Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ERV-NE. Switch to the ERV-NE to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 7-8

Ang Piniling Mamamayan ng Dios(A)

“Kapag dinala na kayo ng Panginoon na inyong Dios doon sa lupain na inyong titirhan at aangkinin, itataboy niya sa harapan ninyo ang pitong bansa na mas malaki at mas makapangyarihan pa kaysa sa inyo: ang mga Heteo, Gergaseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. Kapag ibinigay na sila ng Panginoon sa inyo at natalo ninyo sila, lipulin ninyo sila ng lubusan bilang handog sa Panginoon. Huwag kayong gagawa ng kasunduan o magpapakita ng awa sa kanila. Huwag kayong magpapakasal sa kanila, at huwag din ninyong papayagan ang mga anak ninyo na maikasal sa kanila. Sapagkat ilalayo nila sa Panginoon ang inyong mga anak para paglingkuran ang ibang mga dios. At kapag nangyari ito, ipapalasap ng Panginoon ang galit niya sa inyo at agad kayong malilipol. Sa halip, ito ang gawin ninyo: Gibain ninyo ang mga altar nila, durugin ang mga alaalang bato nila, putulin ang kanilang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at sunugin ninyo ang mga dios-diosan nila. Sapagkat ibinukod kayo ng Panginoon na inyong Dios. Sa lahat ng mga tao, kayo ang pinili ng Panginoon na inyong Dios na maging espesyal niyang mamamayan.

“Pinili kayo ng Panginoon at minahal, hindi dahil mas marami kayo sa ibang mga mamamayan, dahil kayo pa nga ang pinakakaunti sa lahat. Pinili niya kayo dahil sa pag-ibig niya sa inyo at tinutupad niya ang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno. Iyan ang dahilan na inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, at pinalaya sa pagkaalipin sa Faraon na hari ng Egipto. Isipin ninyo na ang Panginoon na inyong Dios ay iisang Dios. Matapat siya at tinutupad niya ang kanyang kasunduan hanggang sa mga salinlahi ng mga nagmamahal sa kanya at sumusunod sa kanyang mga utos. 10 Ngunit hindi siya magdadalawang-isip na ibagsak ang mga napopoot sa kanya.

Ang Gantimpala sa Katapatan(B)

11 “Kaya sundin ninyong mabuti ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo sa araw na ito. 12 Kung tutuparin at susundin ninyong mabuti ang mga utos, tutuparin ng Panginoon na inyong Dios ang kanyang kasunduan na mamahalin[a] niya kayo, gaya ng ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 13 Mamahalin niya kayo, pagpapalain at padadamihin. Bibigyan niya kayo ng maraming anak at pagpapalain ang mga pananim sa inyong lupa: ang inyong mga trigo, bagong katas ng ubas at langis. At padadamihin niya ang inyong mga hayop doon sa lupaing ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno at sa inyo. 14 Pagpapalain niya kayo ng higit pa sa sinumang mga mamamayan sa mundo. Walang lalaki o babae sa inyo na magiging baog, ganoon din sa inyong mga hayop. 15 Poprotektahan kayo ng Panginoon sa lahat ng karamdaman. Hindi niya kayo padadalhan ng nakapangingilabot na mga karamdaman na nakita ninyo sa Egipto, pero ipapadala niya ito sa lahat ng mga napopoot sa inyo. 16 Dapat ninyong patayin ang lahat ng tao na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Huwag ninyo silang kaaawaan, at huwag kayong maglilingkod sa kanilang mga dios dahil magiging bitag ito para sa inyo.

17 “Baka sabihin ninyo sa inyong mga sarili, ‘Mas makapangyarihan pa ang bansang ito kaysa sa atin. Paano ba natin sila maitataboy?’ 18 Pero huwag kayong matatakot sa kanila, kundi alalahanin ninyong mabuti kung ano ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa Faraon at sa lahat ng Egipcio. 19 Nakita ninyo ang mga pagsubok, mga himala at kamangha-manghang bagay, at ang dakilang kapangyarihang ipinakita ng Panginoon na inyong Dios nang ilabas niya kayo. Katulad din nito ang gagawin ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng taong kinatatakutan ninyo. 20 At ngayon, padadalhan sila ng Panginoon na inyong Dios ng mga putakti hanggang sa malipol kahit pa ang mga natitirang nagtatago. 21 Huwag kayong matakot sa kanila dahil kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios; ang makapangyarihan at kamangha-manghang Dios. 22 Unti-unting palalayasin ng Panginoon na inyong Dios sa inyong harapan ang mga bansang iyon. Huwag ninyo silang paalisin agad, dahil kung gagawin ninyo iyon, dadami ang mababangis na hayop. 23 Pero ibibigay sila ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Magkakagulo sila hanggang sa malipol silang lahat. 24 Ibibigay niya sa inyo ang kanilang mga hari. Papatayin ninyo sila, at hindi na sila maaalala pa. Wala ni isa man sa kanila na makakatalo sa inyo, at papatayin ninyo silang lahat. 25 Sunugin ninyo ang mga imahen na dios-diosan nila, at huwag ninyong hahangarin ang mga ginto at pilak nito. Huwag na huwag ninyo itong kukunin dahil magiging bitag ito sa inyo, at kasuklam-suklam ito sa Panginoon na inyong Dios. 26 Huwag kayong magdadala sa mga bahay ninyo ng anumang kasuklam-suklam na bagay, para hindi kayo malipol kasama ng mga bagay na iyon. Kamuhian ninyo ito, dahil itong mga bagay ay dapat wasakin ng lubusan.

