Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 4

Pinayuhan ni Moises ang mga Israelita na Maging Masunurin

Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pakinggan ninyo ang mga utos at tuntunin na ituturo ko sa inyo. Sundin ninyo ito para mabuhay kayo at makapanirahan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Huwag ninyong dadagdagan o babawasan ang mga utos na ibinigay ko sa inyo, mula sa Panginoon na inyong Dios. Dapat ninyo itong sundin. Nakita ninyo ang ginawa ng Panginoon sa Baal Peor. Pinatay ng Panginoon na inyong Dios ang mga kapwa ninyo Israelita na sumamba kay Baal. Pero kayo na matapat sa Panginoon na inyong Dios ay buhay pa hanggang ngayon.

“Itinuturo ko sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay sa akin ng Panginoon na aking Dios para inyong sundin pagdating ninyo sa lupaing pupuntahan ninyo at titirhan. Sundin ninyo ito nang buong tapat, dahil sa pamamagitan nitoʼy maipapakita ninyo ang inyong kaalaman at pang-unawa sa ibang mga bansa. Kung maririnig nilang lahat ang tuntuning ito, sasabihin nila, ‘Totoo nga na marunong at may pang-unawa ang mga tao ng makapangyarihang bansang ito.’ Wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may dios na malapit sa kanila gaya ng Panginoon na ating Dios na malapit sa atin sa mga panahong tumatawag tayo sa kanya. At wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may mga utos at tuntunin na katulad ng itinuro ko sa inyo ngayon. Pero mag-ingat kayo! Huwag ninyong kalilimutan ang mga bagay na inyong nakita na ginawa ng Panginoon. Kailangang manatili ito sa inyong mga puso habang nabubuhay kayo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. 10 Alalahanin ninyo ang araw na tumayo kayo sa harap ng Panginoon na inyong Dios sa Bundok ng Sinai,[a] kung saan sinabi niya sa akin, ‘Tipunin mo ang mga mamamayan sa aking presensya para makinig sa aking mga salita upang matuto silang gumalang sa akin habang nabubuhay pa sila, at para maituro nila ito sa kanilang mga anak.’ 11 Pagkatapos, lumapit kayo sa akin at tumayo sa ibaba ng bundok habang naglalagablab ito na abot hanggang langit, na binalutan ng kadiliman dahil sa maitim na ulap. 12 Pagkatapos, nagsalita ang Panginoon mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang kanyang boses, pero wala kayong nakita. 13 Sinabi niya sa inyo ang mga bagay na gagawin ninyo sa pagtupad ng mga kasunduan niya sa inyo. Ito ay ang Sampung Utos na iniutos niyang sundin ninyo. At isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato. 14 Nang panahong iyon, inutusan ako ng Panginoon na ituro sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na susundin ninyo roon sa lupain na inyong aangkinin at titirhan.

15 “Nang nakipag-usap ang Panginoon sa inyo sa Bundok ng Sinai mula sa gitna ng apoy, wala kayong nakitang anyo ng Panginoon. Kaya bantayan ninyo ang inyong mga sarili 16 na hindi ninyo dudungisan ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paggawa ng anumang anyo o imahen ng dios-diosan – lalaki man o babae, 17 hayop na lumalakad o lumilipad, 18 gumagapang o nakatira sa tubig. 19 Huwag kayong maakit sa pagsamba sa mga bagay na nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin. Ang mga ito ay inilagay ng Panginoon na inyong Dios para sa lahat ng mamamayan sa buong mundo. 20 Alalahanin ninyo na kinuha kayo ng Panginoon sa Egipto, ang lugar na katulad ng pugon na naglalagablab, para maging mamamayan niya, at ganyan kayo ngayon.

21 “Nagalit ang Panginoon sa akin dahil sa inyo, at isinumpa niya na hindi ako makakatawid sa Jordan at makakapasok sa magandang lupain na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana. 22 Mamamatay ako sa lupaing ito na hindi makakatawid sa Jordan, pero matatawid ninyo at masasakop ang masaganang lupaing iyon. 23 Ngunit mag-ingat kayo na hindi ninyo makalimutan ang kasunduang ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan sa anyo ng anumang bagay, dahil ipinagbabawal ito ng Panginoon na inyong Dios, 24 at ayaw na ayaw niyang may sinasamba kayong ibang dios. Parang apoy na nakakatupok kapag nagparusa ang Panginoon na inyong Dios.

