The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Pagbaba ng Baha
8 Hindi kinalimutan ng Dios si Noe at ang mga kasama niyang hayop sa loob ng barko. Kaya pinaihip niya ang hangin sa mundo at dahan-dahang bumaba ang tubig. 2 Tinakpan niya ang mga bukal at pinahinto ang ulan. 3 Patuloy ang pagbaba ng tubig sa loob ng 150 araw. 4 At nang ika-17 araw ng ikapitong buwan, sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat. 5 Patuloy ang pagbaba ng tubig. At nang unang araw ng ikasampung buwan, nakikita na ang tuktok ng mga bundok.
6 Pagkalipas ng 40 araw mula ng panahon na nakita na ang tuktok ng mga bundok, binuksan ni Noe ang bintana ng barko 7 at pinakawalan ang isang uwak. At ang uwak na itoʼy parooʼt paritong lumilipad hanggang sa patuloy na pagbaba ng tubig. 8 Pinakawalan din ni Noe ang isang kalapati para malaman niya kung bumaba na ang tubig, 9 pero walang madapuan ang kalapati dahil natatakpan pa rin ng tubig ang buong mundo. Kaya bumalik na lamang ang kalapati kay Noe sa barko. Pinadapo ni Noe ang kalapati sa kamay niya at pinapasok sa barko. 10 Pinalipas muna ni Noe ang pitong araw at muli niyang pinakawalan ang kalapati. 11 Gabi na nang bumalik ang kalapati na may dalang sariwang dahon ng olibo sa kanyang tuka. Kaya nalaman ni Noe na bumaba na ang tubig. 12 Pinalipas muli ni Noe ang pitong araw pa at muli niyang pinakawalan ang kalapati, pero hindi na ito bumalik.
13 Noong unang araw ng unang buwan tuluyan nang bumaba ang tubig. Si Noe ay 601 taong gulang na noon. Binuksan niya ang takip ng barko at nakita niya na tuyo na ang lupa. 14 Nang ika-27 araw ng ikalawang buwan, tuyong-tuyo na talaga ang lupa sa buong mundo.
15 Sinabi agad ng Dios kay Noe, 16 “Lumabas na kayong lahat sa barko. 17 Palabasin nʼyo rin ang lahat ng hayop para dumami sila at mangalat sa buong mundo.” 18 Kaya lumabas si Noe kasama ang kanyang asawa, mga anak na lalaki at mga manugang niya. 19 Lumabas din ang lahat ng hayop: mga lumalakad, lumilipad at gumagapang. Magkakasama sila ayon sa kani-kanilang uri.
Naghandog si Noe
20 Gumawa si Noe ng altar para sa Panginoon. Pagkatapos, kumuha siya ng isa sa bawat uri ng hayop na malinis[a] pati rin sa bawat uri ng mga ibon na malinis, at sinunog niya ito sa altar bilang handog sa Panginoon. 21 Nang naamoy ng Panginoon ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa ginawa ng tao, kahit alam kong makasalanan ang tao mula nang bata pa siya. Hindi ko na talaga muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay katulad ng aking ginawa noon. 22 Habang nagpapatuloy ang mundo, may panahon ng pagtatanim at pag-ani. May taglamig at may tag-init, may tag-ulan at may tag-araw, at may araw at may gabi.”
Ang Kasunduan ng Dios kay Noe
9 Binasbasan ng Dios si Noe at ang mga anak niya at sinabi, “Magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat kayo sa buong mundo. 2 Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop: ang mga lumalakad, lumilipad, gumagapang, at ang mga nakatira sa tubig. Kayo ang maghahari sa kanilang lahat. 3 Makakakain na kayo ngayon ng mga hayop. Ibinibigay ko ito sa inyo bilang pagkain, kagaya ng mga ibinigay ko sa inyo na mga pananim na makakain.
4 “Pero huwag ninyong kakainin ang hayop na nang mamatay ay hindi lumabas ang dugo, dahil ang dugo ay simbolo ng buhay. 5 Sisingilin ko ang sinumang papatay sa inyo, kahit ang mga hayop. Sisingilin ko ang sinumang papatay sa kanyang kapwa.
6 “Ang sinumang pumatay sa kanyang kapwa ay papatayin din ng kanyang kapwa. Sapagkat ang tao ay ginawa ng Dios na kawangis niya. 7 Ngayon, magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat sa buong mundo.”
8 Sinabi pa ng Dios kay Noe at sa mga anak niya, 9-11 “Ito ang kasunduan ko sa inyo at sa mga lahi ninyo, at sa lahat ng nabubuhay sa mundo pati sa lahat ng hayop na naging kasama ninyo sa barko: Hindi ko na muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay sa pamamagitan ng baha. At wala nang baha na mangyayari pa para malipol ang mundo.”
12-13 At sinabi pa ng Dios, “Bilang palatandaan ng kasunduan ko sa inyo at sa mga hayop, at sa lahat ng susunod nʼyo pang mga henerasyon, maglalagay ako ng bahaghari sa ulap. 14 Sa tuwing gagawin kong maulap ang langit at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko agad ang kasunduan ko sa inyo at sa lahat ng uri ng hayop, na hindi ko na lilipuling muli sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari sa mga ulap, aalalahanin ko agad ang walang hanggang kasunduan ko sa lahat ng may buhay sa mundo.”
