Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 3-5

Ang Parusa sa Jerusalem at Juda

Makinig kayo! Kukunin ng Panginoon, ang Panginoong Makapangyarihan, ang lahat ng inaasahan ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda: ang pagkain at tubig nila, ang mga bayani, kawal, hukom, propeta, manghuhula, tagapamahala, kapitan ng mga kawal, mararangal na tao, mga tagapayo, at ang mga dalubhasang salamangkero[a] nila at mga manggagayuma. Ang pamumunuin ng Panginoon sa kanila ay mga kabataan. Aapihin ng bawat isa ang kanyang kapwa. Lalabanan ng mga bata ang matatanda, at lalabanan ng mga hamak ang mararangal.

6-7 Sa mga araw na iyon, pupuntahan ng isang tao ang kanyang kamag-anak at sasabihin, “Maayos pa naman ang damit mo, ikaw na lang ang mamuno sa amin sa panahong ito na wasak ang ating lugar.” Pero sasagot siya, “Hindi ko kayo matutulungan. Wala ring pagkain o damit ang aking pamilya, kaya huwag nʼyo akong gagawing pinuno.”

Tiyak na mawawasak ang Jerusalem at Juda, dahil nilalabag nila ang Panginoon sa kanilang mga salita at gawa. Nilalapastangan nila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. Halatang-halata sa mga mukha nila ang kanilang pagkakasala. Hayagan silang gumagawa ng kasalanan tulad ng Sodom at Gomora. Hindi na nila ito itinatago. Nakakaawa sila! Sila na mismo ang nagpapahamak sa sarili nila.

10 Sabihin ninyo sa mga matuwid na mapalad sila, dahil aanihin nila ang bunga ng mabubuti nilang gawa. 11 Pero nakakaawa ang masasama, dahil darating sa kanila ang kapahamakan. Gagantihan sila ayon sa mga ginawa nila.

12 Sinabi ng Panginoon, “Inaapi ng mga kabataan ang mga mamamayan ko. Pinamumunuan sila ng mga babae.

“Mga mamamayan ko, nililinlang kayo ng mga pinuno ninyo. Inaakay nila kayo sa maling daan.”

13 Nakahanda na ang Panginoon para hatulan ang kanyang mga mamamayan.[b] 14 Hahatulan niya ang mga tagapamahala at mga pinuno ng mga mamamayan niya. Ito ang paratang niya sa kanila, “Sinira ninyo ang aking ubasan na siyang aking mga mamamayan. Ang mga bahay ninyo ay puno ng mga bagay na sinamsam ninyo sa mga mahihirap. 15 Bakit ninyo inaapi ang mga mamamayan ko at ginigipit ang mga mahihirap?” Iyan ang sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan.

16 Sinabi pa ng Panginoon, “Mayayabang ang mga babae sa Jerusalem. Akala mo kung sino sila kung maglakad. Pinakakalansing pa nila ang mga alahas sa mga paa nila, at kapag tumitingin sila ay may kasama pang kindat. 17 Kaya patutubuan ko ng mga galis ang mga ulo nila at makakalbo sila.”

18 Sa araw na iyon, kukunin ng Panginoon ang mga alahas sa kanilang paa, ulo, at leeg. 19 Kukunin din sa kanila ang kanilang mga hikaw, pulseras, belo, 20 turban, alahas sa braso, sinturon, pabango at mga anting-anting. 21 Kukunin pati ang kanilang mga singsing sa daliri at ilong, 22 ang kanilang mga mamahaling damit, mga kapa, mga balabal, mga pitaka, 23 mga salamin, mga damit na telang linen, mga putong, at mga belo. 24 Kung dati silang mabango, babaho sila. Lubid ang isisinturon nila, at kakalbuhin ang magaganda nilang buhok. Ang magagara nilang damit ay papalitan ng sako, at mawawala ang kanilang kagandahan.

