The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
Ang Gintong Baka(A)
32 Nang mainip ang mga tao sa tagal ni Moises na bumaba ng bundok, nagtipon sila kay Aaron at sinabi, “Igawa mo kami ng dios[a] na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na naglabas sa atin sa Egipto.” 2 Sumagot si Aaron, “Kunin nʼyo ang mga hikaw na ginto na suot ng mga asawaʼt anak ninyo, at dalhin ninyo sa akin.” 3 Kaya kinuha nilang lahat ang gintong mga hikaw at dinala ito kay Aaron. 4 Tinipon ni Aaron ang mga ito tinunaw, at hinugis na baka. Sinabi ng mga Israelita, “Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.”
5 Pagkakita ni Aaron na sumaya ang mga tao, nagpagawa siya ng altar sa harap ng baka at ipinaalam sa kanila, “Bukas, magdaraos tayo ng pista para sa karangalan ng Panginoon.” 6 Kaya kinaumagahan, maagang bumangon ang mga tao at nag-alay ng mga handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Kumain sila at uminom at nilubos ang pagsasaya sa pagsamba sa dios-diosan.
7 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka na dahil nagpapakasama ang mga kababayan mo na inilabas mo sa Egipto. 8 Napakadali nilang tumalikod sa mga itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng dios-diosang baka at sinamba nila ito. Naghandog ang mga Israelita sa dios-diosang ito at sinabi, ‘Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.’ ”
9 At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga taong ito. 10 Kaya pabayaan mong lipulin ko sila nang matindi kong galit. Ikaw na lang at ang mga angkan mo ang gagawin kong dakilang bansa.”
11 Pero nagmakaawa si Moises sa Panginoon na kanyang Dios, “O Panginoon, bakit po ninyo ipapalasap ang galit nʼyo sa inyong mga mamamayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan? 12 Ano na lang po ang sasabihin ng mga Egipcio? Na kinuha po ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto para patayin sa kabundukan at mawala sila sa mundo? O, Panginoon, huwag po ninyong ituloy ang matinding galit ninyo sa kanila, huwag ninyo silang papatayin. 13 Alalahanin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa inyong lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob[b] na pararamihin ninyo ang lahi nila na kasindami ng bituin sa langit, at ibibigay ninyo sa lahi nila ang lahat ng lupaing ipinangako ninyo sa kanila, at magiging kanila ito magpakailanman.” 14 Kaya hindi na itinuloy ng Panginoon ang plano niyang pagpatay sa kanyang mga mamamayan.
15 Bumaba si Moises ng bundok na dala ang dalawang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios. Nakasulat ang mga utos sa harap at likod ng bato. 16 Ang Dios mismo ang gumawa at sumulat nito.
17 Nang marinig ni Josue ang kaguluhan ng mga tao, sinabi niya kay Moises, “Parang may ingay ng digmaan sa kampo.” 18 Sumagot si Moises, “Hindi ingay ng digmaan ang naririnig ko kundi ingay ng mga awitan.”
19 Nang malapit na si Moises sa kampo, nakita niya ang dios-diosang baka at ang pagsasayaw ng mga tao, kaya nagalit siya nang matindi. Inihagis niya sa paanan ng bundok ang malalapad na bato na dala niya, at nabiyak ang mga ito. 20 Pagkatapos, kinuha niya ang dios-diosang baka na ginawa nila, at sinunog ito. Dinurog niya ito nang pinong-pino at inihalo sa tubig, at ipinainom sa mga mamamayan ng Israel.
21 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ano ba ang ginawa ng mga tao sa iyo at pinabayaan mo silang magkasala?”
22 Sumagot si Aaron, “Huwag po kayong magalit sa akin. Alam nʼyo kung gaano sila kadaling gumawa ng kasamaan. 23 Sinabi nila sa akin, ‘Igawa mo kami ng dios na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari sa taong si Moises na naglabas sa atin sa Egipto.’ 24 Kaya sinabi ko sa kanila na dalhin nila sa akin ang mga alahas nilang ginto. Nang madala nila ito sa akin, inihagis ko ito sa apoy at mula roon, nabuo itong baka.”
