Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 33:40-35:34

40 Ngayon, ang hari ng Canaan na si Arad na naninirahan sa Negev ay nakabalita na paparating ang mga mamamayan ng Israel.

41-48 Mula naman sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga Israelita sa kanilang paglalakbay. Ito ang mga lugar na kanilang pinagkampuhan: Zalmona, Punon, Obot, Iye Abarim, na nasa hangganan ng Moab, Dibon Gad, Almon Diblataim, sa mga bundok ng Abarim na malapit sa Nebo, at hanggang sa nakarating sila sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico. 49 Nagkampo sila roon sa tabi ng Jordan mula sa Bet Jeshimot hanggang sa Abel Shitim na sakop pa rin ng kapatagan ng Moab. 50 At habang nagkakampo sila roon sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico, sinabi ng Panginoon kay Moises, 51 “Sabihin mo sa mga Israelita na kung tatawid sila sa Ilog ng Jordan papunta sa Canaan, 52 palayasin nila ang lahat ng naninirahan doon at gibain ang lahat ng dios-diosan nila na gawa sa mga bato at metal, at ang lahat ng kanilang sambahan sa matataas na lugar.[a] 53 Sasakupin ninyo ang mga lupaing iyon at doon kayo titira dahil ibinibigay ko ito sa inyo. 54 Partihin ninyo ang lupa sa pamamagitan ng palabunutan ayon sa dami ng bawat lahi. Ang lahi na may maraming bilang ay partihan ninyo ng malaki, at ang lahi na may kakaunting bilang ay partihan ninyo ng maliit. Kung ano ang mabunot nila, iyon na ang kanilang parte. Sa pamamagitan nito, mahahati ang lupa sa bawat lahi.

55 “Pero kung hindi ninyo palalayasin ang mga naninirahan doon, ang mga matitira sa kanilaʼy magiging parang puwing sa inyong mga mata at tinik sa inyong mga tagiliran. Magbibigay sila ng kaguluhan sa inyong paninirahan doon. 56 At gagawin ko sa inyo ang parusa na dapat para sa kanila.”

Ang mga Hangganan ng Canaan

34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na kung papasok na sila sa Canaan, ito ang mga hangganan ng lupain na kanilang mamanahin:

“Ang hangganan sa timog ay ang ilang ng Zin sa may hangganan ng Edom. Magsisimula ito sa katimugang bahagi ng Dagat na Patay.[b] At liliko ito patimog papunta sa Daang Paahon ng Akrabim, hanggang sa ilang ng Zin, at magpapatuloy sa timog ng Kadesh Barnea. Pagkatapos, didiretso ito sa Hazar Adar hanggang sa Azmon, at liliko papunta sa Lambak ng Egipto at magtatapos sa Dagat ng Mediteraneo.

“Ang hangganan sa kanluran ay ang Dagat ng Mediteraneo.

“Ang hangganan sa hilaga ay magmumula sa Dagat ng Mediteraneo papunta sa Bundok ng Hor, at mula sa Bundok ng Hor papunta sa Lebo Hamat. Magpapatuloy ito sa Zedad, hanggang sa Zifron at magtatapos sa Hazar Enan.

10 “Ang hangganan sa silangan ay magmumula sa Hazar Enan papunta sa Shefam. 11 Pagkatapos, bababa ito papunta sa Ribla, sa bandang silangan ng Ain, at magpapatuloy ito sa mga burol sa silangan ng Lawa ng Galilea.[c] 12 Pagkatapos, bababa ito sa Jordan at magtatapos sa Dagat na Patay.

“Ito ang inyong lupain, at ang mga hangganan nito sa palibot.”

13 Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Hatiin ninyo ang mga lupaing ito bilang inyong mana sa pamamagitan ng palabunutan. Sinabi ng Panginoon na ibigay ito sa siyam at kalahating lahi, 14-15 Dahil ang lahi nina Reuben, Gad, at ng kalahating lahi ni Manase ay nakatanggap na ng kanilang mana sa bandang silangan ng Jordan malapit sa Jerico.”

16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 17 “Sina Eleazar na pari at Josue na anak ni Nun ang maghahati-hati ng lupain para sa mga tao. 18 At pumili ka ng isang pinuno sa bawat lahi para tulungan sila sa paghahati ng lupain.” 19-28 Ito ang pangalan ng mga pinili:

Lahi Pinuno
JudaCaleb na anak ni Jefune
SimeonShemuel na anak ni Amihud
BenjaminElidad na anak ni Kislon
DanBuki na anak ni Jogli
Manase na anak ni JoseHaniel na anak ni Efod
Efraim na anak ni JoseKemuel na anak ni Siftan
ZebulunElizafan na anak ni Parnac
IsacarPaltiel na anak ni Azan
AsherAhihud na anak ni Shelomi
NaftaliPedahel na anak ni Amihud

29 Sila ang mga pinili ng Panginoon para tumulong sa paghahati-hati ng lupain ng Canaan bilang mana ng mga Israelita.

Ang mga Bayan ng mga Levita

35 Sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico, “Sabihin mo sa mga Israelita na bigyan nila ang mga Levita ng mga bayan na titirhan ng mga ito mula sa mga lupaing matatanggap nila. Sa ganitong paraan, may matitirhang bayan ang mga Levita at may pastulan para sa kanilang mga hayop. Ang agwat ng pastulang inyong ibibigay sa palibot ng kanilang bayan ay mga 450 metro mula sa pader ng kanilang mga bayan. Pagkatapos, sumukat kayo ng 900 metro sa bawat direksyon ng bayan – sa silangan, sa timog, sa kanluran at sa hilaga – kaya nasa gitna ang bayan nito. Ito ang pastulan para sa mas malaking mga bayan.

