Bible in 90 Days
Piniling Maging Hari si David
16 Nang panahong iyon, sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Hanggang kailan ka magdadalamhati para kay Saul? Inayawan ko na siya bilang hari ng Israel. Ngayon, punuin mo ng langis ang iyong sisidlan na sungay, at pumunta ka kay Jesse sa Betlehem. Pinili ko ang isa sa mga anak niya na maging bagong hari.” 2 Pero sinabi ni Samuel, “Paano ako makakapunta roon? Kapag nalaman ito ni Saul, tiyak na ipapapatay niya ako.” Sinabi ng Panginoon, “Magdala ka ng isang dumalagang baka sa Betlehem, at sabihin mo sa mga tao na pumunta ka roon para maghandog sa Panginoon. 3 Imbitahin mo si Jesse na sumama sa paghahandog at tuturuan kita kung ano ang gagawin mo. Ituturo ko sa iyo ang anak niyang pinili ko para maging hari. At papahiran mo ng langis ang kanyang ulo.”
4 Sinunod ni Samuel ang iniutos ng Panginoon. Pagdating niya sa Betlehem, sinalubong siya ng mga tagapamahala ng bayan na nanginginig sa takot. Nagtanong sila, “Kapayapaan ba ang pakay mo sa pagpunta rito?” 5 Sumagot si Samuel, “Oo, matiwasay akong pumunta rito para maghandog sa Panginoon. Maglinis kayo ng sarili ninyo sa pagharap sa kanya at sumama kayo sa akin sa paghahandog.” Pagkatapos, ginawa ni Samuel ang seremonya para linisin si Jesse at ang mga anak niya at inanyayahan din sila sa paghahandog.
6 Pagdating nila, nakita ni Samuel si Eliab at naisip niya, “Siguradong siya na ang pinili ng Panginoon na maging hari.” 7 Pero sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang tangkad at ang kakisigan niya dahil hindi siya ang pinili ko. Hindi ako tumitingin na gaya ng pagtingin ng tao. Ang taoʼy tumitingin sa panlabas na kaanyuan, ngunit ang tinitingnan koʼy ang puso.” 8 Tinawag ni Jesse si Abinadab at pinapunta kay Samuel. Pero sinabi ni Samuel, “Hindi siya ang pinili ng Panginoon.” 9 Pagkatapos, pinapunta ni Jesse si Shama kay Samuel, pero sinabi ni Samuel, “Hindi rin siya ang pinili ng Panginoon.” 10 Pinapunta ni Jesse kay Samuel ang pito niyang mga anak na lalaki, pero sinabi ni Samuel sa kanya, “Wala ni isa man sa kanila ang pinili ng Panginoon.” 11 Tinanong ni Samuel si Jesse, “Sila na bang lahat ang anak mo?” Sumagot si Jesse, “May isa pa, ang bunso, pero nagpapastol siya ng mga tupa.” Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo siya. Hindi tayo magpapatuloy sa ating gagawin hanggaʼt hindi siya dumarating.” 12 Kaya ipinatawag ni Jesse si David at pinapunta sa kanila. Magandang lalaki siya, mamula-mula ang mukha at maganda ang mga mata. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Pahiran mo siya ng langis dahil siya ang pinili ko.” 13 Kaya kinuha ni Samuel ang langis at pinahiran niya sa ulo si David sa harap ng kanyang mga kapatid. Simula nang araw na iyon, napuspos siya ng Espiritu ng Panginoon. At umuwi naman si Samuel sa Rama.
Naglingkod si David kay Saul
14 Umalis kay Saul ang Espiritu ng Panginoon, at pinahirapan siya ng masamang espiritu na ipinadala ng Panginoon. 15 Sinabi ng mga utusan ni Saul sa kanya, “Malinaw po na pinahihirapan kayo ng masamang espiritu na ipinadala ng Dios. 16 Kaya kung papayag po kayo, hahanap kami ng marunong tumugtog ng alpa. At tuwing pahihirapan kayo ng masamang espiritu na ipinadala ng tutugtugan po niya kayo ng alpa at bubuti na ang pakiramdam ninyo.” 17 Sinabi ni Saul sa kanyang mga utusan, “Sige, humanap kayo ng taong marunong tumugtog ng alpa at dalhin nʼyo siya sa akin.” 18 Sumagot ang isa sa kanyang mga utusan, “Nakita ko po na ang isa sa mga anak ni Jesse na taga-Betlehem ay magaling tumugtog ng alpa. Bukod pa roon, matapang po siya at mahusay makipaglaban, magandang lalaki, mahusay magsalita at sumasakanya ang Panginoon.”
19 Nagsugo si Saul ng mga mensahero kay Jesse para papuntahin sa kanya ang anak ni Jesse na si David na pastol ng mga tupa. 20 Kaya pinapunta ni Jesse si David kay Saul na may dalang mga regalo: isang asno na may kargang tinapay, isang balat na sisidlan na puno ng katas ng ubas at isang batang kambing.
21 Naglingkod si David kay Saul at nagustuhan siya ni Saul, kaya ginawa niyang tagapagdala ng armas si David. 22 Pagkatapos, nagpadala ng mensahe si Saul kay Jesse na nagsasabi, “Hayaan mong manatili rito si David para maglingkod sa akin dahil natutuwa ako sa kanya.”
23 Sa tuwing dumarating kay Saul ang masamang espiritu na ipinapadala ng Dios, tinutugtog ni David ang kanyang alpa. Pagkatapos, umaalis kay Saul ang masamang espiritu at bumubuti ang kanyang pakiramdam.
Si David at si Goliat
17 Tinipon ng mga Filisteo ang mga sundalo nila sa Soco na sakop ng Juda para makipagdigma. Nagkampo sila sa Efes Damim, sa gitna ng Soco at Azeka. 2 Tinipon din ni Saul ang mga Israelita, at nagkampo sila malapit sa Lambak ng Elah. Naghanda sila sa pakikipagdigma laban sa mga Filisteo. 3 Ang mga Filisteoʼy nasa isang burol at ang mga Israelita namaʼy nasa kabilang burol, nasa gitna nila ang lambak.
4 Ngayon, may isang mahusay at matapang na mandirigmang taga-Gat na ang pangalan ay Goliat. Lumabas siya sa kampo ng mga Filisteo, at lumapit sa kampo ng mga Israelita. May siyam na talampakan[a] ang kanyang taas. 5 Tanso ang helmet niya at tanso rin ang kanyang panangga sa dibdib na tumitimbang ng 60 kilo. 6 Tanso rin ang nakabalot sa kanyang binti at hita, at may tansong sibat na nakasukbit sa kanyang balikat. 7 Ang hawakan naman ng kanyang sibat ay mabigat at makapal; ang dulo nitoʼy tumitimbang ng pitong kilo. Nasa unahan naman niya ang tagapagdala ng kanyang kalasag.
8 Huminto si Goliat at sumigaw sa mga Israelita, “Kailangan nʼyo pa ba ng buong hukbo para makipaglaban? Ako ang Filisteo at kayo ang mga utusan ni Saul. Pumili na lang kayo ng isang taong kakatawan sa inyo na lalaban sa akin. 9 Kung mapapatay niya ako, magpapaalipin kami sa inyo; pero kung mapapatay ko siya, magpapaalipin kayo at maglilingkod sa amin. 10 Ngayon, hinahamon ko kayo! Papuntahin ninyo rito ang makikipaglaban sa akin.” 11 Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, natakot sila nang husto.
12 Ngayon, may anak si Jesse na nagngangalang David. Si Jesse ay taga-Betlehem, na mula sa lahi ni Efraim sa lupain ng Juda. Matanda na si Jesse nang mga panahong iyon. May walo siyang anak na lalaki. 13 Ang tatlong nakatatanda ay sumama kay Saul sa digmaan – ang panganay na si Eliab, ang sumunod ay si Abinadab at si Shama naman ang pangatlo. 14 Si David ang bunso sa magkakapatid. Habang kasama ni Saul sa digmaan ang tatlo, 15 si David ay nagpapabalik-balik sa paglilingkod kay Saul at sa pagpapastol ng mga tupa ng kanyang ama sa Betlehem.
16 Sa loob ng 40 araw, paulit-ulit na hinahamon ni Goliat ang mga Israelita, araw at gabi.
17 Isang araw, sinabi ni Jesse kay David, “Anak, dalhin mo agad itong kalahating sako ng binusang trigo at sampung pirasong tinapay sa mga kapatid mo na nasa kampo. 18 Dalhin mo rin itong sampung pirasong keso sa pinuno ng hukbo. Kumustahin mo rin ang kalagayan ng mga kapatid mo roon. At sa pagbalik mo rito, magdala ka ng katunayan na mabuti ang kalagayan nila. 19 Naroon sila ngayon sa Lambak ng Elah at nakikipaglaban sa mga Filisteo kasama ni Saul at ng iba pang mga Israelita.” 20 Kaya kinabukasan, madaling-araw pa lang ay bumangon na si David at inihanda ang mga pagkaing dadalhin niya. Iniwan niya ang mga tupa sa isang pastol at siyaʼy umalis ayon sa iniutos ni Jesse. Nang dumating siya sa kampo ng mga Israelita, palabas na ang mga sundalong nagsisigawan para makipaglaban. 21 Maya-maya, magkaharap na ang mga Israelita at mga Filisteo na handa nang maglaban. 22 Iniwan ni David ang mga dala-dala niya sa tagapag-asikaso ng mga kailangan ng hukbo, at tumakbo siya sa lugar ng labanan at kinamusta ang mga kapatid niya. 23 Habang kinakausap niya sila, lumabas si Goliat, ang mahusay na mandirigma na taga-Gat, at pumunta sa unahan ng mga Filisteo, at hinamon na naman niya ang mga Israelita. Narinig ito ni David. 24 Nang makita ng mga Israelita si Goliat, nagtakbuhan sila sa sobrang takot. 25 Nag-usap-usap sila, “Nakita ba ninyo ang lalaking iyon na sumusugod para hamunin ang Israel? Bibigyan ng hari ng malaking gantimpala ang sinumang makakapatay sa kanya. Hindi lang iyan, ibibigay pa niya rito para maging asawa ang isa sa mga anak niyang babae, at ang buo niyang sambahayan ay hindi na magbabayad ng buwis sa Israel.”
