zera. Pinalapit ang angkan ni Zera at napili ang pamilya ni Zabdi.[h] 18 Pinalapit ang pamilya ni Zabdi at napili si Acan. (Si Acan ay anak ni Carmi. Si Carmi ay anak ni Zabdi. At si Zabdi ay anak ni Zera na mula sa angkan ni Juda.)

19 Sinabi ni Josue kay Acan, “Anak, parangalan mo ang Panginoon, ang Dios ng Israel; magsabi ka ng totoo sa harapan niya. Ano ang ginawa mo? Huwag mo itong ilihim sa akin.”

20 Sumagot si Acan, “Totoong nagkasala ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Ito po ang ginawa ko: 21 Sa mga bagay na nasamsam natin, may nakita akong isang magandang damit na mula sa Babilonia, pilak na mga dalawang kiloʼt kalahati at isang baretang ginto na may bigat na kalahating kilo. Naakit ako sa mga ito, kaya kinuha ko. Ibinaon ko ito sa lupa sa loob ng tolda ko. Ang pilak ang nasa pinakailalim.”

22 Kaya nagsugo si Josue ng mga tao, at patakbong pumunta ang mga ito sa tolda ni Acan. At nakita nga nila roon ang mga bagay na ibinaon, ang pilak ay nandoon nga sa ilalim nito. 23 Dinala nila ito kay Josue at sa lahat ng mga Israelita, at inilapag sa presensya ng Panginoon.

24 At dinala ni Josue at ng lahat ng mga Israelita si Acan sa Lambak ng Acor,[i] pati ang pilak, damit, isang baretang ginto, ang mga anak niya, mga baka, mga asno, mga tupa, tolda at ang lahat ng ari-arian niya. 25 Sinabi ni Josue kay Acan, “Bakit mo kami ipinahamak? Ngayon, ipapahamak ka rin ng Panginoon.”

Binato ng mga Israelita si Acan hanggang sa mamatay. Binato rin nila ang pamilya niya at sinunog ang lahat ng bangkay at ang kanyang mga ari-arian. 26 Pagkatapos, tinabunan nila si Acan ng mga bato. Nandoon pa ang mga bato hanggang ngayon. At ang lugar na iyon ay tinatawag na Lambak ng Acor hanggang ngayon.

At napawi ang galit ng Panginoon.

Ang Pagsakop sa Ai

Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot o kayaʼy manghina. Isama mo ang lahat ng iyong sundalo at lusubin ulit ninyo ang Ai, dahil ibinigay ko na sa inyo ang hari ng Ai, ang kanyang mga mamamayan, ang kanyang bayan at ang kanyang lupain. Kung ano ang ginawa ninyo sa Jerico at sa hari nito, ganoon din ang gawin ninyo sa Ai. Pero sa pagkakataong ito, maaari na ninyong kunin ang kanilang mga ari-arian at mga hayop para sa inyong sarili. Maghanda kayo at tambangan ninyo sila sa likod ng lungsod.”

Kaya umalis sila Josue at ang lahat ng sundalo niya para lusubin ang Ai. Pumili si Josue ng 30,000 sundalo na mahuhusay makipaglaban at pinaalis nang gabi. Ito ang bilin ni Josue sa kanila, “Magtago kayo sa likod ng lungsod, pero huwag masyadong malayo. Humanda kayo sa paglusob kahit anong oras. Ako at ang mga kasama ko ay lulusob sa harapan. Kung lalabas na sila sa pakikipaglaban sa amin, tatakas kami, gaya ng nangyari noon. Iisipin nilang natatakot kami kagaya noon, kaya hahabulin nila kami hanggang sa makalayo sila sa lungsod. Pagkatapos, lumabas kayo sa pinagtataguan nʼyo at sakupin ang lungsod. Ibibigay ito sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Kapag nasakop nʼyo na ang lungsod, sunugin nʼyo ito ayon sa sinabi ng Panginoon. Tiyakin nʼyong gagawin ito ayon sa iniutos.” Pinaalis sila ni Josue, at nagtago sila sa bandang kanluran ng Ai, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. At sina Josue naman ay nagpaiwan sa kampo nang gabing iyon.

10 Kinaumagahan, maagang tinipon ni Josue ang mga tauhan niya. Pinangunahan niya at ng mga pinuno ng Israel ang mga tao sa pagpunta nila sa Ai. 11 Nakarating sila sa lugar na nakaharap sa lungsod, sa bandang hilaga nito, at doon sila nagtayo ng mga tolda. May lambak na nakapagitan sa kanila at sa Ai. 12 Nagpadala si Josue ng 5,000 sundalo para tambangan ang lungsod sa bandang kanluran nito, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. 13 Kaya pumwesto na ang mga sundalo. Ang ibang mga sundalo ay nasa bandang hilaga ng lungsod, at ang iba naman ay naroon sa bandang kanluran nito.

