Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 16:38-28:16

38 Iniulat ng mga sarhento ang mga salitang ito sa mga hukom. Natakot sila nang marinig nila na sila ay mga Romano. 39 Sila ay pumaroon at namanhik sa kanila. Nang mailabas na nila sila, hiniling nila sa kanila na lumabas sa lungsod. 40 Sila ay lumabas sa bilangguan at nagpunta sa bahay ni Lydia. Nang makita nila ang mga kapatid, pinatibay nila ang kalooban ng mga kapatiran at sila ay umalis.

Sa Tesalonica

17 Pagkaraan nila sa Antipolis at Apolonia, dumating sila sa Tesalonica. Dito ay may sinagoga ng mga Judio.

Si Pablo ay pumasok doon ayon sa kaniyang kaugalian. Siya ay nakipagpaliwanagan sa kanila sa mga kasulatan sa loob ng tatlong araw ng Sabat. Ipinaliliwanag niya sa kanila ang kasulatan at ipinakikita ang katibayang kinakailangang ang Cristo ay magbata at muling mabuhay mula sa mga patay. Ang Jesus na ipinangangaral ko sa inyo ang siyang Mesiyas. Ang ilan sa kanila ay nahikayat at sumama kay Pablo at kay Silas. Nahikayat din ang maraming Griyegong palasamba sa Diyos at maraming mga pangunahing babae.

Ngunit ang mga Judio na hindi nanampalataya ay naiinggit. Sila ay nagsama ng ilang masamang tao mula sa pamilihan. Nagtipon sila ng isang grupo at ginulo ang lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at pinagsikapan nilang maiharap sila sa mga tao. Nang hindi nila sila matagpuan, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng opisyales ng lungsod. Ipinagsisigawan nilang: Sila na mga nanggugulo sa sanlibutan ay pumunta rin dito. Sila ay tinanggap ni Jason. Silang lahat ay gumagawa ng laban sa mga utos ni Cesar. Sinasabi nila: May ibang hari, si Jesus. At kanilang ginulo ang napakaraming tao at ang mga pinuno ng lungsod, nang marinig nila ang mga bagay na ito. Nang matanggap na nila ang sapat na salapi para kay Jason at para sa iba, sila ay pinalaya nila.

Sa Berea

10 Kinagabihan ay agad-agad na pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas papuntang Berea. Pagdating nila roon, sila ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio.

11 Sila ay higit na mararangal na tao kaysa sa mga taga-Tesalonica. Tinanggap nila ang salita ng buong sigasig. Sinaliksik nila ang mga kasulatan araw-araw kung tunay nga ang mga bagay na ito. 12 Kaya nga, marami sa kanila ang sumampalataya. Gayundin ang mga iginagalang na babaeng Griyego at ang maraming lalaki ay sumampalataya.

13 Ngunit nang malaman ng mga Judiong taga-Tesalonica na ang salita ng Diyos ay ipinangaral ni Pablo sa Berea. Pumunta sila doon at kanilang ginulo ang mga tao. 14 Kaya kaagad na pinaalis ng mga kapatiran si Pablo na waring patungo siya sa dagat. Subalit sina Silas at Timoteo ay nanatili pa roon. 15 Si Pablo ay dinala sa Atenas ng mga nag-iingat sa kaniya. Sila ay nagbalik taglay ang utos ni Pablo para kina Silas at Timoteo na sila ay agad na sumunod sa kaniya.

Sa Atenas

16 Habang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, nahamon ang kaniyang kalooban nang makita niyang ang buong lungsod ay punong-puno ng mga diyos-diyosan.

17 Kaya siya ay nakiki­pagkatwiranan sa mga Judio sa loob ng sinagoga at sa mga taong palasamba. Gayundin, araw-araw siyang nakikipagka­twiranan sa sinumang makatagpo niya sa pamilihan. 18 Ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipag-usap sa kaniya. Sinabi ng ilan: Ano ang ibig sabihin ng lalaking ito na nagsasalita ng walang kabuluhan? Ang iba ay nagsasabing para siyang tagapangaral ng mga kakaibang diyos sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay na mag-uli. 19 Siya ay kinuha nila at dinala siya sa burol ng Areo. Sinabi nila: Maaari bang malaman namin kung ano itong bagong aral na sinasalita mo? 20 Ito ay sapagkat nagdadala ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga pandinig. Gusto nga naming malaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito. 21 Ginugugol ng mga taga-Atenas at ng mga nakikipamayan doon ang kanilang panahon, hindi sa ano pa man, kundi sa pagsasalaysay o pakikinig ng mga bagong bagay.

22 Kaya si Pablo ay tumayo sa gitna ng burol ng Areo at nagsabi: Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng mga bagay ay lubha kayong tapat sa inyong relihiyon. 23 Ito ay sapagkat sa aking paglalakad at pagmamasid sa mga bagay na inyong sinasamba ay nakakita ako ng isang dambana. Doon ay may nakaukit na ganito: SA ISANG DIYOS NA HINDI KILALA. Siya na inyong sinasamba bagaman hindi ninyo nakikilala, siya ang aking ipinangangaral sa inyo.

24 Ang Diyos na lumikha ng sanlibutan at ng lahat na narito ay ang Panginoon ng langit at lupa. Hindi siya tumitira sa mga banal na dako na ginawa ng mga kamay. 25 Hindi rin naman siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng mga tao na para bang nangangailangan siya ng anumang bagay. Hindi, siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay. 26 Ginawa niya mula sa isang dugo ang bawat bansa ng mga tao upang manahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda na niya nang una pa ang mga kapana­hunan at ang mga hangganan ng kanilang pananahanan. 27 Ginawa niya ito upang hanapin nila ang Pangi­noon at sa kanilang pag-aapuhap ay baka sakaling masumpungan nila siya. Gayunman siya ay hindi malayo sa bawat isa sa atin. 28 Ito ay sapagkat sa pamamagitan niya tayo ay nabubuhay, kumikilos at mayroong pagkatao. Gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling makata: Dahil tayo rin naman ay kaniyang mga anak.

29 Yamang tayo nga ay mga anak ng Diyos, hindi marapat na isipin natin na ang kaniyang pagka-Diyos ay tulad ng ginto, pilak o ng bato na inukit sa pamamagitan ng kalinangan at kathang-isip ng tao. 30 Ang mga panahon ng di-pagkaalam ay hindi na nga pinansin ng Diyos. Ngunit ngayon ay iniuutos niya sa sa lahat mga tao sa bawat dako na magsisi. 31 Ito ay sapagkat nagtakda siya ng isang araw na hahatulan niya ang sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking itinalaga niya. Pinatunayan niya ito sa lahat ng mga tao nang siya ay kaniyang buhayin mula sa mga patay.

32 Nang marinig nila ang patungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, nanglibak ang ilan. Ngunit sinabi ng iba: Muli ka naming pakikinggan patungkol dito. 33 Sa gayon ay umalis si Pablo sa kanilang kalagitnaan. 34 Ngunit sumama sa kaniya ang ilang mga tao at sumampalataya. Sa kanila na sumam­palataya ay kabilang si Dionisio na taga-burol ng Areo, at isang babaeng nagngangalang Damaris at ang iba pa nilang kasama.

Sa Corinto

18 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Pablo ay umalis sa Atenas at pumunta sa Corinto.

Natagpuan niya roon ang isang Judiong nagngangalang Aquila, lalaking tubo sa Ponto. Kasama niya ang kaniyang asawa na si Priscilla kagagaling pa lamang nila sa Italia, sapagkat iniutos ni Claudio na ang lahat ng mga Judio ay umalis sa Roma. Si Pablo ay lumapit sa kanila. Dahil sa magkatulad ang kanilang hanap­buhay, siya ay nakipanuluyan sa kanila. Ang hanapbuhay nila ay ang paggawa ng mga tolda. Tuwing araw ng Sabat ay nakikipagkatwiranan siya sa sinagoga. Hinihimok niya ang mga Judio at ang mga Griyego.

Nang dumating na sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, si Pablo ay nagkaroon ng kabigatan sa espiritu na magpatotoo sa mga Judio na si Jesus ang siyang Mesiyas. Nang sila ay tumutol at namusong, ipinagpag ni Pablo ang kaniyang mga damit at sinabi sa kanila: Ang dugo ninyo ay sumainyong mga ulo. Wala na akong pananagutan sa inyo. Kaya mula ngayon ay paroroon ako sa mga Gentil.

Umalis siya roon at dumating sa bahay ng isang lalaking nagngangalang Justo. Siya ay sumasamba sa Diyos at ang bahay niya ay katabi ng sinagoga. Si Crispo na pinuno ng sinagoga at ang kaniyang buong sambahayan ay nanampalataya sa Panginoon. Sa pamamagitan ng pakikinig, marami sa mga taga-Corinto ang sumampalataya at nabawtismuhan.

Kinagabihan, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamama­gitan ng pangitain: Huwag kang matakot kundi magsalita ka at huwag kang tumahimik. 10 Ito ay sapagkat ako ay sumasaiyo at walang sinumang gagawa ng masama upang saktan ka sapagkat marami akong mga tao sa lungsod na ito. 11 Siya ay nanatili roon ng isang taon at anim na buwan na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.

12 Ngunit nang si Galio ay naging gobernador ng Acaya, ang mga Judio ay nagkaisang tumindig laban kay Pablo at siya ay dinala sa harapan ng hukuman. 13 Sinabi nila: Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao upang sumamba sa Diyos laban sa kautusan.

