The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
41 Pero nang sumunod na araw, nagreklamo na naman ang buong mamamayang Israelita kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Pinatay ninyo ang mga mamamayan ng Panginoon.”
42 Habang nagkakaisa silang nagrereklamo kina Moises at Aaron, lumingon sila sa Toldang Tipanan at nakita nila na biglang bumalot ang ulap sa Tolda at ipinakita ng Panginoon ang kanyang makapangyarihang presensya. 43 Pumunta sina Moises at Aaron sa harapan ng Tolda 44 at sinabi ng Panginoon kay Moises, 45 “Lumayo kayo sa mga taong iyan dahil ibabagsak ko sila ngayon din.”
Nagpatirapa ang dalawa.
46 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron, “Kunin mo ang lalagyan mo ng insenso at lagyan ito ng insenso at baga galing sa altar, at magmadali kang pumunta sa mga mamamayan at maghandog ka sa Panginoon para mapatawad ang kanilang mga kasalanan, dahil galit na ang Panginoon at nagsimula na ang salot.” 47 Kaya sinunod ni Aaron ang iniutos ni Moises, at tumakbo siya sa gitna ng mga mamamayan. Nagsimula na ang salot sa mga tao, pero naghandog pa rin si Aaron ng insenso para mapatawad ang kasalanan ng mga tao. 48 Tumayo siya sa gitna ng mga taong patay na at ng mga buhay pa at tumigil ang salot. 49 Pero 14,700 ang namatay, hindi pa kasama ang mga namatay dahil kay Kora. 50 Pagkatapos, bumalik si Aaron kay Moises sa pintuan ng Toldang Tipanan dahil tumigil na ang salot.
Ang Tungkod ni Aaron
17 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na ang bawat pinuno sa bawat lahi ay magbibigay sa iyo ng isang baston at isulat doon ang kani-kanilang pangalan. 12 lahat ang baston. 3 Sa baston ng lahi ni Levi, isulat ang pangalan ni Aaron dahil kailangang may isang baston sa bawat pinuno ng lahi. 4 Ilagay mo ang lahat ng ito sa Toldang Tipanan, sa harapan ng Kahon ng Kasunduan kung saan ako nakikipagkita sa inyo ni Aaron. 5 At ang baston ng taong pipiliin ko na maglingkod sa akin bilang pari ay sisibulan at sa pamamagitan nito, titigil ang pagrereklamo ng mga Israelita laban sa inyo ni Aaron.”
6 Kaya sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, at ang bawat pinuno ng lahi ay nagbigay sa kanya ng baston. Ang lahat ng baston ay 12 at isa rito ang kay Aaron. 7 Inilagay lahat ni Moises ang baston sa presensya ng Panginoon doon sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan.
8 Kinaumagahan, pumasok si Moises sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan at nakita niya na ang baston ni Aaron, na kumakatawan sa lahi ni Levi ay hindi lang sumibol kundi nagkabuko pa, namulaklak, at namunga ng almendro. 9 Pagkatapos, inilabas ni Moises ang lahat ng baston at ipinakita sa lahat ng mga Israelita. Tiningnan nila ito, at kinuha ng bawat pinuno ng lahi ang kani-kanilang baston.
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ibalik ang baston ni Aaron sa harapan ng Kahon ng Kasunduan para maging babala ito sa mga rebelde na mamamatay sila kung hindi sila titigil sa pagrerebelde laban sa akin.” 11 Tinupad ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon.
12 Sinabi ng mga Israelita kay Moises, “Mamamatay kami nitong lahat! 13 Dahil sinumang lumapit sa Tolda ng Panginoon ay mamamatay. Mamamatay na ba kaming lahat?”
Ang Tungkulin ng mga Pari at ng mga Levita
18 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang mga anak mong lalaki na mula sa lahi ni Levi ang mananagot sa kasalanang ginawa ninyo sa inyong paglilingkod sa Toldang Pinagtipunan. Pero ikaw lang at ang mga anak mo ang mananagot sa kasalanan na inyong magagawa na may kinalaman sa inyong pagkapari. 2 Kung maglilingkod ka at ang mga anak mo sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan, patulungin nʼyo ang mga kamag-anak nʼyong kapwa Levita. 3 Magtatrabaho sila sa ilalim ng iyong pamamahala at gagawin nila ang lahat ng mga gawain sa Tolda, pero hindi sila dapat humawak sa mga banal na kagamitan ng Tolda o sa altar, dahil kung gagawin nila ito mamamatay sila pati kayo. 4 Tutulong sila sa iyo, at responsibilidad nila ang pag-aasikaso ng Toldang Tipanan at ang paggawa ng lahat ng gawain dito. Dapat walang sinumang tutulong sa iyo at sa iyong mga anak maliban sa lahi ni Levi.
