The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Pista ng Paglampas ng Anghel(A)
16 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa buwan ng Abib[a] bilang pagpaparangal sa Panginoon na inyong Dios, dahil sa buwan na itoʼy inilabas niya kayo nang gabi sa Egipto. 2 Maghandog kayo ng tupa o baka bilang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Ihandog ninyo ito para sa Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pinili niya, kung saan pararangalan siya. 3 Kainin ninyo ito kasama ng tinapay na walang pampaalsa. Sa loob ng pitong araw, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa gaya ng ginawa ninyo noong nagmamadali kayong umalis sa Egipto. Kainin ninyo ang tinapay na ito, ang simbolo ng inyong pagtitiis, para maalala ninyo sa buong buhay ninyo ang panahon na lumabas kayo sa Egipto. 4 Wala dapat makitang pampaalsa sa mga bahay ninyo sa buong bansa sa loob ng pitong araw. At ang karneng inihandog nang gabi ng unang araw ay walang matitira sa kinaumagahan.
5 “Bilang pagdiriwang sa Pista ng Paglampas ng Anghel, ang hayop na ihahandog ninyo ay huwag ninyong ihahandog sa kahit saang bayan na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, 6 kundi sa lugar lang na pipiliin niya, kung saan pararangalan siya. Kailangang ihandog ninyo ito sa paglubog ng araw, ang oras na umalis kayo sa Egipto. 7 Lutuin ninyo ito at kainin sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios. Pagkaumaga, bumalik kayo sa inyong mga tolda. 8 Sa susunod na anim na araw, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw, huwag kayong magtrabaho, kundi magtipon kayo para sumamba sa Panginoon na inyong Dios.
Ang Pista ng Pag-aani(B)
9 “Bumilang kayo ng pitong linggo mula sa pag-uumpisa ng tag-ani. 10 Pagkatapos, ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pag-aani para parangalan ang Panginoon na inyong Dios sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga handog na kusang-loob ayon sa mga pagpapala na natanggap ninyo mula sa Panginoon na inyong Dios. 11 At magsaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya, kung saan pararangalan siya. Magdiwang kayo kasama ang inyong mga anak, alipin at Levita na naninirahan sa inyong mga bayan, mga dayuhan, mga ulila at mga biyudang naninirahan sa inyong mga bayan. 12 Alalahanin ninyo na naging mga alipin muna kayo sa Egipto, kaya sundin ninyong mabuti ang mga tuntuning ito.
Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol(C)
13 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol sa loob ng pitong araw sa katapusan ng tag-ani, pagkatapos na magiik ninyo ang mga trigo at mapiga ang mga ubas. 14 Magsaya kayo sa pagdiriwang ninyo ng pistang ito kasama ng inyong mga anak, mga alipin, mga Levita, mga dayuhan, mga ulila at mga biyudang naninirahan sa bayan ninyo. 15 Sa loob ng pitong araw, ipagdiwang ninyo ang Pistang ito para parangalan ang Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pinili niya. Sapagkat pagpapalain ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng ani ninyo at ang lahat ng ginagawa ninyo, at magiging lubos ang inyong kaligayahan.
16 “Bawat taon, dapat makiisa ang bawat lalaki sa tatlong pistang ito: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Pista ng Pag-aani at ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. Pupunta ang bawat isa sa kanila sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya, 17 at nararapat na magdala sila ng handog sa Panginoon ayon sa pagpapalang ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Dios.
Ang mga Hukom
18 “Maglagay kayo ng mga hukom at opisyal sa bawat lahi ninyo sa lahat ng bayan na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Sila ang maghuhukom sa mga mamamayan nang walang pinapanigan. 19 Huwag nilang babaluktutin ang hustisya at dapat wala silang pinapaboran sa paghuhukom. Huwag silang tatanggap ng suhol dahil makakabulag ito sa marurunong at matutuwid, at makakaimpluwensya sa desisyon nila. 20 Dapat mangibabaw ang tamang hustisya para mabuhay kayo at makapanirahan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.
