Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Habakuk 1 - Zacarias 10

Ito ang mensahe ni Propeta Habakuk na ipinahayag sa kanya ng Panginoon.

Ang Unang Hinaing ni Habakuk

Sinabi ni Habakuk,Panginoon, hanggang kailan po ako hihingi ng tulong sa inyo bago nʼyo ako dinggin? Kailan nʼyo po ba kami ililigtas sa mga karahasang ito? Bakit nʼyo po ipinapakita sa akin ang mga kasamaan at kaguluhan? Kahit saan ay nakikita ko ang pagpapatayan, karahasan, hidwaan at pagtatalo. Kaya naging walang kabuluhan ang kautusan. At wala ring katarungan dahil ang mga taong may kasalanan ang siyang nananalo sa korte, at hindi ang mga taong walang kasalanan. Kaya nababaluktot ang katarungan.”

Ang Sagot ng Dios kay Habakuk

Sumagot ang Dios, “Tingnan ninyong mabuti ang mga nangyayari sa mga bansa at talagang magtataka kayo sa inyong makikita. Sapagkat may gagawin ako sa inyong kapanahunan na hindi ninyo paniniwalaan kahit may magbalita pa nito sa inyo. Sapagkat pamamahalain ko ang mga taga-Babilonia,[a] na kilala sa kalupitan at karahasan. Mabilis nilang sinasalakay ang mga bansa sa buong mundo upang agawin ang mga lugar na hindi kanila. Kinatatakutan sila ng mga tao. Ginagawa nila ang gusto nila at walang makakapigil sa kanila. Ang mga kabayo nilaʼy mas mabilis kaysa sa mga leopardo at mas mabangis kaysa sa mga lobo na gumagala sa gabi. Tumatakbo ito mula sa malalayong lugar, parang agilang mabilis na lumilipad para dagitin ang kanyang biktima. Paparating ang kanilang mga sundalo na handang gumawa ng kalupitan. Para silang malakas na hangin mula sa silangan. Ang kanilang mga bihag ay kasindami ng buhangin. 10 Hinahamak nila ang mga hari at mga pinuno. Tinatawanan lamang nila ang mga napapaderang lungsod, dahil kaya nila itong akyatin sa pamamagitan ng pagtambak ng lupa sa tabi nito. Sa ganitong paraan, nakakapasok sila at nasasakop nila ang lungsod. 11 Pagkatapos, aalis sila na parang hangin lang na dumaan. Nagkasala sila, dahil wala silang kinikilalang dios kundi ang sariling kakayahan.”

Ang Pangalawang Hinaing ni Habakuk

12 Sinabi ni Habakuk, “O Panginoon, kayo ay Dios mula pa noon. Kayo ang aking Dios, ang banal na Dios na walang kamatayan. O Panginoon, ang Bato na kanlungan, pinili nʼyo ang mga taga-Babilonia para magparusa sa amin. 13 Dahil banal kayo, hindi nʼyo matitiis na tingnan ang kasamaan at kaguluhan. Pero bakit nʼyo hinahayaan ang mga traydor na taga-Babilonia na gawin ito sa amin? Bakit nʼyo hinahayaang pagmalupitan ang mga taong hindi gaanong masama kung ihahambing sa kanila? 14 Ang kanilang mga kalaban ay ginawa nʼyong parang mga isda na walang pinuno na magtatanggol sa kanila. 15 Masayang nagdiriwang ang mga taga-Babilonia dahil sa pagbihag nila sa kanilang mga kalaban na parang mga isdang nahuli sa bingwit o lambat. 16 At dahil marami silang nabihag, ipinagmamalaki nila ang kanilang kakayahan katulad ng mangingisdang sinasamba ang kanyang bingwit o lambat sa pamamagitan ng paghahandog ng insenso bilang handog sa mga bagay na ito. Dahil sa pamamagitan ng bingwit o lambat ay yumaman siya at nagkaroon ng masaganang pagkain. 17 Kaya Panginoon, magpapatuloy na lang po ba ang kanilang walang awang pagbihag at pagwasak sa mga bansa?”

Sinabi ni Habakuk, “Aakyat ako sa tore, sa aking bantayan at hihintayin ko kung ano ang sasabihin sa akin ng Panginoon at kung ano ang kanyang sagot sa aking hinaing.”

Ang Sagot ng Dios kay Habakuk

Ito ang sagot ng Panginoon kay Habakuk: “Isulat nang malinaw sa sulatang bato ang pahayag na ito para madaling basahin. Isulat mo muna ito dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon para mangyari ito. Ngunit hindi magtatagal at tiyak na mangyayari ito. Kahit magtagal nang kaunti, hintayin mo lang, dahil tiyak na mangyayari ito sa takdang panahon.”

Ito ang isulat mo:

“Tingnan mo ang mga taong mapagmataas. Hindi matuwid ang kanilang pamumuhay. Pero ang taong matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya.[b] Ang totoo, hindi maaasahan ang kayamanan.[c] At ang mga taong mapagmataas na sakim sa kayamanan ay laging balisa at walang kasiyahan. Tulad nilaʼy kamatayan na hindi makukuntento. Kaya binibihag nila ang maraming bansa. Pero kukutyain sila ng mga bansang iyon sa pamamagitan ng mga salitang ito,

“ ‘Nakakaawa naman kayo, kayong nangunguha ng mga bagay na hindi sa inyo at nagpapayaman sa pamamagitan ng pandaraya. Hanggang kailan pa ninyo ito gagawin? Bigla nga kayong gagantihan ng mga bansang binihag ninyo,[d] at dahil sa kanila ay manginginig kayo sa takot, at sila naman ang sasamsam ng inyong mga ari-arian. Dahil maraming bansa ang sinamsaman ninyo ng mga ari-arian, kayo naman ang sasamsaman ng mga natitirang tao sa mga bansang iyon. Mangyayari ito sa inyo dahil sa inyong pagpatay ng mga tao at pamiminsala sa kanilang mga lupain at mga bayan.

“ ‘Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng mga bahay[e] sa pamamagitan ng perang nakuha ninyo sa masamang paraan. Pinatitibay ninyo ang inyong mga bahay upang makaligtas kayo kapag dumating ang kapahamakan. 10 Dahil sa pagpatay ninyo ng maraming tao, kayo rin ay papatayin at wawasakin ang inyong mga bahay.[f] 11 Ang mga bato ng pader at ang mga biga ng bahay ay parang tao na hihingi ng tulong dahil mawawasak na ang buong bahay.

12 “ ‘Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng lungsod sa pamamagitan ng kalupitan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito. 13 Pero ang mga ipinatayo ninyo sa mga tao na binihag ninyo ay susunugin lang, kaya mawawalan ng kabuluhan ang inyong pinagpaguran. Itinakda na iyan ng Panginoong Makapangyarihan. 14 Sapagkat kung paanong ang karagatan ay puno ng tubig, ang lahat ng tao sa mundo ay mapupuno rin ng kaalaman tungkol sa kadakilaan ng Panginoon.

15 “ ‘Nakakaawa kayo! Sa inyong poot ay ipinahiya ninyo ang inyong mga karatig bansa. Parang nilalasing ninyo sila upang makita ninyo silang huboʼt hubad. 16 Ngayon kayo naman ang ilalagay sa kahihiyan sa halip na parangalan, dahil parurusahan kayo ng Panginoon. Kayo naman ang paiinumin niya sa tasa ng kanyang galit, at kapag lasing na kayo, makikita ang inyong kahubaran[g] at malalagay kayo sa kahihiyan. 17 Pinutol ninyo ang mga puno sa Lebanon, at dahil dito, namatay ang mga hayop doon. Kaya ngayon, kayo naman ang pipinsalain at manginginig sa takot. Mangyayari ito sa inyo dahil sa pagpatay ninyo ng mga tao at pagpinsala sa kanilang mga lupain at mga bayan.

