Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 11-12

Mahalin at Sundin ang Panginoon

11 “Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang kanyang mga utos, tuntunin, panuntunan at kautusan. Alalahanin ninyo ang naranasang pagtutuwid ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Kayo ang nakaranas nito at hindi ang mga anak ninyo. Hindi sila ang nakakita ng kadakilaan at kapangyarihan ng Panginoon, at ng mga himala na ginawa niya sa Egipto laban sa Faraon na hari nito at sa buong bansa nito. Hindi rin nila nakita ang ginawa ng Panginoon sa mga sundalong Egipcio at sa mga kabayo at mga karwahe nila, at kung paano nilunod ng Panginoon ang mga ito sa Dagat na Pula nang hinabol nila kayo. Nangamatay silang lahat. Hindi rin nakita ng mga anak ninyo ang ginawa ng Panginoon sa inyo roon sa disyerto hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito, at kung ano ang ginawa niya kina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab na lahi ni Reuben. Nilamon sila ng lupang bumuka, pati ang kanilang pamilya, tolda at ang lahat ng nakatirang kasama nila. Nangyari ito sa harap ng mga Israelita. Kayo ang nakakita ng mga dakilang bagay na ito na ginawa ng Panginoon.

“Kaya sundin ninyo ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon para may lakas kayo sa paglalakbay at sa pag-agaw ng lupain sa kabila ng Jordan. Kung susunod kayo, mabubuhay kayo nang matagal doon sa maganda at masaganang lupain[a] na ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyong mga ninuno at sa kanilang mga salinlahi. 10 Sapagkat ang lupain na aangkinin at titirhan ninyo ay hindi gaya ng lupain sa Egipto na pinanggalingan ninyo. Doon sa Egipto, kapag magtatanim kayo, magpapakahirap pa kayo ng todo sa pagpapatubig nito. 11 Ngunit ang lupain na aangkinin ninyo ay may mga bundok at lambak na laging nauulanan. 12 Ang lupaing ito ay inaalagaan ng Panginoon na inyong Dios; binabantayan niya ito araw-araw sa buong taon!

13 “Kaya kung lagi lang ninyong susundin ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at paglingkuran ninyo nang buong pusoʼt kaluluwa, 14 padadalhan niya kayo ng ulan sa tamang panahon para makapag-ani kayo ng trigo, ng bagong katas ng ubas at ng olibo para gawing langis. 15 Bibigyan niya ng pastulan ang mga hayop ninyo, at magkakaroon kayo ng masaganang pagkain.

16 “Mag-ingat kayo dahil baka matukso kayong lumayo sa Dios at sumamba sa ibang mga dios at maglingkod sa kanila. 17 Kapag ginawa ninyo ito, magagalit ang Panginoon sa inyo at hindi na niya pauulanin at hindi na kayo makakapag-ani, at sa huli ay mawawala kayo sa magandang lupain na ibibigay ng Panginoon sa inyo. 18 Kaya panatilihin ninyo ang mga salita kong ito sa inyong pusoʼt isipan. Itali ninyo ito sa mga braso ninyo at ilagay sa inyong noo bilang paalala sa inyo. 19 Ituro ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag naroon kayo sa inyong bahay at kapag naglalakad kayo, kapag nakahiga kayo o kapag kayoʼy babangon. 20 Isulat ninyo ito sa mga hamba ng inyong mga pintuan at sa pintuan ng inyong lungsod, 21 para kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal doon sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyong mga ninuno. Maninirahan kayo rito hanggaʼt may langit sa ibabaw ng mundo.