25 “Sa bandang huli, kung magkakaanak kayo at magkakaapo, at naninirahan na sa lupaing iyon nang matagal na panahon, huwag ninyong dudumihan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga dios-diosan ng anumang anyo. Masama ito sa paningin ng Panginoon na inyong Dios at makakapagpagalit ito sa kanya.

26 “Sa araw na ito, itinuturing kong saksi ang langit at lupa laban sa inyo. Kung hindi ninyo ako susundin, hindi kayo magtatagal sa lupain na inyong mamanahin sa kabila ng Jordan. Maninirahan kayo roon sa sandaling panahon lang, at pagkatapos ay malilipol kayo ng lubusan. 27 Pangangalatin kayo ng Panginoon sa ibang mga bansa, at kaunti lang ang matitira sa inyo roon sa mga bansa kung saan kayo itataboy ng Panginoon. 28 At doon na kayo sasamba sa mga dios na gawa sa kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, nakakakain o nakakaamoy. 29 Ngunit kung hahanapin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, makikita ninyo siya, kung hahanapin ninyo siya nang buong puso. 30 Kapag dumating ang kahirapan sa inyo, sa bandang huliʼy manunumbalik kayo sa Panginoon na inyong Dios at susundin ninyo siya. 31 Sapagkat maawain ang Panginoon na inyong Dios, hindi niya kayo pababayaan o lilipulin. Hindi niya kalilimutan ang kasunduang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno.

May Iisa lang na Dios

32 “Alalahanin ninyo ang mga nangyari mula nang araw na nilikha ng Dios ang tao sa mundo hanggang ngayon. Libutin ninyo ang buong mundo kung may makikita kayong kamangha-manghang bagay na nangyari katulad ng mga ito. 33 Mayroon pa bang ibang tao na nabuhay pagkatapos nilang marinig ang boses ng Dios mula sa apoy, kagaya ninyo? 34 Mayroon pa bang ibang Dios na nangahas na kunin ang isang grupo ng mga mamamayan mula sa isang bansa para maging kanya sa pamamagitan ng mga pagsubok, himala, mga kamangha-manghang bagay, digmaan o mga makapangyarihang gawa? Pero iyan ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios doon sa Egipto, at kayo mismo ang nakakita nito. 35 Ipinakita sa inyo ang mga bagay na ito para malaman ninyo na ang Panginoon ang Dios, at wala nang iba pa. 36 Ipinarinig niya sa inyo ang kanyang boses mula sa langit sa pagdisiplina sa inyo. Ipinakita niya sa inyo ang kanyang makapangyarihang apoy dito sa lupa para makipag-usap sa inyo mula sa apoy na ito. 37 At dahil sa minahal niya ang inyong mga ninuno, pinili niya kayo at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang presensya at kapangyarihan. 38 Itinaboy niya ang mga bansang mas makapangyarihan pa sa inyo para madala kayo sa kanilang lupain, ibinigay niya ito sa inyo bilang inyong mana, katulad ng ginawa niya ngayon.

39 “Kaya kilalanin ninyo ang araw na ito at itanim sa inyong mga puso na ang Panginoon ay Dios sa langit at sa lupa, at wala nang iba pang dios. 40 Sundin ninyo ang kanyang mga utos at tuntunin na ibinigay ko sa inyo ngayon para walang masamang mangyari sa inyo at sa inyong salinlahi, upang mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios magpakailanman.”

Ang Lungsod na Tanggulan

41 Pagkatapos, pumili si Moises ng tatlong lungsod sa silangan ng Jordan 42 para makatakas papunta roon ang taong nakapatay ng kanyang kapwa nang hindi sinasadya at hindi plinano. Makakatakas siya papunta sa mga lungsod na ito para hindi siya mapahamak. 43 Ito ang mga lungsod: Bezer na nasa disyerto sa talampas na sakop ng lahi ni Reuben; Ramot sa Gilead para sa lahi ni Gad; at Golan para sa lahi ni Manase.