18 “ ‘Ano ang kabuluhan ng mga dios-diosan? Gawa lang naman ang mga ito ng tao mula sa kahoy o metal, at hindi makapagsasabi ng katotohanan. At bakit nagtitiwala sa mga dios-diosang ito ang mga taong gumawa sa kanila? Ni hindi nga makapagsalita ang mga ito? 19 Nakakaawa kayong nagsasabi sa rebultong kahoy o bato, “Gumising ka at tulungan kami.” Ni hindi nga iyan makapagtuturo sa inyo. At kahit pa balot iyan ng ginto at pilak, wala namang buhay. 20 Pero ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo. Kaya ang buong mundo ay manahimik sa kanyang presensya.’ ”

Ang Panalangin ni Habakuk

Ito ang panalangin ni Propeta Habakuk:[h] Panginoon, narinig ko po ang tungkol sa inyong mga ginawa, at ako ay lubos na humanga sa inyo. Gawin nʼyong muli sa aming panahon ang ginawa nʼyo noon. At sa araw na ipadama nʼyo ang inyong galit, maawa kayo sa amin.

“Ikaw ang Banal na Dios na darating[i] mula sa Teman at sa Bundok ng Paran.[j] At ang inyong kadakilaan ay makikita sa kalangitan, at dahil dito pupurihin kayo ng mga tao sa mundo. Darating kayong kasingliwanag ng araw; may sinag na lumalabas sa inyong mga kamay kung saan nakatago ang inyong kapangyarihan. Darating kayong may dalang mga salot. Kapag tumayo kayo ay nayayanig ang mundo, at kapag tumingin kayo ay nanginginig sa takot ang mga bansa at gumuguho ang sinaunang kabundukan at kaburulan. Ang inyong mga pamamaraan ay mananatili magpakailanman. Nakita kong nagiba ang mga tolda sa Cushan at sa Midian.

8-9 Panginoon, tulad kayo ng sundalong nakasakay sa karwahe na nagbibigay tagumpay sa labanan. Nakahanda na kayong pumana. Pero sino ang inyong kinapopootan? Ang mga ilog ba at ang mga dagat? Ang mga ilog ba at ang mga dagat? Pinabitak nʼyo ang lupa at lumabas ang tubig. 10 Ang mga bundok ay parang mga tao na nanginig nang makita nila kayo. Umulan nang malakas; umugong ang tubig sa dagat at lumaki ang mga alon. 11 Tumigil ang araw at ang buwan sa kanilang kinaroroonan sa kislap ng nagliliparan nʼyong pana at kumikinang nʼyong sibat.[k]

12 “Sa inyong matinding galit ay tinapakan nʼyo ang mundo at niyurakan ang mga bansa, 13 upang iligtas ang mga taong pinili ninyo. Pinatay nʼyo ang pinuno ng masamang kaharian, at lubusang nilipol ang lahat ng kanyang tagasunod. 14 Tinuhog nʼyo ng sarili niyang sibat ang ulo ng pinuno ng kanyang mga kawal. Ginawa nʼyo ito nang kami ay kanilang salakayin na parang buhawi upang kami ay pangalatin. Sapagkat kagalakan nila na lipulin kaming mga kawawang nagtatago dahil sa takot. 15 Para kayong sundalo na nakasakay sa kabayong nagtatatakbo sa karagatan hanggang sa lumaki ang mga alon.”

16 Sinabi ni Habakuk, “Nang marinig ko ang lahat ng ito, nanginig ang aking buong katawan at nangatal ang aking mga labi dahil sa takot. Nanghina ako at nangatog ang aking mga tuhod. At dahil sa ipinahayag na ito ng Panginoon, matiyaga kong hihintayin ang takdang panahon ng pagpaparusa niya sa mga sumalakay sa amin. 17 Kahit hindi mamunga ang mga puno ng igos, ubas, o ang kahoy ng olibo, at kahit walang anihin sa mga bukirin, at kahit mamatay ang mga alagang hayop sa kanilang mga kulungan, 18 magagalak pa rin ako dahil ang Panginoong Dios ang nagliligtas sa akin. 19 Siya ang nagbibigay sa akin ng kalakasan. Pinalalakas niya ang aking mga paa na tulad ng mga paa ng usa, upang makaakyat ako sa matataas na lugar.”[l]

Ito ang ipinahayag ng Panginoon kay Zefanias noong si Josia na anak ni Amon ang hari ng Juda. Si Zefanias ay anak ni Cushi na anak ni Gedalia. Si Gedalia naman ay anak ni Amaria na anak ni Hezekia.

Darating ang Parusa ng Panginoon

Sinabi ng Panginoon, “Lilipulin ko ang lahat ng bagay na nasa mundo – ang mga tao, hayop, ibon at isda. Mawawala ang lahat ng nag-uudyok sa tao para magkasala pati ang mga makasalanan. Lilipulin ko nga ang lahat ng tao sa mundo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

“Parurusahan ko ang mga mamamayan ng Juda, pati na ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem. Lilipulin ko ang mga natitirang sumasamba sa dios-diosang si Baal pati na ang mga paring naglilingkod dito, para tuluyan na silang makalimutan. Lilipulin ko rin ang mga taong umaakyat sa bubong ng kanilang bahay para sumamba sa araw, sa buwan at mga bituin. Lilipulin ko ang mga sumasamba at sumusumpang maglilingkod sa akin, pero sumusumpa ring maglilingkod sa dios-diosang si Molec.[m] Lilipulin ko ang mga tumatalikod at hindi dumudulog sa akin.

“Tumahimik kayo sa harapan ko, dahil malapit na ang araw ng aking pagpaparusa. Inihanda ko na ang aking mga mamamayan para patayin tulad ng hayop na ihahandog. Pinili ko na ang mga kalaban na tinawag ko na sasalakay sa Juda. Sa araw na iyon, papatayin ko ang mga taga-Juda na parang hayop na ihahandog. Parurusahan ko ang kanilang mga opisyal at ang mga anak ng kanilang hari, at ang lahat sa kanila na sumusunod sa masasamang ugali ng ibang bansa.[n] Parurusahan ko rin sa araw na iyon ang lahat ng sumasali sa mga seremonya ng mga hindi nakakakilala sa akin, at ang mga nagmamalupit at nandaraya para punuin ng mga bagay ang bahay ng kanilang panginoon.[o]

10 Ako, ang Panginoon ay nagsasabing sa araw na iyon maririnig ang iyakan sa pintuan na tinatawag na Isda[p] ng lungsod ng Jerusalem at sa bagong bahagi ng lungsod. Maririnig din ang malakas na ingay ng mga nagigibang bahay sa mga burol. 11 Mag-iyakan kayo, kayong mga naninirahan sa mababang bahagi[q] ng lungsod ng Jerusalem dahil mamamatay ang lahat ng inyong mga mangangalakal.

12 “Sa araw ding iyon, susuyurin kong mabuti[r] ang Jerusalem at parurusahan ko ang mga taong nagpapasarap lang sa buhay at nagsasabi sa kanilang sarili, ‘Walang gagawin ang Panginoon sa amin mabuti man o masama.’ 13 Aagawin sa mga taong ito ang kanilang mga pag-aari at wawasakin ang kanilang mga bahay. Hindi sila ang titira sa mga bahay na kanilang itinayo. At hindi sila ang iinom ng inuming mula sa ubas na kanilang itinanim.”

Ang Nakakatakot na Araw ng Pagpaparusa ng Panginoon

14 Malapit na ang nakakatakot na araw ng pagpaparusa ng Panginoon. Itoʼy mabilis na dumarating. Mapait ang araw na iyon, dahil kahit na ang matatapang na sundalo ay sisigaw para humingi ng tulong. 15 Sa araw na iyon, ipapakita ng Dios ang kanyang galit. Magiging araw iyon ng pighati at paghihirap, araw ng pagkasira at lubusang pagkawasak. Magiging maulap at madilim ang araw na iyon, 16 at maririnig ang tunog ng trumpeta at sigawan ng mga sundalong sumasalakay sa mga napapaderang lungsod at sa matataas na tore nito.

