Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Exodus 35:10-36:38

Mga Kagamitan para sa Toldang Sambahan(A)

10 “Lumapit ang lahat ng may kakayahang magtrabaho sa inyo at tumulong sa paggawa ng lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: 11 ang Toldang Sambahan at ang mga talukbong nito, mga kawit, mga tablang balangkas, mga biga, mga haligi at mga pundasyon; 12 ang Kahon ng Kasunduan at ang mga tukod na pambuhat, takip at kurtina; 13 ang mesa at ang mga tukod na pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, at ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios; 14 ang lalagyan ng ilaw at mga kagamitan nito, ang mga ilaw at ang langis para sa ilawan; 15 ang altar na pagsusunugan ng insenso at ang mga tukod na pambuhat nito, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina ng pintuan ng Tolda; 16 ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang parilyang tanso, mga tukod na pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, ang tansong planggana at ang patungan nito; 17 ang mga kurtina sa palibot ng bakuran ng Tolda at ang mga haligi at pundasyon nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran; 18 ang mga tulos at mga lubid ng Tolda at ang mga kurtina sa palibot nito, 19 at ang banal na mga damit ni Aaron na pari at mga anak niyang lalaki, na isusuot nila kapag naglilingkod na sila sa Banal na Lugar.”

20 Pagkatapos, umalis ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ni Moises. 21 Ang lahat ng gustong maghandog sa Panginoon ay nagdala ng mga materyales na gagamitin sa paggawa ng Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan nito, at mga materyales para sa mga damit ng mga pari. 22 Ang lahat ng gustong maghandog, lalaki man o babae ay nagdala ng mamahaling mga alahas; mga hikaw, mga kwintas, mga pulseras at ibaʼt ibang klase ng gintong alahas. Dinala nila ang mga ginto nila bilang handog sa Panginoon. 23 May mga naghandog din ng lanang kulay asul, ube at pula, pinong telang linen, tela na gawa sa balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at magandang klase ng balat. 24 Nagdala ang iba ng pilak o kaya naman ay tanso, at mga kahoy na akasya bilang handog sa Panginoon. 25 Nagdala naman ng mga lanang kulay asul, ube at pula, at pinong telang linen ang mga babaeng may kakayahang gumawa ng tela. 26 At ang mga babae namang marunong gumawa ng tela mula sa balahibo ng kambing ay kusang-loob na ginawa nito. 27 Nagdala ang mga pinuno ng mga batong onix at iba pang mamahaling bato para ilagay sa espesyal na damit ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito. 28 Nagdala rin sila ng mga sangkap at langis ng olibo para sa ilaw, para sa langis na pamahid at pabango sa insenso. 29 Kaya ang lahat ng mga Israelita, lalaki man o babae, na gustong tumulong sa lahat ng gawain na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises ay kusang-loob na nagdala ng mga handog sa Panginoon.

Ang mga Manggagawa ng Toldang Sambahan(B)

30 Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pinili ng Panginoon si Bezalel, na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. 31 Pinuspos siya ng Espiritu ng Dios at binigyan ng kaalaman at kakayahan sa anumang gawain – 32 sa paggawa ng magagandang bagay na ginto, pilak at tanso; 33 sa paghuhugis ng mamahaling bato, sa paglililok ng kahoy, at lahat ng klase na gawang kamay. 34 Binigyan din siya ng Dios, at si Oholiab na anak ni Ahisamac na mula sa lahi ni Dan, ng kakayahang magturo sa iba ng mga nalalaman nila. 35 Binigyan sila ng Panginoon ng kakayahang gumawa ng lahat ng klase ng gawain: ang pagdidisenyo, ang paggawa ng tela, ang pagbuburda ng pinong telang linen at ng lanang kulay asul, ube at pula. Kaya nilang gawin ang kahit anong klase ng gawain, at napakahuhusay nilang gumawa.

36 “Sina Bezalel, Oholiab at ang iba pang binigyan ng Panginoon ng kaalaman at kakayahan sa ibaʼt ibang gawain ang siyang gagawa ng Tolda ayon sa utos ng Panginoon.”

Kaya ipinatawag ni Moises sina Bezalel, Oholiab at ang iba pang binigyan ng Panginoon ng kaalaman at kakayahan sa ibaʼt ibang gawain na desididong tumulong sa pagtatrabaho. Ibinigay ni Moises sa kanila ang lahat ng inihandog ng mga Israelita para sa pagpapatayo ng Tolda. At patuloy pa rin ang kusang-loob na pagdadala ng mga tao ng mga handog nila tuwing umaga. Kaya pumunta kay Moises ang mga nagtatrabaho sa Tolda at nagsabi, “Sobra na sa kinakailangan ang dinadala ng mga tao para sa gawaing iniutos ng Panginoon na gawin.”

