Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 22:21-23:30

Ang Asno ni Balaam

21 Kaya kinaumagahan, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ng Moab 22 kasama ang kanyang dalawang katulong. Pero habang naglalakbay[a] si Balaam, nagalit ang Panginoon, kaya hinarang siya ng anghel ng Panginoon sa daan. 23 Pagkakita ng asno na nakatayo ang anghel ng Panginoon sa daan na may hawak na espada, lumihis ng daan ang asno at nagpunta sa bukid. Kaya pinalo ito ni Balaam at pinabalik sa daan.

24 Pagkatapos, tumayo ang anghel ng Panginoon sa makitid na daan sa gitna ng dalawang pader ng mga ubasan. 25 Pagkakita ng asno sa anghel ng Panginoon, sumiksik siya sa pader at naipit ang paa ni Balaam sa pader kaya pinalo na naman ito ni Balaam.

26 Pagkatapos, lumakad sa unahan ang anghel ng Panginoon at tumayo sa mas makitid na daan na hindi na talaga makakadaan kahit sa magkabilang gilid. 27 Pagkakita ng asno sa anghel ng Panginoon, tumumba na lang ito at nagalit si Balaam, at pinalo na naman niya ito ng kanyang baston. 28 Pagkatapos, pinagsalita ng Panginoon ang asno, at sinabi niya kay Balaam, “Ano ba ang nagawa ko sa iyo para paluin mo ako ng tatlong beses?” 29 Sumagot si Balaam sa asno, “Ginawa mo akong parang luku-luko. Kung may espada lang ako, papatayin kita ngayon din.” 30 Sinabi ng asno kay Balaam, “Hindi baʼt ako ang asnong palagi mong sinasakyan? Umasal ba ako dati nang gaya nito?” Sumagot si Balaam, “Hindi.”

31 Pagkatapos, ipinakita ng Panginoon kay Balaam ang anghel na nakatayo sa daan na may hawak na espada. Kaya nagpatirapa si Balaam.

32 Nagtanong sa kanya ang anghel ng Panginoon, “Bakit mo ba pinalo ang asno mo ng tatlong beses? Nandito ako para harangan ka dahil masama sa aking paningin ang inasal mo. 33 Nakita ako ng iyong asno at umiwas siya sa akin ng tatlong beses. Kung hindi siya umiwas sa akin, pinatay na sana kita at pinabayaang mabuhay ang iyong asno.”

34 Sinabi ni Balaam sa anghel ng Panginoon, “Nagkasala po ako! Hindi ko alam na nakatayo pala kayo riyan sa daan para humarang sa akin. Kung masama para sa inyong magpatuloy ako, uuwi na lang po ako.”

35 Sinabi ng anghel ng Panginoon kay Balaam, “Sasama ka sa mga taong iyon, pero sabihin mo lang sa kanila ang mga sasabihin ko sa iyo.” Kaya sumama si Balaam sa mga pinuno ni Balak.

36 Nang malaman ni Balak na paparating si Balaam, sumalubong siya roon sa isang bayan ng Moab malapit sa Arnon, sa hangganan ng kanyang teritoryo.

37 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Hindi baʼt dali-dali kitang ipinatawag? Bakit hindi ka kaagad nagpunta? Iniisip mo ba na hindi kita babayaran?” 38 Sumagot si Balaam, “Nandito na ako. Pero sasabihin ko lang sa iyo kung ano ang ipinapasabi ng Dios sa akin.”

39 Pagkatapos, sumama si Balaam kay Balak sa Kiriat Huzot. 40 At naghandog doon si Balak ng baka at tupa. Ibinigay niya ang ibang mga karne kay Balaam at sa mga pinuno na kasama niya. 41 Kinaumagahan, dinala ni Balak si Balaam sa Bamot Baal at doon nakita niya sa ibaba ang buong[b] mamamayan ng Israel.

Ang Unang Mensahe ni Balaam

23 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Pagawan mo ako rito ng pitong altar, at ipaghanda mo ako ng pitong toro at pitong matandang lalaking tupa.” Sinunod ni Balak ang sinabi ni Balaam, at silang dalawa ang naghandog ng toro at ng lalaking tupa sa bawat altar. Pagkatapos, sinabi ni Balaam kay Balak, “Dito ka lang sa tabi ng iyong handog dahil aalis ako. Baka makipagkita ang Panginoon sa akin. Sasabihin ko na lang sa iyo kung ano ang sasabihin niya sa akin.” Kaya umakyat siya sa itaas ng burol.

Nakipagkita ang Panginoon sa kanya at sinabi ni Balaam, “Nagpagawa po ako ng pitong altar, at sa bawat altar ay naghandog ako ng isang batang toro at tupa.”