5 “Ikaw ang mamamahala sa pag-aasikaso ng Banal na Lugar at ng altar, para hindi ako muling magalit sa mga Israelita. 6 Ako ang pumili ng kapwa mo Levita mula sa mga Israelita, para maging katulong mo. Itinalaga sila sa akin sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. 7 Pero ikaw lang at ang iyong mga anak ang makapaglilingkod bilang mga pari, dahil kayo lang ang makakagawa ng mga gawain na may kinalaman sa altar at sa Pinakabanal na Lugar. Regalo ko sa inyo ang inyong pagkapari. Papatayin ang sinumang gagawa nito na hindi pari.”
Mga Handog para sa mga Pari at sa mga Levita
8 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ako ang pumili sa iyo na mamahala sa banal na mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita. Ibinibigay ko ito sa iyo at sa iyong mga anak bilang inyong bahagi magpakailanman. 9 May bahagi kayo sa pinakabanal na mga handog na ito na hindi sinusunog, na inihandog ng mga tao sa akin bilang pinakabanal na mga handog. Kasama ng mga handog na ito ang handog bilang pagpaparangal sa akin, handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan. Ito ang mga bahagi mo at ng iyong mga anak. 10 Kainin ninyo ito bilang isang pinakabanal na handog. Kailangang mga lalaki lang ang kakain nito at ituring ninyo itong banal. 11 Ang iba pang mga handog ng mga Israelita na itinataas sa altar ay para rin sa inyo. Ibinibigay ko ito sa iyo at sa iyong mga angkan, bilang inyong bahagi magpakailanman. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis. 12 Ibinibigay ko rin sa inyo ang mabubuting produkto na inihahandog ng mga Israelita mula sa una nilang ani: langis ng olibo, bagong katas ng ubas at trigo. 13 Magiging inyong lahat ang mga produkto na kanilang inihahandog mula sa unang ani ng kanilang lupa. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis.
14 “Ang lahat ng bagay sa Israel na ibinigay sa akin nang buo[a] ay magiging inyo. 15 Ang lahat ng panganay na lalaki, tao man o hayop na inihahandog sa akin ay magiging inyo rin. Pero kailangang tubusin ninyo ang mga panganay na anak na lalaki at ang mga panganay na mga hayop na itinuturing na marumi. 16 Tubusin ninyo ito kung isang buwan na ang edad at kailangang tubusin ninyo ito sa halagang limang pirasong pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. 17 Pero huwag ninyong tutubusin ang panganay na toro, tupa o kambing dahil sa akin ito. Katayin ninyo ito at iwisik ninyo ang dugo sa altar at sunugin ang mga taba bilang handog sa pamamagitan ng apoy.[b] Ang mabangong samyo ng handog na ito ay makalulugod sa akin. 18 Sa inyo ang karne nito, gaya ng dibdib at ng kanang paa ng handog na itinataas ninyo. 19 Ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng mga handog na itinataas ng mga Israelita sa akin. Para ito sa inyo at sa inyong mga angkan bilang inyong bahagi magpakailanman. Kasunduan ko ito sa iyo at sa iyong angkan na hindi magbabago magpakailanman.”[c]
20 Sinabi pa ng Panginoon kay Aaron, “Kayong mga pari ay walang mamanahing lupa sa Israel, dahil ako mismo ang magbibigay ng inyong mga pangangailangan.
21 “Kung tungkol sa mga Levita, babayaran ko sila sa kanilang serbisyo sa Tolda. Ibibigay ko sa kanila ang lahat ng ikapu na ibinibigay ng mga Israelita bilang kanilang bahagi. 22 Mula ngayon, wala nang iba pang Israelita na lalapit sa Toldang Tipanan maliban sa mga pari at sa mga Levita, dahil kung lalapit sila, mananagot sila sa kanilang mga kasalanan, at mamamatay. 23 Ang mga Levita ang responsable sa mga gawain sa Toldang Tipanan, at mananagot sila sa kanilang magagawang kasalanan laban dito. Ang mga tuntuning ito ay dapat tuparin hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Walang mamanahing lupa ang mga Levita sa Israel. 24 Sa halip, ibibigay ko sa kanila bilang kanilang bahagi ang mga ikapu na ibinibigay ng mga Israelita bilang handog nila sa akin. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ko na ang mga Levita ay walang mamanahing lupa sa Israel.”
