Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 26:17-27:46

17 Kaya umalis si Isaac, at nagpatayo ng tolda niya sa Lambak ng Gerar at doon na nanirahan. 18 Ipinahukay niyang muli ang mga balon ng ama niyang si Abraham dahil tinabunan ito ng mga Filisteo nang mamatay si Abraham. Pinangalanan ni Isaac ang mga balon ng dati ring pangalan na ibinigay noon ni Abraham.

19 Doon sa lambak, naghukay ng bagong balon ang mga alipin ni Isaac at nakatagpo sila ng bukal. 20 Pero nakipagtalo ang mga pastol na taga-Gerar at mga pastol ni Isaac na kanila raw ang balon na iyon. Kaya pinangalanan ni Isaac ang balon na Esek,[a] dahil nakipagtalo ang mga taga-Gerar sa kanya.

21 Muling naghukay ang mga alipin ni Isaac ng ibang balon, pero pinag-awayan din nila ito ng mga taga-Gerar. Kaya pinangalanan ni Isaac ang balon na Sitna.[b] 22 Umalis sina Isaac doon at muling naghukay ng panibagong balon. Hindi na nila ito pinag-awayan, kaya pinangalanan ito ni Isaac na Rehobot.[c] Sapagkat sinabi niya, “Ngayoʼy binigyan tayo ng Panginoon ng malawak na lugar para lalo pa tayong dumami sa lugar na ito.”

23 Hindi nagtagal, umalis si Isaac sa lugar na iyon at pumunta sa Beersheba. 24 Nang gabing dumating siya, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ako ang Dios ng iyong ama na si Abraham. Huwag kang matakot dahil kasama mo ako. Pagpapalain kita at bibigyan ng maraming lahi dahil kay Abraham na aking lingkod.” 25 Kaya gumawa ng altar si Isaac at sumamba sa Panginoon. Nagpatayo siya ng tolda sa lugar na iyon at nagpahukay ng balon sa kanyang mga alipin.

Ang Kasunduan nina Isaac at Abimelec

26 Pumunta si Abimelec kay Isaac mula sa Gerar kasama si Ahuzat na tagapayo niya at si Picol na pinuno ng kanyang mga sundalo. 27 Nagtanong si Isaac sa kanila, “Bakit kayo pumunta rito? Hindi baʼt galit kayo sa akin kaya pinaalis nʼyo ako sa lugar ninyo?”

28 Sumagot sila, “Napatunayan namin na ang Panginoon ay kasama mo, kaya naisip namin na dapat tayong gumawa ng kasunduan na may panata. Ipangako mo sa amin 29 na hindi mo kami gagawan ng masama, dahil hindi ka rin namin ginawan ng masama nang naroon ka pa sa amin. Inaruga ka namin nang mabuti at pinaalis ka namin nang matiwasay. Ngayon, nawaʼy pagpalain ka pa ng Panginoon.”

30 Kaya nagpahanda si Isaac para sa kanila at nagsikain sila at nag-inuman.

31 Kinabukasan, maaga silang nanumpa sa isaʼt isa. Pagkatapos, naghiwalay sila nang matiwasay.

32 Sa araw ding iyon, dumating ang mga alipin ni Isaac at ibinalita sa kanya na may tubig ang balong hinukay nila. 33 Pinangalanan ni Isaac ang balon na iyon na Shiba. Kaya hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Beersheba.[d]

Nag-asawa si Esau ng Hindi Nila Kalahi

34 Nang 40 taong gulang na si Esau, napangasawa niya si Judit na anak ni Beeri na Heteo. Naging asawa rin niya si Basemat na anak ni Elon na Heteo rin. 35 Ang dalawang babaeng ito ay nagbigay ng kalungkutan kina Isaac at Rebeka.

Binasbasan ni Isaac si Jacob

27 Matandang matanda na si Isaac at halos hindi na makakita. Isang araw, tinawag niya ang panganay niyang anak na si Esau. Sinabi niya, “Anak.” Sumagot si Esau, “Narito po ako ama.” Sinabi ni Isaac, “Matanda na ako at hindi magtatagal ay mamamatay na ako. Mabuti pang kunin mo ang pana mo. Pumunta ka sa bukid at mangaso ka para sa akin. Pagkatapos, ipagluto mo ako ng paborito kong pagkain at dalhin mo agad ito para makakain ako. At babasbasan kita bago ako mamatay.”

Nakikinig pala si Rebeka habang kausap ni Isaac si Esau. Kaya nang pumunta si Esau sa bukid para mangaso, kinausap ni Rebeka ang anak niyang si Jacob, “Narinig ko ang sinabi ng iyong ama kay Esau na mangaso at agad siyang ipagluto ng paborito niyang pagkain. Sapagkat bago raw siya mamatay babasbasan niya si Esau sa presensya ng Panginoon. Kaya anak, sundin mo ang iuutos ko sa iyo: Pumunta ka sa mga hayop natin at kumuha ka ng dalawang matabang batang kambing, at ipagluluto ko ang iyong ama ng paborito niyang pagkain. 10 Pagkatapos, dalhin mo ito sa kanya para basbasan ka niya bago siya mamatay.”

