Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 21-22

Ang Hindi pa Nakikilalang Mamamatay-Tao

21 “Kapag naroon na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na aangkinin ninyo, at may nakita kayong bangkay ng tao at hindi ninyo alam kung sino ang pumatay dito, dapat sukatin ng mga tagapamahala sa inyo kung aling bayan sa palibot ang pinakamalapit kung saan natagpuan ang bangkay. Pagkatapos, kukuha ang mga tagapamahala ng bayang iyon ng dumalagang baka na hindi pa nakakapagtrabaho o nakakapag-araro. Dadalhin nila ito sa lambak na palaging dinadaluyan ng tubig, na ang lupa doon ay hindi pa naaararo o natataniman. At doon nila babaliin ang leeg ng dumalagang baka. Dapat ding pumunta roon ang mga pari na mula sa lahi ni Levi, dahil pinili sila ng Panginoon na inyong Dios na maglingkod at magbigay ng basbas sa pangalan ng Panginoon, at magdesisyon sa lahat ng kaso. Pagkatapos, ang lahat ng tagapamahala ng bayan sa pinakamalapit na lugar kung saan nakita ang bangkay ay maghuhugas ng kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa lambak. At sasabihin nila, ‘Hindi kami ang pumatay at hindi rin namin nakita kung sino ang pumatay. 8-9 O Panginoon, patawarin nʼyo po ang mga mamamayan ninyong Israelita na inyong iniligtas sa Egipto. Huwag ninyo kaming panagutin sa kamatayan ng inosenteng taong ito.’ Kung ganito ang gagawin ninyo hindi na kayo pananagutin ng Panginoon sa pagpatay, dahil makikita niya na matuwid kayo.

Ang Pag-aasawa ng Bihag na Babae

10 “Kung nakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway at ibinigay sila sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, at binihag ninyo sila, 11 at ang isa sa inyo ay nakakita ng magandang babae sa mga bihag at nagustuhan niya ito at gusto niya itong mapangasawa, 12 dadalhin niya ang babae sa kanyang bahay at kakalbuhin ang ulo niya, puputulin ang mga kuko, 13 at papalitan ang suot niyang damit nang binihag siya. Dapat magpaiwan ang babae sa bahay ninyo sa loob ng isang buwan habang nagluluksa siya para sa kanyang mga magulang. Pagkatapos nito, maaari na siyang maging asawa. 14 Pero kung sa bandang huli ay mawalan ang lalaki ng gana sa babae, dapat niya itong payagang pumunta saan man gustuhin ng babae. Hindi na siya dapat pang ipagbili o gawing alipin dahil siyaʼy ipinahiya niya.

Ang Karapatan ng mga Panganay

15 “Kung may isang lalaki na dalawa ang asawa, at mahal niya ang isa pero hindi ang isa, at may mga anak siya sa dalawa. At kung ang panganay niyang lalaki ay anak ng asawa niyang hindi niya mahal, 16 kapag hahatiin na niya ang kanyang ari-arian, kailangang ang parte na para sa panganay na anak ay huwag ibigay sa anak ng asawa niyang minamahal. Dapat niya itong ibigay sa panganay kahit na hindi niya mahal ang ina nito. 17 Kailangan niyang kilalanin na panganay niyang anak ang anak ng asawa niyang hindi minamahal. Ibibigay niya sa kanya nang doble ang bahagi ng ari-arian niya dahil siya ang naunang anak at may karapatan siyang tumanggap ng kanyang bahagi bilang panganay na anak.

Ang Hindi Matapat na Anak

18 “Kung ang isang tao ay may anak na lalaki na matigas ang ulo at suwail na ayaw makinig sa kanyang mga magulang kapag siyaʼy dinidisiplina, 19 dadalhin siya ng kanyang mga magulang sa mga tagapamahala doon sa pintuan ng bayan. 20 Sasabihin nila sa mga tagapamahala, ‘Matigas ang ulo nitong anak namin at rebelde siya; hindi siya sumusunod sa amin. Gastador siya at lasenggo.’ 21 Pagkatapos, dapat siyang batuhin ng lahat ng naninirahan sa bayan hanggang sa mamatay siya. Marinig ito ng lahat ng Israelita at matatakot sila. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

Ang Iba pang mga Kautusan

22 “Kung ang isang tao ay pinarusahan ng kamatayan dahil sa isang krimen na ginawa niya, at ibinitin ang bangkay niya sa puno, 23 hindi dapat umabot hanggang umaga ang bangkay niya roon. Dapat ninyo itong ilibing sa araw ding iyon, dahil ang sinumang ibinitin sa puno ay isinumpa ng Dios. Kung hindi ninyo ito ililibing sa araw ding iyon, madudungisan nito ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang mana ninyo.

