The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
Ang Bagong Malalapad na Bato(A)
34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tumapyas ka ng dalawang malalapad na bato gaya noong una, dahil susulatan ko ito ng mga salitang nakasulat sa naunang bato na binasag mo. 2 Maghanda ka bukas ng umaga, at umakyat ka sa Bundok ng Sinai. Makipagkita ka sa akin sa itaas ng Bundok. 3 Kailangang walang sasama sa iyo; walang sinumang makikita sa kahit saang bahagi ng bundok. Kahit na mga tupa o baka ay hindi maaaring manginain sa bundok.”
4 Kaya tumapyas si Moises ng dalawang malalapad na bato gaya noong una. At kinabukasan, maaga paʼy umakyat na siya sa bundok ayon sa iniutos ng Panginoon dala ang dalawang malalapad na bato. 5 Bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap at binanggit niya ang kanyang pangalang Panginoon habang nakatayo si Moises sa presensya niya. 6 Dumaan ang Panginoon sa harap ni Moises at sinabi, “Ako ang Panginoon, ang mahabagin at matulunging Dios. Mapagmahal at matapat ako, at hindi madaling magalit. 7 Ipinapakita ko ang pagmamahal ko sa maraming tao, at pinapatawad ko ang mga kasamaan nila, pagsuway at mga kasalanan. Pero pinaparusahan ko ang mga nagkakasala, pati na ang kanilang salinlahi hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon.”
8 Nagpatirapa si Moises sa lupa at sumamba. 9 Sinabi niya, “O Panginoon, kung nalulugod po kayo sa akin, nakikiusap po akong sumama kayo sa amin. Kahit na matigas ang ulo ng mga taong ito, patawarin po ninyo kami sa aming kasamaan at mga kasalanan. Tanggapin po ninyo kami bilang inyong mga mamamayan.”
Inulit ang Kasunduan(B)
10 Sinabi ng Panginoon, “Gagawa ako ng kasunduan sa inyo. Sa harap ng lahat ng kababayan mo, gagawa ako ng mga kamangha-manghang bagay na hinding-hindi ko pa nagagawa sa kahit saang bansa sa buong mundo. Makikita ng mga mamamayan sa palibot ninyo ang mga bagay na gagawin ko sa pamamagitan mo. 11 Sundin mo ang iniutos ko sa iyo sa araw na ito. Itataboy ko ang mga Amoreo, Cananeo, Heteo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo mula sa lupaing ipinangako ko sa inyo. 12 Huwag kang gagawa ng kasunduan sa mga tao sa lupaing pupuntahan ninyo, dahil magiging bitag ito para sa inyo. 13 Sa halip, gibain ninyo ang mga altar nila, durugin ang mga alaalang bato nila, at putulin ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. 14 Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios dahil ako, ang Panginoon, ay ayaw na may sinasamba kayong iba. 15 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga taong nakatira sa lupain na pupuntahan ninyo. Dahil baka matukso kayong kumain ng mga handog nila, at anyayahan nila kayo sa paghahandog at pagsamba nila sa kanilang mga dios. 16 Baka mapangasawa ng mga anak nʼyo ang mga anak nila, na silang magtutulak sa kanila sa pagsamba sa ibang mga dios.
17 “Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan.
18 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ayon sa iniutos ko sa inyo, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw. Gawin ninyo ito sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib, dahil iyon ang buwan nang lumabas kayo ng Egipto.
19 “Akin ang lahat ng panganay na lalaki, pati ang panganay na lalaki ng mga hayop ninyo. 20 Maaaring matubos ang panganay na lalaki ng mga asno nʼyo sa pamamagitan ng pagpapalit dito ng tupa. Pero kung hindi ito tutubusin, kailangang patayin ang asno sa pamamagitan ng pagbali sa leeg nito. Maaari rin ninyong matubos ang mga panganay ninyong lalaki.