25 Inutusan ng Panginoon si Moises 26 na sabihin niya ito sa mga Levita: “Kung matanggap na ninyo mula sa mga Israelita ang ikapu na ibibigay ko sa inyo bilang inyong bahagi, kailangang magbigay din kayo ng inyong ikapu galing sa ikapu nila, bilang handog sa akin. 27 Ituturing ko ito bilang inyong handog mula sa mga ani, na parang naghandog kayo ng trigo mula sa giikan o alak mula sa pisaan ng ubas. 28 Sa pamamagitan nito, makapagbibigay din kayo ng handog sa akin galing sa lahat ng ikapu na inyong natanggap mula sa aking mga Israelita. At sa aking bahagi na iyon, ang ikapu nito ay ibigay ninyo sa paring si Aaron. 29 Kailangan na ang aking bahagi ang pinakamagandang parte sa lahat ng ibinibigay sa inyo. 30 Kapag naihandog na ninyo ito, ituturing ko itong handog ninyo mula sa giikan o pisaan ng ubas. 31 Maaari mong kainin at ng iyong pamilya ang inyong bahagi kahit saang lugar dahil sweldo ninyo iyan sa inyong paglilingkod sa Toldang Tipanan. 32 Hindi kayo magkakasala sa pagkain ninyo nito kung naihandog na ninyo ang pinakamabuting bahagi sa Panginoon. Ngunit siguraduhin ninyo na hindi ninyo marurumihan ang banal na mga handog ng mga Israelita, sa pamamagitan ng pagkain ng inyong bahagi nang hindi pa ninyo naibibigay ang aking bahagi para hindi kayo mamatay.”
Muling Nabuhay si Jesus(A)
16 Makalipas ang Araw ng Pamamahinga, sina Maria na taga-Magdala, Maria na ina ni Santiago, at Salome ay bumili ng pabango upang ipahid sa bangkay ni Jesus. 2 Nang araw ng Linggo, kasisikat pa lang ng araw ay pumunta na sila sa libingan. 3 Habang naglalakad sila, nagtatanungan sila kung sino ang mapapakiusapan nilang magpagulong ng bato na nakatakip sa pintuan ng libingan, 4 dahil napakalaki ng batong iyon. Pero pagdating nila roon, nakita nilang naigulong na sa tabi ang bato. 5 Kaya pumasok sila sa libingan, at nakita nila roon ang isang kabataang lalaking nakasuot ng puti na nakaupo sa gawing kanan. Takot na takot sila. 6 Pero sinabi ng lalaki sa kanila, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito. Nabuhay siyang muli! Tingnan ninyo ang pinaglagyan ng bangkay niya.” 7 Pagkatapos, sinabi ng lalaki sa kanila, “Lumakad na kayo, sabihin ninyo sa mga tagasunod niya, lalo na kay Pedro, na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita gaya ng sinabi niya.” 8 Kaya lumabas sa libingan ang mga babae at tumakbo dahil sa matinding takot. Wala silang pinagsabihan, dahil takot na takot sila.
9 [Maagang-maaga pa nang araw ng Linggo nang nabuhay si Jesus. Una siyang nagpakita kay Maria na taga-Magdala. (Siya ang babaeng may pitong masasamang espiritu na pinalayas ni Jesus.) 10 Pinuntahan ni Maria ang mga tagasunod ni Jesus na nagluluksa at umiiyak, at ibinalita ang mga pangyayari. 11 Pero hindi sila naniwala sa ibinalita niyang buhay si Jesus at nagpakita sa kanya. 12 Pagkatapos noon, nagpakita rin si Jesus sa dalawa pa niyang tagasunod na naglalakad patungo sa bukid, pero iba ang kanyang anyo. 13 Kaya bumalik sa Jerusalem ang dalawang tagasunod, at sinabi sa iba nilang kasamahan na nagpakita sa kanila si Jesus. Pero hindi rin naniwala ang mga ito.