44 Ibinigay ni Moises sa mga Israelita ang mga kautusan, 45 katuruan at tuntunin na ito nang lumabas sila sa Egipto 46 at habang nagkakampo sila sa lambak malapit sa Bet Peor sa silangan ng Jordan. Sakop noon ni Sihon na hari ng mga Amoreo ang lupaing ito, noong naghahari siya sa Heshbon. Siya at ang mga tauhan niya ang tinalo ni Moises at ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto. 47 Sinakop nila Moises ang lupain nito at ang lupain ni Haring Og ng Bashan. Sila ang dalawang Amoreo na mga hari sa silangan ng Jordan. 48 Ang kanilang mga lupain na nasakop ng mga Israelita ay mula sa Aroer na nasa itaas na bahagi ng Lambak ng Arnon, papunta sa Bundok ng Sirion[b] na tinatawag ding Hermon, 49 at ang lahat ng lupain sa Lambak ng Jordan[c] sa silangan ng Ilog ng Jordan hanggang sa Dagat na Patay,[d] sa ibabang bahagi ng libis ng Pisga.

Lucas 6:39-7:10

39 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila ang talinghaga na ito: “Hindi maaaring maging tagaakay ng bulag ang kapwa bulag, dahil pareho silang mahuhulog sa hukay kapag ginawa iyon. 40 Walang mag-aaral na mas higit sa kanyang guro. Ngunit kapag lubusan nang naturuan, magiging katulad siya ng kanyang guro. 41 Bakit mo pinupuna ang munting puwing sa mata ng kapwa mo, pero hindi mo naman pinapansin ang mala-trosong puwing sa mata mo? 42 Paano mo masasabi sa kanya, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ gayong hindi mo nakikita ang mala-trosong puwing sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang mala-trosong puwing sa mata mo, nang sa ganoon ay makakita kang mabuti para maalis mo ang puwing sa mata ng kapwa mo.”

Nakikilala ang Puno sa Bunga Nito(A)

43 “Ang mabuting puno ay hindi namumunga ng masama, at ang masamang puno ay hindi namumunga ng mabuti. 44 Ang bawat puno ay nakikilala sa bunga nito. Ang matitinik na halaman ay hindi namumunga ng igos o ubas. 45 Ganoon din naman ang tao. Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti dahil puno ng kabutihan ang puso niya. Ngunit ang masamang tao ay nagsasalita ng masama dahil puno ng kasamaan ang puso niya. Sapagkat kung ano ang nasa puso ng isang tao, iyon din ang lumalabas sa kanyang bibig.”

Ang Dalawang Uri ng Taong Nagtayo ng Bahay(B)

46 “Bakit ninyo ako tinatawag na Panginoon, gayong hindi naman ninyo sinusunod ang mga sinasabi ko? 47 Sasabihin ko sa inyo kung ano ang kahalintulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig at sumusunod sa mga sinasabi ko: 48 Katulad siya ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at dinaanan ng malakas na agos ang bahay, hindi iyon nayanig dahil matibay ang pagkakatayo. 49 Ngunit ang nakikinig sa mga sinasabi ko pero hindi naman ito sinusunod ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay na walang matibay na pundasyon. Nang bumaha at dinaanan ng malakas na agos ang bahay, nagiba ito at lubusang nawasak.”

Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Kapitan(C)

Pagkatapos ipangaral ni Jesus sa mga tao ang mga bagay na ito, pumunta siya sa Capernaum. May isang kapitan doon ng hukbong Romano na may aliping malubha ang sakit at naghihingalo. Mahal niya ang aliping ito. Kaya nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, sinugo niya ang ilang mga pinuno ng mga Judio para pakiusapan si Jesus na pumunta sa bahay niya at pagalingin ang kanyang alipin. Pagdating nila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya, “Kung maaari po sanaʼy tulungan nʼyo ang kapitan, dahil mabuti siyang tao. Mahal niya tayong mga Judio at ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sambahan.”

