Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 16:1-18:15

Si Hagar at si Ishmael

16 Si Sarai na asawa ni Abram ay hindi magkaanak. May alipin siyang babae na taga-Egipto na ang pangalan ay Hagar. Sinabi ni Sarai kay Abram, “Dahil hindi pinahintulutan ng Panginoon na magkaanak ako, mabuti pa sigurong sumiping ka sa alipin kong babae, baka sakaling magkaroon tayo ng anak sa pamamagitan niya.”

Pumayag si Abram sa sinabi ng kanyang asawa. Kaya ibinigay ni Sarai si Hagar kay Abram para maging asawa nito. (Nangyari ito matapos manirahan si Abram sa Canaan ng sampung taon.) At nagbuntis nga si Hagar.

Nang malaman ni Hagar na buntis siya, hinamak niya si Sarai. Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ngayong buntis na si Hagar hinahamak na niya ako. Ikaw ang dapat sisihin. Ibinigay ko siya sa iyo at ikaw dapat ang sumaway sa kanya. Ang Panginoon na ang humatol kung sino sa atin ang tama.”

Sumagot si Abram, “Kung ganoon, ibabalik ko siya sa iyo bilang alipin mo at bahala ka kung ano ang gusto mong gawin sa kanya.” Simula noon, hindi naging maganda ang pakikitungo ni Sarai kay Hagar, kaya lumayas na lamang ito.

Nakita si Hagar ng anghel ng Panginoon doon sa bukal ng tubig sa ilang. Ang bukal na ito ay malapit sa daan na papuntang Shur. Tinanong siya ng anghel, “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka ba nanggaling at saan ka pupunta?”

Sumagot siya, “Lumayas po ako sa amo kong si Sarai.”

Sinabi ng anghel sa kanya, “Bumalik ka sa amo mo at magpakumbaba ka sa kanya.” 10 Pagkatapos, sinabi pa ng anghel,

“Pararamihin ko ang lahi mo na ang dami nilaʼy hindi mabibilang.”

11 At sinabi pa ng anghel ng Panginoon sa kanya,

“Buntis ka na at hindi magtatagal ay magkakaanak ka ng lalaki. Pangangalanan mo siyang Ishmael,[a] dahil pinakinggan ng Panginoon ang pagtawag mo sa kanya dahil sa iyong pagtitiis.
12 Pero ang anak mo ay mabubuhay na katulad ng isang asnong-gubat. Kakalabanin niya ang lahat, at ang lahat ay lalaban sa kanya. Kahit ang mga kamag-anak niya ay lalaban sa kanya.”

13 Tinawag ni Hagar na “Dios na Nakakakita” ang pangalan ng Panginoon na nakipag-usap sa kanya, dahil sinabi niya, “Tunay bang nakita ko ang Dios na nakakakita sa akin sa lugar na ito?” 14 Iyon ang bukal na naroon sa gitna ng Kadesh at Bered na tinatawag na Beer Lahai Roi.[b]

15 Bumalik si Hagar kay Sarai, at dumating ang panahon na nanganak siya ng isang lalaki. Pinangalanan ni Abram ang bata na Ishmael. 16 Nasa 86 na taong gulang si Abram nang ipinanganak si Ishmael.

Ang Pagtutuli ay Tanda ng Kasunduan

17 Nang 99 na taong gulang si Abram, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ako ang Dios na Makapangyarihan. Palagi kang maging matapat sa akin at mamuhay nang matuwid. Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo; pararamihin ko ang mga lahi mo.”

Nang marinig ito ni Abram, nagpatirapa siya bilang paggalang sa Dios. Sinabi ng Dios sa kanya, “Sa ganang akin, ito ang kasunduan ko sa iyo: Magiging ama ka ng maraming bansa. Mula ngayon, hindi na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham[c] dahil gagawin kitang ama ng maraming bansa. Pararamihin ko ang mga lahi mo at magtatayo sila ng mga bansa, at ang iba sa kanila ay magiging hari. Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo at sa mga lahi mo sa susunod mo pang mga henerasyon, na patuloy akong magiging Dios ninyo. Ang kasunduang ito ay magpapatuloy magpakailanman. Mga dayuhan lamang kayo ngayon sa lupain ng Canaan. Pero ibibigay ko ang buong lupaing ito sa iyo at sa mga lahi mo. Magiging inyo na ito magpakailanman, at patuloy akong magiging Dios ninyo.”