Nang gabing iyon pumunta sina Josue sa lambak. 14 Nang makita ng hari ng Ai sina Josue, maaga paʼy agad-agad na siyang lumabas sa lungsod kasama ang mga tauhan niya, at pumunta sa lugar na nakaharap sa Lambak ng Jordan[j] para makipaglaban sa Israel. Hindi nila alam na may lulusob sa kanila galing sa likod ng lungsod. 15 Sina Josue at ang mga tauhan niya ay nagkunwaring natalo sila, at tumakas papuntang ilang. 16 Kaya hinabol silang lahat ng kalalakihan ng Ai hanggang sa unti-unti silang lumalayo sa lungsod. 17 Lahat ng kalalakihan sa Ai at sa Betel ay hinabol ang mga Israelita, kaya walang naiwan para ipagtanggol ang lungsod.

18 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Ituro mo ang sibat mo sa Ai dahil ibibigay ko ito sa inyo.” Kaya itinuro ni Josue ang sibat niya sa Ai. 19 Nang ginawa niya iyon, lumabas at nagsitakbo ang mga tauhan niyang nananambang sa bayan, lumusob sila papasok sa lungsod, at dali-daling sinunog ito. 20 Nang lumingon ang mga taga-Ai, nakita nila ang makapal na usok sa ibabaw ng lungsod. Wala na silang matatakbuhan, dahil bigla na lang silang hinarap ng mga Israelita na hinahabol nila sa ilang. 21 Dahil nang makita ni Josue at ng mga tauhan niya na nakapasok na sa lungsod ang mga kasama nila at sinunog na nila ito, bumalik sila at nilusob ang mga taga-Ai. 22 Lumusob din ang mga Israelitang pumasok sa lungsod, kaya napagitnaan nila ang mga taga-Ai. Pinatay nilang lahat ang mga ito at walang nakatakas o kayaʼy naiwang buhay sa kanila, 23 bukod lang sa hari nila. Binihag siya at dinala kay Josue.

24 Nang mapatay na nilang lahat ang taga-Ai na humabol sa kanila sa ilang, bumalik sila sa lungsod at pinatay din ang lahat ng naiwan doon. 25 Nang araw na iyon, namatay ang lahat ng naninirahan sa Ai – 12,000 lahat, lalaki at babae. 26 Nanatiling nakatutok ang sibat ni Josue sa lugar ng Ai hanggang hindi nalilipol ang lahat ng mamamayan nito. 27 Kinuha ng mga Israelita ang mga hayop at mga ari-arian ng lungsod, ayon sa sinabi ng Panginoon kay Josue. 28 Pagkatapos, ipinasunog ni Josue ang buong Ai, at hindi na ito muling maitatayo; hanggang ngayon wala nang nakatira rito. 29 Pinabitin ni Josue sa isang puno ang hari at pinabayaan doon maghapon. Paglubog ng araw, ipinakuha niya ang bangkay at ipinatapon sa labas ng pintuan ng lungsod. Pinatambakan nila ito ng malaking bunton ng mga bato, at hanggang ngayon ay makikita pa roon ang mga batong ito.

Binasa ang Kasunduan sa Bundok ng Ebal

30 Pagkatapos, nagpagawa si Josue ng altar sa Bundok ng Ebal para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 31 Ipinagawa niya ito ayon sa utos ni Moises na lingkod ng Panginoon sa mga Israelita. Nakasulat ito sa Aklat ng Kautusan ni Moises at ito ang sinasabi: “Gumawa ka ng altar na bato na hindi natabasan ng gamit na bakal.” Sa ibabaw ng altar, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. 32 Sa harap ng mga Israelita, kinopya ni Josue sa mga bato[k] ang kautusang isinulat ni Moises. 33 Ang lahat ng mga Israelita, kasama ang kanilang mga tagapamahala, mga opisyal at mga hukom nila, pati ang mga dayuhang kasama nila ay tumayo sa dalawang grupo na magkaharap. Ang isang grupo ay nakatalikod sa Bundok ng Gerizim at ang isaʼy nakatalikod sa Bundok ng Ebal. Sa gitna nila ay nakatayo ang mga paring Levita na nagbubuhat ng Kahon ng Kasunduan. Nag-utos sa kanila noon si Moises na lingkod ng Panginoon na gawin ito sa panahong tatanggapin na nila ang pagbabasbas.

34 Binasa ni Josue ang Aklat ng Kasunduan, pati ang pagpapala at sumpa na nakasulat dito. 35 Isa-isang binasa ni Josue ang mga utos ni Moises sa harap ng buong mamamayan ng Israelita, kasama na ang mga babae, anak at mga dayuhang naninirahan kasama nila.

Niloko ng mga Taga-Gibeon ang mga Israelita

Narinig ng lahat ng hari sa kanluran ng Jordan ang pagtatagumpay ng mga Israelita. (Ito ay ang mga hari ng mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo, at mga Jebuseo.) Nakatira sila sa mga kabundukan, kaburulan sa kanluran[l] at sa baybayin ng Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Lebanon. Nagtipon silang lahat para makipaglaban kay Josue at sa Israel.

