Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 24:1-25:46

Ang mga Ilaw at mga Tinapay sa Loob ng Toldang Tipanan(A)

24 1-4 Sinabi ng Panginoon kay Moises na iutos ito sa mga Israelita:

Magdala kayo ng purong langis mula sa pinigang olibo para sa ilaw na nasa labas ng kwarto kung saan nakalagay ang Kahon ng Kasunduan doon sa Toldang Tipanan, para patuloy itong magningas sa presensya ng Panginoon. Sisindihan ito ni Aaron tuwing takip-silim at patuloy na pagniningasin hanggang sa umaga. Dapat tiyakin na laging nagniningas ang mga ilaw sa patungang ginto nito. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

Ang mga Tinapay na Inihahandog sa Presensya ng Dios

Magluto kayo ng 12 pirasong tinapay, na ang bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina. Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa mesang ginto sa presensya ng Panginoon. Ihanay ninyo ito ng dalawang hanay, tig-anim ang bawat hanay. Lagyan ninyo ng purong insenso ang gilid[a] ng bawat hanay. Ang insenso ang siyang magsisilbing handog para alalahanin ang Panginoon. Susunugin ito bilang handog sa pamamagitan ng apoy sa halip na ang tinapay. Dapat laging maglagay ng tinapay sa presensya ng Panginoon tuwing Araw ng Pamamahinga. Itoʼy tungkulin ninyong mga Israelita magpakailanman. Ang mga tinapay na itoʼy para kay Aaron at sa kanyang angkan. Kakainin nila ito sa banal na lugar doon sa Tolda, dahil ito ang pinakabanal na bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon, at itoʼy para sa kanila magpakailanman.

Ang Parusa sa Panlalait sa Dios at Pamiminsala sa Kapwa

10-11 May isang tao noon na ang ama ay isang Egipcio at ang ina ay Israelita. (Ang pangalan ng ina niya ay si Shelomit na anak ni Dibri na mula sa lahi ni Dan). Siyaʼy nakipag-away sa isang Israelita roon sa kampo, at nilapastangan niya ang pangalan ng Panginoon. Kaya dinala nila siya kay Moises, 12 at ikinulong nila siya hanggang sa malaman nila kung ano ang kalooban ng Panginoon na gawin sa kanya.

13 Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Moises, 14 “Dalhin ninyo sa labas ng kampo ang taong iyon na lumapastangan sa akin. At ang lahat ng nakarinig ng kanyang paglapastangan ay magpatong ng kanilang mga kamay sa ulo niya bilang patunay na siyaʼy dapat managot, at pagkatapos, babatuhin siya ng buong mamamayan. 15-16 At sabihin mo sa mga Israelita na ang sinumang katutubong Israelita o dayuhang naninirahang kasama nila na lalapastangan sa aking pangalan ay mananagot. At dapat siyang batuhin ng lahat hanggang sa mamatay siya.

17 “Ang sinumang pumatay ng tao ay dapat ding patayin. 18 At ang taong pumatay sa hayop ng kanyang kapwa ay dapat palitan ito. Buhay na hayop ang ipapalit niya sa pinatay na hayop. 19-20 Kapag sinaktan ng sinuman ang kanyang kapwa, kailangang saktan din siya katulad ng ginawa niya. Kung binali niya ang buto ng iba, babaliin din ang buto niya, kung dinukot niya ang mata ng iba, dudukutin din ang mata niya, at kung binungi niya ang ngipin ng iba, bubungiin din ang ngipin niya. 21 Ang sinumang makapatay ng hayop ng iba ay dapat niya itong palitan, ngunit ang makapatay ng tao ay dapat ding patayin. 22 Ang mga utos na itoʼy para sa inyong lahat, katutubong Israelita man o dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios.”

23 Pagkatapos itong sabihin ni Moises sa mga Israelita, dinala nila ang taong iyon na lumapastangan sa Dios doon sa labas ng kampo at binato ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Taon ng Pamamahinga ng Lupa

25 Noong si Moises ay nasa bundok ng Sinai, inutusan siya ng Panginoon na sabihin ito sa mga Israelita:

Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong tataniman ang inyong mga bukid tuwing ikapitong taon para akoʼy inyong maparangalan. 3-4 Sa loob ng anim na taon ay makakapagtanim kayo at makakapag-ani, pero sa ikapitong taon ay dapat ninyong pagpahingahin ang lupa. Huwag ninyong tataniman ang inyong mga bukid at puputulan ng mga sanga ang inyong mga ubas. At huwag din ninyong aanihin ang mga butil o pipitasin ang mga bunga ng mga tanim na kusang tumubo. Pero maaari kayong kumuha nito para may makain kayo, ang inyong mga alipin mga manggagawa, mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, mga alaga nʼyong hayop, at mga hayop sa gubat na nasa inyong lupain.

Ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli

8-9 Tuwing ika-49 na taon,[b] sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, ang Araw ng Pagtubos, patunugin ninyo ang mga trumpeta sa buong lupain. 10 Ang ika-50 taon ay ituring ninyong natatanging taon dahil iyon ay panahon ng pagpapalaya ng mga alipin para silaʼy makabalik na sa sarili nilang sambahayan. Panahon din ito ng pagsasauli sa may-ari ng mga lupain na ipinagbili niya. 11-12 Sa taong ito, na Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, huwag kayong magtatanim sa inyong mga bukirin at huwag din kayong mag-aani o mamimitas ng mga bunga ng mga tanim na kusang tumubo, pero pwede kayong kumuha para may makain kayo. Itoʼy banal na taon para sa inyo.

13 Sa taong ito, lahat ng mga ari-ariang ipinagbili sa inyo ay ibalik ninyo sa may-ari. 14 Kaya kung kayoʼy magbebenta o bibili ng lupain sa inyong kapwa Israelita, huwag kayong magdadayaan. 15 Ang halaga ng lupa ay ibabatay ayon sa dami ng taon ng pamumunga nito bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 16 Kung mahaba pa ang mga taon bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, taasan ninyo ang halaga ng lupa, pero kung maigsi na lang, babaan ninyo. Sapagkat ang binibili ninyo ay hindi ang lupang iyon kundi ang dami ng magiging ani nito. 17 Huwag kayong magdadayaan, sa halip ay matakot kayo sa akin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. 18-19 Sundin ninyo ang mga tuntunin at utos ko para kayoʼy mamuhay ng mapayapa sa lupaing inyong titirhan at hindi kayo mawawalan ng pagkain dahil sa masaganang ani ng lupain. 20 Huwag kayong mababahala sa kung ano ang inyong kakainin sa ikapitong taon na hindi kayo makakapagtanim o makakapag-ani. 21 Pagpapalain ko ang inyong mga bukid tuwing ikaanim na taon upang maging masagana ang ani para maging sapat para sa tatlong taon. 22 Kaya sa tuwing magtatanim kayo sa ikawalong taon, ang kakainin ninyo ay ang inyong ani pa rin noong ikaanim na taon, at magiging marami pa ang pagkain ninyo hanggang sa dumating ang tag-ani sa ikasiyam na taon.

23 Huwag ninyong ipagbibili ang inyong lupain na hindi na ninyo matutubos pa, dahil ang lupaing ito ay akin. Pinatitirhan at pinasasakahan ko lang ito sa inyo. 24 Kaya payagan ninyong matubos pa ng may-ari ang kanyang lupain na ipinagbili sa inyo. Ganyan ang gawin ninyo sa lahat ng lupaing binili ninyo.

25 Kung maghirap ang inyong kapwa Israelita at napilitan siyang ipagbili ang kanyang lupain, ang pinakamalapit niyang kamag-anak ang tutubos ng lupaing kanyang ipinagbili. 26 Pero kung wala siyang kamag-anak na tutubos nito para sa kanya, maaari pa rin niya itong tubusin kapag kaya na niya. 27 Kapag nangyari ito, babayaran niya ang bumili ng kanyang lupain ng halagang ayon sa maaani sa lupain hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, at saka pa lang niya maaaring bawiin ang kanyang lupain. 28 Pero kung kulang ang perang pantubos niya, mananatili ang lupain sa bumili hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. At sa taong iyon, ibabalik na sa kanya ang lupain niya nang walang bayad.

29 Kung may taong magbenta ng kanyang bahay na nasa napapaderang lungsod, maaari pa rin niya itong tubusin sa loob ng isang taon pagkatapos niyang ipagbili. 30 Pero kung hindi niya ito matubos sa loob ng isang taon, ang bahay na iyon ay lubusan nang magiging pag-aari ng bumili at ng mga angkan nito magpakailanman. Hindi na ito maaaring bawiin ng may-ari sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 31 Ngunit ang mga bahay sa mga baryo na walang pader ay ituturing na katulad ng bukid na maaaring matubos o mabawi sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.

32 Maaaring tubusin ng mga Levita kahit kailan ang kanilang mga bahay na nasa kanilang bayan. 33 Kung hindi nila iyon matubos, ibabalik iyon sa kanila sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Sapagkat ang mga bahay sa kanilang bayan ay para sa kanila dahil bahagi nila ito na ibinigay ng kapwa nila Israelita. 34 Pati ang mga pastulang nasa palibot ng kanilang bayan ay hindi dapat ipagbili, dahil iyon ay pag-aari nila magpakailanman.