17 Kaya sinabi ng Dios kay Noe, “Ang bahaghari ang siyang palatandaan ng kasunduan ko sa lahat ng nabubuhay sa mundo.”
Ang mga Anak ni Noe
18 Ito ang mga anak ni Noe na kasama niya sa barko: sina Shem, Ham at Jafet. (Si Ham ang ama ni Canaan.) 19 Silang tatlo ang pinagmulan ng lahat ng tao sa mundo.
20 Si Noe ay isang magsasaka at siya ang unang nagtanim ng ubas. 21 Isang araw, uminom siya ng alak na mula sa ubas, at nalasing. Nakatulog siyang hubad sa loob ng kanyang tolda. 22 Ngayon, si Ham na ama ni Canaan ay pumasok sa tolda, at nakita niyang hubad ang kanyang ama. Kaya lumabas siya at sinabi ito sa dalawang kapatid niya. 23 Kumuha sina Shem at Jafet ng damit at inilagay sa balikat nila, pagkatapos, lumakad sila nang paurong papasok sa tolda para takpan ang kanilang ama. Hindi sila lumingon dahil ayaw nilang makita ang kahubaran ng kanilang ama. 24 Nang mahimasmasan na si Noe sa pagkalasing niya, at nalaman kung ano ang ginawa ng bunsong anak niya, 25 sinabi niya;
“Sumpain ka Canaan! Maghihirap ka at magiging alipin ng iyong mga kapatid.”
26 At sinabi rin niya,
“Purihin ang Panginoon, ang Dios ni Shem.
Nawaʼy maging alipin ni Shem si Canaan.
27 Nawaʼy palawakin ng Dios ang lupain ni Jafet,
at maging mabuti ang pagsasama ng mga lahi niya at ng mga lahi ni Shem.
At nawaʼy maging alipin din ni Jafet si Canaan.”
28 Nabuhay pa si Noe ng 350 taon pagkatapos ng baha. 29 Namatay siya sa edad na 950.
Ang mga Lahi ng mga Anak ni Noe(A)
10 Ito ang salaysay tungkol sa mga pamilya ng mga anak ni Noe na sina Shem, Ham at Jafet. Nagkaroon sila ng mga anak pagkatapos ng baha.
2 Ang mga anak ni Jafet na lalaki ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras.
3 Si Gomer ay may mga anak din na lalaki na sina Ashkenaz, Rifat at Togarma.
4 Ang mga anak naman ni Javan ay sina Elisha, Tarshish, Kitim at Dodanim.[b] 5 Ito ang mga lahi ni Jafet. Sila ang pinagmulan ng mga tao na nakatira sa mga dalampasigan at mga isla. Ang bawat pamilya nila ay nakatira sa sarili nilang lugar na sakop ng bansa nila, at may sarili silang wika.
6 Ang mga anak ni Ham na lalaki ay sina Cush, Mizraim[c], Put at Canaan.
7 Si Cush ay may mga anak din na lalaki na sina Sheba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca. Ang mga anak ni Raama ay sina Sheba at Dedan.
8 May isa pang anak si Cush na ang pangalan ay Nimrod. Si Nimrod ay naging magiting na sundalo sa mundo. 9 Alam ng Panginoon[d] na mahusay siyang mangangaso; dito nanggaling ang kasabihang, “Katulad ka ni Nimrod na alam ng Panginoon na mahusay na mangangaso.” 10 Ang unang kaharian na pinamahalaan ni Nimrod ay ang Babilonia, Erec, Akad. Ang lahat ng ito[e] ay sakop ng Shinar. 11 Mula sa mga lugar na iyon, pumunta siya sa Asiria at itinayo ang Nineve, Rehobot Ir, Cala, 12 at Resen na nasa gitna ng Nineve at ng Cala na isang tanyag na lungsod.
13 Si Mizraim[f] ang pinagmulan ng mga Ludeo, Anameo, Lehabeo, Naftu, 14 Patruseo, Caslu at ng Caftoreo na siyang pinagmulan ng mga Filisteo.
15 Si Canaan ang ama nina Sidon at Het. Si Sidon ang kanyang panganay. 16 Si Canaan ang siya ring pinagmulan ng mga Jebuseo, Amoreo, Gergaseo, 17 Hiveo, Arkeo, Sineo, 18 Arvadeo, Zemareo, at Hamateo.
Sa bandang huli, nangalat ang mga lahi ni Canaan. 19 Ang hangganan ng lupain nila ay mula sa Sidon papuntang Gerar hanggang sa Gaza, at umabot sa Sodom, Gomora, Adma, Zeboyim at hanggang sa Lasha.
20 Ito ang mga lahi ni Ham. Ang bawat pamilya nila ay nakatira sa kanilang sariling lupain na sakop ng kanilang bansa, at may sarili silang wika.