Pero nang marinig ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at Ai, naghanap sila ng paraan para lokohin si Josue. Nagpadala sila ng mga tao kay Josue, ang mga asno nilaʼy may mga kargang lumang sako at mga sisidlang-balat ng alak na sira-sira at tagpi-tagpi. Nagsuot sila ng mga lumang damit at mga sandalyas na pudpod at tagpi-tagpi. Nagbaon sila ng matitigas at inaamag na mga tinapay. Pagkatapos, pumunta sila kay Josue sa kampo ng Israel sa Gilgal, at sinabi sa kanya at sa mga Israelita, “Pumunta kami rito galing sa malayong lugar para hilingin sa inyo na gumawa kayo ng kasunduan sa amin na hindi nʼyo gagalawin ang mga mamamayan namin.” Pero sumagot ang mga Israelita, “Baka taga-rito rin kayo malapit sa amin. Kaya hindi kami maaaring gumawa ng kasunduan sa inyo.” Nagmakaawa sila kay Josue, “Handa po kaming maging lingkod ninyo.” Nagtanong si Josue sa kanila, “Sino kayo at saan kayo nanggaling?” Sumagot sila, “Galing po kami sa napakalayong lugar. Pumunta kami rito dahil narinig namin ang tungkol sa Panginoon na inyong Dios. Nabalitaan din namin ang lahat ng kanyang ginawa sa Egipto, 10 at sa dalawang hari na Amoreo sa silangan ng Jordan na sina Haring Sihon ng Heshbon, at Haring Og ng Bashan na nakatira sa Ashtarot. 11 Kaya inutusan kami ng mga tagapamahala at mga kababayan namin na maghanda ng pagkain at pumunta rito, at makipagkita sa inyo para sabihin na handa kaming maglingkod sa inyo bastaʼt gumawa lang kayo ng kasunduan sa amin na hindi nʼyo kami gagalawin. 12 Tingnan nʼyo po ang tinapay namin, mainit pa ito pag-alis namin, pero ngayon matigas na at durug-durog pa. 13 Itong mga sisidlang-balat ay bago pa nang salinan namin ng alak, pero tingnan nʼyo po, sira-sira na ito. Ang mga damit at sandalyas namin ay naluma na dahil sa malayong paglalakbay.”

14 Naniwala at tinanggap ng mga Israelita ang mga ebidensya na dala nila, pero hindi sila nagtanong sa Panginoon tungkol dito. 15 Gumawa si Josue ng kasunduan sa kanila, na hindi niya sila gagalawin o kayaʼy papatayin. At nanumpa ang mga pinuno ng mga kapulungan ng Israel sa kasunduang ito.

16 Pagkalipas ng tatlong araw pagkatapos pagtibayin ang kasunduan, nabalitaan ng mga Israelita na malapit lang pala sa kanila ang tinitirhan ng mga taong iyon. 17 Kaya umalis ang mga Israelita, at matapos ang tatlong araw, nakarating sila sa mga lungsod na tinitirhan ng mga taong iyon. Itoʼy ang mga lungsod ng Gibeon, Kefira, Beerot at Kiriat Jearim. 18 Pero hindi sila nilusob ng mga Israelita dahil may sinumpaan silang kasunduan sa mga pinuno ng Israel sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.

Nagreklamo ang mga Israelita sa mga pinuno nila, 19 pero sumagot ang lahat ng pinuno, “May sinumpaan na tayo sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kaya ngayon ay hindi natin sila pwedeng galawin. 20 Ganito ang gagawin natin: Hindi natin sila papatayin dahil baka parusahan tayo ng Dios kapag sinira natin ang sumpaan natin sa kanila. 21 Pabayaan natin silang mabuhay, pero gawin natin silang tagapangahoy at tagaigib ng buong mamamayan.” At ganito nga ang nangyari sa mga taga-Gibeon ayon sa sinabi ng mga pinuno tungkol sa kanila.

22 Ipinatawag ni Josue ang mga taga-Gibeon at sinabi, “Bakit nʼyo kami niloko? Bakit nʼyo sinabing galing pa kayo sa malayong lugar pero taga-rito lang pala kayo malapit sa amin? 23 Dahil sa ginawa nʼyo, isusumpa kayo ng Dios: Mula ngayon, maglilingkod kayo bilang tagapangahoy at tagaigib para sa bahay ng aking Dios.” 24 Sumagot sila kay Josue, “Ginawa namin ito dahil natatakot po kami na baka patayin nʼyo kami. Dahil nabalitaan po namin na inutusan ng Panginoon na inyong Dios si Moises na kanyang lingkod, na ibigay sa inyo ang lupaing ito at patayin ang lahat ng nakatira rito. 25 Ngayon, nandito kami sa ilalim ng kapangyarihan nʼyo, kayo ang masusunod kung ano po ang dapat ninyong gawin sa amin.” 26 Hindi pinahintulutan ni Josue na patayin sila ng mga Israelita. 27 Pero ginawa niya silang mga tagapangahoy at tagaigib para sa mga Israelita at sa altar ng Panginoon. Hanggang ngayon, ginagawa nila ang gawaing ito sa lugar na pinili ng Panginoon kung saan siya sasambahin.

