The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang mga Lupain na Ibinigay kay Juda
15 Ito ang mga lupaing natanggap ng lahi ni Juda, na hinati ayon sa bawat sambahayan: Ang lupain ay umaabot sa hangganan ng Edom sa timog, sa dulo ng ilang ng Zin. 2 Ang kanilang hangganan sa timog ay nagsisimula sa baybayin ng katimugang bahagi ng Dagat na Patay[a] 3 papunta sa timog ng Daang Paahon ng Akrabim hanggang sa ilang ng Zin papunta sa timog ng Kadesh Barnea, at lumampas sa Hezron paakyat sa Adar at paliko papunta sa Karka, 4 papunta sa Azmon, sa Lambak ng Egipto at sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang hangganan ng Juda sa timog. 5 Ang hangganan sa silangan ay ang Dagat na Patay hanggang sa labasan ng tubig ng Ilog ng Jordan.
Ang hangganan sa hilaga ay nagmula roon sa labasan ng tubig ng Ilog ng Jordan, 6 paakyat sa Bet Hogla, at papunta sa hilaga ng Bet Araba hanggang sa Bato ni Bohan. (Si Bohan ay anak ni Reuben.) 7 Mula rito, papunta sa Lambak ng Acor[b] hanggang sa Debir, at paliko sa hilaga papunta sa Gilgal na nakaharap sa Daang Paahon ng Adumim sa katimugang bahagi ng daluyan ng tubig. At umaabot ito papunta sa mga bukal ng En Shemesh at palabas ng En Rogel. 8 Mula roon papunta sa Lambak ng Ben Hinom hanggang sa katimugang libis ng lungsod ng mga Jebuseo. (Ito ay ang Jerusalem.) Mula roon, paahon sa tuktok ng bundok sa kanluran ng Lambak ng Ben Hinom sa dulo ng hilagang bahagi ng Lambak ng Refaim. 9 At mula roon, papunta sa Bukal ng Neftoa, palabas sa mga bayan na malapit sa Bundok ng Efron. Mula roon, pababa sa Baala (na siyang Kiriat Jearim), 10 lumiko sa bandang kanluran ng Baala papunta sa Bundok ng Seir. Pagkatapos, papunta ito sa hilagang bahagi ng libis ng Bundok ng Jearim (na siyang Kesalon), papunta sa Bet Shemesh at dumadaan sa Timnah. 11 Mula roon, nagpatuloy ito sa hilagang bahagi ng libis ng Ekron at paliko papunta sa Shikeron, at dumaraan sa Bundok ng Baala hanggang sa Jabneel. Ang hangganan nito ay ang Dagat ng Mediteraneo, 12 at ito rin ang hangganan sa kanluran. Iyon ang mga hangganan sa paligid ng lupaing hinati sa mga sambahayan ng lahi ni Juda.
Ang Lupaing Ibinigay kay Caleb(A)
13 Inutos ng Panginoon kay Josue na ibigay niya ang isang bahagi ng lupain ng lahi ni Juda kay Caleb na anak ni Jefune. Ang lupaing ito ay ang Kiriat Arba, na siyang Hebron. (Si Arba ang ama ni Anak.) 14 Pinalayas ni Caleb sa lupaing iyon ang tatlong lahi ni Anak: ang mga sambahayan nina Sheshai, Ahiman at Talmai. 15 Mula roon nilusob niya ang mga nakatira sa Debir (na noon ay tinatawag na Kiriat Sefer). 16 Sinabi ni Caleb, “Ibibigay ko bilang asawa ang anak kong si Acsa sa lalaking makakaagaw ng Kiriat Sefer.” 17 Si Otniel na anak ni Kenaz na kapatid ni Caleb ang nakaagaw ng lungsod. Kaya sa kanya ibinigay ni Caleb ang anak niyang si Acsa para maging asawa. 18 Nang ikinasal na sila, hinikayat ni Acsa ang asawa niya na humingi sila ng dagdag na lupain sa ama nito. Pagkatapos, pumunta si Acsa kay Caleb, at nang makababa na siya sa kanyang asno, tinanong siya ni Caleb kung ano ang kailangan niya. 19 Sumagot si Acsa, “Hihingi po sana ako ng pabor sa inyo, gusto ko po sanang bigyan nʼyo ako ng lupaing may mga bukal dahil ang lupaing ibinigay nʼyo sa akin sa Negev ay walang bukal.” Kaya ibinigay sa kanya ni Caleb ang lugar na may mga bukal sa itaas at sa ibaba ng Negev.
