Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 11-12

Ang mga Hayop na Itinuturing na Malinis at Marumi(A)

11 1-3 Inutusan ng Panginoon si Moises at si Aaron na sabihin sa mga taga-Israel ang mga sumusunod:

“Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na lumalakad sa lupa na biyak ang kuko at nginunguyang muli ang kinain nito.[a] 4-8 Pero huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito pero hindi naman biyak ang mga kuko katulad ng kamelyo at kuneho. Huwag din ninyong kakainin ang baboy dahil kahit biyak ang kuko nito hindi naman nginunguyang muli ang kinain nito. Ituring ninyo na maruruming[b] hayop ang mga ito. Huwag kayong kakain ng karne ng mga ito o hihipo ng mga patay na hayop na ito.

9-12 “Pwede nʼyong kainin ang mga isda sa dagat o tubig-tabang na may mga palikpik at kaliskis. Pero huwag ninyong kakainin ang mga walang palikpik at kaliskis, at huwag din kayong hihipo ng mga patay na isdang ito. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga isdang ito.

13-19 “Huwag ninyong kakainin ang mga ibon[c] katulad ng agila, uwak, ibon na kumakain ng bangkay ng tao o hayop, lawin, kuwago, ibong naninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki.[d] Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ibon na ito.

20-23 “Pwede nʼyong kainin ang mga kulisap na lumilipad at gumagapang na may malalaking paa sa paglundag, katulad ng balang, kuliglig, at tipaklong. Pero huwag ninyong kakainin ang iba pang mga kulisap na lumilipad at gumagapang. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ito.

24-28 “Huwag kayong hihipo ng bangkay ng hayop na hindi biyak ang kuko at hindi nginunguyang muli ang kinain nito. Huwag din kayong hihipo ng bangkay ng mga hayop na apat ang paa at may kukong pangkalmot.[e] Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito. Ang sinumang makahipo ng bangkay nila ay dapat maglaba ng kanyang damit,[f] pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

29-31 “Ituring ninyong marumi ang mga hayop na gumagapang katulad ng daga, bubwit, butiki, tuko, bayawak, buwaya, bubuli at hunyango.[g] Ang sinumang makahipo ng mga bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 32 Ang alin mang bagay na mahulugan ng patay na katawan nito ay magiging marumi, maging itoʼy yari sa kahoy, tela, balat, o sako at ginagamit kahit saan. Itoʼy dapat hugasan ng tubig,[h] pero ituturing pa rin na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 33 Kapag ang palayok o banga ay nahulugan ng patay na hayop na ito, ang lahat ng laman sa loob nito ay marumi na, at itoʼy dapat nang basagin. 34 Ang lahat ng pagkain na nilagyan ng tubig na mula sa bangang iyon ay marumi na. At marumi na rin ang anumang inumin na nasa bangang iyon. 35 Ang alin mang mahulugan ng patay na katawan ng mga iyon ay magiging marumi. Kapag ang nahulugan ay pugon o palayok, ituring ninyong marumi iyon at dapat basagin. 36 Ang batis o balon na mahulugan ng kanilang patay na katawan ay mananatiling malinis,[i] pero ang sinumang makahipo ng patay na katawan na iyon ay magiging marumi. 37 Ang alin mang binhi na mahulugan nito ay mananatiling malinis, 38 pero kung ang binhi ay nakababad na sa tubig, ang binhing iyon ay magiging marumi na.

39 “Kung mamatay ang alin mang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humipo nito ay ituturing na marumi, hanggang sa paglubog ng araw. 40 Ang sinumang kukuha at kakain nito ay dapat maglaba ng kanyang damit pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.[j]

41-42 “Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na gumagapang dahil kasuklam-suklam ito: ang anumang gumagapang sa pamamagitan ng kanyang tiyan o apat na paa o maraming paa dahil iyon ay marumi. 43-44 Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa mga ito, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin at kayoʼy magpakabanal dahil akoʼy banal. 45 Ako ang Panginoon na naglabas sa inyo sa Egipto para akoʼy maging Dios ninyo. Kaya dapat kayong mamuhay nang banal dahil akoʼy banal.