Natalo ng Israel ang mga Hari sa Timog

10 Nabalitaan ni Haring Adoni Zedek ng Jerusalem na inagaw ni Josue ang Ai at nilipol nang lubusan at pinatay ang hari nito, gaya ng ginawa niya sa Jerico at sa hari nito. Nabalitaan din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkaibigan na sa mga Israelita at namuhay kasama nila. Natakot siya at ang mga tao sa kanyang nasasakupan dahil alam niya na ang Gibeon ay isang makapangyarihang lungsod na may sarili ring hari. Mas malaki pa ito sa Ai at ang mga sundalo nitoʼy mahuhusay makipaglaban. Kaya nagpadala ng mensahe si Adoni Zedek kina Haring Hoham ng Hebron, Haring Piram ng Jarmut, Haring Jafia ng Lakish, at Haring Debir ng Eglon. Ito ang mensahe niya, “Tulungan nʼyo akong lusubin ang Gibeon dahil nakipagkaibigan ito kay Josue at sa mga Israelita.” Kaya nagkaisa ang limang hari ng mga Amoreo: ang hari ng Jerusalem, Hebron, Jarmut, Lakish at Eglon. Tinipon nila ang mga sundalo nila at nilusob ang Gibeon.

Nagpadala ng mensahe ang mga taga-Gibeon kay Josue sa kampo nito sa Gilgal. Sinabi nila, “Huwag nʼyo kaming pabayaan, kaming mga lingkod ninyo. Pumunta po kayo agad dito at iligtas kami. Tulungan nʼyo kami dahil pinagtutulungan kami ng lahat ng hari ng mga Amoreo na nakatira sa mga kabundukan.” Kaya umalis si Josue kasama ang lahat ng sundalo niya, pati ang lahat ng mahuhusay makipaglaban. Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibibigay ko sila sa iyo. Wala kahit isa sa kanila ang makakatalo sa iyo.”

Buong gabing naglakad sina Josue mula sa Gilgal, at nilusob nila ang mga kalaban na walang kamalay-malay. 10 Sinindak ng Panginoon ang mga kalaban nang makaharap nila ang mga Israelita, at marami sa kanila ang pinatay doon sa Gibeon. Ang iba sa kanilaʼy hinabol at pinatay sa daang paakyat sa Bet Horon hanggang sa Azeka at Makeda. 11 Patuloy ang paghabol sa kanila ng mga Israelita habang bumababa sila galing sa Bet Horon. At nang papunta sila sa Azeka, pinaulanan sila ng Panginoon ng malalaking yelo at namatay sila. Mas marami pang namatay sa kanila sa yelo kaysa sa espada ng mga Israelita.

12 Nang araw na pinagtagumpay ng Panginoon ang mga Israelita laban sa mga Amoreo, nanalangin si Josue sa Panginoon. Pagkatapos, sinabi niya habang nakikinig ang mga Israelita, “Araw, tumigil ka sa taas ng Gibeon! Ikaw naman buwan, tumigil ka sa taas ng Lambak ng Ayalon.” 13 Kaya tumigil ang araw at ang buwan hanggang sa natalo ng mga Israelita ang mga kalaban nila.

Ang pangyayaring ito ay nakasulat sa Aklat ni Jashar. Tumigil ang araw sa gitna ng langit, at hindi ito lumubog sa buong araw. 14 Hindi pa nangyari ang ganito mula noon, mula noon, na sumagot ang Panginoon sa panalangin ng tao na kagaya nito. Tunay na nakikipaglaban ang Panginoon para sa Israel.

15 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang lahat ng mga Israelita sa kampo nila sa Gilgal.

Pinatay ang Limang Hari ng mga Amoreo

16 Nakatakas ang limang hari at nagtago sa kweba sa Makeda. 17 Pero may nakakita sa kanila na doon sila nagtatago, at sinabi nila ito kay Josue. 18 Kaya sinabi ni Josue, “Tabunan nʼyo ng malalaking bato ang bukana ng kweba at bantayan ninyo. 19 Pero huwag kayong manatili roon kundi habulin nʼyo at lusubin ang mga naiwang kalaban. Siguraduhin ninyong hindi sila makakapasok sa mga lungsod nila. Dahil ibibigay sila sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.”

20 Halos naubos ni Josue at ng mga Israelita ang mga kalaban nila. Pero mayroon ding nakaligtas at nakapasok sa mga napapaderang lungsod nito. 21 At bumalik ang lahat ng sundalo kay Josue sa kampo nila sa Makeda. Mula noon, wala nang nagtangkang magsalita laban sa mga Israelita.

22 At nag-utos si Josue, “Buksan nʼyo ang kweba at dalhin dito sa akin ang limang hari.” 23 Kaya pinalabas nila sa kweba ang limang hari: ang hari ng Jerusalem, Hebron, Jarmut, Lakish at Eglon. 24 Nang madala na ang limang hari kay Josue, tinipon ni Josue ang lahat ng mga Israelita at sinabi niya sa mga kumander ng mga sundalo niya, “Halikayo, at tapakan nʼyo ang leeg ng mga haring ito.” Kaya lumapit sila at tinapakan nila ang leeg ng mga haring iyon. 25 Sinabi sa kanila ni Josue, “Huwag kayong matakot o kayaʼy panghinaan ng loob. Magpakatatag kayo at magpakatapang. Ito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng kalaban ninyo.” 26 At pinatay ni Josue ang limang hari at ipinabitin sa limang puno hanggang hapon. 27 Nang lumubog na ang araw, ipinakuha ni Josue ang mga bangkay nila at ipinatapon sa kweba na pinagtaguan nila. Tinakpan nila ang bunganga ng kweba ng malalaking bato na hanggang ngayon ay naroon pa.

