The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang mga Bayan para sa mga Levita
21 Ang mga pinuno ng mga Levita ay pumunta kina Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno ng bawat lahi ng Israel 2 doon sa Shilo sa lupain ng Canaan. Sinabi nila, “Nag-utos ang Panginoon sa pamamagitan ni Moises na bigyan kami ng mga bayan na titirhan namin at mga pastulan para sa mga hayop namin.” 3 Kaya ayon sa iniutos ng Panginoon, binigyan ang mga Levita ng mga bayan at mga pastulan mula sa mga lupain ng mga Israelita.
4 Ang unang nakatanggap ng lupain ay ang mga angkan ni Kohat. Ang mga Levita na mula sa angkan ni Aaron ay kabilang sa angkan ni Kohat. Nakatanggap sila ng 13 bayan na galing sa lupain ng mga lahi nina Juda, Simeon at Benjamin. 5 Ang ibang mga angkan ni Kohat ay binigyan ng 10 bayan mula sa lupain ng mga lahi nina Efraim, Dan at ng kalahating lahi ni Manase.
6 Ang mga angkan ni Gershon ay binigyan ng 13 bayan mula sa lupain ng mga lahi nina Isacar, Asher, Naftali at ng kalahating lahi ni Manase sa Bashan.
7 Ang mga angkan ni Merari ay binigyan ng 12 bayan mula sa lupain ng mga lahi nina Reuben, Gad at Zebulun.
8 Kaya sa paraan ng palabunutan, binigyan ng mga Israelita ang mga Levita ng mga bayan at mga pastulan, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
9-10 Ito ang mga pangalan ng mga bayan na mula sa lupain ng mga lahi nina Simeon at Juda na ibinigay sa mga angkan ni Aaron. Sila ang mga angkan ni Kohat na mga Levita. Sila ang unang nabunot na bibigyan ng mga bayan. 11 Ibinigay sa kanila ang Kiriat Arba (na siyang Hebron), sa kabundukan ng Juda, kasama na ang mga pastulan sa paligid nito. (Si Arba ang ama[a] ni Anak). 12 Pero ang mga bukirin ng lungsod at ang mga baryo sa paligid nito ay ibinigay na kay Caleb na anak ni Jefune bilang bahagi niya. 13 Kaya ibinigay sa mga angkan ni Aaron ang Hebron na isa sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang taong nakapatay nang hindi sinasadya. Ibinigay din sa kanila ang Libna, 14 Jatir, Estemoa, 15 Holon, Debir, 16 Ayin, Juta at Bet Shemesh, kasama ang mga pastulan nila. Siyam na bayan lahat mula sa lupain ng mga lahi nina Simeon at Juda.
17-18 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Benjamin. Ito ay ang Gibeon, Geba, Anatot at Almon, kasama ang mga pastulan nito.
19 Ang natanggap ng mga pari na angkan ni Aaron ay 13 bayan lahat, kasama ang mga pastulan nito.
20-22 Ang ibang angkan ni Kohat na mga Levita ay nakatanggap ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Efraim. Ito ay ang Shekem (sa kabundukan ng Efraim na isa sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang tao na nakapatay nang hindi sinasadya), ang Gezer, Kibzaim at Bet Horon, kasama ang mga pastulan nito.
23-24 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Dan. Ito ay ang Elteke, Gibeton, Ayalon at Gat Rimon, kasama ang mga pastulan nito.
25-26 At mula naman sa lupain ng kalahating lahi ni Manase sa kanluran, natanggap nila ang dalawang bayan: ang Taanac at Gat Rimon, kasama ang mga pastulan ng nito. Ang natanggap ng ibang mga angkan ni Kohat ay 10 bayan lahat, kasama ang mga pastulan nito.
