Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 23:16-35:15

Mga Pagbabagong Ginawa ni Jehoyada(A)

16 Pagkatapos, gumawa ng kasunduan sina Jehoyada, ang mga tao, at ang hari na magiging mamamayan sila ng Panginoon. 17 Pumunta agad ang lahat ng tao sa templo ni Baal at giniba ito. Dinurog nila ang mga altar at mga dios-diosan doon, at pinatay nila si Matan na pari ni Baal sa harapan ng mga altar.

18 Pagkatapos, ipinagkatiwala ni Jehoyada sa mga paring Levita ang pamamahala sa templo ng Panginoon gaya ng ginawa ni David noon. Maghahandog sila ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises, at magsasaya at aawit ayon sa iniutos ni David. 19 Nagpalagay din si Jehoyada ng mga guwardya ng pintuan ng templo ng Panginoon para walang makapasok na tao na itinuturing na marumi.

20 Pagkatapos, isinama niya ang mga kumander, ang mga kilalang tao, at ang lahat ng tao, at inihatid nila ang hari sa palasyo mula sa templo ng Panginoon. Doon sila dumaan sa Hilagang Pintuan. At naupo ang hari sa kanyang trono. 21 Nagdiwang ang mga tao, at naging mapayapa na ang lungsod matapos patayin si Atalia.

Ipinaayos ni Joash ang Templo(B)

24 Si Joash ay pitong taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 40 taon. Ang ina niya ay si Zibia na taga-Beersheba. Matuwid ang ginawa ni Joash sa paningin ng Panginoon sa buong buhay ng paring si Jehoyada. Pumili si Jehoyada ng dalawang asawa para sa kanya, at nagkaroon siya ng mga anak na lalaki at babae.

Pagkalipas ng ilang panahon, nagpasya si Joash na ipaayos ang templo. Ipinatawag niya ang mga pari at mga Levita, at sinabi, “Pumunta kayo sa mga bayan ng Juda at kolektahin nʼyo ang mga buwis ng Israelita bawat taon, para maipaayos natin ang templo ng ating Dios.” Pero hindi agad sumunod ang mga Levita.

Kaya ipinatawag ni Haring Joash si Jehoyada, ang punong pari, at tinanong, “Bakit hindi mo kinolekta sa mga Levita ang buwis ng mga mamamayan ng Juda at ng Jerusalem? Hindi ba nag-utos si Moises sa mamamayan ng Israel na ibigay nila ito para sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan?”

Ang mga anak ng masamang babaeng si Atalia ay pumasok noon sa templo ng Dios at nanguha ng mga banal na kagamitan para gamitin sa pagsamba kay Baal. Kaya nag-utos si Haring Joash na gumawa ng kahon na paglalagyan ng pera, at ilagay ito sa labas ng pintuan ng templo. Pagkatapos, naglabas siya ng pabalita sa Juda at sa Jerusalem, na kailangang dalhin ng mga tao sa Panginoon ang kanilang buwis ayon sa iniutos ni Moises sa mamamayan ng Israel sa disyerto. 10 Masayang nagbigay ang lahat ng opisyal at tao. Inihulog nila ang kanilang pera sa kahon hanggang mapuno ito.

11 Kapag puno na ang kahon, dinadala ito ng mga Levita sa mga opisyal ng hari. Pagkatapos, binibilang ito ng kalihim ng hari at ang opisyal ng punong pari, at ibinabalik nila ang kahon sa pintuan ng templo. Ginagawa nila ito araw-araw hanggang sa dumami ang koleksyon. 12 Pagkatapos, ibinigay nina Haring Joash at Jehoyada ang pera sa mga tao na namamahala sa pag-aayos ng templo ng Panginoon. At kumuha sila ng mga karpintero at manggagawang mahusay sa bakal at tanso. 13 Napakasipag ng mga itinalaga sa mga trabaho, kaya naging mabilis ang paggawa. Naayos nila ang templo ng Dios ayon sa orihinal na disenyo at mas pinatatag pa ito. 14 Nang matapos ang trabaho, isinauli nila sa hari at kay Jehoyada ang sobrang pera at ginamit ito sa paggawa ng mga kagamitan sa templo ng Panginoon – ang mga ginagamit sa pagsamba, sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog, pati na ang mga mangkok at mga sisidlan na ginto at pilak. At habang nabubuhay si Jehoyada, nagpatuloy ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa templo ng Panginoon.

15 Nabuhay si Jehoyada nang mahabang taon, at namatay siya sa edad na 130. 16 Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lungsod ni David, dahil sa mabubuting ginawa niya sa Israel para sa Dios at sa kanyang templo.

17 Pero pagkatapos mamatay ni Jehoyada, pumunta ang mga opisyal ng Juda kay Haring Joash at hinimok siyang makinig sa kanila. 18 Nagpasya sila na pabayaan na lang ang templo ng Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, at sumamba sa posteng simbolo ng diosang si Ashera at sa iba pang mga dios-diosan. Dahil sa ginawa nila, nagalit ang Dios sa Juda at sa Jerusalem. 19 Nagpadala ang Panginoon ng mga propeta sa mga tao para pabalikin sila sa kanya, pero hindi sila nakinig.

20 Si Zacarias na anak ni Jehoyada na pari ay pinuspos ng Espiritu ng Dios. Tumayo siya sa harapan ng mga tao at nagsabi, “Ito ang sinabi ng Dios: Bakit hindi nʼyo sinusunod ang mga utos ng Panginoon? Hindi kayo uunlad kailanman. Dahil itinakwil nʼyo ang Panginoon, itatakwil din niya kayo.”

21 Nagplano ang mga opisyal na patayin si Zacarias. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias sa loob ng bakuran ng templo ng Panginoon, at namatay ito. 22 Kinalimutan ni Haring Joash ang kabutihang ipinakita sa kanya ni Jehoyada, na ama ni Zacarias. Sa halip, pinatay niya si Zacarias. Ito ang sinabi ni Zacarias nang naghihingalo na siya, “Sanaʼy pansinin ng Panginoon ang inyong ginawa, at singilin niya kayo.”

23 Nang simula ng bagong taon, nilusob ng mga sundalo ng Aram ang Juda. Natalo nila ang Juda at ang Jerusalem, at pinatay nila ang mga pinuno ng Juda. At dinala nila sa kanilang hari sa Damascus ang lahat ng kanilang nasamsam. 24 Kakaunti lang ang mga sundalo ng Aram na lumusob kung ihahambing sa mga sundalo ng Juda. Pero ipinatalo sa kanila ng Panginoon ang Juda, dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Kaya dumating ang parusang ito kay Joash.

25 Pag-alis ng mga taga-Aram, malubha ang mga sugat ni Joash. Pero nagplano ang kanyang mga opisyal na patayin siya dahil sa pagpatay niya sa anak ni Jehoyada na pari. Kaya pinatay nila siya sa kanyang higaan. Inilibing siya sa Lungsod ni David, pero hindi sa libingan ng mga hari.

26 Ang mga pumatay sa kanya ay sina Zabad na anak ng isang babaeng Ammonita na si Shimeat, at si Jehozabad na anak ng isang babaeng Moabita na si Shimrit. 27 Ang salaysay tungkol sa mga anak ni Joash, sa mga propesiya tungkol sa kanya, at sa pagpapaayos ng templo ng Dios ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari. At ang anak niyang si Amazia ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Amazia sa Juda(C)

25 Si Amazia ay 25 taong gulang nang siya ay naging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. Matuwid ang ginawa ni Amazia sa paningin ng Panginoon, pero hindi lubos ang pagsunod niya sa Panginoon. Nang matatag na ang paghahari ni Amazia, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. Pero hindi niya ipinapatay ang kanilang mga anak, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon, “Huwag papatayin ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Papatayin lang ang tao dahil sa sarili niyang kasalanan.”

Tinipon ni Amazia ang kanyang mga sundalo na mula sa Juda at Benjamin. Binukod-bukod niya sila ayon sa kanilang pamilya at nilagyan ng mga kumander na mamamahala ng tig-100 at tig-1,000 sundalo. Pagkatapos, binilang niya ang kanyang mga sundalo na nasa 20 taong gulang pataas, at ang bilang ay 300,000. Silaʼy mahuhusay sa sibat at pananggalang. Kumuha rin siya ng 100,000 sundalo mula sa Israel. Nagbayad siya ng 3,500 kilong pilak bilang upa sa mga sundalo.

