Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 7:28-9:6

Ang Bahagi ng mga Pari sa mga Handog

28 Nag-utos din ang Panginoon kay Moises 29 na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Ang sinumang mag-aalay ng handog para sa mabuting relasyon ay dapat magbukod ng bahagi ng handog na iyon para sa Panginoon na ibibigay sa mga pari. 30 At ang bahaging iyon ng handog ay dadalhin mismo ng maghahandog sa altar upang ialay sa Panginoon bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Dadalhin niya ang taba at pitso ng hayop, at itataas niya ang pitso sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas. 31 Pagkatapos, susunugin ng paring namumuno ng seremonya ang taba sa altar, pero ang pitso ay para kay Aaron at sa kanyang angkan. 32-33 Ang kanang hita ng hayop na inihandog ay ibibigay sa paring naghahandog ng dugo at taba nito. 34 Sapagkat ibinibigay ng Panginoon ang pitso at paa ng inyong handog kay Aaron at sa kanyang mga angkan. Ito ang bahaging para sa kanila magpakailanman.

35 Iyon ang bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon na ibinigay kay Aaron at sa kanyang mga angkan mula sa araw na silaʼy itinalagang maglingkod sa Panginoon bilang mga pari. 36 Nang araw na inordinahan sila, nag-utos ang Panginoon sa mga taga-Israel na dapat nilang ibigay ang bahaging iyon ng mga pari na para sa kanila magpakailanman, at dapat nila itong sundin hanggang sa susunod pang mga henerasyon.

37 Iyon ang tuntunin tungkol sa handog na sinusunog, handog sa paglilinis, handog na pambayad ng kasalanan, handog sa pagtatalaga at handog para sa mabuting relasyon. 38 Ang mga tuntuning ito ay ibinigay ng Panginoon kay Moises doon sa ilang sa Bundok ng Sinai, noong nag-utos ang Panginoon sa mga taga-Israel na maghandog sa kanya.

Pagtatalaga kay Aaron at sa mga Anak Niyang Lalaki(A)

Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2-3 “Papuntahin mo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki roon sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tipunin mo ang lahat ng taga-Israel doon. Sabihin mo sa mga pari na dalhin nila ang kanilang mga damit pampari, ang langis na pamahid, ang toro na handog sa paglilinis, ang dalawang lalaking tupa, at ang basket na may tinapay na walang pampaalsa.”

Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon, at nagtipon ang mga taga-Israel sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Sinabi sa kanila ni Moises na ang gagawin niya ay iniutos sa kanya ng Panginoon. Dinala niya sa gitna si Aaron at ang mga anak niyang lalaki at silaʼy pinaliguan. Ipinasuot niya kay Aaron ang damit bilang punong pari: ang damit-panloob, ang sinturon, ang damit-panlabas, at ang espesyal na damit[a] at binigkisang mabuti ng hinabing sinturon na maganda ang pagkakagawa. Ipinalagay din ni Moises ang isang lalagyan sa dibdib at doon inilagay ang “Urim” at “Thummim”.[b] At ipinasuot din niya ang turban sa ulo ni Aaron at sa harap ng turban ay ikinabit ang gintong sagisag ng pagtatalaga kay Aaron para sa Panginoon. Ginawang lahat ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

10 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang langis at winisikan ang Tolda at ang lahat ng nasa loob bilang pagtatalaga ng lahat ng ito para sa Panginoon. 11 Winisikan din niya ng langis ang altar ng pitong beses at ang lahat ng kagamitan na naroon, pati ang planggana at ang patungan nito. Ginawa ito para ihandog sa Panginoon. 12 Pagkatapos, binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron bilang pagtatalaga sa kanya sa Panginoon. 13 At pinalapit niya sa gitna ang mga anak na lalaki ni Aaron at ipinasuot sa kanila ang kasuotan nila na pampari at nilagyan ng sinturon. Ipinasuot din sa kanila ang kanilang mga turban. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon. 14 Pagkatapos nitoʼy ipinakuha ni Moises ang baka na handog sa paglilinis. At ipinatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng baka. 15 Pagkatapos, pinatay ni Moises ang baka at kumuha siya ng dugo. Inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at pinahiran niya ang parang sungay sa mga sulok ng altar para luminis ito. At ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar. Sa ganitong paraan niya itinalaga ang altar para sa Panginoon upang maging karapat-dapat na lugar na pinaghahandugan ng mga pantubos sa kasalanan. 16 Kinuha rin ni Moises ang lahat ng taba ng lamang-loob ng baka, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at sinunog niya ang lahat ng ito roon sa altar. 17 Ang mga natirang bahagi ng baka, katulad ng laman, balat at lamang-loob ay sinunog niya sa labas ng kampo. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos ng Panginoon. 18 Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang lalaking tupa bilang handog na sinusunog. Ipinatong ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa. 19 At pinatay ni Moises ang tupa at iwinisik ang dugo sa paligid ng altar. 20-21 Kinatay niya ang tupa at hinugasan ang mga lamang-loob at paa, at saka sinunog lahat doon sa altar pati na ang ulo at taba bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. Ginawa ito ni Moises ayon sa utos sa kanya ng Panginoon. 22 Ipinakuha rin ni Moises ang pangalawang lalaking tupa. Ito ang handog para sa pagtatalaga. Ipinatong ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki ang mga kamay nila sa ulo ng tupa. 23 At pinatay ni Moises ang tupa, kumuha siya ng dugo nito at ipinahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ni Aaron at sa kanang hinlalaki ng kamay at paa niya. 24 Pinapunta rin ni Moises sa gitna ang mga lalaking anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo sa ibabang bahagi ng kanang tainga nila, at ang kanang hinlalaki ng kanilang kamay at paa. Pagkatapos, iwinisik niya ang natirang dugo sa palibot ng altar. 25 Kinuha rin niya ang mga taba, ang matabang buntot, ang lahat ng taba sa lamang-loob, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at ang kanang hita. 26-27 Pagkatapos, kumuha rin si Moises ng tinapay mula sa basket na inihandog sa Panginoon – isang makapal na tinapay na walang pampaalsa, isang tinapay na may halong langis at isang tinapay na manipis. Pinahawakan niya ang lahat ng ito kay Aaron at sa mga anak nito pati na ang lahat ng taba at ang kanang hita ng tupa. At itinaas nila ito sa Panginoon bilang handog na itinataas. 28 Pagkatapos, kinuha iyon ni Moises sa kanila at sinunog sa altar kasama ng handog na sinusunog. Iyon ang handog bilang pagtatalaga sa kanila. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 29 Kinuha rin ni Moises ang pitso ng tupa at itinaas sa Panginoon bilang handog na itinataas. Ito ang bahagi niya sa tupang handog ng pagtatalaga. Ang lahat ng itoʼy ginawa ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