14 Ngunit nang magsasalita na si Pablo, sinabi ni Galio sa mga Judio: O, mga Judio, kung ito ay patungkol sa kalikuan o napakasamang gawa nararapat lamang na pakinggan ko kayo. 15 Ngunit yamang ito ay patungkol sa mga pagtatalo patungkol sa mga salita, mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo na ang bahala sa inyong sarili sapagkat ayaw kong maging tagahatol sa mga bagay na ito. 16 Itinaboy ni Galio sila sa hukuman. 17 Hinawakan ng lahat ng mga Griyego si Sostenes na pinuno ng sinagoga at hinampas siya sa harapan ng hukuman. Hindi man lamang pinansin ni Galio ang mga bagay na ito.

Sina Priscila, Aquila at Apollos

18 Si Pablo ay nanatili roon ng maraming araw. Pagkatapos, nagpaalam siya sa mga kapatid at buhat doon ay naglayagsiya patungo sa Siria. Kasama niya sina Priscila at Aquila. Ginupit niya ang kaniyang buhok nang siya ay nasaCencrea na sapagkat natapos na niya ang kaniyang sinumpaan.

19 Dumating siya sa Efeso at iniwan niya sila roon. Ngunit siya ay pumasok sa sinagoga at nakipagtalo sa mga Judio. 20 Sila ay namanhik sa kaniya na tumigil pa roon ng ilang panahon. Ngunit hindi siya pumayag. 21 Subalit siya ay nagpaalam sa kanila, sinabi niya: Kinakailangang sa anumang paraan ay makapagdiwang ako sa nalalapit na kapistahan sa Jerusalem. Ngunit babalik akong muli sa inyo kung loloobin ng Diyos. Siya ay naglayag buhat sa Efeso. 22 Nang makalunsad na siya sa Cesarea, siya ay umahon at bumati sa iglesiya. Pagkatapos nito ay lumusong siya sa Antioquia.

23 Nang makagugol na siya roon ng ilang panahon ay umalis na siya. Nilibot niya ang lalawigan ng Galacia at Frigia na pinatatatag ang lahat ng mga alagad.

24 Dumating sa Efeso ang isang Judio na nagngangalang Apollos. Siya ay isang lalaking taga-Alexandria na magaling manalita at may malawak na kaalaman patungkol sa mga kasulatan. 25 Ang lalaking ito ay tinuruan sa daan ng Panginoon. Yamang siya ay may maningas na espiritu, sinalita niya at itinuro ng walang kamalian ang mga bagay patungkol sa Panginoon. Ngunit ang nalalaman lamang niya ay ang patungkol sa bawtismo ni Juan. 26 Siya ay nagpasimulang magsalita ng buong katapangan sa sinagoga. Nang marinig siya nina Priscila at Aquila, siya ay isinama nila. Ipinaliwanag nilang maingat sa kaniya na walang kamalian ang daan ng Panginoon.

27 Nang ibig niyang dumaan sa Acaya, sumulat ang mga kapatid sa mga alagad na tanggapin siya. Nang dumating siya roon, lubos siyang tumulong sa mga sumampalataya sa pamamagitan ng biyaya. 28 Ito ay sapagkat may kapang­yarihang dinaig niya ng hayagan ang mga Judio. Ipinakita niya sa pamamagitan ng mga kasulatan na si Jesus ang Mesiyas.

Si Pablo sa Efeso

19 Nangyari, na samantalang si Apollos ay nasa Corinto, tinahak ni Pablo ang daan sa hilaga at dumating sa Efeso. Nakasumpong siya roon ng ilang alagad.

Sinabi niya sa kanila: Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?

Sinabi nila sa kaniya: Hindi man lang namin narinig na may Banal na Espiritu.

Sinabi niya: Kung gayon, anong bawtismo ang tinanggap ninyo?

Sinabi nila: Ang bawtismo ni Juan.

Sinabi ni Pablo: Nagbawtismo nga si Juan ng bawtismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na sila ay dapat sumam­palataya sa kaniya na darating sa hulihan niya, samakatuwid ay si Jesus na siyang Mesiyas. Nang ito ay marinig ng mga taga-Efeso, sila ay nabawtismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang ipinatong ni Pablo ang kaniyang mga kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Sila ay nagsalita ng mga wika at naghayag ng salita ng Diyos. Ang bilang ng mga lalaki ay humigit kumulang sa labindalawa.

Pumasok siya sa sinagoga at nagsalita siya ng may katapangan. Sa loob ng tatlong buwan, siya ay nakikipag­katwiranan at nanghihikayat patungkol sa mga bagay na nauukol sa paghahari ng Diyos. Ang ilan ay nagmatigas at ayaw maniwala. Sa harapan ng maraming tao pinagsalitaan nila ng masama ang Daan. Kaya umalis siya sa kanila. Inihi­walay niya ang mga alagad mula sa kanila at araw-araw ay nakikipagkatwiranan sa paaralan ni Tirano. 10 Ito ay tumagal ng dalawang taon. Anupa’t ang lahat ng nakatira sa Asya ay nakarinig ng salita ng Panginoong Jesus. Sila ay ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego.

11 Ang Diyos ay gumawa ng mga di-pangkaraniwang himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo. 12 Kahit na ang mga panyo o mga tapis na mapadaiti sa kaniyang balat ay dinadala sa mga may karamdaman. Sila ay gumaling sa kanilang mga karamdaman at ang mga karumal-dumal na espiritu ay lumalabas mula sa kanila.

13 May ilan sa mga Judiong pagala-gala na nagpapalayas ng mga karumal-dumal na espiritu ay nagsimulang sambitin ang pangalan ng Panginoong Jesus. Sinasabi nila: Ipinag-uutos namin sa inyo sa pamamagitan ni Jesus na siyang ipina­ngangaral ni Pablo. 14 Pitong anak na lalaki ni Esceva na isang Judio at pinunong-saserdote ang gumagawa nito. 15 Sumagot ang masamang espiritu at sinabi sa kanila: Kilala ko si Jesus at nakikilala ko si Pablo. Ngunit sinu-sino kayo? 16 Ang lalaking may karumal-dumal espiritu ay lumundag sa kanila at nagapi sila dahil siya ay higit na malakas kaysa sa kanila. Kaya tumakas sila mula sa bahay na iyon na mga sugatan at mga walang anumang damit.

17 Nalaman ito ng lahat ng mga Judio at gayundin ng mga Griyego na nakatira sa Efeso. At silang lahat ay natakot at ang pangalan ng Panginoong Jesus ay lalong dinakila. 18 Marami rin naman sa mga mananampalataya ang dumating. Inihayag nila at isinaysay ang kanilang mga masasamang gawa. 19 Marami sa mga gumagawa ng panggagaway ang nagdala ng kanilang mga aklat at pinagsusunog sa paningin ng lahat. Binilang nila ang halaga ng mga iyon. Natuklasan nilang umabot sa limampung libong putol na pilak ang halaga nito. 20 Sa gayong paraan, lumagong may kapangyarihan ang salita ng Panginoon at ito ay nanaig.

21 Pagkatapos nga na maganap ang mga bagay na ito, binalak ni Pablo sa kaniyang loob na dumaan muna sa Macedonia at Acaya, at sa Jerusalem. Sinabi niya: Pagkagaling ko roon, kinakailangang makita ko naman ang Roma. 22 Nang maisugo na niya sa Macedonia ang dalawang naglingkod sa kaniya, nanatili siya nang ilang panahon sa Asya. Ang dalawang sinugo niya ay sina Timoteo at Erasto.

Ang Kaguluhan sa Efeso

23 Nangyari, na sa panahong iyon ay may naganap na malaking kaguluhan patungkol sa Daan.

24 Ito ay sapagkat may isang lalaking panday-pilak na nagngangalang Demetrio. Siya ay gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis.[a] Ito ay pinagkakakitaan nang malaki ng mga panday-pilak. 25 Tinipon ni Demetrio ang lahat gayundin ang mga gumagawa ng gayong gawain. Sinabi niya: Mga kalalakihan, nalalaman ninyo na yumayaman tayo sa hanapbuhay na ito. 26 Nakikita ninyo at naririnig, hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong Asya nakahimok ang Pablong ito at ibinabaling niya ang maraming tao. Sinasabi niyang walang mga diyos na ginawa ng kamay. 27 Nanganganib na mapasama ang pangalan ng panganga­lakal nating ito. Hindi lamang iyon, kundi gayundin ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay ituturing na walang halaga. Mababawasan na ang kadakilaan niya na sinasamba ng buong lalawigan ng Asya at ng sanlibutan.

28 Nang marinig nila ito, napuno sila ng poot. Nagsigawan sila na sinasabi: Dakila ang Artemis ng mga taga-Efeso. 29 Napuno ng kalituhan ang buong lungsod. Pinagkaisahan nilang lusubin ang dulaan. Sinunggaban nila sina Gayo at Aristarco na mga taga-Macedonia at mga kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 Nang ibig pasukin ni Pablo ang mga tao, hindi siya pinahintulutan ng mga alagad. 31 Ang ilan sa mga pinuno ng Asya na mga kaibigan niya ay nagsugo sa kaniya. Ipinamanhik nila sa kaniya na huwag pumunta sa dulaan.

32 Ang iba nga ay sumisigaw ng ibang bagay at iba naman ang isinisigaw ng iba dahil ang buong kapulungan ay nasa kalituhan. Hindi malaman ng nakakarami kung bakit sila ay nagkakatipon. 33 Inilabas nila si Alexander mula sa maraming tao. Ipinagtutulakan siya ng mga Judio na pumunta sa may dakong harapan. Inihudyat ni Alexander ang kaniyang mga kamay na ibig sanang magtanggol sa harapan ng mga tao. 34 Ngunit nang nakilala nila na siya ay isang Judio, nagkaisa silang lahat sa paulit-ulit na pagsigaw. Sa loob ng halos dalawang oras ay kanilang isinisigaw: Dakila ang Artemis ng mga taga-Efeso.

