The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
Tumawid ang mga Israelita sa Jordan
3 Maaga paʼy bumangon na si Josue at ang lahat ng mga Israelita. Umalis sila sa Shitim at pumunta sa Ilog ng Jordan. Nagkampo muna sila roon bago sila tumawid. 2 Pagkalipas ng tatlong araw, nag-ikot sa kampo ang mga pinuno 3 at sinabi sa mga tao, “Kapag nakita nʼyong dinadala ng mga pari na ma Levita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios, sumunod kayo sa kanila, 4 para malaman nʼyo kung saan kayo dadaan, dahil hindi pa kayo nakakadaan doon. Pero huwag kayong lalapit sa Kahon ng Kasunduan; magkaroon kayo ng agwat na isang kilometro.”
5 Pagkatapos, sinabi ni Josue sa mga tao, “Linisin nʼyo ang inyong sarili[a] dahil bukas ipapakita sa inyo ng Panginoon ang mga kamangha-manghang bagay.” 6 Sinabi rin ni Josue sa mga pari, “Dalhin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan at mauna kayo sa mga tao.” Sinunod nila ang sinabi ni Josue.
7 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, pararangalan kita sa harap ng lahat ng Israelita para malaman nilang sumasaiyo ako gaya ng pagsama ko kay Moises. 8 Sabihin mo sa mga paring tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan na pagtapak nila sa Ilog ng Jordan ay huminto muna sila.”
9 Kaya tinawag ni Josue ang mga tao, “Halikayo sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios. 10 Ngayon, malalaman nʼyo na sumasainyo ang buhay na Dios, dahil siguradong itataboy niya papalayo sa inyo ang mga Cananeo, Heteo, Hiveo, Perezeo, Girgaseo, Amoreo at mga Jebuseo. 11 Tiyakin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo ay mauuna sa inyo sa pagtawid sa Ilog ng Jordan. 12 Kaya ngayon, pumili kayo ng 12 lalaki, isa sa bawat lahi ng Israel. 13 Kapag lumusong na ang mga pari na tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, ang Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo, hihinto ang pagdaloy ng tubig sa Ilog ng Jordan. Ang tubig nito mula sa itaas ay maiipon sa isang lugar.”
14-15 Anihan noon at umaapaw ang tubig sa pampang ng ilog ng Jordan. Umalis ang mga tao sa mga kampo nila para tumawid sa ilog. Nauuna sa kanila ang mga paring buhat ang Kahon ng Kasunduan. Paglusong ng mga pari sa ilog, 16 huminto agad sa pagdaloy ang tubig. Naipon ang tubig sa malayo, sa lugar na tinatawag na Adam – isang bayan malapit sa Zaretan. Walang tubig na dumaloy papunta sa Dagat na Patay,[b] kaya nakatawid ang mga tao sa lugar na malapit sa Jerico. 17 Nakatayo sa gitna ng natuyong ilog ang mga pari na buhat ang Kahon ng Kasunduan habang tumatawid ang mga Israelita. Hindi sila umalis doon hanggaʼt hindi nakakatawid ang lahat.
Nagtayo ang mga Israelita ng Monumento
4 Nang makatawid na ang lahat ng mamamayan ng Israel sa Ilog ng Jordan, sinabi ng Panginoon kay Josue, 2 “Pumili ka ng 12 lalaki, isa sa bawat lahi, 3 at utusan ang bawat isa sa kanila na kumuha ng isang bato sa gitna ng ilog, doon sa kinatatayuan ng mga pari. Pagkatapos, dadalhin nila ito sa lugar na tutuluyan nʼyo ngayong gabi.”
4 Kaya tinawag ni Josue ang 12 lalaki na pinili niya mula sa bawat lahi ng Israel at sinabi, 5 “Pumunta kayo sa gitna ng ilog, sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios. Ang bawat isa sa inyoʼy kumuha ng isang malaking bato para sa bawat lahi ng Israel at pasanin ito. 6 Gawin nʼyo agad itong monumento bilang alaala sa ginawa ng Panginoon. Sa darating na panahon, kapag nagtanong ang mga anak nʼyo kung ano ang ibig sabihin ng mga batong ito, 7 sabihin nʼyo sa kanila na huminto sa pagdaloy ang Ilog ng Jordan nang itinawid dito ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Ang mga batong ito ay isang alaala para sa mga mamamayan ng Israel magpakailanman.”
8 Sinunod ng 12 Israelita ang iniutos sa kanila ni Josue, ayon sa sinabi ng Panginoon. Kumuha sila ng 12 bato sa gitna ng ilog, isang bato para sa bawat lahi ng Israel. Dinala nila ang mga bato sa kampo nila at inilagay doon. 9 Naglagay din si Josue ng 12 bato sa gitna ng ilog, sa lugar na kinatatayuan mismo ng mga paring buhat ang Kahon ng Kasunduan. Hanggang ngayon nandoon pa ang mga batong iyon. 10 Nanatiling nakatayo sa gitna ng ilog ang mga pari hanggang sa matapos ng mga tao ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Josue, na ayon din sa iniutos ni Moises kay Josue.
