Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 42:18-43:34

18 Sa ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Iginagalang ko ang Dios, kaya bibigyan ko pa kayo ng pagkakataong mabuhay kung susundin lang ninyo ang iniutos ko sa inyo. 19 Kung nagsasabi kayo ng totoo, magpaiwan dito ang isa sa inyo at makakauwi kayo, at makakapagdala kayo ng pagkain para sa nagugutom ninyong pamilya. 20 Pagkatapos, dalhin nʼyo rito ang bunsong kapatid ninyo para mapatunayan ko na hindi kayo nagsisinungaling at para hindi ko kayo ipapatay.” At ginawa nila ito.

21 Habang hindi pa sila nakakaalis, sinabi nila sa isaʼt isa, “Mananagot tayo sa ginawa natin sa kapatid natin. Nakita natin ang paghihirap niya nang nagmamakaawa siya sa atin, pero hindi natin siya kinaawaan. Kaya ito ang dahilan kung bakit dumating ang mga paghihirap na ito sa atin.”

22 Sinabi ni Reuben, “Hindi baʼt sinabi ko sa inyo noon na huwag ninyo siyang saktan? Pero hindi kayo nakinig sa akin! Kaya sinisingil na tayo ngayon sa kanyang pagkamatay.” 23 Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang usapan nila dahil habang nakikipag-usap siya sa kanila ay may tagapagpaliwanag siya.

24 Lumayo muna si Jose sa kanila at umiyak. Pero hindi nagtagal, bumalik siya at nakipag-usap sa kanila. Hiniwalay niya si Simeon sa kanila at ipinagapos sa kanilang harapan.

Bumalik sa Canaan ang mga Kapatid ni Jose

25 Pagkatapos, iniutos ni Jose na punuin ng pagkain ang mga sako ng kanyang mga kapatid at ibalik sa mga sako nila ang kani-kanilang bayad, at pabaunan sila ng kanilang mga pangangailangan sa kanilang paglalakbay. Nasunod lahat ang iniutos ni Jose. 26 Isinakay agad ng mga kapatid ni Jose ang mga sako nila sa kanilang asno at umalis.

27 Nang nagpalipas sila ng gabi sa isang lugar, isa sa kanila ang nagbukas ng sako niya para pakainin ang kanyang asno. Pagbukas niya, nakita niya roon ang perang ibinayad niya. 28 Sumigaw siya sa kanyang mga kapatid, “Ibinalik ang ibinayad ko! Nandito sa sako ko.”

Nanlupaypay silang lahat at kinabahan.[a] Nagtanungan sila, “Ano kaya itong ginawa ng Dios sa atin?”

29 Pagdating nila sa Canaan, sinabi nila sa kanilang amang si Jacob ang lahat ng nangyari sa kanila. 30 Sinabi nila kay Jacob, “Pinagsalitaan po kami ng masasakit ng gobernador ng Egipto at pinagbintangan na mga espiya raw po kami. 31 Pero sinagot po namin siya na hindi kami espiya at nagsasabi kami ng totoo. 32 Sinabi rin po namin na 12 kaming magkakapatid at isa lang ang aming ama. Sinabi rin namin na ang isa naming kapatid ay patay na at ang aming bunsong kapatid ay kasama po ninyo rito sa Canaan.

33 “Pero ito po ang sinabi niya sa amin, ‘Susubukan ko kayo kung totoo ang sinasabi ninyo. Magpaiwan dito ang isa sa inyo at umuwi kayo na may dalang pagkain para sa mga pamilya ninyong nagugutom. 34 Pero dalhin ninyo rito ang bunsong kapatid ninyo para malaman ko na mga tapat kayong tao at hindi kayo espiya. Pagkatapos, ibabalik ko sa inyo ang kapatid ninyong si Simeon, at papayagan ko kayo na pumarooʼt parito sa Egipto.’ ”

35 Nang ibinuhos na nila ang laman ng kanilang mga sako, nakita nila roon sa mga sako nila ang perang ibinayad nila. Nang makita ito ng kanilang ama, kinabahan silang lahat.

36 Sinabi ni Jacob sa kanila, “Gusto ba ninyong mawalan ako ng mga anak? Wala na si Jose, wala na si Simeon at ngayon gusto naman ninyong kunin si Benjamin. Hirap na hirap na ako!”