Pero may isang lingkod ng Dios na pumunta kay Amazia at nagsabi, “Mahal na Hari, huwag po kayong kumuha ng mga sundalong mula sa Israel, dahil ang bayang iyon ay hindi pinapatnubayan ng Panginoon. Ang mga mamamayan ng Efraim ay hindi na tinutulungan ng Panginoon. Kung pasasamahin nʼyo po sila sa labanan, matatalo kayo kahit makipaglaban pa kayo nang mabuti. Ang Dios lang ang makapagpapanalo o makapagpapatalo sa inyo.” Sinabi ni Amazia sa lingkod ng Dios, “Pero paano ang ibinayad kong 3,500 kilong pilak?” Sumagot ang lingkod ng Dios, “Higit pa po riyan ang ibibigay ng Panginoon sa inyo.” 10 Kaya pinauwi ni Amazia ang mga sundalo na taga-Efraim. Umuwi sila na galit na galit sa Juda.

11 Buong tapang na lumusob si Amazia at pinangunahan niya ang kanyang mga sundalo sa pagpunta sa Lambak ng Asin, kung saan nakapatay sila ng 10,000 Edomita.[a] 12 Nakadakip pa sila ng 10,000 sundalo, at dinala nila ito sa isang bangin at doon inihulog, kaya nagkabali-bali ang buto ng mga ito.

13 Samantala, ang mga sundalong pinauwi ni Amazia at hindi pinasama sa labanan ay lumusob sa mga bayan ng Judea, mula sa Samaria hanggang sa Bet Horon. Nakapatay sila ng 3,000 tao, at maraming ari-arian ang kanilang sinamsam.

14 Pagbalik ni Amazia mula sa pagpatay sa mga Edomita, dinala niya ang mga dios-diosan ng mga Edomita. Ginawa niya itong sariling dios, sinamba, at pinag-alayan ng mga handog. 15 Kaya labis ang galit ng Panginoon kay Amazia. Nagpadala siya ng propeta kay Amazia para sabihin, “Bakit dumudulog ka sa mga dios-diosan na hindi nakapagligtas ng kanilang mga mamamayan sa iyong mga kamay?”

16 Habang nagsasalita ang propeta, sumagot ang hari, “Bakit mo ako pinapayuhan? Ginawa ba kitang tagapayo? Tumahimik ka, dahil kung hindi, ipapapatay kita!” Kaya tumahimik ang propeta pagkatapos niyang sabihin, “Tiyak na lilipulin ka ng Dios dahil sinamba mo ang mga dios-diosan at hindi ka nakinig sa akin.”

17 Matapos makipag-usap ni Haring Amazia sa kanyang mga tagapayo, nagpadala siya ng mensahe sa hari ng Israel na si Jehoash na anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoash na maglaban sila. 18 Pero sinagot siya ni Haring Jehoash sa pamamagitan ng kwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang iyong anak na babae sa aking anak na lalaki.’ Pero may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik. 19 Amazia, totoong natalo mo ang Edom, at ipinagyabang mo ito. Pero mabuti pang huwag ka na lang makipaglaban sa amin, manatili ka na lang sa iyong lugar. Bakit gustong-gusto mo ng gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?”

20 Pero hindi nakinig si Amazia, dahil kumikilos ang Dios para wasakin siya ni Jehoash dahil sa kanyang pagsamba sa mga dios ng Edom. 21 Kaya nilusob siya ni Haring Jehoash at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet Shemesh na sakop ng Juda. 22 Natalo ng Israel ang Juda, at ang bawat sundalo ng Juda ay tumakas pauwi sa kanilang bahay. 23 Nadakip ni Haring Jehoash si Haring Amazia roon sa Bet Shemesh, at dinala niya siya sa Jerusalem. Pagkatapos, giniba ni Jehoash ang mga pader ng Jerusalem mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Sulok na Pintuan, na mga 600 talampakan ang haba. 24 Kinuha niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitan na nakita niya sa templo ng Dios na iniingatan noon ni Obed Edom. Kinuha rin niya ang mga kayamanan sa palasyo. Dinala niya ito at ang mga bihag pagbalik sa Samaria.

25 Nabuhay pa si Haring Amazia ng Juda ng 15 taon matapos mamatay si Haring Jehoash ng Israel. 26 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Amazia, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at Israel.

27 Matapos tumalikod ni Amazia sa Panginoon, may mga taga-Jerusalem na nagplanong patayin siya. Kaya tumakas siya papunta sa bayan ng Lakish pero nagpadala sila ng tao para sundan siya roon at patayin. 28 Ikinarga sa kabayo ang bangkay niya pabalik sa Jerusalem at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.[b]

Ang Paghahari ni Uzia sa Juda(D)

26 Ang ipinalit ng mga mamamayan ng Juda kay Amazia bilang hari ay ang anak nitong si Uzia[c] na 16 na taong gulang. Siya ang bumawi ng Elat[d] at ang muling nagpatayo nito matapos mamatay ang ama niyang si Amazia. Si Uzia ay 16 na taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 52 taon. Ang ina niya ay si Jecolia na taga-Jerusalem. Matuwid ang ginawa ni Uzia sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ama niyang si Amazia. Dumulog siya sa Dios nang panahon ni Zacarias, na siyang nagturo sa kanya sa paggalang sa Dios. Hanggaʼt dumudulog siya sa Panginoon, binibigyan siya nito ng katagumpayan.

Nakipaglaban siya sa mga Filisteo at winasak niya ang mga pader sa mga lungsod ng Gat, Jabne at Ashdod. Pagkatapos, nagpatayo siya ng bagong mga bayan malapit sa Ashdod at sa iba pang mga bayan ng Filisteo. Tinulungan siya ng Dios sa kanyang pakikipaglaban sa mga Filisteo, Meuneo at sa mga Arabo na nakatira sa Gur Baal. Nagbabayad ng buwis ang mga Ammonita sa kanya, at naging tanyag siya hanggang sa Egipto, dahil naging makapangyarihan siya.

Pinatatag pa ni Uzia ang Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga tore sa Sulok na Pintuan, sa Pintuan na Nakaharap sa Lambak, at sa likuan ng pader. 10 Nagpatayo rin siya ng mga tore sa ilang at nagpahukay ng mga balon na imbakan ng mga tubig, dahil marami ang kanyang mga hayop sa mga kaburulan sa kanluran at sa kapatagan. May mga tauhan siya na nag-aalaga sa kanyang bukirin at ubasan sa kabundukan at sa kapatagan, dahil mahilig siyang magtanim.

11 May mahuhusay na sundalo si Uzia na laging handa sa labanan. Silaʼy binuo nina Jeyel na kalihim at Maaseya na opisyal, sa ilalim ng pamamahala ni Hanania na isa sa mga opisyal ng hari. 12 Ang mga kumander ng matatapang na sundalo ay ang mga pinuno ng mga pamilya na 2,600 lahat. 13 Ang kabuuang bilang ng mga sundalo ay 307,500. Silaʼy mahuhusay sa labanan at handa sa pagtulong sa hari laban sa mga kaaway niya. 14 Binigyan sila ni Uzia ng mga pananggalang, sibat, helmet, kasuotang panangga ng katawan, pana at tirador. 15 Nagpagawa rin si Uzia sa mahuhusay na manggagawa ng makina para gamitin sa pamamana at sa paghahagis ng malalaking bato mula sa mga tore at sa mga sulok ng mga pader. Naging tanyag si Uzia kahit saan, dahil tinulungan siya ng Panginoon hanggang sa naging makapangyarihan siya.

16 Pero nang naging makapangyarihan siya, naging mayabang siya. At ito ang nagpabagsak sa kanya. Hindi siya sumunod sa Panginoon na kanyang Dios, dahil pumasok siya sa templo ng Panginoon at personal na nagsunog ng insenso sa altar. 17 Sinundan siya ni Azaria na punong pari at ng 80 pang matatapang na mga pari ng Panginoon, 18 at sinaway. Sinabi nila, “Uzia, hindi ka dapat magsunog ng insenso para sa Panginoon. Ang gawaing iyan ay para lang sa mga pari na mula sa angkan ni Aaron. Sila ang pinili ng Panginoon para magsunog ng insenso. Lumabas ka sa templo dahil hindi ka sumunod sa Panginoon. Hindi ka pagpapalain ng Panginoong Dios.”

19 Labis na nagalit si Uzia sa mga pari. At habang hawak niya ang sisidlan ng insenso sa may altar sa templo ng Panginoon, tinubuan ng malubhang sakit sa balat[e] ang kanyang noo. 20 Nang makita ni Azaria at ng mga kasama niyang pari na tinubuan ng malubhang sakit sa balat ang noo ni Uzia, nagmadali silang ilabas ito. Hindi naman ito tumutol sapagkat naramdaman niyang siyaʼy pinarusahan ng Panginoon.