11 Nang makatawid na silang lahat, itinawid din ang Kahon ng Kasunduan. At nauna ulit ang mga pari sa mga tao. 12 Tumawid din at nauna sa mga tao ang mga lalaking armado mula sa lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase, ayon sa iniutos ni Moises sa kanila. 13 Ang 40,000 armadong lalaki ay dumaan sa presensya ng Panginoon[c] at pumunta sa Kapatagan ng Jerico para makipaglaban.
14 Nang araw na iyon, pinarangalan ng Panginoon si Josue sa harap ng mga Israelita. At iginalang si Josue ng mga tao sa buong buhay niya gaya ng ginawa ng mga tao kay Moises.
15 Pagkatawid noon ng mga Israelita sa Ilog ng Jordan, sinabi ng Panginoon kay Josue, 16 “Utusan mo ang mga paring may buhat ng Kahon ng Kasunduan, na umahon na sila sa Ilog ng Jordan.” 17 At sinunod iyon ni Josue. 18 Kaya umahon ang mga pari na dala ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. At pagtapak nila sa pampang, dumaloy ulit ang tubig at umapaw gaya ng dati.
19 Ang pagtawid ng mga Israelita sa Ilog ng Jordan ay nangyari nang ikasampung araw ng unang buwan. Pagkatapos, nagkampo ang mga Israelita sa Gilgal, sa gawing silangan ng Jerico. 20 Doon ipinalagay ni Josue ang 12 bato na ipinakuha niya sa Ilog ng Jordan. 21 Sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Sa darating na panahon, kapag nagtanong sa inyo ang mga anak nʼyo kung anong ibig sabihin ng mga batong ito, 22 sabihin nʼyo na lumakad sa tuyong lupa ang mga Israelita nang tumawid sila sa Ilog ng Jordan. 23 Sabihin nʼyo sa kanila na pinatuyo ng Panginoon na inyong Dios ang Ilog ng Jordan hanggang sa makatawid kayo, gaya ng ginawa niya sa Dagat na Pula hanggang sa makatawid tayo. 24 Ginawa niya ito para kilalanin ng lahat ng mga tao sa mundo na makapangyarihan ang Panginoon at upang lagi kayong magkaroon ng takot sa Panginoon na inyong Dios.”
Matutong Magpakababa
7 Napansin ni Jesus na ang mga bisita sa handaan ay nag-uunahan sa mga upuang pandangal, kaya pinangaralan niya ang mga ito, 8 “Kapag inimbita ka sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang upuang pandangal, dahil baka may inimbitang mas marangal pa kaysa sa iyo. 9 At lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang upuan mo.’ Kaya mapapahiya ka at uupo na lang sa upuan ng mga karaniwang tao. 10 Ang dapat mong gawin kapag naimbitahan ka ay piliin ang upuan para sa mga karaniwang tao, para pagdating ng nag-imbita sa iyo, sasabihin niya, ‘Kaibigan, doon ka maupo sa upuang pandangal.’ Sa ganoon ay mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng panauhin. 11 Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.” 12 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa nag-imbita sa kanya, “Kung maghahanda ka, huwag lang ang mga kaibigan, kapatid, kamag-anak, at mayayamang kapitbahay ang imbitahin mo, dahil baka imbitahin ka rin nila, at sa ganooʼy nasuklian ka na sa ginawa mo. 13 Kaya kung maghahanda ka, imbitahin mo rin ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay at mga bulag. 14 Sa ganoon ay pagpapalain ka, dahil kahit hindi ka nila masusuklian, ang Dios ang magsusukli sa iyo sa araw ng muling pagkabuhay ng mga matuwid.”
