Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 15:13 - 1 Samuel 2:29

13 Sinabi nila, “Oo, hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya iginapos nila siya ng dalawang bagong lubid at dinala palabas sa kweba.

14 Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng mga Filisteo na sumisigaw sa pagtatagumpay. Pinalakas ng kapangyarihan ng Espiritu ng Panginoon si Samson, at pinagputol-putol niya ang lubid na parang sinulid lang. 15 Pagkatapos, may nakita siyang panga ng asnong kamamatay pa lang. Kinuha niya ito at ginamit sa pagpatay sa 1,000 Filisteo. 16 Sinabi ni Samson,

“Sa pamamagitan ng panga ng asno,
pinatay ko ang 1,000 tao.
Sa pamamagitan ng panga ng asno,
itinumpok ko sila.”

17 Pagkatapos niyang magsalita, itinapon niya ang panga ng asno. Ang lugar na iyon ay tinawag na Ramat Lehi.[a]

18 Labis ang pagkauhaw ni Samson. Kaya tumawag siya sa Panginoon. Sinabi niya, “Pinagtagumpay nʼyo po ako, pero ngayon parang mamamatay na ako sa uhaw at mabibihag ng mga Filisteo na hindi nakakakilala sa inyo.”[b] 19 Kaya pinalabas ng Dios ang tubig sa may butas ng lupa sa Lehi. Uminom si Samson at bumalik ang kanyang lakas. Ang bukal na itoʼy tinatawag na En Hakore.[c] Naroon pa ito sa Lehi hanggang ngayon.

20 Pinamunuan ni Samson ang mga Israelita sa loob ng 20 taon. Nang panahong iyon, sakop pa rin ng mga Filisteo ang kanilang lupain.

Pumunta si Samson sa Gaza

16 1-2 Isang araw, pumunta si Samson sa Gaza na isang lungsod ng Filisteo. May nakilala siya roon na isang babaeng bayaran, at sumiping siya sa babaeng iyon. Nalaman ng mga taga-Gaza na naroon si Samson, kaya pinalibutan nila ang lungsod at binantayan ang pintuan ng lungsod buong gabi. Hindi sila lumusob nang gabing iyon. Nagpasya sila na papatayin nila si Samson nang madaling-araw. Pero sumiping si Samson sa babae hanggang hatinggabi lang. Bumangon siya at pumunta sa may pintuan ng lungsod. Hinawakan niya ang pintuan at binunot, at natanggal ito pati ang mga kandado at haligi nito. Pagkatapos, pinasan niya ito at dinala sa tuktok ng bundok na nakaharap sa Hebron.

Si Samson at si Delaila

Isang araw, nagkagusto si Samson sa isang dalaga na nakatira sa Lambak ng Sorek. Ang pangalan niyaʼy Delaila. Pinuntahan ng limang pinuno ng mga Filisteo si Delaila at sinabi, “Kumbinsihin mo siya na ipagtapat sa iyo ang sekreto ng lakas niya at kung paano siya matatalo, para maigapos at mabihag namin siya. Kung magagawa mo ito, ang bawat isa sa amin ay magbibigay sa iyo ng 1,100 pilak.”

Kaya tinanong ni Delaila si Samson. Sinabi niya, “Ipagtapat mo sa akin ang sekreto ng lakas mo. Kung may gagapos o huhuli sa iyo, paano niya ito gagawin?” Sumagot si Samson, “Kung gagapusin ako ng pitong sariwang bagting ng pana,[d] magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”

Nang malaman ito ng mga pinuno ng Filisteo, binigyan nila si Delaila ng pitong sariwang bagting ng pana at iginapos niya si Samson. May ilang mga Filisteo na nakatago noon sa kabilang kwarto. Pagkatapos, sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para hulihin ka!” Pero nilagot ni Samson ang tali na parang lubid na nadarang sa apoy. Kaya hindi pa rin nila nalaman ang sekreto ng kanyang lakas.

10 Sinabi ni Delaila kay Samson, “Niloko mo lang ako; nagsinungaling ka sa akin. Sige na, ipagtapat mo sa akin kung paano ka maigagapos.” 11 Sinabi ni Samson, “Kapag naigapos ako ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”

12 Kaya kumuha si Delaila ng bagong lubid na hindi pa nagagamit at iginapos niya si Samson. May ilang mga Filisteo na nakatago noon sa kabilang kwarto. Pagkatapos, sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para dakpin ka!” Pero nilagot ni Samson ang tali sa kanyang braso na parang sinulid lang.

13 Kaya sinabing muli ni Delaila kay Samson, “Hanggang ngayon, niloloko mo pa rin ako at nagsisinungaling ka. Sige na, ipagtapat mo na kung paano ka maigagapos.” Sinabi ni Samson, “Kung itatali mo ng pitong tirintas ang buhok ko sa teral[e] at ipinulupot sa isang tulos, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”

14 Kaya nang nakatulog si Samson, itinali ni Delaila ng pitong tirintas ang buhok ni Samson sa teral, at sumigaw agad, “Samson, may dumating na mga Filisteo para dakpin ka!” Nagising si Samson at mabilis niyang tinanggal ang buhok niya sa teral.

15 Kaya sinabi ni Delaila sa kanya, “Sabi mo mahal mo ako, pero hindi mo ako pinagkakatiwalaan. Tatlong beses mo na akong niloko. Hindi mo talaga ipinagtapat sa akin kung saan nanggagaling ang lakas mo.” 16 Araw-araw niyang tinatanong si Samson hanggang sa bandang huli ay nakulitan din ito. 17 Kaya ipinagtapat na lang ni Samson sa kanya ang totoo. Sinabi ni Samson, “Hindi pa nagugupitan ang buhok ko kahit isang beses lang. Sapagkat mula pa sa kapanganakan ko, itinalaga na ako sa Dios bilang isang Nazareo. Kaya kung magugupitan ang buhok ko, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”

18 Naramdaman ni Delaila na nagsasabi si Samson ng totoo. Kaya nagpautos siya na sabihin sa mga pinuno ng mga Filisteo na bumalik dahil nagtapat na sa kanya si Samson. Kaya bumalik ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delaila. 19 Pinatulog ni Delaila si Samson sa hita niya, at nang makatulog na ito, tumawag siya ng isang tao para gupitin ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Kaya nanghina si Samson, at ipinadakip siya ni Delaila. 20 Sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para hulihin ka!” Pagbangon ni Samson akala niyaʼy makakawala pa rin siya tulad ng ginagawa niya noon. Pero hindi niya alam na hindi na siya tinutulungan ng Panginoon. 21 Dinakip siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Pagkatapos, dinala siya sa Gaza at kinadenahan ng tanso. Pinagtrabaho nila siya sa loob ng bilangguan bilang tagagiling ng trigo. 22 Pero unti-unting tumubo ulit ang kanyang buhok.

Ang Pagkamatay ni Samson

23 Muling nagkatipon ang mga pinuno ng mga Filisteo para magdiwang at mag-alay ng maraming handog sa kanilang dios na si Dagon. Sa pagdiriwang nila ay nag-aawitan sila: “Pinagtagumpay tayo ng dios natin laban sa kalaban nating si Samson.” 24-25 Labis ang kanilang kasiyahan at nagsigawan sila, “Dalhin dito si Samson para magbigay aliw sa atin!” Kaya pinalabas si Samson sa bilangguan. At nang makita ng mga tao si Samson, pinuri nila ang kanilang dios. Sinabi nila, “Pinagtagumpay tayo ng dios natin sa ating kalaban na nangwasak sa lupain natin at pumatay ng marami sa atin.” Pinatayo nila si Samson sa gitna ng dalawang haligi at ginawang katatawanan. 26 Sinabi ni Samson sa utusan[f] na nag-aakay sa kanya, “Pahawakin mo ako sa haligi ng templong ito para makasandal ako.” 27 Siksikan ang mga tao sa templo. Naroon ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo. Sa bubungan ay may 3,000 tao, lalaki at babae. Nagkakasayahan silang nanonood kay Samson.

28 Nanalangin si Samson, “O Panginoong Dios, alalahanin nʼyo po ako. Kung maaari, ibalik nʼyo po ang lakas ko kahit minsan pa para makaganti po ako sa mga Filisteo sa pagdukit nila sa mga mata ko.” 29 Kumapit si Samson sa dalawang haliging nasa gitna ng templo na nakatukod sa bubungan nito. Ang kanan niyang kamay ay nasa isang haligi at ang kaliwa naman ay nasa kabilang haligi. 30 Pagkatapos, sumigaw siya, “Mamamatay akong kasama ng mga Filisteo!” At itinulak niya ang dalawang haligi nang buong lakas at gumuho ang templo at nabagsakan ang mga pinuno at ang lahat ng tao roon. Mas maraming tao ang napatay ni Samson sa panahong iyon kaysa noong nabubuhay pa siya.

