The Daily Audio Bible
Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.
47 Kung sa labis na kahirapan ay ipinagbili ng isang Israelita ang kanyang sarili bilang alipin sa isang dayuhang naninirahang kasama ninyo, o sa kamag-anak ng dayuhang iyon, 48 ang Israelitang iyon ay maaari pang tubusin. Maaari siyang tubusin ng kanyang kapatid, 49 tiyuhin, pinsan, o sinumang malapit niyang kamag-anak. Maaari ring siya mismo ang tumubos ng kanyang sarili kung kaya na niya. 50-52 Kukuwentahin niya at ng bumili sa kanya kung ilang taon siyang naglingkod at kung magkano ang katumbas na halaga nito kung babayaran siya katulad ng isang upahang manggagawa. At ang halaga nito ay ibabawas niya sa halagang ibinayad sa kanya noong siya ay binili bilang isang alipin. (Ang halagang iyon ay batay sa dami ng taon mula nang siyaʼy binili hanggang sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.) At kung magkano ang natira, iyon ang babayaran niya para matubos ang kanyang sarili. 53 Kinakailangang ituring siya ng dayuhang bumili sa kanya na parang isang upahang manggagawa at huwag siyang pagmamalupitan. 54 Kung hindi siya makakalaya at ang mga anak niya sa ganoong paraan, maaari pa rin silang lumaya sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 55 Kaya hindi kayo magiging alipin ng inyong mga kababayan magpakailanman, dahil alipin ko kayo, ako ang naglabas sa inyo mula sa Egipto. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
Ang Gantimpala sa mga Masunurin(A)
26 Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan katulad ng mga inukit na imahen, mga alaalang bato, o batong may larawan para sambahin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios.
2 Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga at igalang ninyo ang lugar na pinagsasambahan ninyo sa akin. Ako ang Panginoon.
3 Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at mga utos, 4 pauulanin ko sa inyong lugar sa tamang panahon para umani ng sagana ang lupain ninyo at mamunga ng marami ang mga punongkahoy. 5 Kaya gigiik kayo ng mga butil hanggang sa panahon ng pamimitas ng ubas, at ang pamimitas naman ng ubas ay magpapatuloy hanggang sa panahon ng paghahasik. Kaya magiging sagana kayo sa inyong pagkain at mamumuhay kayong payapa sa inyong lupain.
6 Bibigyan ko ng kapayapaan ang inyong lupain kaya makakatulog kayo ng walang kinatatakutan. Palalayasin ko ang mababangis na hayop sa inyong lugar, at walang kalaban na sasalakay sa inyo. 7 Kayo ang sasalakay sa inyong mga kalaban at papatayin ninyo sila. 8 Tatalunin ng lima sa inyo ang 100, at ang 100 sa inyo ay tatalo ng 10,000. 9 Iingatan ko kayo at pararamihin para matupad ko ang aking pangako sa inyo. 10 At dahil sa kasaganaan ng inyong ani, ang inyong kakainin ay mula pa sa dati ninyong inani, na hindi pa nauubos sa lalagyan hanggang sa dumating ang bagong ani na papalit dito. 11 Maninirahan akong kasama ninyo at hindi ko kayo pababayaan. 12 Akoʼy magiging kasama ninyo, at patuloy akong magiging Dios ninyo, at patuloy kayong magiging mga mamamayan ko. 13 Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para huwag na kayong maging mga alipin ng mga taga-Egipto. Pinalaya ko na kayo, kaya wala na kayong dapat ikahiya.
Ang Parusa sa mga Sumusuway(B)
14-15 Pero kung hindi kayo makikinig sa akin, at hindi ninyo susundin ang aking mga utos at tuntunin, nilalabag ninyo ang kasunduan ko sa inyo. 16 Kaya ganito ang gagawin ko sa inyo. Bigla kayong masisindak sa takot dahil padadalhan ko kayo ng mga sakit na hindi gumagaling, at lagnat na magpapadilim ng inyong paningin at magpapahina ng inyong katawan. Magtatanim kayo, pero hindi rin ninyo pakikinabangan dahil sasalakayin kayo ng inyong mga kalaban at kukunin nila at kakainin ang inyong mga ani. 17 Pababayaan ko kayong matalo ng inyong mga kalaban, at kayoʼy sasakupin nitong mga napopoot sa inyo. At dahil sa takot sa kanila, tatakas kayo kahit na walang humahabol sa inyo. 18 At kung hindi pa rin kayo makikinig sa akin, parurusahan ko kayo ng pitong beses.[a] 19 Aalisin ko ang katigasan ng inyong ulo sa pamamagitan ng hindi pagpapadala ng ulan sa inyo, kaya matitigang ang inyong mga lupain.[b] 20 Mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagtatrabaho, dahil wala kayong aanihin sa inyong mga lupain at hindi rin mamumunga ang inyong mga punongkahoy.