37 Sinabi ni Reuben, “Ama, ako po ang bahala sa kanya. Patayin po ninyo ang dalawa kong anak na lalaki kung hindi ko po siya maibabalik sa inyo.”

38 Pero sumagot si Jacob, “Hindi ako papayag na isama ninyo ang anak ko. Namatay na ang kapatid niya at siya na lang ang naiwan. Baka may masama pang mangyari sa kanya sa daan. At sa katandaan kong ito, ikamamatay ko ang sobrang kalungkutan.”

Bumalik sa Egipto ang mga Kapatid ni Jose

43 Lumala ang taggutom sa Canaan. Naubos na ng pamilya ni Jacob ang pagkaing binili nila sa Egipto. Kaya inutusan ni Jacob ang mga anak niya, “Bumalik kayo roon sa Egipto at bumili ng kahit kaunting pagkain.”

Pero sumagot si Juda sa kanya, “Binalaan po kami ng gobernador na huwag na po kaming magpapakita sa kanya kung hindi po namin kasama ang aming kapatid na si Benjamin. Kung pasasamahin po ninyo siya sa amin babalik kami roon para bumili ng pagkain. Pero kung hindi po kayo papayag, hindi po kami magpapakita sa kanya kung hindi namin kasama ang aming kapatid.”

Sinabi ni Jacob,[b] “Bakit binigyan nʼyo ako ng malaking problema? Bakit ipinagtapat nʼyo pa sa gobernador na may isa pa kayong kapatid?”

Sumagot sila, “Kasi po lagi niya kaming tinatanong tungkol sa pamilya natin. Nagtanong siya kung buhay pa ba ang aming ama at kung may iba pa po kaming kapatid. Kaya sinagot po namin siya. Hindi po namin inaasahan na sasabihin niya sa amin na dalhin namin sa kanya ang kapatid namin.”

Kaya sinabi ni Juda sa kanilang ama, “Ama, pumayag na po kayo na isama namin si Benjamin para makaalis na po kami agad at makabili ng pagkain para hindi po tayo mamatay lahat sa gutom. Igagarantiya ko po ang buhay ko para kay Benjamin. Singilin po ninyo ako kung anuman ang mangyari sa kanya. Kung hindi po siya makakabalik sa inyo nang buhay, sisihin po ninyo ako habang buhay. 10 Kung hindi po tayo nagsayang ng panahon, dalawang beses na sana kaming nakabalik.”

11 Sinabi ng kanilang ama, “Kung ganoon, umalis na kayo. Magdala kayo sa mga sisidlan ninyo ng pinakamagandang produkto rito sa ating lugar para iregalo sa gobernador ng Egipto: mga gamot, pulot, pampalasa, pabango, at mga bunga ng pistasyo at almendro. 12 Doblehin ninyo ang dala ninyong pera dahil dapat ninyong ibalik ang perang ibinalik sa mga sako ninyo. Baka nagkamali lang sila noon. 13 Isama ninyo ang kapatid ninyong si Benjamin at bumalik kayo agad sa gobernador ng Egipto. 14 Nawaʼy hipuin ng Makapangyarihang Dios ang puso ng gobernador para mahabag siya sa inyo at ibalik niya sa inyo sina Simeon at Benjamin. Pero kung hindi sila makabalik, tatanggapin ko na lang nang maluwag sa kalooban ko.”

15 Kaya nagdala ang magkakapatid ng mga regalo at dinoble rin nila ang dala nilang pera. Pagkatapos, umalis sila papuntang Egipto kasama si Benjamin, at nakipagkita kay Jose. 16 Pagkakita ni Jose na kasama nila si Benjamin, inutusan niya ang tagapamahalang alipin, “Dalhin mo ang mga taong ito sa bahay. Magkatay ka ng hayop at magluto, dahil magtatanghalian sila kasama ko.”

17 Sinunod ng tagapamahalang alipin ang utos sa kanya. Kaya dinala niya ang magkakapatid sa bahay ni Jose. 18 Natakot ang magkakapatid nang dinala sila sa bahay ni Jose dahil inisip nila, “Baka dinala tayo rito dahil sa perang ibinalik sa mga sako natin noong una nating pagparito. Baka dakpin nila tayo, at kunin ang mga asno natin at gawin tayong mga alipin.”

