Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 15:1-16:28

Ang mga Lumalabas sa Katawan ng Tao na Itinuturing na Marumi

15 Inutusan ng Panginoon sina Moises at Aaron na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Kung may lumalabas sa ari ng lalaki dahil sa kanyang sakit, ang lumalabas na iyon ay itinuturing na marumi. At kahit na magpatuloy ang pagtulo o hindi, ituturing pa rin siyang marumi. At ituturing na marumi ang anumang mahigaan o maupuan niya. 5-7 At ang sinumang makahipo sa kanya o sa kanyang hinigaan o inupuan ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo,[a] pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

Ang sinumang maduraan ng taong ito ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 9-10 Ang anumang maupuan ng taong ito, katulad ng upuang ginagamit kapag sumasakay sa kabayo ay magiging marumi. Ang sinumang makahipo ng mga bagay na iyon ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

11 Ang sinumang makahipo sa taong iyon habang hindi pa siya nakakapaghugas ng kanyang kamay ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 12 Ang palayok na mahihipo ng taong iyon ay dapat basagin, at ang mga bagay na gawa sa kahoy ay dapat hugasan.

13-14 Kung gumaling na ang may sakit na ito, maghihintay siya ng pitong araw. Pagkatapos, lalabhan niya ang kanyang damit at maliligo ng tubig na galing sa bukal. Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa presensya ng Panginoon malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan. At ibibigay niya sa paring maghahandog noon. 15 Ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para maalis ang karumihan ng taong iyon dahil sa tumutulo sa ari niya; magiging malinis siya.

16 Kung ang isang lalaki ay nilabasan ng kanyang binhi, kinakailangang maligo siya pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 17 Ang alin mang damit o gamit na yari sa balat na natuluan ng binhi ay kinakailangang labhan, pero iyon ay ituturing pa ring marumi hanggang sa paglubog ng araw. 18 Kapag nagsiping ang lalaki at babae, at nilabasan ang lalaki ng binhi, kinakailangang maligo silang dalawa, pero ituturing pa rin silang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

19 Kung ang isang babae ay may buwanang dalaw, ituturing siyang marumi sa loob ng pitong araw, at ang sinumang makahipo sa kanya ay ituturing ding marumi hanggang sa paglubog ng araw. 20 Ang anumang mahigaan o maupuan niya habang siyaʼy may buwanang dalaw ay magiging marumi. 21-23 Ang sinumang makahipo sa kanyang hinigaan o inupuan ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, at ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

24 Kung ang lalaki ay sumiping sa babaeng may buwanang dalaw, ituturing siyang marumi sa loob ng pitong araw. At ang anumang kanyang mahigaan ay ituturing na marumi.

25 Kung ang babae ay dinudugo nang hindi pa panahon ng buwanan niyang dalaw o pagtatapos ng buwanan niyang dalaw, ituturing siyang marumi katulad ng kung siyaʼy may buwanang dalaw. At ituturing siyang marumi habang dinudugo siya. 26 Ang anumang mahigaan niya at maupuan habang siyaʼy dinudugo ay magiging marumi katulad ng kung siyaʼy may buwanang dalaw. 27 At ang sinumang makahipo ng mga iyon ay magiging marumi, kinakailangang maglaba siya ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

28-29 Kung huminto na ang buwanang dalaw ng babae, maghihintay siya ng pitong araw at ituturing na siyang malinis. Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 30 Ihahandog ng pari ang isa bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Ganito ang paraan na gagawin ng pari sa presensya ng Panginoon para maalis ang karumihan ng babae dahil sa buwanan niyang dalaw at magiging malinis na siya.

31 Sinabihan ng Panginoon sina Moises at Aaron na bigyang babala ang mga taga-Israel tungkol sa mga bagay na nakapagpaparumi sa kanila, para hindi sila mamatay kapag lumapit sila sa Tolda ng Panginoon sa gitna ng kampo.

32-33 Ito ang mga tuntunin tungkol sa lalaking nilalabasan ng kanyang binhi o may lumalabas sa ari niya dahil sa kanyang sakit, at tungkol sa babaeng dinudugo sa panahon ng buwanang dalaw o dinudugo bago ang kanyang buwanang dalaw, at tungkol sa lalaking sumisiping sa babaeng itinuturing na marumi.[b]

Ang Seremonya sa Araw ng Pagtubos

16 1-2 Pagkamatay ng dalawang anak na lalaki ni Aaron nang silaʼy naghandog sa Panginoon, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa kapatid mong si Aaron na huwag siyang papasok sa Pinakabanal na Lugar sa kabila ng tabing, sa anumang oras na naisin niya. Kapag ginawa niya iyon, mamamatay siya. Sapagkat doon ako nagpapakita sa anyong ulap sa itaas ng takip ng Kahon ng Kasunduan.”[c]

Ito ang utos ng Panginoon na gagawin ni Aaron sa araw na papasok siya sa Pinakabanal na Lugar: Magdadala siya ng batang toro bilang handog sa paglilinis at lalaking tupa bilang handog na sinusunog. Kinakailangang maligo muna siya at pagkatapos, isuot niya ang kanyang damit pampari na purong linen: pang-ilalim na damit na tatakip sa kanyang kahubaran, ang kanyang sinturon, ang turban na linen, at ang kanyang panlabas na damit.[d] Ang mamamayan ng Israel ay magbibigay sa kanya ng dalawang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, at isang lalaking tupa bilang handog na sinusunog.