26 Nagtanong si David sa mga taong nakatayo malapit sa kanya, “Sino ba ang Filisteong iyon na hindi nakakakilala sa Dios[b] na humahamon sa mga sundalo ng buhay na Dios? Ano ba ang matatanggap ng taong makakapatay sa kanya para matigil na ang panghihiya niya sa Israel?” 27 At sumagot ang mga tao, “Tulad ng narinig mo, iyon nga ang gantimpala sa makakapatay kay Goliat.”
28 Nang marinig ito ni Eliab, ang nakatatandang kapatid ni David, na nakikipag-usap si David sa mga tao, nagalit siya. Sinabi niya kay David, “Bakit ka pumunta rito? Sino ang pinagbantay mo sa iilang tupa natin doon sa ilang? Akala mo kung sino ka. Alam ko kung gaano ka kayabang. Pumunta ka lang dito para manood ng labanan.” 29 Sinabi ni David, “Ano ba ang ginawa ko? Nagtatanong lang ako.” 30 Tinalikuran niya si Eliab at nagtanong sa iba para linawin ang mga nalaman niya kanina at ganoon din ang sagot na natanggap niya.
31 Nakarating kay Saul ang mga sinabi ni David. Kaya ipinatawag niya ito. 32 Pagdating ni David, sinabi niya kay Saul, “Wala po ni isa man sa atin ang dapat na panghinaan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako na po na inyong lingkod ang makikipaglaban sa kanya.” 33 Sumagot si Saul, “Hindi mo kayang makipaglaban sa kanya. Bata ka pa, habang siyaʼy mandirigma na mula pa sa kanyang pagkabata.” 34 Pero sumagot si David, “Matagal na po akong nagbabantay sa mga tupa ng aking ama. Kung may leon o oso na tatangay sa mga tupa, 35 tinutugis ko po ito at binubugbog, at kinukuha ang tupa. Kung lalaban ito hinuhuli ko ito sa leeg[c] at hinahampas hanggang sa mamatay. 36 Nagawa ko po ito sa mga leon at oso, at gagawin ko rin ito sa Filisteong iyon na hindi nakakakilala sa Dios dahil hinahamon po niya ang mga sundalo ng buhay na Dios. 37 Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga leon at oso ang siya ring magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong iyon.”
Sinabi ni Saul kay David, “Sige, lumakad ka na. Patnubayan ka sana ng Dios.” 38 Ibinigay niya at ipinasuot kay David ang mga kasuotan niyang pandigma – ang tansong helmet at panangga sa dibdib. 39 Pagkatapos, isinukbit ni David ang espada ni Saul at sinubukang lumakad. Ngunit, dahil hindi pa siya sanay na gumamit ng mga ito, sinabi niya kay Saul, “Hindi po ako makikipaglaban na suot ang mga ito, hindi po ako sanay.” Kaya hinubad niya ang lahat ng ito. 40 Pagkatapos, kinuha niya ang kanyang tungkod, pumulot ng limang makikinis na bato sa sapa at inilagay sa balat na lalagyan. Dala-dala ang kanyang tirador, lumapit siya kay Goliat.
41 Lumapit si Goliat kay David na pinangungunahan ng tagapagdala niya ng armas. 42 Nang makita niyang binatilyo lamang si David, magandang lalaki at may mamula-mulang pisngi, hinamak niya ito. 43 Sinabi niya kay David, “Aso ba ako at patpat iyang dala-dala mo?” At isinumpa niya si David sa ngalan ng kanyang mga dios. 44 Sinabi pa niya, “Lumapit ka rito at ipapakain ko ang bangkay mo sa mga ibon at sa mababangis na hayop!” 45 Sumagot si David, “Makikipaglaban ka sa akin na ang dalaʼy espada, sibat, at punyal, pero lalabanan kita sa pangalan ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng hukbo ng Israel na iyong hinahamon. 46 Sa araw na ito ibibigay ka sa akin ng Panginoon. Papatayin at pupugutan kita ng ulo. Ngayong araw ding ito, ang mga bangkay ng mga kasama mong Filisteo ay ipapakain ko sa mga ibon at mababangis na hayop, at malalaman ng buong mundo na may Dios ang Israel. 47 Malalaman ng lahat ng nagkakatipon dito na kayang iligtas ng Panginoon ang kanyang bayan kahit na walang espada o sibat. Sapagkat ang Panginoon ang makikipaglaban at ibibigay niya kayong lahat sa amin.”
48 Habang lumalapit si Goliat sa kanya, patakbo naman siyang sinalubong ni David. 49 Kumuha siya ng bato sa kanyang lalagyan at tinirador sa noo si Goliat. Tumama ito at bumaon sa noo ni Goliat at natumba siya nang padapa sa lupa.
50 Kaya tinalo ni David si Goliat sa pamamagitan lang ng tirador at isang bato. Napatay niya si Goliat kahit wala siyang dalang espada. 51 Tumakbo siya papunta kay Goliat, kinuha ang espada nito at pinugutan ito ng ulo. Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang mahusay nilang mandirigma, nagtakbuhan sila papalayo. 52 Sumugod ang mga sundalo ng Israel at Juda na sumisigaw, at hinabol nila ang mga Filisteo hanggang sa Gat[d] at Ekron. Nagkalat ang mga bangkay ng mga Filisteo sa daan ng Shaaraim hanggang sa Gat at Ekron. 53 Pagkatapos nilang habulin ang mga Filisteo, nagsibalik sila at sinamsam ang mga naiwan sa kampo ng mga Filisteo. 54 Dinala ni David ang ulo ni Goliat sa Jerusalem, at inilagay sa kanyang tolda ang mga armas ni Goliat.
55 Habang pinagmamasdan ni Saul si David na papalapit kay Goliat para makipaglaban, tinanong ni Saul si Abner, na kumander ng mga sundalo, “Abner, kaninong anak ang binatilyong iyan?” Sumagot si Abner, “Hindi ko po alam, Mahal na Hari.” 56 Sinabi ni Saul, “Alamin mo kung kanino siyang anak.”
57 Nang bumalik si David sa kampo nila matapos niyang mapatay si Goliat, dinala siya ni Abner kay Saul. Bitbit pa niya ang ulo ni Goliat. 58 Tinanong siya ni Saul, “Kanino kang anak, binata?” Sumagot si David, “Anak po ako ng inyong lingkod na si Jesse na taga-Betlehem.”
Ang Pagkakaibigan ni David at Jonatan
18 Matapos makipag-usap ni David kay Saul, nakilala niya ang anak nitong si Jonatan. Naging matalik silang magkaibigan at mahal na mahal ni Jonatan si David gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. 2 Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David sa kanilang bahay. 3 Sumumpa si Jonatan kay David na magiging magkaibigan sila sa habang panahon dahil mahal niya si David gaya ng kanyang sarili. 4 At bilang patunay ng kanyang pangako, hinubad niya ang kanyang balabal at ibinigay kay David, kasama ang kanyang pamigkis, espada, pana at sinturon.
5 Napagtagumpayan ni David ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Saul, kaya siyaʼy ginawa nitong pinuno ng buong hukbo. Nagustuhan ito ng mga mamamayan pati na rin ng mga opisyal ni Saul.
Nainggit si Saul kay David
6 Nang pauwi na ang mga Israelita matapos mapatay ni David si Goliat, sinalubong si Saul ng mga babaeng mula sa lahat ng bayan ng Israel. Sumasayaw sila at umaawit na may tamburin at alpa. 7 Ganito ang kanilang awit:
“Libu-libo ang napatay ni Saul, kay David naman ay tig-sasampung libo.” 8 Nagalit si Saul nang mapakinggan niya ang awit nila. Naisip niya, “Sinasabi nilang tig-sasampung libo ang napatay ni David, pero ang sa akin ay libu-libo lang. Kulang na lang ay siya ang kilalanin nilang hari.” 9 Mula noon, binantayan na niyang mabuti si David dahil nagseselos siya rito.
10-11 Kinabukasan, pinasukan si Saul ng masamang espiritu na ipinadala ng Dios, at umasta siya na parang baliw sa loob ng kanilang bahay. Tumutugtog si David ng alpa gaya ng ginagawa niya bawat araw. May hawak noon na sibat si Saul, at dalawang beses niyang sinibat si David. Ang balak niyaʼy itusok si David sa dingding, pero nakailag si David at nakatakas. 12 Natatakot si Saul kay David dahil sinasamahan ito ng Panginoon samantalang siya namaʼy pinabayaan na ng Panginoon. 13 Kaya para malayo sa kanya si David, ginawa niya itong kumander ng 1,000 sundalo, at pinamunuan ito ni David nang buong lakas sa digmaan.
14 Nagtagumpay si David sa lahat ng ginagawa niya dahil kasama niya ang Panginoon. 15 Nang malaman ni Saul kung gaano katagumpay si David, lalo pa siyang natakot. 16 Pero lalo namang napamahal ang buong Israel at Juda kay David, dahil pinamumunuan niya sila sa mga labanan.