Ang Pagsamba sa Ibang mga Dios-diosan
21 “Huwag kayong magpapatayo ng poste na simbolo ng diosang si Ashera sa tabi ng altar na ginawa ninyo para sa Panginoon na inyong Dios, 22 at huwag kayong magpapatayo ng mga alaalang bato para sambahin, dahil kinasusuklaman ito ng Panginoon na inyong Dios.
17 “Huwag kayong maghahandog sa Panginoon na inyong Dios ng baka o tupa na may kapintasan o kapansanan, dahil kasuklam-suklam ito sa Panginoon.
2 “Kung ang isang lalaki o babae na naninirahan sa isa sa mga bayan na ibinibigay ng Panginoon ay nahuling gumagawa ng masama sa paningin ng Panginoon na inyong Dios, sinira niya ang kasunduan sa Panginoon 3 at sumuway sa pamamagitan ng pagsamba sa ibang mga dios o sa araw o sa buwan o sa mga bituin; 4 kapag narinig ninyo ito, kailangang imbestigahan ninyo ito nang mabuti. Kung totoo ngang ginawa sa Israel ang kasuklam-suklam na bagay na ito, 5 dalhin ninyo ang taong gumawa ng masama sa pintuan ng lungsod at batuhin hanggang sa mamatay. 6 Pwede lang patayin ang tao kapag napatunayang nagkasala siya sa pamamagitan ng patotoo ng dalawa o tatlong saksi, pero kung isa lang ang saksi, hindi siya pwedeng patayin. 7 Ang mga saksi ang unang babato sa taong nagkasala, at susunod na babato ang lahat ng tao. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
8 “Kung may mga kaso sa korte ninyo tungkol sa pagpatay, pag-aaway o pananakit na mahirap bigyan ng desisyon; ang gawin ninyo, dalhin ninyo ang kasong ito sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios 9 kung saan ang mga pari na mga Levita at ang mga hukom na naglilingkod sa panahong iyon ang magdedesisyon sa kaso. 10 Kailangang tanggapin ninyo ang kanilang desisyon doon sa lugar na pinili ng Panginoon. Sundin ninyong mabuti ang lahat ng sinabi nila sa inyo. 11 Kung anuman ang kanilang napagdesisyunan ayon sa kautusan, dapat ninyo itong sundin. Huwag ninyong susuwayin ang sinabi nila sa inyo. 12 Ang taong hindi tatanggap sa desisyon ng hukom o ng pari na naglilingkod sa Panginoon na inyong Dios ay dapat patayin. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. 13 Kapag narinig ito ng lahat ng tao, matatakot sila at hindi na muling gagawa ng bagay na iyon.
Ang mga Hari
14 “Kapag nakapasok na kayo sa lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios at maangkin na ninyo iyon at doon na kayo manirahan, sasabihin ninyo, ‘Pumili tayo ng hari na mamumuno sa atin katulad ng mga bansa sa palibot natin.’ 15 Siguraduhin ninyo na ang pipiliin ninyong hari ay ang pinili rin ng Panginoon na inyong Dios, at kailangang katulad ninyo siyang Israelita. Huwag kayong pipili ng dayuhan. 16 Hindi dapat mag-ipon ng maraming kabayo ang hari ninyo, at hindi niya dapat pabalikin sa Egipto ang mga tauhan niya para bumili ng mga kabayo, dahil sinabi ng Panginoong Dios sa inyo na huwag na kayong babalik doon. 17 Hindi siya dapat magkaroon ng maraming asawa dahil baka tumalikod siya sa Panginoon. At hindi dapat siya nagmamay-ari ng maraming pilak at ginto.
18 “Kung uupo na siya sa trono bilang hari, kailangan niyang kopyahin ang mga kautusang ito para sa kanyang sarili sa harapan ng mga pari na mga Levita. 19 Dapat niya itong ingatan at laging basahin sa buong buhay niya para matuto siyang gumalang sa Panginoon na kanyang Dios, at masunod niya nang mabuti ang lahat ng sinasabi ng mga kautusan at mga tuntunin. 20 Sa pamamagitan din ng laging pagbabasa nito, makakaiwas siya sa pagyayabang sa kapwa niya Israelita, at makakaiwas siya sa pagsuway sa mga utos ng Panginoon. Kung susundin niyang lahat ito, maghahari siya at ang kanyang angkan nang matagal sa Israel.
