The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NT-HU. Switch to the NT-HU to read along with the audio.
Nasakop ng Israel ang mga Lugar sa Hilaga
11 Nang mabalitaan ni Haring Jabin ng Hazor ang mga tagumpay ng Israel, nagpadala siya ng mensahe kay Haring Jobab ng Madon, sa mga hari ng Shimron at Acshaf, 2 sa mga haring nasa kabundukan sa hilaga, sa mga hari sa Lambak ng Jordan[a] na nasa timog ng Lawa ng Galilea,[b] sa mga hari sa kaburulan sa kanluran,[c] sa mga hari sa baybayin ng Dor sa kanluran, 3 sa mga hari ng mga Cananeo sa silangan at sa kanluran ng Ilog ng Jordan, sa mga hari ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Jebuseo na nakatira sa kabundukan, at sa mga hari ng mga Hiveo sa ibaba ng Bundok ng Hermon sa lupain ng Mizpa. 4 Dumating ang lahat ng hari, kasama ang mga sundalo nilang kasindami ng buhangin sa dagat. Marami rin silang kabayo at karwahe. 5 Nagtipon sila at nagkampo sa tabi ng Batis ng Merom para labanan ang Israel.
6 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kayong matakot sa kanila, dahil bukas sa ganito ring oras, ibibigay ko silang lahat sa Israel para patayin. Pipilayan nʼyo ang mga kabayo nila at susunugin ang mga karwahe nila.” 7 Kaya biglang lumusob si Josue at ang mga sundalo niya sa Batis ng Merom. 8 At pinagtagumpay sila ng Panginoon sa mga kalaban nila. Hinabol nila ang mga kalaban nila hanggang sa Malaking Sidon at sa Misrefot Maim hanggang sa Lambak ng Mizpa sa silangan. Pinatay nila ang mga kalaban nila hanggang sa maubos. 9 At ginawa sa kanila ni Josue ang iniutos ng Panginoon: Pinilayan niya ang mga kabayo nila at pinasunog ang mga karwahe nila.
10 Pagkatapos, bumalik sina Josue at sinakop nila ang Hazor at pinatay ang hari nito. (Nang mga panahong iyon, ang Hazor ay ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng kaharian.) 11 Pinatay din nila ang lahat ng naninirahan sa Hazor. Nilipol nila ito nang lubusan at walang naiwang buhay. At ang lungsod mismo ay sinunog nila.
12 Sinakop ni Josue ang lahat ng lungsod. Pinatay nila ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang mga hari nito. Nilipol nila ito nang lubusan ayon sa iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon. 13 Pero hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lungsod sa mga bulubundukin, maliban lang sa Hazor. 14 Kinuha ng mga Israelita para sa sarili ang lahat ng nasamsam na mga hayop at mga ari-arian ng mga lungsod na ito. Pero nilipol nila nang lubusan ang mga naninirahan dito, at walang naiwang buhay. 15 Iyon ang iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin at ito rin ang iniutos ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
16 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kabundukan, ang buong lupain ng Negev, ang buong lupain ng Goshen, ang mga kaburulan sa kanluran, ang Lambak ng Jordan, ang mga kabundukan at kaburulan ng Israel. 17 Ang teritoryo na sinakop niya ay mula sa Bundok ng Halak na paahon sa Seir hanggang sa Baal Gad sa Lambak ng Lebanon sa ibaba ng Bundok ng Hermon. Dinakip at pinatay niya ang mga hari ng mga lugar na ito 18 sa mahabang panahon ng pakikipaglaban nila. 19 Walang nakikipagkasundo sa mga Israelita para sa kapayapaan maliban lang sa mga Hiveo na nakatira sa Gibeon. Ang lahat ng hindi nakipagkasundo ay nilipol sa labanan. 20 Sapagkat pinatigas ng Panginoon ang puso nila para makipaglaban sila sa mga Israelita. Kaya nga lubusan silang nilipol nang walang awa, ayon sa inutos ng Panginoon kay Moises.
