The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
Ang Tatlong Pista Bawat Taon(A)
14 “Magdiwang kayo ng tatlong pista bawat taon para sa karangalan ko. 15 Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Kagaya ng iniutos ko sa inyo, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw. Gawin ninyo ito sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib, dahil ito ang buwan na lumabas kayo ng Egipto. Ang bawat isa sa inyoʼy dapat magdala sa akin ng handog sa panahong iyon.
16 “Ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Pag-aani sa pamamagitan ng pagdadala ng mga unang ani ng inyong bukid. Ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Huling Pag-ani sa katapusan ng taon kapag titipunin na ninyo ang mga ani sa mga bukid ninyo.
17 “Dapat dumalo ang kalalakihan ninyo sa tatlong pistang ito bawat taon sa pagsamba sa akin, ang inyong Panginoong Dios.
18 “Huwag kayong maghahandog ng dugo sa akin at ng kahit anong may pampaalsa. Huwag kayong magtitira para sa kinaumagahan ng taba ng hayop na inyong inihandog sa akin sa pista.
19 “Dalhin ninyo sa templo ng Panginoon na inyong Dios ang pinakamagandang bahagi ng una ninyong ani.
“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing na hindi pa naaawat sa kanyang ina.
20 “Ngayon, isinugo ko ang anghel para bantayan at gabayan kayo sa lugar na inihanda ko para sa inyo. 21 Makinig kayo sa kanya at sundin ang sinasabi niya. Huwag kayong magrerebelde sa kanya dahil ang lahat ng ginagawa niyaʼy ginagawa niya sa aking pangalan, at hindi niya pababayaang magpatuloy kayo sa mga kasalanan ninyo.[a] 22 Kung makikinig lang kayo nang mabuti sa sinasabi niya at gagawin ang lahat ng sinasabi ko, lalabanan ko ang inyong mga kaaway. 23 Pangungunahan kayo ng aking anghel at dadalhin kayo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hiveo at Jebuseo, at lilipulin ko sila. 24 Huwag kayong sasamba o maglilingkod sa mga dios-diosan nila, o tutularan ang mga ginagawa nila. Durugin ninyo ang kanilang mga dios-diosan, at gibain ang mga alaalang bato nila. 25 Sambahin ninyo ako, ang Panginoon na inyong Dios, at bibigyan ko kayo ng masaganang pagkain at tubig. Pagagalingin ko ang inyong mga karamdaman, 26 at walang babaeng makukunan at walang magiging baog sa inyong lupain, at pahahabain ko ang inyong buhay.
27 “Tatakutin ko at lilituhin ang mga kaaway na makakaharap ninyo, at tatakas sila. 28 Magpapadala ako ng mga putakting mangunguna sa inyo, at itataboy nila ang mga Hiveo, Cananeo at Heteo. 29 Pero hindi ko sila itataboy sa loob lang ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang mapigilan ang pagdami roon ng mga hayop sa gubat. 30 Unti-unti ko silang itataboy hanggang sa dumami na kayo at kaya na ninyong angkinin ang lupain.
31 “Sisiguraduhin ko na ang hangganan ng lupain ninyo ay magsisimula sa Dagat na Pula hanggang sa Dagat ng Mediteraneo,[b] at mula sa disyerto sa timog hanggang sa Ilog ng Eufrates. Ibibigay ko sa inyo ang mga nakatira sa lupaing iyon, at itataboy nʼyo sila. 32 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa kanila o sa mga dios-diosan nila. 33 Huwag nʼyo silang pabayaang manirahan sa inyong lupain dahil baka sila pa ang magtulak sa inyo na magkasala laban sa akin. Kung sasamba kayo sa mga dios-diosan nila, magiging bitag ito sa inyo.”
Tinanggap ng mga Israelita ang Kasunduan ng Panginoon
24 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka rito sa akin at isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang 70 tagapamahala ng Israel. Sa malayo mo sila pasambahin sa akin. 2 Ikaw lang, Moises, ang makakalapit sa akin, ang ibaʼy hindi na maaaring makalapit sa akin. Hindi dapat umakyat dito ang mga tao kasama mo.”
3 Nang sinabi ni Moises sa mga tao ang lahat ng itinuro at iniutos ng Panginoon, sabay-sabay silang sumagot, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.” 4 At isinulat ni Moises ang lahat ng sinabi ng Panginoon.
Kinaumagahan, bumangon si Moises at nagpatayo ng altar sa may paanan ng bundok, at naglagay siya ng 12 haliging bato na kumakatawan sa 12 lahi ng Israel. 5 Pagkatapos, inutusan niya ang mga kabataang lalaki na mag-alay sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mag-alay din ng mga toro bilang handog para sa mabuting relasyon sa Panginoon. 6 Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay ito sa mga mangkok at iwinisik sa altar ang kalahati. 7 Kinuha rin niya ang Aklat ng Kasunduan at binasa ito sa mga tao. At sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon. Susundin namin siya.”
