The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid
37 Nagpaiwan si Jacob para manirahan sa Canaan, ang lupaing tinitirhan din dati ng kanyang ama.
2 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Jacob:
Nang 17 taong gulang si Jose, nagbabantay siya ng mga hayop kasama ng kanyang mga kapatid na mga anak ni Bilha at ni Zilpa, na mga asawa ng kanyang ama. Ipinagtapat ni Jose sa kanyang ama ang masasamang ginagawa ng kanyang mga kapatid.
3 Mas mahal ni Jacob[a] si Jose kaysa sa iba niyang mga anak, dahil matanda na siya nang isilang si Jose. Kaya itinahi niya si Jose ng maganda at mahabang damit. 4 Pero nang napansin ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama kaysa sa kanila, nagalit sila kay Jose at sinabihan ito ng masasakit na salita.
5 Isang gabi, nanaginip si Jose. Nang isalaysay niya ito sa mga kapatid niya, lalo silang nagalit sa kanya. 6 Sapagkat ito ang isinalaysay niya, “Nanaginip ako 7 na habang naroon tayo sa bukid na nagbibigkis ng mga uhay, bigla na lang tumayo ang ibinigkis ko at pinaikutan ito ng inyong mga ibinigkis na uhay na nakayuko.”
8 Sinabi ng kanyang mga kapatid, “Ano? Magiging hari ka at mangunguna sa amin?” Kaya lalo pa silang nagalit kay Jose.
9 Muling nanaginip si Jose at isinalaysay na naman niya sa kanyang mga kapatid. Sinabi niya, “Nanaginip ako ulit na nakita ko ang araw, ang buwan at ang 11 bituin na yumuyuko sa akin.”
10 Isinalaysay din ni Jose ang panaginip niya sa kanyang ama pero nagalit din ang kanyang ama sa kanya. Sinabi niya, “Ano ang ibig mong sabihin? Na kami ng iyong ina at ng mga kapatid mo ay yuyuko sa iyo?” 11 Nainggit ang mga kapatid ni Jose sa kanya, pero si Jacob ay sinarili na lamang ang bagay na ito.
Ipinagbili si Jose ng Kanyang mga Kapatid
12 Isang araw, pumunta ang mga kapatid ni Jose sa Shekem para magbantay ng mga hayop ng kanilang ama. 13-14 Sinabi ni Jacob[b] kay Jose, “Ang mga kapatid mo ay naroon sa Shekem na nagpapastol ng mga hayop. Pumunta ka roon at tingnan mo kung maayos ang kalagayan ng mga kapatid mo at ng mga hayop. Bumalik ka agad at sabihin sa akin.” Sumagot si Jose, “Opo ama.”
Kaya mula sa Lambak ng Hebron, pumunta si Jose sa Shekem. 15 Nang naroon na siyang pagala-gala sa bukid, may lalaking nagtanong sa kanya kung ano ang hinahanap niya.
16 Sumagot siya, “Hinahanap ko po ang mga kapatid ko. Alam nʼyo po ba kung saan sila nagpapastol?”
17 Sinabi ng lalaki, “Wala na sila rito. Narinig kong pupunta raw sila sa Dotan.” Kaya sinundan sila roon ni Jose at nakita niya sila sa Dotan.
18 Malayo pa si Jose ay nakita na siya ng mga kapatid niya. At bago pa siya makarating, binalak na nila na patayin siya. 19 Sinabi nila, “Paparating na ang mapanaginipin. Halikayo, patayin natin siya 20 at ihulog sa isa sa mga balon dito. Sabihin na lang natin na pinatay siya ng mabangis na hayop. Tingnan nga natin kung magkakatotoo ang mga panaginip niya.”
21 Nang marinig ni Reuben ang balak nila, pinagsikapan niyang iligtas si Jose. Sinabi niya, “Huwag na lang natin siyang patayin. 22 Ihulog nʼyo na lang siya rito sa balon sa ilang, pero huwag ninyo siyang papatayin.” Sinabi iyon ni Reuben dahil plano na niyang iligtas si Jose at ibalik sa kanilang ama.