Kaya ipinadala ni Moises ang utos na ito sa buong kampo: “Huwag na kayong maghahandog para sa pagpapatayo ng Toldang Sambahan.” Kaya tumigil na ang mga tao sa pagdadala ng mga handog nila, dahil sobra-sobra na ang ibinigay nila para sa lahat ng gawain sa Tolda.

Ang Pagpapatayo ng Toldang Sambahan(C)

Ang lahat ng mahuhusay magtrabaho ang gagawa ng Toldang Sambahan. Ang mga gagamitin sa paggawa nito ay sampung piraso ng pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan ito ng kerubin sa mahuhusay na mambuburda. Ang bawat tela ay may haba na 42 talampakan at may lapad na anim na talampakan. 10 Pagtatahi-tahiin nila ito ng tiglilima. 11 Gumawa sila ng parang singsing na telang asul at inihanay sa bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela; 12 tig-50 ang ikinabit sa bawat dulo at magkaharap ito. 13 Gumawa rin sila ng 50 kawit na ginto para mapagsama ang mga parang singsing ng gilid ng pinagdugtong na mga tela. Sa pamamagitan nito, magagawa ang Toldang Sambahan.

14 Kaya gumawa silang talukbong ang Tolda. Labing-isang pirasong tela na gawa sa balahibo ng kambing ang gagamitin sa paggawa nito. 15 May haba na 45 talampakan ang bawat tela at may anim na talampakan ang lapad. 16 Pinagdugtong-dugtong nila ang limang tela, at ganoon din ang ginawa nila sa natirang anim. 17 Nilagyan nila ng 50 parang singsing ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela, 18 at ikinabit nila ang 50 tansong kawit.

19 Ang ibabaw ng talukbong nito ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat.

20 Pagkatapos, gumawa sila ng balangkas ng Tolda. Ang ginamit nila ay tabla ng akasya. 21 Ang haba ng bawat tabla ay 15 talampakan at dalawang talampakan ang lapad. 22 Ang bawat tabla ay nilagyan ng dalawang mitsa[a] para maidugtong ito sa isa pang tabla. Ganito ang ginawa nila sa bawat tabla. 23 Ang 20 sa tablang ito ay ginamit nila na pangbalangkas sa timog na bahagi ng Tolda. 24 Ang mga tabla ay isinuksok nila sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. 25 Ang hilagang bahagi ng Tolda ay ginamitan din ng 20 tabla, 26 at isinuksok din sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon bawat tabla. 27 Ang kanlurang bahagi ng Tolda ay ginamitan nila ng anim na tabla, 28 at dalawang tabla sa mga gilid nito. 29 Ang mga tabla sa sulok ay naikabit nang maayos mula sa ilalim hanggang sa itaas sa pamamagitan ng isang argolya. Ganito rin ang ginawa nila sa dalawang tabla sa mga sulok. 30 Kaya may walong tabla sa bahaging ito ng Tolda, at nakasuksok ito sa 16 na pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla.

31 Gumawa rin sila ng mga akasyang biga – lima para sa bahaging hilaga ng Tolda, 32 lima rin sa bahaging timog, at lima pa rin sa bahaging kanluran, sa likod ng Tolda. 33 Ang biga sa gitna ng balangkas ay inilagay nila mula sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo nito. 34 Binalutan nila ng ginto ang mga tabla at nilagyan ng argolyang[b] ginto na siyang humahawak sa mga tabla. Binalutan din nila ng ginto ang mga biga.

35 Gumawa rin sila ng kurtina na mula sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At maayos na nabuburdahan ng larawan ng kerubin. 36 Gumawa rin sila ng apat na haligi ng akasya na may mga kawit na ginto, at ikinabit nila roon ang kurtina. Ang apat na haligi ay nakasuksok sa apat na pundasyong pilak. 37 Gumawa sila ng isa pang kurtina para sa pintuan ng Toldang Sambahan. Pinong telang linen rin ito na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. 38 Gumawa rin sila ng limang haligi na may mga kawit, at ikinabit nila rito ang kurtina. Ang mga haliging itoʼy nababalutan ng ginto pati na ang mga ulo at baras nito, at nakasuksok ito sa limang pundasyong tanso.

Mateo 27:32-66

Ipinako sa Krus si Jesus(A)

32 Nang nasa labas na sila ng lungsod, nakita nila ang isang lalaking taga-Cyrene na ang pangalan ay Simon. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Pagdating nila sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo,” 34 pinainom nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, pero nang matikman ito ni Jesus ay hindi niya ininom.

