Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Josue 15:1 - Hukom 3:27

Ang mga Lupain na Ibinigay kay Juda

15 Ito ang mga lupaing natanggap ng lahi ni Juda, na hinati ayon sa bawat sambahayan: Ang lupain ay umaabot sa hangganan ng Edom sa timog, sa dulo ng ilang ng Zin. Ang kanilang hangganan sa timog ay nagsisimula sa baybayin ng katimugang bahagi ng Dagat na Patay[a] papunta sa timog ng Daang Paahon ng Akrabim hanggang sa ilang ng Zin papunta sa timog ng Kadesh Barnea, at lumampas sa Hezron paakyat sa Adar at paliko papunta sa Karka, papunta sa Azmon, sa Lambak ng Egipto at sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang hangganan ng Juda sa timog. Ang hangganan sa silangan ay ang Dagat na Patay hanggang sa labasan ng tubig ng Ilog ng Jordan.

Ang hangganan sa hilaga ay nagmula roon sa labasan ng tubig ng Ilog ng Jordan, paakyat sa Bet Hogla, at papunta sa hilaga ng Bet Araba hanggang sa Bato ni Bohan. (Si Bohan ay anak ni Reuben.) Mula rito, papunta sa Lambak ng Acor[b] hanggang sa Debir, at paliko sa hilaga papunta sa Gilgal na nakaharap sa Daang Paahon ng Adumim sa katimugang bahagi ng daluyan ng tubig. At umaabot ito papunta sa mga bukal ng En Shemesh at palabas ng En Rogel. Mula roon papunta sa Lambak ng Ben Hinom hanggang sa katimugang libis ng lungsod ng mga Jebuseo. (Ito ay ang Jerusalem.) Mula roon, paahon sa tuktok ng bundok sa kanluran ng Lambak ng Ben Hinom sa dulo ng hilagang bahagi ng Lambak ng Refaim. At mula roon, papunta sa Bukal ng Neftoa, palabas sa mga bayan na malapit sa Bundok ng Efron. Mula roon, pababa sa Baala (na siyang Kiriat Jearim), 10 lumiko sa bandang kanluran ng Baala papunta sa Bundok ng Seir. Pagkatapos, papunta ito sa hilagang bahagi ng libis ng Bundok ng Jearim (na siyang Kesalon), papunta sa Bet Shemesh at dumadaan sa Timnah. 11 Mula roon, nagpatuloy ito sa hilagang bahagi ng libis ng Ekron at paliko papunta sa Shikeron, at dumaraan sa Bundok ng Baala hanggang sa Jabneel. Ang hangganan nito ay ang Dagat ng Mediteraneo, 12 at ito rin ang hangganan sa kanluran. Iyon ang mga hangganan sa paligid ng lupaing hinati sa mga sambahayan ng lahi ni Juda.

Ang Lupaing Ibinigay kay Caleb(A)

13 Inutos ng Panginoon kay Josue na ibigay niya ang isang bahagi ng lupain ng lahi ni Juda kay Caleb na anak ni Jefune. Ang lupaing ito ay ang Kiriat Arba, na siyang Hebron. (Si Arba ang ama ni Anak.) 14 Pinalayas ni Caleb sa lupaing iyon ang tatlong lahi ni Anak: ang mga sambahayan nina Sheshai, Ahiman at Talmai. 15 Mula roon nilusob niya ang mga nakatira sa Debir (na noon ay tinatawag na Kiriat Sefer). 16 Sinabi ni Caleb, “Ibibigay ko bilang asawa ang anak kong si Acsa sa lalaking makakaagaw ng Kiriat Sefer.” 17 Si Otniel na anak ni Kenaz na kapatid ni Caleb ang nakaagaw ng lungsod. Kaya sa kanya ibinigay ni Caleb ang anak niyang si Acsa para maging asawa. 18 Nang ikinasal na sila, hinikayat ni Acsa ang asawa niya na humingi sila ng dagdag na lupain sa ama nito. Pagkatapos, pumunta si Acsa kay Caleb, at nang makababa na siya sa kanyang asno, tinanong siya ni Caleb kung ano ang kailangan niya. 19 Sumagot si Acsa, “Hihingi po sana ako ng pabor sa inyo, gusto ko po sanang bigyan nʼyo ako ng lupaing may mga bukal dahil ang lupaing ibinigay nʼyo sa akin sa Negev ay walang bukal.” Kaya ibinigay sa kanya ni Caleb ang lugar na may mga bukal sa itaas at sa ibaba ng Negev.

Ang mga Lungsod ng Juda

20 Ito ang mga lungsod na natanggap ng lahi ni Juda na hinati ayon sa bawat sambahayan:

21 Ang mga bayan sa timog, sa pinakadulo ng Negev malapit sa hangganan ng Edom: Kabzeel, Eder, Jagur, 22 Kina, Dimona, Adada, 23 Kedesh, Hazor, Itnan, 24 Zif, Telem, Bealot, 25 Hazor Hadata, Keriot Hezron (na siyang Hazor), 26 Amam, Shema, Molada, 27 Hazar Gada, Heshmon, Bet Pelet, 28 Hazar Shual, Beersheba, Biziotia, 29 Baala, Iim, Ezem, 30 Eltolad, Kesil, Horma, 31 Ziklag, Madmana, Sansana, 32 Lebaot, Shilhim, Ayin at Rimon – 29 na bayan lahat, kasama ang mga bayan at mga baryo sa paligid nito.

33 Ang mga bayan sa kaburulan sa kanluran[c]: Estaol, Zora, Ashna, 34 Zanoa, En Ganim, Tapua, Enam, 35 Jarmut, Adulam, Soco, Azeka, 36 Shaaraim, Aditaim, Gedera (o Gederotaim) – 14 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

37 Kasama rin ang Zenan, Hadasha, Migdal Gad, 38 Dilean, Mizpa, Jokteel, 39 Lakish, Bozkat, Eglon, 40 Cabon, Lamas, Kitlis, 41 Gederot, Bet Dagon, Naama at Makeda – 16 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

42 Kasama pa ang Libna, Eter, Ashan, 43 Ifta, Ashna, Nezib, 44 Keila, Aczib at Maresha – 9 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

45 Ganoon din ang Ekron at ang mga bayan at baryo sa paligid nito, 46 at ang lahat ng bayan at mga baryo na malapit sa Ashdod mula sa Ekron papunta sa Dagat ng Mediteraneo. 47 Ang Ashdod at Gaza, kasama ang mga bayan nito at mga baryo hanggang sa Lambak ng Egipto at sa baybayin ng Dagat ng Mediteraneo.

48 Ang mga bayan sa kabundukan: Shamir, Jatir, Soco, 49 Dana, Kiriat Sana (na siyang Debir), 50 Anab, Estemo, Anim, 51 Goshen, Holon at Gilo – 11 bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

52 Ganoon din ang Arab, Duma, Eshan, 53 Janim, Bet Tapua, Afek, 54 Humta, Kiriat Arba (na siyang Hebron) at Zior – 9 bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

55 Kabilang din ang Maon, Carmel, Zif, Juta, 56 Jezreel, Jokdeam, Zanoa 57 Kain, Gibea at Timnah – 10 bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

58 Ganoon din ang Halhul, Bet Zur at Gedor, 59 Maarat, Bet Anot at Eltekon – 6 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito. 60 Ang Kiriat Baal (na siyang Kiriat Jearim) at ang Rabba – 2 bayan, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

61 Ang mga bayan sa ilang: Bet Araba, Midin, Secaca, 62 Nibshan, ang bayan ng Asin at ang En Gedi – 6 na bayan, kasama ang mga baryo sa paligid nito.

63 Pero hindi mapaalis ng lahi ng Juda ang mga Jebuseo na nakatira sa Jerusalem. Kaya hanggang ngayon doon pa sila nakatira kasama ng mga mamamayan ng Juda.

Ang mga Lupain na Ibinigay sa mga Lahi nina Efraim at Manase

16 Ang lupain na ibinigay sa mga lahi ni Jose ay nagsimula sa Ilog ng Jordan malapit sa Jerico, sa silangan ng mga bukal ng Jerico, papunta sa ilang at sa kabundukan hanggang sa Betel. Mula sa Betel (na siyang Luz),[d] dumaraan ito sa Atarot na kung saan nakatira ang mga Arkeo at pababa sa kanluran papunta sa lugar ng mga Jafleteo, hanggang sa hangganan ng mababang Bet Horon. At nagpatuloy ito sa Gezer hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang bahaging natanggap ng mga lahi nina Manase at Efraim na mga anak ni Jose.