23 Kaya pagdating ni Jose, hinubad nila ang mahaba at magandang damit nito, 24 at inihulog sa balon na walang tubig.
25 Habang kumakain sila, may natanaw silang mga mangangalakal na Ishmaelitang nanggaling sa Gilead. Ang mga kamelyo nila ay may kargang mga sangkap, gamot at pabangong dadalhin sa Egipto.
26 Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Ano ba ang makukuha natin kung papatayin natin ang kapatid natin at ililihim ang kamatayan niya? 27 Ang mabuti pa siguro ipagbili natin siya sa mga Ishmaelitang iyan. Huwag natin siyang patayin dahil kapatid natin siya.” Pumayag ang mga kapatid ni Juda sa sinabi niya.
28 Kaya pagdaan ng mga mangangalakal na Ishmaelita,[c] iniahon nila si Jose mula sa balon at ipinagbili nila sa halagang 20 pilak. At dinala si Jose ng mga Ishmaelita sa Egipto.
29 Nang bumalik si Reuben sa balon, wala na doon si Jose. Kaya pinunit niya ang kanyang damit sa lungkot. 30 Pagkatapos, bumalik siya sa mga kapatid niya at sinabi, “Wala na doon ang nakababata nating kapatid. Paano na ako ngayon makakauwi roon kay ama?”
31 Nagkatay sila ng kambing at isinawsaw sa dugo nito ang damit ni Jose. 32 Pagkatapos, dinala nila ang damit ni Jose sa kanilang ama at sinabi, “Nakita po namin ito. Tingnan po ninyong mabuti kung kay Jose po ito o hindi.”
33 Nakilala agad ni Jacob ang damit. Sinabi niya, “Sa kanya ito! Pinatay siya ng mabangis na hayop! Tiyak na niluray-luray siya ng hayop.”
34 Pinunit agad ni Jacob ang kanyang damit at nagdamit ng sako bilang pagluluksa. Nagluksa siya nang matagal sa pagkamatay ng kanyang anak. 35 Inaliw siya ng lahat ng anak niya pero patuloy pa rin ang pagdadalamhati niya. Sinabi niya, “Hayaan nʼyo na lang ako! Mamamatay akong nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng anak ko.” At nagpatuloy ang pag-iyak niya dahil kay Jose.
36 Samantala, doon sa Egipto, ipinagbili ng mga Midianita[d] si Jose kay Potifar na isa sa mga opisyal ng Faraon.[e] Kapitan siya ng mga guwardya sa palasyo.
Si Juda at si Tamar
38 Nang panahon ding iyon, humiwalay si Juda sa mga kapatid niya at doon nanirahan kasama ni Hira na taga-Adulam. 2 Doon nakilala ni Juda ang anak ni Shua na taga-Canaan at napangasawa niya ito. 3 Dumating ang panahon, nagbuntis ito at nanganak ng lalaki at pinangalanan ni Juda ang sanggol na Er. 4 Muli siyang nagbuntis at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Onan. 5 Nagbuntis pa siya at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Shela. Isinilang si Shela sa Kezib.
6 Si Tamar ang napili ni Juda para maging asawa ng kanyang panganay na si Er. 7 Pero si Er ay naging masama sa paningin ng Panginoon, kaya pinatay siya ng Panginoon.
8 Kaya sinabi ni Juda kay Onan, “Sipingan mo ang hipag mo dahil tungkulin mo iyan bilang kapatid ng asawa niyang namatay, para sa pamamagitan mo ay magkaroon din ng mga anak ang iyong kapatid.” 9 Pero alam ni Onan na hindi ituturing na kanya ang magiging anak nila, kaya tuwing magsisiping sila ni Tamar, itinatapon niya sa labas ang kanyang binhi para hindi siya magkaanak para sa kanyang kapatid. 10 Masama ang ginawa ni Onan sa paningin ng Panginoon, kaya pinatay din niya ito.
11 Sinabi agad ni Juda kay Tamar na kanyang manugang, “Umuwi ka muna sa iyong ama, at huwag kang mag-asawa hanggang magbinata na si Shela.” Sinabi iyon ni Juda dahil natatakot siya na baka mamatay din si Shela katulad ng mga kapatid niya. Kaya umuwi muna si Tamar sa kanyang ama.