21 At kung patuloy pa rin kayong hindi makikinig sa akin, dadagdagan ko pa ng pitong beses ang tindi ng parusa sa inyo. 22 Padadalhan ko kayo ng mababangis na hayop at papatayin nila ang inyong mga anak at mga alagang hayop. At dahil dito, kakaunti na lang ang matitira sa inyo at iilan-ilan na lang ang makikitang lumalakad sa daan ninyo.
23 Kung hindi pa rin kayo makikinig at patuloy pa rin na susuway sa akin, 24 ako na ang makakalaban ninyo at parurusahan ko kayo ng pitong beses. 25 Ipapasalakay ko kayo sa inyong mga kalaban para parusahan kayo dahil sa inyong pagsuway sa kasunduan natin. Kahit na magtago kayo sa loob ng inyong lungsod, padadalhan ko pa rin kayo ng salot. At dahil dito, mapipilitan kayong sumuko sa inyong mga kalaban. 26 Kukulangin kayo ng pagkain, kaya iisang kalan ang paglulutuan ng tinapay ng sampung babae at iyon ay paghahati-hatian pa ninyo. Makakakain nga kayo pero hindi kayo mabubusog.
27 At kung hindi pa rin kayo makikinig at patuloy pang susuway sa akin, 28 magagalit na ako sa inyo at kakalabanin ko kayo, at parurusahan ko kayo ng pitong beses.[c] 29 Gugutumin ko kayo, at mapipilitan kayong kumain ng sarili ninyong anak. 30 Wawasakin ko ang inyong mga sambahan sa matataas na lugar,[d] pati na ang mga altar na pagsusunugan ng insenso. Itatapon ko ang inyong mga bangkay sa ibabaw ng mga patay nʼyong dios-diosan. At itatakwil ko kayo. 31 Wawasakin ko ang inyong mga lungsod at mga sambahan. At hindi ko na nanaisin ang mabangong samyo ng inyong mga handog. 32 Wawasakin ko ang inyong lupain at magtataka ang inyong mga kalaban na sasakop nito. 33 Pasasapitin ko sa inyo ang digmaan na gigiba ng inyong mga bayan at mga lungsod, at pangangalatin ko kayo sa mga bansa. 34-35 Habang bihag kayo ng inyong mga kalaban sa ibang lugar, makakapagpahinga na ang inyong lupain. Sapagkat noong nakatira pa kayo sa inyong lupain, hindi ninyo ito pinagpahinga kahit na sa panahon ng pagpapahinga ng inyong lupain. Pero ngayon ay makakapagpahinga na ito habang nasa ibang lugar kayo.
36-37 Kayong mga natitirang buhay na binihag at dinala ng inyong mga kalaban sa kanilang lugar ay padadalhan ko ng labis na pagkatakot. At kahit na kaluskos lang ng dahon sa ihip ng hangin ay katatakutan ninyo, tatakas kayong parang hinahabol upang patayin, kahit walang humahabol sa inyo. At habang tumatakas kayo, magbabanggaan kayo at magkakandarapa. Hindi kayo makakalaban sa inyong mga kalaban. 38 Mamamatay kayo sa lugar ng inyong mga kalaban. 39 At ang matitira sa inyoʼy unti-unting mamamatay dahil sa inyong mga kasalanan at sa kasalanan ng inyong mga ninuno.