Ito ang nasasakupan ng lahi ni Efraim na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan: Ang hangganan nito sa silangan ay nagsisimula sa Atarot Adar papunta sa mataas na Bet Horon hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. Ang hangganan nito sa hilaga ay nagsisimula sa Micmetat, at paliko pasilangan sa Taanat Shilo, at dumaraan sa silangan ng Janoa. At mula sa Janoa ay pababa ito sa Atarot at Naara, at dumaraan sa Jerico papunta sa Ilog ng Jordan. Mula sa Tapua, ang hangganan ay papunta sa kanluran at dumaraan sa Lambak ng Kana, hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang lupain na ibinigay sa lahi ni Efraim na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan. Kasama nito ang mga bayan at baryo na sakop sa lupain ni Manase. 10 Hindi nila pinalayas ang mga Cananeo na nakatira sa Gezer; kaya may mga Cananeo na nakatira kasama ng mga taga-Efraim hanggang ngayon, pero ginawa silang mga alipin.

Ang Lupain ng Kalahating Lahi ni Manase

17 May ibinigay din na mga lupain para sa kalahating lahi ni Manase, na panganay na anak ni Jose. Ang Gilead at ang Bashan sa silangan ng Ilog ng Jordan ay ibinigay kay Makir dahil mabuti siyang sundalo. (Si Makir ang panganay ni Manase at ang ama ni Gilead.) Ang lupain sa kanluran ng Jordan ay ibinigay sa ibang mga lahi ni Manase: ang mga sambahayan nina Abiezer, Helek, Asriel, Shekem, Hefer at Shemida. Sila ang mga lalaking anak ni Manase, at mga pinuno ng kani-kanilang angkan.

Ngayon, may isang tao na ang pangalan ay si Zelofehad. Anak siya ni Hefer at apo ni Gilead. Si Gilead ay anak ni Makir, at si Makir ay anak ni Manase. Si Zelofehad ay walang anak na lalaki kundi mga babae lang. Silaʼy sina Mahlah, Noe, Hogla, Milka at Tirza. Pumunta sila kina Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno, at sinabi, “Nag-utos po ang Panginoon kay Moises na bigyan kami ng lupain gaya po ng mga kamag-anak naming lalaki.” Kaya binigyan sila ng bahagi nila ayon sa iniutos ng Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit ang lahi ni Manase ay nakatanggap ng sampung bahagi ng lupain, hindi kasama ang Gilead at Bashan sa silangan ng Jordan, dahil binigyan din ng bahagi ang mga kalahing babae kagaya ng mga kalahi niyang lalaki. Ang Gilead ay ibinigay sa iba pang lahi ni Manase.

Ang hangganan ng lupain ng lahi ni Manase ay nagmula sa Asher hanggang sa Micmetat, sa silangan ng Shekem papuntang timog sa lupain ng mga nakatira malapit sa bukal ng Tapua.[e] (Ang mga lupain sa paligid ng Tapua ay pagmamay-ari ng lahi ni Manase, pero ang Tapua, na nasa hangganan ng lupain ni Manase ay pagmamay-ari ng lahi ni Efraim.) Tumuloy ito sa hangganan na papunta sa Lambak ng Kana. Sa timog ng lambak na ito ay may mga bayan na pagmamay-ari ng lahi ni Efraim, kahit na kasama ito sa mga bayan ng lahi ni Manase. Ang hangganan ng lahi ni Manase ay patuloy sa hilaga ng lambak hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. 10 Ang lupain sa timog ng ilog ay pagmamay-ari ng lahi ni Efraim at ang lupain sa hilaga ng ilog ay pagmamay-ari ng lahi ni Manase. Ang hangganan ng lupain ng lahi ni Manase sa kanluran ay ang Dagat ng Mediteraneo. Ang nasa hilaga ng lahi ni Manase ay ng lahi ni Asher, at ang nasa silangan ay ng lahi ni Isacar. 11 Ito ang mga bayan sa lupain ng lahi nina Isacar at Asher na ibinigay sa lahi ni Manase: ang Bet Shan, Ibleam, Dor (na tinatawag ding Nafat Dor), Endor, Taanac, Megido at ang mga bayan sa paligid nito. 12 Pero hindi naangkin ng mga lahi ni Manase ang mga bayan na ito dahil hindi nila mapaalis ang mga Cananeo roon. 13 Ngunit nang matatag na ang mga Israelita, inalipin nila ang mga Cananeo, pero hindi nila itinaboy nang lubusan ang mga ito.

14 Sinabi ng mga lahi ni Jose kay Josue, “Bakit isang bahagi lang ng lupain ang ibinigay mo sa amin? Napakarami namin dahil pinagpala talaga kami ng Panginoon.”

15 Sumagot si Josue, “Kung talagang marami kayo at maliit para sa inyo ang mga kabundukan ng Efraim, pumunta kayo sa mga kagubatan ng mga Perezeo at Refaimeo. Linisin nʼyo ang lugar na iyon para sa sarili ninyo.”

16 Sinabi ng mga lahi ni Jose, “Ang mga kabundukan ay maliit para sa amin. At hindi namin kaya ang mga Cananeo sa kapatagan dahil may mga karwahe silang bakal. At ganoon din ang mga Cananeo sa Bet Shan at sa mga bayan sa paligid nito at sa Lambak ng Jezreel.”

17 Sumagot si Josue, “Dahil napakarami nʼyo at makapangyarihan, hindi lang isa ang bahagi nʼyo, 18 magiging inyo rin ang mga kagubatan ng kabundukan. Kahit magubat ito, linisin na lang ninyo, dahil magiging inyo ito mula sa unahan hanggang sa dulo. At tiyak na maitataboy nʼyo ang mga Cananeo kahit makapangyarihan pa sila at may mga karwaheng bakal.”

Ang Pagkakahati-hati ng Iba pang Lupain

18 Nang matapos nilang sakupin ang lupain, nagtipon ang buong mamamayan ng Israelita sa Shilo, at nagtayo ng Toldang Tipanan. May pito pang lahi ng mga Israelita na hindi pa napapartihan ng lupa. Kaya sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Kailan nʼyo pa ba sasakupin ang natirang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng mga ninuno nʼyo? Pumili kayo ng tatlong tao sa bawat lahi. Papupuntahin ko sila para suriin ang natirang lupain. Pagkatapos, babalik sila sa akin na may dalang mapa na ginawa nila na nagpapakita kung papaano hahatiin ang lupaing iyon. Dapat hatiin ang lupain sa pitong bahagi, hindi kasali ang lupain ng lahi ni Juda sa timog at ang lupain ng lahi ni Jose sa hilaga. Pagkatapos madala ang mapa sa akin, magpapalabunutan agad ako sa presensya ng Panginoon na ating Dios, kung kaninong lahi mapupunta ang bawat bahagi ng lupain. Pero ang mga Levita ay hindi papartihan ng lupa, dahil ang bahagi nila ay ang paglilingkod sa Panginoon bilang mga pari. Ang mga lahi nina Gad, Reuben, at ang kalahating lahi ni Manase ay nakatanggap na ng mga bahagi nilang lupain sa silangan ng Jordan, na ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon.”

Nang papaalis na ang mga napiling tao, sinabi ni Josue sa kanila, “Suriin nʼyo ang buong lupain at gawan nʼyo ito ng mapa. Pagkatapos, bumalik kayo rito sa akin sa Shilo, dahil magpapalabunutan agad ako sa presensya ng Panginoon kung kaninong lahi mapupunta ang bawat bahagi ng lupain.” Kaya lumakad ang mga tao para suriin ang buong lupain. Pagkatapos, ginawan nila ito ng mapa, na ang lupaʼy nahati sa pitong bahagi, at inilista nila ang mga bayan at baryo na sakop ng bawat bahagi. Pagkatapos, bumalik sila kay Josue sa Shilo. 10 At pagkatapos magpalabunutan sa presensya ng Panginoon, binigyan ni Josue ng bahagi ang mga lahi ng Israel na walang lupain.

Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Benjamin

11 Ang unang bahagi ng lupain ay napunta sa lahi ni Benjamin. Nasa pagitan ito ng mga lupaing ibinigay noon sa lahi ni Juda at sa mga lahi ni Jose. 12 Ang hangganan nito sa hilaga ay nagsisimula sa Ilog ng Jordan papunta sa hilagang libis ng Jerico. Pagkatapos, paahon ito sa kanluran sa mga kabundukan hanggang sa disyerto ng Bet Aven. 13 Mula roon, papunta ito sa libis na nasa bandang timog ng Luz (na siyang Betel). Pagkatapos, pababa ito sa Atarot Adar, sa bundok sa timog ng Mababang Bet Horon. 14 Mula roon, papunta ito sa kanluran ng bundok na nakaharap sa Bet Horon at papunta sa timog. Nagtapos ito sa Kiriat Baal (na siyang Kiriat Jearim), isang bayan ng lahi ni Juda. Ito ang hangganan sa kanluran.

