Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 44-45

Ang Nawawalang Kopa

44 Samantala, inutusan ni Jose ang tagapamahalang alipin sa kanyang bahay. Sinabi niya, “Punuin ninyo ng pagkain ang mga sako ng magkakapatid ayon sa kanilang makakaya, at ilagay sa mga sako nila ang perang ibinayad nila. Ilagay ninyo ang aking kopang pilak sa sako ng bunso kasama ng perang ibinayad niya sa pagkain.” Ginawa ng tagapamahalang alipin niya ang sinabi ni Jose.

Kinabukasan, maagang umalis ang magkakapatid na dala-dala ang kanilang sako. Hindi pa sila nakakalayo sa lungsod nang sabihin ni Jose sa kanyang tagapamahalang alipin, “Bilis, habulin mo ang mga taong iyon! At kung maabutan mo silaʼy sabihin mo sa kanila, ‘Bakit masama ang iginanti ninyo sa mabuting ipinakita namin sa inyo? Bakit kinuha ninyo ang kopa na iniinuman ng aking amo at ginagamit niya sa panghuhula? Masama ang ginawa ninyong ito.’ ”

Naabutan ng tagapamahalang alipin ang magkakapatid at sinabi niya ito sa kanila. Sinabi nila sa tagapamahalang alipin, “Paano po ninyo nasabi iyan? Imposibleng gawin namin ang bagay na iyan. Alam nʼyo rin na mula sa Canaan ay dinala namin pabalik sa inyo ang perang nakita namin sa aming mga sako. Kaya bakit magnanakaw pa kami ng pilak o ginto sa bahay ng amo ninyo? Kapag nakita nʼyo ang kopa na iyan sa isa sa amin, patayin nʼyo siya at magiging alipin nʼyo kami.”

10 Sinabi ng tagapamahalang alipin, “Sige, Kapag nakita ko ang kopa sa isa sa inyo ay magiging alipin ko siya, at ang matitira sa inyoʼy walang pananagutan.”

11 Kaya nagmadaling ibinaba ng bawat isa ang mga sako nila at binuksan ito. 12 Agad na hinanap ng tagapamahalang alipin ang kopa sa mga sako, magmula sa panganay hanggang sa bunso, at ang kopa ay nakita sa sako ni Benjamin. 13 Nang makita ito ng magkakapatid, pinunit nila ang kanilang mga damit sa sobrang kalungkutan. Muli nilang isinakay sa asno ang mga sako nila at bumalik sa lungsod.

14 Nang dumating si Juda at ang mga kapatid niya sa Egipto, naroon pa rin si Jose sa bahay niya. Pumasok sila sa bahay at lumuhod sa harapan ni Jose. 15 Sinabi ni Jose sa kanila, “Ano ba itong ginawa ninyo? Hindi nʼyo ba alam na marunong akong manghula? Kaya wala kayong maitatago sa akin.”

16 Sinabi ni Juda, “Mahal na Gobernador, wala na po kaming ikakatuwiran pa sa inyo, at hindi po namin masasabi na hindi kami nagkasala. Ang Dios po ang siyang naghayag ng aming kasalanan. Ngayon, lahat po kami ay alipin na ninyo – kami at ang isa na nakitaan ng kopa.”

17 Pero sinabi ni Jose, “Hindi ko magagawa iyan. Kung kanino lang nakita ang kopa siya lang ang magiging alipin ko. At makakauwi na kayo sa inyong ama nang matiwasay.”

Nagmakaawa si Juda para kay Benjamin

18 Lumapit si Juda kay Jose at sinabi, “Hinihiling ko sa inyo Mahal na Gobernador, na kung maaari, pakinggan nʼyo ako. Huwag sana kayong magalit sa akin, kayo na gaya ng Faraon. 19 Tinanong nʼyo kami noon kung mayroon pa kaming ama at kapatid, 20 at sinagot po namin na may ama pa kami na matanda na, at may bunso kaming kapatid na ipinanganak sa kanyang katandaan. Sinabi po namin na patay na ang kapatid niya at siya na lang ang naiwan sa kanilang magkakapatid na buo, at mahal na mahal po siya ng aming ama.

21 “Sinabi rin po namin na dadalhin namin siya sa inyo para makita nʼyo rin siya. 22 Sinabi namin sa inyo na hindi maaaring iwanan ng bunsong kapatid namin ang aming ama, dahil baka ang pag-alis ng kanyang anak ang siyang ikamatay niya. 23 Pero sinabi nʼyo po sa amin na huwag kaming magpapakita sa inyo kung hindi namin kasama ang aming bunsong kapatid. 24 Ang lahat ng itoʼy sinabi namin sa aming ama noong umuwi kami.

25 “Hindi nagtagal, sinabi ng aming ama na muli kaming bumalik dito at bumili ng pagkain. 26 Pero sinabi po namin sa kanya na makakaalis lang kami kung kasama namin ang aming bunsong kapatid, dahil hindi kami maaaring magpakita sa inyo kung hindi namin kasama ang bunso namin.