21 May malubhang sakit sa balat si Haring Uzia hanggang sa araw na namatay siya. Nakatira siya sa isang bukod na bahay, at hindi pinayagang makapasok sa templo. Si Jotam na anak niya ang siyang namahala sa palasyo at sa mga mamamayan ng Juda. 22 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Uzia, mula sa simula hanggang sa katapusan ay isinulat ni Propeta Isaias na anak ni Amoz. 23 Nang mamatay si Uzia, inilibing siya malapit sa libingan ng mga ninuno niyang hari. Hindi siya isinama sa kanila, dahil may malubhang sakit siya sa balat. At ang anak niyang si Jotam ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Jotam sa Juda(E)

27 Si Jotam ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Ang ina niya ay si Jerusha na anak ni Zadok. Matuwid ang ginawa ni Jotam sa paningin ng Panginoon, gaya ng ama niyang si Uzia. At mas matuwid pa siya dahil hindi niya ginaya ang kasalanang ginawa ng kanyang ama sa pamamagitan ng labag na pagpasok sa templo ng Panginoon. Sa kabila ng mga kabutihang ginawa ni Jotam, patuloy pa rin ang mga tao sa masasama nilang gawain. Si Jotam ang nagpatayo ng Hilagang Pintuan ng templo ng Panginoon, at nagpaayos ng pader sa bulubundukin ng Ofel. Siya rin ang nagpatayo ng mga bayan sa bulubundukin ng Judea, at nagpatayo ng mga pader at mga tore sa mga kagubatan.

Nakipaglaban si Jotam sa mga Ammonita at sa kanilang hari, at tinalo niya sila. Sa taon ding iyon, nagbigay sa kanila ang mga Ammonita ng 3,500 kilo ng pilak, 30,000 sako ng trigo, at 30,000 sako ng sebada. Ginawa nila ito hanggang sa ikatlong taon.

Naging mas makapangyarihan pa si Jotam dahil matapat siyang sumunod sa Panginoon na kanyang Dios. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jotam, pati ang lahat ng kanyang pakikipaglaban at mga ginawa ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. Si Jotam ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Nang mamatay si Jotam, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahaz ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ahaz sa Juda(F)

28 Si Ahaz ay 20 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, hindi katulad ng ginawa ng kanyang ninuno na si David. Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, at gumawa ng metal na mga imahen ni Baal. Nagsunog siya ng mga handog sa Lambak ng Ben Hinom, at inihandog niya mismo sa apoy ang kanyang mga anak na lalaki. Sinunod niya ang kasuklam-suklam na mga kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. Nag-alay siya ng mga handog at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar,[f] sa ibabaw ng bundok at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.

Kaya ibinigay siya ng Panginoon na kanyang Dios sa hari ng Aram. Tinalo siya ng mga Arameo at marami sa kanyang mamamayan ang binihag sa Damascus. Ibinigay din siya sa hari ng Israel, na pumatay ng marami sa kanyang mamamayan. Sa isang araw lang 120,000 sundalo ng Juda ang pinatay ni Haring Peka ng Israel, na anak ni Remalia. Nangyari ito sa mga taga-Juda dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Pinatay ni Zicri, na isang matapang na sundalo ng Israel,[g] sina Maaseya na anak ni Haring Ahaz, Azrikam na tagapamahala ng palasyo, at Elkana na pangalawa sa hari. Binihag ng mga taga-Israel ang kanilang mga kadugo na taga-Juda – 200,000 asawaʼt mga anak. Sinamsam din nila ang mga ari-arian ng mga taga-Juda at dinala pauwi sa Samaria.

Pero nang dumating ang mga sundalo sa Samaria, sinalubong sila ni Oded na propeta ng Panginoon, at sinabi, “Ipinaubaya sa inyo ng Panginoon na inyong Dios ang Juda dahil sa kanyang galit sa kanila. Pero labis ang ginawa ninyo; pinagpapatay nʼyo sila nang walang awa, at nalaman ito ng Panginoon doon sa langit. 10 At ngayon, gusto pa ninyong alipinin ang mga lalaki at mga babae na mula sa Jerusalem at sa iba pang lungsod ng Juda. Hindi baʼt may kasalanan din kayo sa Panginoon na inyong Dios? 11 Makinig kayo sa akin! Galit na galit ang Panginoon sa inyo. Kaya pabalikin nʼyo ang inyong mga kadugo na inyong binihag.”

12 Ganito rin ang sinabi ng ibang mga pinuno ng Israel sa mga sundalo na dumating galing sa labanan. Ang mga pinuno ay sina Azaria na anak ni Jehohanan, Berekia na anak ni Meshilemot, Jehizkia na anak ni Shalum, at Amasa na anak ni Hadlai. 13 Ito ang sinabi nila sa mga sundalo: “Huwag nʼyong dalhin dito ang mga bihag na iyan, dahil pananagutan natin ito sa Panginoon. Dadagdagan nʼyo pa ba ang kasalanan natin? Marami na tayong kasalanan, at galit na galit na ang Panginoon sa Israel.”

14 Kaya pinakawalan ng mga sundalo ang mga bihag at isinauli ang kanilang ari-arian sa harapan ng mga pinuno at mga mamamayan. 15 Pagkatapos, lumapit sa mga bihag ang apat na pinuno na nabanggit, at tinulungan ang mga bihag. Kumuha sila ng mga damit mula sa mga kagamitang nasamsam ng mga sundalo, at ipinasuot ito sa mga hubad na bihag. Binigyan nila ang mga bihag ng mga damit, sandalyas, inumin, at gamot. Ipinasakay nila sa mga asno ang mga mahina, at dinala nila pabalik ang lahat ng bihag sa kani-kanilang mga kababayan. Doon nila sila iniwan sa Jerico, sa Bayan ng mga Palma. Pagkatapos, umuwi sila sa Samaria.

Humingi ng Tulong si Ahaz sa Asiria(G)

16 Nang panahong iyon, humingi ng tulong si Haring Ahaz sa hari ng Asiria. 17 Sapagkat muling nilusob ng mga taga-Edom ang Juda at binihag ang ibang mga naninirahan dito. 18 Bukod pa rito, nilusob din ng mga Filisteo ang mga bayan ng Juda na nasa kaburulan sa kanluran at nasa Negev. Naagaw nila ang Bet Shemesh, Ayalon, Gederot, Soco, Timnah at Gimzo, pati ang mga baryo sa paligid nito; at doon na sila nanirahan. 19 Ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil hinikayat ni Haring Ahaz ang mga mamamayan sa paggawa ng kasamaan, at hindi siya sumunod sa Panginoon. 20 Kaya pagdating ni Haring Tiglat Pileser ng Asiria, ginipit niya si Ahaz sa halip na tulungan. 21 Nanguha si Ahaz ng mga ari-arian sa templo ng Panginoon, sa palasyo, at sa mga bahay ng mga opisyal, at ibinigay niya ito sa hari ng Asiria. Pero hindi ito nakatulong kay Ahaz.

22 Sa panahon ng mga kahirapan ni Haring Ahaz, lalo pa siyang naging suwail sa Panginoon. 23 Nag-alay siya ng mga handog sa mga dios ng mga taga-Damascus na tumalo sa kanya. Sapagkat sinabi niya, “Ang mga hari ng Aram ay tinulungan ng kanilang mga dios. Kaya maghahandog din ako sa mga dios na ito para tulungan din nila ako.” Pero ang mga ito ang nagpahamak sa kanya at sa mga taga-Israel.

24 Kinuha ni Ahaz ang mga kagamitan sa templo ng Dios at ipinadurog ito. Ipinasara niya ang pintuan ng templo, at nagpatayo siya ng mga altar sa bawat kanto ng Jerusalem. 25 Nagpatayo rin siya ng mga sambahan sa matataas na lugar sa lahat ng bayan sa Juda, para makapaghandog sa ibang mga dios. At labis itong nakapagpagalit sa Panginoon, ang Dios ng kanyang mga ninuno.