35 Ipinako nila si Jesus sa krus, at pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan. 36 Pagkatapos, naupo sila at binantayan si Jesus. 37 Naglagay sila ng karatula sa ulunan ni Jesus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” 38 May dalawa ring tulisan na ipinako sa krus kasabay ni Jesus, isa sa kanan at isa sa kaliwa.

39 Ininsulto si Jesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila 40 at sinasabi, “Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? Bakit hindi mo iligtas ang iyong sarili? Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, bumaba ka sa krus!” 41 Ganoon din ang pangungutya ng mga namamahalang pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Judio. Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba, pero hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Hindi baʼt siya ang Hari ng Israel? Kung bababa siya sa krus, maniniwala na kami sa kanya. 43 Nagtitiwala siya sa Dios at sinasabi niyang siya ang Anak ng Dios. Ngayon, tingnan natin kung talagang ililigtas siya ng Dios!” 44 Maging ang mga tulisang ipinakong kasama niya ay nang-insulto rin sa kanya.

Ang Pagkamatay ni Jesus(B)

45 Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. 46 Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”[a] 47 Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias.” 48 Agad namang tumakbo ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Jesus upang sipsipin niya. 49 Pero sinabi naman ng iba, “Hayaan mo siya. Tingnan natin kung darating nga si Elias para iligtas siya.” 50 Muling sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga.

51 Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. Lumindol sa buong lupain at nagkabitak-bitak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at maraming banal[b] ang muling nabuhay. 53 Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, pumunta sila sa Jerusalem[c] at marami ang nakakita sa kanila.

54 Ang kapitan at ang kanyang mga sundalo na nagbabantay kay Jesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!” 55 Sa di-kalayuan ay maraming babae na nanonood sa mga pangyayari. Noong umalis si Jesus sa Galilea, sumunod ang mga babaeng ito sa kanya at tinulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. 56 Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala,[d] si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang asawa ni Zebedee.

Ang Paglilibing kay Jesus(C)

57 Nang magtakip-silim, isang mayamang lalaki na taga-Arimatea ang dumating. Siya ay si Jose na isa ring tagasunod ni Jesus. 58 Pumunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. 59 Kaya kinuha ni Jose ang bangkay at binalot ng malinis na telang linen. 60 Inilagay niya ito sa bagong libingang hinukay sa gilid ng burol, na ipinagawa niya para sana sa sarili. Pagkatapos, pinagulong niya ang isang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan, at saka siya umalis. 61 Si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria ay naroong nakaupo sa harap ng libingan.

Naglagay ng mga Guwardya sa Libingan

62 Kinabukasan, Araw ng Pamamahinga, pumunta ang mga namamahalang pari at ang mga Pariseo kay Pilato. 63 Sinabi nila, “Natatandaan po namin na noong buhay pa ang mapagpanggap na iyon, sinabi niya na mabubuhay daw siyang muli pagkatapos ng tatlong araw. 64 Kaya mabuti sigurong pabantayan po ninyo ang kanyang libingan sa mga susunod na araw, dahil baka nakawin ng mga tagasunod niya ang kanyang bangkay at ipamalitang nabuhay siya. Kapag nangyari ito, mas magiging masahol pa ang pandarayang ito kaysa sa noong una.” 65 Sumagot si Pilato sa kanila, “May mga guwardya kayo. Kayo na ang magpabantay ayon sa nalalaman ninyo.” 66 Kaya pumunta sila sa libingan, at tinatakan nila ang bato na nakatakip sa libingan upang malaman nila kung may nagbukas, at nag-iwan sila roon ng ilang mga bantay.

Salmo 34:1-10

Ang Kabutihan ng Dios

34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
    Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
    maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
    at itaas natin ang kanyang pangalan.
Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
    Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
    at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
    Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
    at ipinagtatanggol niya sila.

Subukan ninyo at inyong makikita,
    kung gaano kabuti ang Panginoon.
    Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!
Kayong mga hinirang ng Panginoon,
    matakot kayo sa kanya,
    dahil ang may takot sa kanya ay hindi kukulangin sa lahat ng pangangailangan.
10 Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom,
    ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon.

Kawikaan 9:7-8

Kung sasawayin mo ang taong nangungutya, iinsultuhin ka niya. Kung sasawayin mo ang taong masama, sasaktan ka niya. Kaya huwag mong sasawayin ang taong nangungutya, sapagkat magagalit siya sa iyo. Sawayin mo ang taong marunong at mamahalin ka niya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®