14 Nang bandang huli, nagpakita rin si Jesus sa 11 apostol niya habang kumakain ang mga ito. Pinagsabihan niya ang mga ito dahil sa kawalan nila ng pananampalataya at sa katigasan ng kanilang puso, dahil hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya matapos na muli siyang mabuhay. 15 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ninyo ang Magandang Balita sa lahat ng tao. 16 Ang lahat ng sasampalataya at magpapabautismo ay maliligtas, ngunit ang hindi sasampalataya ay parurusahan. 17 At ito ang mga palatandaang makikita sa mga taong sumasampalataya sa akin: sa pamamagitan ng aking kapangyarihan,[a] magpapalayas sila ng masasamang espiritu; magsasalita sila sa ibang mga wika; 18 kung dumampot man sila ng mga ahas o makainom ng anumang lason ay hindi sila mapapahamak; at gagaling ang mga may sakit na papatungan nila ng kanilang mga kamay.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(B)
19 Pagkatapos magsalita ni Jesus sa kanila, iniakyat siya sa langit at umupo sa kanan ng Dios. 20 Pumunta naman ang mga tagasunod niya sa ibaʼt ibang lugar at nangaral. Tinulungan sila ng Panginoon at pinatunayan niya ang ipinangangaral nila sa pamamagitan ng mga himala na kanilang ginagawa.]
Ang Panalangin ng Taong Pinagtaksilan ng Kanyang Kaibigan
55 O Dios, dinggin nʼyo ang aking dalangin.
Ang paghingi ko ng tulong ay bigyan nʼyo ng pansin.
2 Pakinggan nʼyo ako at sagutin,
naguguluhan ako sa aking mga suliranin.
3 Nag-aalala na ako sa pananakot at pang-aapi ng aking mga kaaway.
Dahil galit na galit sila, ginugulo nila ako at pinagbabantaan.
4 Kumakabog ang dibdib ko sa takot na akoʼy mamatay.
5 Nanginginig na ako sa sobrang takot.
6 At nasabi ko ito: “Kung may pakpak lang ako tulad ng kalapati, lilipad ako at maghahanap ng mapagpapahingahan.
7 Lilipad ako ng malayo at doon mananahan sa ilang.
8 Maghahanap agad ako ng mapagtataguan
para makaiwas sa galit ng aking mga kaaway na tulad ng malakas na hangin o bagyo.”
9 Panginoon, lituhin nʼyo ang aking mga kaaway at guluhin nʼyo ang kanilang mga pag-uusap.
Dahil nakita ko ang karahasan at kaguluhan sa lungsod.
10 Araw-gabi itong nangyayari.[a]
Ang lungsod ay puno ng kasamaan at kaguluhan.
11 Laganap ang kasamaan at walang tigil ang pang-aapi at pandaraya sa mga lansangan.
12 Matitiis ko kung ang kaaway ko ang kumukutya sa akin.
Kung ang isang taong galit sa akin ang magmamalaki sa akin, maiiwasan ko siya.
13 Ngunit mismong kagaya ko, kasama ko at kaibigan ko ang sa akin ay nangiinsulto.
14 Dati, malapit kami sa isaʼt isa, at magkasama pa kaming pumupunta sa templo ng Dios.
15 Sanaʼy mamatay na lang bigla ang aking mga kaaway.
Sanaʼy malibing silang buhay sa lugar ng mga patay.
Sapagkat ang kasamaan ay nasa puso nila at sa kanilang mga tahanan.
16 Ngunit ako ay humihingi ng tulong sa Panginoong Dios,
at inililigtas niya ako.
17 Umaga, tanghali at gabi, dumadaing ako at nagbubuntong-hininga sa kanya, at akoʼy pinapakinggan niya.
18 Ililigtas niya ako at iingatan sa aking pakikipaglaban,
kahit napakarami ng aking mga kalaban.
19 Pakikinggan ako ng Dios na naghahari magpakailanman,
at ibabagsak niya ang aking mga kaaway.
Dahil ang aking mga kaaway ay hindi nagbabago at walang takot sa Dios.
20 Kinalaban ng dati kong kaibigan ang kanyang mga kaibigan;
at hindi niya tinupad ang kanyang mga pangako.
21 Malumanay at mahusay nga siyang magsalita,
ngunit puno naman ng poot ang kanyang puso,
at ang kanyang pananalita ay nakakasugat tulad ng matalim na espada.
22 Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya.
Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
23 Ngunit itatapon niya ang mga mamamatay-tao at ang mga mandaraya
sa napakalalim na hukay bago mangalahati ang kanilang buhay.
Ngunit ako, akoʼy magtitiwala sa kanya.
7 Kapag namatay ang taong masama, pag-asa niyaʼy mawawala, at ang kanyang mga inaasahan ay mawawalan ng kabuluhan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®