26 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Ahaz at sa kanyang pag-uugali, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at Israel. 27 Nang mamatay si Ahaz, inilibing siya sa lungsod ng Jerusalem, pero hindi sa libingan ng mga hari ng Israel. At ang anak niyang si Hezekia ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Hezekia sa Juda(H)

29 Si Hezekia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Abijah na anak ni Zacarias. Matuwid ang ginawa ni Hezekia sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ninuno niyang si David Sa unang buwan nang unang taon ng paghahari niya, pinabuksan niyang muli ang mga pintuan ng templo ng Panginoon at ipinaayos ito. Ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita, at pinatipon sa loob ng bakuran sa bandang silangan ng templo. Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan nʼyo ako, kayong mga Levita! Linisin ninyo ang inyong mga sarili[h] ngayon, at linisin din ninyo ang templo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Kunin nʼyo sa templo ang lahat ng bagay na itinuturing na marumi. Hindi naging tapat ang ating mga ninuno. Masama ang ginawa nila sa paningin ng Panginoon na ating Dios at siyaʼy kanilang itinakwil. Pinabayaan nila ang kanyang templo at siyaʼy kanila ngang tinalikuran. Isinara nila ang mga pintuan sa balkonahe ng templo at pinatay ang mga ilaw. Hindi sila nagsunog ng insenso o nag-alay ng mga handog na sinusunog sa templo para sa Dios ng Israel. Kaya nagalit ang Panginoon sa Juda at sa Jerusalem. At dahil sa kanyang parusa sa atin, pinandirihan, kinutya at minaliit tayo ng mga tao gaya ng inyong nakikita ngayon. Namatay ang mga ninuno natin sa labanan, at binihag ang ating mga asawaʼt anak. 10 Pero ngayon, desidido akong gumawa ng kasunduan sa Panginoon, ang Dios ng Israel, para mawala ang matindi niyang galit sa atin. 11 Kaya mga minamahal,[i] huwag na kayong magpabaya. Kayo ang pinili ng Panginoon para tumayo sa kanyang presensya, at para maglingkod at maghandog.”[j]

12 Kaya nagsimula sa paggawa ang mga Levita:

Sa pamilya ni Kohat: sina Mahat na anak ni Amasai at Joel na anak ni Azaria.

Sa pamilya ni Merari: sina Kish na anak ni Abdi at Azaria na anak ni Jehalelel.

Sa pamilya ni Gershon: sina Joa na anak ni Zima at Eden na anak ni Joa.

13 Sa angkan ni Elizafan: sina Shimri at Jeyel.

Sa angkan ni Asaf: sina Zacarias at Matania.

14 Sa angkan ni Heman: sina Jehiel at Shimei.

Sa angkan ni Jedutun: sina Shemaya at Uziel.

15 Tinipon nila ang kanilang mga kadugong Levita at nilinis nila ang kanilang sarili. Nilinis din nila ang templo ng Panginoon ayon sa iniutos ng hari. Sinunod nila ang sinabi ng Panginoon. 16 Pumasok ang mga pari sa templo para linisin ito. Inilagay nila sa bakuran ng templo ang lahat na kanilang nakita na kagamitan na itinuturing na marumi. At dinala ito ng mga Levita sa Lambak ng Kidron.

17 Sinimulan nilang linisin ang templo sa unang araw ng unang buwan, at nang ikawalong araw, umabot sila sa balkonahe ng templo. Ipinagpatuloy nila ang paglilinis sa loob pa ng walong araw, at natapos nila ang paglilinis nang ika-16 na araw ng buwan na iyon. 18 Pagkatapos, pumunta sila kay Haring Hezekia at sinabi, “Mahal na Hari, nalinis na po namin ang buong templo ng Panginoon pati ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat po ng kagamitan nito, at ang mesa na pinaglalagyan po ng tinapay na inihahandog at ang lahat ng kagamitan nito. 19 Naibalik na rin po namin ang lahat ng kagamitan na tinanggal ni Haring Ahaz nang mga panahong hindi siya naging matapat sa Dios. Nilinis na po namin ang mga ito at handa ng gamitin. Naroon na po ang mga ito ngayon sa harapan ng altar ng Panginoon.”

20 Kinabukasan, maaga paʼy tinipon na ni Haring Hezekia ang mga opisyal ng lungsod at pumunta sila sa templo ng Panginoon. 21 Nagdala sila ng pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong batang tupa, at pitong lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para sa kanilang kaharian, sa templo at sa mga mamamayan ng Juda. Inutusan ni Haring Hezekia ang mga pari na mula sa angkan ni Aaron para ihandog ang mga iyon sa altar ng Panginoon. 22 Kaya kinatay ng mga pari ang mga toro at iwinisik ang dugo nito sa altar. Ganoon din ang ginawa sa mga lalaking tupa at sa mga batang tupa. 23 Ang mga kambing na handog sa paglilinis ay dinala nila sa hari at sa mga tao, at kanilang ipinatong ang kanilang mga kamay sa mga kambing. 24 Pagkatapos, kinatay ng mga pari ang mga kambing at ibinuhos ang dugo nito sa altar bilang handog para sa paglilinis ng kasalanan ng lahat ng mga Israelita. Sapagkat nag-utos ang hari na mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis para sa lahat ng Israelita.

25 Pagkatapos, nagtalaga si Hezekia ng mga Levita sa templo ng Panginoon na may mga pompyang, alpa at mga lira. Itoʼy ayon sa utos ng Panginoon kay Haring David sa pamamagitan ni Gad na propeta ni David at kay Propeta Natan. 26 Pumwesto ang mga Levita na may mga instrumento ni Haring David, at ang mga pari na may mga trumpeta.

27 At nag-utos si Hezekia na ihandog sa altar ang mga handog na sinusunog. Habang naghahandog, umaawit ng mga papuri sa Panginoon ang mga tao, na tinutugtugan ng mga trumpeta at iba pang mga instrumento ni Haring David ng Israel. 28 Ang buong kapulungan ay lumuhod sa pagsamba sa Panginoon habang umaawit ang mga mang-aawit at nagpapatugtog ang mga tagatrumpeta hanggang sa maialay ang lahat ng handog na sinusunog. 29 Pagkatapos ng paghahandog, lumuhod si Haring Hezekia at ang lahat ng kasama niya, at sumamba sa Panginoon. 30 Nag-utos si Haring Hezekia at ang kanyang mga opisyal sa mga Levita para purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga awit na ginawa ni Haring David at ni Asaf na propeta. Kaya umawit sila ng mga awit ng pagpupuri na may kagalakan habang nakayuko sila sa pagsamba sa Dios.

31 Pagkatapos, sinabi ni Hezekia, “Ngayong naihandog nʼyo na ang inyong sarili sa Panginoon, magdala kayo ng mga handog, kasama ang mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon.” Kaya nagdala ang mga tao ng mga handog na ito sa templo ng Panginoon, at ang iba ay kusang-loob na nag-alay ng mga handog na sinusunog. 32 Ang bilang ng mga handog na sinusunog na dinala ng mga tao ay 70 toro, 100 lalaking tupa at 200 batang tupa. 33 Nagdala rin sila ng iba pang mga handog na 600 toro at 3,000 tupa at kambing. 34 Pero kakaunti lang ang mga pari na nagkakatay ng mga hayop na ito. Kaya tumulong sa kanila ang mga kamag-anak nilang Levita hanggang matapos ang gawaing iyon at hanggang sa dumami na ang mga pari na naglinis ng kanilang sarili. Sapagkat mas matapat pa ang mga Levita sa paglilinis ng kanilang sarili kaysa sa mga pari. 35 Napakaraming handog na sinusunog, pati mga taba ng mga hayop na inihandog para sa mabuting relasyon, at mga handog na inuming inialay kasama ng mga handog na sinusunog. Sa ganitong paraan, muling naibalik ang mga gawain sa templo ng Panginoon. 36 Labis ang kagalakan ni Hezekia at ng mga tao sa tulong na ginawa ng Dios, dahil ditoʼy nagawa nila ang lahat ng ito nang mabilis.

Ang Paghahanda para sa Pista ng Paglampas ng Anghel

30 Nagpadala si Hezekia ng mensahe sa lahat ng mamamayan ng Israel at Juda, pati na sa mga mamamayan ng Efraim at Manase. Inimbita niya sila na pumunta sa templo ng Panginoon sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Nagpasya si Haring Hezekia at ang kanyang mga opisyal, at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem na ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa ikalawang buwan. Dapat sanaʼy gaganapin ang pistang ito sa unang buwan, pero kakaunti lang ang mga pari na naglinis ng kanilang sarili sa panahong iyon at hindi nagtipon ang mga tao sa Jerusalem.

Nagustuhan ng hari at ng lahat ng mamamayan ang plano na pagdiriwang ng pista, kaya nagpadala sila ng mensahe sa buong Israel, mula sa Beersheba hanggang sa Dan, na dapat pumunta ang mga tao sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Sa mga nagdaang pagdiriwang, kakaunti lang ang nagsidalo. Pero sinasabi ng kautusan na dapat dumalo ang lahat.