31 Ang bangkay ni Samson ay kinuha ng mga kapatid at kamag-anak niya at inilibing sa pinaglibingan ng ama niyang si Manoa, doon sa gitna ng Zora at Estaol. Pinamunuan ni Samson ang Israel sa loob ng 20 taon.

Ang mga dios-diosan ni Micas

17 May isang tao na nakatira sa kabundukan ng Efraim na ang pangalan ay Micas. 2-3 Isang araw, sinabi ni Micas sa kanyang ina, “Narinig ko pong isinumpa nʼyo ang kumuha ng inyong 1,100 pirasong pilak. Narito ang pilak, ako po ang kumuha.” Pagkatanggap nito ng kanyang ina, sinabi nito, “Anak, pagpalain ka sana ng Panginoon. Ihahandog ko itong pilak sa Panginoon para hindi dumating sa iyo ang sumpa. Gagamitin ko ito na pangtapal sa kahoy na imahen na ipapagawa ko. Ihahandog ko nga ito sa Panginoon para maligtas ka sa sumpa.” Pagkatapos, kumuha ang kanyang ina ng 200 pilak at ibinigay sa platero. Ginamit ito ng platero na pangtapal sa kahoy na imahen. Nang natapos na, inilagay ang dios-diosan sa bahay ni Micas.

May sariling sambahan si Micas at nagpagawa siya ng mga dios-diosan at espesyal na damit[g] ng pari. At ginawa niyang pari ang isa sa mga anak niyang lalaki. Nang panahong iyon, walang hari sa Israel, kaya ang bawat isa ay malaya kung ano ang gusto niyang gawin.

May isang binatilyong Levita[h] na nakatira sa Betlehem na sakop ng Juda. Isang araw, umalis siya para maghanap ng matitirhan sa ibang lugar. Sa kanyang pag-alis, napadaan siya sa bahay ni Micas sa kabundukan ng Efraim. Tinanong siya ni Micas, “Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Taga-Betlehem po ako, na sakop ng Juda, at isa po akong Levita. Naghahanap po ako ng matitirhan.” 10-11 Sinabi ni Micas, “Dito ka na lang tumira kasama ko. Gagawin kitang tagapayo[i] ko at pari. At bawat taon, bibigyan kita ng sampung pirasong pilak, bukod pa sa mga damit at pagkain na ibibigay ko sa iyo.” Pumayag ang Levita sa sinabi ni Micas at itinuring siya ni Micas na isa sa kanyang mga anak. 12 Ginawa siyang pari ni Micas at doon pinatira sa kanyang bahay. 13 Sinabi ni Micas, “Ngayon, natitiyak kong pagpapalain ako ng Panginoon dahil may pari na akong Levita.”

Si Micas at ang Lahi ni Dan

18 Nang mga panahong iyon, walang hari ang Israel. At sa panahon ding iyon, ang lahi ni Dan ay naghahanap ng lugar na matitirhan nila at magiging sa kanila. Sa mga lahi ng Israel, ang lahi ni Dan ay hindi pa natatanggap ang lupaing mamanahin nila. Kaya nagsugo ang mga lahi ni Dan ng limang matatapang na lalaki sa kalahi nila para maghanap ng matitirhan nila. Ang limang lalaki ay nagmula sa mga bayan ng Zora at Estaol.

Nang umalis na sila para maghanap ng lugar, nakarating sila sa bahay ni Micas sa kabundukan ng Efraim, at doon sila natulog. Habang naroon sila, nalaman nilang hindi taga-roon ang binatilyong Levita dahil sa pagsasalita nito. Kaya tinanong nila ito, “Bakit narito ka? Sino ang nagdala sa iyo rito? At ano ang ginagawa mo rito?”

Ipinaalam niya sa kanila ang ginawa ni Micas sa kanya, sinabi niya, “Nagtatrabaho ako bilang pari ni Micas at pinapasahod niya ako.” Sumagot ang mga lalaki, “Kung ganoon, pakitanong mo naman sa Dios kung magiging matagumpay ang paglalakbay naming ito.” Sumagot ang pari, “Huwag kayong mag-alala. Sasamahan kayo ng Panginoon sa paglalakbay ninyo.”

Kaya nagpatuloy ang limang lalaki at nakarating sila sa Laish. Nakita nila na maayos ang pamumuhay ng mga tao roon tulad ng mga Sidoneo. Mapayapa ang lugar, at mabuti ang kalagayan ng mga tao. Ang lugar na ito ay malayo sa mga Sidoneo, at wala silang kakamping bansa. Nang bumalik ang limang lalaki sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan kung ano ang nakita nila. Sinabi nila, “Tayo na, nakakita na kami ng pinakamabuting lugar para sa atin. Bilisan natin! Lusubin na natin ang lupaing iyon. 10 Ibinigay na iyon sa atin ng Dios. Malawak at masagana; naroon ang lahat ng kailangan natin. At isa pa, mapayapa ang lugar na iyon kaya hindi sila mag-iisip na may mangyayaring masama.”

11 Kaya mula sa Zora at Estaol, umalis ang 600 armadong lalaki mula sa lahi ni Dan para makipaglaban. 12 Nagkampo sila sa gawing kanluran ng lungsod ng Kiriat Jearim sa Juda. (Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Kampo ni Dan.) 13 Mula roon, nagpatuloy sila sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa bahay ni Micas, sa kabundukan ng Efraim.

14 Pagkatapos, ang limang lalaking iyon na nagmanman sa Laish ay nagsabi sa mga kasama nila, “Alam nʼyo ba na ang isa sa mga bahay dito ay may espesyal na damit[j] ng pari, may dios-diosan na nababalutan ng pilak, at iba pang dios-diosan. Ano kaya ang dapat nating gawin?” 15 Matapos nilang magdesisyon kung ano ang gagawin, pumunta sila sa bahay ni Micas at nangumusta sa binatilyong Levita na nakatira roon. 16-17 Habang nakatayo sa pintuan ng lungsod ang pari at ang 600 armadong lalaki na kalahi ni Dan, pumasok ang limang espiya sa bahay ni Micas at kinuha ang espesyal na damit, ang imahen na nababalutan ng pilak, at ang iba pang dios-diosan.

18 Nang makita ng pari na pinasok ng limang tao ang bahay ni Micas at kinuha ang mga gamit, nagtanong siya sa kanila, “Bakit nʼyo kinukuha iyan?” 19 Sumagot sila, “Huwag kang maingay. Sumama ka sa amin dahil gagawin ka naming pari at tagapayo. Ayaw mo bang maging pari ng isang lahi ng Israel kaysa ng isang bahay lang?” 20 Nagustuhan ng pari ang inaalok sa kanya, kaya kinuha niya ang espesyal na damit, ang imahen na nababalutan ng pilak at ang iba pang mga dios-diosan, at sumama sa kanila.

21 Habang naglalakad sila, nauna sa kanila ang kanilang mga anak, mga hayop at mga gamit. 22 Hindi pa sila nakakalayo sa bahay ni Micas ay nalaman na ni Micas ang nangyari. Kaya tinipon niya ang mga kapitbahay niya at hinabol nila ang mga kalahi ni Dan. 23 Sinigawan nila sila, at lumingon ang mga ito at nagtanong kay Micas, “Ano ba ang nangyari at hinahabol nʼyo kami?”

24 Sumagot si Micas, “Nagtatanong pa kayo? Kinuha nʼyo ang mga dios na aking ipinagawa, pati ang pari ko. Wala nang natira sa akin.” 25 Sinabi nila, “Mabuti pang tumahimik ka na lang, dahil baka magalit ang iba naming kasama at patayin ka nila pati ang pamilya mo.” 26 At nagpatuloy sila sa paglalakbay. Nakita ni Micas na hindi niya sila makakaya, kaya umuwi na lang siya.