22 “Kapag nakita ninyong nakawala ang baka o tupa ng inyong kapwa, huwag ninyo itong pababayaan, sa halip dalhin ito sa may-ari. Pero kung malayo ang tinitirhan ng may-ari o hindi ninyo alam kung kanino ito, iuwi muna ninyo ito. Kapag hinanap ito ng may-ari, saka ninyo ito ibigay sa kanya. Ganito rin ang gagawin ninyo sa asno o kasuotan o anumang bagay na nawala sa inyong kapwa. Huwag ninyo itong babalewalain.

“Kung makita mo na ang asno o ang baka ng iyong kapwa ay nabuwal sa daan, huwag mo itong pabayaan. Tulungan mo ang may-ari para itayo ito.

“Hindi dapat magsuot ng kasuotang panlalaki ang mga babae, o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae, dahil kinasusuklaman ng Panginoon na inyong Dios ang gumagawa nito.

“Kung may makita kayong mga pugad ng ibon sa tabi ng daan, sa punongkahoy, o sa lupa, at ang inahin ay nakaupo sa mga itlog o sa kanyang mga inakay, huwag ninyong kukunin ang inahing kasama ng mga itlog o mga inakay. Maaari ninyong kunin ang mga itlog o mga inakay, pero kailangang pakawalan ninyo ang inahin, para maging mabuti ang inyong kalagayan at mabuhay kayo nang matagal.

“Kung magpapatayo kayo ng bahay, lagyan ninyo ng rehas ang palibot ng inyong patag na bubong para wala kayong pananagutan kung may mahulog mula sa bubong ninyo at mamatay.

“Huwag kayong magtatanim ng ibang binhi sa ubasan. Kung gagawin ninyo ito, magiging pag-aari na ng templo ang bungang itinanim ninyo at pati na rin ang bunga ng inyong ubasan.

10 “Huwag ninyong pagpaparisin ang baka at ang asno sa pag-aararo. 11 Huwag kayong magsusuot ng damit na ginawa sa dalawang klase ng tela.

12 “Lagyan ninyo ng palawit ang apat na gilid ng balabal na damit ninyo.

Ang Kautusan tungkol sa Dangal ng Babae

13 “Kung napangasawa ng isang lalaki ang isang babae, at pagkatapos nilang magsiping ay inayawan ng lalaki ang kanyang asawa 14 at pinagbintangan niya ito. At sinabi niya, ‘Natuklasan kong hindi na birhen ang aking asawa nang sumiping ako sa kanya.’ 15 Pupunta ang magulang ng babae sa mga tagapamahala doon sa may pintuan ng bayan. Magdadala sila ng ebidensya na birhen ang anak nila. 16 At sasabihin ng ama ng babae sa mga tagapamahala, ‘Ipinakasal ko ang anak ko sa taong ito at ngayoʼy nagagalit siya sa anak ko. 17 Pinagbibintangan niya ang anak ko na hindi na siya birhen nang mapangasawa niya. Pero heto ang ebidensya na birhen ang aking anak.’ At ipapakita ng magulang sa mga tagapamahala ang sapin ng mag-asawa na may dugo. 18 Pagkatapos nito, huhulihin ng mga tagapamahala ang lalaki at parurusahan. 19 Pagmumultahin siya ng 100 pirasong pilak at ibibigay ito sa ama ng babae, dahil ipinahiya niya ang isang birheng Israelita. At dapat ay huwag niyang hihiwalayan ang babae habang nabubuhay siya.

20 “Pero kung totoo ang bintang at walang makitang ebidensya na birhen ang babae, 21 dadalhin ang babaeng iyon sa harap ng bahay ng kanyang ama at doon babatuhin siya ng mga lalaki ng bayan hanggang sa mamatay. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. Nakakahiya ang bagay na ginawa niya sa Israel sa pamamagitan ng pakikiapid habang nasa poder pa siya ng kanyang ama.