Sa utos ng hari, pumunta nga ang mga mensahero sa buong Israel at Juda dala ang mga sulat mula sa hari at sa kanyang mga opisyal. Ito ang nakasulat:

“Mga mamamayan ng Israel, ngayong nakaligtas kayo sa kamay ng mga hari ng Asiria, panahon na para magbalik-loob kayo sa Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob,[k] para bumalik din siya sa inyo. Huwag nʼyong tularan ang inyong mga ninuno at mga kamag-anak na hindi naging tapat sa Panginoon na kanilang Dios, na dahil ditoʼy ginawa silang kasuklam-suklam ng Panginoon gaya ng nakikita ninyo ngayon. Kaya huwag maging matigas ang inyong ulo gaya ng inyong mga ninuno, kundi magpasakop kayo sa Panginoon. Pumunta kayo sa templo na kanyang pinabanal magpakailanman. At maglingkod kayo sa Panginoon na inyong Dios, para mawala ang matindi niyang galit sa inyo. Sapagkat kung manunumbalik kayo sa Panginoon, kahahabagan ng mga bumihag ang inyong mga anak at mga kamag-anak, at pababalikin sila rito sa lupain. Sapagkat matulungin at mahabagin ang Panginoon na inyong Dios. Hindi niya kayo tatalikuran kung manunumbalik kayo sa kanya.”

10 Pumunta ang mga mensahero sa bawat bayan sa buong Efraim at Manase hanggang sa Zebulun, pero pinagtawanan lang sila at hinamak ng mga tao. 11 Ngunit may ibang galing sa Asher, Manase at Zebulun na nagpakumbaba at pumunta sa Jerusalem. 12 Kumilos din ang Panginoon sa mga taga-Juda para magkaisa sila sa pagtupad ng utos ng hari at ng mga opisyal, ayon sa utos ng Panginoon. 13 Kaya nang ikalawang buwan, maraming tao ang nagtipon sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 14 Inalis nila ang mga altar sa Jerusalem na pinaghahandugan para sa mga dios-diosan, pati ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso, at itinapon nila ang lahat ng ito sa Lambak ng Kidron.

15 Nang ika-14 na araw ng ikalawang buwan, kinatay ng mga tao ang kanilang mga tupa para sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Ang mga pari at mga Levita na marumi ay nahiya, kaya naglinis sila at nag-alay ng mga handog na sinusunog sa templo ng Panginoon. 16 Pagkatapos, pumwesto sila sa kanilang mga lugar sa templo, ayon sa mga tuntunin sa kautusan ni Moises na lingkod ng Dios. Iwinisik ng mga pari sa altar ang dugo na dinala sa kanila ng mga Levita.

17 Dahil marami sa mga tao roon ang hindi naglinis ng kanilang sarili, ang mga Levita ang siyang nagkatay ng tupa para sa kanila upang maihandog sa Panginoon. 18 Karamihan sa mga pumunta na nagmula sa Efraim, Manase, Isacar at Zebulun ay hindi naglinis ng kanilang sarili, pero kumain pa rin sila ng inihandog para sa Pista ng Paglampas ng Anghel, kahit labag ito sa kautusan. Ngunit nanalangin si Hezekia para sa kanila. Sinabi niya, “O Panginoon, sa inyo pong kabutihan, sanaʼy patawarin nʼyo po ang bawat tao 19 na nagnanais na dumulog sa inyo, ang Dios ng kanyang ninuno, kahit na hindi po siya malinis ayon sa mga tuntunin sa templo.” 20 Pinakinggan ng Panginoon si Hezekia at pinatawad[l] niya ang mga tao.

21 Sa loob ng pitong araw, ang mga Israelita na naroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa nang may malaking kagalakan. Araw-araw, umaawit ang mga Levita at ang mga pari ng mga papuri sa Panginoon, na tinutugtugan nang malalakas na instrumento na ginagamit sa pagpupuri sa Panginoon. 22 Pinuri ni Hezekia ang lahat ng Levita sa mabuting gawa na ipinakita nila sa paglilingkod sa Panginoon. Kaya nagpatuloy ang pagdiriwang nila sa loob ng pitong araw. Kinain nila ang kanilang bahagi sa mga handog, at naghandog sila ng mga handog para sa mabuting relasyon, at nagpuri sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.

23 Pagkatapos, nagpasya ang buong kapulungan na magdiwang pa sila ng pitong araw. Kaya ginawa nila ito nang may malaking kagalakan. 24 Nagbigay si Haring Hezekia sa mga tao ng 1,000 toro, 7,000 tupa at kambing. Nagbigay din ang mga opisyal ng 1,000 toro at 10,000 tupaʼt kambing. Marami sa mga pari ang naglinis ng kanilang sarili. 25 Masayang nagdiwang ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari, ang mga Levita at ang lahat ng nagtipon mula sa Israel, pati ang mga dayuhang naninirahan sa Israel at Juda. 26 Labis ang kasayahan sa Jerusalem. Wala pang ganitong kasayahan na nangyari sa Jerusalem mula noong panahon na si Solomon na anak ni David ang hari sa Israel. 27 Pagkatapos, nagsitayo ang mga pari at ang mga Levita, at binasbasan nila ang mga tao. At pinakinggan ito ng Dios sa langit, sa kanyang banal na tahanan.

Ang mga Pagbabagong Ginawa ni Hezekia

31 Pagkatapos ng pista, ang mga Israelita na nagsidalo roon ay nagpunta sa mga bayan ng Juda, at pinagdudurog nila ang mga alaalang bato at pinagputol-putol ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Giniba nila ang mga sambahan sa matataas na lugar[m] sa buong Juda, Benjamin, Efraim at Manase. Pagkatapos nilang gibain ang lahat ng ito, umuwi silang lahat sa kanilang mga bayan at lupain.

Ipinagbukod-bukod ni Hezekia ang mga pari at ang mga Levita ayon sa kani-kanilang gawain sa templo ng Panginoon – para mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon, para magpasalamat at umawit ng mga papuri sa mga pintuan ng templo. Nagbigay si Hezekia ng sarili niyang mga hayop para sa mga handog na sinusunog sa umaga at sa gabi, at para rin sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[n] at sa iba pang mga pista, ayon sa nakasulat sa Kautusan ng Panginoon. Inutusan din niya ang mga tao na nakatira sa Jerusalem na ibigay sa mga pari at mga Levita ang kanilang bahagi para makapaglingkod sila nang lubusan sa Kautusan ng Panginoon. Nang maipaalam na ito sa mga tao, bukas palad na nagbigay ang mga Israelita ng unang ani ng kanilang trigo, bagong katas ng ubas, langis, pulot at ng iba pang produkto ng lupa. Ibinigay nila ang ikapu ng lahat nilang produkto. Ang mga taga-Israel na lumipat sa Juda, at ang mga taga-Juda ay nagbigay din ng ikasampung bahagi ng kanilang mga baka, tupa at ng mga bagay na itinalaga nila sa Panginoon na kanilang Dios, at tinipon nila ito. Sinimulan nila ang pag-iipon nito nang ikatlong buwan, at natapos sa ikapitong buwan. Nang makita ni Hezekia at ng kanyang mga opisyal ang mga nakatumpok na handog, pinuri nila ang Panginoon at ang mga mamamayan niyang Israelita.

Tinanong ni Hezekia ang mga pari at ang mga Levita tungkol sa mga nakatumpok. 10 Sumagot si Azaria, ang punong pari na mula sa angkan ni Zadok, “Mula nang nagsimulang magdala ang mga tao ng kanilang mga handog sa templo ng Panginoon, nagkaroon na kami ng sapat na pagkain at marami pang sumobra, dahil pinagpala ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan.”

11 Nag-utos si Hezekia na gumawa ng mga bodega sa templo ng Panginoon, at nangyari nga ito. 12 At matapat na dinala roon ng mga tao ang kanilang mga handog, mga ikapu at ang mga bagay na itinalaga nila sa Panginoon. Si Conania na isang Levita ang siyang pinagkatiwalaan ng mga bagay na ito, at katulong niya ang kanyang kapatid na lalaki na si Shimei. 13 Sina Jehiel, Azazia, Nahat, Azael, Jerimot, Jozabad, Eliel, Ismakia, Mahat, at Benaya ang mga tagapangasiwa sa ilalim ng pamamahala nina Conania at Shimei. Pinili sila nina Haring Hezekia at Azaria na punong opisyal ng templo ng Dios.