“Bigyan din ninyo ang mga Levita ng anim na bayan na magiging lungsod na tanggulan, kung saan makakatakas papunta roon ang taong makakapatay nang hindi sinasadya. Hindi ito kasama sa 42 bayan na inyong ibibigay sa kanila. Kaya 48 lahat ang mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita kasama ang kanilang mga pastulan. Manggagaling ang mga bayan na ito sa mga lupain ng mga lahi ng Israel. Ang lahi na may maraming parte ay magbibigay ng maraming bayan at ang lahi na may kaunting parte ay magbibigay ng kaunti.”

Ang Lungsod na Tanggulan(A)

Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, 10 “Sabihin mo sa mga Israelita na kapag tumawid na sila sa Jordan papunta sa Canaan, 11 pumili sila ng mga bayan na magiging lungsod na tanggulan kung saan makakatakas papunta roon ang taong makakapatay nang hindi sinasadya. 12 Mapoprotektahan siya ng lungsod na ito laban sa mga taong gustong gumanti sa kanya. Hindi siya dapat patayin hanggaʼt hindi pa siya nahahatulan sa harap ng kapulungan. 13 Ang anim na bayan na ito ang magiging lungsod ninyong tanggulan. 14 Ilagay ninyo sa silangan ng Jordan ang tatlong lungsod at tatlo sa Canaan. 15 Ang anim na bayan na ito ay magiging tanggulan hindi lang ng mga Israelita kundi pati ng mga dayuhan na naninirahan kasama ninyo para ang sinuman sa kanila na makapatay nang hindi sinasadya ay makakatakas papunta dito.

16 “Pero kung hinampas ng isang tao ang sinuman ng bakal at namatay ito, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya. 17 Kung binato ng isang tao ang sinuman at namatay ito, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya. 18 O halimbawa, hinampas ng kahoy ng isang tao ang sinuman at namatay ito, ituturing din na kriminal ang taong iyon, at kailangang patayin din siya. 19 Ang malapit na kamag-anak ng pinatay ang may karapatang pumatay sa kriminal. Papatayin niya ang kriminal kung siyaʼy makikita niya.

20 “Kung napatay ng isang tao dahil sa kanyang galit ang sinuman sa pamamagitan ng panunulak, o paghahagis ng kahit anong bagay, 21 o pagsuntok, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya. Ang malapit na kamag-anak ng napatay ang may karapatang pumatay sa kriminal. Papatayin niya ang kriminal kung siyaʼy makikita niya.

22 “Pero halimbawang ang isang taong walang sama ng loob ang nakapatay sa isang tao na nahagisan niya ng kahit anong bagay o natulak na hindi sinasadya, 23 o nahulugan niya ng bato nang hindi niya nakikita, at dahil nga napatay niya ang tao, kahit hindi niya kaaway, at hindi niya sinasadya ang pagkakapatay sa kanya, 24 dadalhin pa rin siya sa kapulungan kasama ng taong gustong maghiganti sa kanya, at hahatulan siya ayon sa mga tuntuning ito. 25 Kung mapatunayan na hindi niya sinasadya ang pagpatay, kailangang proteksyunan ng sambayanan ang taong nakapatay laban sa mga tao na gustong maghiganti sa kanya, at ibabalik siya sa lungsod na tanggulan, kung saan siya tumakas. Kailangang magpaiwan siya roon hanggang hindi pa namamatay ang punong pari na itinalaga sa paglilingkod.[d]

26 “Pero kapag lumabas sa lungsod na tanggulan ang nakapatay 27 at makita siya ng taong gustong gumanti sa kanya, maaari siyang patayin ng taong iyon. Walang pananagutan ang taong nakapatay sa kanya. 28 Kaya dapat na magpaiwan ang taong nakapatay sa lungsod na tanggulan hanggang hindi pa namamatay ang punong pari, at pagkatapos ay makakauwi na siya sa kanila.

29 “Ito ang mga tuntuning dapat ninyong sundin hanggang sa susunod pang mga henerasyon, kahit saan kayo manirahan.

30 “Ang sinumang pumatay sa kanyang kapwa ay kailangang patayin, pero kailangang may mga saksi na magpapatotoo na siyaʼy nakapatay. Kung isang saksi lang ang magpapatotoo, hindi papatayin ang nasabing tao.