Binigyan ng Panginoon si Balaam ng mensahe at sinabi, “Bumalik ka kay Balak at sabihin sa kanya ang mensaheng ito.” Kaya bumalik si Balaam, at nakita niya si Balak na nakatayo sa tabi ng kanyang mga handog, kasama ng lahat ng pinuno ng Moab. Pagkatapos, sinabi ni Balaam,

“Ipinatawag mo ako, Haring Balak ng Moab, mula sa Aram, sa kabundukan sa silangan. Sinabi mo sa akin, ‘Dali, sumpain mo ang mga lahi ni Jacob para sa akin. Sumpain sila na mga mamamayan ng Israel.’ Paano ko susumpain ang mga taong hindi isinusumpa ng Dios? Paano ko susumpain ang mga taong hindi isinusumpa ng Panginoon? Mula sa itaas ng bundok, nakita ko sila. Nabubuhay sila nang sila lang, na nakabukod sa ibang mga bansa. 10 Sino ba ang may kayang bumilang sa kanilang dami na tulad ng buhangin sa tabing-dagat? Mamatay sana ako na tulad ng matuwid na mga mamamayan ng Dios.”

11 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Ano itong ginawa mo sa akin? Dinala kita rito para sumpain ang aking mga kaaway pero ang ginawa mo, binasbasan mo pa sila!” 12 Sumagot si Balaam, “Kailangang sabihin ko ang sinabi ng Panginoon sa akin.”

Ang Ikalawang Mensahe ni Balaam

13 Pagkatapos, sinabi ni Balak sa kanya, “Sumama ka sa akin sa isa pang lugar na kung saan makikita mo ang iba pang mga mamamayan ng Israel, pero hindi ang lahat. At doon, sumpain mo sila.” 14 Kaya dinala ni Balak si Balaam sa isang bukid sa Zofim, sa ibabaw ng bundok ng Pisga, at doon nagpatayo sila ng pitong altar at naghandog ng pitong baka at pitong lalaking tupa, isa sa bawat altar.

15 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Dito ka lang sa tabi ng iyong handog habang nakikipagkita ako sa Panginoon diyan sa unahan.”

16 Nakipagkita ang Panginoon kay Balaam at binigyan niya siya ng mensahe. At sinabi niya, “Bumalik ka kay Balak at sabihin mo sa kanya ang mensaheng ito.”

17 Kaya nagbalik si Balaam kay Balak, at nakita niya siya na nakatayo sa tabi ng kanyang handog, kasama ng mga pinuno ng Moab. Nagtanong si Balak kay Balaam, “Ano ang sinabi ng Panginoon sa iyo?”

18 Sinabi ni Balaam, “Dali, Balak na anak ni Zipor, at pakinggan mo ako. 19 Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, o magbabago ng kanyang isip. Nagsasabi ba siya ng hindi niya ginagawa? Nangangako ba siya ng hindi niya tinutupad? 20 Inutusan niya akong magbasbas, at kapag nabasbasan na niya, hindi ko na ito mababawi pa. 21 Wala akong nakitang kapahamakan o kaguluhan na dadating sa Israel. Kasama nila ang Panginoon na kanilang Dios; kinikilala nila siya na kanilang hari. 22 Inilabas sila ng Dios sa Egipto; tulad siya ng isang malakas na toro para sa kanila. 23 Walang manghuhula o mangkukulam na makakasakit sa kanila. Kaya sasabihin ng mga tao tungkol sa Israel, ‘Tunay na kamangha-mangha ang ginawa ng Dios sa Israel. 24 Tulad ng isang leong handang sumalakay ang mamamayang ito at hindi nagpapahinga hanggang sa malamon niya ang kanyang biktima at mainom ang dugo nito.’ ”

25 Pagkatapos, sinabi ni Balak kay Balaam, “Kung hindi mo sila susumpain, huwag mo silang pagpapalain!” 26 Sumagot si Balaam, “Hindi baʼt sinabihan na kita na kailangang gawin ko kung ano ang sasabihin ng Panginoon sa akin?”

Ang Ikatlong Mensahe ni Balaam

27 Muling sinabi ni Balak kay Balaam, “Halika, dadalhin kita sa ibang lugar. Baka roon, pumayag na ang Dios na sumpain mo ang Israel para sa akin.” 28 Kaya dinala ni Balak si Balaam sa ibabaw ng Bundok ng Peor, kung saan nakikita ang disyerto sa ibaba. 29 Sinabi ni Balaam, “Pagawan mo ako rito ng pitong altar at maghanda ka ng pitong toro at pitong lalaking tupa para sa akin.” 30 Kaya ginawa ni Balak ang sinabi ni Balaam, at naghandog siya ng isang baka at isang tupa sa bawat altar.

Lucas 1:57-80

Ang Pagsilang kay Juan na Tagapagbautismo

57 Dumating na ang oras ng panganganak ni Elizabet, at nagsilang siya ng isang lalaki. 58 Nabalitaan ng mga kapitbahay at mga kamag-anak niya kung paano siya pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.