25 Nakita ni Moises na nagwawala ang mga tao at pinababayaan lang sila ni Aaron. Dahil dito, naging katawa-tawa sila sa mga kaaway nila sa palibot. 26 Kaya tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Sinuman sa inyo na pumapanig sa Panginoon, lumapit sa akin!” At nagtipon sa kanya ang lahat ng mga Levita.
27 Sinabi ni Moises sa kanila, “Sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na isukbit ng bawat isa sa inyo ang mga espada ninyo, libutin ninyo ang buong kampo, at patayin ninyo ang masasamang taong ito kahit na kapatid pa ninyo, kaibigan o kapitbahay.” 28 Sinunod ng mga Levita ang iniutos sa kanila ni Moises, at nang araw na iyon 3,000 ang taong namatay. 29 Sinabi ni Moises sa mga Levita, “Ibinukod kayo ng Panginoon sa araw na ito, dahil pinagpapatay ninyo kahit mga anak ninyo at mga kapatid. Kaya binasbasan niya kayo sa araw na ito.”
30 Nang sumunod na araw, sinabi ni Moises sa mga tao, “Nakagawa kayo ng malaking kasalanan. Pero aakyat ako ngayon sa bundok, doon sa Panginoon; baka matulungan ko kayong mapatawad sa inyong mga kasalanan.”
31 Kaya bumalik si Moises sa Panginoon at sinabi, “O Panginoon, malaking kasalanan po ang nagawa ng mga taong ito. Gumawa sila ng dios na ginto. 32 Pero ngayon, patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na lang ninyo ang aking pangalan sa aklat na sinulatan nʼyo ng pangalan ng inyong mga mamamayan.”
33 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Kung sino ang nagkasala sa akin, ang pangalan niya ang buburahin ko sa aklat ko. 34 Lumakad ka na at pangunahan ang mga tao papunta sa lugar na sinabi ko sa iyo, at pangungunahan kayo ng anghel ko. Pero darating ang panahon na paparusahan ko sila sa mga kasalanan nila.”
35 At nagpadala ang Panginoon ng mga karamdaman sa mga Israelita dahil sinamba nila ang dios-diosang baka na ginawa ni Aaron.
33 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umalis ka sa lugar na ito kasama ang mga mamamayang inilabas mo sa Egipto, at pumunta kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac, at Jacob. Sinabi ko sa kanila noon na ibibigay ko ang mga lupaing ito sa kanilang mga salinlahi. 2 Pauunahin ko ang anghel sa inyo, at itataboy ko ang mga Cananeo, Amoreo, Heteo, Perezeo, Hiveo at Jebuseo 3 sa lugar na iyon. Kayo lang ang pupunta roon sa maganda at masaganang lupain;[c] hindi ko kayo sasamahan dahil matigas ang mga ulo ninyo, at baka mapatay ko pa kayo habang nasa daan.”
4 Nang marinig ng mga tao ang masasakit na salitang ito, labis silang nalungkot at hindi nila isinuot ang kanilang mga alahas. 5 Sapagkat, iniutos ng Panginoon kay Moises na sabihin ito sa mga Israelita: “Napakatigas ng ulo ninyo. Kung sasamahan ko kayo kahit na sa sandaling panahon lang, baka mapatay ko pa kayo. Ngayon, hubarin ninyo ang mga alahas ninyo hanggang sa makapagdesisyon ako kung ano ang gagawin ko sa inyo.” 6 Kaya hinubad ng mga Israelita ang mga alahas nila roon sa bundok ng Horeb.
