Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 4-5

Ang mga Angkan ni Kohat

Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Isensus ninyo ang mga angkan ni Kohat na sakop ng mga Levita, ayon sa kanilang pamilya. Isama sa bilang ang lahat ng lalaking may edad na 30 hanggang 50 taong gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan.

“Ang mga gawain ng mga angkan ni Kohat sa Toldang Tipanan ay ang pag-aasikaso ng pinakabanal na mga bagay. Kung aalis na kayo sa inyong pinagkakampuhan, si Aaron at ang mga anak niya ay papasok sa Tolda at kukunin ang kurtina sa loob at itataklob ito sa Kahon ng Kasunduan. At tatakluban pa nila ito ng magandang klase ng balat[a] at ng telang asul, at pagkatapos ay isusuot nila sa mga argolya ang mga pambuhat nito.

“Sasapinan din nila ng asul na tela ang mesa na nilalagyan ng tinapay na iniaalay sa presensya ng Dios; at ilalagay nila sa mesa ang mga pinggan, mga tasa, mga mangkok, mga banga na lalagyan ng mga handog na inumin, at hindi aalisin ang mga tinapay na laging nasa mesa. Pagkatapos, tatakluban nila ito ng telang pula, at tatakluban pa ng magandang klase ng balat at pagkatapos ay isusuot ang mga pambuhat nito sa lalagyan.

“Ang mga lalagyan ng ilaw ay babalutin nila ng telang asul, pati ang mga ilaw nito, ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw, ang mga lalagyan ng upos na mula sa ilawan at mga banga na lalagyan ng langis ng ilaw. 10 Babalutin pa nila itong lahat ng magandang klase ng balat at itatali sa tukod na pambuhat.

11 “Tatakluban din nila ng telang asul ang gintong altar at tatakluban pa ng magandang klase ng balat, at pagkatapos, isusuot sa mga argolya ang mga pambuhat nito. 12 Ang mga natirang kagamitan ng Tolda na ginagamit sa paglilingkod sa templo ay babalutin din nila ng telang asul at tatakluban ng magandang klase ng balat ng hayop at itatali sa tukod na pambuhat.

13 “Kailangang alisin ang abo sa altar, at tatakluban ng telang kulay ube. 14 At ilalagay nila sa altar ang lahat ng kagamitan nito: Ang lalagyan ng baga, ang malalaking tinidor para sa karne, ang mga pala at ang mga mangkok. Tatakluban nila ito ng magandang klase ng balat at isusuot nila sa argolya ang mga pambuhat nito.

15 “Matapos takluban ni Aaron at ng mga anak niya ang Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan nito, dadalhin ito ng angkan ni Kohat kapag aalis na sila sa kanilang pinagkakampuhan. Pero hindi nila hahawakan ang mga banal na bagay para hindi sila mamatay. Ito nga ang mga kagamitan ng Toldang Tipanan na dadalhin ng mga angkan ni Kohat.

16 “Si Eleazar na anak ng paring si Aaron ang responsable sa langis para sa mga ilaw, sa insenso, sa araw-araw na handog bilang pagpaparangal sa akin at sa langis na pamahid. Siya ang mamamahala sa buong Tolda at sa lahat ng kagamitan nito.”

17 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 18 “Huwag ninyong pabayaang mawala ang pamilya ni Kohat sa mga Levita. 19 Ganito ang inyong gagawin para hindi sila mamatay kapag lalapit sila sa pinakabanal na mga bagay: sasamahan sila ni Aaron at ng mga anak nito kapag papasok na sila sa Tolda at sasabihin sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin at kung ano ang kanilang dadalhin. 20 Kung hindi sila sasamahan, hindi sila dapat pumasok kahit sandali lang para tingnan ang banal na mga bagay, para hindi sila mamatay.”

Ang mga Angkan ni Gershon

21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 22 “Isensus ang mga angkan ni Gershon ayon sa kanilang pamilya. 23 Isama sa sensus ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan.

24 “Ang mga gawain ng mga angkan ni Gershon ay ang pagdadala ng mga sumusunod: 25 ang mga kurtina ng Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan, ang lahat ng pantaklob nito at ang mga kurtina sa pintuan, 26 ang mga kurtina sa bakuran na nakapalibot sa Tolda at altar, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa paglilingkod sa Tolda. Sila ang gagawa ng lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito. 27 Si Aaron at ang mga anak niya ang mamamahala sa mga angkan ni Gershon tungkol sa kanilang mga gawain, magdadala man ng mga kagamitan o gagawa ng ibang mga gawain. Kayo ni Aaron ang magsasabi kung ano ang kanilang dadalhin. 28 Iyon ang mga gawain ng mga angkan ni Gershon sa Toldang Tipanan. Pangungunahan sila ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”