15 Ang hangganan sa timog ay magmumula sa hangganan ng Kiriat Jearim. Mula roon, papunta ito sa kanluran sa mga bukal ng Neftoa. 16 Pababa ito sa paanan ng bundok na nakaharap sa Lambak ng Ben Hinom. Ang lambak na ito ay nasa hilaga ng Lambak ng Refaim. Mula roon, papunta ito sa Lambak ng Hinom, sa timog na ng lungsod ng mga Jebuseo, pababa sa En Rogel. 17 Paliko agad ito pahilaga papuntang En Shemesh, hanggang sa Gelilot na nakaharap sa Daang Paahon ng Adumim. Pagkatapos, pababa ito sa Bato ni Bohan na anak ni Reuben 18 at dumaraan sa hilagang libis na nakaharap sa Lambak ng Jordan[f] pababa sa Lambak mismo. 19 Pagkatapos, papunta ito sa hilagang libis ng Bet Hogla, at nagtapos ito sa hilagang daanan ng tubig ng Dagat na Patay, na siyang hangganan ng Ilog ng Jordan sa timog. Ito ang hangganan sa timog. 20 Ang Ilog ng Jordan ay ang hangganan sa silangan.

Iyon ang mga hangganan ng lupaing natanggap ng lahi ni Benjamin ayon sa bawat sambahayan.

Ang mga Lungsod na Natanggap ng Lahi ni Benjamin

21 Ito ang mga lungsod na ibinigay sa lahi ni Benjamin na hinati ayon sa bawat sambahayan:

Jerico, Bet Hogla, Emek Keziz, 22 Bet Araba, Zemaraim, Betel, 23 Avim, Para, Ofra, 24 Kefar Ammoni, Ofni at Geba – 12 bayan kasama ang mga baryo nito. 25 Dagdag pa rito ay ang Gibeon, Rama, Beerot, 26 Mizpa, Kefira, Moza, 27 Rekem, Irpeel, Tarala, 28 Zela, Haelef, Jebus (na siyang Jerusalem), Gibea at Kiriat Jearim[g] – 14 na bayan, kasama ang mga baryo nito.

Ito ang natanggap ng lahi ni Benjamin na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan.

Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Simeon

19 Ang ikalawang pinartihan ng lupa ay ang sambahayan ng lahi ni Simeon. Ang lupain nila ay nasa gitna ng lupaing ibinigay sa lahi ni Juda. Kasama rito ang Beersheba (o Sheba),[h] Molada, Hazar Shual, Bala, Ezem, Eltolad, Betul, Horma, Ziklag, Bet Marcabot, Hazar Susa, Bet Lebaot at Sharuhen – 13 bayan kasama ang mga baryo sa paligid nito. Dagdag pa rito ang Ayin, Rimon, Eter at Ashan – 4 na bayan, kasama ang lahat ng mga baryo sa paligid nito, hanggang sa Baalat Beer (na siyang Rama) sa Negev.

Ito ang lupaing natanggap ng lahi ni Simeon na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan. Ang ibang bahagi ng lupang ito ay galing sa parte ng lahi ni Juda dahil ang ibinigay sa kanila ay sobrang maluwang para sa kanila. Kaya natanggap ng lahi ni Simeon ang kanilang lupain sa gitna ng lupain ng lahi ni Juda.

Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Zebulun.

10 Ang ikatlong pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Zebulun.

Ang hangganan ng lupain nila ay nagsimula sa Sarid. 11 Mula roon, papunta ito sa kanluran: sa Marala, sa Dabeshet, at patuloy sa daluyan ng tubig sa silangan ng Jokneam. 12 Mula sa kabilang bahagi ng Sarid, papunta ito sa silangan sa hangganan ng Kislot Tabor, at patuloy sa Daberat hanggang Jafia. 13 Mula roon, papunta ito sa silangan sa Gat Hefer, sa Et Kazin, sa Rimon at paliko papuntang Nea. 14 Ang hangganan ng Zebulun sa hilaga ay dumaraan sa Hanaton at nagtatapos sa Lambak ng Ifta El: 15 Lahat ay 12 bayan, kasama ang mga baryo sa paligid nito. Kasama rin ang mga bayan ng Katat, Nahalal, Shimron, Idala at Betlehem. 16 Ito ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Zebulun na hinati ayon sa bawat sambahayan.

Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Isacar

17 Ang ikaapat na pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Isacar. 18 Ito ang mga lungsod na sakop nila: Jezreel, Kesulot, Shunem, 19 Hafaraim, Shion, Anaharat, 20 Rabit, Kishion, Ebez, 21 Remet, En Ganim, En Hada at Bet Pazez. 22 Ang hangganan ng lupain ay umaabot sa Tabor, Shahazuma at sa Bet Shemesh at nagtatapos sa Ilog ng Jordan – 16 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito. 23 Ito ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Isacar na hinati ayon sa bawat sambahayan.

Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Asher

24 Ang ikalimang pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Asher. 25 Ito ang mga bayan na sakop nila:

Helkat, Hali, Beten, Acshaf, 26 Alamelec, Amad at Mishal. Ang hangganan nitong lupain sa kanluran ay umaabot sa Carmel at Shihor Libnat, 27 paliko ito pasilangan papuntang Bet Dagon at umaabot sa Zebulun at sa Lambak ng Ifta El. Pagkatapos, papunta ito sa hilaga papuntang Bet Emek at Niel. Papunta pa ito sa hilaga hanggang Cabul, 28 Ebron,[i] Rehob, Hammon, Kana at hanggang sa Malaking Sidon. 29 Pagkatapos, liliko ito patungong Rama at sa napapaderang bayan ng Tyre, at papuntang Hosa, at nagtatapos sa Dagat ng Mediteraneo. Ang iba pang mga bayan na sakop nila ay ang Mehebel, Aczib, 30 Uma, Afek at Rehob – 22 bayan lahat, kasama ang mga bayan sa paligid nito. 31 Ito ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Asher na hinati ayon sa bawat sambahayan.

Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Naftali

32 Ang ikaanim na pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Naftali.

33 Ang hangganan ng lupain nila ay nagsimula sa Helef at sa puno ng terebinto sa Zaananim papuntang Adami Nekeb at Jabneel hanggang sa Lakum, at nagtapos sa Ilog ng Jordan.

34 Mula roon, paliko ito sa kanluran papuntang Aznot Tabor, pagkatapos sa Hukok, hanggang sa hangganan ng Zebulun sa timog, sa hangganan ng Asher sa kanluran at sa Ilog ng Jordan[j] sa silangan. 35 Ang mga napapaderang lungsod na sakop ng lupaing ito ay ang: Zidim, Zer, Hamat, Rakat, Kineret, 36 Adama, Rama, Hazor, 37 Kedesh, Edrei, En Hazor, 38 Iron, Migdal El, Horem, Bet Anat at Bet Shemesh – 19 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito. 39 Iyon ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Naftali na hinati ayon sa bawat sambahayan.

Ang Lupaing Ibinigay sa Angkan ni Dan

40 Ang ikapitong pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Dan. 41 Ito ang mga bayan na sakop nila: Zora, Estaol, Ir Shemesh, 42 Shaalabin, Ayalon, Itla, 43 Elon, Timnah, Ekron, 44 Elteke, Gibeton, Baalat, 45 Jehud, Bene Berak, Gat Rimon, 46 Me Jarkon at Rakon, pati rin ang lupain na nakaharap sa Jopa. 47 Nahirapan ang mga lahi ni Dan sa pag-agaw ng lupain nila, kaya nilusob nila ang Leshem[k] at pinatay ang mga naninirahan dito. Naagaw nila ito at doon sila tumira. Pinalitan nila ang pangalan nito ng Dan ayon sa pangalan ng ninuno nilang si Dan.

48 Ito ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Dan na hinati ayon sa bawat sambahayan.

Ang Lupaing Ibinigay kay Josue

49 Pagkatapos hatiin ng mga Israelita ang lupain nila, binigyan nila si Josue na anak ni Nun ng bahagi niya. 50 Ayon sa iniutos ng Panginoon, ibinigay nila sa kanya ang bayan na hinihiling niya – ang Timnat Sera sa kabundukan ng Efraim. Ipinatayo niyang muli ang bayan at doon tumira. 51 Ang naghati-hati ng lupain ay sina Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun at ang mga pinuno ng bawat lahi ng Israel. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng palabunutan sa presensya ng Panginoon, sa pintuan ng Toldang Tipanan doon sa Shilo. Kaya natapos na ang paghahati ng lupain.