25 Mamamatay sa digmaan ang mga lalaki ng Jerusalem kahit na ang matatapang nilang mga kawal. 26 May mga iyakan at pagluluksa sa mga pintuan ng bayan. At ang lungsod ay matutulad sa babaeng nakalupasay sa lupa, na nawalan ng lahat ng ari-arian.

Sa mga araw na iyon, pitong babae ang mag-aagawan sa isang lalaki at sasabihin nila, “Kami na ang bahala sa pagkain at damit namin, pakasalan mo lang kami para hindi kami kahiya-hiya dahil wala kaming asawa.”

Muling Pagpapalain ang Jerusalem

Darating ang araw na pasasaganain at pagagandahin ng Panginoon ang mga pananim[c] sa Israel, at ang mga ani ng lupain ay magiging karangalan at kaligayahan ng natitirang mga tao sa Jerusalem. Tatawaging banal ang mga natirang buhay sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, hahatulan niya at lilinisin ang kasamaan ng mga babae sa Jerusalem at ang mga patayan doon. Pagkatapos, lilikha ang Panginoon ng ulap na lililim sa ibabaw ng Jerusalem[d] at sa mga nagtitipon doon. Lilikha rin siya ng nagniningas na apoy na magbibigay ng liwanag kung gabi. Tatakip ito sa Jerusalem na parang isang malapad na tolda, at parang kubol na magsisilbing lilim sa init ng araw at kublihan sa panahon ng bagyo at ulan.

Awit tungkol sa Ubasan

Aawit ako para sa aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan:

    May ubasan ang aking minamahal sa burol na mataba ang lupa.
Inararo niya ito, inalisan ng mga bato, at tinamnan ng mga piling ubas.
    Nagtayo siya ng isang bantayang tore sa ubasang ito, at nagpagawa ng pigaan ng ubas sa bato.
    Pagkatapos, naghintay siyang magbunga ito ng matamis,
    pero nagbunga ito ng maasim.

Kaya ito ang sinabi ng may-ari ng ubasan: “Kayong mga mamamayan ng Jerusalem at Juda, hatulan nʼyo ako at ang aking ubasan. Ano pa ang nakalimutan kong gawin sa ubasan ko? Matamis na bunga ang inaasahan ko, pero nang pitasin ko ito ay maasim.

“Sasabihin ko sa inyo ang gagawin ko sa ubasan ko. Aalisin ko ang mga nakapaligid na halaman na nagsisilbing bakod ng ubasan, at wawasakin ko ang pader nito, para kainin at apak-apakan ng mga hayop ang mga tanim na ubas. Pababayaan ko na lang ito at hindi na aasikasuhin. Hindi ko na rin ito puputulan ng mga sanga o bubungkalin. Hahayaan ko na lang ito na mabaon sa mga damo at mga halamang may tinik. At uutusan ko ang mga ulap na huwag itong patakan ng ulan.”

Ang ubasan ng Panginoong Makapangyarihan na kanyang inalagaan at magbibigay sana sa kanya ng kaligayahan ay ang Israel at Juda. Umasa siyang paiiralin nila ang katarungan, pero pumatay sila. Umasa siyang paiiralin nila ang katuwiran pero pang-aapi ang ginawa nila.

Ang Kasamaang Ginawa ng mga Tao

Nakakaawa kayong mga nagpaparami ng mga bahay at nagpapalawak ng inyong mga lupain hanggang sa wala ng lugar ang iba at kayo na lang ang nakatira sa lupaing ito. Sinabi sa akin ng Panginoong Makapangyarihan, “Ang malalaki at naggagandahang bahay na ito ay hindi na titirhan. 10 Ang dalawang ektaryang ubasan ay aani na lang ng anim na galong katas ng ubas. At ang sampung takal na binhi ay aani lang ng isang takal.”

