The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Pagbago ng Kasunduan
29 Ito ang mga tuntunin ng pagsunod sa kasunduang ipinagawa ng Panginoon kay Moises sa mga Israelita sa Moab, maliban pa sa kasunduan na ginawa niya sa kanila sa Horeb.
2 Ipinatawag ni Moises ang lahat ng Israelita at sinabi sa kanila, “Nakita ninyo ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa lahat ng opisyal niya at sa buong bansa nito. 3 Nakita ninyo noon ang matinding pagsubok[a], ang mga himala at ang mga kamangha-manghang gawa. 4 Pero hanggang ngayon, hindi pa ito ipinauunawa ng Panginoon sa inyo. 5 Sa loob ng 40 taon na pinangunahan ko kayo sa ilang, hindi naluma ang mga damit at sandalyas ninyo. 6 Wala kayong pagkain doon o katas ng ubas o ng iba pang inumin, pero binigyan kayo ng Panginoon ng mga kailangan ninyo para malaman ninyong siya ang Panginoon na inyong Dios.
7 “Pagdating natin sa lugar na ito, nakipaglaban sa atin si Haring Sihon ng Heshbon at si Haring Og ng Bashan, pero tinalo natin sila. 8 Inagaw natin ang lupain nila at ibinigay ito sa mga lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase bilang mana nila.
9 “Kaya sundin ninyong mabuti ang mga ipinatutupad ng kasunduang ito, para maging matagumpay kayo sa lahat ng ginagawa ninyo. 10 Sa araw na ito, nakatayo kayo sa harap ng presensya ng Panginoon na inyong Dios: ang mga pinuno ng mga angkan ninyo, ang mga tagapamahala, ang mga opisyal at lahat ng kalalakihan ng Israel, 11 ang mga asawaʼt mga anak ninyo, at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo na inyong tagasibak at taga-igib. 12 Nakatayo kayo rito ngayon para gawin ang kasunduan sa Panginoon na inyong Dios. Sinusumpaan ng Panginoon ang kasunduang ito ngayon. 13 Gusto niyang mapatunayan sa inyo sa araw na ito na kayo ang mamamayan niya at siya ang Dios ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyo at sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. 14-15 Pero hindi lang kayo na nakatayo ngayon dito sa presensya ng Panginoon na inyong Dios ang saklaw ng kasunduang ito, kundi pati ang lahat ng inyong lahi na ipapanganak pa lang.
16 “Nalalaman ninyo kung paano tayo nanirahan sa Egipto noon at kung paano tayo naglakbay sa lupain ng iba pang mga bansa papunta sa lugar na ito. 17 Nakita ninyo ang kanilang kasuklam-suklam na mga dios-diosan na ginawa mula sa kahoy, bato, pilak at ginto. 18 Siguraduhin ninyong wala ni isa sa inyo, babae o lalaki, sambahayan o angkan, na tatalikod sa Panginoon na ating Dios at sasamba sa mga dios ng mga bansang iyon para wala ni isa sa inyo ang maging katulad ng ugat na tumutubong mapait at nakakalason. 19 Ang sinumang nakarinig ng mga babala ng sumpang ito ay huwag mag-iisip na hindi siya masasaktan kahit na magpatuloy siya sa kanyang gusto. Pagbagsak ang idudulot nito sa inyong lahat. 20 Hindi siya patatawarin ng Panginoon. Maglalagablab ang galit ng Panginoon sa kanya tulad ng apoy, at mangyayari sa kanya ang lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na ito, at buburahin ng Panginoon ang kanyang pangalan sa mundo. 21 Ibubukod siya ng Panginoon sa lahat ng lahi ng Israel, at pahihirapan siya ayon sa mga sumpa ng kasunduan na nakasulat dito sa Aklat ng Kautusan.
22 “Sa mga susunod na henerasyon, ang inyong mga lahi at ang mga dayuhang galing sa malayong lugar ay makakakita ng mga kalamidad at mga karamdamang ipapadala ng Panginoon sa inyo. 23 Ang buong lupain ninyo ay magiging katulad ng disyerto na natabunan ng asupre at asin. Walang magtatanim sa lupaing ito dahil hindi tutubo ang mga pananim. Magiging katulad ito ng pagkawasak ng Sodom at Gomora, Adma at Zeboyim na ibinagsak ng Panginoon dahil sa matindi niyang galit. 24 Pagkatapos, magtatanong ang mga bansa, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa kanyang bansa? Bakit napakatindi ng kanyang galit?’
