Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezra 7:1-8:20

Dumating si Ezra sa Jerusalem

1-6 Pagkalipas ng maraming taon, nang si Artaserses ang hari ng Persia, dumating si Ezra sa Jerusalem galing sa Babilonia. Si Ezra ay anak ni Seraya. Si Seraya ay anak ni Azaria. Si Azaria ay anak ni Hilkia. Si Hilkia ay anak ni Shalum. Si Shalum ay anak ni Zadok. Si Zadok ay anak ni Ahitub. Si Ahitub ay anak ni Amaria. Si Amaria ay anak ni Azaria. Si Azaria ay anak ni Merayot. Si Merayot ay anak ni Zerahia. Si Zerahia ay anak ni Uzi. Si Uzi ay anak ni Buki. Si Buki ay anak ni Abishua. Si Abishua ay anak ni Finehas. Si Finehas ay anak ni Eleazar. Si Eleazar ay anak ni Aaron na punong pari.

Si Ezra ay isang tagapagturo na lubos ang kaalaman sa Kasulatan na ibinigay kay Moises ng Panginoon, ang Dios ng Israel. Ibinigay ng hari ang lahat ng hiniling niya dahil tinutulungan siya ng Panginoon na kanyang Dios. May sumama ring mga Israelita sa kanya nang bumalik siya sa Jerusalem noong ikapitong taon ng paghahari ni Artaserses. Kabilang sa mga sumama ay ang mga pari, mga Levita, mga mang-aawit, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at mga utusan sa templo. 8-9 Umalis si Ezra sa Babilonia nang unang araw ng unang buwan. At sa tulong ng Dios, nakarating siya sa Jerusalem nang unang araw ng ikalimang buwan, nang ikapitong taon ng paghahari ni Artaserses. 10 Tinulungan siya ng Dios dahil itinalaga niya ang sarili niya sa pag-aaral at pagtupad ng Kautusan ng Panginoon, at sa pagtuturo ng mga tuntunin at mga utos nito sa mga Israelita.

Ang Sulat ni Artaserses kay Ezra

11 Ito ang nilalaman ng sulat na ibinigay ni Haring Artaserses kay Ezra na pari at tagapagturo, na lubos na nakakaalam ng mga utos at mga tuntunin na ibinigay ng Panginoon sa mga taga-Israel:

12 “Ako si Haring Artaserses ang hari ng mga hari. Nangungumusta ako sa iyo, Ezra, na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Dios ng kalangitan.

13 “Iniuutos ko na kahit sino sa mga Israelita rito sa kaharian ko, pati mga pari at mga Levita, na gustong sumama sa iyo sa pagbalik sa Jerusalem ay maaari mong isama. 14 Inuutusan kita at ng aking pitong tagapayo na alamin mo ang mga nangyayari sa Juda at sa Jerusalem kung talaga bang sinusunod nila ang Kautusan ng iyong Dios, na lubos mong nalalaman.[a] 15 Inuutusan din kita na dalhin mo ang mga ginto at pilak na kusang-loob kong ibinibigay at ng mga tagapayo ko sa Dios ng Israel na nananahan sa Jerusalem. 16 Dalhin mo rin ang lahat ng pilak at ginto na matatanggap mo galing sa lalawigan ng Babilonia, pati na rin ang mga kusang-loob na tulong ng mga mamamayan ng Israel at ng mga pari nila para sa templo ng kanilang Dios sa Jerusalem. 17 Tiyakin mo na ang perang ito ay gagamiting pambili ng mga toro, mga lalaking tupa, mga batang lalaking tupa, mga butil, at inuming handog sa altar ng templo ng inyong Dios sa Jerusalem. 18 Ang matitirang ginto at pilak ay pwede nʼyong gamitin ng mga kababayan mo sa kahit anong gusto nʼyo ayon sa kalooban ng Dios. 19 Ngunit ang mga kagamitang ipinagkatiwala sa iyo na gagamitin sa paglilingkod sa templo ng iyong Dios ay ibigay mong lahat sa Dios ng Jerusalem. 20 Kung may iba ka pang kailangan para sa templo, kumuha ka lang ng panggastos sa pondo ng kaharian.

21 “Ako, si Haring Artaserses, ang nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates na ibigay nʼyo ang anumang hilingin sa inyo ni Ezra na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Dios ng kalangitan. 22 Bigyan nʼyo siya hanggang 3,500 kilong pilak, 300 sakong trigo, 550 galong alak, 550 galong langis ng olibo, at kahit gaano kadaming asin na kinakailangan. 23 Ibigay nʼyo rin ang lahat ng kinakailangan sa templo ayon sa iniutos ng Dios ng kalangitan. Sapagkat kung hindi, magagalit siya sa kaharian ko at sa mga anak ko. 24 Ipinapaalam din namin sa inyo na huwag ninyong pagbayarin ng buwis at ng iba pang bayarin ang mga pari, mga Levita, mga musikero, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, mga utusan sa templo, at iba pang nagtatrabaho sa templo ng Dios.