Sinabi pa niya kay Abraham, “Ingatan mo ang kasunduan nating ito, at ganoon din ang dapat gawin ng mga lahi mo sa susunod pang mga henerasyon. 10 At tungkol sa kasunduang ito, dapat ninyong tuliin ang lahat ng lalaki. 11 Ito ang magiging palatandaan ng kasunduan ko sa inyo. 12-13 Mula ngayon hanggang sa susunod pang mga henerasyon, ang lahat ng lalaking ipapanganak ay dapat tuliin pagsapit nang ikawalong araw mula nang isilang ito. Tuliin din ninyo ang mga aliping lalaki na isinilang sa tahanan ninyo at pati ang mga aliping binili ninyo sa mga taga-ibang lugar. Ito ang palatandaan sa katawan ninyo na magpapatunay na ang kasunduan ko sa inyo ay magpapatuloy hanggang wakas. 14 Ang sinumang lalaki sa inyo na tumangging magpatuli ay huwag ninyong ituring na kababayan, dahil binalewala niya ang kasunduan ko.”

15 Sinabi pa ng Dios kay Abraham, “Tungkol naman sa asawa mong si Sarai, hindi mo na siya tatawaging Sarai, kundi mula ngayon ay Sara[d] na ang itatawag mo sa kanya. 16 Pagpapalain ko siya at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Magiging ina siya ng maraming bansa, at ang iba niyang mga lahi ay magiging hari.”

17 Nang marinig ito ni Abraham, nagpatirapa siya bilang paggalang sa Dios, pero tumawa siya sa kanyang narinig. Sinabi niya sa kanyang sarili, “Magkakaanak pa ba ako na nasa 100 taong gulang na? At si Sara, mabubuntis pa kaya siya na nasa 90 taong gulang na?” 18 Sinabi niya sa Dios, “Kung ganoon po ang mangyayari, nawaʼy pagpalain nʼyo rin po ang anak kong si Ishmael.”

19 Sumagot ang Dios, “Ang totoo ay ito: Ang asawa mong si Sara ay manganganak ng lalaki at papangalanan mo siyang Isaac.[e] Sa kanya ko ipagpapatuloy ang kasunduan ko sa iyo, at magpapatuloy ang kasunduang ito sa mga lahi niya magpakailanman. 20 Tungkol naman kay Ishmael, narinig ko ang kahilingan mo para sa kanya. Pagpapalain ko siya at bibigyan ng maraming lahi. Magiging ama siya ng 12 pinuno, at ang mga lahi niya ay magiging mga tanyag na tao.[f] 21 Kaya lang, ang kasunduan ko sa iyo ay tutuparin ko lang kay Isaac at sa mga lahi niya. Ipapanganak ni Sara si Isaac sa ganito ring panahon sa susunod na taon.” 22 Umalis ang Dios pagkatapos niyang sabihin kay Abraham ang mga ito.

23 Sa mismong araw na iyon, tinupad ni Abraham ang iniutos sa kanya ng Dios. Tinuli niya ang anak niyang si Ishmael at ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan: ang mga aliping isinilang sa tahanan niya at ang mga aliping binili niya. 24 Si Abraham ay 99 na taong gulang nang tuliin siya, 25 at si Ishmael naman ay 13 taong gulang na. 26-27 Sa mismong araw na iyon na nag-utos ang Dios na ang lahat ng lalaki ay dapat tuliin, nagpatuli si Abraham at si Ishmael pati ang lahat ng alipin ni Abraham na isinilang sa sambahayan niya at ang mga alipin na binili niya sa mga taga-ibang lugar.

Ang Tatlong Panauhin ni Abraham

18 Nagpakita ang Panginoon kay Abraham nang nakatira pa siya malapit sa malalaking puno[g] ni Mamre. Mainit ang araw noon, at si Abraham ay nakaupo sa pintuan ng kanyang tolda. Habang nagmamasid siya, may nakita siyang tatlong lalaki na nakatayo sa di-kalayuan. Tumayo siya agad at dali-daling sumalubong sa kanila. Yumukod siya sa kanila bilang paggalang.

At sinabi, “Panginoon,[h] kung maaari, dumaan po muna kayo rito sa amin. Magpapakuha po ako ng tubig para makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at makapagpahinga sa lilim ng punongkahoy na ito. Kukuha rin ako ng pagkain para sa inyo upang may lakas po kayo sa inyong paglalakad. Ikinagagalak ko pong mapaglingkuran kayo habang nandito kayo sa amin.” At sumagot sila, “Sige, gawin mo kung ano ang sinabi mo.”