11 Nakakaawa kayong maaagang bumangon para magsimulang mag-inuman at naglalasing hanggang gabi. 12 May mga banda pa kayo at mga alak sa inyong mga handaan. Pero hindi ninyo pinapansin ang ginagawa ng Panginoon. 13 Kaya kayong mga mamamayan ko ay bibihagin dahil hindi nʼyo nauunawaan ang mga ginagawa ko. Kayo at ang mga pinuno ninyo ay mamamatay sa gutom at uhaw.

14 Bumubukas na nang maluwang ang libingan. Hinihintay nito na maipasok sa kanya ang mga kilala at makapangyarihang mga mamamayan ng Jerusalem, pati ang mga mamamayang nag-iingay at nagsasaya.

15 Kaya ibabagsak ang lahat ng tao, lalo na ang mga mapagmataas. 16 Pero ang Panginoong Makapangyarihan ay dadakilain sa kanyang paghatol. Sa pamamagitan ng matuwid niyang paghatol, ipinapakita niyang siya ay banal na Dios. 17 Ang nawasak na lungsod na tinitirhan ng mga mayayaman ay ginawang pastulan ng mga tupa.

18 Nakakaawa kayong mga gumagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng pagsisinungaling. 19 Sinasabi nʼyo pa, “Bilis-bilisan sana ng banal na Dios ng Israel na gawin ang sinabi niyang kaparusahan para makita na namin. Magkatotoo na nga ang kanyang plano, para malaman namin ito.”

20 Nakakaawa kayong mga nagsasabi na ang masama ay mabuti at ang mabuti ay masama. Ang kadiliman ay sinasabi ninyong liwanag at ang liwanag ay sinasabi ninyong kadiliman. Ang mapait ay sinasabi ninyong matamis at ang matamis ay sinasabi ninyong mapait.

21 Nakakaawa kayo, kayong mga nag-aakalang kayoʼy marurunong at matatalino.

22 Nakakaawa kayo, kayong malakas uminom ng alak at bihasa sa pagtitimpla nito. 23 Pinakakawalan ninyo ang may mga kasalanan dahil sa suhol, pero hindi ninyo binibigyan ng katarungan ang mga walang kasalanan. 24 Kaya matutulad kayo sa dayami o tuyong damo na masusunog ng apoy. Matutulad din kayo sa tanim na ang mga ugat ay nabulok o sa bulaklak na tinangay ng hangin na parang alikabok, dahil itinakwil ninyo ang Kautusan ng Panginoong Makapangyarihan, ang Banal na Dios ng Israel. 25 Kaya dahil sa matinding galit ng Panginoon sa inyo na kanyang mga mamamayan, parurusahan niya kayo. Mayayanig ang mga bundok at kakalat sa mga lansangan ang inyong mga bangkay na parang mga basura. Pero hindi pa mapapawi ang galit ng Panginoon. Nakahanda pa rin siyang magparusa sa inyo.

26 Sesenyasan niya ang mga bansa sa malayo; sisipulan niya ang mga nakatira sa pinakamalayong bahagi ng mundo, at agad silang darating para salakayin kayo. 27 Ni isa man sa kanila ay hindi mapapagod o madadapa, at wala ring aantukin o matutulog. Walang sinturon na matatanggal sa kanila, o tali ng sapatos na malalagot. 28 Matutulis ang kanilang mga palaso, at handang-handa na ang kanilang mga pana. Ang kuko ng kanilang mga kabayo ay parang matigas na bato, at ang pag-ikot ng mga gulong ng kanilang karwahe ay parang buhawi. 29 Sa pagsalakay nila ay sisigaw sila na parang mga leon na umuungal. Ang mabibiktima nila ay dadalhin nila sa malayong lugar at walang makakaligtas sa mga ito.

30 Sa araw na sumalakay sila sa Israel, sisigaw sila na parang ugong ng dagat. At kapag tiningnan ng mga tao ang lupain ng Israel, ang makikita nila ay kadiliman at kahirapan. Ang liwanag ay matatakpan ng makapal na ulap.