25 “At ikaw, Ezra, ayon sa karunungang ibinigay sa iyo ng Dios, pumili ka ng mga tagapamahala at mga hukom na nakakaalam ng Kautusan ng iyong Dios at sila ang mangangasiwa sa lahat ng tao sa lalawigan sa kanluran ng Eufrates. At ang mga tao na hindi nakakaalam ng Kautusan ay turuan mo. 26 Sinumang hindi tumupad sa Kautusan ng iyong Dios o kayaʼy sa kautusan ng hari ay parurusahan ng kamatayan, o paaalisin sa lugar niya, o kukunin ang ari-arian niya, o ikukulong siya.”

Pinuri ni Ezra ang Dios

27 Sinabi ni Ezra, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng mga ninuno natin, na humipo ng puso ng hari na parangalan niya ang templo ng Panginoon sa Jerusalem. 28 Dahil sa kabutihan sa akin ng Panginoon, mabuti ang pagtrato sa akin ng hari at ng mga tagapayo niya, at pati na ng lahat ng makapangyarihan niyang opisyal. At dahil nga tinutulungan ako ng Panginoon na aking Dios, nagkaroon ako ng lakas ng loob para tipunin ang mga pinuno ng Israel para sumama sa akin sa Jerusalem.”

Ang mga Bumalik Galing sa Pagkabihag Kasama ni Ezra

Sinabi ni Ezra, “Ito ang mga pinuno ng mga pamilya na sumama sa akin sa Jerusalem galing sa Babilonia, noong panahon ng paghahari ni Haring Artaserses:

si Gershom, na galing sa pamilya ni Finehas;

si Daniel, na galing sa pamilya ni Itamar;

si Hatush na anak ni Shecania, na galing sa pamilya ni David;

si Zacarias at ang 150 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Paros (mayroong talaan ng mga ninuno nila);

si Eliehoenai na anak ni Zerahia at ang 200 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Pahat Moab;

si Shecania na anak ni Jahaziel at ang 300 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Zatu;

si Ebed na anak ni Jonatan at ang 50 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Adin;

si Jeshaya na anak ni Atalia at ang 70 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Elam;

si Zebadia na anak ni Micael at ang 80 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Shefatia;

si Obadias na anak ni Jehiel at ang 218 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Joab;

10 si Shelomit na anak ni Josifia at ang 160 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Bani;

11 si Zacarias na anak ni Bebai at ang 28 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Bebai;

12 si Johanan na anak ni Hakatan at ang 110 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Azgad;

13 si Elifelet, si Jeuel, at si Shemaya at ang 60 lalaking kasama nila, na galing sa pamilya ni Adonikam;

14 si Utai at si Zacur at ang 70 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Bigvai.”

Ang Pagbalik nina sa Ezra sa Jerusalem

15 Tinipon ko ang sasama sa akin sa Jerusalem doon sa ilog na dumadaloy papunta sa lugar ng Ahava. Nagkampo kami roon ng tatlong araw. Nang tingnan ko ang talaan ng mga tao na sasama sa akin, pati na ang mga pari, nalaman kong walang mga Levita roon. 16 Kaya ipinatawag ko ang mga pinuno ng grupo na sina Eliezer, Ariel, Shemaya, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at Meshulam, at ang dalawang matalinong tao na sina Joyarib at Elnatan. 17 Pinapunta ko sila kay Iddo na pinuno ng lugar ng Casifia para hilingin sa kanya at sa mga kamag-anak niyang utusan sa templo na magpadala sila ng mga tao na maglilingkod sa templo ng Dios. 18 Dahil tinulungan kami ng Dios, ipinadala nila sa amin si Sherebia, kasama ang kanyang mga anak at mga kapatid niyang lalaki, na ang kabuuang bilang ay 18. Si Sherebia ay maabilidad na tao at mula siya sa pamilya ni Mahli na lahi ni Levi. Si Levi ay anak ni Israel. 19 Ipinadala rin nila si Hashabia at ang mga kapatid at mga pamangkin nitong lalaki na 20 ang bilang, kasama si Jeshaya na galing sa pamilya ni Merari. 20 Ipinadala pa nila ang 220 utusan sa templo. Ang mga utusan sa templo ay pinili noon ni Haring David at ng mga opisyal niya para tumulong sa mga Levita. Nakalista lahat ang mga pangalan nila.