Ihahandog ni Aaron ang batang toro bilang handog sa paglilinis para maging malinis siya at ang sambahayan niya. Pagkatapos, kukunin niya ang dalawang kambing at dadalhin din niya sa presensya ng Panginoon, malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At sa pamamagitan ng palabunutan, pipiliin niya kung alin sa dalawang kambing ang para sa Panginoon at ang para kay Azazel.[e] Ang kambing na nabunot sa pamamagitan ng palabunutan na para sa Panginoon ay ang ihahandog niya bilang handog sa paglilinis. 10 Pero ang kambing na nabunot para kay Azazel ang ihahandog niyang buhay sa Panginoon at saka niya ito pakakawalan sa ilang para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan.

Ang mga Detalye ng Seremonyang Iyon

11 Papatayin ni Aaron ang batang toro bilang handog sa paglilinis para sa kanyang sarili at sa sambahayan niya. 12 Pagkatapos, kukuha siya ng lalagyan ng insenso at pupunuin niya ng baga galing sa altar na nasa loob ng Tolda. At kukuha rin siya ng dalawang dakot ng mabangong insenso na pinong-pino, at dadalhin niya sa loob ng Pinakabanal na Lugar. 13 Doon sa presensya ng Panginoon, ilalagay niya ang insenso sa apoy, at ang usok nito ay papailanlang sa palibot ng takip ng Kahon ng Kasunduan, kaya hindi siya mamamatay. 14 Kukuha rin siya ng dugo ng batang toro at tatayo sa harap ng Kahon ng Kasunduan na nakaharap sa silangan. At sa pamamagitan ng mga daliri niya, iwiwisik niya ang dugo sa takip ng pitong beses.

15 Papatayin din niya ang kambing bilang handog sa paglilinis para sa mga tao. Dadalhin din niya ang dugo nito sa Pinakabanal na Lugar at iwiwisik sa takip ng Kahon ng Kasunduan katulad ng kanyang ginawa sa dugo ng batang toro. 16 Ganito ang paraan na gagawin ni Aaron para luminis ang Pinakabanal na Lugar dahil sa karumihan ng mga taga-Israel at sa kanilang mga kasalanan at pagsuway. Itoʼy gagawin din ni Aaron sa lahat ng bahagi ng Tolda[f] na nasa gitna ng maruming mga taga-Israel. 17 Walang sinumang mananatili sa loob ng Tolda sa oras na pumasok si Aaron sa loob ng Pinakabanal na Lugar hanggang sa siyaʼy lumabas. Pagkatapos niyang magawa ang seremonya para matubos siya, ang sambahayan niya at ang lahat ng taga-Israel, 18 saka siya lalabas mula sa Pinakabanal na Lugar at pupunta siya sa altar, malapit sa may pintuan ng Tolda. Kukuha siya ng dugo ng baka at ng kambing na inihandog at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar para iyon ay linisin. 19 Sa pamamagitan ng kanyang mga daliri, iwiwisik niya ng pitong beses ang natirang dugo sa altar para itoʼy ihandog sa Panginoon at upang itoʼy linisin sa karumihan dahil sa kasalanan ng mga taga-Israel.

20 Pagkatapos magawa ni Aaron ang paglilinis sa Pinakabanal na Lugar at sa iba pang bahagi ng Tolda pati na ang altar, dadalhin niya sa gitna ang buhay na kambing. 21 Ipapatong niya ang dalawang kamay niya sa ulo ng kambing at ipapahayag ang lahat ng kasalanan at pagsuway ng mga taga-Israel. Sa ganitong paraan, malilipat ang kanilang kasalanan sa ulo ng kambing. Pagkatapos, ibibigay ni Aaron ang kambing sa taong namamahalang magpakawala nito roon sa ilang. 22 Kaya dadalhin ng kambing ang lahat ng kasalanan ng mga taga-Israel doon sa ilang.

23 Pagkatapos, papasok si Aaron sa Tolda at huhubarin niya ang kanyang damit bilang punong pari na kanyang isinuot bago siya pumasok sa Pinakabanal na Lugar at iiwan niya iyon doon. 24 Maliligo siya sa banal na lugar doon sa Tolda at saka niya isusuot ang pangkaraniwan niyang damit. Pagkatapos, lalabas siya at ihahandog ang dalawang handog na sinusunog para mapatawad ang kanyang mga kasalanan at ang kasalanan ng mga taga-Israel. 25 Susunugin din niya sa altar ang mga taba ng hayop na iniaalay bilang handog sa paglilinis.