27 Pumunta ang mga kalahi ni Dan sa Laish dala ang mga dios-diosan ni Micas pati ang pari niya. Mapayapang lugar ang Laish, at panatag ang loob ng mga mamamayan doon na walang mangyayari sa kanila. Nilusob ng mga angkan ni Dan ang Laish, pinatay ang mga tao, at sinunog ang lungsod. 28 Walang tumulong sa mga taga-Laish dahil malayo sila sa Sidon at wala silang kakamping bansa. Ang lugar na itoʼy malapit sa lambak ng Bet Rehob. Ipinatayong muli ng mga lahi ni Dan ang lungsod at tinirhan nila ito. 29 Pinalitan nila ng Dan ang pangalan nito ayon sa pangalan ng ninuno nilang si Dan, na isa sa mga anak ni Jacob.[k] 30 Ipinatayo nila roon ang dios-diosan ni Micas at kanilang sinamba. Si Jonatan na anak ni Gershom at apo ni Moises ang ginawa nilang pari. Ang mga angkan ni Jonatan ang naglingkod bilang mga pari sa lahi ni Dan hanggang sa pagkabihag sa mga taga-Israel. 31 At habang ang tolda na pinagsasambahan sa Dios ay naroon pa sa Shilo, ang dios-diosan ni Micas ay patuloy na sinasamba sa Dan.

Ang Levita at ang Kanyang Asawang Alipin

19 Nang panahong iyon na wala pang hari ang Israel, may isang Levita[l] na nakatira sa malayong bahagi ng kabundukan ng Efraim. Ang Levitang ito ay nakapag-asawa ng isang alipin na taga-Betlehem sa Juda. Pero ang babaeng ito ay nagtaksil sa kanyang asawa at umuwi sa bahay ng magulang niya sa Betlehem. Pagkalipas ng apat na buwan, nagdesisyon ang Levita na sunduin ang asawa niya at kumbinsihing magsama silang muli. Kaya umalis siya kasama ang isa niyang utusan at dalawang asno. Pagdating niya roon, pinatuloy siya ng babae. Nang makita siya ng ama ng babae, malugod siyang tinanggap. Pinilit siya ng biyenan niyang lalaki na manatili roon. Kaya nanatili siya sa loob ng tatlong araw na doon kumakain, umiinom at natutulog.

Nang ikaapat na araw, maaga silang bumangon para magkasamang umuwi. Pero sinabi ng ama ng babae sa manugang niya, “Kumain muna kayo bago umalis.” Kaya kumain silang dalawa. Pagkatapos, sinabi ng ama ng babae, “Dito muna kayo magpalipas ng gabi dahil magsasaya tayo.” Hindi sana siya papayag pero pinilit siya ng biyenang lalaki, kaya nanatili na lang sila. Kinaumagahan, nakahanda na silang umalis, pero sinabi na naman ng ama ng babae, “Kumain muna kayo at mamayang hapon na lang kayo umalis.” Kaya kumain muna sila. Nang aalis na ang Levita, ang asawa niya, at ang kanyang utusan, sinabi ng ama ng babae, “Hapon na at maya-maya ay madilim na. Mabuti pa rito na lang kayo muling matulog. Magsaya muna kayo rito at maaga na lang kayo umalis bukas.”

10-11 Pero hindi na pumayag ang Levita, sa halip, umalis siya at ang asawa niya, kasama ang utusan at ang dalawang asno. Papalubog na ang araw nang dumating sila malapit sa Jebus (na siyang Jerusalem ngayon). Kaya sinabi ng utusan ng Levita, “Mabuti po siguro na rito na lang tayo matulog sa lungsod na ito ng mga Jebuseo.” 12 Sumagot ang Levita, “Hindi maaari na dito tayo matulog sa lugar na hindi sakop ng mga Israelita. Tutuloy tayo sa Gibea. 13 Tayo na, sikapin nating makarating sa Gibea o sa Rama, at doon tayo matutulog.” 14 Kaya nagpatuloy sila sa paglalakbay. Mag-aagaw dilim na nang dumating sila sa Gibea na sakop ng lahi ni Benjamin. 15 Pumasok sila sa lungsod at naupo sa plasa, pero walang nag-alok sa kanila ng matutulugan.

16 Nang madilim na, may isang matandang lalaki na pauwi galing sa kanyang bukirin. Ang matandang itoʼy nakatira dati sa kabundukan ng Efraim, pero ngayon ay nakatira na sa Gibea na sakop ng teritoryo ng lahi ni Benjamin.

17 Nang makita ng matanda ang manlalakbay sa plasa, nilapitan niya ang mga ito at tinanong, “Taga-saan kayo? At saan kayo pupunta?” 18 Sumagot ang Levita, “Galing kami sa Betlehem na sakop ng Juda at pauwi na kami sa bahay namin[m] sa kabundukan ng Efraim. Walang nag-alok sa amin na tumuloy sa bahay niya. 19 May pagkain at inumin kami ng asawa ko at ng aking utusan. Mayroon kaming dayami at pagkain para sa mga asno namin. Kaya wala na kaming kailangan pa.” 20 Sinabi ng matanda, “Huwag kayong matulog dito sa plasa; doon na lang kayo sa aking bahay. Handa akong magbigay ng kahit anong kakailanganin ninyo.” 21 Kaya sumama sila sa matanda. Pagdating nila, pinakain ng matanda ang mga asno nila. Pagkatapos nilang maghugas ng paa, kumain sila at uminom.

22 Habang nagkakasayahan sila, biglang pinaligiran ng masasamang tao ang bahay, at kinalabog ang pintuan. Sinisigawan nila ang matandang may-ari ng bahay, “Palabasin mo ang bisita mong lalaki para makipagtalik kami sa kanya.” 23 Sumagot ang matanda, “Bisita ko siya, kaya huwag nʼyo siyang gawan ng marumi at kahiya-hiyang bagay. 24 Kung gusto nʼyo, ang anak kong dalaga na lang at ang asawa ng lalaking ito ang ibibigay ko sa inyo. Gawin nʼyo ang gusto nʼyong gawin sa kanila, huwag lang ninyong gawin ang kahiya-hiyang bagay sa bisita ko.”

25 Hindi nakinig ang mga tao sa kanya, kaya pinalabas ng Levita ang asawa niya at ibinigay sa kanila. Magdamag siyang pinagsamantalahan at inabuso ng mga ito. At nang magbubukang-liwayway na, pinaalis nila ang asawa ng Levita. 26 Bumalik ang babae sa bahay na tinutuluyan ng kanyang asawa. Natumba siya sa pintuan at doon na siya sinikatan ng araw.

27 Nang umagang iyon, bumangon ang kanyang asawa. Binuksan nito ang pintuan para umalis na, at nakita niya ang asawa niyang nakahandusay at ang kamay nito ay nakaunat pa sa pintuan. 28 Sinabi ng Levita, “Bangon na dahil uuwi na tayo.” Pero patay na pala ang babae, kaya ikinarga niya ang bangkay sa kanyang asno at umalis.

29 Pagdating niya sa kanila, pinagputol-putol niya sa 12 bahagi ang bangkay ng kanyang asawa at ipinadala sa 12 lahi ng Israel. 30 Sinabi ng lahat ng nakakita nito, “Wala pang nangyari na katulad nito mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto. Ano kaya ang mabuti nating gawin?”

Naghanda ang Israel sa Pakikipaglaban

20 Ang lahat ng Israelita mula Dan hanggang sa Beersheba at mula sa Gilead ay nagtipon sa Mizpa, sa presensya ng Panginoon. Naroon din ang pinuno ng bawat lahi ng Israel nang magtipon ang mga mamamayan ng Dios. May 400,000 silang lahat na sundalong armado ng espada. Nabalitaan ng mga taga-Benjamin na ang ibang mga lahi ng Israel ay nagtipon sa Mizpa.

At ngayon nagtatanong ang mga Israelita, “Paano nangyari ang kasamaang ito?” Sinabi ng Levita na asawa ng babaeng pinatay, “Dumaan kami ng asawa ko sa Gibea na sakop ng Benjamin para doon magpalipas ng gabi. Kinagabihan, pinaligiran ng ilang lalaking taga-Gibea ang bahay na tinutuluyan namin. Papatayin sana nila ako, pero ginahasa nila ang asawa ko hanggang sa namatay ito. Kaya dinala ko pauwi ang bangkay niya at pinagputol-putol at ipinadala sa 12 lahi ng Israel, dahil napakasama at kahiya-hiya ang ginawa ng mga taong ito sa Israel. Lahat tayong mga Israelita, ano ngayon ang gagawin natin?” Nagkaisa ang mga tao na nagsabi, “Wala ni isa man sa atin ang uuwi. Ito ang gagawin natin. Magpalabunutan tayo kung sino sa atin ang lulusob sa Gibea. 10 Ang ikasampung bahagi ng lahat ng lalaki sa bawat lahi ang mag-aasikaso sa pagkain ng mga sundalo. Ang natitira ang maghihiganti sa mga taga-Gibea dahil sa napakasamang ginawa nila sa Israel.” 11 Kaya nagkaisa ang mga lalaki ng Israel sa paglusob sa Gibea.

