Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Exodus 37-38

Ang Paggawa ng Kahon ng Kasunduan(A)

37 Ginawa nina Bezalel ang Kahon ng Kasunduan. Kahoy ng akasya ang ginamit nila. May 45 pulgada ang haba ng Kahon, 27 pulgada ang lapad at taas nito. Binalutan ito ng purong ginto sa loob at labas, at nilagyan ng hinulmang ginto ang mga palibot nito. Ginawaan din nila ito ng apat na argolyang[a] ginto at ikinabit sa apat na paa nito. Gumawa sila ng tukod na akasya na binalutan ng ginto. Ikinabit nila ang mga argolya sa bawat gilid ng Kahon para mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod.

Ginawaan din nila ang Kahon ng takip na purong ginto. May 45 pulgada ang haba at 27 pulgada ang lapad. 7-8 Gumawa rin sila ng dalawang gintong kerubin, at inilagay sa bawat dulo ng takip ng Kahon. Nakalukob ang mga pakpak ng mga kerubin sa ibabaw ng takip para maliliman nila ito. Magkaharap ang dalawang kerubin at nakatingin sa takip.

Ang Paggawa ng Mesa na Nilalagyan ng Tinapay(B)

10 Gumawa rin sila ng mesang akasya na 36 na pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad, at 27 pulgada ang taas. 11 Binalutan ito ng purong ginto at nilagyan ng hinulmang ginto ang palibot nito. 12 Nilagyan din nila ng sinepa[b] ang bawat gilid. Mga apat na pulgada ang lapad at nilagyan din nila ng hinulmang ginto ang sinepa. 13 Pagkatapos, gumawa sila ng apat na argolyang ginto, at ikinabit ito sa apat na paa ng mesa, 14 malapit sa sinepa. Dito nila isinuksok ang mga tukod na pambuhat sa mesa. 15 Gawa sa akasya ang mga tukod na ito at nababalot ng ginto. 16 Gumawa rin sila ng mga kagamitang purong ginto para sa mesa: pinggan, tasa, mangkok at banga na gagamitin para sa mga handog na inumin.

Ang Paggawa ng Lalagyan ng Ilaw(C)

17 Gumawa rin sila ng lalagyan ng ilaw na purong ginto ang paa, katawan, at palamuting hugis bulaklak na ang ibaʼy buko pa lang at ang iba naman ay nakabuka na. Ang palamuti ay kasama nang ginawa nang gawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw. 18 Ang lalagyan ng ilaw ay may anim na sanga, tigtatatlo sa bawat gilid. 19 Ang bawat sanga ay may tatlong palamuting hugis bulaklak ng almendro, na ang iba ay buko pa at ang iba naman ay nakabuka na. 20 Ang katawan ng lalagyan ng ilaw ay may apat na palamuting hugis bulaklak ng almendro, na ang ibaʼy buko pa at ang iba naman ay nakabuka na. 21 May isang hugis bulaklak sa ilalim ng bawat pares ng sanga. 22 Ang mga palamuti at ang mga sanga ay kasama nang ginawa nang gawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw.

23 Gumawa rin sila ng pitong ilaw, mga panggupit ng mitsa nito, at mga pansahod sa upos ng mitsa ng ilaw. Purong ginto ang lahat ng ito. 24 Ang nagamit sa paggawa ng lalagyan ng ilaw at ng lahat ng kagamitan nito ay 35 kilong purong ginto.

Ang Paggawa ng Altar na Pagsusunugan ng Insenso(D)

25 Gumawa rin sila ng altar na akasya na pagsusunugan ng insenso. Kwadrado ito, 18 pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad, at mga tatlong talampakan ang taas. May parang sungay ito sa mga sulok na kasama nang ginawa nang gawin ang altar. 26 Nilagyan nila ng purong ginto ang ibabaw nito, ang apat na gilid at ang parang sungay sa mga sulok at hinulmang ginto sa palibot. 27 Nilagyan nila ng dalawang argolyang ginto ang ilalim ng hinulmang ginto sa magkabilang gilid ng altar, para pagsuksukan ng mga tukod na pambuhat dito. 28 Ang tukod ay gawa sa kahoy ng akasya at binalutan ng ginto.