8 Pagkatapos, kinuha niya ang dugo sa mga mangkok at iwinisik ito sa mga tao, at sinabi, “Ito ang dugo na nagpapatibay sa kasunduan na ginawa ng Panginoon sa inyo nang ibigay niya ang mga utos na ito.”
9 Pumunta paakyat sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at 70 tagapamahala ng Israel, 10 at nakita nila ang Dios ng Israel. Sa paanan niya ay may parang daan na gawa sa batong safiro na kasinglinaw ng langit. 11 Kahit nakita na ng mga pinuno ang Dios, hindi sila pinatay ng Dios. Kumain pa sila at uminom doon sa kanyang presensya.
12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pumunta ka rito sa akin sa itaas ng bundok at maghintay, dahil ibibigay ko sa iyo ang malalapad na batong sinulatan ko ng mga kautusan at batas ko para ituro sa mga tao.” 13 Kaya umakyat si Moises sa bundok kasama ang lingkod niyang si Josue. 14 Bago sila umakyat, sinabi ni Moises sa mga tagapamahala ng Israel, “Hintayin nʼyo kami rito hanggang sa makabalik kami. Maiiwan dito sina Aaron at Hur, at kung may problema kayo, lumapit lang kayo sa kanila.”
15 Pagdating ni Moises sa itaas ng bundok, natakpan ng ulap ang bundok. 16 At bumaba ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa Bundok ng Sinai. At sa loob ng anim na araw, natakpan ng ulap ang bundok. Sa ikapitong araw, tinawag ng Panginoon si Moises mula sa ulap. 17-18 Kaya pumasok si Moises sa ulap habang papaakyat pa siya sa bundok. Nagpaiwan siya roon sa loob ng 40 araw at 40 gabi. Para sa mga Israelitang nasa ibaba, parang apoy na naglalagablab ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa tuktok ng bundok.
Mga Handog para sa Toldang Tipanan(B)
25 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na maghandog sila sa akin. Ikaw ang tumanggap ng kanilang mga handog na gusto nilang ialay sa akin. 3 Ito ang mga handog na tatanggapin mo mula sa kanila: ginto, pilak, tanso, 4 lanang kulay asul, ube at pula, manipis na telang linen, tela na gawa sa balahibo ng kambing, 5 balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, magandang klase ng balat, kahoy na akasya, 6 langis ng olibo para sa ilaw, mga sangkap sa langis na pamahid at pabango sa insenso, 7 batong onix at iba pang mamahaling bato na ilalagay sa espesyal na damit[c] ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito.
8 “Ipagawa mo sa mga mamamayan ng Israel ang Toldang Sambahan para sa akin kung saan titira akong kasama nila. 9 Ipagawa mo ang Toldang Sambahan at ang mga kagamitan dito ayon sa eksaktong tuntunin na sinabi ko sa iyo.
Ang Kahon ng Kasunduan(C)
10 “Magpagawa ka ng Kahon na yari sa akasya – mga 45 pulgada ang haba, 27 pulgada ang lapad at 27 pulgada rin ang taas. 11 Balutan ninyo ito ng purong ginto sa loob at labas, at palagyan ng hinulmang ginto ang paligid nito. 12 Maghulma ka ng apat na argolyang[d] ginto at ikabit ito sa apat na paa nito, dalawa sa bawat gilid. 13 Magpagawa ka rin ng tukod na akasya at balutan ito ng ginto. 14 Isuot mo ang tukod sa mga argolyang ginto sa bawat gilid ng Kahon para mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod. 15 Huwag ninyong tatanggalin ang argolyang ginto sa tukod ng Kahon. 16 Pagkatapos, ipasok mo sa Kahon ang malapad na bato na ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang aking mga utos.
17 “Pagawan mo ng takip na purong ginto ang Kahon, na 45 pulgada ang haba at 27 pulgada ang lapad. 18-19 Magpagawa ka rin ng dalawang gintong kerubin, ilalagay ito sa dalawang dulo ng takip ng Kahon. 20 Kailangan nakalukob ang pakpak ng mga kerubin sa ibabaw ng takip para maliliman nila ito, at kailangang magkaharap silang dalawa na nakatingin sa takip. 21 Ilagay mo sa Kahon ang malapad na bato na ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang mga utos ko, at pagkatapos ay takpan mo ang Kahon. 22 Makikipagkita ako sa iyo roon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon, at ibibigay ko sa iyo ang lahat ng utos para sa mga mamamayan ng Israel.
Ang Mesa na Pinaglalagyan ng Tinapay(D)
23 “Magpagawa ka rin ng mesang akasya, na may sukat na 36 na pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad at 27 pulgada ang taas. 24 Balutan mo ito ng purong ginto at lagyan ng hinulmang ginto ang mga paligid nito. 25 Palagyan nʼyo rin ito ng sinepa sa bawat gilid, apat na pulgada ang lapad, at palagyan ng hinulmang ginto ang sinepa. 26 Magpagawa ka rin ng apat na argolyang ginto at ikabit sa apat na sulok ng mesa, 27 malapit sa sinepa. Dito ninyo ipasok ang mga tukod na pambuhat sa mesa. 28 Dapat ay akasya ang tukod at nababalutan ng ginto.