14 Si Kore na anak ni Imna na Levita, na tagapagbantay sa silangang pintuan ng templo, ang pinagkatiwalaan sa pamamahagi ng mga handog na kusang-loob na ibinibigay sa Dios, at sa mga bagay na itinalaga sa Panginoon at ng mga banal na handog. 15 Ang matatapat niyang katulong ay sina Eden, Miniamin, Jeshua, Shemaya, Amaria, at Secanias. Pumunta sila sa mga bayan na tinitirhan ng mga pari na kanilang kadugo at ipinamahagi sa kanila ang kanilang bahagi sa mga handog, ayon sa kanilang grupo at tungkulin, bata man o matanda. 16 Binigyan ang lahat ng mga lalaki na nasa tatlong taong gulang pataas ang edad, na pumupunta sa templo para gawin ang kanilang araw-araw na gawain ayon sa tungkulin ng kani-kanilang grupo. Kasama na rin ang mga paring hindi nakalista sa talaan ng mga angkan ng mga pari. 17 Sila at ang mga pari na nakalista sa talaan ng mga angkan ay binigyan ng kanilang bahagi, at ganoon din ang mga Levita na nasa 20 taong gulang pataas, na naglilingkod ayon sa tungkulin ng kani-kanilang grupo. 18 Binigyan din ang mga pamilya ng mga Levita – ang kanilang mga asawa, mga anak, pati ang maliliit nilang anak. Ginawa ito sa lahat ng Levita na nakalista sa talaan ng kanilang angkan. Sapagkat matapat din sila sa paglilinis ng kanilang sarili. 19 Tungkol naman sa mga pari na angkan ni Aaron, na nakatira sa mga bukirin sa palibot ng mga bayan at sa ibang mga bayan, may mga taong pinagkatiwalaan na mamigay ng kanilang bahagi at sa bahagi ng lahat ng Levita na nakalista sa talaan ng kanilang angkan.

20 Ganoon ang ginawa ni Hezekia sa buong Juda. Ginawa niya ang mabuti at ang tama, at naging tapat siya sa harapan ng Panginoon na kanyang Dios. 21 Naging matagumpay siya, dahil sa lahat ng ginawa niya sa templo ng Dios at sa pagsunod niya sa kautusan, dumulog siya sa kanyang Dios nang buong puso.

Nilusob ng Asiria ang Juda(I)

32 Matapos magampanan nang tapat ni Hezekia ang mga gawaing ito, nilusob ni Haring Senakerib ng Asiria ang Juda. Tinambangan niya at ng kanyang mga sundalo ang mga napapaderang lungsod, dahil iniisip niyang masasakop niya ito. Nang makita ni Hezekia na pati ang Jerusalem ay lulusubin ni Senakerib, kinausap niya ang kanyang mga opisyal at mga pinuno ng kanyang mga sundalo. Nagkaisa silang patigilin ang pagdaloy ng mga bukal sa labas ng lungsod. Kaya nagtipon sila ng maraming tao at tinambakan nila ang mga bukal at lambak na dinadaluyan ng tubig sa lupain. Sapagkat sinabi nila, “Pagdating dito ng mga hari ng Asiria, kakapusin sila ng tubig.”

Pagkatapos, pinatibay pa ni Hezekia ang kanyang mga depensa sa pamamagitan ng pagpapaayos ng mga pader at pagpapatayo ng mga tore. Pinalibutan pa niya ng isa pang pader ang lungsod, at pinatambakan ng lupa ang mababang bahagi ng Lungsod ni David. Nagpagawa rin siya ng maraming armas at mga pananggalang.

Nagtalaga siya ng mga pinuno sa mga tao, at ipinatipon niya sila sa plasa, malapit sa pintuan ng lungsod. Pinalakas niya ang kanilang loob, sinabi niya, “Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa hari ng Asiria o sa marami niyang sundalo. Sapagkat higit na makapangyarihan ang sumasaatin kaysa sa kanya. Mga tao lang ang kasama niya; pero tayo, kasama natin ang Panginoon na ating Dios. Siya ang tutulong sa atin at makikipaglaban para sa atin.” Kaya tumatag ang mga tao dahil sa sinabi ni Haring Hezekia ng Juda.

Habang nilulusob ni Haring Senakerib at ng kanyang mga sundalo ang lungsod ng Lakish, isinugo niya ang kanyang mga opisyal sa Jerusalem para sabihin ito kay Haring Hezekia at sa mga mamamayan doon:

10 “Ito ang sinabi ni Haring Senakerib ng Asiria: ‘Ano ba ang inaasahan ninyo at nananatili pa rin kayo sa Jerusalem kahit pinalilibutan na namin kayo? 11 Sinabi ni Hezekia sa inyo na ililigtas kayo ng Panginoon na inyong Dios sa kamay ng hari ng Asiria, pero inililigaw lang niya kayo para mamatay kayo sa gutom at uhaw. 12 Hindi baʼt si Hezekia mismo ang nagpagiba ng mga sambahan ng Panginoon sa matataas na lugar, pati ng mga altar nito? Nag-utos pa siya sa inyong mga taga-Juda at Jerusalem na sa isang altar lang kayo sumamba at magsunog ng mga handog.

13 “ ‘Nalalaman nʼyo kung anong ginawa ko at ng aking mga ninuno sa mga mamamayan ng ibang mga bansa. Nailigtas ba sila ng kanilang mga dios mula sa aking mga kamay? 14 Wala ni isa man sa mga dios ng mga bansa na nilipol ko nang lubusan o ng aking mga ninuno ang nakapagligtas sa kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay. Makakapagligtas ba sa inyo ang inyong dios mula sa aking mga kamay? 15 Huwag kayong magpaloko kay Hezekia. Huwag kayong makinig sa kanya, dahil walang dios sa kahit saan mang bansa o kaharian ang nakapagligtas sa kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay o sa kamay ng aking mga ninuno. At lalung-lalo na ang inyong dios!’ ”

16 May idinagdag pang masamang mga salita ang mga opisyal ni Senakerib laban sa Panginoong Dios at sa kanyang lingkod na si Hezekia. 17 Nagpadala pa si Haring Senakerib ng mga sulat para insultuhin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. Ito ang sulat niya: “Ang mga dios ng ibang mga bansa ay hindi nailigtas ang kanilang mga mamamayan mula sa aking kamay. Kaya ang dios ni Hezekia ay hindi rin maililigtas ang kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay.” 18 Sinabi ito nang malakas ng mga opisyal ni Senakerib sa wikang Hebreo para takutin ang mga mamamayan ng Jerusalem na nagtitipon noon sa may pader. At kapag natakot na ang mga tao, madali na nilang masasakop ang lungsod. 19 Ang mga opisyal ay nagsabi ng masama laban sa Dios ng Jerusalem gaya ng kanilang sinabi laban sa mga dios ng ibang bansa na gawa lang ng tao.

20 Nanalangin sina Haring Hezekia at si Propeta Isaias na anak ni Amoz sa Dios sa langit. 21 At nagpadala ang Panginoon ng anghel na lumipol sa matatapang na sundalo, mga kumander, at sa mga opisyal sa kampo ng hari ng Asiria. Kaya umuwi si Haring Senakerib na labis na napahiya. At nang pumasok siya sa templo ng kanyang dios, pinatay siya ng iba niyang mga anak sa pamamagitan ng espada.

22 Kaya iniligtas ng Panginoon si Hezekia at ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kamay ni Haring Senakerib ng Asiria at sa kamay ng iba pang mga kalaban. Binigyan niya sila ng kapayapaan sa kanilang paligid. 23 Maraming tao ang nagdala ng mga handog sa Jerusalem para sa Panginoon. Nagdala rin sila ng mga mamahaling regalo kay Haring Hezekia. Mula noon, pinarangalan si Hezekia ng lahat ng bansa.

Ang Pagkakasakit ni Hezekia(J)

24 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekia at halos mamatay na. Nanalangin siya sa Panginoon, at binigyan siya ng Panginoon ng isang tanda na gagaling siya. 25 Pero nagyabang si Hezekia at binalewala niya ang kabutihang ipinakita ng Panginoon sa kanya. Kaya nagalit ang Panginoon sa kanya at sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem. 26 Pagkatapos, nagsisi si Hezekia sa kanyang pagmamalaki, at ganoon din ang mga mamamayan ng Jerusalem. Kaya hindi ipinadama ng Panginoon ang kanyang galit sa kanila habang nabubuhay pa si Hezekia.

