Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Josue 24

Muling Nangako ang mga Israelita na Tutuparin Nila ang Kasunduan ng Dios

24 Tinipon ni Josue ang lahat ng lahi ng Israel sa Shekem. Tinawag niya ang mga tagapamahala, mga pinuno, mga hukom at mga opisyal ng Israel, at lumapit sila sa presensya ng Dios.

Sinabi ni Josue sa lahat ng tao, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Noon, ang mga ninuno nʼyo ay nakatira sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sumamba sa ibang mga dios-diosan. Isa sa kanila ay si Tera na ama nina Abraham at Nahor. Pero kinuha ko si Abraham sa lugar na iyon at pinapunta papunta sa lupain ng Canaan at binigyan ng maraming lahi. Naging anak niya si Isaac, at naging anak naman ni Isaac sina Esau at Jacob. Ibinigay ko kay Esau ang kabundukan ng Seir bilang bahagi niya pero si Jacob at ang mga anak niya ay pumunta sa Egipto. Pagkatapos, isinugo ko sina Moises at Aaron sa Egipto at pinadalhan ko ng mga salot ang mga Egipcio, at inilabas roon ang inyong mga ninuno. Pero nang makarating ang mga ninuno nʼyo sa Dagat na Pula, hinabol sila ng mga Egipcio na may mga kabayo at mga karwahe. Humingi ng tulong sa akin ang inyong mga ninuno at nilagyan ko ng kadiliman ang pagitan nila at ng mga Egipcio. At nilunod ko agad ang mga Egipcio sa dagat. Nakita mismo ng inyong mga ninuno ang ginawa ko sa mga Egipcio. At tumira kayo sa disyerto nang mahabang panahon.

“ ‘Pagkatapos, dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nakipaglaban sila sa inyo, pero pinagtagumpay ko kayo sa kanila. Nilipol ko sila at nasakop nʼyo ang lupain nila. Pagkatapos, nakipaglaban sa Israel ang hari ng Moab na si Balak na anak ni Zipor. Inutusan niya si Balaam na anak ni Beor na sumpain kayo. 10 Pero hindi ko pinahintulutan si Balaam na gawin ito sa inyo. Sa halip, binasbasan kayo ni Balaam, at iniligtas ko kayo sa kamay ni Balak.

11 “ ‘Pagkatapos, tumawid kayo sa Ilog ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nakipaglaban sa inyo ang mga taga-Jerico, ganoon din ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergaseo, Hiveo at Jebuseo. Pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila. 12 Pinadalhan ko ng mga putakti ang dalawang haring Amoreo para itaboy sila bago pa kayo dumating. Nanalo kayo hindi dahil sa inyong mga espada at pana. 13 Binigyan ko kayo ng lupaing hindi nʼyo pinaghirapan. Pinatira ko kayo sa mga lungsod na hindi kayo ang nagtatag. Kumakain kayo ngayon ng mga ubas at mga olibo na hindi kayo ang nagtanim.’

14 “Kaya ngayon, igalang nʼyo ang Panginoon at paglingkuran na may katapatan. Itakwil na ninyo ang mga dios-diosang sinasamba noon ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sa Egipto, at maglingkod kayo sa Panginoon. 15 Pero kung ayaw nʼyong maglingkod sa Panginoon, mamili kayo ngayon sa araw na ito kung sino ang paglilingkuran ninyo. Maglilingkod ba kayo sa mga dios na pinaglilingkuran ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates, o sa mga dios ng mga Amoreo na ang lupain ay tinitirhan nʼyo ngayon? Pero para sa akin at sa pamilya ko maglilingkod kami sa Panginoon.”

16 Sumagot ang mga tao, “Wala sa isipan naming tumalikod sa Panginoon at maglingkod sa ibang mga dios. 17 Ang Panginoon na ating Dios mismo ang naglabas sa atin at sa mga ninuno natin sa pagkaalipin doon sa Egipto. Nakita rin natin ang mga himalang ginawa niya. Iningatan niya tayo sa paglalakbay natin sa mga bansang dinadaanan natin. 18 Itinaboy niya ang mga Amoreo at ang ibang mga bansa na naninirahan sa mga lupaing ito. Kaya maglilingkod din kami sa Panginoon, dahil siya ang Dios namin.”

