Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 1-3

Ang Handog na Sinusunog

1-2 Tinawag ng Panginoon si Moises at kinausap doon sa Toldang Tipanan.[a] Inutusan niya si Moises na sabihin sa mga taga-Israel:

Kapag may naghahandog sa inyo ng hayop sa Panginoon, maghandog siya ng baka, tupa, o kambing. Kung baka ang kanyang iaalay bilang handog na sinusunog, kinakailangan ay lalaking baka at walang kapintasan. Ihahandog niya ito malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan, para sa pamamagitan ng handog na ito ay tanggapin siya ng Panginoon. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng bakang inihahandog niya, at itoʼy tatanggapin ng Panginoon para matubos siya sa kanyang mga kasalanan.[b] Pagkatapos, kakatayin niya ang bakang iyon sa presensya ng Panginoon. At ang dugo nitoʼy iwiwisik sa paligid ng altar, sa bandang pintuan ng Toldang Tipanan ng mga pari na mula sa angkan ni Aaron. Pagkatapos mabalatan at hiwa-hiwain ng naghahandog ang baka, ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ay magpapaningas ng apoy sa altar at lalagyan ng panggatong na inayos ng mabuti. At ilalagay nila nang maayos sa apoy ang mga hiniwang karne, pati ang ulo at taba. Pero huhugasan muna ng naghahandog ang mga lamang-loob, ang mga hita at pagkatapos, susunugin ng pari ang mga ito roon sa altar bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy[c] ay makalulugod sa Panginoon.

10 Kapag tupa o kambing ang iaalay ng tao bilang handog na sinusunog, kailangan ding lalaki at walang kapintasan. 11 Kakatayin niya ito sa presensya ng Panginoon doon sa gawing hilaga ng altar. At ang dugo nitoʼy iwiwisik sa paligid ng altar ng mga paring mula sa angkan ni Aaron. 12 At pagkatapos na hiwa-hiwain ito ng naghahandog, ilalagay ito nang maayos ng pari sa apoy pati na ang ulo at taba. 13 Pagkatapos, huhugasan ng naghahandog ang mga lamang-loob at mga paa, at saka ibibigay sa pari para sunugin sa altar bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.

14 Kapag ibon ang iaalay ng isang tao bilang handog na sinusunog para sa Panginoon, kinakailangang kalapati o batu-bato.[d] 15 Itoʼy dadalhin ng pari sa altar, pipilipitin niya ang leeg hanggang sa maputol at patutuluin ang dugo sa paligid ng altar. Ang ulo nito ay susunugin doon sa altar. 16 Pagkatapos, aalisin niya ang butsi at bituka[e] nito, at ihahagis sa gawing silangan ng altar sa pinaglalagyan ng abo. 17 At pagkatapos, bibiyakin niya ang ibon sa pamamagitan ng paghila ng mga pakpak nito, pero hindi niya paghihiwalayin, at saka niya susunugin ang ibon doon sa altar bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.

Handog ng Pagpaparangal sa Panginoon

Kapag may nag-aalay ng handog ng pagpaparangal[f] sa Panginoon, gagamitin niya ang magandang klaseng harina, at lalagyan niya ng langis[g] at insenso. Dadalhin niya ito sa mga paring mula sa angkan ni Aaron. Kukuha ang pari ng isang dakot na pinagsama-samang harina at langis, at susunugin niya ito sa altar kasama na ang insenso na inilagay sa harina. Susunugin niya ito na pinakaalaala sa Panginoon.[h] Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy[i] ay makalulugod sa Panginoon. Ang natirang harina ay para kay Aaron at sa kanyang angkan, at ito ang pinakabanal na bahagi na mula sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

Kapag may naghahandog ng tinapay na niluto sa hurno para parangalan ang Panginoon, kailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at hindi nilagyan ng pampaalsa. Maaaring maghandog ng makapal na tinapay na hinaluan ng langis o ang manipis na tinapay na pinahiran ng langis.

Kung ang tinapay na ihahandog ay niluto sa kawali, kinakailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at may halong langis, pero walang pampaalsa. Pipira-pirasuhin ito at lalagyan ng langis. Itoʼy handog ng pagpaparangal.

Kung ang tinapay na ihahandog ay niluto sa kawali, kinakailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at nilagyan ng langis.

Ang ganitong uri ng mga handog ay dadalhin sa pari para ihandog sa Panginoon doon sa altar. Babawasan ito ng pari at ang ibinawas na iyon ay susunugin niya sa altar na pinakaalaala sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 10 Ang natirang harina ay para kay Aaron at sa kanyang angkan, at ito ang pinakabanal na bahagi na mula sa handog sa pamamagitan ng apoy na inihandog para sa Panginoon.