40-41 Dahil sa inyong pagtataksil at pagsuway sa akin, kinalaban ko kayo at ipinabihag sa inyong mga kalaban. Pero kung ipapahayag ninyo ang inyong mga kasalanan at ang kasalanan ng inyong mga ninuno, at titigilan na ang inyong pagmamatigas, at tatanggapin ang mga parusa para sa inyong mga kasalanan, 42 tutuparin ko ang kasunduan ko sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob at ibabalik ko kayo sa inyong lupain. 43 Pero kinakailangang paalisin ko muna kayo sa inyong lupain bilang parusa sa inyong mga kasalanan dahil sa pagsuway ninyo sa aking mga utos at mga tuntunin. At para makapagpahinga ang lupain ninyo habang wala kayo roon. 44 Ngunit kahit na pinarurusahan ko kayo, hindi ko kayo itatakwil habang kayoʼy nasa lupain ng inyong mga kalaban. Hindi ko kayo lilipulin na walang matitira sa inyo. Sapagkat hindi ko maaaring sirain ang kasunduan ko sa inyo, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. 45 Tutuparin ko ang kasunduan ko sa inyong mga ninuno na inilabas ko sa Egipto para maipakita ko sa mga bansa ang aking kapangyarihan. Ginawa ko ito sa inyong mga ninuno para maging Dios nila ako. Ako ang Panginoon.
46 Ito ang mga utos at mga tuntuning ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita roon sa Bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises.
Ang Pagtubos ng mga Bagay na Inihandog sa Panginoon
27 Inutusan ng Panginoon si Moises 2 na sabihin ito sa mga Israelita:
Kung ang isang tao ay inihandog sa Panginoon bilang pagtupad sa isang panata, ang taong iyon ay maaari pang matubos sa panatang iyon, 3-7 kung babayaran niya ng pilak, ang kanyang halaga ay kinakailangang ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari:
Sa edad na isang buwan hanggang apat na taon
lalaki: limang pirasong pilak
babae: tatlong pirasong pilak
Sa edad na lima hanggang 19 na taon
lalaki: 20 pirasong pilak
babae: sampung pirasong pilak
Sa edad na 20 hanggang 59 na taon
lalaki: 50 pirasong pilak
babae: 30 pirasong pilak
Sa edad na 60 taon pataas
lalaki: 15 pirasong pilak
babae: sampung pirasong pilak.
8 Kung dukha ang nagpanata at hindi kayang magbayad ng nasabing halaga, dadalhin niya sa pari ang taong ipinanata niyang ihahandog sa Panginoon, at ang pari ang siyang magbibigay ng halaga ayon sa makakayanan ng tao.
9 Kung ang panatang handog ay hayop na maaaring ihandog sa Panginoon, ang hayop na iyon ay sa Panginoon na. 10 Iyon ay hindi na niya maaaring palitan kahit mas maganda pa ang kanyang ipapalit. Kapag pinalitan niya ito, ang hayop na kanyang ipinanata pati ang ipinalit ay parehong sa Panginoon na. 11 Kung ang kanyang panatang hayop ay itinuturing na marumi at hindi maaaring ihandog sa Panginoon, dadalhin niya iyon sa pari. 12 Titingnan iyon ng pari kung mabuti ba ito o hindi, at bibigyan niya ito ng halaga[e] at hindi na maaaring baguhin pa. 13 Kung babawiin ng may-ari ang hayop. Kinakailangang bayaran niya ang halaga ng hayop at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito.
Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
32 Habang naglalakad sila papuntang Jerusalem, nauna sa kanila si Jesus. Kinakabahan ang mga tagasunod niya at natatakot naman ang iba pang sumusunod sa kanila. Ibinukod ni Jesus ang 12 apostol at muli niyang sinabi kung ano ang mangyayari sa kanya, 33 “Makinig kayo! Papunta na tayo sa Jerusalem, at ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila ako ng kamatayan at ibibigay sa mga hindi Judio. 34 Iinsultuhin nila ako, duduraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit muli akong mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw.”
Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(B)
35 Lumapit kay Jesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee at nagsabi, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” 36 “Ano ang kahilingan ninyo?” Tanong ni Jesus. 37 Sumagot sila, “Sana po, kapag naghahari na kayo ay paupuin nʼyo kami sa inyong tabi; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 38 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya nʼyo bang tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko? Kaya nʼyo ba ang mga hirap na daranasin ko?”[a] 39 Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin ang mga ito. 40 Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o kaliwa ko. Ang mga itoʼy para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”
41 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi nina Santiago at Juan, nagalit sila sa kanila. 42 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam nʼyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit ano ang gustuhin nila ay nasusunod. 43 Pero hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 44 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat kahit ako, na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para matubos ang maraming tao!”