25 “At sasagutin sila nang ganito, ‘Dahil sinuway ng mga taong ito ang kasunduang ginawa sa kanila ng Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, nang inilabas niya sila sa Egipto. 26 Sumamba sila at naglingkod sa ibang mga dios na hindi nila nakikilala, na ipinagbawal ng Panginoon na sambahin nila. 27 Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanilang bansa at ipinalasap niya sa kanila ang lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na ito. 28 Sa matinding galit ng Panginoon, pinalayas niya sila sa kanilang bansa at ipinabihag sa ibang mga bansa kung saan sila naninirahan ngayon.’ 29 May mga lihim na bagay na ang Panginoon lang ang nakakaalam, pero ipinahayag niya sa atin ang kanyang kasunduan, at dapat natin itong sundin maging ng ating lahi magpakailanman.
Ang mga Dapat Gawin upang Pagpalain ng Dios
30 “Kapag nangyari na sa inyo ang mga bagay na ito – ang mga pagpapala at ang mga sumpa na aking sinabi sa inyo – at maalala ninyo ito kapag naroon na kayo sa mga bansa kung saan ipinabihag kayo ng Panginoon na inyong Dios, 2 at kung sa mga oras na iyon ay magbabalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Dios, at susundin ninyo nang buong puso at kaluluwa ang lahat ng iniutos ko sa inyo ngayon, 3 kaaawaan kayo ng Panginoon na inyong Dios at titipunin mula sa lahat ng bansa kung saan ipinabihag niya kayo, at pagkatapos ay muling magiging mabuti ang kalagayan ninyo. 4 Kahit itinaboy pa niya kayo sa pinakamalayong bahagi ng mundo, titipunin pa rin kayo ng Panginoon na inyong Dios 5 at pababalikin sa lupain ng inyong mga ninuno, at aangkinin ninyo ito. Pauunlarin at padadamihin pa niya kayo kaysa sa inyong mga ninuno. 6 Babaguhin ng Panginoon na inyong Dios ang mga puso ninyo at ang mga puso ng inyong lahi para mahalin ninyo siya nang buong pusoʼt kaluluwa, at mabubuhay kayo nang matagal. 7 Ipaparanas ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng sumpang ito sa inyong mga kaaway na napopoot at gumigipit sa inyo. 8 Muli ninyong susundin ang Panginoon at tutuparin ang lahat ng utos niya na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 9 Pauunlarin kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo. Pararamihin niya ang inyong mga anak, mga hayop at ang inyong mga ani, dahil natutuwa ang Panginoong pagpalain kayo gaya ng pagpapala niya sa inyong mga ninuno. 10 Mangyayari ito kung susundin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tutuparin ang lahat ng utos niya at tuntuning nakasulat sa Aklat ng Kautusan, at kung manunumbalik kayo sa kanya nang buong pusoʼt kaluluwa.
11 “Hindi mahirap unawain at gawin ang mga utos na ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 12 Wala ito sa langit para magtanong kayo, ‘Sino ba ang aakyat sa langit para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?’ 13 Wala rin naman ito sa kabila ng dagat para magtanong kayo, ‘Sino ba ang tatawid sa dagat para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?’ 14 Nasa inyo ito, sa bibig at puso ninyo, kaya sundin ninyo ito.
15 “Makinig kayo! Sa araw na ito, pinapapili ko kayo: buhay o kamatayan, kasaganaan o kahirapan. 16 Inuutusan ko kayo ngayon na mahalin ang Panginoon na inyong Dios, na mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, at sundin ang kanyang mga utos at tuntunin. Kung gagawin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal at dadami, at pagpapalain kayo ng Panginoon doon sa lupaing titirhan at aangkinin ninyo.
17 “Ngunit kung tatalikod kayo at hindi susunod sa kanya, at kung sasamba kayo at maglilingkod sa ibang mga dios; 18 ngayon pa lang, binabalaan ko na kayo na siguradong mamamatay kayo. Hindi kayo mabubuhay nang matagal sa lupaing titirhan ninyo at mamanahin doon sa kabila ng Jordan.