Huwag Kalilimutan ang Panginoon

“Sundin ninyong mabuti ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito, para mabuhay kayo nang matagal at dumami, at makapanirahan sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno. Alalahanin ninyo kung paano kayo ginabayan ng Panginoon na inyong Dios sa paglalakbay ninyo sa disyerto sa loob ng 40 taon. Ginawa niya ito upang turuan kayong magpakumbaba, at sinubok niya kayo upang malaman kung ano talaga ang nilalaman ng inyong puso, kung susundin ninyo ang kanyang mga utos o hindi. Ibinaba niya kayo sa pamamagitan ng paggutom sa inyo at pagkatapos, binigyan niya kayo ng ‘manna’ – isang klase ng pagkain na hindi pa ninyo natitikman maging ng inyong mga ninuno mula pa noong una. Ginawa ito ng Panginoon para ituro sa inyo na hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Panginoon. Sa loob ng 40 taon, hindi naluma ang mga damit ninyo at hindi namaga ang mga paa ninyo sa paglalakbay. Dapat ninyong maisip na gaya ng pagdidisiplina ng ama sa kanyang anak, ang Panginoon na inyong Dios ay dumidisiplina rin sa inyo.

“Kaya sundin ninyo ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios. Mamuhay kayo ayon sa kanyang pamamaraan at igalang ninyo siya. Sapagkat dadalhin kayo ng Panginoon na inyong Dios sa magandang lupain, na may mga sapa at mga bukal na umaagos sa mga lambak at mga kaburulan. Ang lupaing ito ay may mga trigo, sebada, ubas, igos, pomegranata, olibo at pulot. Hindi kayo mawawalan ng pagkain sa lupaing ito at hindi kayo kukulangin ng anuman. Makakakuha kayo ng bakal sa mga bato nito, at makakahukay kayo ng tanso sa mga kabundukan. 10 Kapag nakakain na kayo at nangabusog, purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios dahil sa magandang lupaing ibinigay niya sa inyo.

11 “Ingatan ninyong huwag makalimutan ang Panginoon na inyong Dios at huwag ninyong susuwayin ang kanyang mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo sa araw na ito. 12 Kapag nakakain na kayo at nangabusog, at kapag nakapagpatayo na kayo ng maaayos na matitirhan, 13 at dumami na ang inyong mga hayop, pilak, ginto at mga ari-arian, 14 siguraduhin ninyong hindi kayo magyayabang at lilimot sa Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin. 15 Ginabayan niya kayo sa malawak at nakakatakot na disyerto na may mga makamandag na ahas at mga alakdan. Walang tubig sa lugar na iyon pero binibigyan niya kayo ng tubig mula sa bato. 16 Doon sa disyerto, binibigyan niya kayo ng ‘manna’ – isang pagkain na hindi natitikman ng inyong mga ninuno. Ginawa ito ng Panginoon para magpakumbaba kayo at para subukin kayo upang sa bandang huliʼy maging mabuti ang inyong kalagayan. 17 Baka sabihin ninyo sa inyong mga sarili, ‘Sa pamamagitan ng sarili kong kakayahan at lakas, naging akin ang lahat ng kayamanang ito.’ 18 Pero alalahanin ninyo na ang Panginoon na inyong Dios ang siyang nagbigay sa inyo ng kakayahang maging mayaman, at ginawa niya ito para matupad niya ang kasunduan niya sa inyong mga ninuno, katulad ng ginawa niya ngayon.

19 “Ngunit binabalaan ko kayo ngayon, na kung kakalimutan ninyo ang Panginoon na inyong Dios at susunod kayo sa ibang mga dios, at sasamba kayo at maglilingkod sa kanila, siguradong malilipol kayo. 20 Kagaya ng pagwasak ng Panginoon sa mga bansa sa inyong harapan, lilipulin din niya kayo kung hindi kayo susunod sa Panginoon na inyong Dios.

Lucas 7:36-8:3

Binuhusan ng Pabango si Jesus

36 Inanyayahan si Jesus ng isang Pariseo na kumain sa bahay niya. Pumunta naman si Jesus at kumain doon. 37 Sa bayang iyon ay may isang babaeng kilala sa pagiging makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya pumunta siya roon at nagdala ng pabango na nasa isang sisidlang yari sa batong alabastro. 38 Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa bandang paanan. Doon ay umiyak ang babae at tumulo ang luha niya sa paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ito ng kanyang buhok, hinalikan at binuhusan ng pabango.