Sinakop ni Josue ang Iba pang mga Lugar ng mga Amoreo

28 Nang araw na iyon, sinakop ni Josue ang Makeda. Pinapatay niya ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang hari nito. Nilipol niya ito nang lubusan, at walang naiwang buhay. Ginawa ni Josue sa hari ng Makeda ang ginawa rin niya sa hari ng Jerico. 29 Mula sa Makeda, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Libna at nilusob ito. 30 Ibinigay din sa kanila ng Panginoon ang lungsod at ang hari nito. Pinatay nila ang lahat ng naninirahan dito, at walang naiwang buhay. Ginawa ni Josue sa hari ng Libna ang ginawa niya sa hari ng Jerico.

31 Mula sa Libna, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Lakish. Pinalibutan nila ito at nilusob. 32 Ibinigay ng Panginoon ang Lakish sa mga Israelita sa ikalawang araw ng labanan. Gaya ng ginawa nila sa Libna, pinatay din nila ang lahat ng naninirahan sa Lakish. 33 Habang nilulusob nila ang Lakish, si Haring Horam ng Gezer at ang mga sundalo nito ay tumulong sa Lakish, pero natalo sila ni Josue, at walang naiwang buhay sa kanila.

34 Mula sa Lakish, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Eglon. Pinalibutan din nila ito at nilusob. 35 Sa mismong araw na iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng naninirahan dito. Nilipol nila ito nang lubusan gaya ng ginawa nila sa Lakish.

36 Mula sa Eglon, umahon si Josue at ang mga Israelita sa Hebron at nilusob ito. 37 Sinakop nila ang lungsod, at pinatay nila ang hari at ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang mga tao sa karatig baryo. Walang naiwang buhay. Winasak nila nang lubusan ang buong lungsod gaya ng ginawa nila sa Eglon.

38 Pagkatapos nito, bumalik si Josue at ang mga Israelita at lumusob sa Debir. 39 Inagaw nila ang lungsod at pinatay ang hari at ang lahat ng naninirahan dito, pati ang mga tao sa karatig baryo. Nilipol nila ito nang lubusan, at walang naiwang buhay. Ang ginawa nila sa Hebron at Libna at sa mga hari nito ay ginawa rin nila sa Debir at sa hari nito.

40 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain – ang mga kabundukan, ang Negev, ang kaburulan sa kanluran[m] at mga libis, pati na ang mga hari nito. Nilipol nang lubusan nina Josue ang lahat ng naninirahan dito, at walang naiwang buhay. Ginawa nila ito ayon sa utos ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 41 Sinakop ni Josue ang mga lugar mula sa Kadesh Barnea hanggang sa Gaza, at mula sa buong lupain ng Goshen hanggang sa Gibeon. 42 Sinakop ni Josue ang lahat ng lupain at ang mga hari nito sa minsanang paglusob lamang, dahil ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ang tumulong sa kanila sa pakikipaglaban. 43 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang lahat ng Israelita sa kampo nila sa Gilgal.

Nasakop ng Israel ang mga Lugar sa Hilaga

11 Nang mabalitaan ni Haring Jabin ng Hazor ang mga tagumpay ng Israel, nagpadala siya ng mensahe kay Haring Jobab ng Madon, sa mga hari ng Shimron at Acshaf, sa mga haring nasa kabundukan sa hilaga, sa mga hari sa Lambak ng Jordan[n] na nasa timog ng Lawa ng Galilea,[o] sa mga hari sa kaburulan sa kanluran,[p] sa mga hari sa baybayin ng Dor sa kanluran, sa mga hari ng mga Cananeo sa silangan at sa kanluran ng Ilog ng Jordan, sa mga hari ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Jebuseo na nakatira sa kabundukan, at sa mga hari ng mga Hiveo sa ibaba ng Bundok ng Hermon sa lupain ng Mizpa. Dumating ang lahat ng hari, kasama ang mga sundalo nilang kasindami ng buhangin sa dagat. Marami rin silang kabayo at karwahe. Nagtipon sila at nagkampo sa tabi ng Batis ng Merom para labanan ang Israel.

Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kayong matakot sa kanila, dahil bukas sa ganito ring oras, ibibigay ko silang lahat sa Israel para patayin. Pipilayan nʼyo ang mga kabayo nila at susunugin ang mga karwahe nila.” Kaya biglang lumusob si Josue at ang mga sundalo niya sa Batis ng Merom. At pinagtagumpay sila ng Panginoon sa mga kalaban nila. Hinabol nila ang mga kalaban nila hanggang sa Malaking Sidon at sa Misrefot Maim hanggang sa Lambak ng Mizpa sa silangan. Pinatay nila ang mga kalaban nila hanggang sa maubos. At ginawa sa kanila ni Josue ang iniutos ng Panginoon: Pinilayan niya ang mga kabayo nila at pinasunog ang mga karwahe nila.