11 Pero sinabi ni Jacob sa kanyang ina, “Alam naman po ninyo na balbon si Esau at ako namaʼy hindi. 12 Baka hawakan po ako ni ama at malaman niyang niloloko ko lang siya at sumpain po niya ako sa halip na basbasan.”

13 Sumagot si Rebeka, “Anak, ako ang mananagot kung susumpain ka niya, basta gawin mo lang ang iniuutos ko sa iyo. Lumakad ka na at dalhan mo ako ng kambing.”

14 Kaya kumuha si Jacob ng dalawang kambing at dinala niya sa kanyang ina, at niluto ni Rebeka ang paboritong pagkain ni Isaac. 15 Pagkatapos, kinuha niya ang pinakamagandang damit ni Esau na nasa bahay nila at ipinasuot kay Jacob. 16 Nilagyan niya ng balat ng kambing ang braso ni Jacob pati ang leeg nito na hindi balbon. 17 Pagkatapos, ibinigay niya kay Jacob ang pagkain at ang tinapay na niluto niya.

18 Dinala iyon ni Jacob sa kanyang ama at sinabi, “Ama!”

Sinabi ni Isaac, “Sino ka ba anak ko?” 19 Sumagot si Jacob, “Ako po si Esau, ang panganay nʼyong anak. Nagawa ko na po ang iniutos ninyo sa akin. Bumangon po kayo at kumain ng pinangaso ko para mabasbasan nʼyo po ako.”

20 Sinabi ni Isaac, “Anak, paano mo ito nahuli agad?” Sumagot si Jacob, “Tinulungan po ako ng Panginoon na inyong Dios.”

21 Sinabi ni Isaac, “Lumapit ka sa akin anak ko para mahawakan kita kung ikaw nga talaga si Esau.”

22 Kaya lumapit si Jacob, at hinawakan siya ng kanyang ama at sinabi, “Ang boses mo ay parang kay Jacob pero ang braso mo ay parang kay Esau.” 23 Hindi nakilala ni Isaac si Jacob, dahil ang braso niya ay balbon din katulad ng kay Esau.

Bago niya basbasan si Jacob, 24 nagtanong pa siya, “Ikaw ba talaga si Esau?”

Sumagot si Jacob, “Opo, ako nga po.”

25 Sinabi ni Isaac, “Sige nga, dalhin mo rito ang niluto mo mula sa pinangaso mo, at pagkatapos kong kumain ay babasbasan kita.”

Kayaʼt binigyan siya ni Jacob ng makakain at maiinom, at kumain siya at uminom. 26 Pagkatapos, sinabi ni Isaac sa kanya, “Lumapit ka sa akin, anak, at hagkan mo ako.”

27 Lumapit si Jacob sa kanya at hinagkan ang kanyang ama. Nang maamoy ni Isaac ang damit nito, binasbasan niya agad si Jacob na nagsasabi,

“Ang amoy ng aking anak ay katulad ng amoy ng bukid na binasbasan ng Panginoon.
28 Nawaʼy bigyan ka ng Dios ng lupaing masagana ang ani na palaging may hamog na biyaya niya,[e] para maging sagana ang pagkain at katas ng inumin mo.
29 Nawaʼy magpasakop at maglingkod sa iyo ang maraming tao.
Nawaʼy maghari ka sa mga kamag-anak mo at magpasakop sila sa iyo.
Nawaʼy ang sumusumpa sa iyo ay susumpain din,
at ang magpapala sa iyo ay pagpapalain din.”

Nagmakaawa si Esau na Basbasan din Siya

30 Pagkatapos basbasan ni Isaac si Jacob, lumakad agad si Jacob. Kaaalis lang niya ay dumating naman agad si Esau mula sa pangangaso. 31 Nagluto rin siya ng masarap na pagkain at dinala niya sa kanyang ama. Sinabi niya, “Ama, bumangon po kayo at kumain ng pinangaso ko para mabasbasan po ninyo ako.” 32 Nagtanong si Isaac sa kanya, “Sino ka?” Sumagot siya, “Ako po si Esau, ang panganay nʼyong anak.” 33 Nang marinig ito ni Isaac, nanginig siya at sinabi, “Sino kaya ang unang nangaso at nagdala rito sa akin ng pagkain? Katatapos ko lang kainin iyon nang dumating ka. Ibinigay ko na sa kanya ang aking basbas at hindi ko na iyon mababawi.”

34 Pagkarinig nito ni Esau, umiyak siya nang labis. Sinabi niya, “Ama, basbasan nʼyo rin po ako!”

35 Pero sumagot si Isaac, “Niloko ako ng nakababatang kapatid mo at nakuha na niya ang basbas ko na para sana sa iyo.”

36 Sinabi ni Esau, “Pangalawang beses na ito na niloko niya ako. Kaya pala Jacob[f] ang pangalan niya. Kinuha na niya ang karapatan ko bilang panganay at ngayon, kinuha pa niya ang basbas na para sa akin.” Pagkatapos, nagtanong siya, “Ama, wala na po bang natitirang basbas na para sa akin?”