35 Nang mapatahimik na ng kawaning-lungsod ang kara­mihan, sinabi niya: Kayong mga lalaking taga-Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang lungsod ng mga taga-Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang diyosang si Artemis at ng diyos-diyosang nahulog mula kay Zeus? 36 Yamang hindi nga maikakaila ang mga bagay na ito ay dapat lang na pumayapa kayo. Hindi kayo dapat gumawa ng anumang bagay na pabigla-bigla. 37 Ito ay sapagkat dinala ninyo rito ang mga lalaking ito na hindi naman nagnakaw sa templo, ni namusong man sa inyong diyosa. 38 Kung si Demetrio nga at ang kasamahan niyang mga panday ay may anumang sakdal laban sa kanino man, bukas ang hukuman. May mga gobernador tayo, bayaan ninyong magsakdal ang isa’t isa. 39 Ngunit kung may katanungan kayo sa ano pa mang mga bagay, lulutasin ito ayon sa nararapat na kapulungan. 40 Tayo ay nanganganib na maipagsakdal ng paghihimagsik dahil sa gulong nangyari sa araw na ito na walang anumang kadahilanan. Ito ay sapagkat hindi tayo makakapagpaliwanag patungkol sa magulong pagkakatipon na ito. 41 Pagkasabi niya nito, pinauwi na niya ang mga tao.

Ang Pagdaan sa Macedonia at Grecia

20 Pagkatapos na mapatigil ang kaguluhang ito, ipina­tawag ni Pablo ang mga alagad. Nagpaalam siyasa kanila at siya ay umalis patungong Macedonia.

Nang makarating na siya sa mga dakong iyon, pinalakas niya ang kanilang mga kalooban sa pamamagitan ng mga salita. At siya ay dumating sa Grecia. Tatlong buwan siyang nanatili roon. Nagkasabwatan na ang mga Judio laban sa kaniya at nang siya ay maglalayag na sa Siria, pinagpasiyahan niyang bumalik na dadaan sa Macedonia. Sinamahan siya hanggang sa Asya ng mga taong ito: Si Sopatro na taga-Berea, sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, sina Gayo at Timoteo na mga taga-Derbe, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asya. Nauna sila at hinintay kami sa Troas. Naglayag kami mula sa Filipos pagkatapos ng kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa. Nakarating kami sa kanila sa Troas sa loob ng limang araw at nanatili kami roon ng pitong araw.

Doon sa Troas, Si Eutico ay Ibinangon Mula sa mga Patay

Nang unang araw ng sanlinggo, ang mga alagad ay nagkakatipun-tipon upang magputul-putol ng tinapay. Nangaral si Pablo sa kanila dahil siya ay papaalis na kinabukasan. Tumagal ang kaniyang pangangaral hanggang hatinggabi. May­roong maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagkaka­tipunan nila. May nakaupo sa bintana na isang binatang nagngangalang Eutico. Dahil antok na antok na siya, nakatulog siya nang mahimbing. Sa kahabaan ng pangangaral ni Pablo at sa kaniyang mahimbing na pagkatulog, nahulog siya mula sa ikatlong palapag. Patay na nang siya ay damputin. 10 Nanaog si Pablo at dumapa sa ibabaw niya. Niyakap siya at sinabi: Huwag kayong magkagulo, sapagkat nasa kaniya pa ang kani­yang buhay. 11 Siya nga ay muling pumanhik at pinagputul-putol ang tinapay at kumain. Pagkatapos nito, nagsalita pa siya ng mahaba sa kanila hanggang sa sumikat na ang araw at pagkatapos ay umalis na siya. 12 At iniuwi nilang buhay ang binata at lubos silang naaliw.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa Matatanda sa Efeso

13 Kami ay nauna sa barko at naglayag patungong Asos upang doon isakay si Pablo. Ito ang bilin niya dahil ibig niyang maglakad.

14 Nang sinalubong niya kami sa Asos, isinakay na namin siya, at kami ay pumunta sa Mitilene. 15 Naglayag kami mula roon, kinabukasan ay sumapit kami sa tapat ng Quio. Kinabukasan, dumating kami sa Samos at nanatili kami sandali sa Trogilium. Kinabukasan, dumating kami sa Mileto. 16 Ipina­siya ni Pablo na lampasan ang Efeso dahil ayaw niyang gumugol ng panahon sa Asya. Siya ay nagmamadali sapagkat ninanais niya hanggat maaari, na siya ay naroroon sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.

17 Mula sa Mileto ay nagsugo siya sa Efeso. Ipinatawag niya ang mga matanda sa iglesiya. 18 Nang makarating ang mga ito sa kinaroroonan niya, sinabi niya sa kanila: Nalalaman ninyo simula pa sa unang araw na tumungtong ako sa Asya kung papaano ako namuhay kasama ninyo sa buong panahon. 19 Ako ay naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapa­kumbaba ng isip at ng maraming luha. Dumaan ako sa mga mabigat na pagsubok dahil sa mga sabwatan ng mga Judio. 20 Nalalaman ninyo na wala akong ipinagkait na anumang bagay na mapapakinabangan ninyo. Nagturo ako sa inyo ng hayagan at sa bahay-bahay. 21 Pinatototohanan ko sa mga Judio at sa mga Griyego ang pagsisisi sa Diyos at pananam­palataya sa ating Panginoong Jesucristo.

22 Ngayon, narito, ako ay nabibigatan sa espiritu na pumunta sa Jerusalem. Hindi ko alam ang mga bagay na mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging alam ko, sa bawat lungsod ay pinatotohanan ng Banal na Espiritu, na sinasabing ang mga tanikala at mga paghihirap ang naghihintay sa akin. 24 Ngunit hindi ko inaalala ang mga bagay na iyon ni hindi ko itinuturing ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga. Nang sa gayon ay matapos ko ang aking takbuhin na may kagalakan at ang paglilingkod na tinanggap ko sa Panginoong Jesus upang magpatotoo sa ebanghelyo ng biyaya ng Diyos.

25 Ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat na nalibot ko, upang pangaralan sa paghahari ng Diyos, ay hindi na muli pang makakakita ng aking mukha. 26 Kaya ipinahahayag ko sa inyo sa araw na ito, na wala akong pananagutan sa dugo ng lahat ng tao. 27 Ito ay sapagkat hindi ako nagkulang na ipangaral sa inyo ang buong kalooban ng Diyos. 28 Kaya nga, ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila ay itinalaga kayong mga tagapangasiwa ng Banal na Espiritu upang pangalagaan ninyo ang iglesiya ng Diyos na binili niya ng sarili niyang dugo. 29 Ito ay sapagkat nalalaman ko ito, na sa pag-alis ko ay papasukin kayo ng mga mabagsik na lobo na walang patawad na sisila sa kawan. 30 Titindig mula sa mga kasamahan ninyo ang mga lalaking magsasalita ng mga bagay na lihis. Ang layunin nila ay upang ilayo ang mga alagad para sumunod sa kanila. 31 Kaya nga, magbantay kayo. Alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon, gabi at araw ay hindi ako tumitigil ng pagbibigay babala sa bawat isa sa inyo na may mga pagluha.

32 Ngayon mga kapatid, inihahabilin ko kayo sa Diyos at sa salita ng kaniyang biyaya. Ito ang makapagpapatibay at makapagbibigay sa inyo ng mana, kasama ang lahat ng pinaging-banal. 33 Hindi ko hinangad ang pilak, ginto o ang pananamit ng sinuman. 34 Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito ay gumawa para sa aking mga pangangailangan at ng aking mga kasamahan. 35 Nagpakita ako ng halimbawa sa inyo sa lahat ng mga bagay. Sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong sumaklolo sa mahihina. Dapat ninyong alalahanin ang salita ng Panginoong Jesus na siya rin ang maysabi: Lalo pang pinagpala ang magbigay kaysa tumanggap.

36 Nang masabi niya ang lahat ng mga ito, lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat. 37 Silang lahat ay tumangis na mainam. Niyakap nila si Pablo ng buong pagmamahal. 38 Ang lubha nilang ikinahapis ay ang sinabi niyang hindi na nila muling makikita ang kaniyang mukha. At inihatid nila siya sa barko.

Ang Pagpunta sa Jerusalem

21 Nangyari, na pagkahiwalay namin sa kanila at maka­paglayag, pumunta na kami sa Cos. Kinabukasan pumunta kami sa Rodas at buhat doon pumunta kami sa Patara.

Nang masumpungan namin ang isang barko na dumaraan patungong Fenecia, lumulan kami at naglayag. Nang matanaw namin ang Chipre, nilampasan namin ito sa may dakong kaliwa at naglayag kami hanggang Siria at dumaong sa Tiro sapagkat doon nagbaba ng lulan ang barko. Nang masumpungan namin ang mga alagad, nanatili kami roon ng pitong araw. Sinabi nila kay Pablo sa pamamagitan ng Espiritu na huwag na siyang umahon sa Jerusalem. Nang makalipas na ang mga araw na iyon, handa na kaming magpatuloy sa paglalakbay. Silang lahat at ang kanilang mga asawa at mga anak ay naghatid sa amin. Inihatid nila kami sa aming paglalakad hanggang sa labas ng lungsod. Lumuhod kami sa baybayin, at nanalangin. Nang makapagpaalam na kami sa isa’t isa, lumulan kami sa barko. At sila ay umuwi sa kanilang tahanan.