Ang mga Lungsod ng Juda
20 Ito ang mga lungsod na natanggap ng lahi ni Juda na hinati ayon sa bawat sambahayan:
21 Ang mga bayan sa timog, sa pinakadulo ng Negev malapit sa hangganan ng Edom: Kabzeel, Eder, Jagur, 22 Kina, Dimona, Adada, 23 Kedesh, Hazor, Itnan, 24 Zif, Telem, Bealot, 25 Hazor Hadata, Keriot Hezron (na siyang Hazor), 26 Amam, Shema, Molada, 27 Hazar Gada, Heshmon, Bet Pelet, 28 Hazar Shual, Beersheba, Biziotia, 29 Baala, Iim, Ezem, 30 Eltolad, Kesil, Horma, 31 Ziklag, Madmana, Sansana, 32 Lebaot, Shilhim, Ayin at Rimon – 29 na bayan lahat, kasama ang mga bayan at mga baryo sa paligid nito.
33 Ang mga bayan sa kaburulan sa kanluran[c]: Estaol, Zora, Ashna, 34 Zanoa, En Ganim, Tapua, Enam, 35 Jarmut, Adulam, Soco, Azeka, 36 Shaaraim, Aditaim, Gedera (o Gederotaim) – 14 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
37 Kasama rin ang Zenan, Hadasha, Migdal Gad, 38 Dilean, Mizpa, Jokteel, 39 Lakish, Bozkat, Eglon, 40 Cabon, Lamas, Kitlis, 41 Gederot, Bet Dagon, Naama at Makeda – 16 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
42 Kasama pa ang Libna, Eter, Ashan, 43 Ifta, Ashna, Nezib, 44 Keila, Aczib at Maresha – 9 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
45 Ganoon din ang Ekron at ang mga bayan at baryo sa paligid nito, 46 at ang lahat ng bayan at mga baryo na malapit sa Ashdod mula sa Ekron papunta sa Dagat ng Mediteraneo. 47 Ang Ashdod at Gaza, kasama ang mga bayan nito at mga baryo hanggang sa Lambak ng Egipto at sa baybayin ng Dagat ng Mediteraneo.
48 Ang mga bayan sa kabundukan: Shamir, Jatir, Soco, 49 Dana, Kiriat Sana (na siyang Debir), 50 Anab, Estemo, Anim, 51 Goshen, Holon at Gilo – 11 bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
52 Ganoon din ang Arab, Duma, Eshan, 53 Janim, Bet Tapua, Afek, 54 Humta, Kiriat Arba (na siyang Hebron) at Zior – 9 bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
55 Kabilang din ang Maon, Carmel, Zif, Juta, 56 Jezreel, Jokdeam, Zanoa 57 Kain, Gibea at Timnah – 10 bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
58 Ganoon din ang Halhul, Bet Zur at Gedor, 59 Maarat, Bet Anot at Eltekon – 6 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito. 60 Ang Kiriat Baal (na siyang Kiriat Jearim) at ang Rabba – 2 bayan, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
61 Ang mga bayan sa ilang: Bet Araba, Midin, Secaca, 62 Nibshan, ang bayan ng Asin at ang En Gedi – 6 na bayan, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
63 Pero hindi mapaalis ng lahi ng Juda ang mga Jebuseo na nakatira sa Jerusalem. Kaya hanggang ngayon doon pa sila nakatira kasama ng mga mamamayan ng Juda.
Ang Lalaking Mayaman(A)
18 Isang pinuno ng mga Judio ang nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 19 Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba! 20 Alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”[a] 21 Sumagot ang lalaki, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.” 22 Nang marinig iyon ni Jesus ay sinabi niya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng ari-arian mo at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 23 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito, dahil napakayaman niya.