22 “Kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos na ibinibigay ko sa inyo, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at mabuhay ayon sa kanyang pamamaraan at manatili sa kanya, 23 itataboy ng Panginoon ang mga tao sa lupain na inyong aangkinin kahit na mas malaki at mas makapangyarihan pa sila sa inyo. 24 Ang lahat ng lupang matatapakan ninyo ay magiging inyo: mula sa disyerto papunta sa Lebanon, at mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa Dagat ng Mediteraneo.[b] 25 Walang makakapigil sa inyo. Ayon sa ipinangako ng Panginoon na inyong Dios sa inyo, loloobin niyang matakot ang mga tao sa inyo saanmang dako kayo pumunta sa lugar na iyon. 26 Makinig kayo! Pinapapili ko kayo ngayon sa pagpapala o sa sumpa. 27 Pagpapalain kayo kung susundin ninyo ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 28 Susumpain ko kayo kung hindi ninyo susundin ang mga utos na ito ng Panginoon na ibinibigay ko sa inyo ngayon, at sumamba sa ibang mga dios na hindi naman ninyo kilala. 29 Kapag dinala kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lupain na inyong titirhan at aangkinin, ipahayag ninyo ang mga pagpapala sa Bundok ng Gerizim at ang sumpa ay ipahayag ninyo sa Bundok ng Ebal. 30 Ang mga bundok na ito ay nasa kanluran ng Ilog ng Jordan, sa lupain ng mga Cananeo na naninirahan sa Lambak ng Jordan[c] malapit sa bayan ng Gilgal. Hindi ito malayo sa mga malalaking puno ng Moreh. 31 Tatawid na kayo sa Jordan para pasukin at angkinin ang lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Kapag nakuha na ninyo ito at doon na kayo naninirahan, 32 sundin ninyo ang lahat ng mga utos at tuntunin na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito.

Ang Lugar na Pinagsasambahan

12 “Ito ang mga utos at tuntunin na dapat nʼyong sundin nang mabuti habang nabubuhay kayo rito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Kapag pinalayas na ninyo ang mga taong naninirahan doon, gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagsasambahan nila sa kanilang mga dios-diosan: sa matataas na mga bundok, sa mga kaburulan at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Gibain din ninyo ang kanilang mga altar, durugin ang mga alaalang bato nila, sunugin ang kanilang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at durugin ang imahen ng kanilang mga dios para hindi na ito alalahanin pa sa mga lugar na iyon.

“Huwag ninyong sasambahin ang Panginoon na inyong Dios na gaya ng paraan ng kanilang pagsamba, kundi dumulog kayo sa Panginoon na inyong Dios at parangalan siya sa lugar na kanyang pipiliin mula sa lahat ng teritoryo ng mga lahi ng Israel. Doon ninyo dalhin ang mga handog ninyo na sinusunog at iba pang mga handog, ang inyong mga ikapu, ang inyong mga espesyal na handog, ang inyong mga ipinangakong regalo at mga handog na kusang-loob, gayon din ang panganay ng inyong mga hayop. Doon kayo kumain at ang inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, at magsaya kayo sa lahat ng inyong nagawa dahil pinagpala kayo ng Panginoon.

8-9 “Kapag dumating na kayo sa lugar na kung saan makapagpapahinga na kayo, ang lugar na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, huwag na ninyong gawin ang ginagawa natin ngayon, na kahit saan lang tayo naghahandog. 10 Kapag nakatawid na kayo sa Jordan at nanirahan sa lugar na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, mabubuhay kayo nang mapayapa dahil hindi papayag ang Panginoon na gambalain kayo ng mga kaaway sa inyong paligid. 11 Pagkatapos, dalhin ninyo ang mga handog doon sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Ito ang mga handog na iniutos ko sa inyo: mga handog na sinusunog at ang iba pang mga handog, ang inyong ikapu, ang mga espesyal na regalo at ang lahat ng handog na ipinangako ninyo sa Panginoon. 12 Doon kayo magsasaya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, pati ang inyong mga anak, mga alipin at ang mga Levita na naninirahan sa mga bayan ninyo na walang lupang mamanahin. 13 Huwag ninyong ihandog ang inyong mga handog na sinusunog sa kahit saang lugar lang na gustuhin ninyo, 14 kundi, ihandog ninyo ito sa lugar ng lahi na pipiliin ng Panginoon, at doon ninyo gawin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.