31 “Huwag kayong tatanggap ng bayad para sa buhay ng isang kriminal. Kailangang patayin siya. 32 Huwag din kayong tatanggap ng bayad para sa buhay ng taong tumakas sa lungsod na tanggulan upang makabalik siya sa kanyang lugar bago mamatay ang punong pari. 33 Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang pagdanak ng dugo sa lupaing inyong tinitirhan. Dahil ang pagpatay ay makakapagparumi sa lupain na inyong tinitirhan at walang makapaglilinis nito maliban sa dugo ng taong nakapatay. 34 Kaya huwag ninyong dudungisan ang lupaing inyong tinitirhan, dahil ako mismo ang Panginoon, ay naninirahan kasama ninyong mga Israelita.”

Lucas 5:12-28

Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking May Malubhang Sakit sa Balat(A)

12 Isang araw, nang nasa isang bayan si Jesus, lumapit sa kanya ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat,[a] Lumuhod ito sa harap niya at nagmakaawa na pagalingin siya. Sinabi niya, “Panginoon, kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.” 13 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” At gumaling agad ang kanyang sakit. 14 Sinabihan siya ni Jesus, “Huwag mo itong sasabihin kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.” 15 Pero lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya dumating ang napakarami pang mga tao upang makinig sa mga aral niya at upang mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Pero laging pumupunta si Jesus sa ilang at doon nananalangin.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(B)

17 Isang araw habang nangangaral si Jesus, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo malapit sa kanya. Nanggaling ang mga ito sa ibaʼt ibang bayan ng Galilea at Judea, at maging sa Jerusalem. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan ng Panginoon para magpagaling ng mga may sakit. 18 May mga taong dumating na buhat-buhat ang isang lalaking paralitiko na nasa higaan. Sinikap nilang ipasok ito sa bahay upang ilapit kay Jesus. 19 Pero hindi sila makapasok dahil sa dami ng tao. Kaya umakyat sila sa bubong at binutasan ito. Pagkatapos, ibinaba nila sa harap ni Jesus ang paralitikong nakahiga sa kanyang higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan,[b] pinatawad na ang mga kasalanan mo.”

21 Sinabi ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan sa kanilang sarili: “Sino kaya ang taong ito na lumalapastangan sa Dios? Walang makakapagpatawad ng kasalanan kundi ang Dios lang!” 22 Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya tinanong niya ang mga ito, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o, ‘Tumayo ka at lumakad’? 24 Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na ako, na Anak ng Tao, ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at umuwi!” 25 Tumayo agad ang paralitiko sa harap ng lahat, binuhat nga niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Dios. 26 Namangha ang lahat at pinuri nila ang Dios. Sinabi nila, “Kahanga-hanga ang mga bagay na nakita natin ngayon!”

Tinawag ni Jesus si Levi(C)

27 Pagkatapos noon, umalis si Jesus at nakita niya ang maniningil ng buwis na ang pangalan ay Levi. Nakaupo siya sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo si Levi, iniwan ang lahat at sumunod kay Jesus.

Salmo 65

Pagpupuri at Pagpapasalamat

65 O Dios, marapat ka naming purihin sa Zion!
    Ang mga ipinangako namin sa inyo ay aming tutuparin.
Sa inyo lalapit ang lahat ng tao,
    dahil dinidinig nʼyo ang mga panalangin.
Napakarami ng aming kasalanan,
    ngunit pinapatawad nʼyo pa rin ang mga ito.
Mapalad ang taong pinili nʼyo at inanyayahang manirahan sa inyong templo.
    Lubos kaming magagalak sa mga kabutihang nasa inyong tahanan,
    ang inyong banal na templo.
O Dios na aming Tagapagligtas,
    tinugon nʼyo ang aming mga dalangin
    sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang pagliligtas sa amin.
    Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.
Itinatag nʼyo ang mga bundok
    sa pamamagitan ng inyong lakas.
    Tunay ngang kayoʼy makapangyarihan.
Pinatatahimik nʼyo ang ingay ng mga alon,
    ang hampas ng karagatan,
    at ang pagkakagulo ng mga tao.
Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa,
    namamangha sa inyo pati ang mga nakatira sa malayong lugar.
    Mula sa silangan hanggang kanluran,
    ang mga tao ay napapasigaw sa tuwa dahil sa inyo.
Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan.
    Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito.
    Ang mga ilog, O Dios, ay patuloy nʼyong pinaaagos.
    Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao.
    Ganito ang itinakda ninyo.
10 Pinaulanan nʼyong mabuti ang lupang binungkal
    hanggang sa itoʼy lumambot at mapuno na ng tubig.
    Pagkatapos ay pinagpapala nʼyo ang mga pananim.
11 Pinag-aapaw nʼyo ang panahon ng anihan,
    at saan ka man dumaan ay puno ng kasaganaan.
12 Kahit na ang ilang ay naging pastulan dahil sagana sa mga damo at ang mga burol ay parang mga taong puno ng kagalakan.
13 Ang mga parang ay punong-puno ng mga grupo ng tupa at kambing at pawang mga pananim[a] ang makikita sa kapatagan.
    Ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan.

Kawikaan 11:23

23 Ang ninanais ng matuwid ay pawang kabutihan, ngunit ang ninanais ng masama ay nagdudulot ng kaguluhan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®