27 Ang mga angkan ni Gershon na mga Levita ay nakatanggap ng dalawang bayan mula sa lupain ng kalahating lahi ni Manase sa silangan. Ito ay ang Golan sa Bashan (na isa sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang taong nakapatay nang hindi sinasadya) at ang Be Eshtara, kasama ang mga pastulan nito. 28-29 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Isacar. Ito ay ang Kishion, Daberat, Jarmut, En Ganim, kasama ang mga pastulan nito. 30-31 At mula sa lupain ng lahi ni Asher, natanggap nila ang apat na bayan: ang Mishal, Abdon, Helkat at Rehob, kasama ang mga pastulan nito. 32-33 Binigyan pa sila ng tatlong bayan mula sa lupain ng lahi ni Naftali. Ito ay ang Kedesh sa Galilea (isa ito sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang taong nakapatay nang hindi sinasadya), ang Hamot Dor at ang Kartan kasama ang mga pastulan nito. Ang natanggap ng mga angkan ni Gershon ay 13 bayan lahat, kasama ang mga pastulan nito.
34-35 Ang mga natirang Levita – ang mga angkan ni Merari – ay nakatanggap ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Zebulun. Ito ay ang Jokneam, Karta, Dimna at Nahalal kasama ang mga pastulan nito. 36-37 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Reuben. Ito ay ang Bezer, Jahaz, Kedemot at Mefaat, kasama ang mga pastulan nito. 38-39 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Gad. Ito ay ang Ramot sa Gilead (na isa sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang taong nakapatay nang hindi sinasadya), ang Mahanaim, Heshbon at Jazer, kasama ang mga pastulan nito.
40 Ang natanggap ng mga angkan ni Merari na Levita ay 12 bayan lahat kasama ang mga pastulan nito.
41-42 Ang natanggap ng mga Levita na mula sa lupain na pagmamay-ari ng mga Israelita ay 48 bayan lahat, kasama ang kani-kanilang pastulan.
43 Kaya ibinigay ng Panginoon sa Israel ang lahat ng lupain na ipinangako niya sa mga ninuno nila. Sinakop nila ang mga ito at doon nanirahan. 44 Binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa mga kalaban nila sa paligid ayon sa ipinangako ng Panginoon sa mga ninuno nila. Hindi sila natalo ng mga kalaban nila dahil pinagtagumpay sila ng Panginoon sa lahat ng kalaban nila. 45 Tinupad ng Panginoon ang lahat ng ipinangako niya sa mga mamamayan ng Israel.
Bumalik sa Kanilang Lugar ang mga Lahi ng Israel sa Silangan
22 Tinipon ni Josue ang mga mamamayan ng lahi nina Reuben, Gad at ng kalahating lahi ni Manase. 2 Sinabi ni Josue sa kanila, “Ginawa nʼyo ang lahat ng iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon at sinunod din ninyo ang lahat ng iniutos ko. 3 Hanggang ngayon, hindi nʼyo pinapabayaan ang mga kapatid ninyong Israelita at tinupad nʼyong mabuti ang lahat ng iniutos sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. 4 At ngayon, naangkin na ng mga kapatid ninyong Israelita ang kapahingahan na ipinangako sa kanila ng Panginoon. Kaya bumalik na kayo sa mga lugar nʼyo sa kabila ng Ilog ng Jordan, sa lupain na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon. 5 Pero huwag nʼyong kalimutang tuparin ang mga utos at katuruan na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon. Ibigin nʼyo ang Panginoon na inyong Dios, mamuhay kayo ayon sa kalooban niya, tuparin ang mga utos niya, maging matapat sa kanya at paglingkuran nʼyo siya nang buong pusoʼt kaluluwa.” 6 Binasbasan sila ni Josue at pinauwi. 7 (Ang kalahating lahi ni Manase ay binigyan ni Moises ng lupain sa Bashan at ang kalahati pang angkan ay binigyan ni Josue ng lupain sa kanluran ng Jordan kasama ng ibang mga angkan.)