15 Pero kung hindi panghandog, maaari ninyong katayin at kainin ang hayop saanman kayo nakatira. Magpakasawa kayong kumain ng karne nito, kagaya ng pagkain ninyo ng usa at ng gasela[d] ayon sa pagpapalang ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Ang bawat tao ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi. 16 Pero huwag ninyong kakainin ang dugo; ibuhos ninyo ito sa lupa kagaya ng tubig. 17 Huwag din ninyong kainin o inumin ang mga sumusunod: ang ikapu ng inyong mga trigo, bagong katas ng ubas at langis, ang panganay na anak ng inyong mga hayop, ang anumang ipinangako ninyong handog at espesyal na mga regalo, at handog na kusang-loob. 18 Kundi kainin lang ninyo ito sa presensya ng Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pipiliin niya kasama ng inyong mga anak, mga alipin at ng mga Levita na naninirahan sa inyong mga bayan. Magsasaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng kanyang ginawa. 19 Huwag ninyong pababayaan ang mga Levita habang nabubuhay kayo sa inyong lupain.

20 “Kapag napalawak na ng Panginoon na inyong Dios ang teritoryo ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyo, at gusto ninyong kumain ng karne, maaari kayong kumain anumang oras na gustuhin ninyo. 21 Kung malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Panginoon na kung saan ninyo siya pararangalan, maaari kayong magkatay ng inyong mga baka o tupa sa inyong lugar. At ayon sa iniutos ko sa inyo, maaari kayong magpakasawa sa pagkain ng mga hayop na ibinigay ng Panginoon sa inyo, 22 katulad ng pagkain ninyo ng gasela at ng usa. Ang bawat tao ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi. 23 Pero siguraduhin ninyong hindi ninyo kakainin ang dugo, dahil ang buhay ay nasa dugo, at huwag ninyong kakainin ang buhay kasama ng karne. 24 Sa halip, ibuhos ninyo ang dugo sa lupa gaya ng tubig. 25 Huwag ninyo itong kakainin para maging mabuti ang kalagayan ninyo at ng inyong mga lahi, dahil ang pag-iwas sa pagkain ng dugo ay mabuti sa paningin ng Panginoon.

26 “Dalhin ninyo sa lugar na pinili ng Panginoon ang mga bagay na ibibigay ninyo sa Panginoon at ang mga handog na ipinangako ninyo sa kanya. 27 Ihandog ninyo ang dugo at karne ng inyong mga handog sa altar ng Panginoon na inyong Dios. Dapat ninyong ibuhos ang dugo sa gilid ng altar ng Panginoon na inyong Dios, pero pwede ninyong kainin ang karne. 28 Sundin ninyo ang lahat ng tuntuning ito na ibinibigay ko sa inyo, para laging maging mabuti ang kalagayan ninyo at ng lahi ninyo, dahil mabuti at tama ang pagsunod sa mga ito sa paningin ng Panginoon na inyong Dios.

29 “Kapag winasak na ng Panginoon na inyong Dios ang mga bansa na sasalakayin ninyo, at pinalayas ninyo ang mga naninirahan dito at inagaw ang kanilang lugar, 30 huwag kayong magpapabitag sa pamamagitan ng pagsunod sa pagsamba nila sa kanilang mga dios. Huwag ninyong sasabihin, ‘Paano sila sumasamba sa kanilang mga dios? Susundin din namin ang ginagawa nila.’ 31 Huwag ninyo itong gagawin para sambahin ang Panginoon na inyong Dios, dahil sa kanilang pagsamba, ginagawa nila ang lahat ng klase ng kasuklam-suklam na bagay na kinasusuklaman ng Panginoon. Sinusunog pa nila ang mga anak nila bilang handog sa kanilang mga dios.

32 “Sundin ninyo ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Huwag ninyo itong dadagdagan o babawasan.