10 Pagkatapos, bumalik sina Josue at sinakop nila ang Hazor at pinatay ang hari nito. (Nang mga panahong iyon, ang Hazor ay ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng kaharian.) 11 Pinatay din nila ang lahat ng naninirahan sa Hazor. Nilipol nila ito nang lubusan at walang naiwang buhay. At ang lungsod mismo ay sinunog nila.

12 Sinakop ni Josue ang lahat ng lungsod. Pinatay nila ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang mga hari nito. Nilipol nila ito nang lubusan ayon sa iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon. 13 Pero hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lungsod sa mga bulubundukin, maliban lang sa Hazor. 14 Kinuha ng mga Israelita para sa sarili ang lahat ng nasamsam na mga hayop at mga ari-arian ng mga lungsod na ito. Pero nilipol nila nang lubusan ang mga naninirahan dito, at walang naiwang buhay. 15 Iyon ang iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin at ito rin ang iniutos ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

16 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kabundukan, ang buong lupain ng Negev, ang buong lupain ng Goshen, ang mga kaburulan sa kanluran, ang Lambak ng Jordan, ang mga kabundukan at kaburulan ng Israel. 17 Ang teritoryo na sinakop niya ay mula sa Bundok ng Halak na paahon sa Seir hanggang sa Baal Gad sa Lambak ng Lebanon sa ibaba ng Bundok ng Hermon. Dinakip at pinatay niya ang mga hari ng mga lugar na ito 18 sa mahabang panahon ng pakikipaglaban nila. 19 Walang nakikipagkasundo sa mga Israelita para sa kapayapaan maliban lang sa mga Hiveo na nakatira sa Gibeon. Ang lahat ng hindi nakipagkasundo ay nilipol sa labanan. 20 Sapagkat pinatigas ng Panginoon ang puso nila para makipaglaban sila sa mga Israelita. Kaya nga lubusan silang nilipol nang walang awa, ayon sa inutos ng Panginoon kay Moises.

21 Nang panahong iyon, nilusob ni Josue ang mga lahi ni Anak na nakatira sa mga kabundukan ng Hebron, Debir, Anab, at sa lahat ng kabundukan ng Juda at Israel. Nilipol sila nang lubusan ni Josue pati na ang kanilang mga bayan. 22 Wala nang natirang kalahi si Anak sa teritoryo ng mga Israelita, pero may natira pa sa kanila sa Gaza, Gat at sa Ashdod.

23 Kaya sinakop ni Josue ang buong lupain, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ibinigay ng Panginoon ang lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila, at hinati nila ito ayon sa bawat lahi nila.

At nahinto na ang labanan sa buong lupain.

Ang mga Hari na Natalo sa Silangan ng Jordan

12 1-2 Sinakop na ng mga Israelita ang mga lupain sa silangan ng Ilog Jordan, mula sa Lambak ng Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon, kasama na rito ang lupain sa silangan ng Lambak ng Jordan.[q] Ito ang mga hari sa mga lugar na natalo ng mga Israelita:

Si Sihon na Amoreo na nakatira sa Heshbon. Sakop ng kaharian niya ang kalahati ng Gilead. Ito ay mula sa Aroer sa tabi ng Lambak ng Arnon, at mula sa gitna nito hanggang sa Lambak ng Jabok, na siyang hangganan ng lupain ng mga Ammonita. Sakop din niya ang silangan ng Lambak ng Jordan, mula sa Lawa ng Galilea hanggang sa Bet Jeshimot, sa silangan ng Dagat na Patay[r] at hanggang sa timog sa ibaba ng libis ng Pisga.

Ang ikalawa ay si Haring Og ng Bashan. Isa siya sa mga naiwan na Refaimeo. Nakatira siya sa Ashtarot at sa Edrei. Ang sakop ng kaharian niya ay ang Bundok ng Hermon, Saleca, ang buong Bashan hanggang sa hangganan ng Geshur at Maaca, at ang kalahati ng Gilead, hanggang sa hangganan ng Heshbon, na ang hari ay si Sihon. Tinalo sila ni Moises, na lingkod ng Panginoon, at ng mga Israelita. Ibinigay ni Moises ang lupain ng mga ito sa lahi ni Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase bilang mana nila.

Ang mga Hari na Natalo sa Kanluran ng Jordan

7-8 Sinakop din ni Josue at ng mga Israelita ang mga lupain sa kanluran ng Jordan, mula sa Baal Gad sa Lambak ng Lebanon hanggang sa Bundok ng Halak na paahon sa Seir. Ibinigay ni Josue ang mga lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila. Hinati niya ito ayon sa bawat lahi nila. Ang mga lupaing ito ay ang mga kabundukan, mga kaburulan sa kanluran,[s] ang Lambak ng Jordan, ang mga libis, ang disyerto sa timog, at ang Negev. Tinirhan ito dati ng mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo, at mga Jebuseo. Ito ang mga hari ng mga lugar na iyon na tinalo ni Josue at ng mga Israelita:

ang hari ng Jerico

ang hari ng Ai (malapit sa Betel)