27 Si Hezekia ay mayaman at tanyag. Nagpagawa siya ng mga bodega para sa kanyang mga pilak, ginto, mamahaling bato, pampalasa, pananggalang at iba pang mamahaling bagay. 28 Nagpagawa rin siya ng mga bodega para sa kanyang mga trigo, bagong katas ng ubas at langis. Bukod pa rito, nagpagawa rin siya ng mga kulungan para sa kanyang mga hayop, 29 dahil napakarami niyang hayop. Nagpatayo rin siya ng mga bayan, dahil binigyan siya ng Panginoon ng maraming kayamanan.

30 Si Hezekia ang nag-utos na lagyan ng harang ang dinadaanan ng tubig na mula sa bukal ng Gihon at padaluyin ito papunta sa kanluran ng Lungsod ni David. Nagtagumpay si Hezekia sa lahat ng kanyang ginawa. 31 Pero sinubok siya ng Dios nang dumating ang mga opisyal mula sa Babilonia na nag-usisa tungkol sa kamangha-manghang nangyari sa Juda. Ginawa ito ng Dios para malaman kung ano talaga ang nasa puso ni Hezekia.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Hezekia(K)

32 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Hezekia at ang pag-ibig[o] niya sa Panginoon ay nakasulat sa Pangitain ni Propeta Isaias na Anak ni Amoz, na bahagi ng Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at Israel. 33 Nang mamatay si Hezekia, inilibing siya sa ibabaw na bahagi ng libingan ng mga angkan ni David. Pinarangalan siya ng lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem nang mamatay siya. At ang anak niyang si Manase ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Manase sa Juda(L)

33 Si Manase ay 12 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 55 taon. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. Muli niyang ipinatayo ang mga sambahan sa matataas na lugar[p] na ipinagiba ng ama niyang si Hezekia. Nagpatayo rin siya ng mga altar para kay Baal at nagpagawa ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Sumamba siya sa lahat ng bagay sa langit. Nagpagawa pa siya ng mga altar sa templo ng Panginoon sa Jerusalem, na ayon sa Panginoon ay ang lugar na kung saan pararangalan siya magpakailanman. Inilagay niya ang mga altar sa dalawang bakuran ng templo ng Panginoon para sambahin ang lahat ng bagay sa langit. Inihandog niya sa pamamagitan ng apoy ang kanyang mga anak[q], sa Lambak ng Ben Hinom. Ginawa rin niya ang mga ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam, at nagtatanong siya sa mga espiritista na nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay. Napakasama ng ginawa niya at nakapagpagalit ito sa Panginoon.

Inilagay niya sa templo ang imahen na kanyang ipinagawa, kung saan sinabi ng Panginoon kay David at sa anak niyang si Solomon, “Pararangalan ako magpakailanman sa templong ito at sa Jerusalem, ang lugar na aking pinili mula sa lahat ng lugar ng mga lahi ng Israel. Kung tutuparin lang ng mga mamamayan ng Israel ang lahat ng kautusan at tuntunin ko na ibinigay sa kanila ni Moises, hindi ko papayagang paalisin sila rito sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.” Pero hinikayat ni Manase ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem sa paggawa ng masama, at ang ginawa nila ay mas malala pa sa ginawa ng mga bansang ipinalipol ng Panginoon sa harap ng mga Israelita.

10 Kahit binalaan ng Panginoon si Manase at ang kanyang mga mamamayan, hindi pa rin sila nakinig sa kanya. 11 Kaya ipinalusob sila ng Panginoon sa mga sundalo ng Asiria. Binihag nila si Manase, nilagyan ng kawit ang kanyang ilong, kinadenahan, at dinala sa Babilonia. 12 Sa kanyang paghihirap, nagpakumbaba siya at nagmakaawa sa Panginoon na kanyang Dios, na Dios din ng kanyang mga ninuno. 13 At nang nanalangin siya, pinakinggan siya ng Panginoon. Naawa ang Panginoon sa kanyang mga pagmamakaawa. Kaya pinabalik siya ng Panginoon sa Jerusalem at sa kaharian niya. At napagtanto ni Manase na ang Panginoon ang Dios.

14 Simula noon, ipinaayos ni Manase ang panlabas na pader ng Lungsod ni David mula sa kanluran ng Gihon, sa may lambak hanggang sa pintuan na tinatawag na Isda, paliko sa bulubundukin ng Ofel. Pinataasan din niya ito. Pagkatapos, naglagay siya ng mga pinuno sa lahat ng napapaderang lungsod ng Juda. 15 Ipinaalis niya ang mga dios-diosan ng taga-ibang bansa at ang imahen sa templo ng Panginoon. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinatayo niya sa burol na kinatatayuan ng templo at ang mga altar sa ibang bahagi ng Jerusalem, at ipinatapon niya ito sa labas ng lungsod. 16 Pagkatapos, ipinaayos niya ang altar ng Panginoon, at pinag-alayan ng mga handog para sa mabuting relasyon at mga handog ng pasasalamat. Sinabihan niya ang mga mamamayan ng Juda na maglingkod sa Panginoon, ang Dios ng Israel.

17 Ganoon pa man, naghahandog pa rin ang mga tao sa mga sambahan sa matataas na lugar, pero ang Panginoon lang na kanilang Dios ang hinahandugan nila. 18 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Manase, pati ang pananalangin niya sa Dios at ang mga sinabi ng mga propeta sa kanya sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 19 Ang panalangin niya at ang sagot ng Panginoon sa kanya, pati ang lahat niyang kasalanan at pagsuway sa Panginoon ay nakasulat sa aklat ng mga Propeta. Nakatala rin dito ang mga lugar na pinatayuan niya ng mga sambahan, mga posteng simbolo ng diosang si Ashera at ng iba pang mga dios-diosan, bago pa siya nagpakumbaba sa Dios. 20 Nang mamatay si Manase, inilibing siya sa palasyo niya. At ang anak niyang si Ammon ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ammon sa Juda(M)

21 Si Ammon ay 22 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon. 22 Masama ang ginawa ni Ammon sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ni Manase na kanyang ama. Sinamba at hinandugan niya ang mga dios-diosan na ipinagawa ni Manase. 23 Pero hindi tulad ng kanyang ama, hindi siya nagpakumbaba sa Panginoon. Sa halip, dinagdagan pa niya ang kanyang kasalanan.

24 Nagplano ng masama ang mga opisyal ni Ammon laban sa kanya at pinatay siya sa palasyo niya. 25 Pero pinatay ng mga mamamayan ng Juda ang lahat ng pumatay kay Haring Ammon. At ang anak niyang si Josia ang ipinalit nila bilang hari.

Ang Paghahari ni Josia sa Juda(N)

34 Si Josia ay walong taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 31 taon. Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon at sumunod siya sa pamumuhay ng ninuno niyang si David. At hindi siya tumigil sa paggawa ng tama.

Nang ikawalong taon ng paghahari niya, habang bata pa siya, nagsimula siyang dumulog sa Dios ng kanyang ninunong si David. At noong 12 taon ng paghahari niya, nilinis niya ang Juda at Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapagiba ng mga sambahan sa matataas na lugar,[r] ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, ng mga dios-diosan at mga imahen. Ipinagiba rin niya ang mga altar para kay Baal at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso sa tabi nito. Ipinadurog niya ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, ang mga dios-diosan at ang mga larawan, at isinabog sa libingan ng mga taong naghandog sa mga ito. Ipinasunog din niya ang mga buto ng mga pari na dayuhan sa mga altar na pinaghahandugan ng mga ito. Sa ganitong paraan, nilinis niya ang Juda at Jerusalem. Ganito rin ang ginawa niya sa mga bayan ng Manase, Efraim, Simeon, at hanggang sa Naftali, pati sa gibang mga bayan sa paligid nito. Ipinagiba niya ang mga altar at ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at ipinadurog ang mga dios-diosan at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso. Pagkatapos niyang gawin ito sa buong Israel, umuwi siya sa Jerusalem.

Natagpuan sa Templo ang Aklat ng Kautusan(O)

Sa ika-18 taon ng paghahari ni Josia, matapos niyang ipalinis ang lupain at ang templo, nagpasya siyang ipaayos ang templo ng Panginoon na kanyang Dios. Ipinagkatiwala niyang ipagawa ito sa kanyang kalihim na si Shafan, na anak ni Azalia, sa gobernador ng Juda na si Maaseya, at sa tagapamahala ng mga kasulatan ng kaharian na si Joa, na anak ni Joahaz. Silaʼy pumunta kay Hilkia na punong pari para ibigay ang pera na dinala ng mga tao sa templo ng Dios. Ang pera ay kinolekta ng mga Levita na nagbabantay sa pintuan ng templo mula sa mga mamamayan ng Manase, Efraim, at sa natitirang mga mamamayan ng Israel, at sa mga mamamayan ng Juda at Benjamin, pati na sa Jerusalem. 10 Pagkatapos, ibinigay ang pera sa mga tao na pinagkatiwalaang mamahala sa pag-aayos ng templo ng Panginoon, at ginamit nila ito sa pag-upa ng mga manggagawa. 11 Ang ibang pera ay ibinigay nila sa mga manggagawa para ibili ng mga batong tabas na at ng mga kahoy para sa biga ng templo na pinabayaang magiba ng mga hari ng Juda.