29 “Magpagawa ka rin ng mga pinggan, tasa, banga at mga mangkok na gagamitin para sa handog na inumin. Kailangang purong ginto ang mga ito. 30 At kailangang palaging lagyan ng tinapay na inihahandog sa aking presensya ang mesang ito.
Ang Lalagyan ng Ilaw(E)
31 “Magpagawa ka rin ng lalagyan ng ilaw na purong ginto ang paa, katawan at mga palamuting hugis bulaklak, na ang ibaʼy buko pa lang at ang ibaʼy nakabuka na. Ang palamuting ito ay dapat kasama nang gagawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw. 32 Ang lalagyan ng ilaw ay may anim na sanga, tigtatatlo sa bawat gilid. 33 Ang bawat sanga ay may tatlong lalagyan na hugis bulaklak ng almendro.[e] 34 Ang katawan ng lalagyan ng ilaw ay may apat na palamuting hugis bulaklak ng almendro, na ang ibaʼy buko pa at ang ibaʼy nakabuka na. 35 May isang hugis bulaklak sa ilalim ng bawat pares ng anim na sanga. 36 Ang mga palamuting bulaklak at ang mga sanga ay isang piraso lamang nang hinulma ang lalagyan ng ilaw.
37 “Magpagawa ka ng pitong ilawan at ilagay sa lalagyan nito para mailawan ang lugar sa harapan nito. 38 Ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw at mga pansahod ng abo ng ilaw ay dapat purong ginto rin. 39 Ang kailangan mo sa pagpapagawa ng lalagyan ng ilaw at sa lahat ng kagamitan nito ay 35 kilo ng purong ginto. 40 Siguraduhin mong ipapagawa mo ang lahat ng ito ayon sa planong ipinakita ko sa iyo rito sa bundok.
Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(A)
29 “Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan, magdidilim ang araw, hindi na magliliwanag ang buwan, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit. Ang mga bagay[a] sa kalawakan ay mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas. 30 Pagkatapos, makikita sa langit ang tanda ng aking pagbabalik, at maghihinagpis ang lahat ng tao sa mundo dahil dito. At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating na mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian.[b] 31 Sa malakas na tunog ng trumpeta ay ipapadala ko ang aking mga anghel sa lahat ng lugar sa mundo upang tipunin ang aking mga pinili.”
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(B)
32 “Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init. 33 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang lahat ng sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong dumating. 34 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. 35 Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[c]
Walang Taong Nakakaalam Kung Kailan Babalik si Jesus(C)
36 “Tungkol sa araw o oras ng aking pagbabalik, walang nakakaalam nito, kahit ang mga anghel sa langit o ako mismo na Anak ng Dios. Ang Ama lang ang nakakaalam nito. 37 Kung ano ang mga ginawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa pagdating ko na Anak ng Tao. 38 Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga taoʼy nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. 39 Wala silang kaalam-alam sa mangyayari hanggang sa dumating ang baha at nalunod silang lahat. Ganyan din ang mangyayari sa pagdating ko na Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon, kung may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. 41 At kung may dalawang babaeng nagtatrabaho sa gilingan, maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. 42 Kaya maging handa kayong lagi, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng pagdating ng inyong Panginoon. 43 Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya hahayaang pasukin ng magnanakaw ang kanyang bahay. 44 Kaya maging handa rin kayo, dahil ako na Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Tapat at ang Hindi Tapat na Utusan(D)
45 “Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinamamahala ng kanyang amo sa mga kapwa niya alipin. Siya ang nagbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 46 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na gumagawa ng kanyang tungkulin. 47 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kawawa ang masamang alipin na nag-aakalang matatagalan pa ang pagbabalik ng kanyang amo, 49 kaya habang wala ang kanyang amo ay pagmamalupitan niya ang ibang mga utusan, makikisalo at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Darating ang kanyang amo sa araw o oras na hindi niya inaasahan, 51 at parurusahan siya nang matindi. Isasama siya sa mga mapagkunwari, at doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.”[d]
Dalangin ng Pagpapasalamat
30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
dahil iniligtas nʼyo ako.
Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
2 Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
at pinagaling nʼyo ako.
3 Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.
4 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
kayong mga tapat sa kanya.
Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
5 Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
Maaaring sa gabi ay may pagluha,
pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.
6 Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
“Wala akong pangangambahan.”
7 Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.
8 Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
9 “Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”
11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.
24 Kaya mga anak, pakinggan ninyong mabuti ang aking mga sinasabi. 25 Huwag kayong paaakit sa ganyang uri ng babae at huwag ninyong hayaan na kayoʼy kanyang iligaw. 26 Marami na ang mga lalaking napahamak dahil sa kanya. 27 Kapag pumunta kayo sa bahay niya, para na rin kayong pumunta sa daigdig ng mga patay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®