27 “Ito ang isinagot niya sa amin, ‘Alam nʼyo naman na dalawa lang ang anak ko sa asawa kong si Raquel. 28 Ang isaʼy wala na; maaaring niluray-luray siya ng mababangis na hayop. At hanggang ngayoʼy hindi ko pa siya nakikita. 29 Kung kukunin nʼyo pa ang isang ito na naiwan sa akin, at kung may mangyari sa kanya, baka mamatay ako dahil sa sobrang paghihirap ng aking kalooban.’

30 “Kaya, ang buhay po ng aming ama ay nakasalalay sa buhay ng kanyang anak. Kung uuwi kami na hindi namin siya kasama, 31 tiyak na mamamatay sa kalungkutan ang aming ama na matanda na. 32 Itinaya ko ang aking buhay para sa kanyang anak. Sinabi ko po sa aking ama na kung hindi ko maibabalik sa kanya ang kanyang anak, ako ang dapat sisihin habang buhay.

33 “Kaya Mahal na Gobernador, ako na lang po ang magpapaiwan dito bilang alipin ninyo sa halip na ang kanyang anak, at payagan nʼyo na lang po siyang makauwi kasama ng mga kapatid niya. 34 Hindi po ako pwedeng umuwi nang hindi kasama ang anak niya. Hindi ko po kayang tiisin na makita ang masamang mangyayari sa aming ama.”

Nagpakilala si Jose sa Kanyang mga Kapatid

45 Hindi na mapigilan ni Jose ang kanyang sarili, kaya pinalabas niya ang kanyang mga alipin. At nang sila na lamang ang naroon, nagpakilala siya sa kanyang mga kapatid. Umiyak nang malakas si Jose kaya narinig ito ng mga Egipcio at ng sambahayan ng Faraon.

Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako si Jose! Totoo bang buhay pa ang ating ama?” Pero hindi nakasagot sa kanya ang mga kapatid niya dahil natulala sila.

Kaya sinabi ni Jose, “Lumapit kayo sa akin.” Nang lumapit na sila, sinabi niya, “Ako si Jose na kapatid ninyo, ang ipinagbili at dinala nʼyo rito sa Egipto. Ngayon, huwag kayong mag-alala at huwag ninyong sisihin ang sarili nʼyo dahil ipinagbili nʼyo ako rito, dahil ang Dios ang siyang nagsugo sa akin dito para iligtas ang buhay ninyo. Ikalawang taon pa lang ito ng taggutom, at may susunod pang limang taon na walang ani. Pero sinugo ako rito ng Dios para mailigtas kayo at mapanatili ang marami sa inyo rito sa mundo.

“Kaya, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kundi ang Dios. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapamahala ng kanyang sambahayan at ng buong Egipto. Ngayon, magmadali kayong bumalik sa aking ama at sabihin nʼyo sa kanya na ang anak niyaʼy ginawa ng Dios na tagapamahala ng buong Egipto. At sabihin ninyo sa kanya na pinapapunta ko siya rito sa akin sa lalong madaling panahon. 10 Sabihin nʼyo rin sa kanya na maaari siyang tumira sa lupain ng Goshen kasama ang kanyang mga anak at mga apo, mga hayop, at ang lahat ng ari-arian niya, para malapit siya sa akin. 11 Aalagaan ko siya rito sa Goshen dahil may darating pang limang taon na taggutom. Ayaw kong magutom siya at ang kanyang sambahayan, pati ang kanyang mga hayop.”

12 Nagpatuloy si Jose sa pagsasalita, “Ngayong alam nʼyo na, maging ng kapatid kong si Benjamin, na talagang ako si Jose na nakikipag-usap sa inyo. 13 Sabihin nʼyo sa aking ama ang tungkol sa karangalang nakamit ko rito sa Egipto at ang lahat ng nakita ninyo tungkol sa akin. At dalhin nʼyo siya agad dito sa akin.”

14 Pagkatapos, niyakap ni Jose ang kanyang kapatid na si Benjamin, umiiyak siya habang nakayakap kay Jose. 15 Pagkatapos, pinaghahagkan ni Jose ang lahat ng kapatid niya at patuloy siyang umiiyak sa kanila. Pagkatapos noon ay nakipag-usap sa kanya ang mga kapatid niya.

16 Nang makarating ang balita sa palasyo ng Faraon na dumating ang mga kapatid ni Jose, natuwa ang Faraon at ang kanyang mga opisyal. 17 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Sabihin mo sa mga kapatid mo na kargahan nila ng pagkain ang mga hayop nila at bumalik sa lupain ng Canaan. 18 Pagkatapos, dalhin nila rito ang kanilang ama at ang kani-kanilang pamilya, dahil ibibigay ko sa kanila ang pinakamagandang lupain sa Egipto at matitikman nila ang pinakamagandang ani nito.