37 Sumagot si Isaac, “Ginawa ko na siya na maging iyong amo at ginawa ko rin ang lahat ng kamag-anak niya na maging mga alipin niya. Ibinigay ko na sa kanya ang saganang pagkain at inumin. Kaya ano pa ang maibibigay ko para sa iyo anak?”

38 Nagmakaawa pa si Esau sa kanyang ama, “Ama, wala na po bang kahit isang basbas? Basbasan nʼyo rin po ako.” At patuloy ang kanyang paghagulgol.

39 Sinabi ni Isaac sa kanya,

“Hindi aani ng sagana ang lupaing titirhan mo,
at palagi itong walang hamog na biyaya ng Dios.
40 Palagi kang makikipaglaban,
at maglilingkod ka sa iyong kapatid.
Pero kung lalaban ka sa kanya,
makakalaya ka sa kanyang kapangyarihan.”

41 Kinapootan ni Esau si Jacob dahil sa basbas na ibinigay ng kanyang ama kay Jacob. Sinabi ni Esau sa kanyang sarili, “Malapit nang mamatay si ama; kapag namatay na siya, papatayin ko si Jacob.”

42 Pero nabalitaan ni Rebeka ang balak ni Esau, kaya ipinatawag niya si Jacob at sinabi, “Ang kuya mong si Esau ay balak kang patayin para mawala ang galit niya sa iyo. 43 Kaya makinig ka sa sasabihin ko: Tumakas ka at pumunta sa Haran, doon sa kapatid kong si Laban. 44 Doon ka muna hanggang mawala ang galit ng iyong kuya, 45 at makalimutan na niya ang iyong ginawa sa kanya. Ipapasundo na lang kita roon kapag hindi na siya galit sa iyo. Hindi ko hahayaang mawala kayong dalawa sa akin, baka isang araw magpatayan kayo.”

Pinapunta ni Isaac si Jacob kay Laban

46 Ngayon, sinabi ni Rebeka kay Isaac, “Nagsasawa na ako sa buhay ko dahil sa mga asawang Heteo ni Esau. Kung ang magiging asawa ni Jacob ay taga-rito rin lang na isang babaeng Heteo mabuti pang mamatay na lang ako.”

Mateo 9:1-17

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)

Sumakay sina Jesus sa bangka at tumawid sa kabila ng lawa. Pagdating nila roon, umuwi si Jesus sa sarili niyang bayan. Doon ay may mga taong nagdala sa kanya ng isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Nang marinig ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon, sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan ng taong ito ang Dios.” Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na akong Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” Tumayo nga ang paralitiko at umuwi. Namangha ang mga tao nang makita nila ito, at pinapurihan nila ang Dios na nagbigay sa mga tao ng ganoong kapangyarihan.

Tinawag ni Jesus si Mateo(B)

Nang umalis na roon si Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo, na nakaupo sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Mateo at sumunod kay Jesus.

10 Habang kumakain si Jesus at ang mga tagasunod niya sa bahay ni Mateo, nagdatingan ang maraming maniningil ng buwis at ang iba pang mga itinuturing na makasalanan at kumaing kasama nila. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang mga tagasunod ni Jesus, “Bakit ang guro ninyo ay kumakaing kasama ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang mga makasalanan?” 12 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Hindi ang mga walang sakit ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit. 13 Umalis na kayo at pag-isipan nʼyo kung ano ang kahulugan ng sinasabing ito ng Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo.’[a] Sapagkat naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid sa kanilang sariling paningin, kundi ang mga makasalanan.”

Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno(C)

14 May ilang mga tagasunod ni Juan na Tagapagbautismo ang pumunta kay Jesus at nagtanong, “Kami at ang mga Pariseo ay madalas mag-ayuno. Bakit hindi nag-aayuno ang mga tagasunod ninyo?” 15 Sumagot si Jesus, “Maaari bang magdalamhati ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”

16 Sinabi pa ni Jesus, “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil kapag nilabhan uurong[b] ang bagong tela at lalo pang lalaki ang punit. 17 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at ang sisidlan ay hindi na mapapakinabangan pa. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat, at pareho silang magtatagal.”

Salmo 10:16-18

16 Panginoon, kayo ay Hari magpakailanman!
    At ang masasamang tao ay maglalaho sa mundo.
17 Panginoon, narinig nʼyo ang dalangin ng mga mahihirap.
    Pakinggan nʼyo po sila at palakasin.
18 Bigyan nʼyo ng katarungan ang mga ulila at mga api,
    upang wala ng mga taong mananakot ng kapwa, dahil silaʼy tao rin lang.

Kawikaan 3:9-10

Parangalan mo ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahandog sa kanya ng mga unang bunga ng iyong ani. 10 Kapag ginawa mo ito, mapupuno ng ani ang iyong mga bodega at aapaw ang inumin sa iyong mga sisidlan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®