Ang Toldang Tipanan
7 Nakaugalian na ni Moises na itayo ang Tolda malayo sa kampo. Ang Toldang itoʼy tinatawag na “Toldang Tipanan.” Pumupunta sa Toldang ito ang sinumang gustong malaman ang kalooban ng Panginoon. 8 Sa tuwing papasok si Moises sa Tolda, tumatayo ang mga tao sa pintuan ng mga tolda nila. Tinitingnan nila si Moises hanggang sa makapasok siya sa Tolda. 9 At habang naroon si Moises sa loob, bumababa ang makapal na ulap sa pintuan ng Tolda habang nakikipag-usap ang Panginoon sa kanya. 10 At kapag nakita ng mga tao ang makapal na ulap sa pintuan ng Tolda, tumatayo sila at sumasamba sa Panginoon sa may pintuan ng tolda nila. 11 Kapag nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises, magkaharap sila, katulad ng magkaibigan na nagkukwentuhan. Pagkatapos, bumabalik si Moises sa kampo, pero ang binata niyang lingkod na si Josue na anak ni Nun ay nananatili sa Tolda.
Nakita ni Moises ang Makapangyarihang Presensya ng Dios
12 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Lagi po ninyong sinasabi sa akin na pangunahan ko ang inyong mga mamamayan sa pagpunta sa lupaing ipinangako ninyo, pero hindi pa po ninyo ipinapaalam kung sino ang pasasamahin ninyo sa akin. Sinabi pa po ninyo na kilalang-kilala nʼyo ako at nalulugod kayo sa akin. 13 Kung totoo pong nalulugod kayo sa akin, turuan nʼyo ako ng mga pamamaraan ninyo para makilala ko kayo at para mas matuwa pa kayo sa akin. Alalahanin po ninyong ang bansang ito ay bayan ninyo.”
14 Sumagot ang Panginoon, “Ako mismo ang sasama sa iyo, at bibigyan kita ng kapahingahan.”
15 Sinabi ni Moises sa kanya, “Kung hindi po ninyo kami sasamahan, huwag nʼyo na lang po kaming paalisin sa lugar na ito. 16 Dahil paano po malalaman ng iba na nalulugod kayo sa akin at sa inyong mga mamamayan kung hindi nʼyo kami sasamahan? At paano po nila malalaman na espesyal kaming mga mamamayan kaysa sa ibang mamamayan sa mundo?”
17 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Gagawin ko ang ipinapakiusap mo, dahil nalulugod ako sa iyo at kilalang-kilala kita.”
18 Sinabi ni Moises, “Ipakita po ninyo sa akin ngayon ang makapangyarihang presensya ninyo.”
19 Sumagot ang Panginoon, “Ipapakita ko sa iyo ang lahat ng kabutihan ko, at ipapaalam ko sa iyo ang pangalan ko, ang Panginoon. Mahahabag ako sa gusto kong kahabagan; maaawa ako sa gusto kong kaawaan. 20 Pero hindi ko ipapakita sa iyo ang aking mukha dahil walang taong nakakita sa mukha ko nang nabuhay.”
21 Sinabi ng Panginoon, “Tumayo ka rito sa bato malapit sa akin. 22 At habang dumadaan ang makapangyarihan presensya ko, ipapasok kita sa siwang ng bato at tatakpan kita ng aking kamay hanggang sa makadaan ako. 23 Pagkatapos, tatanggalin ko ang kamay ko at makikita mo ang likod ko, pero hindi ang aking mukha.”
Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(A)
69 Samantala, habang nakaupo si Pedro sa loob ng bakuran, nilapitan siya ng isang utusang babae ng punong pari at sinabi, “Kasama ka ni Jesus na taga-Galilea, hindi ba?” 70 Pero itinanggi ito ni Pedro sa harap ng mga tao. Sinabi niya, “Hindi ko alam ang mga sinasabi mo.” 71 Kaya pumunta si Pedro sa may labasan, at isa pang utusang babae ang nakakita sa kanya at sinabi sa mga tao roon, “Ang taong iyan ay kasama ni Jesus na taga-Nazaret.” 72 Muli itong itinanggi ni Pedro at sinabi, “Sumpa man, hindi ko kilala ang taong iyan!” 73 Maya-maya, nilapitan si Pedro ng iba pang naroon at sinabi, “Isa ka nga sa mga kasamahan ni Jesus, dahil halata sa pagsasalita mo.” 74 Sumagot si Pedro, “Sumpa man at mamatay man ako! Hindi ko kilala ang taong iyan!” Noon din ay tumilaok ang manok, 75 at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.
