Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 5-7

Ang mga Lahi ni Adan(A)

Ito ang kasaysayan na isinulat tungkol sa pamilya ni Adan.

Nang likhain ng Dios ang tao, ginawa niya itong kawangis niya. Nilikha niya ang lalaki at babae, at binasbasan niya sila at tinawag na “tao.”

Nang 130 taong gulang na si Adan, isinilang ang kanyang anak na kawangis niya. Pinangalanan niya itong Set. Matapos isilang si Set, nabuhay pa si Adan ng 800 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. Namatay siya sa edad na 930.

Nang 105 taong gulang na si Set, isinilang ang anak niyang lalaki na si Enosh. Matapos isilang si Enosh, nabuhay pa si Set ng 807 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. Namatay siya sa edad na 912.

Nang 90 taong gulang na si Enosh, isinilang ang anak niyang lalaki na si Kenan. 10 Matapos isilang si Kenan, nabuhay pa si Enosh ng 815 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. 11 Namatay siya sa edad na 905.

12 Nang 70 taong gulang na si Kenan, isinilang ang anak niyang lalaki na si Mahalalel. 13 Matapos isilang si Mahalalel, nabuhay pa si Kenan ng 840 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. 14 Namatay siya sa edad na 910.

15 Nang 65 taong gulang na si Mahalalel, isinilang ang anak niyang lalaki na si Jared. 16 Matapos isilang si Jared, nabuhay pa si Mahalalel ng 830 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. 17 Namatay siya sa edad na 895.

18 Nang 162 taong gulang na si Jared, isinilang ang anak niyang lalaki na si Enoc. 19 Matapos isilang si Enoc, nabuhay pa si Jared ng 800 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. 20 Namatay siya sa edad na 962.

21 Nang 65 taong gulang na si Enoc, isinilang ang anak niyang lalaki na si Metusela. 22-24 Matapos isilang si Metusela, nabuhay pa si Enoc ng 300 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. Nang panahong iyon, malapit ang relasyon ni Enoc sa Dios. Nasa 365 taong gulang siya nang siyaʼy nawala, dahil kinuha siya ng Dios.[a]

25 Nang 187 taong gulang na si Metusela, isinilang ang anak niyang lalaki na si Lamec. 26 Matapos isilang si Lamec, nabuhay pa si Metusela ng 782 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. 27 Namatay siya sa edad na 969.

28 Nang 182 taong gulang na si Lamec, isinilang ang isa niyang anak na lalaki. 29 Sinabi niya, “Ang anak kong ito ay makakatulong sa mga kahirapan natin dahil sa pagsumpa ng Panginoon sa lupa, kaya papangalanan ko siyang Noe.”[b] 30 Matapos isilang si Noe, nabuhay pa si Lamec ng 595 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. 31 Namatay siya sa edad na 777.

32 Nang 500 taong gulang na si Noe, isinilang ang mga anak niyang lalaki na sina Shem, Ham, at Jafet.

Ang Kasamaan ng Tao

Hindi nagtagal, dumami ang mga tao sa mundo, at marami ang kabataan nilang babae. Nakita ng mga anak ng Dios[c] na ang mga babae ay magaganda. Kaya pumili sila ng magiging asawa nila sa sinumang maibigan nila. Ngayon, sinabi ng Panginoon, “Hindi ko papayagang mabuhay ang tao nang matagal dahil silaʼy tao lamang. Kaya mula ngayon, ang tao ay mabubuhay nang hindi hihigit sa 120 taon.”

Nang panahong iyon, at kahit nitong huli, may mga kilalang tao sa mundo na mula sa lahi ng mga anak ng Dios na nagsipag-asawa ng magagandang babae. Silaʼy makapangyarihan at kilalang tao noong unang panahon.

Nang makita ng Panginoon na ang ginagawa ng mga tao sa mundo ay puro kasamaan lang, at ang palagi nilang iniisip ay masama, nanghinayang siya kung bakit ginawa pa niya ang tao sa mundo. Labis ang kalungkutan niya, kaya sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong nilikha ko sa buong lupain. At lilipulin ko rin ang lahat ng hayop sa lupa pati ang mga hayop na lumilipad, dahil nanghihinayang ako sa paglikha sa kanila.” Pero may isang tao na nakapagbigay-lugod sa Panginoon, siya ay si Noe.

Si Noe

Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Noe.

Si Noe ay makadios. Siya lang ang namumuhay na matuwid sa kapanahunan niya, at malapit ang kanyang relasyon sa Dios. 10 May tatlo siyang anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet.