19 Kaya nakipag-usap sila sa tagapamahalang alipin habang nasa pintuan pa lang sila ng bahay. 20 Sinabi nila, “Ginoo, sandali lang po, may sasabihin lang po kami sa inyo. Pumunta po kami rito noon para bumili ng pagkain. 21 Nang papauwi na po kami, nagpalipas kami ng gabi sa isang lugar. At doon namin binuksan ang mga sako namin at nakita po namin sa loob ang perang ibinayad namin para sa mga pagkain. Narito, ibinabalik na po namin. 22 Nagdala pa po kami ng karagdagang pera para bumili ng pagkain. Hindi po namin alam kung sino ang naglagay ng pera sa mga sako namin.”

23 Sumagot ang tagapamahalang alipin, “Walang anuman iyon, huwag kayong matakot. Ang inyong Dios, na Dios din ng inyong ama, ang siya sigurong naglagay ng perang iyon sa mga sako ninyo. Natanggap ko ang bayad nʼyo noon.” Pagkatapos, dinala niya si Simeon sa kanila.

24 Pinapasok ng tagapamahalang alipin ang magkakapatid sa bahay ni Jose at binigyan ng tubig para makapaghugas sila ng kanilang mga paa. Binigyan din niya ng pagkain ang kanilang mga asno. 25 Inihanda ng magkakapatid ang mga regalo nila kay Jose habang hinihintay nila ang pag-uwi nito. Sapagkat sinabihan sila na doon magtanghalian sa bahay ni Jose.

26 Pagdating ni Jose, yumukod sila sa kanyang harapan bilang paggalang at ibinigay nila ang kanilang mga regalo. 27 Kinamusta sila ni Jose. Pagkatapos, nagtanong din siya, “Kumusta ang ama ninyong matanda na, na binanggit nʼyo noon sa akin? Buhay pa ba siya?”

28 Sumagot sila, “Buhay pa po si ama at mabuti pa naman po siya.” Pagkatapos, yumukod silang muli sa kanya bilang paggalang.

29 Pagkakita ni Jose kay Benjamin na kapatid niyang buo, sinabi niya, “Ito ba ang bunsong kapatid ninyo na ikinuwento nʼyo noon sa akin?” Sinabi niya agad kay Benjamin, “Nawaʼy pagpalain ka ng Dios.” 30 Pagkatapos, mabilis na lumabas si Jose dahil naiiyak na siya sa pangungulila sa kapatid niya. Pumasok siya sa kanyang silid at doon umiyak.

31 Pagkatapos, naghilamos siya at bumalik sa kanila na pinipigil ang kanyang nararamdaman. At nag-utos siya na ihanda na ang pagkain.

32 Iba ang mesa na kinainan ni Jose, iba rin ang kinainan ng kanyang mga kapatid, at iba rin ang sa mga Egipcio na doon din nananghalian. Sapagkat hindi kumakain ang mga Egipcio na kasama ang mga Hebreo sa isang mesa, dahil kasuklam-suklam iyon para sa kanila. 33 Nakaharap kay Jose ang mesang inuupuan ng kanyang mga kapatid. Nagtitinginan ang magkakapatid dahil nagtaka sila na magkakasunod ang pagkakaupo nila sa mesa mula sa panganay hanggang sa bunso. 34 Hinainan sila ng pagkain na galing sa mesa ni Jose pero ang ibinigay kay Benjamin na pagkain ay limang beses ang dami kaysa sa iba. Nagsikain sila at nagsiinom kasama si Jose.

Mateo 13:47-14:12

Ang Paghahalintulad sa Lambat

47 “Ang kaharian ng Dios ay katulad din ng isang lambat na inihagis ng mga mangingisda sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda. 48 Nang mapuno ang lambat, hinila nila ito papunta sa dalampasigan. Pagkatapos, naupo sila para pagbukud-bukurin ang mga isda. Ang mabubuting isda ay inilagay nila sa mga basket, at ang mga walang kwenta[a] ay itinapon nila. 49 Ganyan din ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Darating ang mga anghel at ihihiwalay nila ang masasama sa matutuwid. 50 Itatapon ang masasama sa nagliliyab na apoy, at dooʼy iiyak sila at magngangalit ang kanilang ngipin.”