Kaya nagmadaling pumasok si Abraham sa tolda at sinabi kay Sara, “Kumuha ka ng kalahating sako ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay. At bilisan mo ang pagluluto.” Tumakbo agad si Abraham papunta sa mga bakahan niya at pumili ng matabang guya, at ipinakatay niya ito at ipinaluto sa alipin niyang kabataan. Pagkatapos, dinala niya ito sa mga panauhin niya, at nagdala rin siya ng keso at gatas. At habang kumakain sila sa ilalim ng punongkahoy, naroon din si Abraham na naglilingkod sa kanila.

Ngayon, nagtanong ang mga panauhin kay Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?” Sumagot siya, “Naroon po sa loob ng tolda.” 10 Ang isa sa mga panauhin ay nagsabi, “Tiyak na babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki ang asawa mong si Sara.”

Nakikinig pala si Sara sa pintuan ng tolda na nasa likod lamang ni Abraham. 11 (Matanda na silang dalawa ni Abraham at huminto na nga ang buwanang dalaw ni Sara.) 12 Tumawa si Sara sa kanyang sarili at nag-isip-isip, “Sa katandaan kong ito, masisiyahan pa ba akong sumiping sa asawa ko, na matanda na rin, para magkaanak kami?”

13 Nagtanong agad ang Panginoon kay Abraham, “Bakit tumatawa si Sara at sinasabi, ‘Magkakaanak pa ba ako ngayong matanda na ako?’ 14 May bagay ba na hindi magagawa ng Panginoon? Tulad ng sinabi ko, babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”

15 Natakot si Sara, kaya nagsinungaling siya. Sinabi niya, “Hindi po ako tumawa!” Pero sinabi ng Panginoon, “Tumawa ka talaga.”

Mateo 6:1-24

Ang Turo tungkol sa Pagbibigay

“Mag-ingat kayo at baka ang paggawa ninyo ng mabuti ay pakitang-tao lang. Sapagkat kung ganyan ang ginagawa ninyo, wala kayong matatanggap na gantimpala mula sa inyong Amang nasa langit.

“Kaya kapag nagbibigay kayo ng tulong, huwag na ninyo itong ipamalita gaya ng ginagawa ng mga pakitang-tao roon sa mga sambahan at sa mga daan upang purihin sila ng mga tao. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kung magbibigay kayo ng tulong, huwag na ninyo itong ipaalam kahit sa pinakamatalik nʼyong kaibigan, upang maging lihim ang pagbibigay ninyo. At ang inyong Amang nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa inyo.”

Ang Turo tungkol sa Pananalangin(A)

“Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tutulad sa ginagawa ng mga pakitang-tao. Mahilig silang manalangin nang nakatayo sa mga sambahan at sa mga kanto ng lansangan para makita ng mga tao. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kung mananalangin kayo, pumasok kayo sa inyong kwarto at isara ang pinto. At saka kayo manalangin sa inyong Ama na hindi nakikita. At ang inyong Ama na nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang magbibigay ng gantimpala sa inyo.

“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong gumamit ng maraming salita na wala namang kabuluhan, tulad ng ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Akala nila ay sasagutin sila ng Dios kung mahaba ang kanilang panalangin. Huwag nʼyo silang gayahin, dahil alam na ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo bago pa man ninyo ito hingin sa kanya. Kaya manalangin kayo ng katulad nito:

    ‘Ama naming nasa langit,
    sambahin nawa kayo ng mga tao.[a]
10 Nawaʼy magsimula na ang inyong paghahari,
    at masunod ang inyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.
11 Bigyan nʼyo po kami ng aming pagkain sa araw-araw.
12 Patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan,
    tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkasala sa amin.
13 At huwag nʼyo kaming hayaang matukso
    kundi iligtas nʼyo po kami kay Satanas.[b]
    [Sapagkat kayo ang Hari, ang Makapangyarihan at Dakilang Dios magpakailanman!]’

14 Kung pinapatawad ninyo ang mga taong nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo sila pinapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”

Ang Turo tungkol sa Pag-aayuno

16 “Kapag nag-aayuno kayo, huwag ninyong tularan ang mga pakitang-tao. Sapagkat sinasadya nilang hindi mag-ayos ng sarili para ipakita sa mga tao na nag-aayuno sila. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa halip, kung mag-aayuno kayo, maghilamos at mag-ayos kayo ng sarili, 18 upang hindi malaman ng mga tao na nag-aayuno kayo, maliban sa inyong Ama na hindi nakikita. At ang inyong Ama na nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang magbibigay ng gantimpala sa inyo.”