Ang Talinghaga tungkol sa Malaking Handaan(A)
15 Nang marinig iyon ng isa sa mga nakaupo sa may mesa, sinabi niya kay Jesus, “Mapalad ang taong makakasalo sa handaan sa kaharian ng Dios!” 16 Kinuwentuhan siya ni Jesus ng ganito, “May isang taong naghanda ng isang malaking pagdiriwang, at marami ang inimbita niya. 17 Nang handa na ang lahat, inutusan niya ang mga alipin niya na sunduin ang mga inimbita at sabihin sa kanila, ‘Tayo na, handa na ang lahat.’ 18 Pero nagdahilan ang bawat naimbitahan. Sinabi ng isa, ‘Pasensya na. Nakabili ako ng lupa at kailangang puntahan ko at tingnan.’ 19 Sabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng sampung baka, at susubukan ko kung mabuting ipang-araro. Pasensya na.’ 20 At sinabi naman ng isa pa, ‘Bagong kasal ako, kaya hindi ako makakadalo.’ 21 Kaya umuwi ang alipin, at ibinalita ang lahat sa amo niya. Nagalit ang amo at nag-utos ulit sa alipin niya, ‘Sige, pumunta ka sa mga kalsada at mga eskinita ng bayan at dalhin mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag at mga pilay.’ 22 Nang natupad iyon ng alipin, bumalik siya sa amo niya at sinabi, ‘Nagawa ko na po ang iniutos ninyo, pero maluwag pa.’ 23 Kaya sinabi ng amo niya, ‘Pumunta ka sa mga kalsada at mga daan sa labas ng bayan at pilitin mong pumarito ang mga tao para mapuno ng panauhin ang bahay ko. 24 Tinitiyak ko sa inyo, ni isa man sa mga una kong inimbita ay hindi makakatikim ng handa ko.’ ”
Ang Pagsunod sa Panginoon(B)
25 Maraming tao ang sumunod kay Jesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Lumingon siya at sinabi sa kanila, 26 “Ang sinumang nais sumunod sa akin, pero mas mahalaga sa kanya ang kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid at maging ang kanyang sarili ay hindi maaaring maging tagasunod ko. 27 Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin[a] ay hindi maaaring maging tagasunod ko. 28 Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay katulad ng isang tao na nagbabalak magtayo ng isang tore. Una, iisipin muna niya kung magkano ang magagastos niya sa pagpapatayo at kung may sapat siyang perang gagastusin hanggang sa matapos ito. 29 Sapagkat kung hindi niya ito gagawin, baka hanggang pundasyon lang ang maipagawa niya at hindi na maipatapos. Kaya pagtatawanan siya ng makakakita nito. 30 Sasabihin nila, ‘Nagpatayo ng bahay ang taong ito pero hindi nakayang ipatapos.’ 31 Katulad din ng isang hari na gustong makipagdigma sa kanyang kapwa hari. Dapat isipin muna niya kung makakayanan ng 10,000 sundalo niya ang 20,000 sundalo ng kanyang kaaway. 32 At kung sa palagay niyaʼy hindi niya kaya, magpapadala na lang siya ng mga sugo para makipagkasundo bago dumating ang kanyang kaaway. 33 Ganyan din ang gawin ninyo. Isipin muna ninyong mabuti ang pagsunod sa akin, dahil kung hindi ninyo magagawang talikuran ang lahat ng nasa inyo ay hindi kayo maaaring maging tagasunod ko.”
Ang Aral Mula sa Asin(C)
34 “Mabuti ang asin, pero kung mag-iba ang lasa,[b] wala nang magagawa para maibalik ang lasa nito. 35 Wala na itong pakinabang kahit ihalo sa dumi para maging pataba sa lupa, kaya itinatapon na lang ito ng mga tao. Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong unawain!”
Dalangin para Tulungan ng Dios ang Bansa
80 O Pastol ng Israel, pakinggan nʼyo kami.
Kayo na nangunguna at pumapatnubay sa angkan ni Jose na parang mga tupa.
Kayo na nakaupo sa inyong trono sa gitna ng mga kerubin,
ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,
2 sa lahi ni Efraim, ni Benjamin at ni Manase.
Ipakita nʼyo po ang inyong kapangyarihan;
puntahan nʼyo kami para iligtas.
3 O Dios, ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
4 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
hanggang kailan ang galit ninyo sa mga panalangin ng inyong mga mamamayan?
5 Pinuno nʼyo kami ng kalungkutan, at halos mainom na namin ang aming mga luha.
6 Pinabayaan nʼyong awayin kami ng mga kalapit naming bansa
at pinagtatawanan kami ng aming mga kaaway.
7 O Dios na Makapangyarihan,
ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
8 Katulad namin ay puno ng ubas,
na kinuha nʼyo sa Egipto at itinanim sa lupaing pinalayas ang mga nakatira.
9 Nilinis nʼyo ang lupaing ito at ang puno ng ubas ay nag-ugat
at lumaganap sa buong lupain.
10 Nalililiman ng mga sanga nito ang mga bundok at ang malalaking puno ng sedro.
11 Umabot ang kanyang mga sanga hanggang sa Dagat Mediteraneo at hanggang sa Ilog ng Eufrates.
12 Ngunit bakit nʼyo sinira, O Dios, ang bakod nito?
Kaya ninanakaw ng mga dumadaan ang mga bunga nito.
13 At kinain din ito ng mga baboy-ramo at iba pang hayop sa gubat.
14 O Dios na Makapangyarihan, bumalik na kayo sa amin.
Mula sa langit, kami ay inyong pagmasdan.
Alalahanin nʼyo ang inyong mga mamamayan,
15 na tulad ng puno ng ubas na inyong itinanim sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Alalahanin nʼyo kami na inyong mga anak na pinatatag nʼyo para sa inyong kapurihan.
16 O Dios, para kaming mga puno ng ubas na pinutol at sinunog.
Tiningnan nʼyo kami nang may galit, at nilipol.
17 Ngunit ngayon, tulungan nʼyo kami na inyong mga hinirang na maging malapit sa inyo at palakasin kami para sa inyong kapurihan,
18 at hindi na kami tatalikod sa inyo.
Ibalik sa amin ang mabuting kalagayan,
at sasambahin namin kayo.
19 O Panginoong Dios na Makapangyarihan,
ibalik nʼyo sa amin ang mabuting kalagayan!
Ipakita sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
27 Hindi makakamit ng taong tamad ang kanyang hinahangad, ngunit ang taong masipag maganda ang hinaharap.
28 Ang matuwid na pamumuhay ay patungo sa buhay, at maililigtas ka nito sa kamatayan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®