19 “Sa araw na ito, tinawag ko ang langit at lupa na maging saksi kung alin dito ang pipiliin ninyo: buhay o kamatayan, pagpapala o sumpa. Piliin sana ninyo ang buhay para mabuhay kayo nang matagal pati na ang inyong mga anak.[b] 20 Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios. Sundin ninyo siya at manatili kayo sa kanya, dahil siya ang inyong buhay. Kung gagawin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal doon sa lupain na ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob.”
Tinuligsa ni Jesus ang mga Pariseo at mga Tagapagturo ng Kautusan(A)
37 Pagkatapos magsalita ni Jesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa kanila. Kaya pumunta si Jesus at kumain. 38 Nagtaka ang Pariseo nang makita niyang hindi muna naghugas ng kamay si Jesus bago kumain ayon sa seremonya ng mga Judio. 39 Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Kayong mga Pariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, pero ang loob ninyoʼy punong-puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga mangmang! Hindi baʼt ang Dios na gumawa ng labas, ang siya ring gumawa ng loob? 41 Para maging malinis kayo, kaawaan ninyo ang mga mahihirap at tulungan nʼyo sila sa kanilang pangangailangan.
42 “Nakakaawa kayong mga Pariseo! Ibinibigay nga ninyo ang ikapu[a] ng mga pampalasa[b] at mga gulay ninyo, pero kinakaligtaan naman ninyo ang makatarungan na pakikitungo sa kapwa at ang pag-ibig sa Dios. Magbigay kayo ng mga ikapu ninyo, pero huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mas mahalagang bagay.
43 “Nakakaawa kayong mga Pariseo! Mahilig kayong umupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan. At gustong-gusto ninyong batiin kayo at igalang sa matataong lugar. 44 Nakakaawa kayo! Sapagkat para kayong mga libingang walang palatandaan at nilalakaran lamang ng mga tao nang hindi nila nalalaman.”
45 Sinagot si Jesus ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, pati kami ay iniinsulto mo sa sinabi mong iyan.” 46 Sumagot si Jesus, “Nakakaawa rin kayong mga tagapagturo ng Kautusan! Sapagkat pinapahirapan ninyo ang mga tao sa inyong mahihirap na kautusan, pero kayo mismo ay hindi sumusunod sa mga ito. 47 Nakakaawa kayo! Pinapaayos ninyo ang mga libingan ng mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Kaya kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa nila. Sapagkat pinatay nila ang mga propeta, at kayo naman ang nagpapaayos ng mga libingan nila. 49 Kaya ito ang sinabi ng Dios ayon sa karunungan niya, ‘Magpapadala ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; papatayin nila ang ilan sa mga ito at uusigin ang iba.’ 50 Kaya mananagot ang henerasyong ito sa pagkamatay ng mga propeta ng Dios mula nang likhain ang mundo – 51 mula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng altar[c] at ng templo. Oo, tinitiyak ko sa inyo na parurusahan ang henerasyong ito dahil sa ginawa nila.
52 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan! Sapagkat kinuha nʼyo sa mga tao ang susi sa pag-unawa ng katotohanan. Ayaw na nga ninyong sumunod sa katotohanan, hinahadlangan pa ninyo ang mga gustong sumunod.”
53 Umalis si Jesus sa bahay na iyon. At mula noon, matindi na ang pambabatikos sa kanya ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan. Pinagtatanong siya tungkol sa maraming bagay, 54 upang siya ay mahuli nila sa kanyang pananalita.
Babala Laban sa mga Pakitang-tao(B)
12 Libu-libong tao ang dumagsa kay Jesus, kaya nagkakasiksikan na sila. Binalaan ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Mag-ingat kayo at baka mahawa kayo sa ugali[d] ng mga Pariseo na pakitang-tao. 2 Walang natatago na hindi malalantad, at walang nalilihim na hindi mabubunyag. 3 Kaya anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag, at anumang ibulong ninyo sa loob ng kwarto ay malalaman ng lahat.”
Ang Dapat Katakutan(C)
4 “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang kaya lang nilang patayin ay ang katawan ninyo, at pagkatapos ay wala na silang magagawa pa. 5 Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: katakutan ninyo ang Dios, dahil pagkatapos niyang patayin ang katawan nʼyo ay may kapangyarihan pa siyang itapon kayo sa impyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang dapat ninyong katakutan. 6 Hindi baʼt napakamura ng halaga ng maya? Ngunit kahit isa sa kanila ay hindi nakakalimutan ng Dios. 7 Higit kayong mahalaga kaysa sa maraming maya. Kahit ang bilang ng buhok nʼyo ay alam niya. Kaya huwag kayong matakot.”