Dinala si Jesus kay Pilato(B)
27 Kinaumagahan, nagplano ang lahat ng namamahalang pari at ang pinuno ng mga Judio kung ano ang gagawin nila para maipapatay si Jesus. 2 Ginapos nila si Jesus at dinala kay Gobernador Pilato.
Ang Pagkamatay ni Judas(C)
3 Nang malaman ng traydor na si Judas na hinatulan ng kamatayan si Jesus, nagsisi siya sa kanyang ginawa at isinauli ang 30 pirasong pilak sa mga namamahalang pari at mga pinuno ng mga Judio. 4 Sinabi niya sa kanila, “Nagkasala ako dahil ibinigay ko sa inyo ang isang taong walang kasalanan.” Pero sumagot sila, “Ano ang pakialam namin diyan? Problema mo na iyan.” 5 Itinapon ni Judas sa templo ang salapi. Pagkatapos ay umalis siya at nagbigti.
6 Pinulot ng mga namamahalang pari ang salapi at sinabi, “Hindi natin maaaring ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng templo, dahil ibinayad ito upang maipapatay ang isang tao. Labag ito sa ating Kautusan.” 7 Kaya napagkasunduan nilang gamitin ang salapi para bilhin ang bukid ng magpapalayok at gawing libingan ng mga dayuhan. 8 Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay tinatawag pa rin ang lugar na iyon na “Bukid ng Dugo.”
9 Sa pangyayaring iyon, natupad ang ipinahayag ni Propeta Jeremias nang sabihin niya, “Kinuha nila ang 30 pirasong pilak, ang halagang napagkasunduan ng mga taga-Israel na ipambili sa kanya, 10 at ginamit nila ang pera bilang pambili ng bukid ng magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”[a]
Inimbestigahan ni Pilato si Jesus(D)
11 Nang madala na si Jesus kay Pilato, tinanong siya nito, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsabi.” 12 Pero hindi sumagot si Jesus sa mga paratang ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. 13 Kaya tinanong siyang muli ni Pilato, “Bakit ayaw mong sagutin ang mga paratang nila sa iyo?” 14 Pero hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya nagtaka ang gobernador.
Awit ng Papuri
33 Kayong mga matuwid,
sumigaw kayo sa galak,
dahil sa ginawa ng Panginoon!
Kayong namumuhay ng tama,
nararapat ninyo siyang purihin!
2 Pasalamatan ninyo ang Panginoon
sa pamamagitan ng mga alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit.
Tugtugan ninyo siya ng buong husay,
at sumigaw kayo sa tuwa.
4 Ang salita ng Panginoon ay matuwid,
at maaasahan ang kanyang mga gawa.
5 Ninanais ng Panginoon ang katuwiran at katarungan.
Makikita sa buong mundo ang kanyang pagmamahal.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon,
ang langit ay nalikha;
sa kanyang hininga nagmula ang araw, buwan at mga bituin.
7 Inipon niya ang dagat[a] na parang inilagay sa isang sisidlan.
8 Ang lahat ng tao sa daigdig ay dapat matakot sa Panginoon,
9 dahil nang siyaʼy nagsalita, nalikha ang mundo;
siyaʼy nag-utos at lumitaw ang lahat.
10 Sinisira ng Panginoon ang mga plano ng mga bansang hindi kumikilala sa kanya.
Sinasalungat niya ang kanilang binabalak.
11 Ngunit ang mga plano ng Panginoon ay mananatili magpakailanman,
at ang kanyang mga balak, sa saliʼt saling lahi ay matutupad.
33 Pakinggan ninyo ang mga pagtutuwid ko sa inyong pag-uugali upang maging marunong kayo,
at huwag ninyo itong kalilimutan.
34 Mapalad ang taong laging sa akin nakatuon ang isip at naghihintay para makinig sa akin.
35 Sapagkat ang taong makakasumpong sa akin ay magkakaroon ng maganda at mahabang buhay,
at pagpapalain siya ng Panginoon.
36 Ngunit ang taong hindi makakasumpong sa akin ay ipinapahamak ang kanyang sarili.
Ang mga galit sa akin ay naghahanap ng kamatayan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®