17 Isang araw, sinabi ni Saul kay David, “Handa akong ibigay sa iyo ang panganay kong anak na si Merab bilang asawa mo, pero kailangan mo munang patunayan sa akin na isa kang matapang na mandirigma sa pamamagitan ng pakikipaglaban para sa Panginoon.” At sinabi ni Saul sa sarili niya, “Sa pamamagitan nito ay mapapatay si David ng mga Filisteo at hindi na kailangang ako pa ang pumatay sa kanya.”
18 Pero sinabi ni David kay Saul, “Sino po ba ako at ang aking pamilya para maging manugang ng hari?”
19 Nang dumating ang araw na ikakasal na si Merab kay David, ipinakasal na lang ni Saul si Merab kay Adriel na taga-Mehola.
20 Samantala, ang isa pang anak na babae ni Saul na si Mical ay nagkagusto kay David. Nang malaman ito ni Saul, natuwa siya. 21 Sinabi ni Saul sa kanyang sarili, “Ipakakasal ko si Mical kay David, at gagawin ko siyang pain para mapatay ng mga Filisteo si David.” Kaya sinabi niya kay David, “May pagkakataon ka pa para maging manugang ko.”
22 Kinasabwat din ni Saul ang kanyang mga lingkod na makipag-usap nang lihim kay David at sabihin sa kanya, “Talagang gusto ka ng hari pati na rin ng kanyang mga lingkod. Kaya pumayag ka nang maging manugang niya.” 23 Nang sinabi nila ito kay David, sumagot siya, “Hindi ko makakayang magbayad sa hari para mapangasawa ko ang kanyang anak. Mahirap lang ako at galing sa isang hindi kilalang pamilya.”
24 Nang ibalita nila ito kay Saul, 25 sinabi ni Saul, “Sabihin ninyo kay David na ang hinihingi ko lang na bayad sa pagpapakasal sa aking anak ay 100 balat ng pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa aking mga kalaban.” Pero ang plano ni Saul ay mahulog si David sa kamay ng mga Filisteo.
26 Nang sabihin ito ng mga lingkod ni Saul kay David, natuwa siya dahil gusto niyang maging manugang ng hari. Kaya bago pa sumapit ang itinakdang araw, 27 sinalakay ni David at ng mga tauhan niya ang mga Filisteo at napatay nila ang 200 sa mga ito. Pagkatapos, kinuha nila ang mga balat ng pinagtulian ng mga Filisteo at dinala ang lahat ng ito sa hari. Kaya ibinigay ni Saul si Mical kay David para maging asawa niya.
28 Nang malaman ni Saul na pinapatnubayan ng Panginoon si David at nakita niya kung gaano kamahal ni Mical si David, 29 lalo pa siyang natakot kay David. At itinuring niyang kaaway si David habang nabubuhay siya. 30 Nagpatuloy ang labanan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo. Bawat labanan, mas nagiging matagumpay si David kaysa sa lahat ng opisyal ng hari. Kaya lalong nakilala ang pangalan ni David sa buong bayan.
Tinangkang Patayin ni Saul si David
19 Minsan, sinabi ni Saul kay Jonatan at sa lahat ng lingkod niya na patayin si David. Pero mahal ni Jonatan si David, 2 kaya binigyan niya ng babala si David. Sinabi niya, “Naghahanap ng pagkakataon ang aking ama para patayin ka, kaya mag-ingat ka. Bukas maghanap ka ng mapagtataguan at huwag kang aalis doon. 3 Dadalhin ko roon ang aking ama at kakausapin ko siya tungkol sa iyo. Pagkatapos, sasabihin ko sa iyo ang napag-usapan namin.”
4 Kinaumagahan, kinausap ni Jonatan si Saul tungkol kay David doon sa bukid at pinuri niya ito sa harap ng kanyang ama. At sinabi, “Ama,[e] huwag nʼyo pong saktan si David na inyong lingkod dahil wala siyang ginawang masama sa inyo. Nakagawa pa nga po siya ng malaking kabutihan sa inyo. 5 Itinaya po niya ang kanyang buhay nang patayin niya ang Filisteo na si Goliat at pinagtagumpay ng Panginoon ang buong Israel. Nasaksihan nʼyo ito at natuwa kayo. Pero bakit gusto nʼyo pang ipapatay ang isang inosenteng tao na katulad ni David nang walang dahilan?”
6 Pinakinggan ni Saul si Jonatan at sumumpa siya sa pangalan ng Panginoon na buhay na hindi na niya ipapapatay si David. 7 Ipinatawag ni Jonatan si David at sinabi niya rito ang lahat ng pinag-usapan nila ni Saul. Dinala ni Jonatan si David kay Saul, at muling pinaglingkuran ni David si Saul gaya nang dati.
8 Muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, at buong lakas na pinamunuan ni David ang mga tauhan niya sa pakikipaglaban. Sinalakay nila David nang buong lakas ang mga Filisteo kaya natalo ang mga ito at nagsitakas.
9 Isang araw, habang nakaupo si Saul sa kanyang bahay at may hawak na sibat, sinaniban na naman siya ng masamang espiritu na ipinadala ng Panginoon. Habang tumutugtog si David ng alpa, 10 sinubukang itusok ni Saul si David sa dingding sa pamamagitan ng pagsibat dito pero nakaiwas si David. Kinagabihan, tumakas si David.
11 Nagpadala naman ng mga tauhan si Saul para magmanman sa bahay ni David at para patayin ito kinaumagahan. Pero binalaan si David ng kanyang asawang si Mical, “Kung hindi ka tatakas ngayong gabi, papatayin ka bukas.” 12 Kaya tinulungan niyang makababa si David sa bintana, at tumakas si David. 13 Kumuha naman si Mical ng isang dios-diosan, at inihiga sa kama. Kinumutan niya ito, at binalot ng balahibo ng kambing ang ulo nito.
14 Nang dumating ang mga taong ipinadala ni Saul para hulihin si David, sinabi sa kanila ni Mical na may sakit ito at hindi kayang bumangon sa higaan. 15 Nang ibinalita nila ito kay Saul, pinabalik sila ni Saul para tingnan nila mismo si David, at sinabihan ng ganito, “Dalhin ninyo siya sa akin na nakahiga sa kanyang higaan para mapatay ko siya.” 16 Pero nang pumasok sila sa bahay ni David, nakita nila na ang nakahiga ay isang dios-diosan na may balahibo ng kambing sa ulo.
17 Sinabi ni Saul kay Mical, “Bakit mo ako niloko, at pinatakas ang aking kaaway?” Sumagot si Mical, “Sinabi niya sa akin na papatayin niya ako kapag hindi ko siya tinulungang makatakas.”
18 Nang makatakas si David, pumunta siya kay Samuel sa Rama at sinabi niya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kanya. Pagkatapos nito, pumunta sila ni Samuel sa Nayot at doon nanirahan.
19 Nabalitaan ni Saul na si David ay nasa Nayot sa Rama, 20 kaya nagpadala siya ng mga tauhan para hulihin si David. Pagdating nila roon, nakita nila ang mga propetang nagpapahayag ng mensahe ng Dios at pinangungunahan ni Samuel. Pagkatapos, napuspos ng Espiritu ng Dios ang mga tauhan ni Saul at nagpahayag din sila ng mensahe ng Dios. 21 Nang marinig ni Saul ang nangyari, muli siyang nagpadala ng mga tauhan para hulihin si David. Pero pagdating nila doon, ganoon din ang nangyari, nagpahayag din ang mga ito ng mensahe ng Dios. Muling nagpadala si Saul ng mga tauhan sa ikatlong pagkakataon pero ganoon din ang nangyari sa mga ito. 22 Sa bandang huli, si Saul na mismo ang pumunta sa Rama. Pagdating niya sa malaking balon ng Secu, nagtanung-tanong siya kung nasaan sina Samuel at David. Sinabi sa kanya na nasa Nayot sila. 23 Kaya pumunta si Saul sa Nayot. Pero habang nasa daan, pinuspos rin siya ng Espiritu ng Dios at nagpahayag din siya ng mensahe ng Dios hanggang sa makarating siya sa Nayot. 24 Nang naroon na siya, hinubad niya ang kanyang damit at nagpahayag ng mensahe ng Dios sa harapan ni Samuel. Nahiga siya nang nakahubad buong araw at gabi. Ito ang dahilan kung bakit nagtatanong ang mga tao, “Naging propeta na rin ba si Saul?”