12 Nagsugo ang Israel ng mga mensahero sa mga lahi ni Benjamin at sinabi, “Ano itong kasamaang nangyari sa inyo? 13 Ngayon, isuko nʼyo sa amin ang masasamang taga-Gibea na gumawa nito, at papatayin namin sila, at nang mawala ang kasamaang ito sa Israel.” Pero hindi pinansin ng mga taga-Benjamin ang mga kapwa nila Israelita. 14 Sa halip, lumabas sila sa mga bayan nila at nagtipon sa Gibea para makipaglaban sa mga kapwa nila Israelita. 15 Nang araw na iyon, nakapagtipon ang mga taga-Benjamin ng 26,000 na sundalo hindi pa kasama rito ang 700 piling sundalo na taga-Gibea. 16 Kabilang sa mga piling sundalo na taga-Gibea ang 700 tao na ito na puro kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador kahit hibla ng buhok. 17 Ang mga Israelita naman, maliban sa angkan ni Benjamin, ay nakapagtipon ng 400,000 sundalong mahuhusay sa pakikipaglaban.

18 Bago makipaglaban, pumunta muna ang mga Israelita sa Betel at nagtanong sa Dios kung aling lahi ang unang lulusob sa mga taga-Benjamin. At ayon sa Panginoon, ang lahi ni Juda. 19 Kaya nang sumunod na araw, maagang nagkampo ang mga Israelita malapit sa Gibea. 20 At pumunta sila sa Gibea. Pagdating doon, pumwesto na ang mga Israelita para makipaglaban sa lahi ni Benjamin. 21 Naglabasan ang mga taga-Benjamin sa Gibea para lusubin sila. At sa araw na iyon, 22,000 Israelita ang napatay ng mga taga-Benjamin.

22-23 Umahon muli ang mga Israelita sa Betel at umiyak doon hanggang gabi. Tinanong nila ang Panginoon, “Muli po ba kaming makikipaglaban sa mga kadugo naming taga-Benjamin?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, muli kayong makipaglaban.”

Kaya pinalakas nila ang kanilang loob at muli silang pumwesto sa dating lugar noong unang araw silang lumusob. 24 At nang sumunod na araw, nilusob nila ang mga taga-Benjamin. 25 Pero lumabas muli ang mga taga-Benjamin sa Gibea at sinalubong ang mga kapwa nila Israelita. At sa pagkakataong iyon, napatay na naman nila ang 18,000 Israelita na armado lahat ng espada.

26 Kaya umahon muli ang lahat ng Israelita sa Betel at umiyak sa presensya ng Panginoon. Nag-ayuno sila hanggang gabi at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. 27-28 Nang panahong iyon, ang Kahon ng Kasunduan ng Dios ay nasa Betel, at ang namamahala rito ay si Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron. Nagtanong muli ang mga Israelita sa Panginoon, “Muli po ba kaming makikipaglaban sa mga kadugo naming taga-Benjamin o hindi na po?” Sumagot ang Panginoon, “Muli kayong makipaglaban, dahil bukas ay pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”

29 Kaya pinaligiran ng mga Israelita ang Gibea. 30 Pumwesto muli sila sa lugar ding iyon. Ikatlong araw ito ng kanilang paglusob. 31 Muli silang sinalubong ng mga taga-Benjamin na lumalabas mula sa lungsod. At katulad ng nangyari sa mga nakaraang araw, may napatay silang mga Israelita. May 30 Israelita ang namatay sa bukirin at sa mga daan papunta sa Betel at sa Gibea. 32 Dahil tumakas ang mga Israelita, akala ng mga taga-Benjamin ay magtatagumpay silang muli laban sa mga Israelita. Hindi nila alam na nagpapahabol lang pala ang mga Israelita para dalhin sila papalayo ng lungsod.

33 Nang nakarating ang mga Israelita sa Baal Tamar, pumwesto sila roon habang ang mga nag-aabang sa paligid[n] ng Gibea ay nagsisilabasan. 34 10,000 silang lahat na puro piling sundalo ng Israel. Nilusob nila ang Gibea, at matindi ang labanan. Hindi alam ng mga taga-Benjamin na malapit na ang katapusan nila. 35 Pinagtagumpay ng Panginoon ang mga Israelita. At sa araw na iyon, nakapatay sila ng 25,100 taga-Benjamin na armadong lahat ng espada. 36 At napansin ng mga taga-Benjamin na natatalo na sila.

Ang Detalye nang Pagtatagumpay ng mga Israelita

Tumakas ang malaking grupo ng mga sundalo ng Israel para makalusob ang mga taong itinalaga nilang pumaligid sa bayan ng Gibea. 37 Habang humahabol ang mga taga-Benjamin, biglang nilusob ng mga taong ito ang Gibea at pinagpapatay ang lahat ng tao roon. 38 Bago sila lumusob, nag-usap muna sila na kapag nakita ng mga tumatakas na mga Israelita ang makapal na usok sa Gibea, 39 babalik sila sa pakikipaglaban. Ang mga taga-Benjamin noon ay nakapatay ng 30 Israelita, kaya inaakala nilang nagtagumpay na naman sila sa mga Israelita. 40 At nang pumaitaas na ang makapal na usok sa Gibea, lumingon ang mga taga-Benjamin, at nakita nila ang makapal na usok mula sa lungsod. 41 Kaya bumalik ang mga Israelita at nilusob nila ang mga taga-Benjamin. Natakot ang mga taga-Benjamin dahil napansin nilang malapit na ang katapusan nila. 42 Tumakas sila sa ilang, pero hinabol sila ng mga Israelitang lumalabas sa bayan. 43 Pinaligiran sila ng mga Israelita at hindi tumigil ang mga ito sa paghabol sa kanila hanggang sa silangan ng Gibea. 44 May 18,000 matatapang na sundalo ng Benjamin ang namatay. 45 Tumakas ang iba papunta sa ilang sa Bato ng Rimon, pero 5,000 ang namatay sa kanila sa daan. Patuloy silang hinabol ng mga Israelita hanggang sa Gidom at nakapatay pa ang mga Israelita ng 2,000. 46 Sa kabuuan, 25,000 matatapang na taga-Benjamin ang namatay nang araw na iyon. Mga magagaling sila na sundalo at armado ng espada. 47 Pero may 600 pa na taga-Benjamin ang nakatakas sa Bato ng Rimon, at doon sila nanatili sa loob ng apat na buwan 48 Pagkatapos, bumalik ang mga Israelita sa mga bayan ng Benjamin at pinatay nila ang mga natitirang buhay pa, pati ang mga hayop. At sinunog nila ang lahat ng bayan ng mga taga-Benjamin na madaanan nila.

Mga Asawa para sa mga taga-Benjamin

21 Doon sa Mizpa, nangako ang mga Israelita na hindi na nila papayagang mag-asawa ang mga anak nilang babae ng mga taga-Benjamin. Pagkatapos, pumunta ang mga Israelita sa Betel at umiyak nang malakas sa presensya ng Dios hanggang gabi. Sinabi nila, “O Panginoon, Dios ng Israel, bakit po ba nangyari ito? Ngayon, nabawasan na ng isang lahi ang Israel!”

Kinaumagahan, gumawa sila ng altar at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. Pagkatapos, nagtanong sila, “May lahi ba ng Israel na hindi dumalo nang nagtipon tayo sa presensya ng Panginoon sa Mizpa?” Nang panahong iyon naipangako nila sa presensya ng Panginoon, na ang sinumang hindi dadalo roon ay papatayin.

Nalungkot ang mga Israelita sa mga kadugo nilang lahi ni Benjamin. Sinabi nila, “Nabawasan ng isang lahi ang Israel. Saan pa tayo makakakita ng mapapangasawa ng mga natirang lahi ni Benjamin? Nangako kasi tayo na hindi natin papayagang mapangasawa nila ang mga anak nating babae.”