Nang papauwi na sila, binasbasan sila ni Josue 8 at sinabi, “Magsiuwi kayo na dala ang marami nʼyong kayamanan – mga hayop, pilak, ginto, tanso, bakal at mga damit. Bigyan din ninyo ang inyong mga kamag-anak ng mga nasamsam ninyo sa inyong mga kalaban.” 9 At umuwi na ang mga mamamayan ng lahi nina Reuben, Gad at ang kalahating lahi ni Manase. Iniwan nila ang mga kapatid nilang Israelita sa Shilo, sa lupain ng Canaan at bumalik sa Gilead, ang lupaing naging bahagi nila ayon sa iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
10 Pagdating nila sa Gelilot, malapit sa Ilog ng Jordan, nagpatayo ang mga lahi nina Reuben, Gad at ang kalahating lahi ni Manase ng malaking altar. Ang lugar na ito ay sakop pa rin ng Canaan. 11-12 At nabalitaan ng ibang mga Israelita na nagpatayo ang lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase ng altar sa hangganan ng Canaan sa Gelilot, malapit sa Ilog ng Jordan. Kaya nagtipon sila sa Shilo para makipaglaban sa kanila. 13 Inutusan ng mga Israelita si Finehas, na anak ng paring si Eleazar na pumunta sa lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase. 14 May kasama siyang sampung pinuno mula sa bawat lahi ng Israel. Bawat isa sa kanilaʼy mga pinuno ng mga sambahayan ng lahi nila. 15 Pagdating nila sa Gilead, sinabi nila sa lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase, 16 “Gustong malaman ng buong mamamayan ng Panginoon kung bakit kayo tumalikod sa Dios ng Israel. Nagrebelde kayo sa Panginoon sa pagpapatayo nʼyo ng altar para sa sarili ninyo. Hindi kayo sumusunod sa kanya. 17 Nakalimutan nʼyo na ba ang kasalanan natin doon sa Peor? Dahil doon, pinadalhan tayo ng Panginoon ng salot at hanggang ngayon ay nagtitiis pa tayo. Hindi pa ba tayo natuto sa kamaliang iyon? 18 At ngayon, nagtangka pa kayong tumalikod sa Panginoon! Kung magrerebelde pa kayo sa kanya sa araw na ito, bukas ay magagalit siya sa buong bayan ng Israel. 19 Kaya kung ang lupain nʼyo ay hindi karapat-dapat na pagsambahan, tumawid kayo rito sa amin, sa lupain ng Panginoon kung saan naroon ang Tolda na pinagsasambahan sa kanya, at doon na kayo tumira. Pero huwag lang kayong magtatayo ng ibang altar maliban sa altar ng Panginoon na ating Dios, dahil iyan ay isang pagrerebelde sa kanya at sa amin. 20 Nakalimutan nʼyo na ba si Acan na anak ni Zera? Nang nilabag niya ang utos tungkol sa mga bagay na nakalaang ihandog ng buo sa Panginoon, pinarusahan siya at ang buong mamamayan ng Israel. Hindi lang siya ang namatay dahil sa kasalanan niya.”
Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus(A)
20 Isang araw, habang nangangaral ng Magandang Balita si Jesus sa mga tao sa templo, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Judio. 2 Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa aminkung ano ang karapatan mo na gumawa ng mga bagay na ito. Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” 3 Sinagot sila ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sabihin ninyo sa akin, 4 kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios[a] o sa tao?” 5 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 6 Pero kung sasabihin nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Dios.” 7 Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” 8 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Magsasaka(B)
9 Pagkatapos noon, ikinuwento ni Jesus sa mga tao ang talinghagang ito: “May isang tao na nagtanim ng mga ubas sa kanyang bukid. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan niya sa mga magsasaka at pumunta siya sa malayong lugar, at nanatili roon nang matagal. 10 Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin sa mga magsasakang umuupa ng kanyang ubasan upang kunin ang parte niya. Pero binugbog ng mga magsasaka ang alipin at pinaalis na walang dala. 11 Nagsugo ulit ang may-ari ng isa pang alipin, pero binugbog din nila at hiniya, at pinaalis na wala ring dala. 12 Nagsugo ulit siya ng ikatlong alipin, pero sinaktan din nila ito at pinalayas. 13 Nag-isip ang may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Alam ko na, papupuntahin ko sa kanila ang minamahal kong anak. Siguro naman ay igagalang nila siya.’ 14 Pero nang makita ng mga magsasaka ang anak niya, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Patayin natin siya para mapasaatin ang lupang mamanahin niya.’ 15 Kaya dinala nila ito sa labas ng ubasan at pinatay.