17 Sinabi ng Panginoon, “Ipaparanas ko ang paghihirap sa mga tao, at lalakad sila na parang bulag dahil nagkasala sila sa akin. Dadaloy na parang tubig[s] ang kanilang dugo, at mabubulok na parang dumi[t] ang kanilang bangkay. 18 Hindi sila maililigtas ng kanilang mga pilak at ginto sa araw na ipapakita ko ang aking galit na parang apoy na tutupok sa buong mundo. Sapagkat bigla kong lilipulin ang lahat ng naninirahan sa lupa.”

Panawagan para Magsisi

Sinabi ni Zefanias sa mga taga-Juda: Bansang walang kahihiyan, magtipon kayo at magsisi bago dumating ang itinakdang araw na kayoʼy palalayasin[u] at ipapadpad na parang mga ipa. Magsisi na kayo bago dumating ang araw ng pagbuhos ng Panginoon ng kanyang matinding galit. Kayo namang mga mapagpakumbaba at sumusunod sa mga utos ng Panginoon, lumapit kayo sa kanya. Magpatuloy kayong gumawa ng matuwid at magpakumbaba. Baka sakaling ingatan kayo ng Panginoon sa araw na ibuhos niya ang kanyang galit.

Parusa sa Bansang Filistia

Wala nang titira sa Gaza at Ashkelon. Ang mga mamamayan ng Ashdod ay palalayasin sa loob lamang ng kalahating araw. Palalayasin din ang mga mamamayan ng Ekron sa kanilang bayan. Nakakaawa kayong mga Filisteo[v] na nakatira sa tabing-dagat. Ito ang sinasabi ng Panginoon laban sa inyo: “Kayong mga Filisteo sa Canaan, lilipulin ko kayo, at walang matitira sa inyo.” Kaya ang inyong mga lupain sa tabing-dagat ay magiging pastulan at kulungan ng mga tupa. Sasakupin iyon ng natitirang mga taga-Juda. Doon sila magpapastol ng kanilang mga hayop at pagsapit ng gabi ay matutulog sila sa mga bahay sa Ashkelon. Kahahabagan sila ng Panginoon na kanilang Dios at pauunlarin silang muli.

Parusa sa mga Bansa ng Moab at Ammon

8-9 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Narinig ko ang pang-iinsulto at panunuya ng mga taga-Moab at taga-Ammon sa aking mga mamamayan. Ipinagyayabang nilang kaya nilang sakupin ang lupain ng aking mga mamamayan. Kaya isinusumpa kong wawasakin ko ang Moab at Ammon katulad ng Sodom at Gomora. At ang kanilang lupain ay hindi na mapapakinabangan habang panahon. Tutubuan ito ng mga matitinik na damo, at mapupuno ng mga hukay na gawaan ng asin. Lulusubin ito ng natitira kong mga mamamayan at sasamsamin nila ang mga ari-arian nito.”

10 Sinabi ni Zefanias: Iyan ang ganti sa pagyayabang ng mga taga-Moab at taga-Ammon. Sapagkat ipinapahiya nila at nilalait ang mga mamamayan ng Panginoong Makapangyarihan. 11 Sisindakin sila ng Panginoon dahil lilipulin niya ang lahat ng mga dios-diosan sa buong mundo. At sasambahin siya ng mga tao sa lahat ng bansa sa kani-kanilang bayan.

Ang Parusa sa mga Bansa ng Etiopia at Asiria

12 Sinabi ng Panginoon, “Kayo ring mga taga-Etiopia[w] ipapapatay ko kayo sa digmaan.

13 “Parurusahan ko rin ang Asiria na nasa hilaga. Magiging tulad ng ilang ang Nineve,[x] tigang na parang disyerto. 14 Magiging pastulan ito ng mga baka, kambing, at ng ibaʼt ibang uri ng mga hayop. Dadapo ang mga kuwago sa mga nasirang haligi, at maririnig ang kanilang huni sa mga bintana. Masisira ang mga pintuan at matatanggal ang mga sedrong kahoy nito. 15 Ganyan ang mangyayari sa lungsod ng Nineve, na nagmamalaki na walang sasalakay sa kanila at walang hihigit sa kanila. Pero lubusang mawawasak ang lungsod na iyon at titirhan na lamang ng mga hayop sa gubat. At ang bawat dadaan doon ay tatawa ng pakutya sa kinasapitan nito.”

Ang Hinaharap ng Jerusalem

Sinabi ni Zefanias: Nakakaawa ang Jerusalem! Ang mga naninirahan dito ay nagrerebelde sa Dios at gumagawa ng karumihan. Ang kanyang mga pinuno ay mapang-api. Hindi sila nakikinig kahit kanino, at ayaw nilang magpaturo. Hindi sila nagtitiwala sa Panginoon na kanilang Dios, ni lumalapit sa kanya. Ang kanilang mga opisyal ay parang leon na umaatungal. Ang kanilang mga pinuno ay parang mga lobo na naghahanap ng makakain kung gabi, at walang itinitira pagsapit ng umaga. Ang kanilang mga propeta ay padalos-dalos sa kanilang mga ginagawa at hindi mapagkakatiwalaan. Nilalapastangan ng kanilang mga pari ang mga bagay na banal at sinusuway ang Kautusan ng Dios. Pero naroon pa rin ang presensya ng Panginoon sa kanilang lungsod. Ginagawa ng Panginoon ang mabuti at hindi ang masama. Araw-araw ipinapakita niya ang kanyang katarungan, at nananatili siyang tapat. Pero ang masasama ay patuloy na gumagawa ng masama at hindi sila nahihiya.

Sinabi ng Panginoon, “Nilipol ko ang mga bansa; giniba ko ang kanilang mga lungsod pati ang kanilang mga pader at mga tore. Wala nang natirang mga mamamayan, kaya wala nang makikitang taong naglalakad sa kanilang mga lansangan. Dahil sa mga ginawa kong ito akala ko igagalang na ako ng aking mga mamamayan at tatanggapin na nila ang aking pagsaway sa kanila, para hindi na magiba ang kanilang lungsod ayon sa itinakda ko sa kanila. Pero lalo pa silang nagpakasama.

Kaya kayong tapat na mga taga-Jerusalem, hintayin ninyo ang araw na uusigin ko ang mga bansa. Sapagkat napagpasyahan kong tipunin ang mga bansa at ang mga kaharian para ibuhos sa kanila ang matindi kong galit na parang apoy na tutupok sa buong mundo. Pagkatapos, babaguhin ko ang mga tao,[y] para lahat silaʼy lalapit sa akin at magkakaisang maglilingkod sa akin. 10 Ang aking mga mamamayang nangalat sa kabilang ibayo ng mga ilog ng Etiopia[z] ay magdadala ng mga handog sa akin.

11 “Sa araw na iyon, kayong mga taga-Jerusalem ay hindi na mapapahiya sa lahat ng mga kasalanang ginawa ninyo sa akin, dahil aalisin ko sa inyo ang mga mapagmataas at mayayabang. Kaya wala nang magyayabang doon sa aking banal na bundok.[aa] 12 Pero mag-iiwan ako sa Jerusalem ng mga taong aba at mahihirap na hihingi ng tulong[ab] sa akin. 13 Ang mga Israelitang ito ay hindi gagawa ng masama; hindi sila magsisinungaling o mandadaya. Kakain at matutulog silang payapa at walang kinatatakutan.”