Nang matapos na namin ang paglalayag mula sa Tiro, dumating kami sa Tolemaida. Pagkatapos naming bumati sa mga kapatid, nanatili kami sa kanila ng isang araw. Kinabukasan, si Pablo at ang mga kasama niya ay umalis. Dumating sila sa Cesarea. Pagpasok namin sa bahay ni Felipe, na isa sa pito, na mangangaral ng ebanghelyo, nanatili kaming kasama niya. Ang lalaki ngang ito ay may apat na anak na dalagang birhen na naghahayag ng salita ng Diyos.

10 Sa aming pananatili roon ng maraming araw may isang dumating mula sa Judea. Siya ay isang propeta na ang pangalan ay Agabo. 11 Paglapit niya sa amin, kinuha niya ang pamigkis ni Pablo. Ginapos niya ang sarili niyang paa at mga kamay. Sinabi niya: Ganito ang sinasabi ng Banal na Espiritu: Gagapusin nang ganito ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking nagmamay-ari ng pamigkis na ito. Siya ay ibibigay nila sa kamay ng mga Gentil.

12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito kami at ang mga taga-roon, ipinamanhik namin sa kaniya na huwag na siyang umahon sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot si Pablo: Anong pakahulugan ng inyong pagtangis at pagsira ng aking kalooban? Sa pangalan ng Panginoong Jesus ako ay hindi lamang handang magapos sa Jerusalem kundi maging ang mamatay. 14 Nang hindi siya mahikayat ay tumigil na kami. Sinabi namin: Mangyari ang kalooban ng Panginoon.

15 Pagkatapos ng mga araw na ito, inihanda namin ang aming mga dalahin at umahon kami sa Jerusalem. 16 Sumama naman sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea. Isinama nila ang isang Minason na taga-Chipre. Matagal na siyang alagad at sa kaniya kami makikituloy.

Ang Pagdating ni Pablo sa Jerusalem

17 Nang dumating kami sa Jerusalem, ay masaya kaming tinanggap ng mga kapatid.

18 Kinabukasan, si Pablo ay kasama naming pumunta kay Santiago. Naroon ang lahat ng mga matanda. 19 Binati sila ni Pablo. Isinalaysay niyang isa-isa ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan ng kaniyang paglilingkod.

20 Nang marinig nila ito, niluwalhati nila ang Panginoon. Sinabi nila kay Pablo: Kapatid, nakikita mo kung ilang libo sa mga Judio ang sumampalataya. Silang lahat ay masigasig para sa kautusan. 21 Nabalitaan nila ang patungkol sa iyo na tinuturuan mo ang lahat ng mga Judio, na nasa mga Gentil, ng pagtalikod kay Moises. Sinabi mo na huwag tuliin ang kanilang mga anak, ni mamuhay ng ayon sa mga kaugalian. 22 Anong gagawin natin? Tiyak na darating ang maraming tao at magkakatipon sapagkat mababalitaan nilang dumating ka. 23 Gawin mo nga itong sasabihin namin sa iyo. Mayroon kaming apat na lalaking may sinumpaang panata sa kanilang sarili. 24 Isama mo sila. Dalisayiin mo ang iyong sarili kasama nila. Bayaran mo ang kanilang magugugol upang magpaahit sila ng kanilang mga ulo. Upang malaman ng lahat na hindi totoo ang mga bagay na nabalitaan nila patungkol sa iyo. At malalaman din na ikaw ay lumalakad ng maayos na tumutupad ng kautusan. 25 Patungkol naman sa mga Gentil na sumampalataya, sinulatan namin sila. Ipinasiya naming huwag na nilang gawin ang anumang bagay. Ang dapat nilang gawin ay lumayo sa mga bagay na inihandog sa diyos-diyosan, sa dugo, sa binigti at sa kasalanang sekswal.

26 Kaya kinabukasan pumasok si Pablo sa templo nang madalisay na niya ang kaniyang sarili, na kasama ng mga lalaking iyon. At ipinaalam niya ang kaganapan ng mga araw ng pagdadalisay. Sa panahong iyon ay magkakaroon ng handog sa bawat isa sa kanila.

Dinakip Nila si Pablo

27 Nang magtatapos na ang pitong araw, nakita ng mga Judiong nanggaling sa Asya si Pablo sa loob ng templo. Ginulo nila ang lahat ng tao at hinuli nila siya.

28 Sumisigaw sila ng ganito: Mga lalaking taga-Israel, tulungan ninyo kami. Ito ang lalaking nagtuturo sa lahat kahit saan, nang laban sa mga tao, sa kautusan at laban sa dakong ito. Bukod pa rito, nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo at dinungisan itong dakong banal. 29 Ito ay sapagkat nakita nila noong una si Trofimo na taga-Efeso na kasama niya sa lungsod. Inisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.

30 Nagulo ang buong lungsod at ang mga tao ay tumakbong sama-sama. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad siya papalabas sa templo. Kaagad-agad nilang isinara ang mga pinto. 31 Ngunit nang pinagsisikapan nila siyang patayin, dumating ang balita sa pinunong-kapitan ng batalyon, na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo. 32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga pinuno at sumugod sila sa kinaroroonan nila. Nang makita ng mga tao ang pinunong-kapitan at ang mga kawal, tumigil sila sa paghampas kay Pablo.

33 Nang magkagayon, nilapitan siya ng pinunong-kapitan at hinuli siya. Ipinag-utos ng kapitan na gapusin ng dalawang tanikala si Pablo. Tinanong niya kung sino siya at kung ano ang kaniyang ginawa. 34 Ngunit iba-iba ang isinisigaw ng mga tao sa gitna ng mga karamihan. Nang hindi niya malaman ang katotohanan dahil sa kaguluhan, iniutos niya na dalhin si Pablo sa kuwartel. 35 Nang siya ay dumating sa hagdanan, binuhat siya ng mga kawal dahil sa karahasan ng maraming tao. 36 Ito ay sapagkat sinusundan siya ng maraming tao na sumisigaw: Patayin siya.

Nagsalita si Pablo sa Maraming Tao

37 Nang ipapasok na si Pablo sa kuwartel, sinabi niya sa pinunong-kapitan: Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?

At sinabi niya: Marunong ka bang magsalita ng Griyego?

38 Hindi ba ikaw iyong taga-Egipto na nang nakaraang araw ay gumawa ng kaguluhan? Hindi ba ikaw iyong nagdala sa ilang sa apat na libong kalalakihan na mga mamamatay-tao?

39 Ngunit sinabi ni Pablo: Ako ay Judio na taga-Tarso sa Cilicia. Isang mamamayan ng kilalang lungsod. Isinasamo ko sa iyo na pahintulutan mo akong magsalita sa mga tao.

40 Nang siya ay mapahintulutan na niya, tumayo si Pablo sa may hagdanan. Inihudyat niya ang kaniyang mga kamay upang patahimikin ang mga tao. Nang tumahimik na sila nang lubusan, nagsalita siya sa kanila sa wikang Hebreo.

22 Sinabi niya: Mga kapatid at mga ama, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko sa inyo ngayon.

Nang marinig nilang siya ay nagsasalita sa kanila sa wikang Hebreo, sila ay lalo pang tumahimik.

Sinabi niya: Ako nga ay Judio na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia. Ngunit pinalaki sa lungsod na ito sa pagtuturo ni Gamaliel. Tinuruan ako alinsunod sa mahigpit na pamamaraan ng kautusan ng mga ninuno. Ako ay masigasig sa Diyos tulad din ninyong lahat ngayon. Pinag-uusig ko ang mga taong sumunod sa Daan hanggang sa mamatay sila. Tinalian ko sila at ipinabilanggo. Ginawa ko ito kapwa sa mga lalaki at samga babae. Ang mga pinunong-saserdote at ang lahat ng matatanda ay magpapatotoo rin ng ganito patungkol sa akin. Tinanggap ko mula sa kanila ang mga sulat para sa mga kapatiran at naglakbay ako sa Damasco. Ito ay upang dalhing bilanggo sa Jerusalem ang mga naroon at nang sila ay maparusahan.

At nangyari, na samantalang naglalakbay ako at papalapit na sa Damasco, biglang nagningning sa akin ang isang malaking liwanag na galing sa langit. Noon ay magtatanghaling tapat na. Nasubasob ako sa lupa. Narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?

Sumagot ako: Sino ka, Panginoon?

Sinabi niya sa akin: Ako ay si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig.

Nakita nga ng mga kasamahan ko ang ilaw. Natakot sila ngunit hindi nila narinig ang tinig na nagsalita sa akin.

10 Sinabi ko: Ano ang dapat kong gawin, Panginoon?

Sinabi ng Panginoon sa akin: Tumindig ka at pumaroon ka sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng mga bagay na inutos kong gawin mo.

11 Nang hindi ako makakita dahil sa kaliwanagan ng ilaw na iyon, inakay ako sa kamay ng mga kasama ko. Pumunta ako sa Damasco.

12 Doon ay may isang lalaking nagngangalang Ananias. Siya ay palasamba sa Diyos ayon sa kautusan. Ang lahat ng mga Judiong nakatira roon ay nagpatotoo ng mabuti patungkol sa kaniya. 13 Lumapit siya sa akin at nakatayong nagsabi sa akin: Kapatid na Saulo, tanggapin mo ang iyong paningin. Nang sandali ring iyon ay tumingin ako sa kaniya.

14 Itinalaga ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kaniyang kalooban at upang makita mo siya na matuwid at marinig mo ang isang tinig mula sa kaniyang bibig. 15 Ito ay sapagkat ikaw ay magiging saksi niya sa lahat ng mga tao patungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. 16 Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumindig ka at magbawtismo ka. Tumawag ka sa pangalan ng Panginoon, at huhugasan ang iyong mga kasalanan.