46 “Sa pamamagitan ng mga tuntuning ito tungkol sa lahat ng uri ng hayop, ibon at isda, 47 malalaman ninyo kung alin ang malinis at marumi, ang pwede at hindi pwedeng kainin.”

Mga Tuntunin Tungkol sa Babaeng Nanganak

12 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Kung ang isang babae ay nanganak ng lalaki, siyaʼy ituturing na marumi[k] sa loob ng pitong araw, tulad nang panahong siya ay may buwanang dalaw. Sa ikawalong araw, tutuliin ang kanyang anak. Dahil sa siyaʼy dinudugo pa, maghihintay pa siya hanggang sa makalipas ang 33 araw bago siya ituring na malinis[l] dahil sa dugo ng panganganak. Hindi siya maaaring humipo ng kahit anumang bagay at hindi siya maaaring pumunta sa Toldang Tipanan hanggang sa matapos ang kanyang paglilinis. Kung babae ang anak niya, ituturing siyang marumi sa loob ng 14 na araw, tulad nang panahong siya ay siyaʼy may buwanang dalaw. Maghihintay pa siya ng 66 na araw bago siya ituring na malinis mula sa dugo ng panganganak.

Kapag tapos na ang mga araw ng kanyang paglilinis para sa anak na lalaki o babae, magdadala siya sa pari malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan ng isang tupang may isang taong gulang, bilang handog na sinusunog at isang inakay na kalapati o batu-bato bilang handog sa paglilinis. 7-8 Ihahandog ito ng pari sa Panginoon para maalis ang kanyang karumihan dahil sa kanyang pagdurugo sa panganganak at magiging malinis siya. Kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, maghahandog siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato. Ang isa ay bilang handog na sinusunog at ang isa ay bilang handog sa paglilinis. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, maaalis ang karumihan niya at ituturing na siyang malinis. Ito ang mga tuntunin tungkol sa babaeng nanganak.

Marcos 5:21-43

Ang Anak ni Jairus at ang Babaeng Dinudugo(A)

21 Nang bumalik si Jesus sa kabila ng lawa, napakaraming tao ang nagtipon doon sa kanya. 22 Pumunta rin doon si Jairus na namumuno sa sambahan ng mga Judio. Pagkakita niya kay Jesus, lumuhod siya sa paanan nito 23 at nagmakaawa, “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung pwede po sana, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, para gumaling siya at mabuhay!” 24 Sumama sa kanya si Jesus, at sinundan siya ng napakaraming tao na nagsisiksikan sa kanya. 25 May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo. 26 Maraming hirap ang dinanas niya sa kabila ng pagpapagamot sa ibaʼt ibang doktor. Naubos na niya ang lahat ng ari-arian niya sa pagpapagamot, pero sa halip na gumaling ay lalo pang lumala ang kanyang sakit. 27 Nabalitaan niya ang mga himalang ginagawa ni Jesus, kaya nakipagsiksikan siya sa mga tao upang mahipo man lang ang damit ni Jesus. 28 Naisip kasi ng babae, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling ako.” 29 Nang mahipo nga niya ang damit ni Jesus, biglang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya. 30 Agad namang naramdaman ni Jesus na may kapangyarihan na lumabas sa kanya, kaya lumingon siya at nagtanong, “Sino ang humipo sa damit ko?” 31 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Sa dami po ng mga taong sumisiksik sa inyo, bakit pa kayo nagtatanong kung sino ang humipo sa inyo?” 32 Pero patuloy siyang tumingin sa paligid para makita kung sino ang humipo sa kanya. 33 Alam ng babae kung ano ang nangyari sa kanya, kaya lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Ipinagtapat niya ang katotohanan kay Jesus. 34 Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling[a] ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa. Magaling ka na.”