19 Sinabi ni Josue sa mga tao, “Hindi kayo makapaglilingkod sa Panginoon dahil siyaʼy banal na Dios at ayaw niya na may sinasamba kayong iba. Hindi niya babalewalain ang pagrerebelde at mga kasalanan ninyo. 20 Kapag itinakwil nʼyo ang Panginoon at naglingkod kayo sa ibang dios, magagalit siya sa inyo at paparusahan niya kayo. Lilipulin niya kayo kahit na noon ay naging mabuti siya sa inyo.”

21 Pero sumagot ang mga tao kay Josue, “Maglilingkod kami sa Panginoon.” 22 Sinabi ni Josue, “Kayo mismo ang mga saksi sa mga sarili nʼyo na pinili ninyong paglingkuran ang Panginoon.” Sumagot sila, “Oo, mga saksi kami.”

23 Pagkatapos, sinabi ni Josue, “Kung ganoon, itakwil nʼyo na ang mga dios-diosan nʼyo at paglingkuran ninyo nang buong puso ang Panginoon, ang Dios ng Israel.” 24 Sumagot ang mga tao, “Paglilingkuran namin ang Panginoon naming Dios, at susundin namin ang mga utos niya.”

25 Nang araw na iyon, gumawa si Josue ng kasunduan sa mga tao roon sa Shekem, at ibinigay niya sa kanila ang mga kautusan at mga tuntunin. 26 Sinulat ito ni Josue sa Aklat ng Kautusan ng Dios. Pagkatapos, kumuha siya ng malaking bato at itinayo sa puno ng terebinto malapit sa banal na lugar ng Panginoon. 27 At sinabi ni Josue sa lahat ng tao, “Ang batong ito ang saksi natin na nakipag-usap ang Panginoon sa atin. Magpapatunay ito laban sa inyo kung tatalikuran ninyo ang Dios.” 28 Pagkatapos, pinauwi ni Josue ang mga tao sa kanya-kanyang lugar.

Namatay si Josue at si Eleazar

29 Dumating ang panahon na namatay ang lingkod ng Panginoon na si Josue, na anak ni Nun sa edad na 110. 30 Inilibing siya sa lupain niya sa Timnat Sera, sa kabundukan ng Efraim, sa hilaga ng Bundok ng Gaas. 31 Naglingkod sa Panginoon ang mga Israelita habang nabubuhay pa si Josue. At kahit patay na si Josue, nanatili pa rin sila sa paglilingkod sa Panginoon habang buhay pa ang mga tagapamahala ng Israel na nakaranas ng lahat ng ginawa ng Panginoon para sa Israel. 32 Ang mga buto ni Jose na dinala ng mga Israelita mula sa Egipto ay inilibing sa Shekem, sa lupa na binili ni Jacob ng 100 pilak sa mga anak ni Hamor na ama ni Shekem. Ang lupang itoʼy bahagi ng teritoryo na ibinigay sa mga lahi ni Jose.

33 Namatay din si Eleazar na anak ni Aaron at inilibing sa Gibea, ang bayan sa kabundukan ng Efraim, na ibinigay ni Eleazar sa anak niyang si Finehas.

Lucas 21:1-28

Ang Kaloob ng Biyuda(A)

21 Pinagmamasdan ni Jesus ang mayayamang naghuhulog ng pera sa lalagyan ng mga kaloob sa templo. Nakita rin niya ang isang mahirap na biyuda na naghulog ng dalawang pirasong barya. Sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat silang lahat ay nagbigay galing sa sobra nilang pera, pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng ikabubuhay niya.”

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(B)

May ilan doon na nag-uusap tungkol sa mga mamahaling bato ng templo at mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Darating ang araw na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay magigiba at walang maiiwang bato na magkapatong.”

Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(C)

Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari iyon?”

Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo malinlang ninuman. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihin nilang sila ang Cristo, at sasabihin din nilang dumating na ang panahon. Huwag kayong maniniwala sa kanila. At kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa kaagad darating ang katapusan.”

10 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa ibaʼt ibang lugar. At makakakita kayo ng mga nakakatakot at nakakamanghang palatandaan mula sa langit.

12 “Ngunit bago mangyari ang lahat ng iyan ay uusigin muna kayo at dadakpin ng mga tao. Dadalhin nila kayo sa mga sambahan ng mga Judio upang akusahan at ipabilanggo. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador dahil sa pagsunod ninyo sa akin. 13 Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. 14 Kaya itanim ninyo sa inyong isip na hindi kayo dapat mabalisa kung ano ang inyong isasagot. 15 Sapagkat bibigyan ko kayo ng karunungan sa pagsagot para hindi makaimik ang inyong mga kalaban. 16 Ibibigay kayo sa inyong mga kaaway ng sarili ninyong mga magulang, kapatid, kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. 18 Ngunit hindi kayo mapapahamak.[a] 19 At kung magpapakatatag kayo, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.