Matutuwa ang mga Israelita

14 Sinabi ni Zefanias: Kayong mga mamamayan ng Israel, sumigaw kayo sa tuwa! Kayong mga mamamayan ng Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umawit kayo at magalak nang buong puso! 15 Sapagkat hindi na kayo parurusahan ng Panginoon. Palalayasin niya ang inyong mga kaaway. Kasama ninyo ang Panginoon, ang Hari ng Israel, kaya wala nang kasawiang dapat pang katakutan.

16 Sa araw na iyon, sasabihin ng mga tao sa mga taga-Jerusalem, “Mga mamamayan ng Zion, huwag kayong matakot; magpakatatag kayo. 17 Sapagkat kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios. Katulad siya ng isang makapangyarihang sundalo na magliligtas sa inyo. Magagalak siya sa inyo, at sa pamamagitan ng kanyang pag-ibig ay babaguhin niya ang inyong buhay. Aawit siya nang may kagalakan dahil sa inyo, 18 gaya ng taong nagsasaya sa araw ng kapistahan.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Ililigtas ko kayo sa kasawian para hindi na kayo malagay sa kahihiyan. 19 Sa araw na iyon, parurusahan ko ang lahat ng umaapi sa inyo. Kayo ay parang mga tupang napilay at nangalat, pero ililigtas ko kayo at titipuning muli. Inilagay kayo sa kahihiyan noon, pero pararangalan ko kayo at gagawing tanyag sa buong mundo. 20 Oo, titipunin ko kayo sa araw na iyon at pababalikin ko kayo sa inyong bansa. Pararangalan ko kayo at gagawing tanyag sa buong mundo. Mangyayari ito sa araw na panumbalikin ko ang inyong mabuting kalagayan at makikita ninyo mismo ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Panawagan ng Dios na Muling Ipatayo ang Templo

Noong unang araw ng ikaanim na buwan, nang ikalawang taon ng paghahari ni Darius sa Persia, may sinabi ang Panginoon kina Zerubabel at Josue sa pamamagitan ni Propeta Hageo. Si Zerubabel na anak ni Shealtiel ang gobernador ng Juda, at si Josue na anak ni Jehozadak ang punong pari.

2-3 Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa pamamagitan ni Propeta Hageo, “Sinasabi ninyo na hindi pa ito ang panahon upang muling itayo ang aking templo. Matitiis nʼyo bang tumira sa magagandang bahay habang wasak ang templo? Isipin ninyo ang mga nangyayari sa inyo. Marami ang inihasik ninyo, pero kakaunti ang inyong ani. May pagkain nga kayo, pero kulang. May inumin nga kayo, pero hindi rin sapat. May damit kayo, pero giniginaw pa rin kayo. At may tinatanggap kayong sweldo, pero kulang pa rin. Kaya isipin ninyo ang mga nangyayari sa inyo. Ngayon, umakyat kayo sa bundok at kumuha ng mga kahoy, at itayo ninyong muli ang templo. Sa ganitong paraan, masisiyahan ako at mapaparangalan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Marami ang aning inaasahan ninyo, pero kakaunti lang ang naani ninyo. At sinira ko pa ito nang iuwi ninyo sa inyong bahay. Ginawa ko ito dahil wasak ang aking templo habang ang bawat isa sa inyo ay abalang gumagawa ng bahay ninyo. 10 Kaya dahil sa inyo, ang langit ay hindi na magbibigay ng hamog, at ang lupa ay hindi na magbibigay ng ani. 11 Pinatuyo ko ang lupain at ang mga kabundukan, kaya naapektuhan ang mga butil, katas ng ubas, langis, at ang iba pang mga ani, maging ang mga tao, at ang kanilang mga hayop at mga pananim.”

12 At sinunod nga nina Zerubabel, Josue, at ng lahat ng Israelitang nakabalik sa Israel mula sa pagkabihag sa Babilonia ang sinabi ng Panginoon na kanilang Dios sa pamamagitan ni Propeta Hageo na kanyang sugo. Sa pamamagitan nito, ipinakita nila ang kanilang paggalang sa Panginoon.

13 Sinabi ni Hageo na sugo ng Panginoon sa mga Israelita, “Sinasabi ng Panginoon na kasama ninyo siya.” 14 Pinalakas ng Panginoon ang loob nina Zerubabel, Josue, at ng lahat ng Israelitang nakabalik sa Israel, upang muling itayo ang templo ng kanilang Panginoong Dios na Makapangyarihan. 15 Sinimulan nila ang pagtatayo ng templo noong ika-24 na araw ng ikaanim na buwan, nang ikalawang taon ng paghahari ni Darius.

Ang Kagandahan ng Bagong Templo

1-2 Noong ika-21 ng sumunod na buwan,[ac] sinugo ng Panginoon si Propeta Hageo para sabihin kina Zerubabel, Josue, at sa iba pang mga Israelitang nakabalik sa Israel: “Sino sa inyo ang nakakita ng kagandahan noon ng templong ito? Ano ngayon ang tingin ninyo rito kung ihahambing sa dati? Maaaring sabihin ninyo na balewala lang ito. Pero magpakatatag kayo! Ipagpatuloy ninyo ang paggawa ng templo dahil kasama ninyo ako, ang Makapangyarihang Panginoon. Ganito rin ang ipinangako ko sa inyong mga ninuno nang inilabas ko sila[ad] sa Egipto. At ngayon, ang aking Espiritu ay mananatiling kasama ninyo, kaya huwag kayong matakot.

Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi na hindi magtatagal ay minsan ko pang yayanigin ang langit at ang mundo, ang lupa at ang dagat. Yayanigin ko ang lahat ng bansa at dadalhin nila rito sa templo ang kanilang mga kayamanan. Kaya mapupuno ang templong ito ng mga mamahaling bagay. Sapagkat ang mga ginto at mga pilak ay akin. Magiging mas maganda ang bagong templo kaysa sa dati. At bibigyan ko ang lugar na ito[ae] ng kapayapaan at mabuting kalagayan sa buhay. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Pangako ng Dios na Pagpapala

10 Nang ika-24 ng ikasiyam na buwan, noong ikalawang taon ng paghahari ni Darius, sinabi ng Panginoon kay Hageo, 11 “Tanungin mo ang mga pari kung ano ang sinasabi ng kautusan tungkol sa bagay na ito: 12 Halimbawa, may isang tao na may dalang sagradong karne[af] sa kanyang damit, at nasagi ito sa tinapay, sabaw, inumin, langis, o anumang pagkain, maaapektuhan ba ang mga ito ng pagkasagrado ng karne?” Sumagot ang mga pari, “Hindi.” 13 Kaya nagtanong pa si Hageo, “Kung halimbawa, ang mga pagkaing nabanggit ay nasagi ng taong itinuturing na marumi dahil nakahipo siya ng patay, magiging marumi rin ba ang mga pagkaing iyon?” Sumagot ang mga pari “Oo.” 14 Sinabi ni Hageo, “Ganyan din noon ang mga mamamayan ng Israel, sabi ng Panginoon. Noon anuman ang kanilang mga ginawa at mga inihandog ay marumi sa paningin ng Panginoon. 15 Mula ngayon, isipin ninyong mabuti ang mga nangyari sa inyo bago ninyo umpisahan ang pagtatayo ng templo ng Panginoon. 16 Sapagkat noon, kapag pumunta kayo sa mga bunton ng inyong mga trigo na umaasang makakaipon ng mga 20 takal, ang nakukuha ninyo ay sampu lang. At kapag pumunta kayo sa pisaan ng inyong ubas na umaasang makakakuha ng 50 galon, ang nakukuha ninyo ay 20 galon lang. 17 Sinira ng Panginoon ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin, peste, at pagpapaulan ng yelo na parang mga bato, pero hindi pa rin kayo nagbalik-loob sa kanya. 18 Ika-24 na araw ngayon ng ikasiyam na buwan, at ngayong araw na ito natapos ang pundasyon ng templo. Tingnan ninyo kung ano ang mangyayari mula sa araw na ito. 19 Kahit wala nang natirang trigo, at wala nang bunga ang mga ubas at ang mga kahoy ng igos, pomegranata, at olibo, pagpapalain naman kayo ng Panginoon simula sa araw na ito.”