Nang nagtanong sila kung may lahi ng Israel na hindi nakasama nang nagtipon sila sa presensya ng Panginoon sa Mizpa, nalaman nilang hindi dumalo ang mga taga-Jabes Gilead. Dahil nang binilang ang mga tao, wala ni isa mang mga taga-Jabes Gilead ang nandoon. 10-11 Kaya pumili ang mga mamamayan ng 12,000 matatapang na sundalo, at pinapunta sa Jabes Gilead para lipulin ang mga taga-roon, bata man o matanda, lalaki o babae, maliban lang sa mga dalaga. 12 At doon, nakakita sila ng 400 dalagang birhen at dinala nila ito sa kampo nila sa Shilo na sakop ng Canaan.

13 Pagkatapos, nagsugo ang buong sambayanan ng Israel ng mga mensahero sa mga lahi ni Benjamin na nagtatago sa Bato ng Rimon. Sinabi sa kanila ng mga mensahero na handa nang makipagkasundo sa kanila ang mga kapwa nila Israelita. 14 Kaya umuwi ang mga lahi ni Benjamin at ibinigay sa kanila ng mga Israelita ang mga dalagang taga-Jabes Gilead. Pero kulang pa ang mga dalaga para sa kanila.

15 Nalungkot ang mga Israelita sa nangyari sa mga lahi ni Benjamin dahil binawasan ng Panginoon ng isang lahi ang Israel. 16 Kaya nag-usap-usap ang mga tagapamahala sa mga mamamayan ng Israel. Sinabi nila, “Wala nang natirang babae na lahi ni Benjamin. Ano ba ang gagawin natin para makapag-asawa ang natira nilang mga lalaki? 17 Kailangang magpatuloy ang lahi nila para hindi mawala ang lahi ni Benjamin. 18 Pero hindi natin mapapayagang mapangasawa nila ang mga anak nating babae dahil nakapangako na tayo na ang gagawa nito ay susumpain.”

19 Pagkatapos, naalala nila na malapit na pala ang taunang pista para sa Panginoon na ginaganap sa Shilo. (Ang Shilo ay nasa hilaga ng Betel, sa timog ng Lebona, at sa silangan ng daang mula sa Betel papunta sa Shekem.) 20 Sinabi nila sa mga lahi ni Benjamin, “Magtago kayo sa mga ubasan, 21 at bantayan nʼyo ang mga dalagang taga-Shilo. Kapag dumaan sila roon para sumayaw sa pista, lumabas kayo sa taniman at kumuha ng mapapangasawa ninyo at dalhin sa inyong lugar. 22 Kung magrereklamo sa amin ang kanilang mga ama o mga kapatid na lalaki, ito ang sasabihin namin sa kanila, ‘Nakikiusap kami na pabayaan nʼyo na lang sila dahil kulang ang mga dalagang nakuha natin noong lusubin natin ang Jabes Gilead. Wala kayong pananagutan dahil hindi naman kayo pumayag na mapangasawa ng mga lahi ni Benjamin ang mga anak ninyong babae.’ ”

23 Kaya ginawa ito ng mga taga-Benjamin. Nagsikuha sila ng mga dalagang sumasayaw, at dinala pauwi bilang asawa. Pagdating nila sa kanilang lupain, ipinatayo nilang muli ang mga bayan nila at doon sila tumira. 24 Umuwi rin ang iba pang mga Israelita sa sarili nilang lupain at sa sarili nilang angkan at pamilya.

25 Nang panahong iyon, walang hari sa Israel, kaya ang bawat isa ay gumagawa ng kahit anong gusto nilang gawin.

Ang Pakikiramay ni Ruth kay Naomi

1-2 Noong panahon na hindi pa mga hari ang namumuno[o] sa Israel, nagkaroon ng taggutom sa lupaing ito. Kaya si Elimelec na taga-Betlehem na sakop ng Juda ay pumunta sa Moab kasama ang asawa at dalawang anak niyang lalaki, para roon muna manirahan. Ang pangalan ng asawa niya ay Naomi at ang dalawang anak nila ay sina Mahlon at Kilion. Mga angkan sila ni Efrata na taga-Betlehem.

Habang naroon sila sa Moab, namatay si Elimelec, kaya si Naomi at ang dalawa niyang anak na lalaki ang naiwan. Nag-asawa ang mga anak niya ng mga Moabita. Ang pangalan ng isa ay Orpah at Ruth naman ang isa. Pagkalipas ng mga sampung taon, namatay sina Mahlon at Kilion, kaya si Naomi na lang ang naiwan.

Nang mabalitaan ni Naomi na pinagpala ng Panginoon ang bayan niya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mabuting ani, naghanda siya at ang mga manugang niya para bumalik sa Juda. At habang naglalakbay na sila pabalik sa Juda, sinabi ni Naomi sa dalawang manugang niya, “Bumalik na lang kayo sa inyong ina. Pagpalain nawa kayo ng Panginoon sa mabuti ninyong pakikitungo sa mga yumao ninyong asawa at sa akin. At loobin sana ng Panginoon na makapag-asawa kayong muli para magkaroon kayo ng maayos na kalagayan sa panibagong tahanan.”

Pagkatapos, hinalikan sila ni Naomi. Humagulgol sila 10 at sinabi sa kanya, “Sasama kami sa inyo sa pagbalik nʼyo sa kababayan ninyo.” 11-12 Pero sinabi ni Naomi, “Umuwi na kayo mga anak. Bakit pa kayo sasama sa akin? Akala nʼyo ba makakapag-asawa pa ako at makakapanganak ng mga lalaking mapapangasawa ninyo? Hindi na maaari dahil matanda na ako. Pero ipagpalagay natin na makapag-asawa ako ngayong gabi at magkaanak pa, 13 hihintayin nʼyo ba silang lumaki? Hindi ba kayo mag-aasawa alang-alang sa kanila? Hindi maaari mga anak. Ang totoo, mas mapait ang sinapit ko kaysa sa inyo, dahil pinahirapan ako ng Panginoon.”

14 At umiyak na naman sila nang malakas. Pagkatapos, hinalikan ni Orpah ang biyenan niya at umuwi,[p] pero si Ruth naman ay nagpaiwang kasama ni Naomi. 15 Sinabi ni Naomi, “Bumalik na ang bilas mo sa mga kababayan niya at sa kanyang dios,[q] kaya sumama ka na rin sa kanya.” 16 Pero sumagot si Ruth, “Huwag po ninyo akong piliting iwan kayo, dahil kung saan kayo pupunta, doon din ako pupunta, at kung saan kayo tumira, doon din po ako titira. Ang mga kababayan nʼyo ay magiging kababayan ko rin, at ang Dios ninyo ay magiging Dios ko rin. 17 Kung saan kayo mamamatay, doon din po ako mamamatay at ililibing. Parusahan nawa ako ng Panginoon nang mabigat kapag humiwalay ako sa inyo, maliban na lang kung ang kamatayan na ang maghihiwalay sa ating dalawa.”

18 Nang makita ni Naomi na desidido si Ruth na sumama sa kanya, tumahimik na lang siya. 19 Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa Betlehem. Ang lahat ng taoʼy nabigla sa kanilang pagdating. Sinabi ng mga babae, “Si Naomi ba talaga ito?”

20 Sinabi ni Naomi sa kanila, “Huwag nʼyo na akong tawaging Naomi,[r] kundi tawagin ninyo akong Mara,[s] dahil pinapait ng Makapangyarihang Dios ang buhay ko. 21 Pag-alis ko rito ay nasa sa akin ang lahat, pero ibinalik ako ng Panginoon nang walang-wala. Kaya huwag na ninyo akong tawaging Naomi, dahil pinahirapan ako ng Makapangyarihang Panginoon.”

22 Nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada[t] nang dumating si Naomi sa Betlehem kasama ang manugang niyang si Ruth na Moabita.

Nakilala ni Ruth si Boaz

1-3 Isang araw, sinabi ni Ruth kay Naomi, “Gusto ko po sanang pumunta sa bukid at mamulot[u] ng mga nalaglag na uhay mula sa mga tagapag-ani sa bukid ng taong magpapahintulot sa akin.” Sumagot si Naomi, “O sige anak.” Kaya umalis si Ruth at namulot ng mga nalaglag mula sa mga tagapag-ani. Nagkataon na doon siya namulot sa bukid ni Boaz na kamag-anak ni Elimelec. Si Boaz ay mayaman at makapangyarihan.

