Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 5-6

Ang Sampung Utos(A)

Tinipon ni Moises ang lahat ng mga Israelita at sinabi sa kanila, “O mga Israelita, pakinggan ninyo ang mga utos at tuntunin na ibibigay ko sa inyo sa araw na ito. Pag-aralan ninyo ito at sundin. Gumawa sa atin ng kasunduan ang Panginoon na ating Dios sa Bundok ng Sinai.[a] Hindi niya ito ginawa sa ating mga ninuno kundi sa ating lahat na nabubuhay ngayon. At doon sa bundok nagsalita ang Panginoon sa inyo mula sa apoy na parang magkaharap lang kayo. Nakatayo ako sa pagitan ninyo at ng Panginoon nang oras na iyon para sabihin sa inyo ang mensahe ng Panginoon, dahil natatakot kayo sa apoy at ayaw ninyong umakyat sa bundok. Sinabi ng Panginoon,

“ ‘Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.

“ ‘Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios maliban sa akin.

“ ‘Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan na anyo ng anumang bagay sa langit, o sa lupa, o sa tubig. Huwag ninyo itong paglilingkuran o sasambahin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay ayaw na may sinasamba kayong iba. Pinaparusahan ko ang mga nagkakasala sa akin, pati na ang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin. 10 Pero ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa napakaraming henerasyon na nagmamahal sa akin at sumusunod sa mga utos ko.

11 “ ‘Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios, ang magpaparusa sa sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan.

12 “ ‘Sundin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa akin, ang Panginoon na inyong Dios, ayon sa iniutos ko sa inyo. 13 Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, 14 pero ang ikapitong araw, ang Araw ng Pamamahinga ay ilaan ninyo para sa akin, ang Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na ito pati ang inyong mga anak, mga alipin, mga baka, mga asno at iba pang mga hayop, o ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. Sa ganitong paraan ay makakapagpahinga ring katulad ninyo ang inyong mga alipin. 15 Alalahanin ninyo na mga alipin din kayo noon sa Egipto, at ako ang Panginoon na inyong Dios ang naglabas sa inyo roon sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan. Kaya ako, ang Panginoon na inyong Dios ay nag-uutos sa inyo na sundin ninyo ang Araw ng Pamamahinga.

16 “ ‘Igalang ninyo ang inyong amaʼt ina, ayon sa iniutos ko sa inyo para mabuhay kayo nang matagal at maging mabuti ang inyong kalagayan sa lupaing ibinibigay ko sa inyo.

17 “ ‘Huwag kayong papatay.

18 “ ‘Huwag kayong mangangalunya.

19 “ ‘Huwag kayong magnanakaw.

20 “ ‘Huwag kayong sasaksi ng hindi totoo laban sa inyong kapwa.

21 “ ‘Huwag ninyong pagnanasahan ang asawa ng inyong kapwa o ang kanyang bahay, lupa, mga alipin, mga baka o mga asno, o alin mang pag-aari niya.’

22 “Iyan ang mga utos ng Panginoon sa inyong lahat na nagtipon sa bundok. Nang nagsalita siya nang malakas mula sa gitna ng apoy na napapalibutan ng makapal na ulap, ibinigay niya ang mga utos na ito at wala nang iba pang sinabi. Isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato at ibinigay sa akin.

23 “Nang marinig ninyo ang boses mula sa kadiliman habang naglalagablab ang bundok, lumapit sa akin ang lahat ng pinuno ng mga angkan at ang mga tagapamahala ninyo 24 at sinabi nila, ‘Ipinakita sa atin ng Panginoon na ating Dios ang kanyang kapangyarihan, at narinig natin ang kanyang boses mula sa apoy. Nakita natin sa araw na ito na maaaring mabuhay ang tao kahit nakipag-usap ang Panginoon sa kanya. 25 Ngunit hindi namin ilalagay sa panganib ang buhay namin. Sapagkat kung maririnig namin muli ang boses ng Panginoon na ating Dios, siguradong lalamunin kami ng apoy. 26 May tao bang nanatiling buhay matapos niyang marinig ang boses ng Dios na buhay mula sa apoy tulad ng ating narinig? 27 Ikaw na lang ang lumapit sa Panginoon na ating Dios, at pakinggan ang lahat ng sasabihin niya. Pagkatapos, sabihin mo sa amin ang lahat ng sinabi niya, dahil pakikinggan namin ito at susundin.’