Si David at si Jonatan
20 Tumakas si David mula sa Nayot sa Rama, at pumunta kay Jonatan at nagtanong, “Ano ba ang kasalanang nagawa ko sa iyong ama at gusto niya akong patayin?” 2 Sumagot si Jonatan, “Hindi ka mamatay! Sigurado akong wala siyang pinaplanong ganyan. Maliit man o malaking bagay, ipinapaalam ng ama ko sa akin lahat ng gagawin niya. Kung binabalak ka niyang patayin, ipinaalam na sana niya ito sa akin. Kaya hindi totoo yan.” 3 Pero sinabi ni David, “Alam na alam ng iyong ama ang tungkol sa pagkakaibigan natin kaya minabuti niya na huwag nang ipaalam sa iyo ang plano niyang pagpatay sa akin, dahil baka masaktan ka lang. Pero tinitiyak ko sa iyo, at sa harap ng presensya ng Panginoon na buhay, na nasa panganib ang buhay ko.” 4 Sinabi ni Jonatan, “Kung anuman ang gusto mo, gagawin ko.” 5 Kaya sinabi ni David, “Bukas ay Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[f] at gaya ng nakagawian, dapat akong kumain kasama ng iyong ama. Pero hayaan mo akong makaalis at magtago sa bukid hanggang sa gabi ng ikatlong araw. 6 Kung hahanapin ako ng iyong ama, sabihin mo sa kanya na humingi ako ng pahintulot sa iyo na umuwi sa amin sa Betlehem para makasama ko ang buong pamilya ko sa paghahandog na ginagawa nila taun-taon. 7 Kapag hindi siya nagalit, ibig sabihin akoʼy wala sa panganib. Pero kapag nagalit siya, alam mo nang binabalak niya akong patayin. 8 Kaya kung maaari, tulungan mo ako, gawin mo sa akin ang kabutihang ito, ayon sa napagkasunduan natin sa harap ng presensya ng Panginoon. Pero kung nagkasala man ako, ikaw na ang pumatay sa akin. Bakit mo pa ako ibibigay sa iyong ama?” 9 Sumagot si Jonatan, “Hindi iyan mangyayari! Kung nalalaman ko na may balak ang aking ama na patayin ka, ipapaalam ko agad sa iyo.” 10 Nagtanong si David, “Paano ko malalaman kung galit o hindi ang iyong ama?” 11 Sinabi ni Jonatan, “Sumama ka sa akin sa bukid.” Kaya nagpunta sila roon.
12 Sinabi ni Jonatan kay David, “Nangangako ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel, na bukas sa ganito ring oras, o sa susunod na araw, makikipag-usap ako sa aking ama, at kung mabuti ang pakitungo niya tungkol sa iyo, ipapaalam ko sa iyo. 13 Pero kung may balak ang aking ama na patayin ka, at hindi ko ito ipinaalam sa iyo para makatakas ka, sanaʼy parusahan ako nang matindi ng Panginoon. Ngayon, samahan ka sana ng Panginoon gaya ng ginawa niya noon sa aking ama. 14 At ipakita mo sana ang pagmamahal mo sa akin habang akoʼy nabubuhay pa gaya ng pagmamahal ng Panginoon sa atin. At kung patay na ako, 15 ipagpatuloy mo pa rin ang pagmamahal sa pamilya ko, kahit pa patayin ng Panginoon ang lahat ng kaaway mo.”
16 Kaya gumawa si Jonatan ng kasunduan sa pamilya ni David, at sinabi niya, “Ibigay ka sana ng Panginoon sa iyong mga kaaway, kapag hindi ka tumupad sa kasunduan natin[g].” 17 At pinasumpa ulit ni Jonatan si David ng pagmamahal sa kanya dahil mahal na mahal niya si David gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. 18 Pagkatapos, sinabi niya kay David, “Bukas ay Pista ng Pagsisimula ng Buwan at malalaman nila na wala ka roon dahil bakante ang upuan mo. 19 Sa makalawa, bago gumabi, pumunta ka sa dati mong pinagtaguan sa bukid. Maghintay ka roon sa may bato ng Ezel. 20 Darating ako at papana ng tatlong beses sa gilid ng bato na parang may pinapana ako. 21 Pagkatapos, uutusan ko ang isang bata na hanapin ang palaso. Kung sasabihin ko sa kanya na nasa gilid niya ang mga palaso, lumabas ka. Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng presensya ng Panginoon na buhay, na wala kang dapat katakutang panganib. 22 Pero kung sasabihin ko sa bata na nasa banda pa roon ang mga palaso, nangangahulugan ito na kailangan mong tumakas dahil pinapatakas ka ng Panginoon. 23 Tungkol sa sumpaan natin, alalahanin mo na ang Panginoon ang ating saksi magpakailanman.”
24 Kaya nagtago si David sa bukid, at nang dumating ang Pista ng Pagsisimula ng Buwan, umupo si Haring Saul para kumain. 25 Doon siya umupo sa dati niyang inuupuan sa tabi ng dingding. Si Jonatan naman ay naupo sa tapat niya at si Abner sa tabi niya. Pero bakante ang upuan ni David. 26 Nang araw na iyon, hindi nagsalita si Saul tungkol sa pagkawala ni David dahil inisip niya na baka may nagawa si David na nagparumi sa kanya kaya hindi siya nakapunta.
27 Pero nang sumunod na araw, ang ikalawang araw ng buwan, bakante pa rin ang upuan ni David. Kaya tinanong ni Saul si Jonatan, “Bakit hindi pumupunta rito si David na anak ni Jesse para makisalo sa atin kahapon at ngayon?” 28 Sumagot si Jonatan, “Nagpaalam po siya sa akin na uuwi muna siya sa Betlehem. 29 Sabi po kasi niya, ‘Inutusan ako ng kapatid ko na sumama muna ako sa aking pamilya na maghandog, kaya humihingi ako ng pabor sa iyo, payagan mo akong makita ang aking mga kapatid.’ Iyan po ang dahilan kung bakit hindi nʼyo siya kasalo.” 30 Galit na galit si Saul kay Jonatan. Sinabi niya, “Isa kang suwail na anak! Alam kong kinakampihan mo si David. Ipinahiya mo ang iyong sarili at ang iyong ina. 31 Habang nabubuhay si David na anak ni Jesse, hindi ka magiging hari. Kaya kunin mo siya ngayon at dalhin sa akin. Dapat siyang mamatay.” 32 Nagtanong si Jonatan, “Bakit po ba kailangan siyang patayin? Ano po ba ang ginawa niya?” 33 Pero sa halip na sumagot, sinibat ni Saul si Jonatan para patayin. Kaya nalaman niya na desidido ang kanyang ama na patayin si David. 34 Dahil sa sobrang galit, umalis sa hapag-kainan si Jonatan, at hindi na siya kumain nang araw na iyon dahil masamang-masama ang loob niya sa kahiya-hiyang inasal ng kanyang ama kay David.
35 Kinaumagahan, pumunta si Jonatan sa bukid para makipagkita kay David gaya ng napagkasunduan. May kasama siyang batang lalaki. Sinabi niya sa bata, 36 “Tumakbo ka na at hanapin mo ang mga palasong ipapana ko.” Kaya tumakbo ang bata at pumana si Jonatan sa unahan nito. 37 Nang dumating ang bata sa lugar na binagsakan ng palaso, sumigaw si Jonatan, “Nasa banda pa roon ang mga palaso. 38 Magmadali ka. Pulutin mo!” Pinulot ng bata ang mga palaso at bumalik sa kanyang amo. 39 Walang kaalam-alam ang bata kung ano ang kahulugan ng mga pangyayari. Sina David at Jonatan lang ang nakakaalam. 40 Pagkatapos, ibinigay ni Jonatan ang mga palaso sa bata at sinabi, “Dalhin mo ito pabalik sa bayan.”
41 Nang makaalis na ang bata, lumabas si David sa batong pinagtataguan niya at lumuhod sa harap ni Jonatan ng tatlong beses na ang mukhaʼy nakadikit sa lupa bilang paggalang. Niyakap[h] nila ang isaʼt isa na kapwa umiiyak, pero mas malakas ang iyak ni David. 42 Sinabi ni Jonatan kay David, “Sige, sanaʼy maging matiwasay ang iyong paglalakbay. At sanaʼy tulungan tayo ng Panginoon na matupad ang mga sumpaan natin sa isaʼt isa, hanggang sa mga magiging angkan natin.” Lumakad na si David, at si Jonatan namaʼy bumalik sa bayan.
Pumunta si David sa Nob
21 Pumunta si David sa Nob at tumuloy kay Ahimelec na siyang pari sa Nob. Nanginig sa takot si Ahimelec nang makita si David. Nagtanong siya, “Bakit nag-iisa ka lang?” 2 Sumagot si David, “May iniutos sa akin ang hari, at pinagbilinan niya ako na huwag ipagsasabi kahit kanino ang pakay ko rito. Ang mga tauhan ko namaʼy sinabihan ko na magkita-kita na lang kami sa isang lugar. 3 May pagkain ka ba rito? Bigyan mo ako ng limang tinapay o kahit anong mayroon ka.” 4 Sumagot ang pari, “Wala na akong ordinaryong tinapay. Pero mayroon ako ritong tinapay na inihandog. Maaari ko itong ibigay sa iyo at sa mga tauhan mo kung hindi sila sumiping sa kahit sinong babae nitong mga huling araw.” 5 Sumagot si David, “Hindi kami sumisiping sa mga babae kapag may misyon kami. Kahit na ordinaryong misyon lang ang gagawin namin, kailangang malinis[i] kami. Ano pa kaya ngayon na mahalaga ang misyong ito.” 6 At dahil nga walang ordinaryong tinapay, ibinigay sa kanya ng pari ang tinapay na inihandog sa presensya ng Dios. Itoʼy kinuha mula sa banal na mesa at pinalitan ng bagong tinapay nang araw ding iyon.
7 Nang araw na iyon, naroon ang alipin ni Saul na si Doeg na taga-Edom. Siya ang punong tagapangalaga ng mga hayop ni Saul. Naroon siya dahil may tinutupad siyang panata sa Panginoon.
8 Tinanong ni David si Ahimelec, “Mayroon ka bang espada o sibat dito? Hindi ako nakapagdala ng aking espada o kahit anumang armas dahil madalian ang utos ng hari.” 9 Sumagot ang pari, “Narito ang espada ng Filisteong si Goliat na pinatay mo sa Lambak ng Elah. Nakabalot ito sa tela at nasa likod ng espesyal na damit[j] ng mga pari. Kunin mo kung gusto mo, wala nang iba pang espada rito kundi iyon lang.” Sinabi ni David, “Ibigay mo iyon sa akin. Wala ng ibang kapareho iyon.”