Ang mga Lungsod na Tanggulan(B)

20 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sabihin mo sa mga Israelita na pumili sila ng mga lungsod na tanggulan ayon sa sinabi ko noon sa inyo sa pamamagitan ni Moises. Ang taong nakapatay nang hindi sinasadya ay maaaring makakatakas roon at makapagtago mula sa mga taong gustong gumanti sa kanya. Maaari siyang magtago sa isa sa mga lungsod na ito. Haharap siya sa tagapamahala na naroon sa pintuan ng lungsod at magpapaliwanag tungkol sa nangyari. Pagkatapos, papapasukin siya at doon patitirahin. Kung hahabulin siya roon ng gustong gumanti sa kanya, hindi siya ibibigay ng mga naninirahan doon. Kakampihan nila siya dahil hindi niya sinadya ang pagpatay sa kanyang kapwa, at napatay niya ito hindi dahil sa kanyang galit. Mananatili siya sa lungsod na iyon hanggang madinig ang kaso niya sa harapan ng kapulungan at hanggang hindi pa namamatay ang punong pari na naglilingkod nang panahong iyon. Pagkatapos, makakauwi na siya sa kanila.”

Kaya pinili nila ang Kedesh sa Galilea sa kabundukan ng Naftali, ang Shekem sa kabundukan ng Efraim at ang Kiriat Arba (na siyang Hebron), sa kabundukan ng Juda. Sa silangan ng Ilog ng Jordan at ng Jerico, pinili nila ang Bezer sa disyerto sa talampas na sakop ng lahi ni Reuben, ang Ramot sa Gilead na sakop ng lahi ni Gad at ang Golan sa Bashan na sakop ng lahi ni Manase. Ito ang mga lungsod na tanggulan na pinili para sa mga Israelita at sa mga dayuhang naninirahang kasama nila. Ang sinumang makapatay nang hindi sinasadya ay maaaring tumakas papunta sa mga lungsod na ito para hindi siya mapatay ng mga gustong gumanti sa kanya habang hindi pa dinidinig ang kaso niya sa harapan ng kapulungan.

Ang mga Bayan para sa mga Levita

21 Ang mga pinuno ng mga Levita ay pumunta kina Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno ng bawat lahi ng Israel doon sa Shilo sa lupain ng Canaan. Sinabi nila, “Nag-utos ang Panginoon sa pamamagitan ni Moises na bigyan kami ng mga bayan na titirhan namin at mga pastulan para sa mga hayop namin.” Kaya ayon sa iniutos ng Panginoon, binigyan ang mga Levita ng mga bayan at mga pastulan mula sa mga lupain ng mga Israelita.

Ang unang nakatanggap ng lupain ay ang mga angkan ni Kohat. Ang mga Levita na mula sa angkan ni Aaron ay kabilang sa angkan ni Kohat. Nakatanggap sila ng 13 bayan na galing sa lupain ng mga lahi nina Juda, Simeon at Benjamin. Ang ibang mga angkan ni Kohat ay binigyan ng 10 bayan mula sa lupain ng mga lahi nina Efraim, Dan at ng kalahating lahi ni Manase.

Ang mga angkan ni Gershon ay binigyan ng 13 bayan mula sa lupain ng mga lahi nina Isacar, Asher, Naftali at ng kalahating lahi ni Manase sa Bashan.

Ang mga angkan ni Merari ay binigyan ng 12 bayan mula sa lupain ng mga lahi nina Reuben, Gad at Zebulun.

Kaya sa paraan ng palabunutan, binigyan ng mga Israelita ang mga Levita ng mga bayan at mga pastulan, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

9-10 Ito ang mga pangalan ng mga bayan na mula sa lupain ng mga lahi nina Simeon at Juda na ibinigay sa mga angkan ni Aaron. Sila ang mga angkan ni Kohat na mga Levita. Sila ang unang nabunot na bibigyan ng mga bayan. 11 Ibinigay sa kanila ang Kiriat Arba (na siyang Hebron), sa kabundukan ng Juda, kasama na ang mga pastulan sa paligid nito. (Si Arba ang ama[l] ni Anak). 12 Pero ang mga bukirin ng lungsod at ang mga baryo sa paligid nito ay ibinigay na kay Caleb na anak ni Jefune bilang bahagi niya. 13 Kaya ibinigay sa mga angkan ni Aaron ang Hebron na isa sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang taong nakapatay nang hindi sinasadya. Ibinigay din sa kanila ang Libna, 14 Jatir, Estemoa, 15 Holon, Debir, 16 Ayin, Juta at Bet Shemesh, kasama ang mga pastulan nila. Siyam na bayan lahat mula sa lupain ng mga lahi nina Simeon at Juda.

17-18 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Benjamin. Ito ay ang Gibeon, Geba, Anatot at Almon, kasama ang mga pastulan nito.

19 Ang natanggap ng mga pari na angkan ni Aaron ay 13 bayan lahat, kasama ang mga pastulan nito.

20-22 Ang ibang angkan ni Kohat na mga Levita ay nakatanggap ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Efraim. Ito ay ang Shekem (sa kabundukan ng Efraim na isa sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang tao na nakapatay nang hindi sinasadya), ang Gezer, Kibzaim at Bet Horon, kasama ang mga pastulan nito.

23-24 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Dan. Ito ay ang Elteke, Gibeton, Ayalon at Gat Rimon, kasama ang mga pastulan nito.

25-26 At mula naman sa lupain ng kalahating lahi ni Manase sa kanluran, natanggap nila ang dalawang bayan: ang Taanac at Gat Rimon, kasama ang mga pastulan ng nito. Ang natanggap ng ibang mga angkan ni Kohat ay 10 bayan lahat, kasama ang mga pastulan nito.

27 Ang mga angkan ni Gershon na mga Levita ay nakatanggap ng dalawang bayan mula sa lupain ng kalahating lahi ni Manase sa silangan. Ito ay ang Golan sa Bashan (na isa sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang taong nakapatay nang hindi sinasadya) at ang Be Eshtara, kasama ang mga pastulan nito. 28-29 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Isacar. Ito ay ang Kishion, Daberat, Jarmut, En Ganim, kasama ang mga pastulan nito. 30-31 At mula sa lupain ng lahi ni Asher, natanggap nila ang apat na bayan: ang Mishal, Abdon, Helkat at Rehob, kasama ang mga pastulan nito. 32-33 Binigyan pa sila ng tatlong bayan mula sa lupain ng lahi ni Naftali. Ito ay ang Kedesh sa Galilea (isa ito sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang taong nakapatay nang hindi sinasadya), ang Hamot Dor at ang Kartan kasama ang mga pastulan nito. Ang natanggap ng mga angkan ni Gershon ay 13 bayan lahat, kasama ang mga pastulan nito.

34-35 Ang mga natirang Levita – ang mga angkan ni Merari – ay nakatanggap ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Zebulun. Ito ay ang Jokneam, Karta, Dimna at Nahalal kasama ang mga pastulan nito. 36-37 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Reuben. Ito ay ang Bezer, Jahaz, Kedemot at Mefaat, kasama ang mga pastulan nito. 38-39 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Gad. Ito ay ang Ramot sa Gilead (na isa sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang taong nakapatay nang hindi sinasadya), ang Mahanaim, Heshbon at Jazer, kasama ang mga pastulan nito.

40 Ang natanggap ng mga angkan ni Merari na Levita ay 12 bayan lahat kasama ang mga pastulan nito.

41-42 Ang natanggap ng mga Levita na mula sa lupain na pagmamay-ari ng mga Israelita ay 48 bayan lahat, kasama ang kani-kanilang pastulan.

43 Kaya ibinigay ng Panginoon sa Israel ang lahat ng lupain na ipinangako niya sa mga ninuno nila. Sinakop nila ang mga ito at doon nanirahan. 44 Binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa mga kalaban nila sa paligid ayon sa ipinangako ng Panginoon sa mga ninuno nila. Hindi sila natalo ng mga kalaban nila dahil pinagtagumpay sila ng Panginoon sa lahat ng kalaban nila. 45 Tinupad ng Panginoon ang lahat ng ipinangako niya sa mga mamamayan ng Israel.

Bumalik sa Kanilang Lugar ang mga Lahi ng Israel sa Silangan

22 Tinipon ni Josue ang mga mamamayan ng lahi nina Reuben, Gad at ng kalahating lahi ni Manase. Sinabi ni Josue sa kanila, “Ginawa nʼyo ang lahat ng iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon at sinunod din ninyo ang lahat ng iniutos ko. Hanggang ngayon, hindi nʼyo pinapabayaan ang mga kapatid ninyong Israelita at tinupad nʼyong mabuti ang lahat ng iniutos sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. At ngayon, naangkin na ng mga kapatid ninyong Israelita ang kapahingahan na ipinangako sa kanila ng Panginoon. Kaya bumalik na kayo sa mga lugar nʼyo sa kabila ng Ilog ng Jordan, sa lupain na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon. Pero huwag nʼyong kalimutang tuparin ang mga utos at katuruan na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon. Ibigin nʼyo ang Panginoon na inyong Dios, mamuhay kayo ayon sa kalooban niya, tuparin ang mga utos niya, maging matapat sa kanya at paglingkuran nʼyo siya nang buong pusoʼt kaluluwa.” Binasbasan sila ni Josue at pinauwi. (Ang kalahating lahi ni Manase ay binigyan ni Moises ng lupain sa Bashan at ang kalahati pang angkan ay binigyan ni Josue ng lupain sa kanluran ng Jordan kasama ng ibang mga angkan.)

