Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 31:1-32:27

Si Josue ang Pumalit kay Moises(A)

31 Nagpatuloy si Moises sa pakikipag-usap sa lahat ng Israelita. Sinabi niya, “Akoʼy 120 taong gulang na at hindi ko na kayo kayang pamunuan. At sinabi rin ng Panginoon sa akin na hindi ako makakatawid sa Jordan. Ang Panginoon na inyong Dios mismo ang mangunguna sa inyo sa pagtawid. Wawasakin niya ang mga bayan doon, at aangkinin ninyo ang mga lupain nila. Pangungunahan kayo ni Josue sa pagtawid ayon sa sinabi ng Panginoon. Wawasakin ng Panginoon ang mga bayang ito gaya ng ginawa niya kina Sihon at Og, na mga hari ng mga Amoreo, at sa kanilang lupain. Ibibigay sila ng Panginoon sa inyo, at kailangang gawin ninyo sa kanila ang iniutos ko sa inyo. Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matatakot sa kanila dahil ang Panginoon na inyong Dios ay kasama ninyo; hindi niya kayo iiwan o pababayaan man.”

Pagkatapos, ipinatawag ni Moises si Josue, at sa harap ng lahat ng Israelita ay sinabi sa kanya, “Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang mangunguna sa mga taong ito sa pagpunta at pagsakop sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila. Tutulungan mo silang angkinin ang lupain. Pangungunahan ka ng Panginoon at sasamahan ka niya; hindi ka niya iiwan o pababayaan man. Kaya huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”

Ang Pagbasa ng Kautusan

Isinulat ni Moises ang mga utos na ito at ibinigay sa mga paring lahi ni Levi, na siyang mga tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, at sa lahat ng tagapamahala ng Israel. 10 Pagkatapos, inutusan sila ni Moises, “Sa katapusan ng bawat pitong taon na siyang taon ng pagkakansela ng mga utang, habang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, 11 babasahin ninyo ang mga utos na ito sa lahat ng mga Israelita kung magtitipon sila sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya. 12 Tipunin ang mga tao – mga lalaki, babae, bata at mga dayuhang naninirahan sa bayan nʼyo – upang makapakinig sila at matutong gumalang sa Panginoon na inyong Dios at sumunod nang mabuti sa lahat ng ipinatutupad ng mga utos na ito. 13 Gawin ninyo ito para ang inyong mga anak na hindi pa nakakaalam ng mga utos na ito ay makarinig din nito at matutong gumalang sa Panginoon na inyong Dios habang nabubuhay kayo sa lupaing aangkinin ninyo sa kabila ng Jordan.”

Itinakda ang Pagrerebelde ng mga Israelita

14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit ka nang mamatay, kaya ipatawag mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan, dahil tuturuan ko siya roon ng gagawin niya.” Kaya pumunta sina Moises at Josue sa Toldang Tipanan.

15 Nagpakita ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap na parang haligi roon sa may pintuan ng Tolda. 16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit ka nang mamatay at makasama ng mga ninuno mo. Kung wala ka na, ang mga taong ito ay sasamba sa ibang mga dios na sinasamba ng mga tao sa lupaing pupuntahan nila. Itatakwil nila ako at susuwayin ang kasunduang ginawa ko sa kanila. 17 Sa araw na iyon, magagalit ako sa kanila at itatakwil ko sila. Tatalikuran ko sila at silaʼy malilipol. Maraming kapahamakan at kahirapan ang darating sa kanila, at sa panahong iyon, magtatanong sila, ‘Dumating ba sa atin ang mga kapahamakang ito dahil hindi tayo sinasamahan ng Panginoon?’ 18 Tatalikuran ko sila sa panahong iyon dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila at pagsamba sa ibang mga dios.

19 “Kaya isulat mo ang awit na ito at ituro sa mga Israelita. Ipaawit mo ito sa kanila para maging saksi ito laban sa kanila. 20 Dadalhin ko sila sa maganda at masaganang lupain[a] na ipinangako kong ibibigay sa kanilang mga ninuno. Doon, mabubuhay sila nang masagana; kakain sila ng lahat ng pagkaing gusto nila, at mabubusog sila. Pero tatalikuran nila ako at sasamba sa ibang mga dios. Susuwayin nila ang aking kasunduan. 21 Kung dumating na sa kanila ang maraming kapahamakan at mga kahirapan, ang awit na ito ang magiging saksi laban sa kanila, sapagkat hindi ito malilimutan ng kanilang mga lahi. Nalalaman ko kung ano ang pinaplano nilang gawin kahit na hindi ko pa sila nadadala sa lupaing ipinangako ko sa kanila.” 22 Sa araw na iyon, isinulat ni Moises ang awit at itinuro sa mga Israelita.