10 Nang araw na iyon, tumakas si David kay Saul, at pumunta kay Haring Akish ng Gat. 11 Sinabi ng mga opisyal ng hari sa kanya, “Hindi baʼt ito si David ang naghahari sa lugar nila? Hindi baʼt siya ang pinararangalan ng mga kababaihan habang sumasayaw sila at umaawit ng,
‘Libu-libo ang napatay ni Saul,
tig-sasampung libo naman ang kay David?’ ”
12 Inisip ni David ang sinabi nila, at natakot siya sa maaaring gawin sa kanya ni Haring Akish ng Gat. 13 Kaya nagkunwari siyang baliw, pinagkakalmot niya ang mga dingding ng lungsod at pinatulo ang laway niya sa kanyang balbas. 14 Sinabi ni Akish sa kanyang mga opisyal, “Tingnan nʼyo! Baliw ang taong ito! Bakit ninyo siya dinala sa akin? 15 Marami na ang baliw na gaya niya rito. Bakit nʼyo pa dinala sa pamamahay ko ang taong iyan para umasal nang ganyan sa aking harapan?”
Si David sa Adulam at Mizpa
22 Umalis si David sa Gat, at tumakas papunta sa kweba ng Adulam. Nang mabalitaan ito ng mga kapatid at kapamilya ni David, pinuntahan nila ito para samahan siya. 2 Sumama na rin kay David ang mga taong nababahala, lubog sa utang, at hindi kontento sa buhay. Umabot sa 400 ang kanilang bilang at si David ang naging pinuno nila. 3 Mula rito, pumunta si David sa Mizpa na sakop ng Moab at sinabi niya sa hari ng Moab, “Nakikiusap ako na payagan ninyo na dito muna manirahan ang aking mga magulang hanggaʼt hindi ko pa natitiyak kung ano ang kalooban ng Dios sa akin.” 4 Pumayag ang hari, kaya iniwan niya ang kanyang mga magulang sa hari ng Moab habang nandoon siya sa matatag na kublihan.
5 Isang araw, sinabi ni propeta Gad kay David, “Umalis ka na rito sa pinagtataguan mo at pumunta ka sa Juda.” Umalis nga si David at pumunta sa kagubatan ng Heret.
Ang Pagpatay sa mga Pari ng Nob
6 Nabalitaan ni Saul na nahanap na sina David at ang kanyang mga tauhan. Nakaupo noon si Saul sa ilalim ng puno ng tamarisko, doon sa burol ng Gibea. May hawak siyang sibat at nakapalibot sa kanya ang kanyang mga opisyal. 7 Sinabi ni Saul sa kanila, “Makinig kayo, mga taga-Benjamin! Pinangakuan ba kayo ni David na bibigyan kayo ng bukid at ubasan? Pinangakuan ba niya kayong gagawin kayong kumander ng mga sundalo? 8 Iyan ba ang dahilan kung bakit nakipagsabwatan kayo sa kanya laban sa akin? Wala ni isa man sa inyo ang nagsabi sa akin na gumawa ng kasunduan kay David ang anak kong si Jonatan. Hindi man lang kayo nag-alala para sa akin, dahil hindi ninyo sinabi sa akin na inudyukan ng aking anak ang lingkod kong si David na patayin ako gaya ng plano niya ngayon.”
9 Isa sa mga nakatayo kasama ng mga opisyal ni Saul ay si Doeg na taga-Edom. Sinabi niya kay Saul, “Noong naroon po ako sa Nob, nakita ko si David na pumunta kay Ahimelec na anak ni Ahitub. 10 Tinanong ni Ahimelec sa Panginoon kung ano ang dapat gawin ni David, at binigyan pa po niya ito ng makakain at ibinigay din po ang espada ng Filisteong si Goliat.”
11 Ipinatawag ni Saul ang paring si Ahimelec na anak ni Ahitub, at ang buo niyang pamilya na mga pari sa Nob. 12 Pagdating nila ay sinabi ni Saul, “Makinig ka sa akin, anak ni Ahitub.” “Nakikinig po ako, Mahal na Hari,” sagot ni Ahimelec. 13 Sinabi ni Saul sa kanya, “Bakit ka nakipagsabwatan kay David laban sa akin? Bakit binigyan mo pa siya ng pagkain at espada? Bakit nagtanong ka pa sa Dios para sa kanya? Hindi mo ba alam na nagrerebelde siya sa akin at binabalak niya akong patayin?” 14 Sumagot si Ahimelec, “Hindi po baʼt si David ay manugang ninyo at pinakamatapat ninyong lingkod? Bukod pa roon, siya po ang kapitan ng mga guwardya ninyo at iginagalang siya sa inyong sambahayan. 15 Opo, nagtanong ako sa Dios para sa kanya, pero matagal ko na itong ginagawa sa kanya noon pa. Nakikiusap po ako, huwag ninyo akong akusahan pati na ang sambahayan ko sa bagay na ito, dahil wala akong nalalaman sa mga plano niya laban sa inyo.” 16 Pero sinabi ng hari, “Siguradong mamamatay ka, Ahimelec, kasama ang buo mong pamilya.”
17 Inutusan ni Saul ang mga guwardya sa kanyang tabi, “Patayin ninyo ang mga paring ito ng Panginoon dahil nakipagsabwatan sila kay David. Alam nilang tumakas si David mula sa akin pero hindi nila sinabi sa akin.” Pero hindi ginalaw ng mga opisyal ng hari ang mga pari ng Panginoon. 18 Kaya si Doeg na lang ang inutusan ng hari na pumatay sa mga pari, at pinatay naman sila ni Doeg. Nang araw na iyon 85 pari[k] ang pinatay ni Doeg. 19 Ipinapatay din ni Saul ang lahat ng nakatira sa Nob, ang bayan ng mga pari: ang mga lalaki, babae, kabataan, sanggol, baka, asno, at mga tupa. 20 Pero nakatakas si Abiatar na anak ni Ahimelec, at sumama kay David. 21 Sinabi niya kay David na ipinapatay ni Saul ang mga pari ng Panginoon. 22 Sinabi ni David kay Abiatar, “Nang makita ko noon si Doeg nang pumunta ako kay Ahimelec, alam ko nang magsusumbong siya kay Saul. Kaya pananagutan ko ang pagkamatay ng buong sambahayan mo. 23 Sumama ka na lang sa akin, dahil iisa lang ang gustong pumatay sa iyo at sa akin. Huwag kang matakot. Hindi ka mapapahamak kapag kasama mo ako.”
Iniligtas ni David ang Bayan ng Keila
23 Isang araw ibinalita kay David na sinasalakay ng mga Filisteo ang Keila at sinasamsam ang mga trigo sa giikan. 2 Nagtanong si David sa Panginoon, “Sasalakayin ko po ba ang mga Filisteo?” Sumagot ang Panginoon, “Sige, salakayin mo sila at iligtas mo ang Keila.” 3 Pero sinabi ng mga tauhan ni David, “Dito pa nga lang po sa Juda ay natatakot na kami, lalo pa kaya kung pupunta kami sa Keila para makipaglaban sa mga Filisteo.” 4 Muling nagtanong si David sa Panginoon, at sinabi ng Panginoon, “Pumunta ka sa Keila dahil pagtatagumpayin ko kayo laban sa Filisteo.” 5 Kaya pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Keila para makipaglaban sa mga Filisteo. Maraming Filisteo ang napatay nila; kinuha nila ang mga hayop nito at nailigtas nila ang mga taga-Keila.
6 (Nang tumakas si Abiatar at pumunta kay David sa Keila, dinala niya ang espesyal na damit[l] ng mga pari.)
Tinugis ni Saul si David
7 May nagsabi kay Saul na si David ay pumunta sa Keila. Kaya sinabi ni Saul, “Ibinigay na siya ng Dios sa akin, para na niyang ibinilanggo ang kanyang sarili sa pagpasok sa bayan na napapalibutan ng pader.” 8 Tinipon ni Saul ang lahat ng tauhan niya para pumunta sa Keila at lusubin si David at ang mga tauhan niya. 9 Nang malaman ni David ang plano ni Saul, sinabihan niya ang paring si Abiatar na kunin ang espesyal na damit ng mga pari. 10 Nanalangin si David, “O Panginoon, Dios ng Israel nabalitaan po ng inyong lingkod na nagpaplano si Saul na pumunta rito sa Keila para wasakin ang bayang ito dahil sa akin. 11 Pupunta po ba talaga rito si Saul gaya ng narinig ko? Ibibigay po ba ako ng mga mamamayan ng Keila kay Saul? O Panginoong Dios ng Israel, sagutin po ninyo ang inyong lingkod.” Sumagot ang Panginoon, “Oo, pupunta siya rito.” 12 Muling nagtanong si David, “Ako at ang aking mga tauhan ba ay ipapaubaya ng mga mamamayan ng Keila sa kamay ni Saul?” Sumagot ang Panginoon. “Oo, ipapaubaya nila kayo.” 13 Kaya umalis si David sa Keila kasama ang kanyang 600 na tauhan at nagpalipat-lipat sila ng lugar. Nang mabalitaan ni Saul na tumakas na si David mula sa Keila, hindi na siya pumunta roon.
14 Nagtago si David sa mga kuta sa ilang at sa kaburulan ng disyerto ng Zif. Araw-araw ay hinahanap siya ni Saul, pero hindi siya ibinigay ng Dios kay Saul.