28 “Narinig ng Panginoon ang sinabi ninyo nang nakipag-usap kayo sa akin, at sinabi niya, ‘Narinig ko kung ano ang sinabi ng mga taong ito sa iyo, at mabuti ang lahat ng kanilang sinabi. 29 Sanaʼy palagi nila akong igalang at sundin ang aking mga utos para maging mabuti ang kalagayan nila at ng kanilang mga salinlahi magpakailanman. 30 Lumakad ka at sabihin sa kanila na bumalik sila sa kanilang mga tolda. 31 Ngunit magpaiwan ka rito sa akin para maibigay ko sa iyo ang lahat ng utos at tuntunin na ituturo mo sa kanila, na kanilang susundin doon sa lupaing ibinibigay ko sa kanila bilang pag-aari.’

32 “Kaya sundin ninyong mabuti ang iniutos ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Huwag ninyong susuwayin ang kahit isa sa kanyang mga utos. 33 Mamuhay kayo ayon sa iniutos ng Panginoon na inyong Dios sa inyo para mabuhay kayo nang matagal at masagana roon sa lupaing inyong mamanahin.

Mahalin ang Panginoon na inyong Dios

“Ito ang mga utos, katuruan at tuntunin na iniutos ng Panginoon na inyong Dios sa akin na ituro sa inyo. Sundin ninyo ito sa lupaing inyong aariin doon sa kabila ng Jordan, para kayo at ang mga anak at mga apo ninyo ay gumalang sa Panginoon na inyong Dios habang nabubuhay kayo. Kung susundin ninyo ang lahat ng utos niya at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, mabubuhay kayo nang matagal. Makinig kayo, O mamamayan ng Israel, at sundin ninyo ang kanyang mga utos para maging mabuti ang inyong kalagayan at upang lalo pa kayong dumami sa maganda at masaganang lupain,[b] ayon sa ipinangako ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno.

“Makinig kayo, O mga mamamayan ng Israel: Ang Panginoon na ating Dios ay iisang Panginoon lang.[c] Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buo ninyong lakas. Huwag ninyong kalilimutan ang mga utos na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag kayoʼy nasa inyong mga bahay at kapag naglalakad, kapag nakahiga, at kapag babangon kayo. Itali ninyo ito sa inyong mga braso o ilagay sa inyong mga noo bilang paalala sa inyo. Isulat ninyo ito sa mga hamba ng inyong bahay at sa bukana ng pintuan ng inyong mga lungsod.

10 “Dadalhin kayo ng Panginoon na inyong Dios doon sa lupain na ipinangako niya sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. Malaki ang lupaing ito at may maunlad na mga lungsod na hindi kayo ang nagtayo. 11 May mga bahay din ito na puno ng mabubuting bagay na hindi kayo ang naghirap, may mga balon na hindi kayo ang naghukay, at mga ubasan at mga puno ng olibo na hindi kayo ang nagtanim. At kung makakain na kayo at mabusog, 12 siguraduhin ninyo na hindi ninyo makakalimutan ang Panginoon na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.

13 “Igalang ninyo ang Panginoon na inyong Dios; siya lang ang inyong paglingkuran at mangako kayo sa pangalan lang niya. 14 Huwag kayong susunod sa ibang mga dios, ang mga dios ng mga mamamayan sa inyong paligid; 15 dahil ang Panginoon na inyong Dios na kasama nʼyo ay ayaw na may sinasamba kayong iba. Kung sasamba kayo sa ibang dios, ipadarama ng Panginoon ang kanyang galit sa inyo at lilipulin niya kayo sa mundo. 16 Huwag ninyong susubukin ang Panginoon na inyong Dios kagaya ng ginawa ninyo sa Masa. 17 Sundin ninyo ang kanyang mga utos, mga katuruan at mga tuntunin na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. 18 Gawin ninyo ang tama at mabuti sa paningin ng Panginoon para maging mabuti ang inyong kalagayan at maangkin ninyo ang magandang lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 19 Itataboy niya sa inyong harapan ang lahat ng inyong mga kaaway ayon sa kanyang sinabi.