35 Kung maghirap ang kapwa ninyo Israelita at hindi na niya kayang buhayin ang kanyang sarili, tulungan nʼyo siya katulad ng inyong pagtulong sa isang dayuhan o bisita para patuloy siyang makapamuhay kasama ninyo. 36-37 Pahiramin ninyo siya ng pera na walang tubo, at pagbilhan ninyo siya ng pagkain na walang tubo para patuloy siyang naninirahang kasama ninyo. Gawin ninyo ito para ipakita na may takot kayo sa akin na inyong Dios. 38 Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para maibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan upang akoʼy maging Dios ninyo.

39 Kung sa labis na kahirapan ng inyong kapwa Israelita ay napilitang ipagbili ang sarili upang maging alipin, huwag ninyo siyang pagtrabahuhin katulad ng pangkaraniwang alipin. 40 Ituring ninyo siyang isang upahang manggagawa o isang panauhing nakatira sa inyo. Magtatrabaho siya sa inyo hanggang sa sumapit ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 41 Sa taong iyon, malaya na siya at ang mga anak niya, at makakabalik na sila sa kanilang mga kamang-anak at mapapasakanilang muli ang mga pag-aari ng kanilang mga ninuno. 42 Kayoʼy mga alipin ko, kayoʼy mga Israelitang inilabas ko sa Egipto. Kaya huwag ninyong ipagbibili ang inyong sarili para maging alipin. 43 Huwag ninyong pagmamalupitan ang inyong kapwa Israelita na alipin ninyo. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin na inyong Dios.

44 Kung gusto ninyong kayoʼy may alipin, bumili kayo sa mga bansa sa palibot ninyo. 45 Maaari rin kayong bumili ng mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, o ng kanilang mga anak na ipinanganak sa inyong lugar. At ang mga aliping nabili ninyo sa kanila ay magiging pag-aari na ninyo. 46 At maaari nʼyo silang ipamana sa inyong mga anak upang maglingkod sa kanila habang silaʼy nabubuhay. Pero huwag ninyong pagmalupitan ang inyong kapwa Israelita na alipin ninyo.

Marcos 10:13-31

Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)

13 Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Jesus upang patungan niya ng kamay at pagpalain. Pero pinagbawalan sila ng mga tagasunod ni Jesus. 14 Nang makita ni Jesus ang nangyari, nagalit siya at sinabi sa mga tagasunod niya, “Hayaan nʼyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag nʼyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.” 16 Pagkatapos, kinalong niya ang mga bata, ipinatong ang kanyang kamay sa kanila at pinagpala.

Ang Mayamang Lalaking(B)

17 Nang paalis na si Jesus, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya at lumuhod. Nagtanong ang lalaki, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 18 Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba! 19 Tungkol sa tanong mo, alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, huwag kang mandadaya, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”[a] 20 Sumagot ang lalaki, “Guro, sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.” 21 Tiningnan siya ni Jesus nang may pagmamahal at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang mga ari-arian mo, at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 22 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito. At umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya.

23 Tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa mga tagasunod niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios.” 24 Nagtaka sila sa sinabi ni Jesus, kaya sinabi niya, “Mga anak, napakahirap talagang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26 Lalong nagtaka ang mga tagasunod niya, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao pero hindi sa Dios, dahil ang lahat ay posible sa Dios.”

28 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang lahat ng nag-iwan ng bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin at sa Magandang Balita 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan: mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, mga lupa, pati mga pag-uusig. At tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon. 31 Maraming dakila ngayon na magiging hamak, at maraming hamak ngayon na magiging dakila.”

Salmo 44:9-26

Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami at inilagay sa kahihiyan.
    Ang mga sundalo namin ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami sa aming mga kaaway,
    at ang aming mga ari-arian ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami ay lapain na parang mga tupa.
    Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
    Parang wala kaming kwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
    iniinsulto at pinagtatawanan kami ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
    at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
    Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at insulto sa akin ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.

17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
    kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
    o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
    at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo at pinabayaan sa dakong madilim na tinitirhan ng mga asong-gubat.[a]
20 O Dios, kung kayo ay nakalimutan namin,
    at sa ibang dios, kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
    Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
    kami ay palaging nasa panganib ang aming buhay.
    Para kaming mga tupang kakatayin.

23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
    Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
    Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
    Iligtas nʼyo na kami dahil sa inyong pagmamahal sa amin.

Kawikaan 10:20-21

20 Ang salita ng matuwid ay mahalaga tulad ng pilak, ngunit ang isip ng masama ay walang kabuluhan.
21 Sa salita ng matuwid marami ang nakikinabang, ngunit ang mga hangal ay mamamatay dahil walang pang-unawa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®