“Walang makakalapit sa akin na walang dalang mga handog.
21 “Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, kahit sa panahon ng pag-aararo at pag-ani.
22 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pag-aani kung mag-aani kayo ng mga unang ani ng trigo, at ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Katapusan ng Pag-ani sa katapusan ng taon.
23 “Tatlong beses sa isang taon, pupunta ang kalalakihan ninyo sa mga pistang ito sa pagsamba sa Panginoong Dios, ang Dios ng Israel. 24 Itataboy ko ang mga mamamayan sa lupaing ibibigay ko sa inyo, at palalawakin ko ang teritoryo ninyo. At walang sasalakay o aagaw sa bansa ninyo sa panahong lumalapit kayo sa akin na Panginoon na inyong Dios.
25 “Huwag kayong maghahandog ng dugo sa akin at kahit anong may pampaalsa. Huwag din kayong magtitira para sa susunod na araw ng karne ng tupa na handog ninyo sa panahon ng Pista ng Paglampas ng Anghel.
26 “Dalhin ninyo sa templo ng Panginoon na inyong Dios ang pinakamagandang bahagi ng una ninyong ani.
“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing na hindi pa naaawat sa kanyang ina.”
27 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo itong sinasabi ko, dahil ito ang tuntunin ng kasunduan ko sa iyo at sa Israel.” 28 Naroon si Moises kasama ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na wala siyang kinain at ininom. Isinulat niya sa malalapad na bato ang mga tuntunin ng kasunduan – ang Sampung Utos.
29 Nang bumaba si Moises sa Bundok ng Sinai, dala niya ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang mga utos ng Dios. Hindi niya alam na nakakasilaw ang mukha niya dahil sa pakikipag-usap niya sa Panginoon. 30 Nang makita ni Aaron at ng lahat ng mga Israelita ang nakakasilaw na mukha ni Moises, natakot silang lumapit sa kanya. 31 Pero ipinatawag sila ni Moises, kaya lumapit sila Aaron at ang mga pinuno ng mamamayan ng Israel, at nakipag-usap si Moises sa kanila. 32 Pagkatapos, lumapit ang lahat ng mga Israelita sa kanya. At sinabi niya sa kanila ang lahat ng utos na ibinigay sa kanya ng Panginoon sa Bundok ng Sinai.
33 Matapos makipag-usap ni Moises sa kanila, tinalukbungan ni Moises ang kanyang mukha. 34 Pero sa tuwing papasok siya sa Toldang Tipanan para makipag-usap sa Panginoon, tinatanggal niya ang talukbong hanggang sa makalabas siya ng Tolda. Kapag nakalabas na siya, sinasabi niya sa mga Israelita ang lahat ng sinabi ng Panginoon sa kanya, 35 at nakikita ng mga Israelita ang nakakasilaw niyang mukha. At tatalukbungan na naman ni Moises ang mukha niya hanggang sa bumalik siya sa Tolda para makipag-usap sa Panginoon.
Ang Tuntunin sa Araw ng Pamamahinga
35 Tinipon ni Moises ang buong mamamayan ng Israel at sinabi sa kanila, “Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: 2 Sa loob ng anim na araw, gawin ninyo ang mga gawain ninyo, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil banal ang araw na ito at para ito sa Panginoon. Ang sinumang magtrabaho sa araw na ito ay papatayin. 3 Kaya huwag na huwag kayong magtatrabaho, kahit na magsindi ng apoy sa bahay ninyo para magluto sa araw na iyon.”
Ang mga Handog para sa Toldang Sambahan(C)
4 Sinabi ni Moises sa buong mamamayan ng Israel, “Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: 5 Maghandog kayo sa Panginoon mula sa mga ari-arian ninyo. Maghandog nang maluwag sa inyong puso ng mga ginto, pilak, tanso, 6 lanang kulay asul, ube at pula, pinong telang linen, telang gawa sa balahibo ng kambing, 7 balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, magandang klase ng balat, kahoy na akasya, 8 langis ng olibo para sa ilaw, mga sangkap sa langis na pamahid at pabango sa insenso, 9 batong onix at iba pang mamahaling bato na ilalagay sa espesyal na damit[a] ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito.