11 Huwag kayong mag-alay ng mga handog na may pampaalsa bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon, dahil hindi kayo dapat magsunog ng mga pampaalsa o pulot sa inyong paghahandog sa Panginoon ng handog sa pamamagitan ng apoy. 12 Maaari ninyong ihandog ang pampaalsa o pulot bilang handog mula sa una ninyong ani,[j] pero huwag ninyong susunugin sa altar. 13 Lagyan ninyo ng asin ang lahat ng inyong handog ng pagpaparangal, dahil ang asin ay tanda ng inyong walang hanggang kasunduan sa Panginoon. Kaya lagyan ninyo ng asin ang lahat ng inyong handog.

14 Kapag maghahandog kayo mula sa una ninyong ani para parangalan ang Panginoon, maghandog kayo ng mga giniling na butil[k] na binusa. 15 Lagyan ninyo ito ng langis at insenso. Itoʼy handog ng pagpaparangal. 16 At mula sa handog na itoʼy kukuha ang pari ng giniling na butil na nilagyan ng langis at insenso at susunugin na pinakaalaala sa Panginoon. Itoʼy handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

Handog para sa Mabuting Relasyon

Kapag may naghahandog ng baka bilang handog para sa mabuting relasyon, kinakailangang ang ihahandog niya sa presensya ng Panginoon ay walang kapintasan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng baka na ihahandog niya at pagkatapos, papatayin niya sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At iwiwisik ng mga paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa paligid ng altar. Kukuha ang pari ng bahagi na susunugin niya para sa Panginoon. Kukunin niya ang lahat ng taba na nasa loob ng tiyan, at ang nasa lamang-loob, ang mga bato[l] at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. Ang mga itoʼy susunugin ng mga pari sa altar kasama ng handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy[m] ay makalulugod sa Panginoon.

Kung ang ihahandog niya para sa mabuting relasyon ay tupa o kambing, lalaki man o babae, kinakailangang itoʼy walang kapintasan. Kung maghahandog siya ng tupa sa Panginoon, ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng tupa at papatayin niya sa harap ng Toldang Tipanan. At iwiwisik ng mga paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa paligid ng altar. At mula sa handog na itoʼy kukuha ng bahagi na susunugin para sa Panginoon; ang mga taba, ang buntot na mataba na sagad sa gulugod ang pagkakaputol, ang lahat ng taba sa lamang-loob, 10 ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 11 Ang lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog na pagkain.[n] Itoʼy handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

12 Kung maghahandog siya ng kambing sa presensya ng Panginoon, 13 ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing at papatayin niya sa harap ng Toldang Tipanan. Iwiwisik ng paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa palibot ng altar. 14 Pagkatapos, kukuha ang pari ng bahagi na susunugin niya para sa Panginoon mula sa handog na ito. Kukunin niya ang lahat ng taba sa lamang-loob, 15 ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 16 Ang lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog na pagkain. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. Ang lahat ng taba ay sa Panginoon.

17 Huwag kayong kakain ng taba o dugo. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ang susunod pa ninyong mga henerasyon.

Marcos 1:29-2:12

Maraming Pinagaling si Jesus(A)

29 Mula sa sambahan ng mga Judio, pumunta sina Jesus sa bahay nina Simon at Andres. Kasama pa rin nila sina Santiago at Juan. 30 Nakahiga noon ang biyenang babae ni Simon dahil nilalagnat. Sinabi agad nila ito kay Jesus. 31 Nilapitan ni Jesus ang may sakit, hinawakan ang kamay nito at ibinangon. Biglang nawala ang lagnat ng babae, at pinagsilbihan niya sina Jesus.

32 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng may sakit at ang mga sinasaniban ng masamang espiritu. 33 At ang lahat ng tao sa bayang iyon ay nagkatipon-tipon sa harapan ng pinto ng bahay. 34 Maraming may sakit ang pinagaling ni Jesus, anuman ang kanilang karamdaman, at pinalayas din niya ang maraming masamang espiritu. Hindi niya pinayagang magsalita ang masasamang espiritu, dahil alam nila kung sino siya.