11 Napakasama na ng mga tao sa paningin ng Dios, at ang kanilang kasamaan ay laganap na sa mundo. 12 Nakita ng Dios na lubhang masama ang mga tao sa mundo dahil ang ginagawa nila ay puro kasamaan. 13 Kaya sinabi niya kay Noe, “Lilipulin ko ang lahat ng tao. Dahil sa kanila, lumaganap ang kasamaan sa mundo. Lilipulin ko sila kasama ng mundo. 14 Kaya ikaw Noe, gumawa ka ng barko mula sa matibay na kahoy, at gawan mo ito ng mga kwarto. Pagkatapos, pahiran mo ng alkitran ang loob at labas ng barko.[d] 15 Gawin mo ito na may sukat na 450 talampakan ang haba, 75 talampakan ang luwang, at 45 talampakan ang taas. 16 Lagyan mo ng bubong ang barko, at lagyan mo ng agwat na kalahating metro ang dingding at ang bubong. Gawan mo ang barko ng tatlong palapag, at lagyan ng pintuan sa gilid. 17 Sapagkat pababahain ko ang mundo para malipol ang lahat ng nabubuhay. Mamamatay ang lahat ng nasa mundo. 18 Pero gagawa ako ng kasunduan sa iyo. Papasok ka sa barko kasama ng asawa at ng mga anak mo pati ang mga asawa nila. 19 Magpapasok ka rin ng isang lalaki at babae sa bawat uri ng hayop para mabuhay sila kasama mo. 20 Dalawa sa bawat uri ng lahat ng hayop: mga lumilipad, lumalakad at gumagapang. Lalapit sila sa iyo para hindi sila mamatay. 21 Magdala ka rin ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at para rin sa mga hayop.”

22 Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Dios sa kanya.

Ang Baha

Sinabi ng Panginoon kay Noe, “Pumasok ka sa barko kasama ng buong pamilya mo. Sapagkat sa lahat ng tao sa panahong ito, ikaw lang ang nakita kong matuwid. Magdala ka ng pitong pares sa bawat uri ng malinis[e] na hayop, pero isang pares lang sa bawat uri ng maruming hayop. At magdala ka rin ng pitong pares sa bawat uri ng ibon. Gawin mo ito para mabuhay sila sa mundo. Sapagkat pagkatapos ng pitong araw mula ngayon, magpapaulan ako sa buong mundo sa loob ng 40 araw at 40 gabi, para mamatay ang lahat ng nilikha ko.”

Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya.

Nasa 600 taong gulang na si Noe nang dumating ang baha sa mundo. Pumasok siya sa barko kasama ang asawa niya, mga anak na lalaki, at mga manugang para hindi sila mamatay sa baha. 8-9 Ayon sa iniutos ng Dios kay Noe, pinapasok niya sa barko ang bawat pares ng lahat ng uri ng hayop na malinis at marumi na lumapit sa kanya. 10 At pagkalipas ng pitong araw, bumaha sa mundo.

11 Nang ika-17 araw ng ikalawang buwan, umulan ng napakalakas at umapaw ang lahat ng bukal. Si Noe ay 600 taong gulang na noon. 12 Umulan sa mundo sa loob ng 40 araw at 40 gabi.

13 Noong mismong araw na nagsimulang umulan, pumasok sa barko si Noe, ang asawa niya at ang tatlo nilang anak na sina Shem, Ham at Jafet kasama ang mga asawa nila. 14 Kasama rin nila ang lahat ng uri ng hayop: mga lumalakad, gumagapang at lumilipad. 15-16 Ayon sa iniutos ng Dios kay Noe, pinapasok niya sa barko ang bawat pares ng lahat ng uri ng hayop na lumalapit sa kanya. Pagkatapos, isinara ng Panginoon ang barko.

17-18 Walang tigil ang ulan sa mundo sa loob ng 40 araw. Tumaas ang tubig hanggang sa lumutang ang barko. 19 Tumaas pa nang lubusan ang tubig hanggang matakpan ang lahat ng matataas na bundok. 20 At hanggang umabot sa mga pitong metro ang taas ng tubig mula sa tuktok ng pinakamataas na bundok. 21 Kaya namatay ang lahat ng may buhay – ang mga hayop na lumilipad, lumalakad, gumagapang at ang lahat ng tao. 22 Namatay ang lahat ng nabubuhay sa lupa. 23 Nalipol ang lahat ng tao at ang lahat ng hayop sa mundo. Si Noe lang at ang mga kasama niya sa loob ng barko ang hindi namatay.