15 Isang araw, habang naroon pa si David sa Hores sa disyerto ng Zif, nabalitaan niya na pumunta roon si Saul para patayin siya. 16 Pinuntahan siya ni Jonatan para palakasin ang pananampalataya niya sa Dios. 17 Sinabi ni Jonatan, “Huwag kang matakot. Hindi ka magagalaw ng aking ama. Nalalaman ng aking ama na magiging hari ka ng Israel at magiging pangalawa lang ako sa iyo.” 18 Gumawa silang dalawa ng kasunduan sa presensya ng Panginoon. At pagkatapos, umuwi na si Jonatan pero nagpaiwan si David sa Hores.
19 Ngayon, may mga taga-Zif na pumunta kay Saul sa Gibea at nagsabi, “Nagtatago po si David sa amin doon sa Hores sa kaburulan ng Hakila, sa gawing timog ng Jeshimon. 20 Kaya Mahal na Hari, pumunta po kayo roon anumang oras na gustuhin ninyo at kami na ang bahala. Ibibigay namin sa inyo si David.” 21 Sumagot si Saul, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon sa pag-aalala ninyo sa akin. 22 Lumakad na kayo at tiyakin ninyo kung saan siya pumupunta at kung sino ang nakakita sa kanya roon, dahil alam kong napakatuso niya. 23 Alamin ninyo kung saan siya pwedeng magtago at bumalik kayo rito kapag sigurado na kayo. Pagkatapos, sasama ako sa inyo at kung naroon pa siya, hahanapin ko siya kahit saan sa lupain ng Juda.” 24 Kaya nauna sila kay Saul papuntang Zif.
Samantala, si David at ang kanyang mga tauhan ay nasa disyerto ng Maon sa Araba, sa gawing timog ng Jeshimon. 25 Pagdating ni Saul at ng mga tauhan niya sa Zif, hinanap nila si David. Nang malaman ito ni David, nagtago siya sa malaking bato sa disyerto ng Maon at doon siya nanirahan. Nang mabalitaan ito ni Saul, pumunta siya sa disyerto ng Maon para hanapin si David. 26 Habang sina Saul at ang mga tauhan niya ay nasa kabilang gilid ng bundok, sina David at ang mga tauhan naman niya ay nasa kabilang gilid at nagmamadaling makalayo kay Saul. Nang malapit na silang maabutan ni Saul at ng kanyang mga tauhan, 27 dumating ang isang mensahero at sinabi kay Saul, “Bumalik po muna kayo dahil sinasalakay tayo ng mga Filisteo ang ating bayan.” 28 Kaya tumigil si Saul sa paghabol kina David at bumalik para labanan ang mga Filisteo. At dahil sa lugar na iyon naghiwalay si David at si Saul, tinawag ang lugar na iyon na “Batong Pinaghiwalayan.” 29 Mula roon, dumiretso si David sa mga kuta ng En Gedi at doon nagtago.
Hindi Pinatay ni David si Saul
24 Nang bumalik si Saul mula sa pakikipaglaban sa mga Filisteo, sinabi sa kanya na naroon si David sa disyerto ng En Gedi. 2 Kaya pumili si Saul ng 3,000 tao galing sa buong Israel at lumakad sila para hanapin si David, malapit sa mabatong lugar na tinitirhan ng maiilap na kambing.
3 Nakarating si Saul sa kulungan ng mga tupa sa tabi ng daan, kung saan may kweba roon. Pumasok siya sa loob ng kweba at doon dumumi. Doon pala sa kaloob-loobang bahagi ng kweba nagtatago si David at ang mga tauhan niya. 4 Sinabi ng mga tauhan ni David, “Dumating na ang panahong sinabi ng Panginoon na ibibigay niya sa iyo ang iyong kaaway at ikaw na ang bahala kung ano ang gusto mong gawin sa kanya.” Dahan-dahang lumapit si David kay Saul at pumutol ng kapirasong tela sa laylayan ng damit nito nang hindi nito namamalayan. 5 Pero nakonsensya si David dahil pinutol niya ang laylayan ng damit ni Saul. 6 Sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag sanang ipahintulot ng Panginoon na gawan ko ng masama ang aking hari, ang hinirang ng Panginoon na maging hari.” 7 Sa sinabing ito ni David, sinaway niya ang kanyang mga tauhan, at hindi niya sila pinayagang salakayin si Saul. Umalis si Saul at nagpatuloy sa paglalakbay.
8 Maya-maya, lumabas ng kweba si David at tinawag si Saul, “Mahal na Hari!” Nang lumingon si Saul, nagpatirapa si David sa kanyang harapan bilang paggalang. 9 At sinabi niya kay Saul, “Bakit kayo naniniwala sa mga taong nagsasabi na nagbabalak akong patayin kayo? 10 Sa araw na ito, nakita nʼyo kung paano kayo ibinigay ng Panginoon sa aking mga kamay doon sa loob ng kweba. Sinabi sa akin ng iba kong mga tauhan na patayin kayo pero hindi ko ginawa. Sinabi ko sa kanila na hindi ko sasaktan ang aking hari[m] dahil pinili siya ng Panginoon na maging hari. 11 Ama ko, tingnan ninyo ang kapirasong tela na hawak ko, galing ito sa laylayan ng damit ninyo. Pinutol ko ito pero hindi ko kayo pinatay. Nagpapatunay ito na wala akong masamang plano o pagrerebelde laban sa inyo. Wala akong kasalanan sa inyo, pero tinutugis nʼyo ako para patayin. 12 Ang Panginoon sana ang humatol sa ating dalawa, at parusahan kayo ng Panginoon sa mga ginagawa nʼyo sa akin. Pero wala akong gagawing masama sa inyo, 13 sabi nga ng kasabihan, ‘Ang masamang tao lang ang gumagawa ng masama.’ Kaya hindi ko kayo gagawan ng masama. 14 Sino po ba ako at hinahabol ako ng hari ng Israel? Katulad lang ako ng isang patay na aso o isang pulgas. 15 Ang Panginoon sana ang humatol at magdesisyon kung sino po ang may kasalanan sa ating dalawa. Sanaʼy mapansin niya at matugunan ang usaping ito at mailigtas ako mula sa iyong mga kamay.”
16 Matapos magsalita ni David, sinabi ni Saul, “Ikaw ba iyan, David, anak ko?” At humagulgol si Saul. 17 Sinabi pa niya, “Mas matuwid ka kaysa sa akin. Masama ang trato ko sa iyo pero mabuti ang iginanti mo sa akin. 18 Sa araw na ito, ipinakita mo ang iyong kabutihan. Ibinigay ako ng Panginoon sa mga kamay mo para patayin pero hindi mo ito ginawa. 19 Ang ibaʼy hindi pinababayaang makatakas ang kanilang kaaway kapag nakita na nila ito. Gantimpalaan ka sana ng Panginoon sa kabutihang ipinakita mo sa akin ngayon. 20 Tinatanggap ko na ngayon, ikaw na ang magiging hari at ang kaharian ng Israel ay magiging matatag sa ilalim ng iyong pamumuno. 21 Ngayon, mangako ka sa akin sa pangalan ng Panginoon na hindi mo papatayin ang aking angkan para hindi mawala ang pangalan ng pamilya ko.” 22 Kaya sumumpa si David kay Saul. Pagkatapos, umuwi si Saul, pero si David at ang mga tauhan niyaʼy bumalik sa pinagtataguan nila.
Sina David, Nabal at Abigail
25 Lumipas ang panahon at namatay si Samuel. Nagtipon ang buong Israel at ipinagluksa ang pagkamatay niya. Inilibing siya sa kanyang tirahan sa Rama.
Pagkatapos nito, lumipat si David sa disyerto ng Maon. 2 Doon sa Maon, may isang tao na napakayaman at may lupain sa Carmel. Mayroon siyang 1,000 kambing at 3,000 tupa na kanyang pinapagupitan sa Carmel. 3 Ang pangalan ng taong ito ay Nabal at mula siya sa angkan ni Caleb. Ang asawa naman niya ay si Abigail. Matalino at maganda si Abigail pero si Nabal ay masungit at magaspang ang pag-uugali.
4 Habang nasa ilang si David, nabalitaan niya na pinapagupitan na ni Nabal ang kanyang mga tupa. 5-6 Kaya nagpadala siya ng sampung tao sa Carmel na dala ang mensaheng ito para kay Nabal, “Biyayaan ka sana ng mahabang buhay. Maging masagana sana ang buo mong sambahayan at ang lahat ng pag-aari mo. 7 Nabalitaan ko na nagpapagupit ka ng iyong mga tupa. Nang nakasama namin ang mga pastol mo sa Carmel, hindi namin sila sinaktan at walang anumang nawala sa kanila. 8 Tanungin mo sila at sasabihin nila ang totoo. Ngayon, nakikiusap ako na pakitaan mo ng kabutihan ang mga tauhan ko, dahil pista ngayon. Ituring mo akong anak at ang mga alipin ko bilang iyong alipin; pakibigay sa amin ang anumang gusto mong ibigay.”
9 Pagdating ng mga tauhan ni David kay Nabal, ipinaabot nila ang mensahe ni David, at naghintay. 10 Tinanggihan ni Nabal si David. “Sino ba ang David na ito na anak ni Jesse? Sa panahon ngayon, maraming alipin ang tumatakas sa kanilang mga amo. 11 Bakit ko naman ibibigay sa iyo ang tinapay, tubig at karneng para sa mga manggugupit ng mga tupa ko, gayong hindi ko nga alam kung saang lupalop kayo nanggaling?”