51 Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, “Naunawaan ba ninyong lahat ang sinabi ko?” Sumagot sila, “Opo.” 52 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na naturuan tungkol sa kaharian ng Dios ay maitutulad sa isang may-ari ng bahay na maraming ari-arian sa bodega niya. Hindi lang ang mga lumang bagay ang kanyang inilalabas sa bodega kundi pati ang mga bago.”[b]

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)

53 Pagkatapos mangaral ni Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga ay umalis na siya. 54 Pumunta siya sa sarili niyang bayan at nangaral doon sa kanilang sambahan. Nagtaka sa kanya ang mga kababayan niya. Sinabi nila, “Saan kaya niya nakuha ang karunungang iyan at ang kapangyarihang gumawa ng himala? 55 Hindi baʼt anak siya ng karpintero? Hindi baʼt si Maria ang kanyang ina at ang mga kapatid niya ay sina Santiago, Jose, Simon at Judas? 56 Hindi baʼt ang lahat ng kapatid niyang babae ay dito rin nakatira sa atin? Saan niya nakuha ang ganyang kakayahan?” 57 At hindi nila siya pinaniwalaan. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay iginagalang kahit saan, maliban lang sa sarili niyang bayan at pamilya.” 58 Kaya hindi gumawa si Jesus ng maraming himala roon dahil sa kawalan nila ng pananampalataya sa kanya.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(B)

14 Nang panahong iyon, nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang tungkol kay Jesus. Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Siyaʼy si Juan na tagapagbautismo! Muli siyang nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.”

Ipinahuli niya noon si Juan at ipinabilanggo, dahil tinutuligsa ni Juan ang relasyon niya kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. Laging sinasabihan ni Juan si Herodes na hindi tamang magsama sila ni Herodias. Gusto sanang ipapatay ni Herodes si Juan pero natakot siya sa mga Judio dahil itinuturing nilang propeta si Juan.

Nang dumating ang kaarawan ni Herodes, sumayaw para sa mga bisita ang dalagang anak ni Herodias na ikinatuwa naman ni Herodes. Kaya isinumpa niyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito.

Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga, “Gusto ko pong ibigay nʼyo sa akin ang ulo ni Juan na nakalagay sa isang bandehado.” Nalungkot ang hari sa kahilingang iyon. Pero dahil sa pangako niyang narinig mismo ng mga bisita, iniutos niya na gawin ang kahilingan ng dalaga. 10 Kaya pinugutan ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan, 11 inilagay ang ulo niya sa isang bandehado at dinala sa dalaga. At ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 12 Ang bangkay ni Juan ay kinuha ng kanyang mga tagasunod at inilibing, at ibinalita nila kay Jesus ang nangyari.

Salmo 18:16-36

16 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
    at inahon mula sa malalim na tubig.
17 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.
18 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
    Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.
19 Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin.
20 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
    Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
    at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
    Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
    at iniiwasan ko ang kasamaan.
24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
    dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
    at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
    ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
    ngunit ang nagmamataas ay inyong ibinababa.

28 Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag.
    Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw.
29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
    at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
30 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
    Ang inyong mga salita ay maaasahan.
    Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan[a] sa inyo.
31 Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
    At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
32 Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
    at nagbabantay sa aking daraanan.
33 Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad ng paa ng usa,
    upang maging ligtas ang pag-akyat ko sa matataas na lugar.
34 Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban, tulad ng pagbanat ng matibay na pana.
35 Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin.
    Inaakay nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
    at dahil sa tulong nʼyo, naging tanyag ako.
36 Pinaluwang nʼyo ang aking dadaanan,
    kaya hindi ako natitisod.

Kawikaan 4:7-10

Pinakamahalaga sa lahat ang karunungan at pang-unawa. Sikapin mong magkaroon nito kahit na maubos pa ang lahat ng kayamanan mo. Tanggapin moʼt pahalagahan ang karunungan, dahil magbibigay ito sa iyo ng karangalan. Magiging parang koronang bulaklak ito na magbibigay sa iyo ng kagandahan.”

10 Anak, pakinggan mo at tanggapin ang mga sinasabi ko sa iyo upang humaba ang iyong buhay.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®