10 ang hari ng Jerusalem

ang hari ng Hebron

11 ang hari ng Jarmut

ang hari ng Lakish

12 ang hari ng Eglon

ang hari ng Gezer

13 ang hari ng Debir

ang hari ng Geder,

14 ang hari ng Horma

ang hari ng Arad

15 ang hari ng Libna

ang hari ng Adulam

16 ang hari ng Makeda

ang hari ng Betel

17 ang hari ng Tapua

ang hari ng Hefer

18 ang hari ng Afek

ang hari ng Lasharon

19 ang hari ng Madon

ang hari ng Hazor

20 ang hari ng Shimron Meron

ang hari ng Acshaf

21 ang hari ng Taanac

ang hari ng Megido

22 ang hari ng Kedesh

ang hari ng Jokneam (sa Carmel)

23 ang hari ng Dor (sa Nafat Dor)

ang hari ng Goyim (sa Gilgal)

24 ang hari ng Tirza.

Ang mga haring ito ay 31 lahat.

Ang Lupaing Sasakupin

13 Napakatanda na ni Josue. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Matanda ka na at marami pang lupain ang kailangang sakupin. Ito pa ang mga naiwan: ang lahat ng lupain ng mga Filisteo at Geshureo na bahagi ng teritoryo ng mga Cananeo. Ito ay mula sa ilog ng Shihor sa silangan ng Egipto, hanggang sa hilagang hangganan ng Ekron kasama ang limang bayan ng mga Filisteo: Gaza, Ashdod, Ashkelon, Gat at Ekron, at ang lupain ng mga Aveo sa timog; ang lahat ng lupain ng mga Cananeo mula sa Meara, na dating nasasakupan ng mga Sidoneo, hanggang sa Afek na nasa hangganan ng lupain ng mga Amoreo; ang lupain ng mga Gebaleo, at ang buong Lebanon sa silangan, mula sa Baal Gad sa ibaba ng Bundok ng Hermon hanggang sa Lebo Hamat; at pati ang mga kabundukan mula sa Lebanon hanggang sa Misrefot Maim, na bahagi ng nasasakupan ng mga Sidoneo.

“Sa paglusob ninyo, ako mismo ang magtataboy sa mga nakatira sa mga lugar na ito. Tiyakin mong mahahati-hati ang mga lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila, ayon sa iniutos ko sa iyo. Isama mo ito sa paghahatiang lupain ng siyam na lahi at sa kalahating lahi ni Manase.”

Ang lahi ni Reuben, Gad at ang kalahating lahi ni Manase ay binigyan na ni Moises na lingkod ng Dios ng bahagi nila sa silangan ng Jordan. Ang lupa nila ay mula sa Aroer sa tabi ng Lambak ng Arnon (kasama na ang bayan sa gitna nito) papunta sa buong talampas ng Medeba hanggang sa Dibon. 10 Umabot ito sa lahat ng bayan na pinamahalaan ni Sihon na Amoreo na naghari sa Heshbon, hanggang sa hangganan ng mga Ammonita. 11 Nakasama rin ang Gilead at ang mga lupaing tinirhan ng mga Geshureo at mga Maacateo at ang buong lugar na tinatawag na Bundok ng Hermon, at ang buong Bashan hanggang Saleca. 12 Nakasama rin ang kaharian ni Og na naghari sa Ashtarot at sa Edrei. Si Og ay isa sa mga naiwang Refaimeo. Silaʼy tinalo ni Moises at itinaboy sa kanilang mga lupain. 13 Pero hindi naitaboy[t] ng mga Israelita ang mga Geshureo at mga Maacateo, kaya nakatira pa rin sila kasama ng mga Israelita hanggang ngayon.

14 Hindi binigyan ni Moises ang lahi ni Levi ng lupain bilang mana. Ang matatanggap nila ay ang bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy[u] na para sa Panginoon, ang Dios ng Israel, ayon sa sinabi niya kay Moises.

15 Ito ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa lahi ni Reuben, na hinati ayon sa bawat pamilya: 16 Ang nasasakupan nila ay mula sa Aroer na nasa tabi ng Lambak ng Arnon (kasama na ang bayan sa gitna nito) hanggang sa buong talampas ng Medeba. 17 Nakasama rin ang Heshbon at ang lahat ng bayan nito sa talampas: ang Dibon, Bamot Baal, Bet Baal Meon, 18 Jahaz, Kedemot, Mefaat, 19 Kiriataim, Sibma, Zeret Shahar (na nasa burol sa gitna ng lambak), 20 Bet Peor, ang libis ng Pisga, Bet Jeshimot, 21 at ang lahat ng bayan sa buong talampas at ang lahat ng lugar na sakop ng hari ng Amoreo na si Haring Sihon ng Heshbon. Tinalo siya ni Moises pati ang mga pinuno ng Midian na sina Evi, Rekem, Zur, Hur at Reba. Lahat sila ay naghari sa mga lupain nila sa ilalim ng pamamahala ni Haring Sihon. 22 Kasama sa mga pinatay ng mga Israelita si Balaam na manghuhula na anak ni Beor. 23 Ang Ilog ng Jordan ay ang hangganan ng lahi ni Reuben. Ito nga ang mga bayan at baryo na ibinigay sa lahi ni Reuben na hinati sa bawat sambahayan. 24 Ito naman ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa lahi ni Gad, na hinati ayon sa bawat sambahayan: 25 Ang Jazer at ang lahat ng bayan ng Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga Ammonita hanggang sa Aroer malapit sa Rabba. 26 Nakasama rin ang mga lupain mula sa Heshbon hanggang sa Ramat Mizpa at Betomin, at mula sa Mahanaim hanggang sa hangganan ng Lo Debar. 27 Ang lupaing natanggap nila sa Lambak ng Jordan[v] ay ang Bet Haram, Bet Nimra, Sucot, Zafon at ang nalalabi sa kaharian ni Haring Sihon ng Heshbon. Ang hangganan sa kanluran ay ang Ilog ng Jordan hanggang sa Lawa ng Galilea. 28 Ito ang mga bayan at baryo na ibinigay sa lahi ni Gad na hinati ayon sa bawat sambahayan.