35 Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang ilang tao mula sa bahay ni Jairus. Sinabi nila kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.” 36 Pero hindi pinansin ni Jesus ang sinabi nila. Sa halip, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang.” 37 Hindi pinayagan ni Jesus ang mga tao na sumama sa kanya sa bahay ni Jairus. Sa halip, si Pedro at ang magkapatid na sina Santiago at Juan lang ang isinama niya. 38 Pagdating nila roon, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao. May mga umiiyak at may mga humahagulgol. 39 Pumasok siya sa bahay at sinabi niya sa mga tao, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang!” 40 Pinagtawanan siya ng mga tao. Kaya pinalabas niya silang lahat maliban sa amaʼt ina ng bata at sa tatlo niyang tagasunod. Pagkatapos, pumasok sila sa kwartong kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan niya sa kamay ang bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihin ay “Nene, bumangon ka.” 42 Bumangon naman agad ang bata at nagpalakad-lakad. (12 taon na noon ang bata.) Labis ang pagkamangha ng mga tao sa nangyari. 43 Pero mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag ipagsabi kahit kanino ang nangyari. Pagkatapos, sinabihan sila ni Jesus na bigyan ng makakain ang bata.

Salmo 38

Dalangin ng Taong Dumaranas ng Hirap

38 Panginoon, sa inyong galit, huwag nʼyo akong patuloy na parusahan.
Para bang pinalo nʼyo ako at pinana.
Dahil sa galit nʼyo sa akin, nanlulupaypay ang aking katawan.
    Sumasakit ang buong katawan ko dahil sa aking mga kasalanan.
Parang nalulunod na ako sa nag-uumapaw kong kasalanan.
    Itoʼy para bang pasanin na hindi ko na makayanan.
Dahil sa aking kamangmangan ang aking mga sugat ay namamaga at nangangamoy.
Akoʼy namimilipit sa sobrang sakit at lubos ang kalungkutan ko buong araw.
Sumasakit ang buo kong katawan,
    at bumagsak na rin ang aking kalusugan.
Akoʼy pagod na at nanghihina pa,
    at dumadaing din ako dahil sa sobrang bigat ng aking kalooban.
Panginoon, alam nʼyo ang lahat kong hinahangad,
    at naririnig nʼyo ang lahat kong mga daing.
10 Kumakabog ang aking dibdib at nawawalan ako ng lakas;
    pati ang ningning ng aking mga mata ay nawala na.
11 Dahil sa aking karamdaman,
    akoʼy iniwasan ng aking mga kaibigan, kasamahan,
    at maging ng aking mga kamag-anak.
12 Ang mga tao na gustong pumatay sa akin ay naglalagay ng bitag upang akoʼy hulihin.
    Ang mga gustong manakit sa akin ay nag-uusap na akoʼy ipahamak.
    Buong araw silang nagpaplano ng kataksilan.

13 Ngunit para akong pipi at bingi na hindi nakaririnig at hindi nakapagsasalita.
14 Nagbibingi-bingihan ako at hindi sumasagot sa kanila.
15 Dahil naghihintay pa rin ako sa inyo, Panginoon.
    Kayo, Panginoon na aking Dios, sasagutin nʼyo ako.
16 Kayaʼt hinihiling ko sa inyo:
    “Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway
    o kayaʼy magmalaki kapag akoʼy natumba.”
17 Akoʼy parang babagsak na
    sa walang tigil na paghihirap.
18 Kaya inihahayag ko ang aking kasalanan na nagpapahirap sa akin.

19 Tungkol naman sa aking mga kaaway, napakarami at napakalakas nila.
    Kinamumuhian nila ako ng walang dahilan.
20 Sa mabuti kong ginawa,
    sinusuklian nila ako ng masama.
    At kinakalaban nila ako
    dahil nagsisikap akong gumawa ng mabuti.

21 Panginoon kong Dios, huwag nʼyo akong pababayaan;
    huwag nʼyo akong lalayuan.
22 Panginoon kong Tagapagligtas, agad nʼyo po akong tulungan.

Kawikaan 10:8-9

Sumusunod sa mga utos ang taong marunong, ngunit ang nagsasalita ng kamangmangan ay mawawasak.
May kapayapaan ang taong namumuhay nang matuwid, ngunit ang masama ang pamumuhay ay malalantad.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®