29 Gumawa rin sila ng banal na langis na pamahid at purong insenso na napakabango.

Ang Paggawa ng Altar na Pagsusunugan ng mga Handog(E)

38 Gumawa rin sila ng kwadradong altar na pagsusunugan ng handog na sinusunog. Pitoʼt kalahating talampakan ang haba nito, pitoʼt kalahating talampakan din ang lapad, at apat at kalahating talampakan ang taas. Nilagyan nila ito ng parang mga sungay sa apat na sulok, na kasama nang ginawa nang gawin ang altar. Binalutan nila ng tanso ang altar. Ang lahat ng kagamitan ng altar ay gawa rin sa tanso – ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, malalaking tinidor para sa karne at mga lalagyan ng baga. Gumawa rin sila ng parilyang tanso para sa altar, at inilagay nila sa ilalim ng altar, sa patungan nito sa gitna ng altar. Gumawa rin sila ng apat na argolyang tanso at ikinabit ito sa apat na sulok ng parilyang tanso. Ang mga argolyang ito ang pagsusuksukan ng mga tukod na pambuhat sa altar. Ang mga tukod ay gawa sa kahoy ng akasya at binalutan ng tanso. Isinuksok nila ang mga tukod sa argolya sa bawat gilid ng altar para mabuhat ito. Tabla ang ginawa nilang altar at bakante ang loob.

Ang Paggawa ng Plangganang Hugasan(F)

Pagkatapos, gumawa sila ng tansong planggana. Ang patungan nito ay tanso rin. Ang mga tansong ginamit dito ay galing sa tanso na salamin ng mga babaeng naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan.[c]

Ang Paggawa sa Bakuran ng Toldang Tipanan(G)

Nilagyan nila ng bakuran ang Toldang Tipanan, at pinalibutan nila ito ng mga kurtina na pinong telang linen. Ang haba ng kurtina sa bandang timog ay 150 talampakan. 10 Ikinabit nila ang kurtina sa 20 haliging tanso na nakasuksok din sa 20 pundasyong tanso. Ang kinabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi. 11 Ang kurtina sa bandang hilaga ay 150 talampakan din ang haba at nakakabit ito sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pinagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.

12 Ang kurtina sa bandang kanluran ay 75 talampakan ang haba, at nakakabit ito sa sampung haligi na nakasuksok naman sa sampung pundasyon. Ang pinagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi. 13 Ang kurtina sa bandang silangan ay 75 talampakan ang haba. 14 Ang pintuan ng bakuran ay nasa silangan, at may mga kurtina ito sa gilid. Ang kurtina sa kanan ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 15 Ang kurtina sa kaliwa ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 16 Ang lahat ng kurtina sa palibot ng bakuran ay gawa sa pinong telang linen. 17 Tanso ang pundasyon ng mga haligi, at pilak naman ang mga kawit, at mga baras nito. Ang mga ulo ng haligi ay nababalutan ng pilak. Ang lahat ng haligi sa palibot ng bakuran ay may baras na pilak.

18 Ang kurtina ng pintuan ng bakuran ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube, at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ang haba nitoʼy 30 talampakan at pitoʼt kalahating talampakan ang taas, katulad ng taas ng mga kurtina na nakapalibot sa bakuran. 19 Ang kurtinang itoʼy nakakabit sa apat na haligi na nakasuksok naman sa apat na pundasyon. Nababalutan ng pilak ang mga kawit at mga baras ng mga haligi at ang mga ulo nito. 20 Purong tanso ang lahat ng tulos ng Tolda at ng bakuran sa palibot nito.

Ang mga Materyales na Ginamit sa Pagpapatayo ng Tolda

21 Ito ang mga materyales na ginamit sa pagpapatayo ng Toldang Sambahan, kung saan nakalagay ang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios. Inilista ng mga Levita ang mga materyales na ito ayon sa utos ni Moises. Ang gawaing itoʼy pinamahalaan ni Itamar na anak ni Aaron na pari.

22 Ang namamahala sa pagpapatayo ng Tolda ay si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. Ginawa niya ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 23 Katulong niya si Oholiab na anak ni Ahisamac, na mula sa lahi ni Dan. Magaling siyang magtrabaho, magdisenyo, at magburda ng pinong telang linen at ng lanang kulay asul, ube at pula.

24 Ang kabuuang timbang ng gintong inihandog para gamitin sa paggawa ng Tolda ay 1,000 kilo ayon sa timbangang ginagamit ng mga pari.

25-26 Ang kabuuang timbang ng pilak na naipon ay 3,520 kilo ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Nanggaling ito sa mga taong nailista sa sensus. Nagbigay ang bawat isa sa kanila ng anim na gramo ng pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. May 603,550 tao na may edad na 20 pataas ang nailista sa sensus. 27 Ang 3,500 kilo ng pilak ay ginamit sa paggawa ng 100 pundasyon ng Tolda at ng mga kurtina, 35 kilo bawat pundasyon. 28 Ang natirang 20 kilong pilak ay ginawang kawit at baras ng mga haligi, at ibinalot sa ulo ng mga haligi.