Tungkol sa Pagkawasak ng Jerusalem(D)

20 “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga sundalo ang Jerusalem, malalaman ninyong malapit na itong mawasak. 21 Kaya ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, at ang mga nasa Jerusalem ay kailangang umalis agad. At ang mga nasa bukid naman ay huwag nang bumalik pa sa Jerusalem. 22 Sapagkat panahon na iyon ng pagpaparusa, upang matupad ang nakasaad sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. Darating ang napakatinding paghihirap sa lupaing ito dahil sa matinding galit ng Dios sa mga tao rito. 24 Ang iba sa kanilaʼy papatayin sa espada, at ang iba namaʼy dadalhing bihag sa ibang mga bansa. At ang Jerusalem ay sasakupin ng mga hindi Judio hanggang sa matapos ang panahong itinakda ng Dios sa kanila.

Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(E)

25 “May mga palatandaang makikita sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Mababagabag ang mga bansa at hindi nila malalaman kung ano ang gagawin nila dahil sa malalakas na ugong ng mga alon sa dagat. 26 Hihimatayin sa takot ang mga tao dahil sa mga mangyayari sa mundo, dahil mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga bagay[b] sa kalawakan. 27 At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian.[c] 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, umasa kayo at maghintay[d] dahil malapit na ang pagliligtas sa inyo.”

Salmo 89:38-52

38 Ngunit, Panginoon, nagalit kayo sa inyong piniling hari;
    itinakwil nʼyo siya at iniwanan.
39 Binawi nʼyo ang kasunduan sa inyong lingkod at kinuha sa kanya ang kapangyarihan bilang hari.
40 Winasak ninyo ang mga pader ng kanyang lungsod at ginuho ang mga pinagtataguan nila.
41 Kaya lahat ng dumadaan sa kanyang kaharian ay nananamantala,
    pinagsasamsam ang mga kagamitan sa lungsod.
    Pinagtatawanan siya ng mga katabing bansa.
42 Pinagtagumpay nʼyo ang kanyang mga kaaway at pinasaya silang lahat.
43 Winalang kabuluhan ninyo ang kanyang mga sandata at ipinatalo siya sa labanan.
44 Winakasan nʼyo ang kanyang katanyagan pati na ang kanyang kapangyarihan bilang hari.
45 At dahil ditoʼy, nagmukha siyang matanda sa bata niyang edad.
    Inilagay nʼyo siya sa kahihiyan.
46 Panginoon, hanggang kailan nʼyo kami pagtataguan?
    Wala na ba itong katapusan?
    Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong galit sa amin?
47 Alalahanin nʼyo kung gaano kaiksi ang buhay ng tao.
    Alalahanin nʼyong nilikha nʼyo ang tao na may kamatayan.
48 Sinong tao ang hindi mamamatay?
    Maiiwasan ba ng tao ang kamatayan?
49 Panginoon, nasaan na ang dati ninyong pag-ibig?
    Ang pag-ibig na ipinangako nʼyo kay David ayon sa inyong katapatan sa kanya?
50 Alalahanin nʼyo, Panginoon, kung paanong hiniya ng maraming bansa ang iyong lingkod[a] at ito ay aking tiniis.
51 Ang mga kaaway nʼyo, Panginoon, ang siyang kumukutya sa pinili nʼyong hari, saan man siya magpunta.
52 Purihin ang Panginoon magpakailanman!
    Amen! Amen!

Kawikaan 13:20-23

20 Kapag ang lagi mong kasama ay isang taong marunong, magiging marunong ka rin, ngunit kung hangal ang lagi mong kasama ay mapapahamak ka.
21 Ang kapahamakan ay darating sa mga makasalanan saanman sila magpunta, ngunit ang mga matuwid ay gagantimpalaan ng mabubuting bagay.
22 Ang kayamanan ng mabuting tao ay mamanahin ng kanyang mga apo, ngunit ang kayamanan ng makasalanan ay mapupunta sa mga matuwid.
23 Umani man ng sagana ang lupain ng mahihirap, hindi rin sila makikinabang dito dahil sa hindi makatuwirang patakaran ng iba.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®