21 Nang panahong iyon, nilusob ni Josue ang mga lahi ni Anak na nakatira sa mga kabundukan ng Hebron, Debir, Anab, at sa lahat ng kabundukan ng Juda at Israel. Nilipol sila nang lubusan ni Josue pati na ang kanilang mga bayan. 22 Wala nang natirang kalahi si Anak sa teritoryo ng mga Israelita, pero may natira pa sa kanila sa Gaza, Gat at sa Ashdod.
23 Kaya sinakop ni Josue ang buong lupain, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ibinigay ng Panginoon ang lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila, at hinati nila ito ayon sa bawat lahi nila.
At nahinto na ang labanan sa buong lupain.
Ang mga Hari na Natalo sa Silangan ng Jordan
12 1-2 Sinakop na ng mga Israelita ang mga lupain sa silangan ng Ilog Jordan, mula sa Lambak ng Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon, kasama na rito ang lupain sa silangan ng Lambak ng Jordan.[d] Ito ang mga hari sa mga lugar na natalo ng mga Israelita:
Si Sihon na Amoreo na nakatira sa Heshbon. Sakop ng kaharian niya ang kalahati ng Gilead. Ito ay mula sa Aroer sa tabi ng Lambak ng Arnon, at mula sa gitna nito hanggang sa Lambak ng Jabok, na siyang hangganan ng lupain ng mga Ammonita. 3 Sakop din niya ang silangan ng Lambak ng Jordan, mula sa Lawa ng Galilea hanggang sa Bet Jeshimot, sa silangan ng Dagat na Patay[e] at hanggang sa timog sa ibaba ng libis ng Pisga.
4 Ang ikalawa ay si Haring Og ng Bashan. Isa siya sa mga naiwan na Refaimeo. Nakatira siya sa Ashtarot at sa Edrei. 5 Ang sakop ng kaharian niya ay ang Bundok ng Hermon, Saleca, ang buong Bashan hanggang sa hangganan ng Geshur at Maaca, at ang kalahati ng Gilead, hanggang sa hangganan ng Heshbon, na ang hari ay si Sihon. 6 Tinalo sila ni Moises, na lingkod ng Panginoon, at ng mga Israelita. Ibinigay ni Moises ang lupain ng mga ito sa lahi ni Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase bilang mana nila.
Ang mga Hari na Natalo sa Kanluran ng Jordan
7-8 Sinakop din ni Josue at ng mga Israelita ang mga lupain sa kanluran ng Jordan, mula sa Baal Gad sa Lambak ng Lebanon hanggang sa Bundok ng Halak na paahon sa Seir. Ibinigay ni Josue ang mga lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila. Hinati niya ito ayon sa bawat lahi nila. Ang mga lupaing ito ay ang mga kabundukan, mga kaburulan sa kanluran,[f] ang Lambak ng Jordan, ang mga libis, ang disyerto sa timog, at ang Negev. Tinirhan ito dati ng mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo, at mga Jebuseo. Ito ang mga hari ng mga lugar na iyon na tinalo ni Josue at ng mga Israelita:
9 ang hari ng Jerico
ang hari ng Ai (malapit sa Betel)
10 ang hari ng Jerusalem
ang hari ng Hebron
11 ang hari ng Jarmut
ang hari ng Lakish
12 ang hari ng Eglon
ang hari ng Gezer
13 ang hari ng Debir
ang hari ng Geder,
14 ang hari ng Horma
ang hari ng Arad
15 ang hari ng Libna
ang hari ng Adulam
16 ang hari ng Makeda
ang hari ng Betel
17 ang hari ng Tapua
ang hari ng Hefer
18 ang hari ng Afek
ang hari ng Lasharon
19 ang hari ng Madon
ang hari ng Hazor
20 ang hari ng Shimron Meron
ang hari ng Acshaf
21 ang hari ng Taanac
ang hari ng Megido
22 ang hari ng Kedesh
ang hari ng Jokneam (sa Carmel)
23 ang hari ng Dor (sa Nafat Dor)
ang hari ng Goyim (sa Gilgal)
24 ang hari ng Tirza.