23 Itinalaga ng Panginoon si Josue na anak ni Nun. Sabi niya, “Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang magdadala sa mga Israelita sa lupain na ipinangako ko sa kanila, at sasamahan kita.”

24 Pagkatapos na maisulat ni Moises ang lahat ng utos sa aklat, 25 inutusan niya ang mga Levita, na siyang mga tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Sinabi niya, 26 “Kunin ninyo ang Aklat ng Kautusan na ito at ilagay sa tabi ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios. Mananatili ito roon bilang saksi laban sa mga mamamayan ng Israel. 27 Sapagkat nalalaman ko kung gaano kayo kasuwail kung gaano katigas ang inyong ulo. Kahit nga ngayong kasama ninyo ako, nagrerebelde na kayo sa Panginoon, ano pa kaya kung patay na ako! 28 Tipunin ninyo sa harapan ko ang lahat ng tagapamahala ng inyong angkan at ang lahat ng opisyal para sabihin ko sa kanila ang mga bagay na ito. At tatawagin ko ang langit at ang lupa bilang saksi laban sa kanila. 29 Sapagkat nalalaman ko na kung patay na ako, siguradong gagawa kayo ng kasamaan at itatakwil ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo. Sa bandang huli, darating sa inyo ang lahat ng kapahamakan dahil gagawa kayo ng masama sa paningin ng Panginoon at gagalitin ninyo siya sa pamamagitan ng mga gagawin ninyo.”

Ang Awit ni Moises

30 Ito ang kabuuan ng awit na ipinarinig ni Moises sa mga Israelita:

32 O langit, makinig, sapagkat magsasalita ako!
O lupa, pakinggan ang aking mga salita.
Ang aking mga katuruan ay papatak gaya ng ulan at hamog.
Ang aking mga salita ay katulad ng patak ng ulan sa mga damo;
katulad rin ng ambon sa mga pananim.
Ipahahayag ko ang pangalan ng Panginoon.
Purihin natin ang kadakilaan ng ating Dios!
Siya ang Bato na kanlungan;
matuwid ang lahat ng gawa niya
at mapagkakatiwalaan ang lahat ng kanyang mga pamamaraan.
Matapat siyang Dios at hindi nagkakasala;
makatarungan siya at maaasahan.
Ngunit nagkasala kayo sa kanya at hindi na kayo itinuring na mga anak niya,
dahil sa inyong kasamaan.
Makasalanan kayo at madayang henerasyon!
Ganito pa ba ang igaganti ninyo sa Panginoon, kayong mga mangmang at kulang sa pang-unawa?
Hindi baʼt siya ang inyong ama na lumikha sa inyo at nagtaguyod na kayoʼy maging isang bansa?
Alalahanin ninyo ang mga taon na lumipas;
isipin ninyo ang mga lumipas na henerasyon.
Tanungin ninyo ang inyong mga magulang at mga matatanda, at ihahayag nila ito sa inyo.
Nang binigyan ng Kataas-taasang Dios ang mga bansa ng lupain nila at nang pinagbukod-bukod niya ang mga mamamayan,
nilagyan niya sila ng hangganan ayon sa dami ng mga anghel ng Dios.[b]
Pinili rin ng Panginoon ang lahi ni Jacob bilang mamamayan niya.
10 Nakita niya sila sa disyerto, sa lugar na halos walang tumutubong pananim.
Binabantayan niya sila at iniingatan katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mata.
11 Binantayan niya sila gaya ng pagbabantay ng agila sa kanyang mga inakay habang tinuturuan niya itong lumipad.
Ibinubuka niya ang kanyang mga pakpak para saluhin at buhatin sila.
12 Ang Panginoon lang ang gumagabay sa kanyang mga mamamayan,
walang tulong mula sa ibang mga dios.
13 Sila ang pinamahala niya sa mga kabundukan,
at pinakain ng mga ani ng lupa.
Inalagaan niya sila sa pamamagitan ng pulot mula sa batuhan at ng langis ng olibo mula sa mabatong lupa.
14 Binigyan niya sila ng keso at gatas ng mga baka at kambing,
at binigyan ng matatabang tupa at kambing mula sa Bashan.
Binigyan din niya sila ng pinakamagandang trigo at pinainom ng katas ng ubas.
15 Naging maunlad ang mga Israelita[c] pero nagrebelde sila.
Tumaba sila at lumakas,
ngunit tinalikuran nila ang Dios na lumikha sa kanila,
at sinuway nila ang kanilang Bato na kanlungan na kanilang Tagapagligtas.
16 Pinagselos nila at ginalit ang Panginoon dahil sa kanilang pagsamba sa mga dios na kasuklam-suklam.
17 Naghandog sila sa mga demonyo na hindi tunay na dios – mga dios na hindi nila kilala at kailan lang lumitaw,
at hindi iginalang ng kanilang mga ninuno.
18 Kinalimutan nila ang Dios na Bato na kanlungan na lumikha sa kanila.
19 Nakita ito ng Panginoon,
at dahil sa kanyang galit, itinakwil niya sila na kanyang mga anak.
20 Sinabi niya, “Tatalikuran ko sila, at titingnan ko kung ano ang kanilang kahihinatnan,
sapagkat silaʼy masamang henerasyon, mga anak na hindi matapat.
21 Pinagselos nila ako sa mga hindi tunay na dios,
at ginalit nila ako sa kanilang walang kwentang mga dios-diosan.
Kaya pagseselosin ko rin sila sa pamamagitan ng pagpapala ko sa ibang mga lahi.
Gagalitin ko sila sa pamamagitan ng pagpapala ko sa mga mangmang na bansa.
22 Naglalagablab na parang apoy ang aking galit;
susunugin nito ang lupa at ang lahat ng naroon,
pati ang kailaliman ng lupa,[d] at ang pundasyon ng mga bundok.