Nang papauwi na sila, binasbasan sila ni Josue at sinabi, “Magsiuwi kayo na dala ang marami nʼyong kayamanan – mga hayop, pilak, ginto, tanso, bakal at mga damit. Bigyan din ninyo ang inyong mga kamag-anak ng mga nasamsam ninyo sa inyong mga kalaban.” At umuwi na ang mga mamamayan ng lahi nina Reuben, Gad at ang kalahating lahi ni Manase. Iniwan nila ang mga kapatid nilang Israelita sa Shilo, sa lupain ng Canaan at bumalik sa Gilead, ang lupaing naging bahagi nila ayon sa iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

10 Pagdating nila sa Gelilot, malapit sa Ilog ng Jordan, nagpatayo ang mga lahi nina Reuben, Gad at ang kalahating lahi ni Manase ng malaking altar. Ang lugar na ito ay sakop pa rin ng Canaan. 11-12 At nabalitaan ng ibang mga Israelita na nagpatayo ang lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase ng altar sa hangganan ng Canaan sa Gelilot, malapit sa Ilog ng Jordan. Kaya nagtipon sila sa Shilo para makipaglaban sa kanila. 13 Inutusan ng mga Israelita si Finehas, na anak ng paring si Eleazar na pumunta sa lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase. 14 May kasama siyang sampung pinuno mula sa bawat lahi ng Israel. Bawat isa sa kanilaʼy mga pinuno ng mga sambahayan ng lahi nila. 15 Pagdating nila sa Gilead, sinabi nila sa lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase, 16 “Gustong malaman ng buong mamamayan ng Panginoon kung bakit kayo tumalikod sa Dios ng Israel. Nagrebelde kayo sa Panginoon sa pagpapatayo nʼyo ng altar para sa sarili ninyo. Hindi kayo sumusunod sa kanya. 17 Nakalimutan nʼyo na ba ang kasalanan natin doon sa Peor? Dahil doon, pinadalhan tayo ng Panginoon ng salot at hanggang ngayon ay nagtitiis pa tayo. Hindi pa ba tayo natuto sa kamaliang iyon? 18 At ngayon, nagtangka pa kayong tumalikod sa Panginoon! Kung magrerebelde pa kayo sa kanya sa araw na ito, bukas ay magagalit siya sa buong bayan ng Israel. 19 Kaya kung ang lupain nʼyo ay hindi karapat-dapat na pagsambahan, tumawid kayo rito sa amin, sa lupain ng Panginoon kung saan naroon ang Tolda na pinagsasambahan sa kanya, at doon na kayo tumira. Pero huwag lang kayong magtatayo ng ibang altar maliban sa altar ng Panginoon na ating Dios, dahil iyan ay isang pagrerebelde sa kanya at sa amin. 20 Nakalimutan nʼyo na ba si Acan na anak ni Zera? Nang nilabag niya ang utos tungkol sa mga bagay na nakalaang ihandog ng buo sa Panginoon, pinarusahan siya at ang buong mamamayan ng Israel. Hindi lang siya ang namatay dahil sa kasalanan niya.”

21 Sumagot ang mga lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase sa mga pinuno, 22 “Ang Panginoon po ay ang Makapangyarihang Dios! Ang Panginoon po ay ang Makapangyarihang Dios! Nalalaman po niya kung bakit namin ito ginawa, at dapat din ninyong malaman. Kung nagrebelde kami o kayaʼy lumabag sa Panginoon, patayin nʼyo kami sa araw na ito. 23 Kung nilabag namin ang Panginoon dahil sa pagpapatayo namin ng sariling altar para alayan namin ng mga handog na sinusunog, handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, o kayaʼy handog para sa mabuting relasyon, ang Panginoon sana ang magparusa sa amin.

24 “Ginawa namin ito dahil natakot kami na baka dumating ang panahon na sabihin ng mga kaapu-apuhan nʼyo sa mga kaapu-apuhan namin ang ganito, ‘Ano ang pakialam nʼyo sa Panginoon, ang Dios ng Israel? 25 Ginawa na ng Panginoon na hangganan ang Ilog ng Jordan para ihiwalay kayo sa amin. Kayong mga lahi nina Reuben at Gad, wala kayong bahagi sa Panginoon.’ Baka ang mga kaapu-apuhan nʼyo ang siyang magpahinto sa mga kaapu-apuhan namin sa pagsamba sa Panginoon. 26 Kaya ipinatayo namin ang altar, hindi para sa mga handog na sinusunog o sa iba pang mga handog, 27 kundi para maging tanda para sa amin, sa inyo, at para sa mga susunod nating henerasyon na sinasamba namin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ng iba pang mga handog na naroon sa Tolda niya.[m] Kaya hindi makapagsasabi ang mga kaapu-apuhan nʼyo sa mga kaapu-apuhan namin ang ganito, ‘Wala kayong pakialam sa Panginoon!’ 28 At kung mangyari nga na sabihin nila ito sa mga kaapu-apuhan namin, sasagutin sila ng kaapu-apuhan namin, ‘Tingnan nʼyo! Nagpatayo ang mga ninuno namin ng altar, gaya ng altar ng Panginoon, hindi para pag-alayan ng mga handog na sinusunog at ng iba pang mga handog, kundi upang maging paalala para sa amin at sa inyo na isang Dios lamang ang ating sinasamba.’

29 “Hindi namin magagawa na magrebelde o sumuway sa Panginoon sa pamamagitan ng pagpapatayo namin ng sariling altar para pag-alayan ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ng iba pang mga handog. Hindi namin ipagpapalit ang altar ng Panginoon na ating Dios na nandoon sa harap ng kanyang Tolda.”

30 Natuwa sina Finehas na pari at ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Israelita nang marinig nila ang sinabi ng mga lahi nina Reuben, Gad at ng kalahating lahi ni Manase. 31 Kaya sinabi ni Finehas, anak ng paring si Eleazar, “Alam na namin ngayon na kasama natin ang Panginoon dahil hindi kayo nagrebelde sa kanya. Niligtas nʼyo ang Israel sa parusa ng Panginoon.”

32 Pagkatapos, umuwi sa Canaan sina Finehas at ang mga pinuno, at sinabi nila sa mga Israelita ang pakikipag-usap nila sa mga lahi nina Reuben at Gad. 33 Nang marinig nila ito, natuwa sila at nagpuri sa Dios. At hindi na sila nagsalita tungkol sa paglusob sa lupain na tinitirhan ng mga lahi nina Reuben at Gad.

34 Pinangalanan ng mga lahi nina Reuben at Gad ang altar na “Saksi”, dahil sabi nila, “Saksi ito para sa ating lahat na ang Panginoon ay Dios.”

Ang Habilin ni Josue sa mga Israelita

23 Sa mahabang panahon, binigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang Israel sa mga kalaban nila sa paligid. Matanda na si Josue, kaya ipinatawag niya ang lahat ng mamamayan ng Israel, kasama ang mga tagapamahala, mga pinuno, mga hukom at mga opisyal ng Israel. Sinabi niya sa kanila, “Matanda na ako. Nakita nʼyo mismo ang lahat ng ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa mga bansang ito alang-alang sa inyo. Ang Panginoon na inyong Dios ang nakipaglaban para sa inyo. Pinaghati-hati ko na sa inyo bilang mana ng mga lahi nʼyo ang lahat ng lupain ng mga bansang nasakop natin, mula sa Ilog ng Jordan sa silangan hanggang sa Dagat ng Mediteraneo sa kanluran, pati na rin ang mga lupain ng mga bansang hindi pa natin nasasakop. Magiging inyo ang mga lupain nila, ayon sa ipinangako sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Itataboy sila ng Panginoon na inyong Dios mismo. Tatakas sila habang nilulusob ninyo.

“Magpakatatag kayo at tuparin nʼyong mabuti ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises. Huwag nʼyo itong itakwil. Huwag kayong makikiisa sa mga bayan na natitira pa sa karatig ninyo, at huwag ninyong babanggitin ang mga pangalan ng mga dios nila o kayaʼy sumumpa sa pangalan ng mga ito. Huwag kayong sasamba o kayaʼy maglilingkod sa kanila, kundi, maging tapat kayo sa Panginoon na inyong Dios, gaya ng ginagawa nʼyo hanggang ngayon.