Ang Kautusan tungkol sa Pakikiapid

22 “Kung nakiapid ang isang lalaki sa isang babaeng may asawa, dapat na patayin silang dalawa. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

23 “Kung ang isang lalaki ay nakiapid sa isang dalagang malapit nang ikasal, at nangyari ito sa isang bayan, 24 dadalhin silang dalawa sa pintuan ng bayan at babatuhin hanggang sa mamatay. Papatayin ang babae dahil kahit na naroon siya sa bayan, hindi siya sumigaw para humingi ng tulong. Papatayin din ang lalaki dahil nakiapid siya sa babaeng ikakasal na. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

25 “Ngunit kung ang babaeng ikakasal na ay pinagsamantalahan ng lalaki sa labas ng bayan, ang lalaki lang ang papatayin. 26 Huwag ninyong sasaktan ang babae; hindi siya nagkasala at hindi siya dapat parusahan ng kamatayan. Ang kasong ito ay katulad ng kaso ng tao na sumalakay sa kanyang kapwa at pinatay ito. 27 Dahil sa labas ng bayan pinagsamantalahan ang babae, kahit na sumigaw siya para humingi ng tulong, walang makakarinig sa kanya para tumulong.

28 “Kung nahuli ang isang lalaki na pinagsamantalahan ang isang dalaga na walang nobyo, 29 magbabayad ang lalaki ng 50 pirasong pilak sa ama ng babae. Dapat niyang pakasalan ang babae dahil kinuha niya ang kanyang pagkababae, at hindi niya ito dapat hiwalayan habang siyaʼy nabubuhay.

30 “Hindi dapat makiapid ang anak sa asawa ng kanyang ama, dahil kahiya-hiya ito sa kanyang ama.

Lucas 9:51-10:12

Hindi Tinanggap si Jesus sa Isang Nayon sa Samaria

51 Nang malapit na ang araw para bumalik si Jesus sa langit, nagpasya siyang pumunta sa Jerusalem. 52 Kaya pinauna niya ang ilang tao sa isang nayon ng mga Samaritano para humanap ng matutuluyan. 53 Pero ayaw siyang tanggapin ng mga taga-roon dahil alam nilang papunta siya sa Jerusalem. 54 Nang malaman iyon ng mga tagasunod ni Jesus na sina Santiago at Juan, sinabi nila kay Jesus, “Panginoon, gusto nʼyo po bang humingi kami ng apoy mula sa langit para sunugin sila?” 55 Pero lumingon si Jesus at pinagsabihan sila.[a] 56 At tumuloy na lang sila sa ibang nayon.

Ang mga Nagnais Sumunod kay Jesus(A)

57 Habang naglalakad sila, may isang lalaking nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” 58 Pero sinagot siya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at may mga pugad ang mga ibon, ngunit ako na Anak ng Tao ay walang sariling tahanan na mapagpahingahan.” 59 Sinabi ni Jesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Pero sumagot siya, “Panginoon, pauwiin po muna ninyo ako para maipalibing ko ang aking ama.”[b] 60 Pero sinabi sa kanya ni Jesus, “Ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang patay. Pero ikaw, lumakad ka at ipangaral ang tungkol sa paghahari ng Dios.” 61 May isa ring nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, pero hayaan nʼyo muna po akong magpaalam sa pamilya ko.” 62 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang sinumang nag-aararo na palaging lumilingon ay hindi kapaki-pakinabang ang paglilingkod sa ilalim ng paghahari ng Dios.”

Sinugo ni Jesus ang Kanyang 72 Tagasunod

10 Pagkatapos nito, pumili pa ang Panginoon ng 72[c] tagasunod, at sinugo ang mga ito nang dala-dalawa sa mga bayan at sa iba pang mga lugar na pupuntahan niya. Sinabi niya sa kanila, “Marami ang aanihin ngunit kakaunti ang tagapag-ani. Kaya idalangin ninyo sa Panginoon, na siyang may-ari ng anihin, na magpadala siya ng mga tagapag-ani. Sige, lumakad na kayo. Ngunit mag-ingat kayo, dahil tulad kayo ng mga tupang isinugo ko sa mga lobo. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o sandalyas. At huwag kayong mag-aksaya ng panahon sa pakikipagbatian sa daan. Pagpasok nʼyo sa alin mang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa tahanang ito.’ Kung ang nakatira roon ay maibigin sa kapayapaan, mapapasakanila ang kapayapaang idinalangin ninyo. Ngunit kung hindi, hindi rin nila makakamtan iyon. Manatili kayo sa bahay na tinutuluyan ninyo. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay. Kainin at inumin ninyo ang anumang ihain nila sa inyo dahil ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sahod. Kapag dumating kayo sa isang bayan at tinanggap kayo ng mga tao, kainin ninyo ang anumang ihain nila sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga may sakit doon, at sabihin ninyo sa kanila na malapit na[d] ang paghahari ng Dios sa kanila. 10 Ngunit kung ayaw kayong tanggapin sa isang bayan, umalis kayo, at habang naglalakad kayo sa lansangan nila ay sabihin ninyo, 11 ‘Kahit ang alikabok ng bayan ninyo na dumidikit sa mga paa namin ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit dapat ninyong malaman na malapit na ang paghahari ng Dios.’ ” 12 Sinabi pa ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tinitiyak ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodom.”