Ang Pangako ng Dios kay Zerubabel

20 Nang araw ding iyon,[ag] muling nagsalita ang Panginoon kay Hageo. 21 Sinabi niya, “Sabihin mo kay Zerubabel na yayanigin ko ang langit at ang mundo. 22 Ibabagsak ko ang mga kaharian at wawakasan ang kapangyarihan nila. Ibubuwal ko ang kanilang mga karwahe at ang mga sakay nito. Mamamatay ang mga kabayo at magpapatayan ang mga mangangabayo. 23 At sabihin mo rin kay Zerubabel na aking lingkod na sa araw na iyon ay pamamahalain ko siya sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, dahil siya ay hinirang ko. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Panawagan upang Manumbalik sa Dios

May sinabi ang Panginoon kay Propeta Zacarias noong ikawalong buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Darius sa Persia. Si Zacarias ay anak ni Berekia na anak ni Iddo. 2-3 Inutusan ng Panginoong Makapangyarihan si Zacarias na sabihin ito sa mga mamamayan ng Israel:

“Matindi ang galit ko sa inyong mga ninuno. Kaya magbalik-loob na kayo sa akin at manunumbalik[ah] ako sa inyo. Huwag ninyong gayahin ang ginawa ng inyong mga ninuno. Inutusan ko noon ang mga propeta na pagsabihan silang talikuran na nila ang kanilang mga ginagawang masama, ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila sumunod sa akin. Ang inyong mga ninuno at ang mga propetang iyon ay namatay na. Ngunit nangyari sa inyong mga ninuno ang aking mga sinabi at mga babala sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta. Kaya nagsisi sila at sinabi, ‘Pinarusahan tayo ng Panginoong Makapangyarihan ayon sa ating ginawa, gaya ng kanyang napagpasyahang gawin sa atin.’ ”

Ang Pangitain tungkol sa mga Kabayo

7-8 May sinabi ang Panginoon kay Zacarias sa pamamagitan ng isang pangitain. Nangyari ito noong gabi ng ika-24, buwan ng Shebat (ika-11 buwan), noong ikalawang taon ng paghahari ni Darius. At ito ang ipinahayag ni Zacarias:

Nakita ko ang isang tao na nakasakay sa kabayong kulay pula na nakatigil sa isang patag na lugar na may mga puno ng mirto. Sa likuran niya ay may nakasakay sa kabayong pula, kayumanggi, at puti. Itinanong ko sa anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ang ibig sabihin ng mga ito?” At sinabi niya sa akin, “Ipapaliwanag ko sa iyo ang ibig sabihin nito.”

10 Ang taong nakatayo malapit sa mga puno ng mirto ang siyang nagpaliwanag sa akin. Sinabi niya, “Ang mga mangangabayong iyon ay ipinadala ng Panginoon upang umikot sa buong mundo.”

11 Sinabi ng mga mangangabayo sa anghel ng Panginoon na nakatayo malapit sa mga puno ng mirto, “Nalibot na namin ang buong mundo at nakita naming tahimik ito.”

12 Sinabi ng anghel ng Panginoon, “Makapangyarihang Panginoon, hanggang kailan nʼyo pa pahihirapan ang Jerusalem at ang iba pang bayan ng Juda? May 70 taon na po kayong galit sa kanila.” 13 Ang isinagot ng Panginoon sa anghel ay magagandang salita at nakapagbigay ng kaaliwan.

14 At sinabi sa akin ng anghel na sabihin ko itong mga sinabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Totoong nagmamalasakit ako sa Jerusalem na tinatawag ding Zion, 15 pero matindi ang galit ko sa mga bansang nagpapasarap sa buhay. Hindi ako gaanong galit sa kanila noon, ngunit sila na rin ang nagpaningas ng aking galit sa kanila. 16 Kaya babalik[ai] akong may awa sa Jerusalem, at itatayo kong muli[aj] ang lungsod na ito pati na ang aking templo.”

17 Sinabi ng anghel na sabihin ko pa itong ipinapasabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Uunlad muli ang aking mga bayan sa Juda. At aaliwin kong muli ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem, at muli ko itong ituturing na hinirang kong bayan.”

Ang Pangitain tungkol sa Apat na Sungay at Apat na Panday

18 Pagkatapos, tumingala ako at nakita ko ang apat na sungay. 19 Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano ang ibig sabihin ng mga sungay na ito?” Sumagot siya, “Ang mga sungay ay ang mga bansang nagpakalat sa mga mamamayan ng Israel, Juda, at Jerusalem.”

20 Pagkatapos, ipinakita sa akin ng Panginoon ang apat na panday. 21 Itinanong ko, “Ano ang gagawin nila?” Sumagot siya, “Sisindakin nila at wawasakin ang mga sungay. Ang mga sungay na ito ay ang mga bansang lubusang nagwasak sa Juda at nagpangalat sa kanyang mga mamamayan.”

Ang Pangitain Tungkol sa Lalaking may Panukat

Nang muli akong tumingin, may nakita akong lalaking may dalang panukat. Tinanong ko siya, “Saan ka pupunta?” Sumagot siya, “Sa Jerusalem, susukatin ko ang luwang at haba nito.” Pagkatapos, umalis ang anghel na nakikipag-usap sa akin at sinalubong siya ng isa pang anghel at sinabi sa kanya, “Magmadali ka, sabihin mo sa lalaking iyon na may dalang panukat na ang Jerusalem ay magiging lungsod na walang pader dahil sa sobrang dami ng kanyang mga mamamayan at mga hayop. Sinabi ng Panginoon na siya mismo ang magiging pader na apoy sa paligid ng lungsod ng Jerusalem, at siya rin ang magiging dakila sa bayan na ito.”

Pinababalik ng Dios ang Kanyang mga Mamamayan sa Kanilang Lugar

6-7 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Pinangalat ko kayo sa lahat ng sulok ng mundo. Pero ngayon, tumakas na kayo, pati kayong mga binihag at dinala sa Babilonia, at bumalik na kayo sa Zion.”

Pagkatapos kong makita ang pangitaing iyon, sinugo ako ng Panginoon na magsalita laban sa mga bansang sumalakay sa inyo at sumamsam ng inyong mga ari-arian. Sapagkat ang sinumang gumagawa ng masama sa inyo ay para na ring gumagawa ng masama sa mahal ng Panginoon. At ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan laban sa mga bansang iyon: “Parurusahan ko sila; sasalakayin sila ng kanilang mga alipin at sasamsamin ang kanilang mga ari-arian.” At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoong Makapangyarihan ang nagpadala sa akin.

10-11 Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo sa kagalakan, kayong mga taga-Zion, dahil darating ako at maninirahang kasama ninyo. At sa panahong iyon, maraming bansa ang magpapasakop sa akin. At sila rin ay magiging aking mga mamamayan.” Kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoong Makapangyarihan ang nagpadala sa akin dito sa inyo. 12 At muling aangkinin ng Panginoon ang Juda bilang kanyang bahagi sa banal na lupain ng Israel. At ang Jerusalem ay muli niyang ituturing na kanyang piniling lungsod.

13 Tumahimik kayong lahat ng tao sa presensya ng Panginoon, dahil dumarating siya mula sa kanyang banal na tahanan.

Ang Pangitain Tungkol kay Josue na Punong Pari

Ipinakita sa akin ng Panginoon ang punong pari na si Josue na nakatayo sa harapan ng anghel ng Panginoon. Nakatayo naman sa gawing kanan niya si Satanas upang paratangan siya.[ak] Pero sinabi ng anghel ng Panginoon kay Satanas, “Ayon sa Panginoon na pumili sa Jerusalem, mali ka Satanas. Sapagkat ang taong ito na si Josue ay iniligtas niya sa pagkakabihag katulad ng panggatong na inagaw mula sa apoy.”