20 “Sa darating na panahon, kung magtanong ang inyong mga anak, ‘Ano po ba ang ibig sabihin ng mga katuruan, tuntunin at kautusan na iniutos ng Panginoon na ating Dios?’ 21 Sabihin ninyo sa kanila, ‘Mga alipin kami noon ng hari[d] ng Egipto, pero inilabas kami roon ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 22 Nakita namin ang mga dakilang himala at mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya sa pagpaparusa sa mga mamamayan ng Egipto, kasama ng Faraon at ng buong sambahayan niya. 23 At inilabas niya kami sa Egipto para dalhin sa lupain na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno. 24 Inutusan kami ng Panginoon na sundin namin ang lahat ng mga tuntuning ito at gumalang sa kanya na ating Dios, para lagi kaming maging maunlad at mabuhay nang matagal gaya ng nangyayari ngayon. 25 At kung susundin lang nating mabuti ang lahat ng mga utos na ito ng Panginoon na ating Dios, gaya ng iniutos sa atin, magiging matuwid tayo sa kanyang paningin.’

Lucas 7:11-35

Binuhay ni Jesus ang Patay na Binata

11 Pagkatapos, pumunta si Jesus sa bayan ng Nain. Sumama sa kanya ang mga tagasunod niya at ang maraming tao. 12 Nang malapit na sila sa pintuan ng bayan ng Nain, nakasalubong nila ang libing ng kaisa-isang anak ng isang biyuda. Marami ang nakikipaglibing. 13 Nahabag ang Panginoon sa biyuda nang makita niya ito. Sinabi niya sa biyuda, “Huwag kang umiyak.” 14 Nilapitan ni Jesus at hinawakan ang kinalalagyan ng patay upang tumigil ang mga nagdadala nito. Sinabi ni Jesus, “Binata, bumangon ka!” 15 Umupo ang patay at nagsalita. At ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina. 16 Kinilabutan ang mga tao at nagpuri sila sa Dios. Sinabi nila, “Inalala tayo ng Dios. Isinugo niya sa atin ang isang dakilang propeta.” 17 At kumalat sa buong Judea at sa lahat ng lugar sa palibot nito ang balita tungkol kay Jesus.

Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo(A)

18 Ang lahat ng pangyayaring iyon ay ibinalita kay Juan ng mga tagasunod niya. 19 Kaya tinawag ni Juan ang dalawa sa mga tagasunod niya at pinapunta sa Panginoon upang tanungin, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” 20 Pagdating nila kay Jesus, sinabi nila, “Pinapunta po kami rito ni Juan na tagapagbautismo upang itanong sa inyo kung kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” 21 Nang mga sandaling iyon, maraming pinagaling si Jesus na mga may sakit, at pinalayas niya ang masasamang espiritu sa mga tao. Pinagaling din niya ang mga bulag. 22 Kaya sinabi niya sa mga tagasunod ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang nakita at narinig ninyo: Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga lumpo, gumagaling ang mga may malubhang sakit sa balat, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. 23 Mapalad ang taong hindi nagdududa[a] sa akin.”

24 Nang makaalis na ang mga taong inutusan ni Juan, nagtanong si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang taong tulad ng talahib na humahapay sa ihip ng hangin? 25 Pumunta ba kayo roon upang makita ang isang taong magara ang pananamit? Ang mga taong magara ang pananamit at namumuhay sa karangyaan ay sa palasyo ninyo makikita. 26 Pumunta kayo roon para makita ang isang propeta, hindi ba? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta. 27 Siya ang binabanggit ng Dios sa Kasulatan, ‘Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.’[b] 28 Sinasabi ko sa inyo, walang taong isinilang na mas dakila pa kay Juan. Ngunit mas dakila pa sa kanya ang pinakahamak sa mga taong kabilang sa kaharian ng Dios.”

29 Nang marinig ng mga tao, pati ng mga maniningil ng buwis, ang pangangaral ni Jesus, sumang-ayon sila na matuwid ang layunin ng Dios, dahil nagpabautismo pa nga sila kay Juan. 30 Pero ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Dios para sa buhay nila, dahil hindi sila nagpabautismo kay Juan.