39 Nang makita iyon ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, inisip niya, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam sana niyang masama ang babaeng ito na humihipo sa kanya.” 40 Pero alam ni Jesus ang nasa isip niya, kaya sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot si Simon, “Ano po iyon, Guro?” 41 Sinabi ni Jesus, “May isang lalaking inutangan ng dalawang tao. Ang isaʼy umutang sa kanya ng 500, at ang isa namaʼy 50. 42 Nang kapwa sila hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sa palagay mo, sino sa dalawa ang lalong magmamahal sa nagpautang?” 43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po, ang may mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” sabi ni Jesus. 44 Pagkatapos ay nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Tingnan mo ang babaeng ito. Nang pumasok ako sa bahay mo, hindi mo ako binigyan ng tubig na ipanghuhugas sa paa ko. Pero ang babaeng itoʼy sariling luha ang ipinanghugas sa paa ko at ang buhok pa niya ang ipinunas dito. 45 Hindi mo ako hinalikan bilang pagtanggap, pero siyaʼy walang tigil sa paghalik sa mga paa ko mula nang dumating ako. 46 Hindi mo pinahiran ng langis ang ulo ko, pero pinahiran niya ng mamahaling pabango ang mga paa ko. 47 Kaya sinasabi ko sa iyo na ang malaking pagmamahal na ipinakita niya sa akin ay nagpapatunay na pinatawad na ang marami niyang kasalanan. Pero ang taong kaunti lang ang kasalanang pinatawad ay kaunti rin ang ipinapakitang pagmamahal.” 48 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa babae, “Pinatawad na ang mga kasalanan mo.” 49 Ang mga kasama niya sa pagkain ay nagtanong sa kanilang sarili, “Sino kaya ito na pati kasalanan ay pinapatawad?” 50 Sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”

Mga Babaeng Tumutulong kay Jesus

Pagkatapos, nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon ng Galilea. Nangaral siya ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios. Kasama niya ang 12 apostol at ilang babaeng pinagaling niya sa sakit o pinalaya sa masasamang espiritu. Kabilang dito si Maria na taga-Magdala[a] na pinalaya niya mula sa pitong masasamang espiritu, si Juana na asawa ni Cuza na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Ang mga babaeng ito ay tumutulong sa mga pangangailangan nina Jesus mula sa mga ari-arian nila.

Salmo 69:1-18

Ang Dalangin ng Taong Inuusig

69 O Dios, iligtas nʼyo ako dahil para akong isang taong malapit nang malunod.
Tila lulubog na ako sa malalim na putik at walang matutungtungan.
    Para akong nasa laot at tinatabunan ng mga alon.
Pagod na ako sa paghingi ng tulong at masakit na ang aking lalamunan.
    Dumidilim na ang paningin ko sa paghihintay ng tulong nʼyo, O Dios.
Marami ang napopoot sa akin, mas marami pa sila kaysa sa aking buhok.
    Gusto nila akong patayin ng walang dahilan.
    Pinipilit nilang isauli ko ang mga bagay na hindi ko naman ninakaw.
O Dios, alam nʼyo ang aking kahangalan;
    hindi lingid sa inyo ang aking mga kasalanan.
O Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel,
    huwag sanang malagay sa kahihiyan ang mga nagtitiwala at lumalapit sa inyo nang dahil sa akin.
Dahil sa inyo, iniinsulto ako at inilalagay sa kahihiyan.
Parang ibang tao ang turing sa akin ng mga kapatid ko,
    parang isang dayuhan sa aming sariling tahanan.
Dahil sa labis-labis na pagpapahalaga ko sa inyong templo,[a] halos mapahamak na ako.
    Tuwing iniinsulto kayo ng mga tao, nasasaktan din ako.
10 Kapag akoʼy umiiyak at nag-aayuno, hinihiya nila ako.
11 Kapag nakadamit ako ng sako upang ipakita ang aking pagdadalamhati,
    ginagawa nila akong katatawanan.
12 Pinagbubulung-bulungan din ako ng mga nakaupo sa pintuang bayan.
    At ang mga lasing ay kumakatha ng awit ng pangungutya tungkol sa akin.
13 Ngunit dumadalangin ako sa inyo, Panginoon.
    Sa inyong tinakdang panahon, sagutin nʼyo ang dalangin ko ayon sa tindi ng inyong pagmamahal sa akin.
    Dahil sa tapat kayo sa inyong pagliligtas,
14 tulungan nʼyo akong huwag lumubog sa putikan.
    Iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway na parang inililigtas nʼyo ako mula sa malalim na tubig.
15 Huwag nʼyong hayaang tabunan ako ng mga alon at mamatay.
16 Sagutin nʼyo ako, Panginoon,
    dahil sa inyong kabutihan at pagmamahal sa akin.
    Kahabagan nʼyo ako at bigyang pansin.
17 Huwag kayong tumalikod sa akin na inyong lingkod.
    Sagutin nʼyo agad ako dahil nasa kagipitan ako.
18 Lumapit kayo sa akin at iligtas ako sa aking mga kaaway.

Kawikaan 12:1

12 Ang taong tumatanggap ng pagtutuwid sa kanyang pag-uugali ay nagnanais ng karunungan, ngunit ang taong ayaw tumanggap ay hangal.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®