Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 2:10-3:31

Huminto ang mga Israelita sa Paglilingkod sa Panginoon

10 Nang mamatay ang mga tao sa henerasyong iyon, ang sumunod na salinlahi ay hindi nakikilala ang Panginoon, maging ang mga ginawa niya para sa Israel. 11 Gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga imahen ni Baal. 12 Itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, na siyang naglabas sa kanila sa Egipto. Sinunod nila at sinamba ang ibaʼt ibang dios ng mga tao sa paligid nila. Nagalit ang Panginoon, 13 dahil itinakwil siya ng mga ito at naglingkod kay Baal at kay Ashtoret. 14 Dahil sa galit ng Panginoon sa Israel, pinabayaan niyang lusubin sila ng mga tulisan para samsamin ang kanilang mga ari-arian. Pinabayaan din sila ng Panginoon na matalo ng mga kaaway nila sa paligid at hindi na nila makayanang ipagtanggol ang kanilang sarili. 15 Kapag nakikipaglaban sila, pinapatalo sila ng Panginoon, tulad ng sinabi niya. Kaya labis silang nahirapan.

16 Ngayon, binigyan ng Panginoon ang Israel ng mga pinuno[a] na magliligtas sa kanila mula sa mga tulisan. 17 Pero hindi nila pinansin ang kanilang mga pinuno. Sa halip, tumalikod sila sa Panginoon at sumamba sa ibang mga dios. Hindi sila katulad ng kanilang mga ninuno. Napakadali nilang tumalikod sa mga utos ng Dios na sinunod noon ng mga ninuno nila. 18 Ang lahat na pinunong ibinigay ng Panginoon sa kanila ay tinulungan niya. At habang buhay ang pinuno nila, inililigtas sila ng Panginoon sa kanilang mga kaaway. Sapagkat naaawa siya sa kanila dahil sa mga pagtitiis nila sa mga nanggigipit at nagpapahirap sa kanila. 19 Pero kapag namatay na ang pinuno, bumabalik na naman sila sa masasama nilang gawa. Muli silang naglilingkod at sumasamba sa ibang mga dios mas masahol pa sa pagkakasala ng kanilang mga ninuno. Ayaw nilang talikuran ang masasamang gawain nila at ang katigasan ng kanilang mga ulo.

20 Kaya lalo pang nagalit ang Panginoon sa kanila. Sinabi ng Panginoon, “Dahil nilabag ng bansang ito ang kasunduan ko sa kanilang mga ninuno, at hindi nila ako sinunod, 21 hindi ko itataboy ang natirang mga bansa na hindi nasakop ni bago siya namatay. 22 Gagamitin ko ang mga bansang ito para subukin ang mga Israelita kung talagang tutuparin nila ang aking mga utos katulad ng kanilang mga ninuno.” 23 Ito ang dahilan kung bakit hindi agad itinaboy ng Panginoon ang natirang mga bansa at hindi niya pinahintulutang matalo ito ni Josue.

Ang mga Natirang Tao sa Canaan

Nagtira ang Panginoon ng ibang mga tao sa Canaan para subukin ang mga Israelita na hindi nakaranas makipaglaban sa Canaan. Ginawa ito ng Panginoon para maturuan niyang makipaglaban ang mga lahi ng Israelita na hindi pa nakaranas nito. Ito ang mga taong itinira ng Panginoon: ang mga nakatira sa limang lungsod ng mga Filisteo, ang lahat ng Cananeo, ang mga Sidoneo, at ang mga Hiveo na nakatira sa mga bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal Hermon hanggang sa Lebo Hamat. Itinira sila para subukin kung tutuparin ng mga Israelita ang mga utos ng Panginoon na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises. Kaya nanirahan ang mga Israelita kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. Nagsipag-asawa ang mga Israelita ng mga anak ng mga taong ito at ibinigay nila ang kanilang mga anak na babae para maging asawa rin ng mga ito, at sumamba rin sila sa mga dios-diosan ng mga ito.

Si Otniel

Gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon dahil kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Dios at sumamba sila sa mga imahen ni Baal at ni Ashera. Dahil dito, labis na nagalit ang Panginoon sa kanila, kaya hinayaan niya silang matalo ni Haring Cushan Rishataim ng Aram Naharaim.[b] Silaʼy sinakop nito sa loob ng walong taon.

Pero nang humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon, binigyan sila ng isang tao na magliligtas sa kanila. Siyaʼy si Otniel na anak ni Kenaz na nakababatang kapatid ni Caleb. 10 Ginabayan siya ng Espiritu ng Panginoon, at pinamunuan niya ang Israel. Nakipaglaban siya kay Haring Cushan Rishataim ng Aram, at pinagtagumpay siya ng Panginoon. 11 Kaya nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng 40 taon. At pagkatapos ay namatay si Otniel.