29 Ito naman ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa kalahating lahi ni Manase, na hinati ayon sa bawat sambahayan: 30 Mula sa Mahanaim hanggang sa buong Bashan, ang buong kaharian ni Haring Og ng Bashan at ang 60 bayan ng Jair na sakop ng Bashan. 31 Nakasama rin ang kalahati ng Gilead, at ang Ashtarot at Edrei, ang mga lungsod sa Bashan kung saan naghari si Og. Ito ang lupain na ibinigay sa kalahating angkan ni Makir na anak ni Manase, ayon sa bawat pamilya.

32 Ito ang ginawang paghahati-hati ni Moises sa mga lupain sa silangan ng Jerico at Jordan nang nandoon siya sa kapatagan ng Moab. 33 Pero sa lahi ni Levi, hindi niya sila binigyan ng lupain bilang mana dahil ang mamanahin nila ay ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ayon sa ipinangako sa kanila.

Ang Pagkakahati-hati ng Lupain sa Kanluran ng Jordan

14 Ito ang pagkakahati ng iba pang mga lupain ng Canaan sa mga Israelita. Hinati-hati ito nila Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun, at ng mga pinuno ng mga sambahayan ng bawat lahi ng Israel. Ayon sa utos ng Panginoon kay Moises, ang mga lupain ng siyam at kalahati na mga lahi ay pinaghahati-hati sa kanila sa pamamagitan ng palabunutan. 3-4 Ibinigay na ni Moises sa dalawaʼt kalahating lahi ang bahagi nila sa silangan ng Jordan. (Ang lahi ni Jose ay hinati sa dalawa, ang lahi ni Manase at ang lahi ni Efraim.) Hindi binigyan ng lupain ang mga Levita, pero binigyan sila ng mga bayan na titirhan nila at mga bukirin para sa mga hayop nila. Ganito ang paghahati ng mga lupain sa mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon kay Moises.

Ibinigay kay Caleb ang Hebron

Isang araw pumunta kay Josue sa Gilgal ang ilang mga tao mula sa lahi ni Juda. Ang isa sa kanila ay si Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo. Sinabi niya kay Josue, “Naaalala mo pa ba ang sinabi ng Panginoon kay Moises na lingkod ng Dios tungkol sa ating dalawa nang naroon tayo sa Kadesh Barnea? Akoʼy 40 taong gulang pa lang noon nang inutusan ako ni Moises mula sa Kadesh Barnea para mag-espiya sa lupaing iyon, at ipinagtapat ko sa kanya ang lahat ng nalaman ko. Ngunit tinakot ng mga kasama ko ang mga kababayan natin. Pero ako, matapat kong sinunod ang Panginoon kong Dios. Kaya nang araw na iyon, nangako si Moises sa akin. Sinabi niya, ‘Dahil matapat ka sa pagsunod sa Panginoon kong Dios, magiging iyo at sa mga angkan mo ang lupaing pinuntahan mo para mag-espiya.’

10 “Nakalipas na ang 45 taon nang sabihin iyon ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. Naglalakbay pa noon ang mga Israelita sa ilang. Buhay pa ako hanggang ngayon at 85 taong gulang na ako, 11 pero ang lakas ko ay gaya pa rin noong panahon na inutusan ako ni Moises. Kayang-kaya ko pang makipaglaban gaya nang dati. 12 Kaya ibigay mo na sa akin ang kabundukan na ipinangako sa akin noon ng Panginoon. Ikaw mismo ang nakarinig noon, na nakatira roon ang mga lahi ni Anak at matitibay ang mga lungsod nila na may mga pader. Pero sa tulong ng Panginoon, maitataboy ko sila sa lupaing iyon ayon sa pangako niya sa akin.”

13 Binasbasan ni Josue si Caleb na anak ni Jefune, at ibinigay sa kanya ang Hebron bilang mana niya. 14 Hanggang ngayon, ang Hebron ay pagmamay-ari ng mga angkan ni Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo dahil matapat na sinunod ni Caleb ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 15 Kiriat Arba ang pangalan noon ng Hebron bilang alaala kay Arba, ang pinakatanyag sa mga lahi ni Anak.

At nahinto na ang labanan sa lupain ng mga Israelita.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®