24 Nang makita ni Jesus na malungkot siya, sinabi niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26 Tinanong siya ng mga nakarinig nito, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27 Sumagot si Jesus, “Ang imposible sa tao ay posible sa Dios.” 28 Sinabi ni Pedro, “Paano naman kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nag-iwan ng bahay, asawa, mga kapatid, mga magulang, at mga anak alang-alang sa kaharian ng Dios 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa mga iniwan niya, at tatanggap din ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon.”
Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(B)
31 Tinawag ni Jesus ang 12 apostol at sinabi sa kanila, “Makinig kayo! Pupunta tayo sa Jerusalem, at matutupad na ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa akin na Anak ng Tao. 32 Sapagkat ibibigay ako sa mga hindi Judio. Iinsultuhin nila ako, hihiyain at duduraan. 33 Hahagupitin nila ako at papatayin, ngunit muli akong mabubuhay sa ikatlong araw.” 34 Pero wala silang naintindihan sa mga sinabi ni Jesus, dahil itinago sa kanila ang kahulugan niyon.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag(C)
35 Nang malapit na sina Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, nagtanong siya kung ano ang nangyayari. 37 Sinabi sa kanya ng mga tao, “Dumadaan si Jesus na taga-Nazaret.” 38 Sumigaw ang bulag, “Jesus, Anak ni David,[b] maawa po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 40 Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin sa kanya ang bulag. Nang makalapit ang bulag, tinanong niya ito, 41 “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Panginoon, gusto ko pong makakita!” 42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakita ka na! Pinagaling[c] ka ng iyong pananampalataya.” 43 Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus nang nagpupuri sa Dios. Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpuri rin sila sa Dios.
Panalangin ng Paghingi ng Tulong sa Dios
86 Panginoon, dinggin nʼyo at sagutin ang aking panalangin sapagkat akoʼy naghihirap at nangangailangan.
2 Ingatan nʼyo ang buhay ko dahil akoʼy tapat sa inyo.
Kayo ang aking Dios, iligtas nʼyo ang inyong lingkod na nagtitiwala sa inyo.
3 Panginoon, maawa kayo sa akin dahil buong araw akong tumatawag sa inyo.
4 Bigyan nʼyo ng kagalakan ang inyong lingkod, Panginoon, dahil sa iyo ako nananalangin.
5 Tunay na napakabuti nʼyo at mapagpatawad,
at puno ng pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa inyo.
6 Pakinggan nʼyo ang aking dalangin, Panginoon.
Ang pagsusumamo koʼy inyong dinggin.
7 Tumatawag ako sa inyo sa oras ng kagipitan dahil sinasagot nʼyo ako.
8 Walang dios na katulad nʼyo, Panginoon;
walang sinumang makakagawa ng mga ginawa ninyo.
9 Ang lahat ng bansa[a] na ginawa nʼyo ay lalapit at sasamba sa inyo.
Pupurihin nila ang inyong pangalan,
10 dahil makapangyarihan kayo at ang mga gawa nʼyo ay kahanga-hanga.
Kayo ang nag-iisang Dios.
11 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong pamamaraan,
at susundin ko ito nang may katapatan.[b]
Bigyan nʼyo ako ng pusong may takot sa inyo.
12 Panginoon kong Dios, buong puso ko kayong pasasalamatan.
Pupurihin ko ang inyong pangalan magpakailanman,
13 dahil ang pag-ibig nʼyo sa akin ay dakila.
Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
14 O Dios, sinasalakay ako ng grupo ng mayayabang na tao para patayin.
Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
15 Ngunit kayo, Panginoon, ay Dios na nagmamalasakit at mahabagin.
Wagas ang pag-ibig nʼyo, at hindi madaling magalit.
16 Bigyang pansin nʼyo ako at kahabagan;
bigyan nʼyo ako ng inyong kalakasan at iligtas ako na inyong lingkod.
17 Ipakita sa akin ang tanda ng inyong kabutihan,
upang makita ito ng aking mga kaaway at nang silaʼy mapahiya.
Dahil kayo, Panginoon, ang tumutulong at umaaliw sa akin.
9 Ang buhay ng taong matuwid ay parang ilaw na maliwanag, ngunit ang buhay ng masama ay parang ilaw na namatay.
10 Ang kayabangan ay humahantong sa kaguluhan at pagtatalo, ngunit ang nakikinig sa payo ay nagpapahiwatig ng karunungan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®