12 Bumalik ang mga tauhan ni David at isinalaysay ang lahat ng sinabi ni Nabal. 13 Nang marinig niya ang lahat ng ito, sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Isukbit ninyo ang inyong mga espada!” Kaya isinukbit ng mga tauhan niya ang kanilang mga espada, at ganoon din ang ginawa ni David. Mga 400 tao ang sumama kay David at 200 ang naiwan para bantayan ang mga kagamitan.
14 Isa sa mga alipin ni Nabal ang nagsabi kay Abigail na kanyang asawa, “Nagsugo si David ng mga mensahero rito galing sa disyerto para kumustahin ang amo naming si Nabal, pero ininsulto pa niya sila. 15 Mabuti ang mga taong iyon sa amin, hindi nila kami ginawan ng anumang masama. Sa buong panahon na naroon kami sa bukid malapit sa kanila, walang anumang nawala sa amin. 16 Binantayan nila kami araw at gabi habang nagbabantay kami ng mga tupa. 17 Pag-isipan mong mabuti ang nararapat mong gawin dahil mapapahamak ang asawa mo at ang kanyang buong sambahayan. Napakasama niyang tao kaya walang nangangahas na makipag-usap sa kanya.”
18 Walang sinayang na oras si Abigail. Nagpakuha siya ng 200 tinapay, dalawang balat na sisidlan na puno ng katas ng ubas, limang kinatay na tupa, isang sako ng binusang trigo, 100 dakot ng pasas, at 200 dakot ng igos. Pagkatapos, ipinakarga niya ito sa mga asno, 19 at sinabi sa kanyang mga utusan, “Mauna na kayo, susunod na lang ako.” Pero hindi niya ito ipinaalam sa asawa niyang si Nabal.
20 Habang nakasakay si Abigail sa kanyang asno at paliko na sa gilid ng bundok, nakita niyang padating naman si David at ang mga tauhan nito. 21 Samantala, sinasabi ni David, “Walang saysay ang pagbabantay natin sa mga ari-arian ni Nabal sa disyerto para walang mawala sa mga ito. Masama pa ang iginanti niya sa mga kabutihang ginawa natin. 22 Parusahan sana ako ng Dios nang napakatindi kapag may itinira pa akong buhay na lalaki sa sambahayan niya pagdating ng umaga.”
23 Nang makita ni Abigail si David, dali-dali siyang bumaba sa kanyang asno at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang. 24 Sinabi niya, “Pakiusap po, pakinggan nʼyo ako. Inaako ko na po ang pagkakamali ng aking asawa. 25 Huwag nʼyo na pong pag-aksayahan ng panahon si Nabal. Napakasama niyang tao. Nababagay lang sa kanya ang pangalan niyang Nabal, na ang ibig sabihin ay ‘hangal.’ Ipagpaumanhin nʼyo po pero hindi ko nakita ang mga mensaherong pinapunta nʼyo kay Nabal.
26 “Ngayon po, niloob ng Panginoon na hindi matuloy ang paghihiganti at pagpatay ninyo para hindi madungisan ang inyong mga kamay. Sa kapangyarihan ng buhay na Panginoon at ng buhay nʼyo, nawaʼy matulad kay Nabal ang kahihinatnan ng inyong mga kaaway at ng lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo. 27 Kaya, kung maaari, tanggapin ninyo ang mga regalong ito na dinala ko para sa inyo at sa inyong mga tauhan. 28 Patawarin nʼyo po sana ako kung mayroon man akong mga pagkukulang. Nakakatiyak ako na gagawin kayong hari ng Panginoon at magpapatuloy ang paghahari ninyo sa lahat ng inyong salinlahi, dahil nakikipaglaban kayo para sa kanya. Wala sanang makakapanaig na kasamaan sa inyo habang kayoʼy nabubuhay. 29 Kahit may humahabol sa inyo para patayin kayo, iingatan kayo ng Panginoon na inyong Dios. Ililigtas kayo ng kanyang mga kamay tulad ng pag-iingat ng isang tao sa isang mamahaling bagay. Pero ang inyong mga kaaway ay ihahagis na parang batong ibinala sa tirador. 30 Kapag natupad na ang lahat ng kabutihang ipinangako sa inyo ng Panginoon at maging hari na kayo ng Israel, 31 hindi kayo uusigin ng inyong konsensya dahil hindi kayo naghiganti at pumatay ng walang sapat na dahilan. At kapag pinagtagumpay na kayo ng Panginoon, nakikiusap ako na huwag nʼyo po akong kalimutan na inyong lingkod.”
32 Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagpadala sa iyo ngayong araw na ito para makipagkita sa akin. 33 Salamat sa Dios sa mabuti mong pagpapasya. Dahil dito, iniwas mo ako sa paghihiganti at pagpatay. 34 Kung hindi ka nagmadaling makipagkita sa akin, wala sanang matitirang buhay na lalaki sa sambahayan ni Nabal bukas ng umaga. Isinumpa ko iyan sa buhay na Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang pumigil sa akin sa paggawa sa iyo ng masama.” 35 Tinanggap ni David ang mga regalo ni Abigail at sinabi, “Umuwi ka na at huwag ka nang mag-alala. Gagawin ko ang mga sinabi mo.”
36 Nang dumating si Abigail sa bahay nila, nagdiriwang sila Nabal na parang pista sa kaharian. Sobrang saya ni Nabal at lasing na lasing, kaya hindi na niya sinabi rito hanggang umaga ang pakikipagkita niya kay David. 37 Kinaumagahan, nang wala na ang pagkalasing nito, sinabi sa kanya ni Abigail ang nangyari. Inatake siya sa puso at hindi na nakagalaw. 38 Pagkaraan ng sampung araw, pinalala ng Panginoon ang kalagayan niya at siyaʼy namatay.
39 Nang mabalitaan ni David na patay na si Nabal, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon! Siya ang gumanti kay Nabal dahil sa pang-iinsulto niya sa akin. Hindi na niya hinayaang ako pa ang gumawa noon. Pinarusahan niya si Nabal sa masama niyang ginawa sa akin.”
Pagkatapos, nagpadala ng mensahe si David kay Abigail na hinihiling niya na maging asawa niya ito. 40 Pagdating ng mga mensahero sa Carmel, sinabi nila kay Abigail, “Pinapunta kami ni David sa iyo upang sunduin ka at gawing asawa niya.” 41 Lumuhod si Abigail at sinabi, “Pumapayag ako. Handa akong paglingkuran siya pati na ang kanyang mga alipin.[n]” 42 Dali-daling sumakay si Abigail sa asno at sumama sa mga mensahero ni David. Kasama niya ang lima niyang aliping babae at naging asawa siya ni David. 43 Pinakasalan din ni David si Ahinoam na taga-Jezreel, at dalawa silang naging asawa ni David. 44 Ang unang asawa ni David na si Mical ay ibinigay ni Saul kay Paltiel na anak ni Laish na taga-Galim.
Muling Kinaawaan ni David si Saul
26 Isang araw, may pumuntang mga taga-Zif kay Saul sa Gibea at nagsabi, “Nagtatago po si David sa kaburulan ng Hakila, na nasa harap ng Jeshimon.” 2 Kaya umalis si Saul patungo sa ilang ng Zif kasama ang 3,000 na kanyang piniling tauhan mula sa Israel para hanapin si David. 3 Nagkampo sila sa tabi ng daan sa kaburulan ng Hakila, na nasa harap ng Jeshimon. Si David ay nagtatago sa disyerto. Nang mabalitaan ni David na nasundan siya doon ni Saul, 4 nagpadala siya ng mga espiya at nalaman niyang dumating nga si Saul.
5 Pagkatapos, naghanda si David at pumunta sa kampo ni Saul. Nakita niya si Saul at si Abner na anak ni Ner na pinuno ng hukbo ng mga sundalo. Napapalibutan si Saul ng mga natutulog na sundalo na natutulog. 6 Tinanong ni David si Ahimelec na Heteo at si Abishai na anak ni Zeruya at kapatid ni Joab, “Sino sa inyo ang sasama sa akin para pumasok sa kampo ni Saul?” Sumagot si Abishai, “Ako po, sasama ako sa inyo.” 7 Kaya pinasok nina David at Abishai ang kampo ni Saul, at natagpuan nila itong natutulog, na ang sibat ay nakatusok sa lupa sa ulunan ni Saul. 8 Sinabi ni Abishai kay David, “Sa araw na ito, ipinagkaloob sa inyo ng Dios ang tagumpay laban sa inyong kaaway. Payagan nʼyo akong saksakin siya ng sibat na iyon at nang mabaon hanggang sa lupa. Isang saksak ko lang sa kanya at hindi na kailangang ulitin.” 9 Pero sinabi ni David kay Abishai, “Huwag mo siyang patayin! Parurusahan ng Panginoon ang sinumang papatay sa kanyang piniling hari. 10 Sinisiguro ko sa iyo, sa presensya ng buhay na Panginoon, na ang Panginoon mismo ang papatay sa kanya, o mamamatay siya sa digmaan o dahil sa katandaan. 11 Pero huwag sanang ipahintulot ng Panginoon na ako ang pumatay sa kanyang piniling hari. Kunin na lang natin ang sibat at ang lalagyan niya ng tubig na nasa kanyang ulunan at umalis na tayo.” 12 Kaya kinuha ni David ang sibat at ang lalagyan ng tubig na nasa ulunan ni Saul at umalis na sila. Nakaalis sila nang walang nakakaalam o nakakakita sa nangyari; walang nagising sa kanila dahil pinahimbing ng Panginoon ang kanilang pagtulog.