29 Ang bigat ng tansong inihandog sa Panginoon ay mga 2,500 kilo. 30 Ginamit ito sa paggawa ng mga pundasyon ng mga haligi sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang iba ritoʼy ginamit sa paggawa ng altar na tanso, ng parilya nito, at ng lahat ng kagamitan ng altar. 31 Ginamit din ang mga tanso sa paggawa ng mga pundasyon ng mga haligi sa palibot ng bakuran at ng pintuan nito, at sa paggawa ng lahat ng tulos ng Tolda at ng mga kurtina sa palibot nito.

Mateo 28

Muling Nabuhay si Jesus(A)

28 Madaling-araw ng Linggo, makalipas ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sa libingan si Maria na taga-Magdala kasama ang isa pang Maria upang tingnan ito. Biglang lumindol nang malakas, at isang anghel ng Panginoon ang bumaba mula sa langit at iginulong ang bato na nakatakip sa libingan at inupuan ito. Nakakasilaw na parang kidlat ang kanyang anyo at puting-puti ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga sundalong nagbabantay sa libingan at hinimatay.

Sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito, dahil nabuhay siyang muli tulad ng sinabi niya sa inyo. Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan ng kanyang bangkay.” Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, “Puntahan nʼyo agad ang mga tagasunod niya, at sabihin ninyo sa kanila na nabuhay siyang muli at mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo!” Kaya dali-dali silang umalis sa libingan. At kahit natatakot sila, masaya pa rin sila sa ibinalita sa kanila ng anghel. Patakbo nilang pinuntahan ang mga tagasunod ni Jesus upang ibalita ang pangyayari.

Pero maya-maya, sinalubong sila ni Jesus sa daan at binati. Lumapit sila kay Jesus, niyakap ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot. Puntahan ninyo ang aking mga kapatid at sabihin sa kanila na pumunta sila sa Galilea. Doon nila ako makikita.”

Ang Ulat ng Mga Guwardya

11 Pagkaalis ng mga babae sa libingan, pumunta naman sa lungsod ang ilan sa mga guwardya upang ibalita sa mga namamahalang pari ang nangyari. 12 Matapos makipagpulong ng mga namamahalang pari sa mga pinuno ng mga Judio, sinuhulan nila ng malaking halaga ang mga bantay. 13 Sinabi nila sa mga bantay, “Ipamalita ninyo na habang natutulog kayo kagabi, dumating ang mga tagasunod ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay. 14 Kapag narinig ito ng gobernador, kami na ang bahalang magpaliwanag sa kanya, para hindi kayo mapahamak.” 15 Tinanggap ng mga guwardya ang pera at ginawa ang sinabi sa kanila. Kaya hanggang ngayon, ito pa rin ang kwentong ikinakalat ng mga Judio.

Nagpakita si Jesus sa mga Tagasunod Niya(B)

16 Pumunta ang 11 tagasunod ni Jesus sa Galilea, doon sa isang bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. 17 Nang makita nila si Jesus, sumamba sila sa kanya, kahit na ang ilan ay may pagdududa. 18 Lumapit sa kanila si Jesus at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Kaya puntahan ninyo ang lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod ko. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. At tandaan ninyo: lagi ninyo akong kasama hanggang sa katapusan ng mundo.”

Salmo 34:11-22

11 Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.
    Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 Kung nais ninyo ng masaya at mahabang buhay,
13 iwasan ninyo ang masamang pananalita at pagsisinungaling.
14 Lumayo kayo sa masama at gawin ninyo ang mabuti.
    Pagsikapan ninyong kamtin ang kapayapaan.
15 Iniingatan ng Panginoon ang mga matuwid,
    at pinakikinggan niya ang kanilang mga karaingan.
16 Ngunit kinakalaban ng Panginoon ang mga gumagawa ng masama.
    Silaʼy kanyang nililipol hanggang sa hindi na sila maalala ng mga tao sa mundo.
17 Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid,
    at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
18 Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso,
    at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.

19 Marami ang paghihirap ng mga matuwid,
    ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
20 Silaʼy iniingatan ng Panginoon,
    at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
21 Ang masamang tao ay papatayin ng kanyang kasamaan.
    At silang nagagalit sa taong matuwid ay parurusahan ng Dios.
22 Ngunit ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga lingkod,
    at hindi parurusahan ang isa man sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.

Kawikaan 9:9-10

Kapag tinuruan mo ang isang taong marunong, lalo siyang magiging marunong. At kapag tinuruan mo ang isang taong matuwid, lalo pang lalawak ang kanyang kaalaman.

10 Ang paggalang sa Panginoon ang pasimula ng karunungan. At ang pagkilala sa Banal na Dios ay nagpapahiwatig ng pagkaunawa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®