17 Nangyari na bumalik na ako sa Jerusalem. Nang ako ay nanalangin sa templo, ako ay nasa isang natatanging kalagayan. 18 Nakita ko siya na sinasabi niya sa akin: Magmadali ka at agad kang umalis sa Jerusalem. Sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo patungkol sa akin.

19 Sinabi ko: Panginoon, nalalaman nila na sa bawat sina­goga ako ang nagpabilanggo at nagpahampas sa kanila na mga sumampalataya sa iyo. 20 Nang mabuhos ang dugo ni Esteban na iyong saksi, ako naman ay nakatayo sa malapit. Sinang-ayunan ko ang pagpatay sa kaniya. Binan­tayan ko ang mga damit ng mga pumatay sa kaniya.

21 At sinabi sa akin: Yumaon ka. Ito ay sapagkat isusugo kita sa mga Gentil na nasa malayo.

Si Pablo ay Mamamayang Romano

22 Pinakinggan siya ng mga tao hanggang sa mga pananalitang ito. At sila ay sumigaw na sinasabi: Alisin ninyo mula sa lupa ang taong ito. Hindi siya nararapat mabuhay.

23 Samantalang sila ay sumisigaw at ipinagtatapon ang kanilang mga damit, nagsabog sila ng mga alabok sa hangin. 24 Ipinag-utos ng pangulong kapitan na ipasok si Pablo sa kuta. Iniutos nito na siya ay usisain sa pamamagitan ng hagupit. Ito ay upang malaman niya kung ano ang dahilan at ang mga tao ay sumisigaw laban kay Pablo. 25 Nang iginagapos na nila siya ng panaling balat, sinabi ni Pablo sa pinunong-kapitang nakatayo sa malapit: Matuwid ba para sa iyo na hagupitin ang isang taong taga-Roma na hindi pa nahahatulan?

26 Nang marinig ito ng kapitan, naparoon siya sa pinunong-kapitan. Ipinag-bigay alam niya na sinasabi: Mag-ingat ka sa gagawin mo? Ito ay sapagkat ang lalaking ito ay taga-Roma.

27 Lumapit ang pinunong-kapitan at sinabi sa kaniya: Sabihin mo sa akin, ikaw ba ay taga-Roma?

Sinabi niya: Oo.

28 Sumagot ang pinunong-kapitan: Binili ko ng malaking halaga ang pagkamamamayang ito.

Sinabi ni Pablo: Ako ay ipinanganak na gayon.

29 Agad na lumayo sa kaniya ang mga magsisiyasat sana sa kaniya. Ang pinunong-kapitan ay natakot din naman nang malaman na siya ay taga-Roma at sa dahilang siya ang nagpagapos kay Pablo.

Sa Harap ng Sanhedrin

30 Kinabukasan, ibig niyang matiyak ang dahilan kung bakit isinakdal siya ng mga Judio. Pinakawalan siya ng kapitan sa pagkagapos at ipinag-utos niyang magpulong ang mga pinunong-saserdote at ang buong Sanhedrin. Ipinanaog niya si Pablo at iniharap sa kanila.

23 Tinitigang mabuti ni Pablo ang Sanhedrin at sinabi: Mga kapatid, ako ay namumuhay sa harapan ng Diyos na may malinis na budhi hanggang sa araw na ito. Si Ananias na pinakapunong-saserdote ay nag-utos sa mga malapit sa kaniya na sampalin si Pablo sa bibig. Nang magkagayon, sinabi ni Pablo sa kaniya: Malapit ka nang sampalin ng Diyos, ikaw na ang katulad ay pinaputing pader. Tama ba na ikaw ay nakaupo upang ako ay hatulan ayon sa kautusan at nag-utos ka na ako ay sampalin nang labag sa kautusan?

Sinabi ng nakatayo sa malapit: Nilalait mo ba ang pinakapunong-saserdote ng Diyos?

Sinabi ni Pablo: Mga kapatid, hindi ko nalalaman na siya ay pinakapunong-saserdote sapagkat nasusulat: Huwag kang magsasalita ng masama patungkol sa pinuno ng iyong mgatao.

Ngunit nang malaman ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo at ang mga iba ay mga Fariseo, sumigaw siya sa Sanhedrin nang ganito: Mga kapatid, ako ay Fariseo, anak ng Fariseo. Ako ay hinahatulan patungkol sa pag-asa at sa muling pagkabuhay ng mga patay. Nang masabi na niya ang gayon, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa mga Fariseo at sa mga Saduceo. Nagkabaha-bahagi ang kara­mihan. Ito ay sapagkat sinasabi nga ng mga Saduceo na walang muling pagkabuhay, ni anghel, ni espiritu. Ngunit ang lahat ng ito ay pinaniniwalaan ng mga Fariseo.

At nagkaroon ng malakas na pagsisigawan. Tumindig ang ilan sa mga guro ng kautusan na kakampi ng mga Fariseo. Nakikipagtalo sila at sinabi: Wala kaming masumpungang anumang masama sa lalaking ito. Yamang siya ay kinausap ng isang espiritu o ng isang anghel, huwag nating kalabanin ang Diyos. 10 Lumala ang mainit na pagtatalo. Nangamba ang pinunong-kapitan na baka pagpira-pirasuhin nila si Pablo. Kaya inutusan niyang manaog ang mga kawal upang agawin siya sa kanilang kalagitnaan at ibalik sa kuwartel.

11 Nang sumunod na gabi, lumapit sa kaniya ang Panginoon at sinabi: Pablo, lakasan mo ang iyong loob sapagkat kung paano ka nagpatotoo patungkol sa akin sa Jerusalem, gayundin ang gawin mong pagpapatotoo sa Roma.

Ang Banta na Patayin si Pablo

12 Kinaumagahan, nagsabwatan ang ilang mga Judio at ipinailalim nila ang kanilang sarili sa isang sumpa. Sinabi nila: Hindi kami kakain ni iinom man hanggat hindi namin napapatay si Pablo.

13 Mahigit na apatnapu sila na nagsab­watan. 14 At sila ay pumaroon sa mga pinunong-saserdote at sa mga matanda. Sinabi nila: Ipinailalim namin ang aming mga sarili sa isang sumpa. Hindi kami titikim ng anuman hanggang hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya nga, ngayon kasama ng Sanhedrin, magpasabi kayo sa pinunong-kapitan na dalhin niya bukas sa inyo si Pablo na waring sisiyasatin ninyo siyang mabuti. Handa na kaming patayin siya bago dumating dito.

16 Ngunit narinig ng lalaking anak ng kapatid na babae ni Pablo ang patungkol sa kanilang gagawing pagtambang. Siya ay pumaroon at pumasok sa kuwartel at iniulat iyon kay Pablo.

17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga kapitan at sinabi: Dalhin mo ang kabataang ito sa pinunong-kapitan sapagkat mayroon siyang iuulat sa kaniya. 18 Kaya nga, kinuha niya siya at dinala sa pinunong-kapitan.

Sinabi niya: Tinawag ako ng bilanggong si Pablo. Ipinamanhik niya sa aking dalhin ko sa iyo ang kabataang ito. May mahalaga siyang sasabihin sa iyo.

19 Hinawakan siya ng pinunong-kapitan sa kamay. Sila ay pumunta sa isang tabi at tinanong siya nang palihim: Ano iyong iuulat mo sa akin?

20 Sinabi niya: Pinagkasunduan ng mga Judio na ipamanhik sa iyo na bukas ay ipananaog mo si Pablo sa Sanhedrin. Magkukunwari silang may aalamin na lalong tiyak patungkol sa kaniya. 21 Huwag kang pahimok sa kanila sapagkat may apatnapung kalalakihan na nag-aabang upang manambang. Ipinailalim nila ang kanilang sarili sa sumpa. Hindi sila kakain ni iinom man hanggat hindi nila siya napapatay. Nakahanda na sila ngayon, naghihintay na lamang sila ng pangako mo.

22 Kaya pinaalis ng pinunong-kapitan ang kabataan. Iniutos niya sa kaniya: Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo sa akin ang mga bagay na ito.

Inilipat si Pablo sa Cesarea

23 Pagkatapos nito, tinawag niya ang dalawa sa mga kapitan. Sinabi niya: Ihanda ninyo ang dalawandaang kawal upang magtungo sa Cesarea sa ikatlong oras ng gabi. Isamarin ninyo ang pitumpung mangangabayo at dalawang daang maninibat.

24 Nagpahanda siya ng mga kabayo para masakyan ni Pablo. Ito ay upang ligtas nila siyang maihatid kay gobernador Felix.

25 Sumulat siya ng isang sulat na ganito:

26 Akong si Claudio Lisias ay bumabati sa kagalang-galang na gobernador Felix.

27 Ang lalaking ito ay hinuli ng mga Judio. Siya ay papatayin na lamang sana nila nang dumating akong may kasamang mga kawal. Iniligtas ko siya nang malaman kong siya ay taga-Roma. 28 Sa kagustuhan kong mapag-alaman ang paratang kung bakit siya ay isinakdal nila, pinapanaog ko siya sa kanilang Sanhedrin. 29 Nasum­pungan kong siya ay isinasakdal sa mga bagay patungkol sa kanilang kautusan. Ngunit walang anumang paratang laban sa kaniya na karapat-dapat hatulan ng kamatayan o tanikala. 30 Nang ipaalam sa akin na may bantang gagawin ang mga Judio laban sa lalaking iyon, agad ko siyang ipinadala sa iyo. Ipinagbilin ko rin sa mga nagsasakdal na magsalita ng mga bagay laban sa kaniya sa harapan mo. Paalam.