Pinagaling ni Jesus ang Bulag na si Bartimeus(C)
46 Dumating sina Jesus sa Jerico. At nang paalis na siya roon kasama ang mga tagasunod niya at marami pang iba, nadaanan nila ang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siyaʼy si Bartimeus na anak ni Timeus. 47 Nang marinig niyang dumadaan si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya, “Jesus, Anak ni David,[b] maawa po kayo sa akin!” 48 Pinagsabihan siya ng marami na tumahimik. Pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 49 Tumigil si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Kaya tinawag nila si Bartimeus at sinabi, “Lakasan mo ang loob mo. Tumayo ka, dahil ipinapatawag ka ni Jesus.” 50 Itinapon ni Bartimeus ang balabal niya at dali-daling lumapit kay Jesus. 51 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakita.” 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Umuwi ka na; pinagaling[c] ka ng iyong pananampalataya.” Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus sa daan.
Ang Kasal ng Hari
45 Ang aking puso ay punong-puno ng magagandang paksa
habang akoʼy nagsasalita ng mga tula para sa hari.
Ang aking kakayahan sa pagsasalita ay katulad ng kakayahan ng isang magaling na makata.
2 Mahal na Hari, kayo ang pinakamagandang lalaki sa lahat.
At ang mga salita nʼyo ay nakabubuti sa iba.
Kaya lagi kayong pinagpapala ng Dios.
3 Marangal na hari na dakilang mandirigma!
Isukbit nʼyo sa inyong tagiliran ang inyong espada.
4 Ipahayag na ang inyong kadakilaan!
Maging matagumpay kayo na may katotohanan, kapakumbabaan at katuwiran.
Gumawa kayo ng mga kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
5 Patamaan nʼyo ng matatalim nʼyong palaso ang puso ng inyong mga kaaway.
Babagsak ang mga bansa sa inyong paanan.
6 O Dios, ang kaharian mo ay magpakailanman
at ang paghahari moʼy makatuwiran.
7 Kinalulugdan mo ang gumagawa ng matuwid at kinamumuhian mo ang gumagawa ng masama.
Kaya pinili ka ng Dios, na iyong Dios, at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya sa mga kasama mo.
8 Ang mga damit nʼyo ay pinabanguhan ng mira, aloe at kasia.
Sa inyong palasyo na nakakasilaw sa ganda,[a]
nililibang kayo ng mga tugtugin ng alpa.
9 Ang ilan sa inyong mga kagalang-galang na babae ay mga prinsesa.
At sa inyong kanan ay nakatayo ang reyna
na nakasuot ng mga alahas na purong ginto mula sa Ofir.
10 O kasintahan ng hari, pakinggan mo ang sasabihin ko:
Kalimutan mo ang iyong mga kamag-anak at mga kababayan.
11 Nabihag mo ang hari ng iyong kagandahan.
Siyaʼy iyong amo na dapat igalang.
12 Ang mga taga-Tyre ay magdadala sa iyo ng kaloob;
pati ang mga mayayaman ay hihingi ng pabor sa iyo.
13 Nagniningning ang kagandahan ng prinsesa sa loob ng kanyang silid.
Ang kanyang suot na trahe de boda ay may mga burdang ginto.
14 Sa ganitong kasuotan ay dadalhin siya sa hari,
kasama ng mga dalagang abay.
15 Masayang-masaya silang papasok sa palasyo ng hari.
16 Mahal na Hari, ang inyong mga anak na lalaki
ay magiging hari rin, katulad ng kanilang mga ninuno.
Gagawin nʼyo silang mga pinuno sa buong daigdig.
17 Ipapaalala kita sa lahat ng salinlahi.
Kaya pupurihin ka ng mga tao magpakailanman.
22 Ang pagpapala ng Panginoon ay nagpapayaman at hindi niya ito dinadagdagan ng anumang kalungkutan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®