2 Corinto 11:1-15

Si Pablo at ang mga Nagkukunwaring Apostol

11 Ipagpaumanhin ninyo kung ngayon ay magsalita ako na parang hangal. Makadios na pagseselos kasi ang nararamdaman ko para sa inyo. Sapagkat tulad kayo ng isang dalagang birhen na ipinangako kong ipapakasal sa isang lalaki, si Cristo. Pero nag-aalala ako na baka malinlang kayo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas, at mawala ang inyong taos-pusong hangaring sumunod kay Cristo. Sapagkat madali kayong napapaniwala ng kahit sinong dumarating diyan na nangangaral ng ibang Jesus kaysa sa aming ipinangaral sa inyo. At tinatanggap din ninyo ang ibang uri ng espiritu at ang kanilang sinasabing magandang balita na iba kaysa sa inyong tinanggap sa amin.

Sa tingin ko, hindi naman ako huli sa mga nagsasabi riyan na magagaling daw sila na mga apostol. Maaaring hindi ako magaling magsalita pero sapat naman ang karunungan ko sa katotohanan. At iyan ay naipakita namin sa inyo sa lahat ng aming pagtuturo.

Hindi ako humingi ng bayad nang ipangaral ko sa inyo ang Magandang Balita mula sa Dios, kundi nagtrabaho ako para matulungan ko kayo sa inyong buhay espiritwal. Masama ba ang ginawa kong ito? Tumanggap ako ng tulong mula sa ibang iglesya noong akoʼy naglilingkod sa inyo. Parang ninakawan ko sila, matulungan lamang kayo. At noong kinapos ako sa aking mga pangangailangan habang kasama ninyo, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo. Ang ating mga kapatid na dumating mula sa Macedonia ang nagbigay ng aking mga pangangailangan. Iniwasan kong maging pabigat sa inyo at iyan ang palagi kong gagawin. 10 Hindi ako titigil sa pagmamalaki sa lahat ng lugar sa Acaya na hindi ako naging pabigat sa inyo. Totoo ang sinasabi kong ito dahil nasa akin si Cristo. 11 Pero baka isipin ninyo na kaya hindi ako humihingi ng tulong sa inyo ay dahil sa hindi ko na kayo mahal. Hindi totoo iyan. Alam ng Dios na mahal na mahal ko kayo!

12 Pero patuloy kong paninindigan ang sinasabi ko ngayon na hindi ako hihingi ng tulong sa inyo, para hindi masabi ng mga nagpapakaapostol na silaʼy katulad namin kung maglingkod. 13 Sapagkat ang mga taong iyan ay hindi naman mga tunay na apostol, kundi mga manlilinlang at nagpapanggap lang na mga apostol ni Cristo. 14 At hindi naman iyan nakapagtataka, dahil maging si Satanas ay nagkukunwaring anghel ng Dios na nagbibigay-liwanag. 15 Kaya hindi rin nakapagtataka na ang kanyang mga alagad ay magkunwari ding mga alagad ng katuwiran. Pero darating ang araw na parurusahan sila sa lahat ng kanilang mga ginagawa.

Salmo 53

Ang Kasamaan ng Tao

(Salmo 14)

53 “Walang Dios!”
    Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
    Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
    Ni isa ay walang gumagawa ng mabuti.
Mula sa langit, tinitingnan ng Dios ang lahat ng tao,
    kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
    Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.

Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
    Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
    At hindi sila nananalangin sa Dios.
Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
    sa takot na kahit kailan ay hindi pa nila nararanasan,
    samantalang ikakalat naman ng Dios ang mga buto ng mga sumasalakay sa inyo.
    Mailalagay sila sa kahihiyan,
    dahil itinakwil sila ng Panginoon.
Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
    Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Dios,
    kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.

Kawikaan 22:28-29

… 4 …

28 Huwag mong aalisin ang mga muhon[a] na inilagay noon ng mga ninuno mo.

… 5 …

29 Ang taong mahusay magtrabaho ay maglilingkod sa mga hari at hindi sa pangkaraniwang tao.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®