31 Sinabi pa ni Jesus, “Sa anong bagay ko maihahambing ang mga tao ngayon? Kanino ko sila maihahalintulad? 32 Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sinasabi sa kanilang kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal, pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay pero hindi kayo umiyak!’ 33 Katulad nila kayo, dahil pagdating dito ni Juan na nakita ninyong nag-aayuno at hindi umiinom ng alak, sinabi ninyo, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’ 34 At nang dumating naman ako na Anak ng Tao, nakita ninyong kumakain ako at umiinom, ang sabi naman ninyo, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ 35 Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon sa ipinapagawa ng Dios sa amin.”[c]

Salmo 68:19-35

19 Purihin ang Panginoon,
    ang Dios na ating Tagapagligtas na tumutulong sa ating mga suliranin sa bawat araw.
20 Ang ating Dios ang siyang Dios na nagliligtas!
    Siya ang Panginoong Dios na nagliligtas sa atin sa kamatayan.
21 Tiyak na babasagin ng Dios ang ulo ng kanyang mga kaaway na patuloy sa pagkakasala.
22 Sinabi ng Panginoon, “Pababalikin ko ang aking mga kaaway mula sa Bashan;
    pababalikin ko sila mula sa kailaliman ng dagat,
23 upang patayin sila at tapak-tapakan ninyo ang kanilang dugo
    at magsasawa ang inyong mga aso sa paghimod ng kanilang dugo.”
24 O Dios na aking Hari, nakita ng lahat ang inyong parada ng tagumpay papunta sa inyong templo.
25 Nasa unahan ang mga mang-aawit at nasa hulihan ang mga tumutugtog;
    at sa gitna naman ay ang mga babaeng tumutugtog ng tamburin.
26 Sumisigaw sila, “Purihin ang Dios sa inyong mga pagtitipon!
    Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mula sa lahi ng Israel.”
27 Nauuna ang maliit na lahi ni Benjamin,
    kasunod ang mga pinuno ng Juda kasama ang kanilang lahi,
    at sinusundan ng mga pinuno ng Zebulun at Naftali.
28 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,[a]
    katulad ng ginawa nʼyo sa amin noon.
29 Dahil sa inyong templo sa Jerusalem magkakaloob ng mga regalo ang mga hari para sa inyo.
30 Sawayin nʼyo ang bansang kaaway na parang mabagsik na hayop sa talahiban.
    Pati na rin ang mga taong tila mga torong kasama ng mga guya
    hanggang sa silaʼy sumuko at maghandog ng kanilang mga pilak sa inyo.
    Ikalat nʼyo ang mga taong natutuwa kapag may digmaan.
31 Magpapasakop ang mga taga-Egipto sa inyo.
    Ang mga taga-Etiopia ay magmamadaling magbigay ng kaloob sa inyo.
32 Umawit kayo sa Dios, kayong mga mamamayan ng mga kaharian sa mundo.
    Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
33 na naglalakbay sa kalangitan mula pa nang pasimula.
    Pakinggan ninyo ang kanyang dumadagundong na tinig.
34 Ipahayag ninyo ang kapangyarihan ng Dios na naghahari sa buong Israel.
    Ang kalangitan ang nagpapakita ng kanyang kapangyarihan.
35 Kahanga-hanga ang Dios ng Israel habang siyaʼy lumalabas sa kanyang banal na tahanan.
    Binibigyan niya ng kapangyarihan at kalakasan ang kanyang mga mamamayan.
    Purihin ang Dios!

Kawikaan 11:29-31

29 Ang mga hangal na nagdadala ng gulo sa sariling tahanan ay walang mamanahin sa huli. Magiging alipin lang sila ng mga taong may karunungan.
30 Ang ginagawa ng mga taong matuwid ay makakatulong sa iba upang mapabuti at mapahaba ang kanilang buhay.[a] At madadala niya ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang karunungan.
31 Ang mga ginagawa ng mga taong matuwid dito sa mundo ay ginagantihan ng kabutihan, gayon din sa makasalanan at hindi kumikilala sa Dios, ganti sa kanila ay kaparusahan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®