12 Dumating ang panahon, namatay ang asawa ni Juda. Pagkatapos ng kanyang pagdadalamhati, pumunta siya sa mga manggugupit ng balahibo ng kanyang mga tupa roon sa Timnah. Kasama niyang pumunta roon ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam.
13 May nagsabi kay Tamar na ang biyenan niya ay pupunta sa Timnah para pagupitan doon ang mga tupa nito. 14 Nang marinig iyon ni Tamar, pinalitan niya ang kanyang damit na pambalo, at tinakpan ng belo ang kanyang mukha. Naupo siya sa may pintuan ng bayan ng Enaim, sa tabi ng daan na papunta sa Timnah. Plano niyang dayain si Juda dahil hindi pa rin ibinibigay sa kanya si Shela para maging asawa niya kahit binata na ito.
15-16 Pagkakita ni Juda kay Tamar, hindi niya nakilala na manugang niya ito dahil may talukbong ang mukha nito. Akala niyaʼy isa itong babaeng bayaran. Kaya lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan at sinabi, “Halika, magsiping tayo.”
Sumagot si Tamar, “Ano ang ibabayad mo sa akin kapag sumiping ako sa iyo?”
17 Sinabi ni Juda, “Bibigyan kita ng kambing mula sa aking mga hayop.”
Sumagot si Tamar, “Papayag ako kung may ibibigay ka sa akin para makatiyak ako na babayaran mo ako hanggang maipadala mo na ang kambing.”
18-19 Nagtanong si Juda, “Anong garantiya ang gusto mo?”
Sumagot si Tamar, “Ibigay mo sa akin ang ginagamit mong pantatak, panali at pati ang iyong tungkod.” Kaya ibinigay iyon ni Juda at sumiping siya kay Tamar. Pagkatapos, umuwi si Tamar, at tinanggal niya ang talukbong sa kanyang mukha at muling isinuot ang damit na pambalo. Dumating ang panahon at nagbuntis siya.
20 Hindi nagtagal, ipinahatid ni Juda ang kambing sa kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam para kunin ang mga bagay na ibinigay niya kay Tamar bilang garantiya, pero hindi niya makita si Tamar. 21 Nagtanong si Hira sa mga lalaking taga-Enaim kung nasaan na ang babaeng bayaran, na nakaupo sa tabi ng daan.
Ngunit sumagot ang mga tao, “Wala naman kaming nakitang ganoong babae rito.”
22 Kaya bumalik si Hira kay Juda at sinabi, “Hindi ko siya makita. At sinabi ng mga tao na wala naman daw ganoong babae roon.”
23 Sinabi ni Juda, “Hayaan na lang natin na itago niya ang mga ibinigay kong gamit sa kanya, dahil baka pagtawanan pa tayo ng mga tao na naghahanap tayo sa wala. Ganoon pa man, pinahatiran ko naman siya ng mga kambing pero hindi mo naman siya makita roon.”
24 Pagkalipas ng tatlong buwan, nabalitaan ni Juda na ang manugang niyang si Tamar ay nagbebenta ng dangal at nabuntis ito.
Kaya sinabi ni Juda, “Dalhin ninyo siya sa labas ng lungsod at sunugin.”
25 Pero nang ilalabas na si Tamar, ipinasabi niya kay Juda, “Narito ang pantatak, panali at pati ang tungkod. Ang may-ari nito ang ama ng sanggol na nasa sinapupunan ko. Kilalanin nʼyo kung kanino ito.”
26 Nakilala ni Juda na kanya ang mga gamit na iyon kaya sinabi niya, “Wala siyang kasalanan. Ako ang nagkasala dahil hindi ko pinayagang mapangasawa niya ang anak kong si Shela.” Hindi na muling sumiping si Juda kay Tamar.