Lucas 8:22-39

Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(A)

22 Isang araw, sumakay ng bangka si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” At ganoon nga ang ginawa nila. 23 Nang naglalayag na sila, nakatulog si Jesus. Maya-mayaʼy lumakas ang hangin at pinasok ng maraming tubig ang bangka nila, kaya nalagay sila sa panganib. 24 Nilapitan si Jesus ng mga tagasunod niya at ginising, “Guro![a] Guro! Lulubog na tayo!” Bumangon si Jesus at pinatigil ang malakas na hangin at ang malalaking alon. Tumigil ang mga ito at biglang kumalma ang panahon. 25 Pagkatapos, tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Nasaan ang pananampalataya ninyo?” Namangha sila at natakot, at nag-usap-usap, “Sino kaya ito? Kahit ang hangin at ang alon ay inuutusan niya, at sinusunod siya!”

Pinagaling ni Jesus ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(B)

26 Nagpatuloy sila sa paglalayag hanggang sa makarating sila sa lupain ng mga Geraseno[b] na katapat ng Galilea. 27 Pagkababa ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking taga-roon na sinasaniban ng masasamang espiritu. Matagal na itong walang suot na damit at ayaw tumira sa bahay kundi sa mga kwebang libingan. 28 Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya at lumuhod sa harapan ni Jesus. At sinabi niya nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” 29 Sinabi niya ito dahil inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu sa kanya. Matagal na siyang sinasaniban nito. At kahit tinatalian siya ng kadena sa kamay at paa at binabantayan, nilalagot niya ang kadena, at pinapapunta siya ng demonyo sa ilang. 30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan,” dahil maraming masamang espiritu ang pumasok sa kanya. 31 Nagmakaawa ang masasamang espiritu kay Jesus na huwag silang papuntahin sa kailaliman at parusahan doon. 32 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. Nagmakaawa ang masasamang espiritu kay Jesus na payagan silang pumasok sa mga baboy, at pinayagan naman sila ni Jesus. 33 Kaya lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang mga baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.

34 Nang makita iyon ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila patungo sa bayan at sa mga karatig nayon at ipinamalita ang nangyari. 35 Kaya pumunta roon ang mga tao para tingnan ang nangyari. Pagdating nila kay Jesus, nakita nila ang taong sinaniban dati ng masasamang espiritu na nakaupo sa paanan ni Jesus, nakadamit at matino na ang pag-iisip. At natakot ang mga tao. 36 Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung paano gumaling ang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu. 37 Nakiusap ang lahat ng Geraseno[c] kay Jesus na umalis sa kanilang bayan dahil takot na takot sila. Kaya muling sumakay si Jesus sa bangka upang bumalik sa pinanggalingan niya. 38 Nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. Pero hindi pumayag si Jesus. Sinabi niya, 39 “Umuwi ka na sa inyo at sabihin mo sa kanila ang ginawa sa iyo ng Dios.” Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus.

Salmo 70

Dalangin para Tulungan ng Dios

(Salmo 40:13-17)

70 Panginoong Dios,
    iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
Mapahiya sana at malito ang mga nagnanais na mamatay ako.
    Magsitakas sana na hiyang-hiya ang mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
Mapaatras sana sa kahihiyan ang mga kumukutya sa akin.
Ngunit labis sanang magalak sa inyo ang mga lumalapit sa inyo.
    Ang lahat sana ng nagnanais ng inyong pagliligtas ay laging magsabi, “Dakila ka, o Dios!”
Ngunit ako, akoʼy dukha at nangangailangan.
    O Dios, agad nʼyo po akong lapitan!
    Kayo ang tumutulong sa akin at aking Tagapagligtas.
    Panginoon, agad nʼyo po akong tulungan.

Kawikaan 12:4

Ang mabuting maybahay ay kasiyahan at karangalan ng kanyang asawa, ngunit parang kanser sa buto ang nakakahiyang asawa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®