Kaya sumama sa kanila si Jesus. Nang malapit na sila sa bahay ng kapitan, sinugo ng kapitan ang ilang mga kaibigan niya para salubungin si Jesus at sabihin, “Panginoon, huwag na po kayong mag-abalang pumunta sa bahay ko, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan nʼyo ang tahanan ko. Kaya nga hindi na rin ako naglakas-loob na lumapit dahil hindi ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Sabihin nʼyo na lang po at gagaling na ang utusan ko. Alam ko ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may nasasakupan din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi kong, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kahit ano pa ang iutos ko sa aking alipin ay sinusunod niya.” Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya sa kapitan at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Hindi pa ako nakakita ng isang tao sa Israel na may ganitong pananampalataya.” 10 Nang bumalik sa bahay ang mga sinugo ng kapitan, nakita nilang magaling na ang alipin.

Salmo 68:1-18

Awit ng Pagtatagumpay

68 Kumilos sana ang Dios, at ikalat ang kanyang mga kaaway.
    Magsitakas na sana palayo silang mga galit sa kanya.
Itaboy sana sila ng Dios gaya ng usok na tinatangay ng hangin.
    Mamatay sana sa harapan niya ang mga masasama, gaya ng kandilang natutunaw sa apoy.
Ngunit ang matutuwid ay sisigaw sa galak sa kanyang harapan.
Awitan ninyo ang Dios,
    awitan ninyo siya ng mga papuri.
    Purihin nʼyo siya,[a] na siyang may hawak sa mga ulap.[b]
    Ang kanyang pangalan ay Panginoon.
    Magalak kayo sa kanyang harapan!
Ang Dios na tumatahan sa kanyang banal na templo ang nangangalaga[c] sa mga ulila at tagapagtanggol ng mga biyuda.
Ibinibigay niya sa isang pamilya ang sinumang nag-iisa sa buhay.
    Pinalalaya rin niya ang mga binihag nang walang kasalanan
    at binibigyan sila ng masaganang buhay.
    Ngunit ang mga suwail, sa mainit at tigang na lupa maninirahan.
O Dios, nang pangunahan nʼyo sa paglalakbay sa ilang ang inyong mga mamamayan,
nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan sa inyong harapan,
    O Dios ng Israel na nagpahayag sa Sinai.
Nagpadala kayo ng masaganang ulan at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo sa inyong mga mamamayan ay naginhawahan.
10 Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap ng kanilang mga pangangailangan.

11 Panginoon, nagpadala kayo ng mensahe,
    at itoʼy ibinalita ng maraming kababaihan:
12 “Nagsisitakas ang mga hari at ang kanilang mga hukbo!
    Ang mga naiwan nilang kayamanan ay pinaghati-hatian ng mga babae ng Israel.
13 Kahit na ang mga tagapag-alaga ng hayop
    ay nakakuha ng mga naiwang bagay gaya ng imahen ng
    kalapati, na ang mga pakpak ay nababalutan ng pilak
    at ang dulo nito ay nababalutan ng purong ginto.”
14 Nang ikalat ng makapangyarihang Dios ang mga haring iyon,
    pinaulanan niya ng yelo ang lugar ng Zalmon.[d]

15 Napakataas at napakaganda ng bundok ng Bashan; maraming taluktok ang bundok na ito.
16 Ngunit bakit ito nainggit sa bundok ng Zion na pinili ng Dios bilang maging tahanan niya magpakailanman?
17 Dumating ang Panginoong Dios sa kanyang templo mula sa Sinai kasama ang libu-libo niyang karwahe.
18 Nang umakyat siya sa mataas na lugar,[e] marami siyang dinalang bihag.
    Tumanggap siya ng regalo mula sa mga tao, pati na sa mga naghimagsik sa kanya.
    At doon maninirahan ang Panginoong Dios.[f]

Kawikaan 11:28

28 Mabibigo ang taong nagtitiwala sa kanyang kayamanan, ngunit ang taong matuwid ay lalago na parang sariwang halaman.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®