Hinatulan si Jesus ng Kamatayan(A)
15 Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ng Gobernador na magpalaya ng isang bilanggo na gustong palayain ng mga tao. 16 Nang panahong iyon, may isang kilalang bilanggo na ang pangalan ay Barabas. 17 Nang magtipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, “Sino ang gusto ninyong palayain ko? Si Barabas o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18 Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa pamunuan ng mga Judio na dalhin sa kanya si Jesus.
19 Habang nakaupo si Pilato sa hukuman, nagpadala ang kanyang asawa ng ganitong mensahe: “Huwag mong pakialaman ang taong iyan na walang kasalanan, sapagkat nabagabag ako nang husto dahil sa panaginip ko tungkol sa kanya.”
20 Pero sinulsulan ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang mga tao na hilingin kay Pilato na si Barabas ang palayain, at si Jesus ang ipapatay. 21 Kaya nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Sino sa dalawa ang gusto ninyong palayain ko?” Sumigaw sila, “Si Barabas!” 22 Nagtanong pa ulit si Pilato, “Ano ngayon ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?” Sumagot ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 23 Tinanong sila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang kasalanan?” Pero lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 24 Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa dahil nagsisimula nang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao at sinabi, “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Kayo ang dapat managot. Malinis ang kamay ko sa bagay na ito.” 25 Sumagot ang mga tao, “Kami at ang mga anak namin ang mananagot sa kanyang kamatayan!” 26 Pagkatapos, pinalaya ni Pilato si Barabas. Pero si Jesus ay ipinahagupit niya at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus.
Pinahirapan ng mga Sundalo si Jesus(B)
27 Dinala ng mga sundalo si Jesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya. 28 Hinubaran nila siya at sinuotan ng pulang kapa. 29 Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya, at ipinahawak ang tungkod sa kanyang kanang kamay bilang setro[a] niya. Lumuhod sila sa harap niya at pakutyang sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Dinuraan nila si Jesus at kinuha ang tungkod sa kanyang kamay at paulit-ulit nilang inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos nilang kutyain si Jesus, hinubad nila sa kanya ang kapa at isinuot muli sa kanya ang damit niya. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus.
12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon.
At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya.
13 Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon ang lahat ng tao.
14 Mula sa kanyang luklukan,
tinitingnan niya ang lahat ng narito sa mundo.
15 Siya ang nagbigay ng puso sa mga tao,
at nauunawaan niya ang lahat ng kanilang ginagawa.
16 Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal,
at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas.
17 Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan;
hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan.
18 Ngunit binabantayan ng Panginoon ang mga may takot sa kanya,
sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
19 Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan,
at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan.
20 Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon.
Siya ang tumutulong at sa atin ay nagtatanggol.
21 Nagagalak tayo,
dahil tayoʼy nagtitiwala sa kanyang banal na pangalan.
22 Panginoon, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig.
Ang aming pag-asa ay nasa inyo.
Ang Karunungan at ang Kamangmangan
9 Ang karunungan ay katulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay na may pitong haligi. 2 Pagkatapos, nagkaroon siya ng malaking handaan. Naghanda siya ng mga pagkain at mga inumin. 3 At saka inutusan niya ang mga katulong niyang babae na pumunta sa pinakamataas na lugar ng bayan para ipaalam ang ganito: 4 “Kayong mga kulang sa karunungan at pang-unawa, inaanyayahan kayo sa isang malaking handaan. 5 Halikayo, kumain kayo at uminom ng aking inihanda. 6 Iwanan na ninyo ang kamangmangan upang mabuhay kayo nang matagal at may pang-unawa.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®