26 Ang taong nagpakawala ng kambing sa ilang para kay Azazel ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo. 27 Ang mga natirang bahagi ng baka at kambing na ang dugo ay dinala sa Pinakabanal na Lugar para sa paglilinis ay kailangang dalhin sa labas ng kampo at sunugin. 28 At ang taong magsusunog nito ay kinakailangang maglaba rin ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo.

Marcos 7:1-23

Ang mga Tradisyon(A)

May mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na dumating galing sa Jerusalem at nagtipon sa paligid ni Jesus. Napansin nila na ang ilan sa mga tagasunod ni Jesus ay hindi naghugas ng kamay bago kumain.

Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay bilang pagsunod sa tradisyon ng kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang nabili sa palengke nang hindi muna nila ginagawa ang ritwal ng paglilinis.[a] Marami pa silang mga tradisyong tulad nito, gaya ng paghuhugas ng mga kopa, pitsel at lutuang tanso.

Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sinusunod ng mga tagasunod mo ang mga tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain!” Sinagot sila ni Jesus, “Tamang-tama ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo na mga pakitang-tao. Ayon sa isinulat niya, sinabi ng Dios na,

    ‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,
    ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.
Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba sa akin
    dahil ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’[b]

Sinusuway ninyo ang utos ng Dios, at ang sinusunod ay mga tradisyon ng tao.”

Sinabi pa ni Jesus, “Mahusay kayo sa pagpapawalang-bisa sa mga utos ng Dios para masunod ninyo ang inyong mga tradisyon. 10 Halimbawa na lang, sinabi ni Moises, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’[c] at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[d] 11 Pero itinuturo nʼyo naman na kapag sinabi ng isang anak sa mga magulang niya na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay Korban (ang ibig sabihin, nakalaan na sa Dios), 12 hindi na siya obligadong tumulong pa sa kanila. 13 Pinapawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios sa pamamagitan ng mga tradisyong minana ninyo sa inyong mga ninuno. At marami pa kayong ginagawa na tulad nito.”

Ang Nagpaparumi sa Tao(B)

14 Muling tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15 Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang mga lumalabas sa kanya.” 16 [Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!]

17 Pagkatapos, iniwan niya ang mga tao at pumasok sa bahay. Nang nasa loob na siya, tinanong siya ng mga tagasunod niya kung ano ang ibig sabihin ng talinghaga na iyon. 18 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit, hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan? Hindi nʼyo ba alam na anumang kainin ng tao ay hindi nakakapagparumi sa kanya? 19 Sapagkat anuman ang kainin niya ay hindi naman sa puso pumupunta kundi sa kanyang tiyan, at idudumi rin niya iyon.” (Sa sinabing ito ni Jesus, ipinahayag niya na lahat ng pagkain ay maaaring kainin.) 20 Sinabi pa ni Jesus, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios. 21 Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya na gumawa ng sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, kasakiman, at paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan tulad ng pandaraya, kabastusan, inggitan, paninira sa kapwa, pagyayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”

Salmo 40:11-17

11 Panginoon, huwag nʼyong pigilin ang awa nʼyo sa akin.
    Ang inyong pag-ibig at katapatan ang laging mag-iingat sa akin.
12 Hindi ko na kayang bilangin ang napakarami kong suliranin.
    Para na akong natabunan ng marami kong kasalanan,
    kaya hindi na ako makakita.
    Ang bilang ng aking mga kasalanan ay mas marami pa kaysa sa aking buhok.
    Dahil dito, halos mawalan na ako ng pag-asa.
13 Panginoon, pakiusap!
    Iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
14 Mapahiya sana at malito ang lahat ng nagnanais na mamatay ako.
    Magsitakas sana sa kahihiyan ang lahat ng mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
15 Pahiyain nʼyo nang lubos ang mga nagsasabi sa akin, “Aha! Napasaamin ka rin!”
16 Ngunit ang mga lumalapit sa inyo ay magalak sana at magsaya.
    Ang mga nagpapahalaga sa inyong pagliligtas ay lagi sanang magsabi,
    “Dakilain ang Panginoon!”

17 Ako naman na dukha at nangangailangan,
    alalahanin nʼyo ako, Panginoon.
    Kayo ang tumutulong sa akin.
    Kayo ang aking Tagapagligtas.
    Aking Dios, agad nʼyo akong tulungan.

Kawikaan 10:13-14

13 Nagsasalita ng karunungan ang taong may pang-unawa, ngunit ang walang pang-unawa ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan.
14 Nagdadagdag ng kaalaman ang taong may karunungan, ngunit ang mga hangal ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®