59 Nang walong araw na ang sanggol, dumalo ang mga kapitbahay at mga kamag-anak sa pagtutuli sa kanya. Zacarias sana ang ipapangalan nila sa bata dahil iyon din ang pangalan ng kanyang ama. 60 Pero sinabi ni Elizabet, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” 61 Sumagot ang mga tao, “Pero wala namang may ganyang pangalan sa pamilya ninyo.” 62 Kaya tinanong nila ang ama sa pamamagitan ng senyas kung ano ang gusto niyang ipangalan sa sanggol. 63 Sumenyas siya na bigyan siya ng masusulatan. Pagkatapos ay isinulat niya, “Juan ang ipapangalan sa kanya.” Nagtaka silang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita na si Zacarias at nagpuri sa Dios. 65 Nangilabot ang lahat ng kapitbahay nila, at naging usap-usapan sa buong kabundukan ng Judea ang pangyayaring iyon. 66 Ang lahat ng nakabalita ay nag-isip at nagtanong, “Magiging ano kaya ang batang ito kapag lumaki na siya?” Sapagkat malinaw na sumasakanya ang Panginoon.

Ang Pahayag ni Zacarias

67 Napuspos ng Banal na Espiritu ang ama ni Juan na si Zacarias at kanyang ipinahayag:

68 “Purihin ang Panginoong Dios ng Israel!
    Sapagkat inalala niya at tinubos ang kanyang bayan.
69 Sinugo niya sa atin ang makapangyarihang Tagapagligtas mula sa angkan ng lingkod niyang si David.
70 Itoʼy ayon sa ipinangako niya noon pang unang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta.
71 Ipinangako niya na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway at sa lahat ng napopoot sa atin.
72 Kaaawaan niya ang ating mga ninuno, at tutuparin ang banal niyang kasunduan sa kanila
73 na ipinangako niya sa ninuno nating si Abraham.
74 Ayon nga sa kanyang kasunduan, ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway upang makapaglingkod tayo sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo ay nabubuhay.”
76 Sinabi naman ni Zacarias sa anak niya,
    “Ikaw naman, anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Dios,
    dahil mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa kanyang pagdating.
77 Ituturo mo sa mga mamamayan niya kung paano sila maliligtas sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan,
78 dahil maawain at mapagmahal ang ating Dios.
Tulad ng pagsikat ng araw, ipapadala niya sa atin ang Tagapagligtas 79     upang maliwanagan ang mga taong nasa kadiliman at takot sa kamatayan.
    At tuturuan niya tayo kung paano mamuhay nang may mabuting relasyon sa Dios at sa kapwa.”

80 Lumaki ang batang si Juan at lumakas sa espiritu. Nanirahan siya sa ilang hanggang sa araw na nagsimula siyang mangaral sa mga Israelita.

Salmo 58

Mapapahamak ang Masasama

58 Kayong mga pinuno, matuwid ba ang paghatol ninyo sa mga tao?
Hindi! Dahil paggawa ng masama ang laging iniisip ninyo at namiminsala kayo sa iba saanman kayo naroroon.
Ang masasama ay lumalayo sa Dios
    at mula nang isilang ay nagsisinungaling na.
4-5 Para silang mga ahas na makamandag.
    Parang kobrang hindi nakikinig sa tinig ng mahuhusay na tagapagpaamo niya.
O Panginoong Dios, sirain nʼyo ang kanilang kakayahan sa pamiminsala
    na parang binabali nʼyo ang kanilang mga ngipin na parang pangil ng mga leon!
Mawala sana silang tulad ng tubig na natutuyo
    at gawin mo ring walang silbi ang kanilang mga armas.
Maging tulad sana sila ng kuhol na parang natutunaw habang gumagapang,
    o ng sanggol na patay nang ipinanganak, na hindi pa nakakita ng liwanag.

Mabilis silang tatangayin ng Dios,
    maging ang mga nabubuhay pa,
    mabilis pa sa pag-init ng palayok na inaapuyan ng malakas.
10 Magagalak ang mga matuwid kapag nakita na nilang pinaghigantihan ng Dios ang masasama, at dumanak na ang kanilang dugo.[a]
11 At sasabihin ng mga tao, “Tunay ngang may gantimpala ang matutuwid
    at mayroong Dios na humahatol sa mga tao sa mundo.”

Kawikaan 11:12-13

12 Ang taong walang pang-unawa ay kinukutya ang kapwa, ngunit ang taong may pang-unawa ay hindi nangungutya.
13 Ang mga taong madaldal ay nagsisiwalat ng sikreto ng iba, ngunit ang taong mapagkakatiwalaan ay nakakapagtago ng sikreto ng iba.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®