Marumi ang damit ni Josue habang nakatayo siya sa harapan ng anghel. Kaya sinabi ng anghel sa iba pang mga anghel na nakatayo sa harapan ni Josue, “Hubarin ninyo ang kanyang maruming damit.” Pagkatapos, sinabi ng anghel kay Josue, “Inalis ko na ang iyong mga kasalanan. Ngayon, bibihisan kita ng bagong damit.”[al] At sinabi ko, “Suotan din ninyo siya ng malinis na turban sa ulo.” Kaya binihisan nila siya ng bagong damit at nilagyan ng malinis na turban habang nakatayo at nakatingin ang anghel ng Panginoon.

Pagkatapos, ibinilin ng anghel ng Panginoon kay Josue ang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Kung susunod ka sa aking mga pamamaraan at susundin ang aking mga iniuutos, ikaw ang mamamahala sa aking templo at sa mga bakuran nito. At papayagan kitang makalapit sa aking presensya katulad ng mga anghel na ito na nakatayo rito. Ngayon, makinig ka, Josue na punong pari: Ikaw at ang mga kapwa mo pari ay larawan ng mga pangyayaring darating. Ihahayag ko ang aking lingkod na tinatawag na Sanga.[am] Josue, tingnan mo ang batong inilagay ko sa iyong harapan, mayroon itong pitong mata.[an] Uukitan ko ito, at aalisin ang kasalanan ng lupain ng Israel sa loob lamang ng isang araw.[ao] 10 Sa araw na iyon, aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang inyong mga kapitbahay upang mapayapang umupo sa ilalim ng inyong mga ubasan at puno ng igos. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Ang Pangitain tungkol sa Gintong Patungan ng Ilawan at sa Dalawang Puno ng Olibo

Bumalik ang anghel na nakipag-usap sa akin at ginising ako dahil tila nakatulog ako. Tinanong niya ako, “Ano ang nakita mo?” Sumagot ako, “Nakita ko ang isang gintong patungan ng ilawan. Sa itaas nito ay may mangkok na lalagyan ng langis. Sa paligid ng mangkok ay may pitong ilawan na ang bawat isa ay may pitong tubo na dinadaluyan ng langis. May dalawang puno ng olibo sa magkabila nito, isa sa kanan at isa sa kaliwa.”

Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ba ang ibig sabihin ng mga iyan?” Sumagot siya, “Hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng mga iyan?” Sumagot ako, “Hindi po.” Sinabi niya sa akin, “Bago ko sagutin iyan, pakinggan mo muna itong mensahe ng Panginoong Makapangyarihan na sasabihin mo kay Zerubabel:[ap]

Zerubabel, matatapos mo ang pagtatayo ng templo hindi sa pamamagitan ng lakas o kakayahan ng tao kundi sa pamamagitan ng aking Espiritu.[aq] Maging kasinlaki man ng bundok ang hadlang na iyong haharapin, papatagin iyan. Matatapos ang templo, at habang inilalagay ang kahuli-hulihang bato nito, isisigaw ng mga tao, ‘Panginoon, pagpalain nʼyo po ito.’[ar]

Kaya sa pamamagitan ng anghel, sinabi sa akin ng Panginoon na matatapos ang templo sa pamamahala ni Zerubabel, gaya ng pamamahala niya sa pagtatayo ng pundasyon nito. At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoong Makapangyarihan ang nagsugo sa akin sa inyo. 10 May mga taong kumukutya dahil kakaunti pa lamang ang nagagawa sa pagpapatayo ng templo. Pero matutuwa sila kapag nakita na nilang inilalagay ni Zerubabel ang pinakahuli at natatanging bato sa templo.[as]

Pagkatapos, sinabi sa akin ng anghel, “Ang pitong ilawang iyan ay ang mata ng Panginoon na nagmamasid sa buong mundo.”

11 Nagtanong ako sa anghel, “Ano ang ibig sabihin ng dalawang puno ng olibo – isa sa kanan at isa sa kaliwa ng lalagyan ng ilaw? 12 At ano ang ibig sabihin ng dalawang sanga ng punong olibo sa tabi ng dalawang gintong tubo na dinadaluyan ng langis na kulay ginto?” 13 Sinabi niya sa akin, “Hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng mga iyan?” Sumagot ako, “Hindi po.” 14 Kaya sinabi niya sa akin, “Ang mga iyan ay kumakatawan sa dalawang taong pinili na maglilingkod sa Panginoon na naghahari sa buong mundo.”

Ang Pangitain tungkol sa Kasulatang Nakarolyo na Lumilipad

Nakita ko ang isang kasulatang nakarolyo na lumilipad. Tinanong ako ng anghel, “Ano ang nakita mo?” Sinabi ko, “Isang kasulatang nakarolyo na lumilipad, na mga 30 talampakan ang haba at mga 15 talampakan ang lapad.”

Sinabi ng anghel sa akin, “Nakasulat sa kasulatang iyan ang sumpang darating sa buong lupain ng Israel. Sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan na ang lahat ng magnanakaw ay aalisin sa Israel, at sa kabilang bahagi naman ng kasulatan ay sinasabi na ang lahat ng sumusumpa ng may kasinungalingan ay aalisin din. Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon, ‘Ipapadala ko ang sumpang ito sa tahanan ng magnanakaw at sa tahanan ng sumusumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan. Mananatili ito sa kanilang mga bahay at lubusang wawasakin ang mga ito.’ ”

Ang Pangitain tungkol sa Babaeng Nasa Loob ng Kaing

Muling nagpakita sa akin ang anghel na nakipag-usap sa akin at sinabi, “Tingnan mo kung ano itong dumarating.” Nagtanong ako, “Ano iyan?” Sinabi niya, “Kaing.” At sinabi pa niya, “Iyan ay sumisimbolo sa kasalanan[at] ng mga tao sa buong lupain ng Israel.”

Ang kaing ay may takip na tingga. At nang alisin ang takip, nakita kong may isang babaeng nakaupo roon sa loob ng kaing. Sinabi ng anghel, “Ang babaeng iyan ay sumisimbolo sa kasamaan.” Itinulak niya ang babae pabalik sa loob ng kaing at isinara ang takip. Pagkatapos, may nakita akong dalawang babaeng lumilipad na tinatangay ng hangin. Ang kanilang mga pakpak ay tulad ng sa tagak.[au] Binuhat nila ang kaing at inilipad paitaas. 10 Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Saan nila dadalhin ang kaing?” 11 Sumagot siya, “Sa Babilonia,[av] kung saan gagawa ng templo para sa kaing. At kapag natapos na ang templo, ilalagay ito roon para sambahin.”

Pangitain tungkol sa Apat na Karwahe

May nakita pa akong apat na karwahe na lumabas sa pagitan ng dalawang bundok na tanso. Ang unang karwahe ay hinihila ng mga pulang kabayo, ang pangalawa ay hinihila ng mga itim na kabayo, ang pangatlo ay hinihila ng mga puting kabayo, at ang pang-apat ay hinihila ng mga batik-batik na kabayo. Ang mga kabayo ay pawang malalakas. Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ang ibig sabihin ng mga karwaheng iyan?” Sumagot ang anghel, “Ang mga iyan ay ang apat na hangin sa kalawakan[aw] na paparating mula sa presensya ng Panginoon ng buong mundo. Ang karwaheng hinihila ng mga itim na kabayo ay papunta sa isang lugar sa hilaga. Ang karwaheng hinihila ng mga puting kabayo ay papunta sa kanluran.[ax] At ang karwaheng hinihila ng mga batik-batik na kabayo ay papunta sa isang lugar sa timog.”