Ang Kayamanan sa Langit(B)

19 “Huwag kayong mag-ipon ng kayamanan para sa inyong sarili rito sa mundo, dahil dito ay may mga insekto at kalawang na sisira sa inyong kayamanan, at may mga magnanakaw na kukuha nito. 20 Sa halip, mag-ipon kayo ng kayamanan sa langit, kung saan walang insekto at kalawang na naninira, at walang nakakapasok na magnanakaw. 21 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan, naroon din ang inyong puso.”

Ang Ilaw ng Katawan(C)

22 “Ang mata ang nagsisilbing ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan. 23 Ngunit kung malabo ang iyong mata, madidiliman ang buo mong katawan. Kaya kung ang nagsisilbing ilaw mo ay walang ibinibigay na liwanag, napakadilim ng kalagayan mo.”

Sino ang Dapat Nating Paglingkuran, Ang Dios o ang Kayamanan?(D)

24 “Walang taong makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o kayaʼy magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.”

Salmo 7

Palaging Tama ang Ginagawa ng Dios

Panginoon kong Dios, nanganganlong ako sa inyo.
    Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin.
Baka patayin nila ako,
    katulad ng pagluray ng leon sa kanyang mga biktima,
    kung walang magliligtas sa akin.
Panginoon kong Dios, kung talagang ginawa ko ang mga kasalanang ito –
kung ginantihan ko nga ng masama ang ginawang mabuti ng aking kaibigan,
    o kung sinamsam ko ang mga ari-arian ng aking mga kaaway nang walang dahilan,
hayaan nʼyong usigin ako ng aking mga kaaway at talunin.
    Hayaan nʼyong tapakan nila ako hanggang sa mamatay, at pabayaan sa lupa ang aking bangkay.

Sige na po, O Panginoon kong Dios,
    ipakita nʼyo ang inyong galit sa aking mga kaaway,
    dahil nais nʼyo rin ang katarungan.
Tipunin nʼyo ang lahat ng bansa sa palibot nʼyo,
    at pamahalaan nʼyo sila mula sa langit.
Kayo Panginoon ang humahatol sa lahat ng tao.
    Patunayan nʼyo sa kanila na mali ang kanilang mga paratang laban sa akin,
    dahil alam nʼyo na akoʼy matuwid,
    at namumuhay nang wasto.
Pigilan nʼyo ang kasamaang ginagawa ng mga tao,
    at pagpalain nʼyo ang mga matuwid,
    dahil kayo ay Dios na matuwid,
    at sinisiyasat nʼyo ang aming mga pusoʼt isipan.
10 Kayo, O Dios, ang nag-iingat sa akin.
    Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Kayo ang matuwid na hukom, at sa araw-araw ay ipinapakita nʼyo ang inyong galit sa masasama.
12-13 Kung ayaw nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan,
    ikaw namaʼy nakahandang silaʼy parusahan.
    Katulad nʼyo ay isang sundalong nakahanda na ang mga nakamamatay na sandata.
    Nahasa na niya ang kanyang espada,
    at nakaumang na ang palasong nagbabaga.

14 Mapag-isip sila ng gulo at kasamaan,
    kaya nakakapanloko sila ng kapwa.
15-16 Pero sila mismo ang mapapahamak sa kanilang binabalak na panggugulo at karahasan.
    Ang katulad nila ay humuhukay ng bitag para mahulog ang iba,
    pero sila rin ang mahuhulog sa hinukay nila.

17 Pinasasalamatan ko kayo Panginoon, dahil matuwid kayo.
    Aawitan ko kayo ng mga papuri, Kataas-taasang Dios.

Kawikaan 2:1-5

Ang Kahalagahan ng Karunungan

Anak, tanggapin at ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo at iniuutos ko sa iyo. Pakinggan mo kung ano ang makapagbibigay sa iyo ng karunungan at kaalaman. Pagsikapan mong magkaroon ng pang-unawa, na parang naghahanap ka ng pilak o anumang nakatagong kayamanan. Kung gagawin mo ito, malalaman mo kung ano ang pagkatakot sa Panginoon at mauunawaan mo ang tungkol sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®