31 Kaya kinuha si Pablo ng mga kawal alinsunod sa iniutos sa kanila. Gabi nang dalhin nila si Pablo sa Antipatris. 32 Kinabukasan, pinabayaan nilang samahan siya ng mga mangangabayo. At bumalik sa kuwartel ang mga maninibat. 33 Nang makapasok sa Cesarea si Pablo at ang mga mangangabayo, binigay nila ang sulat sa gobernador. Iniharap din nila si Pablo sa kaniya. 34 Nang mabasa na ng gobernador ang sulat, tinanong niya siya kung taga-saang lalawigansiya. Nalaman niyang siya ay taga-Cilicia. 35 Sinabi niya: Pakikinggan kitang lubos pagdating ng mga magsasakdalsa iyo. Ipinag-utos niya na siya ay bantayan sa hukuman ni Herodes.

Nilitis si Pablo sa Harap ni Felix

24 Pagkaraan ng limang araw, lumusong ang pinaka­punong-saserdote na si Ananias. Kasama niya ang mga matanda at ang isang makata na nagngangalang Tertulo. Siya ang nagharap ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo.

Nang siya ay tawagin, sinimulan siyang usigin ni Tertulo. Sinabi niya: Kagalang-galang na Felix, ang malaking katahimikan na aming tinatamasa ay dahil sa iyo. Dahil sa iyong mga dakilang panukala sa kinabukasan, kamangha-manghang mga bagay ang nagawa sa bansang ito. Buong pagpapasalamat naming tinatanggap ito na may kasiyahan sa lahat ng paraan at sa lahat ng dako. Upang huwag kaming maging kaabalahan sa iyo, ipinamamanhik ko sa iyo na pakinggan mo kami sa iyong kagandahang-loob sa ilang mga sandali.

Ito ay sapagkat nasumpungan namin ang lalaking ito na isang salot. Siya ang pasimuno ng paghihimagsik sa gitna ng lahat ng mga Judio sa sanlibutan. Siya ay pinuno ng sekta ng mga taga-Nazaret. Pinagsisikapan din naman niyang lapas­tanganin ang templo. Kaya hinuli namin siya. Ibig sana naming hatulan siya alinsunod sa aming kautusan. Ngunit dumating ang pinunong-kapitan na si Lisias at sapilitan siyang inagaw sa aming mga kamay. Iniutos sa mga nagsasakdal sa kaniya na pumunta sa iyo. Sa gayon, malaman mo sa iyong pagsisiyasat sa kaniya ang lahat ng mga bagay na ito na ipinaratang namin laban sa kaniya.

Sumang-ayon naman ang mga Judio na nagsasabing ang mga bagay na ito ay totoo.

10 Nang siya ay hinudyatan ng gobernador na magsalita, sumagot si Pablo: Yamang nalalaman ko na ikaw ay hukomsa loob ng maraming taon sa bansang ito, masigla kongipag­tatanggol ang aking sarili. 11 Nalalaman mo na wala pang labingdalawang araw buhat nang ako ay umahon sa Jerusalem upang sumamba. 12 Ni hindi nila ako nasumpungan na nakiki­pagtalo sa templo sa kanino man. Hindi nila ako nasumpungang namumuno ng magulong pagtitipon ng maraming tao, ni sa mga sinagoga, ni sa lungsod. 13 Ni hindi rin nila maipakita sa iyo ang katibayan ng mga bagay na ipinaparatang nila ngayon laban sa akin. 14 Ngunit inaamin ko sa iyo na ayon sa Daan na kanilang tinatawag na sekta ay gayon ang paglilingkod ko sa Diyos ng aming mga ninuno. Sinasampalatayanan ko ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan at sa aklat ng mga propeta. 15 Ako ay may pag-asa sa Diyos na kanila rin namang tinanggap. Nagtitiwala ako na malapit nang magkaroon ng muling pagkabuhay ang mga patay, ang mga matuwid at gayundin ang mga di-matuwid. 16 Dahil nga rito ako ay nagsisikap upang laging magkaroon ng isang malinis na budhi sa harap ng Diyos at ng mga tao.

17 Ngayon, pagkaraan ng maraming taon ay naparito ako upang magdala ng mga kaloob sa ­mga kahabag-habag sa aking bansa at maghandog ng mga hain. 18 Nasumpungan ako, sa ganitong kalagayan ng mga Judio na taga-Asya. Pina­dalisay ako sa templo ng hindi kasama ng maraming tao, ni ng kaguluhan. 19 Dapat ang mga Judio na taga-Asya ang naparito sa harapan at magsakdal kung may anumang labansa akin. 20 O kaya ang mga tao ring ito ang hayaang magsa­sabi kung ano ang masamang gawa ang nasumpungan nila nang ako ay nakatayo sa harapan ng Sanhedrin. 21 Maliban na sa isang tinig na ito na aking isinigaw nang ako ay nakatayo sa kalagitnaan nila: Ito ay patungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, ako ay hinahatulan sa harapan ninyo sa araw na ito.

22 Si Felix na may lalong ganap na pagkatalastas patungkol sa Daan ay ipinagpaliban niya sila, pagkarinig ng mga bagay na ito. Sinabi niya: Paglusong ni Lisias na pinunong-kapitan ay magpapasya ako sa iyong usapin. 23 Iniutos niya sa kapitan na bantayan si Pablo at siya ay bigyan ng kaluwagan at huwag bawalan ang sinumang kaibigan niya na paglingkuran o dalawin siya.

24 Pagkaraan ng mga ilang araw, dumating si Felix, kasama ang kaniyang asawang si Drusila. Siya ay isang babaeng Judio. Ipinatawag niya si Pablo. Siya ay pinakinggan patungkol sa pananampalataya kay Cristo. 25 Samantalang siya ay nagpapa­liwanag patungkol sa katuwiran, sa pagpipigil sa sarili at sa paparating na paghahatol, natakot si Felix. Sumagot siya: Umalis ka na ngayon. Kapag nagkaroon ako ng kaukulang panahon, tatawagin kita. 26 Inaasahan din naman niya na bibigyan siya ni Pablo ng salapi upang siya ay mapalaya. Kaya madalas niya siyang ipinatatawag at nakikipag-usap sa kaniya.

27 Pagkaraan ng dalawang taon, si Felix ay hinalinhan ni Poncio Festo. Dahil sa ibig ni Felix na siya ay kalugdan ng mga Judio, pinabayaan niya na nakatanikala si Pablo.

Nilitis si Pablo sa Harap ni Festo

25 Ngayon, nang makapasok na si Festo sa lalawigan, pagkaraan ng tatlong araw, umahon siya sa Jerusalem mula sa Cesarea.

Ang pinakapunong-saserdote at ang pangulo ng mga Judio ay nagbigay-alam sa kaniya laban kay Pablo. Namanhik sila sa kaniya. Hiniling nila na pagbigyan sila na siya ay ipahatid sa Jerusalem. Binalak nilang tambangan siya upang patayin habang siya ay nasa daan. Gayunman, sumagot si Festo na si Pablo ay pananatilihin sa Cesarea. Siya man ay patungo na roon sa madaling panahon. Kaya nga, sinabi niya: Ang mga may kapangyarihan nga sa inyo ay sumamang lumusong sa akin. Kung may anumang pagkakasala ang lalaking ito, isakdal nila siya.

Nang siya ay makapanatili na sa kanilang lugar nang mahigit sa sampung araw, lumusong siya sa Cesarea. Kinabukasan, lumuklok siya sa hukuman at iniutos na dalhin si Pablo. Nang dumating siya, pinaligiran siya ng mga Judio na lumusong mula sa Jerusalem. May dala silang marami at mabibigat na paratang laban kay Pablo na pawang hindi nila kayang patunayan.

At sinasabi ni Pablo, bilang pagtatanggol: Laban man sa kautusan ng mga Judio, ni laban man sa templo, ni laban man kay Cesar ay hindi ako magkakasala.

Ngunit si Festo, dahil ibig niyang kalugdan siya ng mga Judio, ay sumagot kay Pablo at nagsabi: Ibig mo bang umahon sa Jerusalem at doon ka hatulan sa mga bagay na ito sa harapan ko?

10 Nang magkagayon, sinabi ni Pablo: Nakatayo ako sa harapan ng hukuman ni Cesar na dito ako dapat hatulan. Wala akong ginawang anumang kamalian sa mga Judio, iyan ay alam ninyo. 11 Ito ay sapagkat kung nakagawa ako ng anumang kamalian at anumang bagay na nararapat sa kamatayan, hindi ako umiiwas na mamatay. Ngunit kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinaparatang nila sa akin, walang may kapangyarihang maibigay ako sa kanila. Ako ay aapela kay Cesar.

12 Nang magkagayon, si Festo, nang nakapagsangguni na sa mga tagapayo ay sumagot: Umapela ka kay Cesar, kaya kay Cesar ka pupunta.

Sumangguni si Festo kay Haring Agripa

13 Pagkaraan ng ilang araw, si Agripa na hari at si Bernice ay lumusong sa Cesarea. Bumati sila kay Festo.

14 Nang makapanatili na sila roon ng maraming araw, isinaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo. Sinabi niya: May isang lalaking bilanggo na iniwan si Felix. 15 Nang ako ay nasa Jerusalem, ang mga pinunong-saserdote at ang mga matanda sa mga Judio ay nagbigay-alam sa akin patungkol sa kaniya. Hinihiling nilang humatol ako ng laban sa kaniya.