13 Pagkatapos, umakyat sina David sa burol na nasa kabilang gilid ng kampo hanggang sa di-kalayuan. 14 Sumigaw si David kay Abner na anak ni Ner at sa mga kasama niyang sundalo, “Abner, naririnig mo ba ako?” Sumagot si Abner, “Sino ka? Ano ang kailangan mo sa hari?” 15 Sumagot si David, “Hindi baʼt ikaw ang pinakamagiting na lalaki sa buong Israel? Bakit hindi mo binantayang mabuti ang hari na iyong amo? May nakapasok diyan para patayin siya. 16 Hindi tamang pabayaan mo ang hari! Isinusumpa ko sa buhay na Panginoon, dapat kang mamatay pati na ang mga tauhan mo dahil hindi ninyo binantayan ang inyong amo, ang haring pinili ng Panginoon. Tingnan nʼyo nga kung makikita pa ninyo ang sibat at lalagyan ng tubig na nasa ulunan niya?” 17 Nakilala ni Saul ang boses ni David, kaya sinabi niya, “David, anak, ikaw ba iyan?” Sumagot si David, “Ako nga po, Mahal na Hari. 18 Bakit ninyo hinahabol ang inyong lingkod? Ano ba ang ginawa kong masama? 19 Mahal na Hari, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Kung ang Panginoon ang nag-udyok sa inyo para patayin ako, tanggapin sana niya ang aking handog. Pero kung galing lang ito sa tao, sumpain sana sila ng Panginoon. Dahil itinaboy nila ako mula sa aking tahanan at inutusang sumamba sa ibang mga dios. 20 Huwag sanang ipahintulot na mamatay ako sa ibang lupain, na malayo sa Panginoon. Bakit ako pinag-aaksayahang habulin ng hari ng Israel, gayong tulad lang ako ng pulgas? Bakit ninyo ako hinahabol na gaya lang ng ibon sa kabundukan?”
21 Sinabi ni Saul, “Nagkasala ako. Bumalik ka na, David anak ko, at hindi ko na tatangkaing saktan ka dahil hindi mo ako pinatay ngayong araw na ito. Naging isa akong hangal dahil sa ginawa ko. Napakalaki ng aking kasalanan.” 22 Sumagot si David, “Narito na ang sibat ninyo, ipakuha ninyo sa inyong tauhan. 23 May gantimpala ang Panginoon sa mga taong matapat at gumagawa ng matuwid. Ibinigay kayo ng Panginoon sa aking mga kamay sa araw na ito, pero tumanggi akong patayin kayo dahil kayo ang piniling hari ng Panginoon. 24 Binigyan ko ng halaga ang buhay ninyo ngayon at sanaʼy bigyan din ng halaga ng Panginoon ang buhay ko at iligtas niya ako sa lahat ng kapahamakan.” 25 Sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka, anak ko. Marami pang dakilang bagay ang gagawin mo at siguradong magtatagumpay ka.” Pagkatapos, umalis si David at umuwi naman si Saul.
Si David Kasama ng mga Filisteo
27 Nasabi ni David sa kanyang sarili, “Darating ang panahon na papatayin ako ni Saul. Mabuti pang tumakas ako papunta sa lupain ng mga Filisteo para tumigil na siya sa paghahanap sa akin sa Israel at makaligtas ako sa kanya.” 2 Kaya pumunta si David at ang 600 niyang tauhan kay Haring Akish ng Gat, na anak ni Maok. 3 Doon sila tumira sa Gat sa pangangalaga ni Akish, kasama ang kani-kanilang pamilya. Dinala ni David ang dalawa niyang asawa na si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel, na biyuda ni Nabal. 4 Nang mabalitaan ni Saul na tumakas si David at pumunta sa Gat, hindi na niya ito hinanap.
5 Isang araw, sinabi ni David kay Akish, “Kung naging mabuti po ako sa inyong paningin, maaari po bang sa isang bayan sa ibang lalawigan kami tumira? Hindi po kasi kami nararapat tumira rito sa lungsod na tinitirhan ninyo bilang hari.” 6 Kaya nang araw na iyon, ibinigay sa kanya ni Akish ang lugar ng Ziklag. Kaya hanggang ngayon sakop ito ng mga hari ng Juda. 7 Tumira si David sa teritoryo ng mga Filisteo sa loob ng isang taon at apat na buwan.
8 Nang panahong iyon, sinalakay ni David at ng mga tauhan niya ang mga Geshureo, Gizrita at mga Amalekita. Mula pa noong una, ang mga taong itoʼy nakatira na sa lugar na malapit sa Shur papuntang Egipto. 9 Kapag sumasalakay sila David, pinapatay nila ang lahat ng lalaki at babae, at kinukuha ang mga tupa, baka, asno, kamelyo at pati na rin ang mga damit. Pagkatapos, bumabalik sila kay Akish. 10 Kapag itinatanong ni Akish kung saan sila sumalakay nang araw na iyon, sinasabi nilang sinalakay nila ang Negev sa Juda, o sa bahagi ng Negev na tinitirhan ng mga Jerameelita o sa bahagi ng Negev na tinitirhan ng mga Keneo. 11 Pinapatay nina David ang lahat ng lalaki at babae para walang makarating sa Gat at sabihin kung ano talaga ang ginawa nila. Ito ang madalas niyang ginagawa habang naroon siya sa teritoryo ng mga Filisteo. 12 Pinagkakatiwalaan ni Akish si David kaya nasabi niya sa kanyang sarili, “Natitiyak kong kinamumuhian na si David ng mga kapwa niya Israelita kaya habang buhay na siyang maglilingkod sa akin.”
Si Saul at ang Mangkukulam sa Endor
28 Nang mga panahong iyon, tinipon ng mga Filisteo ang mga sundalo nila at naghanda sa pakikipaglaban sa mga Israelita. Sinabi ni Akish kay David, “Kailangang sumama ka at ang mga tauhan mo sa amin para makipaglaban.” 2 Sinabi ni David, “Magaling! Makikita ninyo ngayon kung ano ang magagawa ko, na inyong lingkod.” Sumagot si Akish, “Mabuti! Gagawin kitang personal na tagapagbantay ko habang buhay.”
3 Patay na noon si Samuel. Nang mamatay siya nalungkot at nagluksa ang buong Israel sa kanya, at inilibing siya sa kanyang bayan sa Rama. At pinaalis na ni Saul ang mga espiritista sa Israel.
4 Nagkampo ang mga Filisteo sa Shunem, at si Saul naman at ang buong hukbo ng Israel ay sa Gilboa. 5 Nang makita ni Saul ang mga sundalo ng mga Filisteo, pinagharian siya ng matinding takot. 6 Nagtanong siya sa Panginoon kung ano ang nararapat niyang gawin. Pero hindi siya sinagot ng Panginoon kahit sa pamamagitan ng panaginip, o sa mga propeta, o kahit sa anumang paraan. 7 Pagkatapos, sinabi ni Saul sa kanyang alipin, “Ihanap mo ako ng babaeng espiritista na maaari kong pagtanungan.” Sumagot ang kanyang alipin, “Mayroon po sa Endor.”
8 Kaya nagpanggap si Saul sa pamamagitan ng pagsusuot ng ordinaryong damit sa halip na ang magara niyang damit. Kinagabihan, pinuntahan niya ang babae kasama ang dalawa niyang tauhan. Pagdating nila, sinabi ni Saul sa babae, “Gusto kong makipag-usap sa kaluluwa ng isang tao.” 9 Sinabi ng babae sa kanya, “Ano, gusto mo bang mamatay ako? Alam mo naman siguro kung ano ang ginawa ni Saul. Pinaalis niya sa Israel ang lahat ng espiritista at ang mga manghuhula. Huwag mo nang ilagay sa panganib ang buhay ko.” 10 Sumumpa si Saul sa kanya sa pangalan ng buhay na Panginoon na hindi siya mapaparusahan sa gagawin niya. 11 Nang bandang huli, sinabi ng babae, “Sino ang kaluluwang gusto mong kausapin?” Sinabi ni Saul, “Tawagin mo si Samuel.”
12 Kaya tinawag ng babae si Samuel, at nang makita ng babae si Samuel, sumigaw siya nang malakas at sinabi niya kay Saul, “Niloko nʼyo po ako! Kayo po si Saul!” 13 Sinabi ni Saul, “Huwag kang matakot. Ano ba ang nakita mo?” Sumagot ang babae, “Nakita ko po ang isang kaluluwa[o] na lumalabas galing sa lupa.” 14 Nagtanong si Saul, “Ano ba ang itsura niya?” Sumagot siya, “Isa pong matandang lalaki na nakabalabal.” Natiyak ni Saul na si Samuel iyon kaya nagpatirapa siya bilang paggalang sa kanya. 15 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ako ginagambala sa pamamagitan ng pagtawag sa akin?” Sumagot si Saul, “Mayroon akong malaking problema. Sinasalakay kami ng mga Filisteo at tinalikuran na ako ng Dios. Hindi na siya sumasagot sa pamamagitan man ng panaginip o ng mga propeta. Ipinatawag kita para sabihin mo sa akin kung ano ang dapat kong gawin.” 16 Sinabi ni Samuel, “Bakit ako ang tinatanong mo? Hindi baʼt tinalikuran ka na ng Panginoon at naging kaaway mo siya? 17 Tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ko. Kinuha niya sa iyo ang kaharian ng Israel at ibinigay sa kapwa mo Israelita na si David. 18 Ginawa ito ng Panginoon sa iyo ngayon dahil hindi mo sinunod ang utos niyang iparanas ang kanyang galit sa lahat ng Amalekita. 19 Bukas, ikaw at ang mga Israelita ay ibibigay ng Panginoon sa mga Filisteo, at makakasama kita at ang iyong mga anak na lalaki sa lugar ng mga patay.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®