Ang mga haring ito ay 31 lahat.
Pinagaling ni Jesus ang Sampung Lalaking may Malubhang Sakit sa Balat
11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Galilea at Samaria. 12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking may malubhang sakit sa balat. Tumayo lang sila sa malayo 13 at sumigaw kay Jesus, “Panginoong Jesus, maawa po kayo sa amin!” 14 Nang makita sila ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa mga pari at magpatingin sa kanila.” At habang naglalakad pa lang sila, luminis na ang kanilang balat. 15 Nang makita ng isa sa kanila na magaling na siya, bumalik siya kay Jesus at nagsisigaw ng papuri sa Dios. 16 Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nagpasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano. 17 Sinabi ni Jesus, “Hindi baʼt sampu ang pinagaling ko? Nasaan ang siyam? 18 Bakit hindi bumalik ang iba upang magpuri sa Dios maliban sa taong ito na hindi Judio?” 19 Sinabi niya sa lalaki, “Tumayo ka at umuwi na. Iniligtas[a] ka ng pananampalataya mo.”
Ang tungkol sa Paghahari ng Dios.(A)
20 Minsan, tinanong ng mga Pariseo si Jesus kung kailan magsisimula ang paghahari ng Dios. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan na nagsisimula na ang paghahari ng Dios. 21 Kaya walang makapagsasabing, ‘Dito maghahari ang Dios!’ o, ‘Doon siya maghahari!’ Dahil naghahari na ang Dios sa puso ninyo.”[b]
22 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Darating ang panahon na gugustuhin ninyong makita ako na Anak ng Tao kahit isang araw lang, pero hindi pa iyon mangyayari. 23 May mga magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Nandito siya!’ Huwag kayong sasama sa kanila para hanapin ako. 24 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan. 25 Ngunit kailangan muna akong dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng henerasyong ito.
26 “Kung ano ang mga ginawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa araw ng pagbabalik ko na Anak ng Tao. 27 Sa panahon nga ni Noe, wala silang inaatupag kundi ang magsaya. Nagkakainan sila, nag-iinuman at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. Dumating ang baha at nalunod silang lahat. 28 Ganoon din noong kapanahunan ni Lot. Ang mga taoʼy nagkakainan, nag-iinuman, nagnenegosyo, nagsasaka at nagtatayo ng mga bahay, 29 hanggang sa araw na umalis si Lot sa Sodom. At pagkatapos, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at namatay silang lahat doon sa Sodom. 30 Ganyan din ang mangyayari sa araw ng pagbabalik ko na Anak ng Tao. 31 Sa araw na iyon, ang nasa labas ng bahay ay huwag nang pumasok para kumuha ng mga ari-arian niya. Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi. 32 Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. 33 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, kapag may dalawang natutulog na magkatabi; maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35 Sa dalawang babaeng magkasamang naggigiling, kukunin ang isa at iiwan ang isa. 36 [At kapag may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa.]” 37 Tinanong siya ng mga tagasunod niya, “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” Sumagot siya sa pamamagitan ng kasabihan, “Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.”[c]
Pananabik sa Templo ng Dios
84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
2 Gustong-gusto kong pumunta roon!
Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
O Dios na buhay.
3 Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
4 Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
5 Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
at nananabik na makapunta sa inyong templo.
6 Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
7 Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
8 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
9 Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[c] namin,
ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[d]
O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.
5 Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan, ngunit ang taong masama ay gumagawa ng mga bagay na kahiya-hiya.
6 Ang taong walang kapintasan ay iingatan dahil sa kanyang matuwid na pamumuhay, ngunit ang makasalanan ay mapapahamak dahil sa kanyang kasamaan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®