“Itinaboy ng Panginoon ang malalaki at mga makapangyarihang bansa nang lusubin nʼyo sila at hanggang ngayon wala pang kahit isa na nakatalo sa inyo. 10 Kahit sino sa inyo ay makakapagtaboy ng 1,000 tao dahil ang Panginoon na inyong Dios ang nakikipaglaban para sa inyo, ayon sa ipinangako niya. 11 Kaya ingatan ninyong lubos sa inyong puso na ibigin ang Panginoon na inyong Dios.

12 “Pero kung tatalikod kayo sa kanya at makikipag-isa sa mga karatig bansang natira, at makikipag-asawa sa kanila at makikisalamuha, 13 tiyak na hindi na itataboy ng Panginoon na inyong Dios ang mga bansang ito. Sa halip, magiging mapanganib sila para sa inyo gaya ng bitag, at magiging pahirap sila sa inyo gaya ng malupit na latigo kapag hinagupit kayo sa likod o kayaʼy tinik kapag tinusok ang mata ninyo. Mangyayari ito hanggang sa mamatay kayong lahat sa magandang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.

14 “Malapit na akong mamatay. Nalalaman nʼyo ng buong puso ninyoʼt kaluluwa na tinupad ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng mabubuting bagay na ipinangako niya sa inyo. Wala, kahit isa na hindi niya tinupad. 15 Pero ngayon na tinupad ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng mabubuting bagay na ipinangako niya sa inyo, tutuparin din niya ang parusa na babala niya sa inyo hanggang sa malipol niya kayo rito sa magandang lupain na ibinigay niya sa inyo. 16 Oo, mangyayari ito sa inyo kung lalabag kayo sa kasunduan ng Panginoon na inyong Dios at kung sasamba kayo at maglilingkod sa ibang mga dios. Talagang ipaparanas niya sa inyo ang kanyang galit at malilipol agad kayo sa magandang lupain na ibinigay niya sa inyo.”

Muling Nangako ang mga Israelita na Tutuparin Nila ang Kasunduan ng Dios

24 Tinipon ni Josue ang lahat ng lahi ng Israel sa Shekem. Tinawag niya ang mga tagapamahala, mga pinuno, mga hukom at mga opisyal ng Israel, at lumapit sila sa presensya ng Dios.

Sinabi ni Josue sa lahat ng tao, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Noon, ang mga ninuno nʼyo ay nakatira sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sumamba sa ibang mga dios-diosan. Isa sa kanila ay si Tera na ama nina Abraham at Nahor. Pero kinuha ko si Abraham sa lugar na iyon at pinapunta papunta sa lupain ng Canaan at binigyan ng maraming lahi. Naging anak niya si Isaac, at naging anak naman ni Isaac sina Esau at Jacob. Ibinigay ko kay Esau ang kabundukan ng Seir bilang bahagi niya pero si Jacob at ang mga anak niya ay pumunta sa Egipto. Pagkatapos, isinugo ko sina Moises at Aaron sa Egipto at pinadalhan ko ng mga salot ang mga Egipcio, at inilabas roon ang inyong mga ninuno. Pero nang makarating ang mga ninuno nʼyo sa Dagat na Pula, hinabol sila ng mga Egipcio na may mga kabayo at mga karwahe. Humingi ng tulong sa akin ang inyong mga ninuno at nilagyan ko ng kadiliman ang pagitan nila at ng mga Egipcio. At nilunod ko agad ang mga Egipcio sa dagat. Nakita mismo ng inyong mga ninuno ang ginawa ko sa mga Egipcio. At tumira kayo sa disyerto nang mahabang panahon.

“ ‘Pagkatapos, dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nakipaglaban sila sa inyo, pero pinagtagumpay ko kayo sa kanila. Nilipol ko sila at nasakop nʼyo ang lupain nila. Pagkatapos, nakipaglaban sa Israel ang hari ng Moab na si Balak na anak ni Zipor. Inutusan niya si Balaam na anak ni Beor na sumpain kayo. 10 Pero hindi ko pinahintulutan si Balaam na gawin ito sa inyo. Sa halip, binasbasan kayo ni Balaam, at iniligtas ko kayo sa kamay ni Balak.

11 “ ‘Pagkatapos, tumawid kayo sa Ilog ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nakipaglaban sa inyo ang mga taga-Jerico, ganoon din ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergaseo, Hiveo at Jebuseo. Pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila. 12 Pinadalhan ko ng mga putakti ang dalawang haring Amoreo para itaboy sila bago pa kayo dumating. Nanalo kayo hindi dahil sa inyong mga espada at pana. 13 Binigyan ko kayo ng lupaing hindi nʼyo pinaghirapan. Pinatira ko kayo sa mga lungsod na hindi kayo ang nagtatag. Kumakain kayo ngayon ng mga ubas at mga olibo na hindi kayo ang nagtanim.’

14 “Kaya ngayon, igalang nʼyo ang Panginoon at paglingkuran na may katapatan. Itakwil na ninyo ang mga dios-diosang sinasamba noon ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sa Egipto, at maglingkod kayo sa Panginoon. 15 Pero kung ayaw nʼyong maglingkod sa Panginoon, mamili kayo ngayon sa araw na ito kung sino ang paglilingkuran ninyo. Maglilingkod ba kayo sa mga dios na pinaglilingkuran ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates, o sa mga dios ng mga Amoreo na ang lupain ay tinitirhan nʼyo ngayon? Pero para sa akin at sa pamilya ko maglilingkod kami sa Panginoon.”

16 Sumagot ang mga tao, “Wala sa isipan naming tumalikod sa Panginoon at maglingkod sa ibang mga dios. 17 Ang Panginoon na ating Dios mismo ang naglabas sa atin at sa mga ninuno natin sa pagkaalipin doon sa Egipto. Nakita rin natin ang mga himalang ginawa niya. Iningatan niya tayo sa paglalakbay natin sa mga bansang dinadaanan natin. 18 Itinaboy niya ang mga Amoreo at ang ibang mga bansa na naninirahan sa mga lupaing ito. Kaya maglilingkod din kami sa Panginoon, dahil siya ang Dios namin.”

19 Sinabi ni Josue sa mga tao, “Hindi kayo makapaglilingkod sa Panginoon dahil siyaʼy banal na Dios at ayaw niya na may sinasamba kayong iba. Hindi niya babalewalain ang pagrerebelde at mga kasalanan ninyo. 20 Kapag itinakwil nʼyo ang Panginoon at naglingkod kayo sa ibang dios, magagalit siya sa inyo at paparusahan niya kayo. Lilipulin niya kayo kahit na noon ay naging mabuti siya sa inyo.”

21 Pero sumagot ang mga tao kay Josue, “Maglilingkod kami sa Panginoon.” 22 Sinabi ni Josue, “Kayo mismo ang mga saksi sa mga sarili nʼyo na pinili ninyong paglingkuran ang Panginoon.” Sumagot sila, “Oo, mga saksi kami.”

23 Pagkatapos, sinabi ni Josue, “Kung ganoon, itakwil nʼyo na ang mga dios-diosan nʼyo at paglingkuran ninyo nang buong puso ang Panginoon, ang Dios ng Israel.” 24 Sumagot ang mga tao, “Paglilingkuran namin ang Panginoon naming Dios, at susundin namin ang mga utos niya.”

25 Nang araw na iyon, gumawa si Josue ng kasunduan sa mga tao roon sa Shekem, at ibinigay niya sa kanila ang mga kautusan at mga tuntunin. 26 Sinulat ito ni Josue sa Aklat ng Kautusan ng Dios. Pagkatapos, kumuha siya ng malaking bato at itinayo sa puno ng terebinto malapit sa banal na lugar ng Panginoon. 27 At sinabi ni Josue sa lahat ng tao, “Ang batong ito ang saksi natin na nakipag-usap ang Panginoon sa atin. Magpapatunay ito laban sa inyo kung tatalikuran ninyo ang Dios.” 28 Pagkatapos, pinauwi ni Josue ang mga tao sa kanya-kanyang lugar.

Namatay si Josue at si Eleazar

29 Dumating ang panahon na namatay ang lingkod ng Panginoon na si Josue, na anak ni Nun sa edad na 110. 30 Inilibing siya sa lupain niya sa Timnat Sera, sa kabundukan ng Efraim, sa hilaga ng Bundok ng Gaas. 31 Naglingkod sa Panginoon ang mga Israelita habang nabubuhay pa si Josue. At kahit patay na si Josue, nanatili pa rin sila sa paglilingkod sa Panginoon habang buhay pa ang mga tagapamahala ng Israel na nakaranas ng lahat ng ginawa ng Panginoon para sa Israel. 32 Ang mga buto ni Jose na dinala ng mga Israelita mula sa Egipto ay inilibing sa Shekem, sa lupa na binili ni Jacob ng 100 pilak sa mga anak ni Hamor na ama ni Shekem. Ang lupang itoʼy bahagi ng teritoryo na ibinigay sa mga lahi ni Jose.