Si Ehud

12 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Dahil dito, ipinasakop sila ng Panginoon kay Haring Eglon ng Moab. 13 Sa tulong ng mga Ammonita at Amalekita, nilusob at tinalo ni Eglon ang Israel, at sinakop ang lungsod ng Jerico.[c] 14 Sinakop sila ni Eglon sa loob ng 18 taon.

15 Muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon at binigyan sila ng isang tao na magliligtas sa kanila. Siya ay ang kaliweteng si Ehud na anak ni Gera na mula sa lahi ni Benjamin. Ipinadala siya ng mga Israelita kay Haring Eglon ng Moab para ibigay dito ang buwis ng Israel. 16 Bago siya umalis, gumawa siya ng isang espada na magkabila ang talim na may kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanyang kanang hita sa ilalim ng kanyang damit. 17 Nang naroon na siya, ibinigay niya ang buwis kay Haring Eglon na napakatabang tao. 18 Nang maibigay ni Ehud ang buwis, pinauwi niya ang mga kasamahang nagdala ng buwis. 19 Sumama siya sa kanila noong una, pero nang makarating sila sa mga inukitang bato sa Gilgal, bumalik si Ehud at sinabi sa hari, “Mahal na Hari, may lihim po akong sasabihin sa inyo.” Kaya sinabi ng hari sa mga utusan niya, “Iwan nʼyo muna kami.” At umalis ang lahat ng utusan niya. 20 Pagkatapos, lumapit si Ehud sa hari na nakaupo sa malamig niyang kwarto sa itaas. Sinabi ni Ehud, “May mensahe ako sa inyo mula sa Dios.” Nang tumayo ang hari, 21 binunot ni Ehud ng kaliwang kamay niya ang espada sa kanang hita niya, at sinaksak sa tiyan ang hari, 22 at tumagos ito hanggang sa kanyang likod. At dahil mataba ang hari, bumaon pati ang hawakan ng espada. Kaya hindi na niya ito binunot.

23 Pagkatapos, lumabas si Ehud sa kwarto at ikinandado ang mga pinto. 24 Nang nakaalis na siya, bumalik ang mga utusan ng hari at nakita nila na sarado ang mga pinto. Akala nila nasa palikuran ang hari, 25 kaya hindi na lang nila binuksan ang mga pinto at naghintay sila sa labas. Pero nang magtagal, hindi na sila mapalagay dahil hindi pa rin binubuksan ng hari ang mga pinto. Kaya kinuha na lang nila ang susi at binuksan ito, at nakita nila ang kanilang hari na nakahandusay sa sahig na patay na.

26 Habang hinihintay ng mga utusan na buksan ng hari ang mga pinto, nakatakas na si Ehud. Dumaan siya sa mga imaheng bato at pumunta sa Seira. 27 Pagdating niya sa kabundukan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta para tawagin ang mga Israelita sa pakikipaglaban. Pagkatapos, bumaba ang mga Israelita mula sa kabundukan sa pangunguna ni Ehud. 28 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon laban sa Moab na kalaban ninyo.” Kaya sumunod sila sa kanya at sinakop nila ang tawiran sa Ilog ng Jordan patungong Moab, at wala silang pinatawid doon ni isang tao. 29 Nang araw na iyon, nakapatay sila ng 10,000 malalakas at matatapang na Moabita. Wala ni isang nakatakas sa kanila. 30 Sinakop ng Israel ang Moab nang araw na iyon, at mula noon, naging mapayapa ang Israel sa loob ng 80 taon.

Si Shamgar

31 Si Shamgar na anak ni Anat ang sumunod kay Ehud bilang pinuno. Iniligtas niya ang Israel sa mga Filisteo. Nakapatay siya ng 600 Filisteo gamit ang tungkod niyang pangtaboy sa baka.

Lucas 22:14-34

Huling Hapunan ni Jesus(A)

14 Pagdating ng oras ng hapunan, kumain si Jesus at ang kanyang mga apostol. 15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Gustong-gusto kong makasalo kayo sa hapunang ito sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, bago ako maghirap. 16 Sapagkat sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling kakain nito hanggang sa matupad ang kahulugan nito sa araw ng paghahari ng Dios.” 17 Pagkatapos, kumuha siya ng inumin,[a] nagpasalamat sa Dios, at sinabi sa kanila, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. 18 Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng Dios” 19 Pagkatapos, kumuha siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Dios ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 20 Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa inumin: kinuha niya ito at nagpasalamat sa Dios, at sinabi, “Ang inuming ito ang bagong kasunduan na pinagtibay ng dugo kong mabubuhos ng dahil sa inyo.