Ang Patnubay ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan
78 Mga kababayan,[a] ang mga turo koʼy inyong pakinggan.
2 Tuturuan ko kayo sa pamamagitan ng kasaysayan.[b]
Sasabihin ko sa inyo ang mga lihim na katotohanan ng nakaraan.
3 Napakinggan na natin ito at nalaman.
Sinabi ito sa atin ng ating mga ninuno.
4 Huwag natin itong ilihim sa ating mga anak;
sabihin din natin ito sa mga susunod na salinlahi.
Sabihin natin sa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon at ang mga kahanga-hanga niyang gawa.
5 Ibinigay niya ang kanyang mga kautusan sa mga mamamayan ng Israel na mula sa lahi ni Jacob.
Iniutos niya sa ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak,
6 upang malaman din ito ng mga susunod na lahi at nang ituro rin nila ito sa kanilang mga anak.
7 Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Dios at hindi nila makakalimutan ang kanyang ginawa, at susundin nila ang kanyang mga utos,
8 upang hindi sila maging katulad ng kanilang mga ninuno na matitigas ang ulo, suwail, hindi lubos ang pagtitiwala sa Dios, at hindi tapat sa kanya.
9 Tulad ng mga taga-Efraim, bagamaʼt may mga pana sila,
pero sa oras naman ng labanan ay nagsisipag-atrasan.
10 Hindi nila sinunod ang kasunduan nila sa Dios,
maging ang kanyang mga utos.
11 Nakalimutan na nila ang mga kahanga-hanga niyang ginawa na ipinakita niya sa kanila.
12 Gumawa ang Dios ng mga himala roon sa Zoan sa lupain ng Egipto at nakita ito ng ating[c] mga ninuno.
13 Hinawi niya ang dagat at pinadaan sila roon;
ginawa niyang tila magkabilang pader ang tubig.
14 Sa araw ay pinapatnubayan niya sila sa pamamagitan ng ulap,
at sa gabi naman ay sa pamamagitan ng liwanag ng apoy.
15 Biniyak niya ang mga bato sa ilang at dumaloy ang tubig at binigyan sila ng maraming inumin mula sa kailaliman ng lupa.
16 Pinalabas niya ang tubig mula sa bato at ang tubig ay umagos gaya ng ilog.
17 Ngunit ang ating mga ninuno ay patuloy na nagkasala sa kanya. Naghimagsik sila sa Kataas-taasang Dios doon sa ilang.
18 Sinadya nilang subukin ang Dios upang hingin ang mga pagkaing gusto nila.
19 Kinutya nila ang Dios nang sabihin nilang,
“Makakapaghanda ba ang Dios ng pagkain dito sa ilang?
20 Oo ngaʼt umagos ang tubig nang hampasin niya ang bato,
ngunit makapagbibigay din ba siya ng tinapay at karne sa atin?”
21 Kaya nang marinig ito ng Panginoon nagalit siya sa kanila.
Nag-apoy sa galit ang Panginoon laban sa lahi ni Jacob,
22 dahil wala silang pananampalataya sa kanya, at hindi sila nagtitiwala na ililigtas niya sila.
23 Ganoon pa man, iniutos niyang bumukas ang langit,
24 at pinaulanan sila ng pagkain na tinatawag na manna.
Ibinigay ito sa kanila upang kainin.
25 Kinain nila ang pagkain ng mga anghel, at binigyan sila nito ng Dios hanggaʼt gusto nila.
26 Pinaihip niya ang hangin mula sa silangan at sa timog sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
27 Pinaulanan din sila ng napakaraming ibon, na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat.
28 Pinadapo niya ang mga ito sa palibot ng kanilang mga tolda sa kampo.
29 Kaya kumain sila hanggang sa mabusog, dahil ibinigay sa kanila ng Dios ang gusto nila.
30 Ngunit habang kumakain sila at nagpapakabusog,
31 nagalit ang Dios sa kanila.
Pinatay niya ang makikisig na mga kabataan ng Israel.
19 Ang katotohanan ay mananatili kailanman, ngunit hindi magtatagal ang kasinungalingan.
20 Pandaraya ang nasa puso ng mga taong nagbabalak ng masama, ngunit kagalakan ang nasa puso ng mga taong nagbabalak ng mabuti.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®