16 Sumagot ako sa kanila: Hindi kaugalian ng mga taga-Roma na ibigay ang sinumang tao sa kapahamakan hanggang sa hindi nahaharap ang isinasakdal sa mga nagsasakdal. Siya ay bibigyan ng pagkakataong makapagtanggol sa kaniyang sarili patungkol sa paratang. 17 Nang sila nga ay nagkatipon dito, hindi ako nagpaliban. Kundi nang sumunod na araw ay lumuklok ako sa hukuman at iniutos kong dalhin ang lalaki. 18 Nang tumindig ang mga nagsakdal sa kaniya ay walang anumang paratang na maiharap laban sa kaniya gaya ng aking inaakala. 19 Ngunit may ilang mga katanungan laban sa kaniya. Ito ay patungkol sa kanilang sariling relihiyon at patungkol sa isang Jesus na namatay. Pinagtibay ni Pablo na siya ay buhay. 20 Nagugu­luhan ako patungkol sa mga ganitong uri ng katanungan. Kaya tinanong ko siya kung ibig niyang pumaroon sa Jerusalem at doon siya hatulan patungkol sa mga bagay na ito. 21 Ngunit si Pablo ay umapela na ingatan siya upang pakinggan ng Emperador Augusto. Kaya ipinag-utos ko na ingatan siya hanggang sa siya ay maipadala ko kay Cesar.

22 At sinabi ni Agrippa kay Festo: Ibig kong ako mismo ang makarinig sa lalaking iyon.

At sinabi niya: Bukas, mapapakinggan mo siya.

Si Pablo sa Harap ni Haring Agripa

23 Kinabukasan, dumating si Agripa at Bernice taglay ang malaking pagdiriwang. Sila ay pumasok sa bulwagang, kasama ang mga pinunong-kapitan. Kasama rin ang mga taong kilala sa lungsod. At iniutos ni Festo na ipasok si Pablo.

24 Sinabi ni Festo: Haring Agripa, at lahat ng mga lalaking nariritong kasama namin. Nakikita ninyo ang lalaking ito na isinakdal sa akin maging sa Jerusalem at maging dito man ng buong karamihan ng mga Judio. Isinisigaw nilang hindi na karapat-dapat na siya ay mabuhay pa. 25 Ngunit nasumpungan kong siya ay walang ginawang anumang nararapat sa kamatayan. Sa dahilang siya rin ay umapela kay Augusto, ipinasiya kong siya ay ipadala. 26 Wala akong tiyak na bagay na maisusulat patungkol sa kaniya sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo at lalo na sa harapan mo, Haring Agripa. Sa ganoon, kapag natapos na ang pagsiyasat, magkakaroon ako ng bagay na maisusulat. 27 Ito ay sapagkat sa aking palagay ay hindi makatwiran na magpadala ng isang bilanggo na hindi sinasabi ang paratang laban sa kaniya.

26 Sinabi ni Agripa kay Pablo: Pinapahintulutan kang magsalita para sa iyong sarili.

Iniunat ni Pablo ang kaniyang kamay at ipinagtanggol ang kaniyang sarili.

Haring Agripa, itinuturing kong kaligayahan na sa harapan mo ay gagawin ko ang aking pagtatanggol sa araw na ito. Gagawin ko ang pagtatanggol patungkol sa lahat ng bagay na ipinaratang ng mga Judio sa akin. Lalo na, sapagkat bihasa ka sa lahat ng kaugalian at mga katanungang mayroon sa mga Judio. Kaya nga, hinihiling ko sa iyo na maging matiyaga kayo sa pakikinig sa akin.

Nalalaman ng mga Judio ang aking pamumuhay, mula pa sa aking pagkabata, na nagpasimula pa sa gitna ng aking bansa sa Jerusalem. Napagkikilala nila mula pa nang una, kung ibig nilang sumaksi, na alinsunod sa pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon ay nabuhay akong isang Fariseo. Nakatayo ako ngayon upang hatulan dahil sa pag-asa sa pangakong ginawa ng Diyos sa aming mga ama. Dahil doon ang aming labingdalawang lipi ay marubdob na naglilingkod sa Diyos gabi’t araw na inaasahang darating. O Haring Agripa, at patungkol sa pag-asang ito ay isinasakdal ako ng mga Judio. Bakit iniisip ninyong hindi kapani-paniwala na muling bubuhayin ng Diyos ang mga patay.

Kaya nga, iniisip ko sa aking sarili, na dapat gumawa ako ng mga bagay na laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret. 10 At ito ang ginawa ko sa Jerusalem. Kinulong ko sa bilangguan ang maraming banal, pagkatanggap ko ng kapamahalaan mula sa mga pinunong-saserdote. Nang sila ay papatayin na, ibinigay ko ang aking pagsang-ayon laban sa kanila. 11 Madalas na pinaparusahan ko sila sa mga sinagoga at pinipilit ko silang mamusong. Sa aking lubhang galit sa kanila, pinag-uusig ko sila kahit sa malalayong lungsod ng ibang lupain.

12 Habang naglalakbay ako patungong Dasmasco, taglay ko ang buong kapamahalaan mula sa mga pinunong-saserdote. 13 Nang katanghalian, O Hari, nakita ko habang ako ay nasa daan ang isang ilaw na mula sa langit. Ito ay maningning pa kaysa sa araw at nagliwanag sa palibot ko at sa mga naglalakbay na kasama ko. 14 Kaming lahat ay nadapa sa lupa. Narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo at sinabi: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Mahirap sa iyo ang sumikad sa mga pangtaboy na patpat.

15 Sinabi ko: Sino ka, Panginoon?

Sinabi niya: Ako ay si Jesus na iyong pinag-uusig.

16 Ngunit bumangon ka at ikaw ay tumayo. Ito ang dahilan na ako ay nagpakita sa iyo, upang italaga kitang lingkod at saksi din naman ng mga bagay na nakita mo sa akin. Gayundin naman sa mga bagay na ipakikita ko sa iyo. 17 Ililigtas kita mula sa mga tao at sa mga Gentil. Ngayon ay sinusugo kita sa kanila. 18 Sinusugo kita upang idilat mo ang kanilang mga mata nang sa gayon sila ay bumalik sa ilaw mula sa kadiliman. At sila ay bumalik sa Diyos mula sa kapamahalaan ni Satanas. Sinusugo kita upang sila ay tumanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng mana kasama ng mga pinapaging-banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.

19 Dahil nga rito, o Haring Agripa, hindi ako naging suwail sa pangitaing mula sa langit. 20 Kundi, nangaral ako, una sa mga taga-Damasco at sa Jerusalem din naman at sa buong lupain ng Judea at gayundin sa mga Gentil. Pinangaralan ko silang magsisi at manumbalik sa Diyos na gumawa ng mga gawang karapat-dapat sa pagsisisi. 21 Dahil sa mga bagay na ito, hinuli ako ng mga Judio sa templo at pinagsisikapang patayin. 22 Nang tanggapin ko nga ang tulong na mula sa Diyos, nanatili ako hanggang sa araw na ito. Nagpapatotoo ako sa mga hindi dakila at gayundin sa mga dakila. Wala akong sinasabing anuman kundi ang sinabi ng mga propeta at gayundin ni Moises na malapit nang mangyari. 23 Kung paanong ang Mesiyas ay kailangang magdusa at kung paanong siya ang unang bubuhaying muli mula sa mga patay, matatanyag ang ilaw sa mga tao at gayundin sa mga Gentil.

24 Nang masabi niya nang gayon ang kaniyang pagta­tanggol, sa malakas na tinig ay sinabi ni Festo: Pablo, ikaw ay baliw. Dahil sa labis mong natutunan, ikaw ay nababaliw.

25 Ngunit sinabi niya: Hindi ako baliw, kagalang-galang na Festo. Nagsasalita ako ng mga salitang may katotohanan at salitang may katinuan. 26 Ito ay sapagkat alam ng hari ang mga bagay na ito. Kaya nagsasalita akong may katiyakan dahil nakakatiyak ako na ang mga bagay na ito ay hindi nalilingid sa kaniya. At ang mga ito ay hindi ginawa sa isang sulok lamang. 27 Haring Agripa, naniniwala ka ba sa sinabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala ka.

28 Sinabi ni Agripa kay Pablo: Halos mahikayat mo na akong maging Kristiyano.

29 Sinabi ni Pablo: Isinasamo ko sa Diyos na hindi lamang ikaw, kundi ang lahat din ng mga nakikinig sa akin ngayon. Hindi lamang sana halos kundi maging katulad ko maliban sa mga tanikalang ito.

30 Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, tumindig ang hari at ang gobernador. Tumindig din si Bernice at ang mga nakaupong kasama nila. 31 Nang makalayo na sila, nag-usap-usap sila na sinasabi: Ang lalaking ito ay walang anumang ginawa na nararapat sa kamatayan o sa mga tanikala.

32 Sinabi ni Agripa kay Festo: Mapapalaya sana ang lalaking ito kung hindi siya umapela kay Cesar.

Naglayag si Pablo Papunta sa Roma

27 Nang ipasiya na kami ay maglalayag na patungong Italia, si Pablo at ang ibang mga bilanggo ay ibinigay sa isang kapitan. Ang pangalan ng senturyon ay Julio, mula sa balangay ng Emperador Augusto.

Sumakay kami sa isang barko na mula sa Adrameto. Ito ay maglalayag na sa mga dakong nasa Asya. Kasama namin si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica.

Nang sumunod na araw, dumaong kami sa Sidon. Si Julio ay nagpakita ng kagandahang-loob kay Pablo. Pinahintulutan niya siyang pumunta sa kaniyang mga kaibigan upang matanggap niya ang kanilang pagmamalasakit. Nang kami ay maglayag muli buhat doon, naglayag kaming nanganganlong sa Chipre sapagkat pasalungat ang hangin. Nang matawid na namin ang dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, dumating kami sa Mira ng Licia. Doon ay nasumpungan ng kapitan ang isang barko na mula sa Alexandria. Ito ay maglalayag patungong Italia. Inilulan niya kami roon. Maraming araw kaming naglayag na marahan at may kahirapan naming narating ang tapat ng Cinido. Hindi kami tinulutan ng hangin na makasulong pa kaya naglayag kami na nanganganlong sa Creta. Ito ay nasa tapat ng Salmonte. Sa pamamaybay namin dito, may kahirapan kaming nakarating sa isang dakong tinatawag na Mabuting Daungan. Malapit doon ang lungsod ng Lasea.