“Ngayon, ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? 16 Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan.” Nang marinig ito ng mga tao sinabi nila, “Huwag sanang ipahintulot ng Dios na mangyari ito!” 17 Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, “Ano ba ang ibig sabihin ng talatang ito sa Kasulatan:
‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.’[b]
18 Ang sinumang mahulog sa batong ito ay magkakabali-bali, ngunit ang mahulugan nito ay madudurog.”
Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(C)
19 Alam ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga namamahalang pari na sila ang pinatatamaan ni Jesus sa talinghaga na iyon. Kaya gusto nilang dakpin siya noon din, pero natatakot sila sa mga tao. 20 Kaya naghintay na lang sila ng ibang pagkakataon. Nagsugo sila ng mga espiya na magpapanggap na mabuti ang layunin nila sa pagpunta kay Jesus, upang hulihin siya sa mga pananalita niya at maisakdal sa gobernador. 21 Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam naming totoo ang mga sinasabi at itinuturo ninyo. At wala kayong pinapaboran, kundi kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios ang itinuturo ninyo. 22 Ngayon para sa inyo, tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma[c] o hindi?” 23 Pero alam ni Jesus ang katusuhan nila, kaya sinabi niya, 24 “Patingin nga ng pera.[d] Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit dito?” Sumagot sila, “Sa Emperador.” 25 Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” 26 Nabigo sila sa pakay nilang mahuli si Jesus sa kanyang pananalita sa harapan ng mga tao. At dahil namangha sila sa sagot niya, tumahimik na lang sila.
Ang Kasunduan ng Dios kay David
89 Panginoon, aawitin ko ang tungkol sa inyong tapat na pag-ibig magpakailanman.
Ihahayag ko sa lahat ng salinlahi ang inyong katapatan.
2 Ipapahayag ko na matatag ang inyong walang hanggang pag-ibig, at mananatili gaya ng kalangitan.
3 At inyong sinabi, “Gumawa ako ng kasunduan sa aking lingkod na si David na aking pinili upang maging hari.
Ito ang ipinangako ko sa kanya:
4 Ang bawat hari ng Israel ay manggagaling sa iyong lahi;
ang iyong kaharian ay magpapatuloy magpakailanman.”
5 Panginoon, pupurihin ng mga nilalang sa langit ang inyong katapatan at mga kahanga-hangang gawa.
6 Walang sinuman doon sa langit ang katulad nʼyo, Panginoon.
Sino sa mga naroon[a] ang katulad nʼyo, Panginoon?
7 Iginagalang kayo sa pagtitipon ng mga banal sa langit.
Higit kayong kahanga-hanga, at silang lahat na nakapalibot sa inyoʼy may malaking takot sa inyo.
8 O Panginoong Dios na Makapangyarihan, wala kayong katulad;
makapangyarihan kayo Panginoon at tapat sa lahat ng inyong ginagawa.
9 Nasa ilalim ng kapangyarihan nʼyo ang nagngangalit na dagat,
pinatatahimik nʼyo ang mga malalaking alon.
10 Dinurog nʼyo ang dragon na si Rahab, at namatay ito.
Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihaʼy ipinangalat nʼyo ang inyong mga kaaway.
11 Sa inyo ang langit at ang lupa, ang mundo at ang lahat ng naritoʼy kayo ang lumikha.
12 Nilikha nʼyo ang hilaga at ang timog.
Ang mga bundok ng Tabor at Hermon ay parang mga taong umaawit sa inyo nang may kagalakan.
13 Ang lakas nʼyo ay walang kapantay, at ang inyong kanang kamay ay nakataas at napakamakapangyarihan!
15 Ang taong may mabuting pang-unawa ay iginagalang, ngunit ang taong taksil ay kapahamakan ang kahahantungan.
16 Ang taong marunong umunawa kung ano ang tama at mali ay pinag-iisipan muna ang isang bagay bago niya gawin, ngunit ang taong hangal ay hindi nag-iisip, ipinakikita niya ang kanyang kahangalan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®