27 Nang malapit nang manganak si Tamar, nalaman niyang ang sanggol na nasa sinapupunan niya ay kambal. 28 At nang nanganganak na siya, lumabas ang kamay ng isang sanggol. Tinalian ito ng manghihilot ng taling pula para malaman na ito ang unang isinilang. 29 Pero ipinasok ng sanggol ang kamay nito at ang kakambal niya ang unang lumabas. Sinabi ng manghihilot, “Nakipag-unahan kang lumabas.” Kaya pinangalanan ang sanggol na Perez.[f] 30 Pagkatapos, lumabas din ang kakambal na may taling pula sa kamay. At pinangalanan siyang Zera.[g]
Si Jesus at si Satanas(A)
22 May dinala ang mga tao kay Jesus na isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. Pinagaling siya ni Jesus, agad siyang nakakita at nakapagsalita. 23 Namangha ang lahat at sinabi, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?”[a] 24 Pero nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Si Satanas[b] na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” 25 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganito rin ang mangyayari sa isang lungsod o tahanan na ang mga nakatira ay nag-aaway-away. 26 Kaya kung si Satanas mismo ang nagpapalayas sa kanyang mga kampon, nagpapakita lang ito na nagkakahati-hati sila at nag-aaway-away. Kung ganoon, paano mananatili ang kanyang kaharian? 27 At kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga tagasunod ninyo na nagpapalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang nagpapatunay na mali kayo. 28 Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios.
29 “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi muna niya ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.[c]
30 “Ang hindi kampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking pagtitipon ay nagkakalat. 31 Sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng kasalanan, pati na ang paglapastangan sa Dios ay mapapatawad, ngunit ang paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad. 32 Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad kailanman.”
Nakikilala ang Puno sa Bunga Nito(B)
33 “Nakikilala ang puno sa bunga nito. Kung mabuti ang puno, mabuti rin ang bunga nito. Kung masama ang puno, masama rin ang bunga nito. 34 Mga lahi kayo ng ahas! Paano kayo makakapagsalita ng mabuti gayong masasama kayo? Sapagkat kung ano ang laman ng puso ng isang tao, ito ang lumalabas sa kanyang bibig. 35 Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti, dahil puno ng kabutihan ang kanyang puso. Pero ang masamang tao ay nagsasalita ng masama, dahil puno ng kasamaan ang kanyang puso. 36 Tinitiyak ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mananagot ang bawat isa sa mga walang kwentang salitang binitiwan niya. 37 Sapagkat ibabatay sa mga salita mo kung paparusahan ka o hindi.”
Humingi ng Himala ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(C)
38 May ilang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na nagsabi kay Jesus, “Guro, pakitaan nʼyo kami ng isang himalang magpapatunay na sugo nga kayo ng Dios.” 39 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung paanong nasa tiyan ng dambuhalang isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din naman ang mangyayari sa akin na Anak ng Tao. Tatlong araw at tatlong gabi rin ako sa ilalim ng lupa. 41 Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo[d] ang mga taga-Nineve at kokondenahin ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang higit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw nʼyong magsisi. 42 Maging ang Reyna ng Timog ay tatayo rin at kokondenahin ang henerasyong ito. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar para makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang higit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya.”
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(D)
43 “Kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar upang maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan, 44 iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan. At kung sa kanyang pagbabalik ay makita niya itong walang naninirahan, malinis at maayos ang lahat, 45 aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sasama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati. Ganyan din ang mangyayari sa masamang henerasyong ito.”
Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios
16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
dahil sa inyo ako nanganganlong.
2 Kayo ang aking Panginoon.
Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
3 Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
lubos ko silang kinalulugdan.
4 Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.
5 Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
6 Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
7 Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
8 Panginoon palagi ko kayong iniisip,
at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
9 Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.
27 Hanggaʼt makakaya mo, tulungan mo ang mga dapat tulungan. 28 Huwag mo nang ipagpabukas pa, kung kaya mo naman silang tulungan ngayon.
29 Huwag mong pagplanuhan ng masama ang kapitbahay mo na nagtitiwala sa iyo.
30 Huwag kang makipagtalo sa kapwa mo nang walang sapat na dahilan, lalo na kung wala naman siyang ginawang masama sa iyo.
31 Huwag kang mainggit sa taong malupit o gayahin ang kanyang mga ginagawa. 32 Sapagkat nasusuklam ang Panginoon sa mga taong baluktot ang pag-iisip, ngunit nagtitiwala siya sa mga namumuhay nang matuwid.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®