Habang nandoon si Ruth ay dumating si Boaz mula sa Betlehem at binati ang mga tagapag-ani, “Sumainyo nawa ang Panginoon!” Sumagot ang mga tagapag-ani, “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon!” Tinanong ni Boaz ang kanyang katiwala na nangangasiwa sa mga tagapag-ani, “Sino ang dalagang iyan?” Sumagot ang katiwala, “Isa po siyang Moabita na sumama kay Naomi na bumalik mula sa Moab. Nakiusap siya sa akin na payagan ko siyang mamulot ng mga uhay na nalaglag mula sa mga tagapag-ani. Mula kaninang umaga tuloy-tuloy ang pagtatrabaho niya hanggang ngayon. Nagpahinga lang siya ng sandali sa kubol.”[v] Sinabi ni Boaz kay Ruth, “Anak, makinig ka. Huwag ka nang pumunta sa ibang bukid para mamulot ng mga nalaglag. Dito ka na lang mamulot kasama ng mga utusan kong babae. Tingnan mo kung saan nag-aani ang mga tauhan ko at sumunod ka sa mga utusan kong babae. Sinabihan ko na ang mga tauhan ko na huwag kang galawin. At kapag nauhaw ka, uminom ka lang sa mga tapayan na inigiban ng mga tauhan ko.”

10 Nagpatirapa si Ruth sa harapan ni Boaz bilang paggalang at sinabi, “Bakit napakabuti nʼyo po sa akin gayong isang dayuhan lang ako?” 11 Sumagot si Boaz, “May nagkwento sa akin ng lahat ng ginawa mo para sa biyenan mong babae mula pa noong namatay ang asawa mo. Iniwan mo raw ang iyong ama at ina at ang bayang sinilangan mo para manirahang kasama ng mga taong hindi mo kilala. 12 Pagpalain ka nawa ng Panginoon dahil sa iyong ginawa. Malaking gantimpala nawa ang matanggap mo mula sa Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang pinagkanlungan mo.” 13 Sinabi ni Ruth, “Napakabuti po ninyo sa akin. Pinalakas ninyo ang loob ko at sinabihan ng mabuti kahit hindi ako isa sa mga utusan ninyo.”

14 Nang oras na para kumain, sinabi ni Boaz kay Ruth, “Halika, kumuha ka ng pagkain at isawsaw mo sa suka.” Kaya naupo si Ruth kasama ng mga tagapag-ani, at inabutan siya ni Boaz ng binusa na trigo. Kumain siya hanggang sa nabusog, at may natira pa siya. 15 Nang tumayo na si Ruth para mamulot ulit ng mga nalaglag na uhay, nag-utos si Boaz sa mga tauhan niya, “Huwag ninyong hihiyain si Ruth kahit mamulot pa siya malapit sa mga binigkis na uhay.[w] 16 Kumuha kayo ng mga uhay sa mga binigkis at iwan para sa kanya, at huwag nʼyo siyang sasawayin.”

17 Kaya namulot si Ruth ng mga nalaglag na uhay hanggang sa lumubog ang araw. At nang magiik na niya ang naipon niyang sebada[x] ay umabot ito ng mga kalahating sako. 18 Dinala niya ito pauwi sa bayan at ipinakita sa kanyang biyenan[y] na si Naomi. Pagkatapos kinuha niya ang natira niyang pagkain at ibinigay kay Naomi. 19 Nagtanong si Naomi sa kanya, “Saan ka namulot ng mga nalaglag na uhay kanina? Kaninong bukirin? Pagpalain nawa ang taong nagmagandang-loob sa iyo!”

Ikinuwento ni Ruth kay Naomi na doon siya namulot sa bukid ng taong ang pangalan ay Boaz. 20 Sinabi ni Naomi kay Ruth, “Pagpalain nawa ng Panginoon si Boaz. Ipinapakita niya ang kanyang kabutihan sa mga taong buhay pa at sa mga patay na.” At sinabi pa niya, “Si Boaz na sinasabi mo ay malapit nating kamag-anak; isa siya sa may tungkuling mangalaga sa atin.”

21 Sinabi ni Ruth kay Naomi, “Sinabi pa po ni Boaz sa akin na sa mga tauhan lang niya ako sumama sa pamumulot hanggang matapos ang lahat ng mga aanihin niya.” 22 Sinabi naman ni Naomi kay Ruth, “Anak, mabuti nga na sa mga utusan niyang babae ka sumama, dahil baka kung ano pa ang mangyari sa iyo sa ibang bukid.”

23 Kaya sumama si Ruth sa mga utusang babae ni Boaz sa pamumulot ng mga nalaglag na uhay hanggang sa matapos ang anihan ng sebada at trigo. At patuloy siyang nanirahan kasama ng biyenan niya.

Ang Kahilingan ni Ruth kay Boaz

Isang araw, sinabi ni Naomi kay Ruth, “Anak, gusto kong makapag-asawa ka na para sa ikabubuti mo. Natatandaan mo ba si Boaz na kamag-anak natin, na ang kanyang mga utusang babae ay nakasama mo sa pagtatrabaho? Alam mo, maggigiik siya ng sebada mamayang gabi. Kaya maligo ka, magpabango, at isuot ang pinakamaganda mong damit. Pumunta ka sa giikan, pero huwag kang magpakita sa kanya hanggang sa makakain at makainom siya. Kapag matutulog na siya, tingnan mo kung saan siya hihiga. At kapag tulog na siya, puntahan mo at iangat ang kumot sa paanan niya, at doon ka mahiga.[z] At sasabihin niya sa iyo kung ano ang gagawin mo.” Sumagot si Ruth, “Gagawin ko po ang lahat ng sinabi ninyo.” Kaya pumunta siya sa giikan para gawin ang lahat ng sinabi sa kanya ng biyenan niya.

Nang matapos kumain at uminom si Boaz, gumanda ang pakiramdam niya. Nahiga siya sa tabi ng bunton ng sebada para matulog. Dahan-dahang lumapit si Ruth at iniangat ang kumot sa paanan niya at nahiga roon. At nang maghahatinggabi na ay nagising si Boaz, at nang nag-inat[aa] siya, nagulat siya na may babaeng nakahiga sa paanan niya. Nagtanong si Boaz, “Sino ka?” Sumagot siya, “Ako po si Ruth. Isa po ako sa malapit nʼyong kamag-anak na dapat nʼyong pangalagaan. Takpan nʼyo po ako ng damit ninyo para ipakita na pakakasalan at pangangalagaan nʼyo ako.” 10 Sinabi ni Boaz, “Anak, pagpalain ka nawa ng Panginoon. Ang katapatan na ipinakita mo ngayon sa pamilya mo ay mas higit pa sa ipinakita mo noon.[ab] Sapagkat hindi ka humabol sa mga binata, mayaman man o mahirap. 11 Kaya huwag kang mag-alala, anak. Gagawin ko ang lahat ng hinihiling mo, dahil alam ng lahat ng kababayan ko na mabuti kang babae. 12 Totoong malapit mo akong kamag-anak, na may tungkuling pangalagaan ka, pero mayroon ka pang mas malapit na kamag-anak kaysa sa akin. 13 Manatili ka rito nang magdamag, at bukas ng umaga ay malalaman natin kung gagampanan niya ang tungkulin niya sa iyo. Kung papayag siya, mabuti, pero kung hindi, isinusumpa ko sa buhay na Panginoon na gagampanan ko ang tungkulin ko sa iyo. Sige, dito ka muna matulog hanggang umaga.”

14 Kaya natulog si Ruth sa paanan ni Boaz hanggang sa mag-umaga, pero madilim-dilim pa ay bumangon na si Ruth para hindi siya makilala, dahil ayaw ni Boaz na may makaalam na pumunta si Ruth doon sa giikan niya. 15 Sinabi ni Boaz kay Ruth, “Dalhin mo rito sa akin ang balabal mo at ilatag mo.” Inilatag ito ni Ruth, at nilagyan ni Boaz ng mga anim na kilong sebada at ipinasan kay Ruth. At bumalik si Ruth[ac] sa bayan.

16 Pagdating ni Ruth sa biyenan niya, tinanong siya, “Kumusta, anak?” Ikinuwento naman ni Ruth ang lahat ng ginawa ni Boaz. 17 At sinabi pa ni Ruth, “Ayaw po ni Boaz na umuwi ako sa inyo nang walang dala, kaya binigyan niya ako nitong anim na kilong sebada.” 18 Sinabi ni Naomi, “Maghintay ka lang, anak, hanggang malaman mo kung ano ang mangyayari, dahil hindi titigil si Boaz hanggang sa maisaayos niya sa araw na ito ang hinihiling mo sa kanya.”