21 Si Shem na nakatatandang kapatid ni Jafet ang pinagmulan ng lahat ng Eber.
22 Ang mga anak na lalaki ni Shem:
sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud at Aram.
23 Ang mga anak ni Aram:
sina Uz, Hul, Geter at Meshec.
24 Si Arfaxad ang ama ni Shela, at si Shela ang ama ni Eber.
25 May dalawang anak na lalaki si Eber: ang isa ay pinangalanang Peleg, dahil noong panahon niya, ang mga tao sa mundo ay nagkahati-hati; ang pangalan naman ng kanyang kapatid ay Joktan.
26 Si Joktan ang ama nina Almodad, Shelef, Hazarmavet, Jera, 27 Hadoram, Uzal, Dikla, 28 Obal, Abimael, Sheba, 29 Ofir, Havila at Jobab. Silang lahat ang anak ni Joktan.
30 Ang lupaing tinitirhan nila ay mula sa Mesha at papunta sa Sefar, sa kabundukan sa silangan.
31 Ito ang mga lahi ni Shem. Ang bawat pamilya nila ay nakatira sa sarili nilang lupain na sakop ng kanilang bansa, at may sarili silang wika.
32 Ito ang lahat ng lahi ng mga anak ni Noe, na nasa ibaʼt ibang bansa. Sa kanila nagmula ang mga bansa sa buong mundo pagkatapos ng baha.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain(A)
12 Nang mabalitaan ni Jesus na nakulong si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Pero hindi na siya nanirahan sa Nazaret kundi sa Capernaum, isang bayan sa tabi ng lawa ng Galilea at sakop ng Zabulon at Naftali. 14 Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:
15 “Ang lupain ng Zabulon at Naftali ay daanan patungo sa lawa[a] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan.
Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio.
16 Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.
Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.”[b]
17 Simula noon, nangaral na si Jesus. At ito ang kanyang mensahe: “Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan, dahil malapit na[c] ang paghahari ng Dios.”
Tinawag ni Jesus ang Apat na Mangingisda(B)
18 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon (na tinatawag na Pedro) at Andres na naghahagis ng lambat. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”[d] 20 Iniwan nila agad ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
21 At habang patuloy sa paglalakad si Jesus, nakita niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedee. Nakaupo sila sa bangka kasama ng kanilang ama at nag-aayos ng lambat. Tinawag din ni Jesus ang magkapatid. 22 Iniwan nila agad ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.
Nangaral at Nagpagaling ng mga May Sakit si Jesus(C)
23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio at ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios. Pinagaling din niya ang ibaʼt ibang uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Naging tanyag siya sa buong Syria, at dinala sa kanya ng mga tao ang lahat ng may sakit, mga naghihirap dahil sa matinding karamdaman, mga sinaniban ng masamang espiritu, mga may epilepsya at mga paralitiko. Pinagaling niya silang lahat. 25 Sinundan siya ng napakaraming tao na galing sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, at iba pang mga bayan sa Judea, at maging sa kabila ng Ilog ng Jordan.
Panalangin sa Gabi
4 O Dios na aking Tagapagtanggol, sagutin nʼyo po ako kapag akoʼy tumatawag sa inyo.
Hindi ba noon tinulungan nʼyo ako nang akoʼy nasa kagipitan?
Kaya ngayon, maawa kayo sa akin at pakinggan ang dalangin ko.
2 Kayong mga kumakalaban sa akin,
kailan kayo titigil sa inyong paninirang puri sa akin?
Hanggang kailan ninyo iibigin ang mga bagay na walang kabuluhan at magpapatuloy sa kasinungalingan?[a]
3 Dapat ninyong malaman na ibinukod ng Panginoon ang mga banal para sa kanyang sarili.
Kaya kung tatawag ako sa Panginoon, pakikinggan niya ako.
4 Kapag kayoʼy nagagalit, huwag kayong magkakasala.
Habang nakahiga kayo sa inyong higaan, tumahimik kayo at magbulay-bulay.
5 Magtiwala kayo sa Panginoon at mag-alay sa kanya ng tamang mga handog.
6 Marami ang nagsasabi,
“Sino ang magpapala sa amin?”
Panginoon, kaawaan nʼyo po kami!
7 Pinaliligaya nʼyo ako,
higit pa kaysa sa mga taong sagana sa pagkain at inumin.
8 Kaya nakakatulog ako ng mapayapa,
dahil binabantayan nʼyo ako, O Panginoon.
Kapag Itinakwil ang Karunungan
20-21 Ang karunungan ay katulad ng isang mangangaral na nagsasalita sa mga lansangan, plasa, pamilihan, at mga pintuang bayan. Sinasabi niya,
22 “Kayong mga walang alam,
hanggang kailan kayo mananatiling ganyan?
Kayong mga nanunuya, hanggang kailan kayo matutuwa sa inyong panunuya?
Kayong mga hangal, hanggang kailan ninyo tatanggihan ang karunungan?
23 Pakinggan ninyo ang pagsaway ko sa inyo.
Sasabihin ko sa inyo kung ano ang iniisip ko.
Ipapaalam ko sa inyo ang aking sasabihin laban sa inyo,
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®