Ang mga Angkan ni Merari

29 “Bilangin mo rin ang mga angkan ni Merari ayon sa kanilang pamilya. 30 Isama sa bilang ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan. 31 Ito ang kanilang mga gawain sa Toldang Tipanan: sila ang magdadala ng mga balangkas ng Tolda, mga biga nito, mga haligi at ng mga pundasyon. 32 Sila rin ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga haligi na pinagkakabitan ng mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda pati ang mga pundasyon, mga tulos at mga tali. At sila rin ang gagawa ng mga gawaing kaugnay sa mga kagamitang ito. Kayo ni Aaron ang magsasabi sa bawat isa sa kanila kung ano ang kanilang dadalhin. 33 Iyon ang mga gawain ng mga angkan ni Merari sa Toldang Tipanan. Pangungunahan sila ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”

Ang Pagbilang sa mga Levita

34-48 Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, inilista nina Moises, Aaron at ng mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel ang mga angkan nina Kohat, Gershon at Merari ayon sa bawat pamilya nito. Inilista nila ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan, at ito ang bilang nila:

Pamilya Bilang
Kohat2,750
Gershon2,630
Merari3,200

Ang kabuuang bilang nila ay 8,580. 49 Kaya ayon sa utos ng Panginoon kay Moises, binilang ang bawat isa sa kanila at binigyan ng kanya-kanyang gawain at sinabihan kung ano ang kanilang dadalhin.

Ang Paglilinis ng Kampo

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Utusan mo ang mga Israelita na palabasin nila sa kampo ang sinumang may malubhang sakit sa balat o may lumalabas sa kanyang ari dahil sa karamdaman o itinuring siyang marumi dahil nakahipo siya ng patay. Palabasin ninyo sila, lalaki man o babae para hindi nila marumihan ang kampo, kung saan ako naninirahang kasama ninyo.” Kaya pinalabas ng mga Israelita ang mga ganoong tao sa kampo ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Bayad sa Ginawan ng Masama

Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na kung ang isang lalaki o babae ay sumuway sa gusto ng Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng masama sa kanyang kapwa, nagkasala ang taong iyon. Kailangang aminin niya ang nagawang kasalanan, at kailangang bayaran niya ng buo ang ginawan niya ng masama, at dagdagan ng 20 porsiyento ang bayad. Pero kung patay na ang ginawan ng masama at wala na siyang malapit na kamag-anak na tatanggap ng bayad, ang bayad ay mapupunta sa Panginoon at kailangang ibigay ito sa pari, kasama ng tupa na ihahandog ng pari para tubusin ang kasalanan ng taong iyon. Ang lahat ng banal na regalo na dinadala ng mga Israelita sa mga pari ay magiging pag-aari na ng pari. 10 Magiging pag-aari ng mga pari ang mga banal na handog na ito.”

Ang Parusa sa Babaeng Nanlalalaki

11 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, 12-13 “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Kung sakali man na may isang lalaking naghihinala na nanlalalaki ang kanyang asawa, ngunit wala siyang katibayan dahil walang nakakita nito sa akto, 14-15 kailangang dalhin niya ang kanyang asawa sa pari, kahit na hindi totoong dinungisan nito ang sarili sa pamamagitan ng pangangalunya. At kailangang magdala ang lalaki ng handog na dalawang kilong harinang sebada para sa kanyang asawa. Hindi niya ito dapat lagyan ng langis o insenso dahil itoʼy handog ng paghihinala. 16 Dadalhin ng pari ang babae sa aking presensya, 17 at pagkatapos ay maglalagay ang pari ng tubig sa mangkok na gawa sa putik, at lalagyan niya ito ng alikabok na mula sa sahig ng Toldang Tipanan. 18 Kapag pinatayo na ng pari ang babae sa aking presensya, ilulugay ng pari ang buhok ng babae, at ilalagay sa kamay niya ang handog ng paghihinala para malaman kung talagang nagkasala ang babae. Pagkatapos, hahawakan ng pari ang mangkok na may mapait na tubig na nagdadala ng sumpa, 19 at pasusumpain niya ang babae at sasabihin sa kanya, ‘Kung hindi mo dinungisan ang iyong sarili sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ibang lalaki, hindi ka masasaktan ng parusang dala ng tubig na ito. 20 Pero kung dinungisan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ibang lalaki na hindi mo asawa, 21 sumusumpa ako na magiging halimbawa sa mga tao ang sumpa ng Dios sa iyo. At sanaʼy hindi ka magkaanak.[b] 22 Ang tubig sana na ito na nagdadala ng sumpa ay pumasok sa iyong katawan para hindi ka na magkaanak.’ Pagkatapos, sasabihin ng babae, ‘Mangyari sana ito.’