Nagpakasal si Boaz kay Ruth

Pumunta si Boaz sa pintuang bayan[ad] at naupo roon. Nang dumaan ang sinasabi niyang mas malapit na kamag-anak ni Elimelec, sinabi ni Boaz sa kanya, “Kaibigan, halikaʼt maupo ka.” Lumapit naman ang lalaki at naupo. At tinipon ni Boaz ang sampung mga tagapamahala ng bayan at pinaupo rin doon. At nang nakaupo na sila, sinabi ni Boaz sa kamag-anak niya, “Bumalik na si Naomi mula sa Moab, at gusto niyang ipagbili ang lupa ng kamag-anak nating si Elimelec. Naisip kong ipaalam ito sa iyo. Kaya kung gusto mo, bilhin mo ito sa harapan ng mga tagapamahala ng mga kababayan ko at ng iba pang mga nakaupo rito. Pero kung ayaw mo, sabihin mo at nang malaman ko. Kung tutuusin, ikaw ang may tungkuling tumubos nito, at pangalawa lang ako.” Sumagot ang lalaki, “Sige, tutubusin ko.” Pero sinabi ni Boaz, “Sa araw na tubusin mo ang lupa kay Naomi, kailangang pakasalan mo si Ruth, ang Moabitang biyuda,[ae] para kapag nagkaanak kayo, mananatili ang lupa sa pamilya ng kamag-anak nating namatay.”[af]

Nang marinig ito ng lalaki, sinabi niya, “Kung ganoon, hindi ko na tutubusin ang lupa dahil baka magkaproblema pa ako sa sarili kong lupa dahil pati ang magiging anak namin ni Ruth ay may bahagi na sa lupa ko. Ikaw na lang ang tumubos, hindi ko kasi magagawa iyan.”

Nang panahong iyon sa Israel, para matiyak ang pagtubos ng lupa o ang paglilipat ng karapatan sa pagtubos ng lupa, hinuhubad ng isa ang sandalyas niya at ibinibigay sa isa. Ganito ang ginagawa noon sa Israel bilang katibayan ng kanilang transaksyon.

Kaya nang sabihin ng lalaki kay Boaz, “Ikaw na lang ang tumubos ng lupa,” hinubad agad niya ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz.[ag] Sinabi ni Boaz sa mga tagapamahala ng bayan at sa lahat ng tao roon, “Mga saksi kayo ngayong araw na bibilhin ko na kay Naomi ang lahat ng lupain ni Elimelec, na minana nina Kilion at Mahlon. 10 At bukod pa rito, pakakasalan ko si Ruth na Moabita, na biyuda ni Mahlon, para kapag nagkaanak kami, mananatili ang lupain ni Mahlon sa kanyang pamilya,[ah] at hindi mawawala ang lahi niya sa kanyang mga kababayan. Saksi nga kayo sa araw na ito!”

11 Sumagot ang mga tagapamahala ng bayan at ang lahat ng tao roon sa pintuan, “Oo, mga saksi nga kami. Nawaʼy ang magiging asawa mo ay gawin ng Panginoon na katulad nina Raquel at Lea na nagkaanak ng mga naging mamamayan ng Israel. Nawaʼy maging mayaman ka sa Efrata at maging tanyag sa Betlehem. 12 Nawaʼy magpatanyag sa pamilya mo ang mga anak na ibibigay sa iyo ng Panginoon sa iyo sa pamamagitan ng babaeng iyon ay magpatanyag sa pamilya mo katulad ng pamilya ni Perez, ang anak ni Juda kay Tamar.”

Ang mga Ninuno ni David

13 Kaya nagpakasal si Boaz kay Ruth, at niloob ng Panginoon na magdalantao si Ruth at manganak ng isang lalaki. 14 Sinabi ng mga kababaihan kay Naomi, “Purihin ang Panginoon! Binigyan ka niya ngayon ng apo na mag-aaruga sa iyo. Nawaʼy maging tanyag siya sa Israel! 15 Palalakasin at aalagaan ka niya kapag matanda ka na, dahil anak siya ng manugang mo na nagmamahal sa iyo ng higit pa sa pagmamahal ng pitong anak na lalaki.”

16 Palaging kinukuha ni Naomi ang bata at kinakalong. At siya ang nagbabantay nito. 17 Sinabi ng mga babaeng kapitbahay ni Naomi, “May apong lalaki na si Naomi!” Pinangalanan nila ang bata na Obed. At nang malaki na si Obed, nagkaanak siya na Jesse ang pangalan. At si Jesse ang naging ama ni David.

18 Ito ang mga angkan ni Perez hanggang kay David:

Si Perez ang ama ni Hezron, 19 si Hezron ang ama ni Ram, si Ram ang ama ni Aminadab, 20 si Aminadab ang ama ni Nashon, si Nashon ang ama ni Salmon, 21 si Salmon ang ama ni Boaz, si Boaz ang ama ni Obed, 22 si Obed ang ama ni Jesse, at si Jesse ang ama ni David.

Ang Kapanganakan ni Samuel

May isang lalaking mula sa angkan ni Zuf na ang pangalan ay Elkana. Nakatira siya sa Rama, sa maburol na lupain ng Efraim. Anak siya ni Jeroham na anak ni Elihu. Si Elihu ay anak naman ni Tohu na anak ni Zuf, na mula sa lahi ni Efraim. Si Elkana ay may dalawang asawa. Sila ay sina Hanna at Penina. May mga anak si Penina pero si Hanna ay wala.

Taun-taon, pumupunta si Elkana at ang sambahayan niya sa Shilo upang sumamba at maghandog sa Panginoong Makapangyarihan. Ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas ang mga pari ng Panginoon sa Shilo. Sa tuwing maghahandog si Elkana, hinahati niya ang ibang bahagi ng kanyang handog para kay Penina at sa mga anak niya. Pero doble ang bahagi na ibinibigay niya kay Hanna dahil mahal niya ito kahit hindi siya nagkakaanak, dahil ginawa siyang baog ng Dios. At dahil hindi nga siya magkaanak, lagi siyang iniinis at hinihiya ni Penina na kanyang karibal. Ganito ang laging nangyayari taun-taon. Sa tuwing pupunta si Hanna sa bahay ng Panginoon, iniinis siya ni Penina hanggang sa umiyak na lang siya at hindi na kumain. Sinasabi ni Elkana sa kanya, “Bakit ka umiiyak? Bakit ayaw mong kumain? Bakit ka malungkot? Mas mahalaga ba para sa iyo ang sampung anak kaysa sa akin?”

9-10 Minsan, pagkatapos nilang kumain sa bahay ng Panginoon sa Shilo, tumayo si Hanna at nanalangin nang umiiyak dahil sa labis na kalungkutan. Nakaupo noon ang pari na si Eli sa may pintuan ng bahay ng Panginoon.[ai] 11 Nangako si Hanna sa Panginoon. Sinabi niya, “O Panginoong Makapangyarihan, tingnan po ninyo ang aking paghihirap. Alalahanin ninyo ang inyong lingkod at huwag ninyo akong kalimutan. Kung bibigyan nʼyo po ako ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo para maglingkod sa inyo sa buong buhay niya. At bilang tanda nang lubos niyang pagsunod sa inyo, hindi ko po pagugupitan ang kanyang buhok.”

12-13 Habang patuloy siyang nananalangin sa Panginoon, nakita ni Eli na bumubuka ang bibig ni Hanna pero hindi naririnig ang kanyang boses. Inakala ni Eli na lasing si Hanna, 14 kaya sinabi niya sa kanya, “Hanggang kailan ka maglalasing? Tigilan mo na ang pag-inom!” 15 Sumagot si Hanna, “Hindi po ako lasing, at hindi po ako nakainom ng kahit anong klase ng inumin. Ibinubuhos ko lang po sa Panginoon ang paghihirap na aking nararamdaman. 16 Huwag po ninyong isipin na masama akong babae. Nananalangin po ako rito dahil sa labis na kalungkutan.”

17 Sinabi ni Eli, “Sige, umuwi kang mapayapa. Sanaʼy ipagkaloob ng Dios ng Israel ang hinihiling mo sa kanya.” 18 Sumagot si Hanna, “Salamat po sa kabutihan ninyo sa akin.” Pagkatapos ay umalis na siya at kumain, at nawala na ang lungkot sa kanyang mukha.