24 Bumaha sa mundo sa loob ng 150 araw.

Mateo 3:7-4:11

Pero nang makita ni Juan na maraming Pariseo at Saduceo ang pumupunta para magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakaiwas kayo sa darating na parusa ng Dios? Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa. Huwag ninyong isipin na hindi kayo mapaparusahan dahil mula kayo sa lahi ni Abraham. Tandaan ninyo: kahit ang mga batong itoʼy magagawa ng Dios na maging mga anak ni Abraham. 10 Tandaan ninyo, ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol para putulin ang mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi, ngunit may isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya.[a] Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 12 Tulad siya ng isang taong nagtatahip upang ihiwalay ang ipa sa butil. Ilalagay niya ang mga butil sa bodega, at ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”

Ang Pagbabautismo kay Jesus(A)

13 Dumating si Jesus sa Ilog ng Jordan mula sa Galilea at pinuntahan niya si Juan upang magpabautismo. 14 Tumutol si Juan na bautismuhan si Jesus at sinabi, “Bakit magpapabautismo ka sa akin? Ako ang dapat magpabautismo sa iyo.” 15 Pero sumagot si Jesus, “Hayaan mong mangyari ito ngayon, dahil ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Dios.” Kaya pumayag si Juan. 16 Nang mabautismuhan si Jesus, umahon siya sa tubig. Bumukas ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Dios na bumaba sa kanya na tulad ng isang kalapati. 17 At may boses na narinig mula sa langit na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.”

Ang Pagtukso kay Jesus(B)

Pagkatapos nito, dinala ng Banal na Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Doon ay nag-ayuno si Jesus ng 40 araw at 40 gabi, kaya nagutom siya. Dumating ang Manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, gawin mong tinapay ang mga batong ito.” Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Dios.’ ”[b]

Dinala naman siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, doon sa pinakamataas na bahagi ng templo. At sinabi niya kay Jesus, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, tumalon ka. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel na ingatan ka. At aalalayan ka nila upang hindi tumama ang iyong mga paa sa bato.’ ”[c] Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ”[d]

Pagkatapos, dinala pa siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok, at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kayamanan at kadakilaan ng mga ito. At sinabi ng diyablo kay Jesus, “Ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo, kung luluhod ka at sasamba sa akin.” 10 Pero sinagot siya ni Jesus, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Dios at siya lamang ang iyong paglingkuran.’ ”[e]

11 Pagkatapos nito, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel ng Dios at naglingkod sa kanya.

Salmo 3

Panalangin sa Oras ng Panganib

Panginoon, kay dami kong kaaway;
    kay daming kumakalaban sa akin!
Sinasabi nilang hindi nʼyo raw ako ililigtas.
Ngunit kayo ang aking kalasag.
    Pinalalakas nʼyo ako at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
Tumawag ako sa inyo Panginoon at sinagot nʼyo ako mula sa inyong banal[a] na bundok.
At dahil iniingatan nʼyo ako, nakakatulog ako at nagigising pa.
Hindi ako matatakot kahit ilang libo pang kaaway ang nakapalibot sa akin.

Pumarito kayo, Panginoon!
    Iligtas nʼyo po ako, Dios ko,
    dahil noon ay inilagay nʼyo sa kahihiyan ang lahat ng mga kaaway ko,
    at inalis mo sa mga masamang tao ang kanilang kakayahang saktan ako.
Kayo, Panginoon, ang nagliligtas.
    Kayo rin po ang nagpapala sa inyong mga mamamayan.

Kawikaan 1:10-19

10 Anak, huwag kang padadala sa panghihikayat ng mga taong makasalanan. 11 Huwag kang sasama kapag sinabi nilang, “Halika, sumama ka sa amin! Mag-abang tayo ng sinumang papatayin kahit walang dahilan. 12 Kahit nasa kasibulan pa ng kanilang buhay, patayin natin sila para matulad sila sa mga taong pumunta sa lugar ng mga patay. 13 Makakakuha tayo sa kanila ng mga mamahaling ari-arian, at pupunuin natin ang ating mga bahay ng ating mga nasamsam. 14 Sige na, sumama ka na sa amin, at paghahatian natin ang ating mga nasamsam.”

15 Anak, huwag kang sumama sa kanila; iwasan mo sila. 16 Sapagkat mabilis sila sa paggawa ng masama at sa pagpatay ng tao. 17 Walang kabuluhan ang paglalagay ng bitag kung ang ibong iyong huhulihin ay nakatingin. 18 Alam ng ibon na mahuhuli siya, pero ang taong masasama, hindi nila alam na sila rin ang magiging biktima ng ginagawa nila.

19 Ganyan ang mangyayari sa mga taong ang ari-arian ay nakuha sa masamang paraan. Mamamatay sila sa ganoon ding paraan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®