Salmo 74

Panalangin para sa Bansa sa Oras ng Kaguluhan

74 O Dios, hanggang kailan mo kami itatakwil?
    Bakit kayo nagagalit sa mga taong inyong kinakalinga?
Alalahanin nʼyo ang mga mamamayan na inyong pinili, ang lahing tinubos nʼyo, mula pa noong una at ginawa nʼyong pinakatangi-tanging kayamanan.
    Alalahanin nʼyo rin ang bundok ng Zion na inyong tahanan.
Puntahan nʼyo ang lugar na sira pa rin hanggang ngayon;
    tingnan nʼyo kung paanong sinira ng mga kaaway ang lahat sa templo.
Sumigaw sila sa loob ng inyong templo.
    Nagtaas pa sila roon ng mga bandila bilang simbolo ng kanilang tagumpay.
Sinibak nila ang templo na parang pumuputol ng punongkahoy sa gubat gamit ang palakol.
Winasak nila ang mga inukit na mga kagamitan sa pamamagitan ng mga palakol.
Nilapastangan at sinunog nila ang inyong tahanan.
Sinabi nila sa kanilang sarili, “Lipulin natin silang lahat!”
    Sinunog nila ang lahat ng lugar na pinagsasambahan sa inyo, O Dios.
Wala nang palatandaan na kasama namin kayo.
    Wala nang propetang naiwan at walang nakakaalam kung hanggang kailan matatapos ang mga nangyayaring ito sa amin.
10 O Dios, hanggang kailan kayo kukutyain ng aming mga kaaway?
    Papayagan nʼyo ba silang lapastanganin ang inyong pangalan habang buhay?
11 Bakit wala kayong ginagawa?
    Kumilos na kayo![a]
    Puksain nʼyo na sila!
12 Kayo, O Dios, ang aming Hari mula pa noong una.
    Paulit-ulit nʼyo nang iniligtas ang mga tao sa mundo.[b]
13 Hinati nʼyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at dinurog ang ulo ng mga dambuhalang hayop sa dagat.
14 Dinurog nʼyo ang ulo ng dragon na Leviatan at ipinakain ang bangkay nito sa mga hayop sa ilang.
15 Kayo ang nagpapadaloy ng mga bukal at mga batis, at ang ilog na hindi natutuyo ay pinapatuyo ninyo.
16 Kayo ang gumawa ng araw at ng gabi at naglagay ng araw at ng buwan sa kanilang kinalalagyan.
17 Kayo rin ang naglagay ng mga hangganan sa mundo
    at lumikha ng tag-araw at taglamig.
18 Alalahanin nʼyo Panginoon, kung paano kayo pinahiya at kinutya ng mga hangal na kaaway.
    Kung paano nilapastangan ng mga mangmang na ito ang inyong pangalan.
19 Huwag nʼyong ibigay sa kanilang mga kaaway na parang mababangis na hayop ang inyong mga mamamayan na parang kalapati.
    Huwag nʼyong lubusang kalimutan ang inyong mga mamamayan na laging inaapi.
20 Alalahanin nʼyo ang kasunduan ninyo sa amin,
    dahil laganap ang kalupitan sa madidilim na lugar ng lupaing ito.
21 Huwag nʼyong payagang mapahiya ang mga mahihirap at nangangailangan.
    Purihin sana nila kayo.
22 Sige na po, O Dios, ipagtanggol nʼyo ang inyong karangalan.
    Alalahanin nʼyo kung paano kayo laging hinihiya ng mga hangal na ito.
23 Huwag nʼyong balewalain ang walang tigil na paghiyaw ng inyong mga kaaway upang ipakita ang kanilang galit.

Kawikaan 12:11

11 Ang magsasakang masipag ay laging sagana sa pagkain, ngunit ang walang sapat na pang-unawa ay nagsasayang ng oras sa mga walang kabuluhang gawain.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®