19 Kinabukasan, maagang bumangon si Elkana at ang kanyang pamilya, at silaʼy sumamba sa Panginoon. Pagkatapos ay umuwi sila sa bahay nila sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Hanna at sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Hanna na bigyan siya ng anak. 20 At dumating ang panahon na nagbuntis siya at nanganak ng isang lalaki. Pinangalanan niya itong Samuel,[aj] dahil sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”

Inihandog ni Hanna si Samuel

21 Muling dumating ang panahon na si Elkana at ang buo niyang pamilya ay maghahandog sa Panginoon gaya ng ginagawa nila taun-taon. Ito rin ang panahon na maghahandog siya bilang pagtupad sa panata niya sa Panginoon. 22 Pero hindi sumama si Hanna. Sinabi niya sa kanyang asawa, “Kapag naawat na ang sanggol sa pagsuso sa akin, dadalhin ko siya sa bahay ng Panginoon para ihandog sa kanya. Doon na siya titira sa buong buhay niya.” 23 Sumagot si Elkana, “Gawin mo kung ano ang sa tingin moʼy mabuti. Dito ka na lang muna hanggang sa maawat mo na ang sanggol. Tulungan ka sana ng Panginoon na matupad ang ipinangako mo sa kanya.” Kaya nagpaiwan si Hanna at inalagaan ang kanyang anak.

24 Nang maawat na ang bata, dinala siya ni Hanna sa bahay ng Panginoon sa Shilo. Nagdala rin siya ng tatlong taong gulang na toro, kalahating sako ng harina at katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. 25 Matapos katayin ang toro, dinala nila si Samuel kay Eli. 26 Sinabi ni Hanna kay Eli, “Kung natatandaan nʼyo po, ako ang babaeng tumayo rito noon na nanalangin sa Panginoon. 27 Hiningi ko po ang batang ito sa Panginoon at ibinigay niya ang kahilingan ko. 28 Kaya ngayon, ihahandog ko po siya sa Panginoon. Maglilingkod po ang batang ito sa Panginoon sa buong buhay niya.” Pagkatapos ay sumamba sila sa[ak] Panginoon.

Ang Panalangin ni Hanna

At nanalangin si Hanna,

“Nagagalak ako sa Panginoon!
Dahil sa kanyang ginawa, hindi na ako mahihiya.
Tinatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway.
Nagagalak ako sa pagliligtas niya sa akin.
Walang ibang banal maliban sa Panginoon.
Wala siyang katulad.
Walang Bato na kanlungan tulad ng ating Dios.
Walang sinumang makapagyayabang dahil alam ng Panginoong Dios ang lahat ng bagay,
at hinahatulan niya ang mga gawa ng tao.
Nililipol niya ang mga makapangyarihan,
ngunit pinalalakas niya ang mahihina.
Ang mayayaman noon, ngayon ay nagtatrabaho para lang may makain.
Ngunit ang mahihirap noon ay sagana na ngayon.
Ang dating baog ay marami nang anak.[al]
Ngunit ang may maraming anak ay nawalan ng mga ito.
May kapangyarihan ang Panginoon na patayin o buhayin ang tao.
May kapangyarihan siyang ilagay sila sa lugar ng mga patay o kunin sila roon.
Ang Panginoon ang nagpapadukha at nagpapayaman.
Itinataas niya ang iba at ang iba naman ay kanyang ibinababa.
Ibinabangon niya ang mga mahihirap sa kanilang kahirapan.
Pinapaupo niya sila kasama ng mga maharlika at pinararangalan.
Sa kanya ang pundasyon na kinatatayuan ng mundo.
Iniingatan niya ang tapat niyang mamamayan.
Ngunit lilipulin niya ang masasama.
Walang sinumang magtatagumpay sa pamamagitan ng sarili niyang kalakasan.
10 Dudurugin niya ang kanyang mga kaaway.
Padadagundungin niya ang langit laban sa kanila.
Ang Panginoon ang hahatol sa buong mundo.[am]
Dahil sa kanya, magiging makapangyarihan at laging magtatagumpay ang haring kanyang hinirang.”

11 Pagkatapos, umuwi si Elkana at ang sambahayan niya sa Rama. Pero iniwan nila si Samuel para maglingkod sa Panginoon sa ilalim ng pangangalaga ni Eli na pari.

Ang Kasalanan ng Dalawang anak ni Eli

12 Masasamang tao ang dalawang anak ni Eli. Hindi sila sumusunod sa Dios 13 dahil hindi nila sinusunod ang mga tuntunin tungkol sa bahaging matatanggap ng mga pari galing sa handog ng mga tao. Ito ang kanilang ginagawa kapag may naghahandog: Habang pinapakuluan ang mga karneng ihahandog, pinapapunta nila roon ang alipin nila na may dalang malaking tinidor na may tatlong tulis. 14 Pagkatapos, tinutusok ng alipin ang mga karne sa loob ng kaldero o palayok. Ang matusok ng tinidor ay ang bahaging mapupunta sa mga pari. Ganito ang kanilang ginagawa tuwing maghahandog ang mga Israelita sa Shilo. 15 At bago pa masunog ang taba ng karne, pumupunta na ang alipin at sinasabi sa naghahandog, “Bigyan mo ang pari ng karneng maiihaw. Hindi siya tumatanggap ng pinakuluan. Hilaw ang gusto niya.” 16 Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maihandog ang taba ng karne bago siya kumuha ng gusto niya, sasagot ang alipin, “Hindi maaari! Kailangang ngayon mo ibigay dahil kung hindi, aagawin ko iyan sa iyo.” 17 Malaking kasalanan sa paningin ng Panginoon ang ginagawa ng mga anak ni Eli dahil hindi nila iginagalang ang handog para sa Panginoon.

18 Samantala, patuloy na naglilingkod sa Panginoon ang batang si Samuel. Suot-suot niya ang espesyal na damit[an] na gawa sa telang linen. 19 Taun-taon, iginagawa ni Hanna ng balabal si Samuel, at dinadala niya ito kay Samuel sa tuwing maghahandog sila ng asawa niya ng taunang handog. 20 Doon, binabasbasan ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa. Sinasabi niya kay Elkana, “Sanaʼy bigyan ka ng Panginoon ng mga anak sa babaeng ito kapalit ng kanyang hiningi at inihandog sa Panginoon.” Pagkatapos, umuwi na sila.

21 Kinahabagan ng Panginoon si Hanna. Nagkaanak pa siya ng tatlong lalaki at dalawang babae, habang si Samuel ay patuloy na lumalaking naglilingkod sa Panginoon.

Si Eli at ang mga Anak Niya

22 Matandang-matanda na si Eli. Nabalitaan niya ang lahat ng kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Nalaman na rin niya ang pagsiping ng mga ito sa mga babaeng naglilingkod sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 23 Kaya sinabihan niya ang mga ito, “Nabalitaan ko sa mga tao ang lahat ng kasamaang ginagawa ninyo. Bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? 24 Mga anak, tigilan na ninyo ito, dahil hindi maganda ang nababalitaan ko tungkol sa inyo mula sa mga mamamayan ng Panginoon.”

25 Sinabi pa ni Eli, “Kung magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa, maaaring mamamagitan ang Dios[ao] sa kanila; pero sino ang mamamagitan kung magkasala ang tao sa Panginoon?” Pero hindi nakinig ang mga anak niya dahil nakapagpasya na ang Panginoon na patayin sila.

26 Samantala, patuloy na lumalaki si Samuel, at kinalulugdan siya ng Panginoon at ng mga tao.

Ang Propesiya tungkol sa Sambahayan ni Eli

27 Lumapit ang isang lingkod ng Dios kay Eli at sinabi sa kanya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ipinahayag ko ang aking sarili sa ninuno nʼyong si Aaron at sa pamilya niya noong alipin pa sila ng Faraon sa Egipto. 28 Sa lahat ng lahi ng Israel, ang pamilya niya ang pinili ko na maging aking pari na maglilingkod sa aking altar, sa pagsusunog ng insenso, sa pagsusuot ng espesyal na damit ng pari sa aking presensya. Binigyan ko rin sila ng bahagi sa mga handog sa pamamagitan ng apoy na iniaalay ng mga Israelita. 29 Bakit pinag-iinteresan[ap] pa ninyo ang mga handog na para sa akin? Bakit mas iginagalang mo pa, Eli, ang mga anak mo kaysa sa akin? Hinahayaan mong patabain nila ang kanilang mga sarili ng mga pinakamagandang bahagi ng handog ng mga mamamayan kong Israelita.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®