33 Namatay din si Eleazar na anak ni Aaron at inilibing sa Gibea, ang bayan sa kabundukan ng Efraim, na ibinigay ni Eleazar sa anak niyang si Finehas.

Nabihag ng Lahi ni Juda at ng Lahi ni Simeon si Adoni Bezek

Pagkamatay ni Josue, nagtanong ang mga Israelita sa Panginoon kung sino sa mga lahi nila ang unang makikipaglaban sa mga Cananeo. Sumagot ang Panginoon, “Ang lahi ni Juda, dahil ipinagkatiwala ko sa kanila ang lupaing iyon.” Kaya sinabi ng lahi ni Juda sa lahi ni Simeon na kanilang kadugo, “Tulungan nʼyo kaming sakupin ang lugar ng mga Cananeo na para sa amin at tutulungan din namin kayo na sakupin ang lugar na para sa inyo.” Kaya tinulungan sila ng lahi ni Simeon sa labanan. 4-5 Nang lumusob ang angkan ni Juda, pinagtagumpay sila ng Panginoon laban sa mga Cananeo at Perezeo. May 10,000 tao ang napatay nila sa Bezek. Habang nakikipaglaban sila sa Bezek, nakalaban nila roon si Adoni Bezek na hari sa lugar na iyon. Tumakas si Adoni Bezek, pero hinabol siya ng mga Israelita at nahuli. Pinutol nila ang mga hinlalaki nito sa kamay at paa. Sinabi ni Adoni Bezek, “Noon, may 70 hari ang pinutulan ko ng hinlalaki sa kamay at paa at namulot sila ng mumo sa ilalim ng aking mesa. Ngayon, sinisingil na ako ng Dios sa ginawa ko sa kanila.” At dinala nila si Adoni Bezek sa Jerusalem, at doon siya namatay.

Nilusob ng mga lahi ni Juda ang Jerusalem at sinakop nila ito. Pinatay nila ang mga naninirahan doon at sinunog ang lungsod. Pagkatapos, kinalaban nila ang mga Cananeo na nakatira sa mga kabundukan, sa Negev at sa mga kaburulan sa kanluran.[n] 10 Nilusob din nila ang mga Cananeo na nakatira sa Hebron (na noon ay tinatawag na Kiriat Arba), at pinatay nila sina Sheshai, Ahiman at Talmai.

Sinakop ni Otniel ang Lungsod ng Debir(C)

11 Mula sa Hebron, nilusob din nila ang mga nakatira sa Debir (na noon ay tinatawag na Kiriat Sefer). 12 Sinabi ni Caleb, “Ibibigay ko bilang asawa ang anak kong si Acsa sa lalaking makakaagaw ng Kiriat Sefer.” 13 Si Otniel na anak ni Kenaz na nakababatang kapatid ni Caleb ang nakaagaw ng lungsod. Kaya sa kanya ibinigay ni Caleb ang anak niyang si Acsa para maging asawa. 14 Nang ikinasal na sila, hinikayat ni Acsa ang asawa niya na humingi sila ng dagdag na lupain sa ama nito. Pagkatapos, pumunta si Acsa kay Caleb, at nang makababa na siya sa kanyang asno, tinanong siya ni Caleb kung ano ang kailangan niya. 15 Sumagot si Acsa, “Hihingi po sana ako ng pabor sa inyo, gusto ko po sanang bigyan nʼyo ako ng lupaing may mga bukal, dahil ang lupaing ibinigay nʼyo sa akin sa Negev ay walang bukal.” Kaya ibinigay sa kanya ni Caleb ang lugar na may mga bukal sa itaas at sa ibaba ng Negev.

Ang mga Pananakop ng lahi ni Juda at ng lahi ni Benjamin

16 Pag-alis ng lahi ni Juda sa lungsod ng Jerico,[o] sumama sa kanila ang mga Keneo, na mula sa angkan ng biyenan ni Moises, papunta sa ilang ng Juda. Tumira sila kasama ng mga tao roon, malapit sa bayan ng Arad sa Negev.

17 Pagkatapos, ang lahi naman ni Simeon ang tinulungan ng lahi ni Juda na sakupin ang lungsod ng Zefat na tinitirhan din ng mga Cananeo. Winasak nila nang husto[p] ang lungsod, kaya tinawag itong Horma.[q] 18 Sinakop din nila ang mga lungsod ng Gaza, Ashkelon at Ekron, pati ang mga teritoryo nito sa paligid.

19 Tinulungan ng Panginoon ang mga lahi ng Juda. Sinakop nila ang mga kabundukan, pero hindi nila madaig ang mga tao na nakatira sa mga kapatagan dahil may mga karwahe silang yari sa bakal. 20 At tulad ng ipinangako ni Moises, ibinigay kay Caleb ang Hebron. Itinaboy ni Caleb ang tatlong pamilya na nakatira sa lugar na ito, na mula sa angkan ni Anak. 21 Hindi itinaboy ng lahi ni Benjamin ang mga Jebuseo na nakatira sa Jerusalem. Kaya hanggang ngayon, naninirahan pa rin ang mga ito kasama ng mga lahi ni Benjamin.

Sinakop ng Dalawang Lahi ni Jose ang Betel

22-23 Ngayon, nilusob ng mga lahi ni Jose ang lungsod ng Betel (na noon ay tinatawag na Luz), at tinulungan sila ng Panginoon. Nang nagpadala sila ng mga tao para mag-espiya sa Betel, 24 may nakita ang mga espiya na isang tao na papalabas mula sa lungsod na iyon. Sinabi nila sa kanya, “Tulungan mo kami kung paano makapasok sa lungsod at hindi ka namin gagalawin.” 25 Tinuruan niya sila, at pinatay nila ang lahat ng nakatira sa lungsod na iyon. Pero hindi nila pinatay ang tao na nagturo sa kanila pati ang buong sambahayan nito. 26 Ang taong itoʼy pumunta sa lupain ng mga Heteo, at doon nagtayo ng isang lungsod na tinawag niyang Luz. Ito pa rin ang pangalan nito hanggang ngayon.

Ang mga Tao na Hindi Itinaboy ng mga Israelita sa Kanilang mga Lupain

27 Hindi itinaboy[r] ng lahi ni Manase ang mga nakatira sa Bet Shan, Taanac, Dor, Ibleam, Megido, at ang mga bayan sa paligid ng mga ito dahil determinado ang mga Cananeo na huwag umalis sa lupaing iyon. 28 Nang naging makapangyarihan na ang mga Israelita, pinilit nila ang mga Cananeo na magtrabaho para sa kanila, pero hindi nila itinaboy ang mga ito.

29 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Efraim ang mga nakatira sa Gezer. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama nila.

30 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Zebulun ang mga Cananeo na naninirahan sa mga lungsod ng Kitron at Nahalol. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama nila. Pero pinilit silang magtrabaho para sa kanila.

31 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Asher ang mga nakatira sa Aco, Sidon, Aczib, Helba, Afek at Rehob. 32 Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo roon kasama ng lahi ni Asher.

33 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Naftali ang mga nakatira sa Bet Shemesh at Bet Anat. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama ng lahi ni Naftali. Pero pinilit silang magtrabaho para sa kanila.

34 Hindi naman pinahintulutan ng mga Amoreo na tumira sa kapatagan ang mga lahi ni Dan, kaya nanatili na lamang sila sa kabundukan. 35 Determinado ang mga Amoreo na huwag umalis sa Bundok ng Heres, Ayalon at Saalbim. Pero nang lumakas ang kapangyarihan ng mga angkan ni Jose, pinilit nila ang mga Amoreo na magtrabaho para sa kanila. 36 Ang hangganan ng lupain ng mga Amoreo ay mula sa Daang Paakyat ng Akrabim at paakyat pa mula sa Sela.

Ang Anghel ng Panginoon sa Bokim

Pumunta ang anghel ng Panginoon sa Bokim mula sa Gilgal. At sinabi niya sa mga Israelita, ito ang ipinapasabi ng Panginoon: “Inilabas ko kayo sa Egipto at dinala dito sa lupain na ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ko sisirain ang kasunduan ko sa inyo. Sinabi ko rin na huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tao sa lupaing ito kundi gibain nʼyo ang mga altar nila. Pero ano ang ginawa ninyo? Hindi nʼyo ako sinunod! Kaya ngayon, hindi ko sila itataboy sa lupain ninyo. Magiging parang tinik sila sa daraanan ninyo at ang mga dios nila ay magiging parang bitag sa inyo.”