Nangaral si Jesus sa Galilea(B)

35 Kinabukasan ng madaling-araw, bumangon si Jesus at pumunta sa ilang upang manalangin. 36 Hinanap siya nina Simon at ng kanyang mga kasama. 37 Nang matagpuan nila si Jesus, sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng lahat.” 38 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Pumunta naman tayo sa mga kalapit-bayan, para makapangaral din ako roon, dahil ito ang dahilan kung bakit ako naparito sa mundo.” 39 Kaya nilibot ni Jesus ang buong Galilea at nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio at nagpalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinaniban ng mga ito.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking May Malubhang Sakit sa Balat(C)

40 Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat.[a] Lumuhod ito sa harap niya at nagmakaawang pagalingin siya. Sinabi niya, “Kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.”[b] 41 Naawa si Jesus sa kanya. Kaya hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” 42 Gumaling agad ang sakit niya, at siya ay luminis. 43-44 Pinaalis siya agad ni Jesus at binilinan, “Huwag mo itong ipagsasabi kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.” 45 Pero pagkaalis niya, ipinamalita niya ang nangyari sa kanya. Kaya kumalat ang balitang ito hanggang sa hindi na lantarang makapasok si Jesus sa mga bayan dahil pinagkakaguluhan siya ng mga tao. Kaya roon na lang siya nanatili sa mga ilang. Pero pumupunta pa rin doon ang mga tao mula sa ibaʼt ibang lugar.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(D)

1-2 Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum. Agad namang kumalat ang balitang naroon siya. Kaya napakaraming tao ang nagtipon doon sa tinutuluyan niya hanggang sa wala nang lugar kahit sa labas ng pintuan. At ipinangaral niya sa kanila ang salita ng Dios. Habang siya ay nangangaral, may mga taong dumating kasama ang isang paralitikong nasa higaan na buhat-buhat ng apat na lalaki. Dahil sa dami ng tao, hindi sila makalapit kay Jesus. Kaya binutasan nila ang bubong sa tapat ni Jesus at saka ibinaba ang paralitikong nakahiga sa kanyang higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Narinig ito ng ilang mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo roon. Sinabi nila sa kanilang sarili, “Bakit siya nagsasalita ng ganyan? Nilalapastangan niya ang Dios! Walang makakapagpatawad ng kasalanan kundi ang Dios lang!” Nalaman agad ni Jesus ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? Alin ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad’? 10 Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na ako na Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, 11 “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi!” 12 Tumayo nga ang paralitiko, agad na binuhat ang kanyang higaan at lumabas habang nakatingin ang lahat. Namangha ang lahat at pinuri nila ang Dios. Sinabi nila, “Ngayon lang kami nakakita ng ganito.”

Salmo 35:17-28

17 Panginoon, hanggang kailan kayo manonood lang?
    Iligtas nʼyo na ako sa mga sumasalakay na ito na parang mga leon na gusto akong lapain.
18 At sa gitna ng karamihan, kayoʼy aking papupurihan at pasasalamatan.
19 Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway sa aking pagkatalo.
    Ang mga galit sa akin nang walang dahilan ay huwag nʼyong payagang kutyain ako.
20 Walang maganda sa sinasabi nila,
    sa halip sinisiraan nila ang namumuhay nang tahimik.
21 Sumisigaw sila sa akin na nagpaparatang,
    “Aha! Nakita namin ang ginawa mo!”
22 Panginoon, alam nʼyo ang lahat ng ito,
    kaya huwag kayong manahimik.
    Huwag kayong lumayo sa akin.
23     Sige na po, Panginoon kong Dios, ipagtanggol nʼyo na ako sa kanila.
24 O Dios ko, dahil kayo ay matuwid kung humatol,
    ipahayag nʼyo na wala akong kasalanan.
    Huwag nʼyong payagang pagtawanan nila ako.
25     Huwag nʼyong hayaang sabihin nila sa kanilang sarili,
    “Sa wakas, nangyari rin ang gusto naming mangyari,
    natalo na rin namin siya!”

26 Mapahiya sana silang nagmamalaki sa akin
    at nagagalak sa aking mga paghihirap.
27 Sumigaw sana sa kagalakan ang mga taong nagagalak sa aking kalayaan.
    Palagi sana nilang sabihin,
    “Purihin ang Panginoon na nagagalak sa tagumpay ng kanyang mga lingkod.”
28 Ihahayag ko sa mga tao ang inyong pagkamakatwiran,
    at buong maghapon ko kayong papupurihan.

Kawikaan 9:13-18

13 Ang kamangmangan ay katulad ng isang babaeng maingay, hindi marunong at walang nalalaman. 14 Nakaupo siya sa pintuan ng kanyang bahay o sa upuan sa mataas na lugar sa lungsod, 15 at tinatawag ang mga dumadaan na papunta sa kanilang trabaho. 16 Sabi niya, “Halikayo rito, kayong mga walang karunungan.” At sinabi pa niya sa walang pang-unawa, 17 “Mas masarap ang tubig na ninakaw at mas masarap ang pagkain na kinakain ng lihim.” 18 Ngunit hindi alam ng mga taong pumupunta sa kanya na sila ay mamamatay. Ang mga nakapunta na sa kanya ay naroon na sa libingan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®