Nang papalabas pa lang ang malalakas na kabayo, nagmamadali na silang lumibot sa buong mundo. Sinabi ng anghel[ay] sa kanila, “Sige, libutin na ninyo ang buong mundo.” Kaya nilibot nila ang buong mundo. At malakas na sinabi ng Panginoon[az] sa akin, “Tingnan mo ang mga kabayong patungo sa isang lugar sa hilaga. Sila ang magbibigay ng kapahingahan sa aking Espiritu sa dakong iyon sa hilaga.”

Ang Korona para kay Josue

Sinabi ng Panginoon sa akin, 10 “Kunin mo ang mga regalong pilak at ginto nina Heldai, Tobia, at Jedaya, at pumunta ka agad sa bahay ni Josia na anak ni Zefanias. Silang apat ay nakabalik mula sa Babilonia kung saan sila binihag. 11 Ipagawa mong korona ang mga pilak at ginto, at isuot ito sa ulo ng punong pari na si Josue na anak ni Jehozadak. 12-13 Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi, ‘Ang taong tinatawag na Sanga ay lalago sa kalagayan niya ngayon,[ba] at itatayo niyang muli ang aking templo. Pararangalan siya bilang hari at mamamahala siya. Ang pari ay tatayo sa tabi ng kanyang trono[bb] at magkakaroon sila ng mabuting relasyon.’ 14 Ang korona ay ilalagay sa aking templo bilang pag-alaala kina Heldai,[bc] Tobia, Jedaya, at Josia[bd] na anak ni Zefanias.”

15 May mga taong darating sa Israel mula sa malalayong lugar at tutulong sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon. Kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoon ang nagsugo sa akin sa inyo. At talagang mangyayari ang lahat ng ito kung susundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Dios.

Tinuligsa ang Pakunwaring Pag-aayuno

May sinabi ang Panginoon kay Zacarias noong ikaapat na araw ng buwan ng Kislev (ikasiyam na buwan), nang ikaapat na taon ng paghahari ni Darius. 2-3 Nangyari ito matapos ipadala ng mga mamamayan ng Betel si Sharezer at si Regem Melec, kasama ang kanilang mga tauhan, upang hilingin sa mga pari sa templo at sa mga propeta na tanungin ang Panginoon kung talagang kailangan pa nilang magluksa at mag-ayuno sa ikalimang buwan upang alalahanin ang pagkagiba ng templo, gaya ng maraming taon na nilang ginagawa. At ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias: “Sabihin mo sa lahat ng mga mamamayan ng Israel pati sa mga pari, na ang kanilang pag-aayuno at pagluluksa sa bawat ikalima at ikapitong buwan sa loob ng 70 taon ay hindi nila ginagawa para sa akin. At kung silaʼy kumakain at umiinom, ginagawa nila iyan para lamang sa sarili nilang kaligayahan. Ito rin ang mensahe na ipinasabi ko sa mga propeta noon, nang masagana pa ang Jerusalem at marami pa itong tao pati ang mga bayang nasa paligid nito, at pati na ang Negev[be] at ang kaburulan sa kanluran.”[bf]

8-9 Sinabi muli ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Ito ang sinabi ko sa aking mga mamamayan: ‘Humatol kayo nang makatarungan. Ipakita ninyo ang inyong kabutihan at habag sa isaʼt isa. 10 Huwag ninyong gigipitin ang mga biyuda, mga ulila, mga dayuhan, at ang mga mahihirap. Huwag kayong magbalak ng masama laban sa isaʼt isa.’

11 “Ngunit hindi nila pinansin ang aking sinabi. Tinanggihan nila ito at hindi sila nakinig. 12 Pinatigas nilang parang bato ang kanilang mga puso, at hindi sila nakinig sa Kautusan at mga salitang ipinasasabi ng aking Espiritu sa pamamagitan ng mga propeta noon. Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ay talagang galit na galit. 13 At dahil hindi sila nakinig sa mga sinabi ko, hindi rin ako makikinig kapag tumawag sila sa akin. 14 Para akong buhawing nagpangalat sa kanila sa ibaʼt ibang lugar na hindi pa nila napupuntahan. Iniwanan nila ang kanilang magandang lupain na hindi na mapapakinabangan at hindi na rin matitirhan.”

Nangako ang Dios na Pagpapalain Niya ang Jerusalem

1-2 Sinabing muli ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Labis ang aking pagmamalasakit sa Zion. At dahil sa labis kong pagmamalasakit, matindi ang galit ko sa mga kaaway nito. Babalik ako sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, at maninirahan doon. Ang Jerusalem ay tatawaging Tapat na Lungsod at ang aking bundok[bg] ay tatawaging Banal na Bundok. Mauupong muli sa mga plasa ng Jerusalem ang matatandang nakatungkod dahil sa katandaan. At mapupuno ang mga plasa ng mga batang naglalaro.”

Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Maaaring imposible itong mangyari sa isip ng mga natitira kong mga mamamayan, pero hindi ito imposible sa akin. Ililigtas ko ang aking mga mamamayang binihag at dinala sa mga lupain sa silangan at sa kanluran. Dadalhin ko sila pabalik sa Jerusalem at patitirahin doon. At minsan pang magiging mga mamamayan ko sila at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Dios.”

Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Ang mga mensaheng ito ay sinabi rin ng mga propeta noong itinayong muli ang pundasyon ng aking templo. At ngayong napakinggan ninyo itong muli, magpakatatag kayo upang matapos ninyo ang pagpapatayo ng templo. 10 Noong hindi pa sinisimulan ang muling pagpapatayo ng templo, walang pambayad sa mga taong nagtatrabaho at sa mga hayop na ginagamit sa pagtatrabaho, at mapanganib kahit saan dahil pinag-aaway-away ko ang mga tao. 11 Ngunit ngayon, ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi na hindi ko na gagawin iyan sa inyong mga natitira. 12 Mapayapa kayong magtatanim.[bh] Magbubunga ang inyong mga tanim na ubas, aani ang inyong mga bukirin, at magkakaroon na ng hamog. Ibibigay ko ang lahat ng ito sa inyo na mga natira. 13 Mga taga-Juda at taga-Israel, isinusumpa kayo ng ibang mga bansa. Ngunit ililigtas ko kayo at magiging pagpapala kayo sa kanila. Kaya huwag kayong matakot, sa halip magpakatatag kayo.”

14 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Noong ginalit ako ng inyong mga ninuno, napagpasyahan kong parusahan kayo at huwag kahabagan. 15 Ngunit napagpasyahan ko ngayon na muling maging mabuti sa Jerusalem at Juda. Kaya huwag kayong matakot. 16 Ito ang dapat ninyong gawin: Magsabi kayo ng totoo sa isaʼt isa. Humatol kayo nang tama sa inyong mga hukuman para sa ikabubuti ng lahat. 17 Huwag kayong magbalak ng masama laban sa inyong kapwa, at huwag kayong susumpa ng kasinungalingan dahil ang lahat ng iyan ay aking kinapopootan.”

18-19 Muling sinabi ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Ang pag-aayuno sa ikaapat, ikalima, ikapito at ikasampung buwan ay magiging masayang araw ng pagdiriwang para sa mga taga-Juda. Kaya pahalagahan ninyo ang katotohanan at kapayapaan.[bi] 20 Maraming tao ang darating sa Jerusalem mula sa ibaʼt ibang lungsod. 21 Ang mga mamamayan ng isang lungsod ay pupunta sa isang lungsod at sasabihin nila, ‘Pupunta kami para dumulog at manalangin sa Panginoong Makapangyarihan. Halikayo, sumama kayo sa amin.’