Nang makalipas ang mahabang panahon, ang paglalayag ay nagiging mapanganib na. At dahil ang pag-aayuno ay nakalampas na, pinayuhan sila ni Pablo. 10 Sinabi sa kanila: Mga ginoo, nakikinita kong ang paglalayag na ito ay makaka­pinsala at magiging malaking kawalan. Hindi lamang sa lulan at sa barko kundi sa atin ding mga buhay. 11 Ngunit higitna pinaniwalaan ng kapitan ang taga-ugit at ang may-aring barko kaysa sa mga sinabi ni Pablo. 12 Sa dahilang hindi mabuting hintuan sa tag-ulan ang daungan, ipinayo ng nakakarami na maglayag na mula roon. Nagbabaka-sakali silang sa anumang paraan ay makarating sila sa Fenix. Doon nila gugugulin ang tag-ulan. At iyon ay daungan ng Cretana nakaharap sa dakong timugang-kanluran at hilagang-kanluran.

Ang Malakas na Bagyo

13 Nang marahang umihip ang hanging timugan, inakala nilang maisasagawa nila ang kanilang hangarin. Itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta.

14 Ngunit hindi nagtagal, humampas doon ang malakas na hangin na tinatawag na Euroclidon. 15 Nang hinampas ng hangin ang barko at hindi makasalungat sa hangin, nagpadala na lang kami sa hangin. 16 Kami ay nagkubli sa isang maliit na pulo na tinatawagna Clauda. At nahirapan kami na isampa ang bangkang-pangkagipitan. 17 Nang maisampa na ito, guma­mit sila ng mga pantulong. Tinalian nila ang ibaba ng barko. At sa takot na baka masadsad sa look ng Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayon ay nagpaanod sila. 18 Ngunit patuloy kaming hinahampas at ipinapadpad ng lubhang malakas na hangin sa magkabila. Kinabukasan, nagsimula na silang magtapon ng kanilang lulan sa dagat. 19 Nang ikatlong araw, itinapon ng aming mga kamay ang mga kagamitan ng barko. 20 At maraming araw na hindi namin nakita ang araw ni ang mga bituin man. Napakalakas na bagyo ang dumaan sa amin kaya nawalan na kami ng pag-asa na makakaligtas pa.

21 Nang matagal na silang hindi kumain, tumayo nga si Pablo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi niya: Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin at hindi tayo naglayag muli sa Creta. Kung nakinig sana kayo, hindi natin nakamtan ang kapinsalaan at ang kawalang ito. 22 Ngayon, ipinapayo ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapa­hamak sa inyo kundi ang barko lamang. 23 Ito ay sapagkat ngayong gabi tumayo sa tabi ko ang isang anghel mula sa Diyos na nagmamay-ari sa akin at siyang aking pinaglilingkuran. 24 Sinabi niya: Pablo, huwag kang matakot. Kinakailangang humarap ka kay Cesar. Narito, ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang lahat ng kasama mo sa paglalayag. 25 Kaya nga, mga ginoo lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat sumasampalataya ako sa Diyos at mangyayari ang ayon sa sinalita sa akin. 26 Ngunit kailangang tayo ay mapasadsad sa isang pulo.

Nawasak ang Barko

27 Nang sumapit ang ikalabing-apat na gabi, ipinadpad kami ng hangin paroo’t parito sa Adriatico. Nang maghahating gabi na, inakala ng mga magdaragat na nalalapit na sila sa isang lupain.

28 Tinarok nila at nasumpungang may dala­wampung dipa ang lalim. Nang makalayo sila ng kaunti, muli nilang tinarok at nasumpungang may labinlimang dipa ang lalim. 29 Sa takot nilang mapasadsad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan. Hinahangad nila na mag-umaga na sana. 30 Ngunit nagpupumilit ang mga magdaragat na makatakas sa barko. Nagpakunyari sila na ihuhulog nila ang mga angkla sa unahan. 31 Sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga kawal: Maliban na manatili ang mga ito sa barko, kayo ay hindi makakaligtas. 32 Kaya pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangkang-pangkagipitan at pinabayaan itong mahulog.

33 Nang mag-uumaga na, ipinamanhik ni Pablo sa lahat na kumain. Sinabi niya: Ngayon ay ikalabing-apat na araw na kayo ay naghihintay. Hindi kayo kumakain at walang tina­tanggap na anuman. 34 Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo ay kumain dahil ito ay makakatulong na makalagpas kayo sa sakunang ito. Ito ay sapagkat isa mang buhok ay hindi malalagas mula sa ulo ng sinuman sa inyo. 35 Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, kumuha siya ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Pinagputul-putol niya ito at nagsimulang kumain. 36 Nang magkagayon, lumakas ang loob ng lahat. Sila namang lahat ay kumuha din ng pagkain. 37 Kaming lahat na nasa barko ay dalawang daan at pitumpu’t anim na kaluluwa. 38 Nang mabusog na sila, pinagaan nila ang barko. Itinapon nila sa dagat ang trigo.

39 Kinabukasan, hindi nila makilala ang lupain. Ngunit nabanaagan nila ang isang look ng dagat na may baybayin. Sila ay nag-usap kung maaari nilang maisadsad ang barko mula doon. 40 Pinutol nila ang lubid ng angkla at pinabayaan nila sa dagat. Kasabay nito ay kinakalag nila ang mga tali ng mga timon. Pagkataas ng layag sa unahan ay tinungo nila ang pampang paayon sa ihip ng hangin. 41 Ngunit pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, isinadsad nila ang unahan ng barko. Ito ay tumigil at hindi na kumikilos. Ngunit nagpasimulang mawasak ang hulihan dahil sa kalakasan ng mga alon.

42 Ang balak ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo. Baka mayroong makalangoy palayo at makatakas. 43 Subalit sa kagustuhang ng kapitan na iligtas si Pablo, ay pinigil niya sila sa gusto nilang gawin. Iniutos niya sa kanila: Sinuman ang marunong lumangoy ay tumalon nang una at nang makarating sa lupa. 44 Sa mga naiwan, ang iba ay sa mga tabla at ang iba naman ay sa mga bagay na galing sa barko. Sa ganitong paraan, ang lahat ay nakarating nang ligtas hanggang sa lupa.

Ang Pagdaong sa Malta

28 Nang sila ay makaligtas na, napag-alaman nilang ang pangalan ng pulo ay Malta.

Kami ay pinakitaan ng hindi pangkaraniwang kagandahang-loob ng mga barbaro. Sa pagtanggap nila sa bawat isa sa amin, nagsiga sila sapagkat umuulan noon at maginaw. Ngunit pagkatipon ni Pablo ng isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init. Kumapit ito sa kaniyang kamay. Nang makita ng mga barbaro ang hayop na nakabitin sa kaniyang kamay, nagsabi ang isa sa isa’t isa: Walang salang mamamatay-tao ang lalaking ito. Bagamat siya ay nakaligtas sa dagat, gayunman ay hindi siya pinabayaang mabuhay ng katarungan. Ipinagpag niya ang hayop sa apoy at siya ay hindi nasaktan. Nang magkagayon ay hinintay nilang mamaga na siya o bigla na lamang mabuwal na patay. Ngunit nang matagal na silang naghihintay at nakitang walang nangyaring masama sa kaniya, nagbago sila ng akala. Sinabi nilang siya ay isang diyos.

Sa mga kalapit ng dakong iyon ay may mga lupain ang pangulo ng pulong iyon. Ang pangalan niya ay Publio. Tinanggap niya kami at kinupkop ng tatlong araw na may kagandahang-loob. Nangyari na ang ama ni Publio ay nakaratay at maysakit na lagnat at disinterya. Pumasok si Pablo at ipinanalangin siya. Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya at siya ay pinagaling. Nang mangyari nga ito, pumaroon naman ang ibang may mga karamdaman sa pulo at sila rin ay pinagaling. 10 Kami naman ay pinarangalan nila ng maraming parangal. Nang maglayag na kami, binigyan nila kami ng mga bagay na kinakailangan namin.

Dumating si Pablo sa Roma

11 Pagkaraan ng tatlong buwan ay naglayag kami na sakay ng isang barko na mula sa Alexandria. Tumigil kami sa pulo nang tag-ulan na. Ang sagisag ay Ang Magkapatid na Kambal.

12 Nang dumaong kami sa Siracusa, tumigil kami roon ng tatlong araw. 13 Mula roon ay lumigid kami at dumating sa Regio. Pagkaraan ng isang araw ay umihip ang hanging katimugan. Nang ikalawang araw ay dumating kami sa Putiole. 14 Doon ay nakakita kami ng mga kapatid. Ipinamanhik nila na manatili sa kanila ng pitong araw. Pagkatapos ay nagtuloy kami sa Roma. 15 Buhat doon, pagkarinig ng mga kapatid sa mga bagay patungkol sa amin, sinalubong nila kami hanggang sa Foro ng Appio at sa Tatlong Bahay-panuluyan. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya sa Diyos at lumakas ang loob. 16 Nang makapasok kami sa Roma, ibinigay ng mga kapitan ang mga bilanggo sa pinunong kawal. Ngunit si Pablo ay pinahintulutang mamahay na mag-isa. Kasama niya ang kawal na nagbabantay sa kaniya.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International