23 “Padadalhan ko sila ng mga kalamidad, at tatamaan sila ng aking mga pana.
24 Gugutumin ko sila; at mangamamatay sila sa gutom at karamdaman.
Padadalhan ko sila ng mababangis na hayop para atakihin sila at mga ahas para silaʼy tuklawin.
25 Sa labas ng kanilang bahay, marami ang mamamatay sa labanan,
at sa loob nitoʼy maghahari ang takot.
Mamamatay ang lahat, maging ang mga kabataan, matatanda at mga bata.
26 Sinabi ko na pangangalatin ko sila hanggang sa hindi na sila maalala sa mundo.
27 Ngunit hindi ko papayagang magyabang ang kanilang mga kaaway. Baka sabihin nila, ‘Natalo natin sila. Hindi ang Panginoon ang gumawa nito.’ ”

Lucas 12:8-34

Ang Pagkilala kay Cristo(A)

Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo: ang sinumang kumikilala sa akin na ako ang Panginoon niya sa harap ng mga tao, ako na Anak ng Tao, ay kikilalanin din siya sa harap ng mga anghel ng Dios. Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Dios. 10 Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad.

11 “Kung dahil sa pananampalataya ninyo ay dadalhin kayo sa mga sambahan ng mga Judio o sa mga tagapamahala ng bayan upang imbestigahan, huwag kayong mag-alala kung paano kayo mangangatwiran o kung ano ang sasabihin ninyo. 12 Sapagkat ituturo sa inyo ng Banal na Espiritu sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”

Ang Mayamang Hangal

13 Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan, “Guro, sabihin nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay niya sa akin ang bahagi ko sa mana namin.” 14 Sumagot si Jesus, “Kaibigan, tagahatol ba ako o tagahati ng pag-aari ninyo?” 15 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, dahil ang buhay ng tao ay hindi nasusukat sa dami ng kanyang pag-aari.” 16 At ikinuwento niya ang talinghaga na ito: “May isang mayamang may bukirin na umani nang sagana. 17 Sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Wala na akong mapaglagyan ng ani ko. 18 Alam ko na! Gigibain ko ang mga bodega ko at magpapagawa ako ng mas malaki, at doon ko ilalagay ang ani at mga ari-arian ko. 19 At dahil marami na akong naipon para sa maraming taon, magpapahinga na lang ako, kakain, iinom at magpapakaligaya!’ 20 Ngunit sinabi sa kanya ng Dios, ‘Hangal! Ngayong gabi ay babawiin ko sa iyo ang buhay mo. Kanino ngayon mapupunta ang lahat ng inipon mo para sa iyong sarili?’ 21 Ganyan ang mangyayari sa taong nagpapayaman sa sarili ngunit mahirap sa paningin ng Dios.”

Manalig sa Dios(B)

22 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Kaya huwag kayong mag-alala tungkol inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, o susuotin. 23 Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon sa mga bodega, pero pinakakain sila ng Dios. Higit kayong mahalaga kaysa sa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit kaunti sa pamamagitan ng pag-aalala? 26 Kaya kung hindi ninyo kayang gawin ang ganyang kaliit na bagay, bakit kayo mag-aalala tungkol sa iba pang bagay? 27 Tingnan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o gumagawa ng maisusuot nila. Ngunit sasabihin ko sa inyo, kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng mga bulaklak na iyon sa kabila ng kanyang karangyaan. 28 Kung dinadamitan ng Dios nang ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 29 Kaya huwag kayong mag-alala kung ano ang kakainin o iinumin ninyo. 30 Ang mga bagay na ito ang pinapahalagahan ng mga tao sa mundo na hindi kumikilala sa Dios. Ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga ito. 31 Sa halip, unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at pati ang mga pangangailangan ninyo ay ibibigay niya.”