22 “Maraming taong mula sa makapangyarihang mga bansa ang pupunta sa Jerusalem upang dumulog at manalangin sa akin. 23 At sa araw na iyon, sampung dayuhan na galing sa ibang mga bansa na may ibaʼt ibang wika ang lalapit sa isang Judio at sasabihin, ‘Gusto naming sumama sa inyo, dahil narinig namin na ang Dios ay kasama ninyo.’ ”

Parurusahan ng Dios ang mga Bansang Kalaban ng Israel

Ito ang mensahe ng Panginoon:

Sinabi ng Panginoon na parurusahan niya ang mga lungsod ng Hadrac at Damascus, dahil ang lahat ay dapat sa kanya, lalo na ang mga lahi ng Israel.[bj] Parurusahan din ng Panginoon ang Hamat na malapit sa mga lungsod ng Hadrac at Damascus, pati na ang lungsod ng Tyre at Sidon, kahit pa napakahusay ng mga mamamayan nito. Ang mga taga-Tyre ay nagpatayo ng matitibay na pader at nag-ipon ng maraming pilak at ginto na para bang nagtatambak lang ng lupa. Ngunit kukunin ng Panginoon ang kanilang mga ari-arian at itatapon niya sa dagat ang kanilang mga kayamanan. At ang kanilang lungsod ay tutupukin ng apoy.

Makikita ito ng mga taga-Ashkelon at matatakot sila. Mamimilipit sa sakit ang mga taga-Gaza at ganoon din ang mga taga-Ekron dahil mawawala ang kanilang inaasahan. Mamamatay ang hari ng Gaza, at ang Ashkelon ay hindi na matitirhan. Ang Ashdod ay titirhan ng ibaʼt ibang lahi. Lilipulin ng Panginoon ang ipinagmamalaki ng mga Filisteo. Hindi na sila kakain ng karneng may dugo[bk] o ng mga pagkaing ipinagbabawal na kainin. Ang matitira sa kanila ay ibibilang ng ating Dios na kanyang mga mamamayan na parang isang angkan mula sa Juda. Ang mga taga-Ekron ay magiging kabilang sa mga mamamayan ng Panginoon katulad ng mga Jebuseo.[bl] Iingatan ng Panginoon ang kanyang templo[bm] laban sa mga sumasalakay. Wala nang mang-aapi sa mga mamamayan niya dahil binabantayan na niya sila.

Ang Darating na Hari ng Jerusalem

Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo sa kagalakan, kayong mga mamamayan ng Zion, ang lungsod ng Jerusalem, dahil ang inyong hari ay darating na. Matuwid siya at mapagtagumpay. Mapagpakumbaba siya, at darating na nakasakay sa bisirong asno. 10 Ipaaalis niya ang mga karwahe at mga kabayong pandigma sa Israel at sa Juda.[bn] Babaliin ang mga panang ginagamit sa pandigma. Ang haring darating ay magdadala ng kapayapaan sa mga bansa. Maghahari siya mula sa isang dagat hanggang sa isa pang dagat,[bo] at mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa dulo ng mundo.”[bp]

Palalayain ng Dios ang Nabihag na mga Taga-Israel

11 Sinabi pa ng Panginoon, “Tungkol naman sa inyo na mga taga-Israel, palalayain ko ang mga nabihag sa inyo. Sila ay parang mga taong inihulog sa balon na walang tubig. Palalayain ko sila dahil sa kasunduan ko sa inyo na pinagtibay sa pamamagitan ng dugo. 12 Kayong mga binihag na umaasang mapalaya, bumalik na kayo sa inyong mga lugar kung saan ligtas kayo. Sinasabi ko ngayon sa inyo na ibabalik ko nang doble ang mga nawala sa inyo. 13 Gagamitin kong parang pana ang Juda at parang palaso ang Israel. Gagawin kong parang espada ng kawal ang mga taga-Zion, at lilipulin nila ang mga taga-Grecia.”

Tutulungan ng Dios ang mga Taga-Israel

14 Magpapakita ang Panginoon sa ibabaw ng kanyang mga mamamayan. Kikislap ang kanyang pana na parang kidlat. Patutunugin ng Panginoong Dios ang trumpeta; at darating siyang kasama ng bagyong mula sa timog. 15 Iingatan ng Panginoong Makapangyarihan ang kanyang mga mamamayan. Tatapak-tapakan lang nila ang mga batong ibinabato sa kanila ng mga kaaway nila. Magkakainan at mag-iinuman sila upang ipagdiwang ang kanilang tagumpay. Magsisigawan sila na parang mga lasing. Mabubusog sila ng inumin katulad ng mangkok na punong-puno ng dugong iwiniwisik sa mga sulok ng altar. 16-17 Sa araw na iyon, ililigtas sila ng Panginoon na kanilang Dios bilang kanyang mga tupa. Napakaganda nilang tingnan sa kanilang lupain. Ang katulad nilaʼy mamahaling batong kumikislap sa korona. Magiging sagana sila sa mga butil at ubas na magpapalakas sa kanilang mga kabataan.

Nahabag ang Dios sa Juda at sa Israel

10 Humingi kayo ng ulan sa Panginoon sa panahon ng tagsibol, dahil siya ang gumagawa ng mga ulap. Binibigyan niya ng ulan ang mga tao at ang bawat tanim sa parang. Ang totoo, hindi mapapaniwalaan ang mga dios-diosan at ang mga manghuhula. Mali ang ibinibigay nilang kahulugan sa mga panaginip. Walang kabuluhan ang pagpapalakas nila ng loob sa mga tao. Kaya naliligaw ang mga mamamayan ng Israel na parang mga tupa. Nahihirapan sila dahil wala silang pinuno.

Sinabi ng Panginoon, “Galit na galit ako sa mga namumuno sa aking mga mamamayan. Talagang parurusahan ko sila. Sapagkat aalalahanin ko ang aking mga tupa, ang mga mamamayan ng Juda. Gagawin ko silang tulad ng mga kabayong matagumpay sa digmaan. Sa kanila magmumula ang mga pinuno na ang katulad ay batong-panulukan, tulos ng tolda, at panang ginagamit sa digmaan. Magkakaisa ang mga taga-Juda at magiging katulad sila ng mga sundalong malalakas na tatalo sa mga kalaban nila na parang putik na tinatapak-tapakan sa lansangan. Makikipaglaban sila dahil kasama nila ako, at tatalunin nila ang mga mangangabayo.

“Palalakasin ko ang mga mamamayan ng Juda at ililigtas ko ang mga mamamayan ng Israel. Pababalikin ko sila sa kanilang lupain dahil naaawa ako sa kanila. At dahil ako ang Panginoon na kanilang Dios, diringgin ko ang kanilang mga dalangin, na parang hindi ko sila itinakwil tulad ng dati. Ang mga mamamayan ng Israel[bq] ay magiging katulad ng mga malalakas na kawal. Magiging masaya sila na parang nakainom ng alak. Ang tagumpay na ito ay maaalala ng kanilang mga kaapu-apuhan at matutuwa sila dahil sa ginawa ko. Tatawagin ko ang aking mga mamamayan at titipunin ko sila. Palalayain ko sila, at dadami sila tulad nang dati. Kahit na ipinangalat ko sila sa ibang bansa, maaalala pa rin nila ako roon. Mananatili silang buhay pati ang kanilang mga anak, at babalik sila sa kanilang lupain. 10 Pauuwiin ko sila mula sa Egipto at Asiria, at patitirahin ko sila sa Gilead at Lebanon. Magiging masikip sila sa kanilang lupain. 11 Tatawid sila sa dagat na maalon ngunit magiging payapa ang mga alon. At kahit ang Ilog ng Nilo ay matutuyo. Ang ipinagmamalaki ng Asiria ay babagsak at ang kapangyarihan ng Egipto ay mawawala. 12 Palalakasin ko ang aking mga mamamayan dahil nasa akin sila, at susundin nila ako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®