21 “Ngunit makinig kayo! Kasalo ko sa mesang ito ang taong magtatraydor sa akin. 22 Sapagkat ayon sa itinalaga ng Dios, Ako na Anak ng Tao ay papatayin, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin.” 23 Nagtanungan sa isaʼt isa ang mga tagasunod niya kung sino kaya sa kanila ang gagawa noon.

Ang Pagtatalo tungkol sa Kadakilaan

24 Nagtalo-talo ang mga tagasunod ni Jesus kung sino sa kanila ang pinakadakila. 25 Kaya sinabi sa kanila ni Jesus, “Sa mundong ito, ang mga hari ay pinapanginoon ng mga nasasakupan nila, at ang mga may kapangyarihan ay gustong tawagin na ‘Tagatulong ng mga Tao.’ 26 Ngunit hindi kayo dapat maging ganoon. Ang mas mataas ay dapat magpakababa, at ang pinuno ay dapat maging tulad ng isang tagapaglingkod. 27 Sapagkat sino ba ang mas mataas, ang pinaglilingkuran[b] o ang naglilingkod? Siyempre, ang pinaglilingkuran. Ngunit naglilingkod ako sa inyo kahit na ako ang Panginoon ninyo.”

28 “Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok na dinaranas ko. 29 Kaya kung paanong binigyan ako ng aking Ama ng kapangyarihang maghari, kayo rin ay bibigyan ko ng ganoong kapangyarihan. 30 Makakasalo ko kayo sa aking mesa sa aking kaharian, at uupo kayo sa mga trono upang mamahala sa 12 lahi ng Israel.”

Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(B)

31 Sinabi ni Jesus kay Pedro. “Simon, makinig kang mabuti! Humingi ng pahintulot si Satanas sa Dios na subukin niya kayong lahat tulad ng pag-aalis ng ipa sa mga trigo. 32 Ngunit nanalangin ako para sa iyo, na huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, palalakasin mo ang pananampalataya ng iyong mga kapatid.” 33 Sumagot si Simon, “Panginoon, handa po akong mabilanggo o mamatay na kasama ninyo.” 34 Pero sinabi sa kanya ni Jesus, “Pedro, tandaan mo, bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.”

Salmo 92-93

Awit ng Papuri

92 Kataas-taasang Dios na Panginoon namin, napakabuting magpasalamat at umawit ng papuri sa inyo.
Nakalulugod na ipahayag ang inyong pag-ibig at katapatan araw at gabi,
habang tumutugtog ng mga instrumentong may kwerdas.
Dahil pinasaya nʼyo ako, Panginoon, sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang mga gawa.
    At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.
Panginoon, kay dakila ng inyong mga ginawa.
    Ang isipan nʼyoʼy hindi namin kayang unawain.
Hindi maunawaan ng mga hangal at matitigas ang ulo
na kahit umunlad ang taong masama gaya ng damong lumalago,
    ang kahahantungan pa din niya ay walang hanggang kapahamakan.
Ngunit kayo, Panginoon, ay dakila sa lahat magpakailanman.
Tiyak na mamamatay ang lahat ng inyong kaaway at mangangalat ang lahat ng gumagawa ng masama.
10 Pinalakas nʼyo ako na tulad ng lakas ng lakas ng toro
    at binigyan nʼyo rin ako ng kagalakan.[a]
11 Nasaksihan ko ang pagkatalo ng aking mga kaaway,
    at narinig ko ang pagdaing ng masasamang kumakalaban sa akin.
12 Uunlad ang buhay ng mga matuwid gaya ng mga palma,
    at tatatag na parang puno ng sedro na tumutubo sa Lebanon.
13 Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Dios,
14 lumalago at namumunga kahit matanda na,
    berdeng-berde ang mga dahon at nananatiling matatag.
15 Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon, ang aking Bato na kanlungan ay matuwid.
    Sa kanyaʼy walang anumang kalikuan na matatagpuan.

Ang Dios ang ating Hari

93 Kayo ay hari, Panginoon;
    nadadamitan ng karangalan at kapangyarihan.
    Matatag ninyong itinayo ang mundo kaya hindi ito mauuga.
Ang inyong trono ay naitatag na simula pa noong una,
    naroon na kayo noon pa man.
Panginoon, umuugong ang dagat at nagngangalit ang mga alon.
Ngunit Panginoong nasa langit, higit kayong makapangyarihan kaysa sa mga nagngangalit na alon.
Mapagkakatiwalaan ang inyong mga utos Panginoon,
    at ang inyong temploʼy nararapat lamang na ituring na banal magpakailanman.

Kawikaan 14:1-2

14 Ang marunong na babae ay pinatatatag ang kanyang sambahayan, ngunit ang hangal na babae ay sinisira ang kanyang sariling tahanan.
Ang taong namumuhay sa katuwiran ay may takot sa Panginoon, ngunit ang namumuhay sa kasamaan ay humahamak sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®