23 “At isusulat ng pari ang sumpang ito sa isang sulatan at huhugasan niya ito sa mangkok na may mapait na tubig. 24 (Kapag napainom na sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa. At kung may kasalanan siya, magiging dahilan ito ng matinding paghihirap niya, kung talagang nagkasala siya.) 25 Pagkatapos, kukunin ng pari sa kamay ng babae ang handog ng paghihinala na inihandog ng asawa niya dahil sa paghihinala nito, at itataas ito ng pari sa aking presensya at dadalhin sa altar. 26 Kukuha ang pari ng isang dakot ng handog na ito upang malaman kung nagkasala nga ang babae o hindi, at susunugin ito sa altar. Pagkatapos, ipapainom niya sa babae ang tubig. 27 Kung totoong dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtataksil sa kanyang asawa, magpaparusa sa kanya nang matindi ang tubig na kanyang ininom na nagdadala ng sumpa. Hindi na siya magkakaanak at magiging halimbawa sa mga tao ang sumpa ng Dios sa kanya. 28 Pero kung hindi niya dinungisan ang kanyang sarili, hindi siya masasaktan, at magkakaanak siya.

29 “Ito ang kautusan tungkol sa lalaki na naghihinala sa kanyang asawa. Kung nadungisan ng babae ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtataksil sa kanyang asawa, 30 o naghihinala ang lalaki sa kanyang asawa na nanlalalaki ito, kailangang patayuin ng pari ang asawa niya sa aking presensya at ipagawa ang kautusang ito sa kanya. 31 Walang pananagutan ang lalaki pero may pananagutan ang babae kung nagkasala siya, at magdurusa siya sa kanyang kasalanan.”

Marcos 12:18-37

Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)

18 May mga Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga taong ito ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.) 19 Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya.[a] 20 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. 21 Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya nang wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo 22 hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat nang walang anak sa babae. At sa huli, namatay din ang babae. 23 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil napangasawa niya silang lahat?”

24 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Dios. 25 Sapagkat sa muling pagkabuhay ay wala nang pag-aasawa. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi nʼyo ba nabasa ang isinulat ni Moises? Noong naroon siya sa may nagliliyab na mababang punongkahoy, sinabi sa kanya ng Dios, ‘Ako ang Dios nila Abraham, Isaac, at Jacob.’ 27 Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay. Kaya maling-mali kayo!”

Ang Pinakamahalagang Utos(B)

28 May isang tagapagturo ng Kautusan doon na nakikinig ng pagtatalo nila. Napakinggan niyang mahusay ang sagot ni Jesus, kaya lumapit siya at nagtanong din, “Ano po ba ang pinakamahalagang utos?” 29 Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan ninyo mga taga-Israel! Ang Panginoon na ating Dios ang natatanging Panginoon. 30 Kaya mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas!’[b] 31 At ang pangalawa ay ito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’[c] Wala nang ibang utos na higit pang mahalaga kaysa sa dalawang ito.” 32 Sinabi ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po kayo, Guro! Totoo ang sinabi ninyo na iisa lang ang Dios at wala nang iba. 33 At kailangang mahalin siya nang buong puso, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas. At kailangan ding mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Higit na mahalaga ito kaysa sa lahat ng uri ng handog na sinusunog at iba pang mga handog.” 34 Nang marinig ni Jesus na may katuturan ang mga sagot nito, sinabi niya rito, “Malapit ka nang mapabilang sa kaharian ng Dios.” Mula noon, wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.

Ang Tanong tungkol sa Cristo(C)

35 Nang minsang nangangaral si Jesus sa templo, tinanong niya ang mga tao, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo raw ay lahi lang ni David? 36 Samantalang si David na mismo na pinatnubayan ng Banal na Espiritu ang nagsabing,

    ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    Maupo ka sa kanan ko
    hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway!’[d]

37 Ngayon, kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siyang naging lahi lang ni David?” Wiling-wili sa pakikinig ang mga tao kay Jesus.

Salmo 48

Ang Zion ang Bayan ng Dios

48 Dakila ang Panginoon na ating Dios,
    at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan,
    ang kanyang banal na bundok.
Itoʼy mataas at maganda,
    at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
    Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,
    at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.

Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.
Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
    nagulat, natakot at nagsitakas sila.
Dahil sa takot, nanginig sila
    gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
Winasak sila ng Dios tulad ng mga barkong panglayag[a]
    na sinisira ng hanging amihan.

Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Dios,
    pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan.
    Siya ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan,
    at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.

Sa loob ng inyong templo, O Dios,
    iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Dios, dakila ang pangalan nʼyo,
    at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
    Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,[b]
    at ng mga bayan ng Juda,
    dahil sa inyong makatarungang paghatol.

12 Mga mamamayan ng Dios,
    libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
    upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 “Siya ang Dios, ang Dios natin magpakailanman.
    Siya ang gagabay sa atin habang buhay.”

Kawikaan 10:26

26 Ang tamad na kinukunsumi ang kanyang amo ay gaya ng suka na nakakangilo at ng usok na nakakaluha.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®