12-13 Naging matapat ang mga manggagawa sa kanilang trabaho. Pinamahalaan sila ng apat na Levita na sina Jahat at Obadias, na mula sa angkan ni Merari, at Zacarias at Meshulam, na mula sa angkan ni Kohat. Nasa ilalim ng kanilang pamamahala ang mga manggagawa na may ibaʼt ibang trabaho. Mahuhusay magsitugtog ng mga instrumento ang mga Levita, at ang iba sa kanilaʼy mga kalihim, mga dalubhasa sa pagsulat ng mga dokumento, at mga tagapagbantay ng mga pintuan ng templo.

Nakita ang Aklat ng Kautusan

14 Habang kinukuha ang pera na kinolekta sa templo ng Panginoon, nakita ni Hilkia na pari ang Aklat ng Kautusan ng Panginoon na ibinigay sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises. 15 Ibinalita niya kay Shafan, na kalihim ng hari, na nakita niya ang Aklat ng Kautusan sa templo ng Panginoon. Pagkatapos, ibinigay niya ito kay Shafan, 16 at dinala ito ni Shafan sa hari. Sinabi niya agad sa hari, “Kaming mga opisyal ay ginawa ang lahat ng ipinagawa nʼyo sa amin. 17 Kinuha namin ang pera sa templo ng Panginoon at ibinigay sa mga pinagkatiwalaan sa pag-aayos ng templo.” 18 Sinabi pa niya sa hari, “May ibinigay sa aking aklat si Hilkia na pari.” At binasa niya ito sa harapan ng hari.

19 Nang marinig ng hari ang nakasulat sa Kautusan, pinunit niya ang kanyang damit sa hinagpis. 20 Nag-utos agad siya kina Hilkia, Ahikam na anak ni Shafan, Abdon na anak ni Micas, Shafan na kalihim, at Asaya na kanyang personal na lingkod. Sinabi niya, 21 “Magtanong kayo sa Panginoon para sa akin at para sa mga naiwang mamamayan ng Israel at Juda tungkol sa nakasulat sa natagpuang aklat. Matindi ang galit ng Panginoon sa atin dahil hindi natupad ang mga nakasulat sa aklat.”

22 Kaya pumunta si Hilkia at ang mga kasama niya sa isang propetang babae na si Hulda, na nakatira sa bagong bahagi ng Jerusalem. Si Hulda ay asawa ni Shalum na anak ni Tokat at apo ni Hasra. Si Shalum ang nagbabantay ng mga damit sa templo.

23-24 Sinabi ni Hulda sa kanila, “Sabihin nʼyo sa mga tao na nagpadala sa inyo sa akin na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga mamamayan nito, ayon sa nakasulat sa aklat na binasa sa inyong harapan. 25 Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinaboy ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila[s] sa ibang mga dios. Ginalit nila ako sa kanilang mga ginawa.’[t]

26 “Pero sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo para magtanong sa Panginoon, na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: 27 Pinakinggan ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan ko nang marinig mo ang sinabi ko laban sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit at umiyak sa harapan ko dahil sa pagsisisi. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing 28 habang buhay ka pa, hindi darating ang paglipol na ipapadala ko sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Mamamatay ka nang mapayapa.” At sinabi nila sa hari ang isinagot ni Hulda.

Nangakong Tutuparin ni Josia ang Utos ng Dios(P)

29 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Josia ang lahat ng tagapamahala ng Juda at Jerusalem. 30 Pumunta siya sa templo ng Panginoon kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga Levita. Binasa sa kanila ni Josia ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kautusan ng Dios, na nakita sa templo ng Panginoon. 31 Pagkatapos, tumayo si Josia sa tabi ng haligi na madalas tayuan ng hari. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susundin niya ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad ng kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Nangako siyang tutuparin niya ang mga ipinapatupad ng kasunduan ng Dios na nakasulat sa aklat. 32 At sinabi rin niya sa mga mamamayan ng Jerusalem at Benjamin na mangako sila na tutuparin nila ang kasunduan ng Dios. Kaya sinunod nila ang kautusan ng Dios, ang Dios ng kanilang mga ninuno.

33 Pagkatapos, ipinaalis ni Josia ang lahat ng kasuklam-suklam na mga dios-diosan sa buong lupain ng Israel, at pinaglingkod ang mga tao sa Panginoon na kanilang Dios. Habang buhay siya, sinunod nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.

Ipinagdiwang ni Josia ang Pista ng Paglampas ng Anghel(Q)

35 Nang ika-14 na araw ng unang buwan, nagdiwang si Haring Josia ng Pista ng Paglampas ng Anghel sa Jerusalem bilang pagpaparangal sa Panginoon. Nagkatay sila ng tupa para sa pistang ito. Binigyan ni Josia ang mga pari ng kanilang tungkulin sa templo ng Panginoon, at pinatatag niya sila sa kanilang paglilingkod. Binigyan din niya ng mga tungkulin ang mga Levita na tagapagturo sa Israel, na itinalaga sa paglilingkod sa Panginoon. Sinabi niya sa kanila, “Nailagay na ang banal na kahon sa templo na ipinatayo ni Solomon na anak ni David, at hindi nʼyo na kailangang dalhin ito palagi. Kaya gamitin nʼyo ang inyong panahon sa paglilingkod sa Panginoon na inyong Dios at sa mga mamamayan niyang Israelita. Gawin nʼyo ang mga tungkulin ninyo sa templo ayon sa grupo ng inyong mga pamilya. Sundin nʼyo ang nakasulat na mga tuntunin ni Haring David ng Israel, at ng anak niyang si Solomon. Pumwesto kayo sa templo ayon sa inyong grupo, at tumulong sa mga pamilya na naghahandog, na ipinagkatiwala sa inyo. Maglinis kayo at maghanda ng inyong sarili sa paglilingkod sa inyong mga kababayan. Pagkatapos, katayin nʼyo ang mga tupa para sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Sundin nʼyo ang mga utos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises.”

Personal na nagbigay si Josia ng 30,000 tupa at kambing, at 3,000 baka, para sa handog ng mga tao sa panahon ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Kusa ding nagbigay ang mga opisyal ni Josia sa mga tao, mga pari, at mga Levita. Ang mga tagapamahala ng templo na sina Hilkia, Zacarias, at Jehiel ay nagbigay sa kapwa nila pari ng 2,600 tupa at kambing, at 300 baka bilang handog sa pista. Ang mga pinuno ng mga Levita na si Conania, ang kanyang mga kapatid na sina Shemaya at Netanel, si Hashabia, Jeyel, at Jozabad ay nagbigay sa kapwa nila Levita ng 5,000 tupa at kambing, at 500 baka bilang handog sa pista.

10 Nang handa na ang lahat para sa pista, pumwesto ang mga pari at mga Levita sa templo, ayon sa gawain ng kani-kanilang grupo, dahil sa utos ng hari. 11 Kinatay ng mga Levita ang mga tupaʼt kambing, at ibinigay ang dugo sa mga pari. Iwinisik ito ng mga pari sa altar habang binabalatan ng mga Levita ang mga hayop. 12 Pagkatapos, ipinamahagi nila sa mga tao, ayon sa grupo ng kanilang mga pamilya, ang mga handog na sinusunog para ihandog sa Panginoon, ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga baka. 13 At nilitson nila ang mga hayop na pampista, ayon sa nakasulat sa kautusan, at inilaga ang banal na mga handog sa mga palayok, mga kaldero, at mga kawali, at ipinamahagi agad nila sa mga tao.

14 Pagkatapos nito, naghanda ang mga Levita ng pagkain para sa kanilang sarili at sa mga pari, dahil ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ay abala sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog at ng mga taba ng hayop hanggang magtakip-silim. 15 Ang mga musikero na mula sa angkan ni Asaf ay naroon sa kanilang pwesto sa templo, ayon sa tuntunin na ibinigay nina David, Asaf, Heman at Jedutun na propeta ng hari. Ang mga guwardya ng pintuan ay hindi na umalis sa kinalalagyan nila dahil ang kapwa nila Levita ang siyang naghanda ng kanilang pagkain.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®