Kayamanan sa Langit(C)

32 “Kayong mga tagasunod ko ay kaunti lang.[a] Ngunit huwag kayong matakot, dahil ipinagkaloob ng inyong Ama na maghari kayong kasama niya. 33 Ipagbili ninyo ang mga ari-arian ninyo at ipamigay ang pera sa mga mahihirap, upang makaipon kayo ng kayamanan sa langit. Doon, ang maiipon ninyong kayamanan ay hindi maluluma o mauubos, sapagkat doon ay walang makakalapit na magnanakaw o makakapanirang insekto. 34 Sapagkat kung nasaan ang kayamanan ninyo, naroon din ang puso ninyo.”

Salmo 78:32-55

32 Sa kabila ng lahat ng ginawa ng Dios sa kanila,
    nagpatuloy pa rin sila sa pagkakasala.
    Kahit na gumawa siya ng mga himala,
    hindi pa rin sila naniwala.
33 Kaya agad niyang winakasan ang buhay nila sa pamamagitan ng biglaang pagdating ng kapahamakan.
34 Nang patayin ng Dios ang ilan sa kanila,
    ang mga natira ay lumapit na sa kanya,
    nagsisi at nagbalik-loob sa kanya.
35 At naalala nila na ang Kataas-taasang Dios ang kanilang Bato na kanlungan at Tagapagligtas.
36 Nagpuri sila sa kanya, ngunit sa bibig lang, kaya sinungaling sila.
37 Hindi sila tapat sa kanya at sa kanilang kasunduan.
38 Ngunit naawa pa rin ang Dios sa kanila,
    pinatawad ang mga kasalanan nila at hindi sila nilipol.
    Maraming beses niyang pinigil ang kanyang galit kahit napakatindi na ng kanyang poot.
39 Naisip niyang mga tao lang sila,
    parang hangin na dumadaan at biglang nawawala.
40 Madalas silang maghimagsik sa Dios doon sa ilang at pinalungkot nila siya.
41 Paulit-ulit nilang sinubok ang Dios;
    ginalit nila ang Banal na Dios ng Israel.
42 Kinalimutan nila ang kanyang kapangyarihan na ipinakita noong iniligtas niya sila mula sa kanilang mga kaaway,
43 pati ang mga ginawa niyang mga himala at mga kahanga-hangang gawa roon sa Zoan sa lupain ng Egipto.
44 Ginawa niyang dugo ang mga ilog sa Egipto, at dahil dito wala silang mainom.
45 Nagpadala rin siya ng napakaraming langaw upang parusahan sila,
at mga palaka upang pinsalain sila.
46 Ipinakain niya sa mga balang ang kanilang mga pananim at mga ani.
47 Sinira niya ang kanilang mga tanim na ubas at mga punong sikomoro sa pamamagitan ng pagpapaulan ng yelo.
48 Pinagpapatay niya ang kanilang mga hayop sa pamamagitan ng kidlat at pag-ulan ng malalaking yelo.
49 Dahil sa napakatinding poot at galit niya sa kanila,
    nagpadala rin siya ng mga anghel upang ipahamak sila.
50 Hindi pinigilan ng Dios ang kanyang poot.
    Hindi niya sila iniligtas sa kamatayan.
    Sa halip ay pinatay sila sa pamamagitan ng mga salot.
51 Pinatay niyang lahat ang mga panganay na lalaki sa Egipto na siyang lugar ng lahi ni Ham.
52 Ngunit inilabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na katulad ng mga tupa at pinatnubayan sila na parang kanyang kawan sa ilang.
53 Pinatnubayan niya sila, kaya hindi sila natakot.
    Ngunit ang mga kaaway nila ay nalunod sa dagat.
54 Dinala sila ng Dios sa lupain na kanyang pinili,
    doon sa kabundukan na kinuha niya sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
55 Itinaboy niya ang lahat ng naninirahan doon,
at hinati-hati ang lupain sa mga lahi ng Israel para maging pag-aari nila at maging tirahan.

Kawikaan 12:21-23

21 Walang mangyayaring masama sa taong matuwid, ngunit sa masama, pawang kaguluhan ang mararanasan.
22 Nasusuklam ang Panginoon sa mga nagsasabi ng kasinungalingan, ngunit nalulugod siya sa nagsasabi ng katotohanan.
23 Hindi ipinagyayabang ng taong marunong ang kanyang nalalaman, ngunit ang hangal ay ibinibida ang kanyang kahangalan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®