30 Pagkatapos, kumuha si Moises ng banal na langis[c] at ng dugo roon sa altar at winisikan niya si Aaron at ang mga anak niya pati na ang kanilang mga damit. Sa ganitong paraan niya sila inihandog pati ang kanilang mga damit sa Panginoon. 31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, “Lutuin ninyo ang karne malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan, at ayon sa iniutos ko sa inyo kainin ninyo ito kasama ang mga tinapay na nasa basket na handog para sa pagtatalaga. 32 Ang matitirang karne at tinapay ay susunugin ninyo. 33 Huwag kayong aalis dito sa loob ng pitong araw hanggaʼt hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. 34 Ang Panginoon ang nag-utos sa atin na gawin natin ang ating ginagawa ngayon, para matubos kayo sa inyong mga kasalanan. 35 Kinakailangang manatili kayo rito araw at gabi sa loob ng pitong araw, at gawin ninyo ang ipinapagawa sa inyo ng Panginoon para hindi kayo mamatay, dahil ito ang iniutos sa akin ng Panginoon na dapat ninyong gawin.” 36 Kaya sinunod ni Aaron at ng mga anak niya ang lahat ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Sinimulan ng mga Pari ang Kanilang Gawain

Nang ikawalong araw, pagkatapos ng pagtatalaga, ipinatawag ni Moises si Aaron at ang mga anak niyang lalaki at ang mga tagapamahala ng Israel. Sinabi ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro, at isang lalaking tupa na parehong walang kapintasan, at ihandog sa Panginoon. Ang baka ay handog sa paglilinis, at ang tupa ay handog na sinusunog. Sabihin mo sa mga taga-Israel na magdala sila ng lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. At kumuha rin sila ng baka at tupa na kapwa isang taon at walang kapintasan, at ihandog bilang handog na sinusunog. Kumuha rin sila ng isang baka at lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon.[d] Ihahandog nila ito kasama ng handog na butil na may halong langis, dahil magpapakita ang Panginoon sa inyo sa araw na ito.”

Kaya dinala nila roon sa harap ng Toldang Tipanan ang lahat ng dadalhin ayon sa sinabi ni Moises sa kanila. At silang lahat ay nagtipon doon sa presensya ng Panginoon. Sinabi ni Moises sa kanila, “Inuutusan kayo ng Panginoon na gawin ninyo ang paghahandog na ito para ipakita niya sa inyo ang kanyang kapangyarihan.”

Marcos 3:31-4:25

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(A)

31 Samantala, dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Nakatayo sila sa labas at ipinatawag nila siya. 32 Maraming tao ang nakaupo sa paligid niya. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at ipinapatawag kayo.” 33 Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” 34 Tiningnan niya ang mga taong nakapalibot sa kanya at sinabi, “Ang mga ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(B)

Muling nagturo si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea. At dahil sa dami ng taong nakapalibot sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon umupo, habang ang mga tao namaʼy nasa dalampasigan. Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “Makinig kayo! May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga binhing iyon. May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang binhi dahil mababaw ang lupa. Ngunit natuyo rin ito nang masikatan ng araw, at dahil hindi malalim ang ugat, namatay ito. May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at natakpan ang mga tumubong binhi kaya hindi namunga. Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa. Tumubo at lumago ang mga ito, at namunga. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”[a] Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan.”[b]

Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)

10 Nang nakauwi na ang mga tao, tinanong siya ng 12 apostol at ng iba pang mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghagang iyon. 11 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa iba[c] ay ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, 12 upang matupad ang nakasulat sa Kasulatan,

    ‘Tumingin man sila nang tumingin, hindi sila makakakita.
    Makinig man sila nang makinig, hindi sila makakaunawa.
    Dahil kung makakaunawa sila, magsisisi sila sa kanilang kasalanan at patatawarin sila ng Dios.’[d]

Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa Manghahasik(D)

13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung hindi ninyo nauunawaan ang talinghaga na ito, paano ninyo mauunawaan ang iba ko pang mga talinghaga? 14 Ang inihahasik ng manghahasik ay ang salita ng Dios. 15 Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. Ngunit dumating agad si Satanas at inagaw ang salita ng Dios na narinig nila. 16 Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi, ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios at masaya itong tinanggap kaagad. 17 Ngunit hindi taimtim sa puso ang pagtanggap nila, kaya hindi tumatagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa salita ng Dios na tinanggap nila, tumatalikod sila kaagad sa kanilang pananampalataya. 18 Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. 19 Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo, paghahangad na yumaman, at paghahabol sa marami pang mga bagay, nakakalimutan nila ang salita ng Dios, kaya hindi namumunga ang salita sa kanilang buhay. 20 Ngunit ang mabuting lupa na hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig ng salita ng Dios at tumanggap nito. Kaya namumunga ito sa kanilang buhay. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”[e]

Ang Talinghaga tungkol sa Ilaw(E)

21 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Walang taong nagsindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng takalan o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan. 22 Ganoon din naman, walang nakatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag.[f] 23 Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan.”[g] 24 Sinabi pa niya, “Makinig kayong mabuti sa sinasabi ko. Bibigyan kayo ng Dios ng pang-unawa ayon sa inyong pakikinig,[h] at dadagdagan pa niya ito. 25 Sapagkat ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya.”

Salmo 37:12-29

12 Ang mga masama ay nagpaplano ng hindi mabuti laban sa mga matuwid,
    at galit na galit sila.
13 Ngunit tinatawanan lamang ng Panginoon ang mga masama,
    dahil alam niyang malapit na ang oras ng paghahatol.
14 Binunot na ng masasama ang kanilang mga espada,
    at nakaumang na ang kanilang mga pana
    upang patayin ang mga dukha na namumuhay nang matuwid.
15 Ngunit sila rin ang masasaksak ng kanilang sariling espada
    at mababali ang kanilang mga pana.

16 Ang kaunting tinatangkilik ng matuwid ay mas mabuti
    kaysa sa kayamanan ng masama.
17 Dahil tutulungan ng Panginoon ang matuwid,
    ngunit mawawalan ng kakayahan ang taong masama.
18 Araw-araw, inaalagaan ng Panginoon ang mga taong matuwid.
    At tatanggap sila ng gantimpalang pangwalang hanggan.
19 Sa panahon ng kahirapan hindi sila malalagay sa kahihiyan.
    Kahit na taggutom, magkakaroon pa rin sila ng kasaganaan.
20 Ngunit ang mga taong masamaʼy mamamatay.
    Ang mga kaaway ng Panginoon ay mamamatay tulad ng bulaklak.
    Silaʼy maglalaho na gaya ng usok.

21 Ang taong masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad,
    ngunit ang taong matuwid ay naaawa at nagbibigay ng sagana.
22 Ang mga pinagpapala ng Panginoon ay patuloy na titira sa lupain ng Israel.
    Ngunit silang mga isinumpa niya ay palalayasin.
23 Ginagabayan ng Panginoon ang bawat hakbang ng taong matuwid na ang buhay ay nakakalugod sa kanya.
24 Matisod man siyaʼy hindi siya mabubuwal,
    dahil hinahawakan siya ng Panginoon.

25 Akoʼy naging bata at ngayoʼy matanda na,
    ngunit hindi ko pa nakita kahit kailan na ang matuwid ay pinabayaan ng Panginoon
    o ang kanya mang mga anak ay namalimos ng pagkain.
26 Ang matuwid ay palaging nagbibigay at nagpapahiram,
    at ang kanilang mga anak ay nagiging pagpapala sa iba.

27 Iwasan ang masama at gawin ang mabuti;
    nang sa gayon ay manahan ka sa lupain magpakailanman.
28 Dahil ang nais ng Panginoon ay katarungan,
    at ang mga taong tapat sa kanya ay hindi niya pinapabayaan.
    Silaʼy iingatan niya magpakailanman.
    Ngunit ang lahi ng mga taong masama ay mawawala.
29 Ang mga matuwid ay mananahan magpakailanman sa lupain ng Israel na sa kanilaʼy ipinamana.

Kawikaan 10:5

Ang nag-iimbak ng pagkain kapag anihan ay anak na marunong, ngunit ang anak na laging tulog kapag anihan ay kahiya-hiya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®