Naguluhan si Haring Herodes(A)
7 Nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang mga ginagawa ni Jesus. Naguluhan siya dahil may mga nagsasabing muling nabuhay si Juan na tagapagbautismo. 8 May nagsasabi namang siya si Elias na nagpakita ngayon. At may nagsasabi pang isa siya sa mga propeta noong unang panahon na muling nabuhay. 9 Sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko ng ulo si Juan. Pero sino kaya itong nababalitaan ko? Marami akong kahanga-hangang bagay na narinig tungkol sa kanya.” Kaya pinagsikapan ni Herodes na makita si Jesus.
Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(B)
10 Pagbalik ng mga apostol, ikinuwento nila kay Jesus ang lahat ng ginawa nila. Pagkatapos, isinama sila ni Jesus sa bayan ng Betsaida; wala na siyang isinamang iba. 11 Pero nalaman pa rin ng mga tao kung saan sila pumunta at sinundan sila. Pagdating nila doon, tinanggap naman sila ni Jesus at nangaral siya sa kanila tungkol sa paghahari ng Dios, at pinagaling din niya ang mga may sakit.
12 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang 12 apostol at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa kanayunan at kabukiran na malapit para humanap ng matutuluyan at makakain, dahil nasa ilang na lugar po tayo.” 13 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayo ang magpakain sa kanila.” Sumagot sila, “May limang tinapay lang po tayo at dalawang isda. Hindi ito kakasya, maliban na lang kung bibili kami ng pagkain para sa kanila.” 14 (May 5,000 lalaki ang naroon.) Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Paupuin ninyo sila nang grupo-grupo na tig-50 bawat grupo.” 15 At pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya upang ipamigay sa mga tao. 17 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng 12 basket.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(C)
18 Isang araw, nanalanging mag-isa si Jesus nang di-kalayuan sa mga tagasunod niya. Tinanong niya sila, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” 19 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing isa po kayo sa mga propeta noong unang panahon, na muling nabuhay.” 20 Tinanong sila ni Jesus, “Pero para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo!”
Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(D)
21 Mahigpit na sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo. 22 Sinabi pa niya, “Ako na Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil ako ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila ako, ngunit sa ikatlong araw ay muli akong mabubuhay.”
23 Pagkatapos, sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat ay handa siyang humarap kahit sa kamatayan[a] alang-alang sa pagsunod niya sa akin araw-araw. 24 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 25 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo pero mapapahamak naman ang buhay niya? Wala! 26 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman, ikakahiya ko rin siya kapag ako na Anak ng Tao ay pumarito na taglay ang aking kapangyarihan at ang kapangyarihan ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang paghahari ng Dios.”
Panalangin para sa Hari
72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
2 para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
3 Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
4 Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
at durugin ang mga umaapi sa kanila.
5 Manatili sana siya[a] magpakailanman,
habang may araw at buwan.
6 Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
7 Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.
8 Lumawak sana nang lumawak ang kanyang kaharian,[b]
mula sa ilog ng Eufrates hanggang sa pinakadulo ng mundo.[c]
9 Magpasakop sana sa kanya ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.
10 Magbigay sana ng mga kaloob sa kanya ang mga hari ng Tarshish,
ng malalayong isla, ng Sheba at Seba.
11 Magpasakop sana ang lahat ng hari sa kanya
at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.
12 Dahil tinutulungan niya ang mga napabayaang dukha
na humingi ng tulong sa kanya.
13 Kahahabagan niya ang mga dukha at nangangailangan at silaʼy kanyang tutulungan.
14 Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.
15 Mabuhay sana ang hari nang matagal.
Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba.
Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Dios.
16 Sumagana sana ang ani sa lupain kahit na sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon.
At dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod,
kasindami ng damo sa mga parang.
17 Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw.
Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Dios ang lahat ng bansa,
at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Dios.
18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
Amen! Amen!
20 Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.
8 Pinararangalan ang taong may karunungan, ngunit hinahamak ang taong masama ang kaisipan.
9 Mas mabuti ang taong simple pero kayang magbayad ng katulong kaysa sa taong nagkukunwaring mayaman ngunit kahit makain ay wala naman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®