1 Corinto 4

Mga Apostol ni Cristo

Kaya dapat ituring ninyo kami ni Apolos bilang mga lingkod ni Cristo na pinagkatiwalaan ng Dios na mangaral ng katotohanang inilihim niya noong una. At ang katiwalaʼy dapat maging tapat. Hindi mahalaga sa akin kung ano ang iniisip ninyo o ng sinuman sa akin, ni hindi ko nga pinapahalagahan ang sarili kong opinyon. Kung sabagay, malinis ang aking konsensya, pero hindi ito nangangahulugan na wala akong kasalanan. Ang Panginoon lang ang makapagsasabi kung tama o mali ang aking ginagawa. Kaya huwag kayong humatol nang wala sa takdang panahon. Hintayin ninyo ang pagbabalik ng Panginoon. Pagdating niya, ilalantad niya ang lahat ng mga sekreto at motibo ng bawat isa. At sa panahong iyon, tatanggapin ng bawat isa ang papuring mula sa Dios na ayon sa kanyang ginawa.

Mga kapatid, ginamit kong halimbawa ang aking sarili at si Apolos upang matutunan ninyo ang ibig sabihin ng kasabihang, “Huwag ninyong higitan ang sinasabi ng Kasulatan.” Kaya huwag ninyong ipagmalaki ang isa at sabihing mas mabuti siya kaysa sa iba. Bakit sinasabi ninyong nakakahigit kayo sa iba? Ano ba ang mayroon kayo na hindi nagmula sa Dios? Kung ang lahat ng nasa inyoʼy nagmula sa Dios, bakit nagmamalaki kayo na parang galing mismo sa inyo ang mga ito?

Inaakala ninyo na nasa inyo na ang lahat ng inyong kailangan, na mayayaman na kayo at naghahari na sa kaharian ng Dios nang wala kami. Sana ngaʼy naghahari na kayo nang makapaghari naman kaming kasama ninyo. Sa tingin ko, kaming mga apostol ay ginawa ng Dios na parang pinakahamak sa lahat ng tao. Para kaming mga taong nahatulan nang mamatay, na ipinaparada sa harap ng buong mundo, sa mga tao at pati sa mga anghel. 10 Dahil sa pangangaral namin tungkol kay Cristo, itinuturing kaming mga hangal. Ngunit kayo naman ay nag-aakalang marurunong dahil nakay Cristo kayo. Kami ay mahihina, at sa palagay ninyo ay malalakas kayo. Iginagalang kayo ng mga tao, habang kami naman ay hinahamak. 11 Maging sa oras na ito, kami ay nagugutom at nauuhaw, hindi makapanamit nang maayos, pinagmamalupitan, at walang matuluyan. 12 Nagtatrabaho kami nang husto upang mabuhay. Kung nilalait kami ng mga tao, pinagpapala namin sila. Kung kami ay inuusig, tinitiis na lang namin ito. 13 Kung kami ay sinisiraan, mahinahon kaming sumasagot. Hanggang ngayon, itinuturing kaming mga basura sa mundo.

14 Hindi ko sinusulat ang mga ito upang ipahiya kayo, kundi upang paalalahanan kayo bilang mga minamahal kong mga anak. 15 Sapagkat kahit marami ang nag-aalaga sa inyong pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama sa pananampalataya. At ako ang inyong ama, dahil naging anak ko kayo sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo. 16 Kaya nakikiusap ako na tularan ninyo ako sa aking pamumuhay. 17 At dahil nga rito, pinapapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Ipapaalala niya sa inyo ang tungkol sa pamumuhay ko kay Cristo Jesus, na siya ring itinuturo ko sa lahat ng iglesya saan mang lugar.

18 Ang ilan sa inyo ay nagmamataas na dahil akala nilaʼy hindi na ako pupunta riyan. 19 Ngunit kung loloobin ng Panginoon, pupunta ako riyan sa lalong madaling panahon. At titingnan ko kung ano ang magagawa ng mga tao riyan na mayayabang magsalita. 20 Sapagkat malalaman natin kung ang isang tao ay pinaghaharian ng Dios sa pamamagitan ng kanyang mga gawa at hindi sa salita lamang. 21 Ngayon, ano ang gusto ninyo: darating ako nang galit sa inyo, o darating nang mahinahon at may pag-ibig?

Salmo 30

Dalangin ng Pagpapasalamat

30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
    dahil iniligtas nʼyo ako.
    Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
    at pinagaling nʼyo ako.
Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
    Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.

Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
    kayong mga tapat sa kanya.
    Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
    ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
    Maaaring sa gabi ay may pagluha,
    pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.

Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
    “Wala akong pangangambahan.”
Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
    Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
    Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.

Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
“Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
    Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
    Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
    Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”

11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
    Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
    at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
    Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.

Kawikaan 20:28-30

28 Ang haring mabuti at tapat ay hindi mapapahamak, at magtatagal siya sa kanyang luklukan.
29 Karangalan ng kabataan ang kanilang kalakasan, at karangalan naman ng matatanda ang kanilang katandaan.[a]
30 Kung minsan ang parusa ay nagdudulot ng mabuti para magbago tayo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®