Nang marinig ito ng mga Israelita, humagulgol sila. Kaya tinawag nilang Bokim[s] ang lugar na iyon. At doon sila naghandog sa Panginoon.

Nang pinauwi na ni Josue ang mga Israelita, umalis sila upang angkinin ang lupain na nakalaan para sa kanila. At naglingkod sila sa Panginoon habang nabubuhay si Josue. At kahit namatay na siya, patuloy pa rin silang naglingkod sa Panginoon habang nabubuhay ang mga tagapamahala ng Israel na nakakita ng lahat ng kahanga-hangang ginawa ng Panginoon para sa Israel. Ang lingkod ng Panginoon na si Josue na anak ni Nun ay namatay sa edad na 110. Inilibing siya sa kanyang lupain doon sa Timnat Heres, sa kabundukan ng Efraim, sa hilaga ng Bundok ng Gaas.

Huminto ang mga Israelita sa Paglilingkod sa Panginoon

10 Nang mamatay ang mga tao sa henerasyong iyon, ang sumunod na salinlahi ay hindi nakikilala ang Panginoon, maging ang mga ginawa niya para sa Israel. 11 Gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga imahen ni Baal. 12 Itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, na siyang naglabas sa kanila sa Egipto. Sinunod nila at sinamba ang ibaʼt ibang dios ng mga tao sa paligid nila. Nagalit ang Panginoon, 13 dahil itinakwil siya ng mga ito at naglingkod kay Baal at kay Ashtoret. 14 Dahil sa galit ng Panginoon sa Israel, pinabayaan niyang lusubin sila ng mga tulisan para samsamin ang kanilang mga ari-arian. Pinabayaan din sila ng Panginoon na matalo ng mga kaaway nila sa paligid at hindi na nila makayanang ipagtanggol ang kanilang sarili. 15 Kapag nakikipaglaban sila, pinapatalo sila ng Panginoon, tulad ng sinabi niya. Kaya labis silang nahirapan.

16 Ngayon, binigyan ng Panginoon ang Israel ng mga pinuno[t] na magliligtas sa kanila mula sa mga tulisan. 17 Pero hindi nila pinansin ang kanilang mga pinuno. Sa halip, tumalikod sila sa Panginoon at sumamba sa ibang mga dios. Hindi sila katulad ng kanilang mga ninuno. Napakadali nilang tumalikod sa mga utos ng Dios na sinunod noon ng mga ninuno nila. 18 Ang lahat na pinunong ibinigay ng Panginoon sa kanila ay tinulungan niya. At habang buhay ang pinuno nila, inililigtas sila ng Panginoon sa kanilang mga kaaway. Sapagkat naaawa siya sa kanila dahil sa mga pagtitiis nila sa mga nanggigipit at nagpapahirap sa kanila. 19 Pero kapag namatay na ang pinuno, bumabalik na naman sila sa masasama nilang gawa. Muli silang naglilingkod at sumasamba sa ibang mga dios mas masahol pa sa pagkakasala ng kanilang mga ninuno. Ayaw nilang talikuran ang masasamang gawain nila at ang katigasan ng kanilang mga ulo.

20 Kaya lalo pang nagalit ang Panginoon sa kanila. Sinabi ng Panginoon, “Dahil nilabag ng bansang ito ang kasunduan ko sa kanilang mga ninuno, at hindi nila ako sinunod, 21 hindi ko itataboy ang natirang mga bansa na hindi nasakop ni bago siya namatay. 22 Gagamitin ko ang mga bansang ito para subukin ang mga Israelita kung talagang tutuparin nila ang aking mga utos katulad ng kanilang mga ninuno.” 23 Ito ang dahilan kung bakit hindi agad itinaboy ng Panginoon ang natirang mga bansa at hindi niya pinahintulutang matalo ito ni Josue.

Ang mga Natirang Tao sa Canaan

Nagtira ang Panginoon ng ibang mga tao sa Canaan para subukin ang mga Israelita na hindi nakaranas makipaglaban sa Canaan. Ginawa ito ng Panginoon para maturuan niyang makipaglaban ang mga lahi ng Israelita na hindi pa nakaranas nito. Ito ang mga taong itinira ng Panginoon: ang mga nakatira sa limang lungsod ng mga Filisteo, ang lahat ng Cananeo, ang mga Sidoneo, at ang mga Hiveo na nakatira sa mga bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal Hermon hanggang sa Lebo Hamat. Itinira sila para subukin kung tutuparin ng mga Israelita ang mga utos ng Panginoon na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises. Kaya nanirahan ang mga Israelita kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. Nagsipag-asawa ang mga Israelita ng mga anak ng mga taong ito at ibinigay nila ang kanilang mga anak na babae para maging asawa rin ng mga ito, at sumamba rin sila sa mga dios-diosan ng mga ito.

Si Otniel

Gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon dahil kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Dios at sumamba sila sa mga imahen ni Baal at ni Ashera. Dahil dito, labis na nagalit ang Panginoon sa kanila, kaya hinayaan niya silang matalo ni Haring Cushan Rishataim ng Aram Naharaim.[u] Silaʼy sinakop nito sa loob ng walong taon.

Pero nang humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon, binigyan sila ng isang tao na magliligtas sa kanila. Siyaʼy si Otniel na anak ni Kenaz na nakababatang kapatid ni Caleb. 10 Ginabayan siya ng Espiritu ng Panginoon, at pinamunuan niya ang Israel. Nakipaglaban siya kay Haring Cushan Rishataim ng Aram, at pinagtagumpay siya ng Panginoon. 11 Kaya nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng 40 taon. At pagkatapos ay namatay si Otniel.

Si Ehud

12 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Dahil dito, ipinasakop sila ng Panginoon kay Haring Eglon ng Moab. 13 Sa tulong ng mga Ammonita at Amalekita, nilusob at tinalo ni Eglon ang Israel, at sinakop ang lungsod ng Jerico.[v] 14 Sinakop sila ni Eglon sa loob ng 18 taon.

15 Muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon at binigyan sila ng isang tao na magliligtas sa kanila. Siya ay ang kaliweteng si Ehud na anak ni Gera na mula sa lahi ni Benjamin. Ipinadala siya ng mga Israelita kay Haring Eglon ng Moab para ibigay dito ang buwis ng Israel. 16 Bago siya umalis, gumawa siya ng isang espada na magkabila ang talim na may kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanyang kanang hita sa ilalim ng kanyang damit. 17 Nang naroon na siya, ibinigay niya ang buwis kay Haring Eglon na napakatabang tao. 18 Nang maibigay ni Ehud ang buwis, pinauwi niya ang mga kasamahang nagdala ng buwis. 19 Sumama siya sa kanila noong una, pero nang makarating sila sa mga inukitang bato sa Gilgal, bumalik si Ehud at sinabi sa hari, “Mahal na Hari, may lihim po akong sasabihin sa inyo.” Kaya sinabi ng hari sa mga utusan niya, “Iwan nʼyo muna kami.” At umalis ang lahat ng utusan niya. 20 Pagkatapos, lumapit si Ehud sa hari na nakaupo sa malamig niyang kwarto sa itaas. Sinabi ni Ehud, “May mensahe ako sa inyo mula sa Dios.” Nang tumayo ang hari, 21 binunot ni Ehud ng kaliwang kamay niya ang espada sa kanang hita niya, at sinaksak sa tiyan ang hari, 22 at tumagos ito hanggang sa kanyang likod. At dahil mataba ang hari, bumaon pati ang hawakan ng espada. Kaya hindi na niya ito binunot.

23 Pagkatapos, lumabas si Ehud sa kwarto at ikinandado ang mga pinto. 24 Nang nakaalis na siya, bumalik ang mga utusan ng hari at nakita nila na sarado ang mga pinto. Akala nila nasa palikuran ang hari, 25 kaya hindi na lang nila binuksan ang mga pinto at naghintay sila sa labas. Pero nang magtagal, hindi na sila mapalagay dahil hindi pa rin binubuksan ng hari ang mga pinto. Kaya kinuha na lang nila ang susi at binuksan ito, at nakita nila ang kanilang hari na nakahandusay sa sahig na patay na.

26 Habang hinihintay ng mga utusan na buksan ng hari ang mga pinto, nakatakas na si Ehud. Dumaan siya sa mga imaheng bato at pumunta sa Seira. 27 Pagdating niya sa kabundukan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta para tawagin ang mga Israelita sa pakikipaglaban. Pagkatapos, bumaba ang mga Israelita mula sa kabundukan sa pangunguna ni Ehud.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®