19 “Sabihin mo rin sa kanila na magdala sila ng mga karwahe mula rito sa Egipto para masakyan ng mga asawaʼt anak nila sa paglipat nila rito. At dalhin nila rito ang kanilang ama. 20 Huwag na silang manghinayang sa mga ari-arian nilang maiiwan dahil ang magagandang bagay sa buong Egipto ay magiging sa kanila.”

21 Ginawa ito ng mga anak ni Jacob. At ayon sa utos ng Faraon, binigyan ni Jose ang mga kapatid niya ng mga karwahe at pinabaunan ng pagkain sa kanilang paglalakbay. 22 Binigyan din niya ang bawat isa sa kanila ng damit; pero ang ibinigay niya kay Benjamin ay limang damit at 300 pirasong pilak. 23 Pinadalhan din niya ang kanyang ama ng sampung asnong may mga kargang pinakamagandang ani mula sa Egipto, at sampung babaeng asno na may mga kargang trigo, tinapay at mga baon ng kanyang ama sa paglalakbay. 24 Nang pinaalis na niya ang kanyang mga kapatid, sinabi niyang huwag silang mag-aaway sa daan.

25 Kaya umalis sila sa Egipto at bumalik sa kanilang ama sa Canaan. 26 Pagdating nila roon, sinabi nila sa kanilang ama na buhay pa si Jose, at siya pa nga ang tagapamahala ng buong Egipto. Natulala si Jacob; hindi siya makapaniwala. 27 Pero nang sinabi nila sa kanya ang lahat ng sinabi ni Jose sa kanila, at nang makita niya ang mga karwahe na ipinadala ni Jose para sa pagpunta niya sa Egipto, bigla siyang lumakas. 28 Sinabi ni Jacob, “Naniniwala na ako! Ang anak kong si Jose ay buhay pa. Pupuntahan ko siya bago ako mamatay.”

Mateo 14:13-36

Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(A)

13 Nang mabalitaan iyon ni Jesus, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang tahimik na lugar. Nang malaman ng mga tao mula sa ibaʼt ibang bayan na nakaalis na si Jesus, lumakad sila patungo sa lugar na pupuntahan niya. 14 Kaya nang bumaba si Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila at pinagaling niya ang mga may sakit sa kanila.

15 Nang gumagabi na, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Nasa ilang na lugar po tayo at dumidilim na. Paalisin nʼyo na po ang mga tao para makapunta sila sa mga nayon at nang makabili ng pagkain nila.” 16 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na nila kailangang umalis. Kayo ang magpakain sa kanila.” 17 Sumagot sila, “Mayroon lang po tayong limang tinapay at dalawang isda.” 18 “Dalhin ninyo ang mga ito sa akin,” ang sabi ni Jesus. 19 Inutusan niya ang mga tao na maupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ibinigay naman nila ito sa mga tao. 20 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng 12 basket. 21 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 5,000, maliban pa sa mga babae at mga bata.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)

22 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 23 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siyang mag-isa sa isang bundok para manalangin. Inabot na siya roon ng gabi. 24 Nang oras na iyon, malayo na ang bangkang sinasakyan ng mga tagasunod niya. Sinasalpok ng malalaking alon ang bangka nila dahil pasalungat ito sa hangin. 25 Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. 26 Pagkakita ng mga tagasunod na may naglalakad sa tubig, kinilabutan sila. At napasigaw sila ng “Multo!” dahil sa matinding takot. 27 Pero agad na nagsalita si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” 28 Sumagot si Pedro sa kanya, “Panginoon, kung kayo nga iyan, papuntahin nʼyo ako riyan na naglalakad din sa tubig.” 29 “Halika,” sabi ni Jesus. Kaya bumaba si Pedro sa bangka at naglakad sa tubig patungo kay Jesus. 30 Pero nang mapansin niyang malakas ang hangin, natakot siya at unti-unting lumubog. Kaya sumigaw siya, “Panginoon, iligtas nʼyo ako!” 31 Agad naman siyang inabot ni Jesus at sinabi, “Kay liit ng pananampalataya mo. Bakit ka nag-alinlangan?” 32 Pagkasakay nilang dalawa sa bangka, biglang tumigil ang malakas na hangin. 33 At sinamba siya ng mga nasa bangka at sinabi, “Talagang kayo nga po ang Anak ng Dios.”

Pinagaling ni Jesus ang mga May Sakit sa Genesaret(C)

34 Nang makatawid sila ng lawa, dumaong sila sa bayan ng Genesaret. 35 Nakilala ng mga taga-roon si Jesus at ipinamalita nila sa mga karatig lugar na naroon siya. Kaya dinala ng mga tao kay Jesus ang mga may sakit sa kanila. 36 Nakiusap sila kay Jesus na kung maaari ay pahipuin niya ang mga may sakit kahit man lang sa laylayan[a] ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahipo ay gumaling.

Salmo 18:37-50

37 Hinabol ko ang aking mga kalaban at inabutan ko sila,
    at hindi ako tumigil hanggang sa naubos ko sila.
38 Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,
    at hindi na makabangon sa aking paanan.
39 Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,
    kaya natalo ko ang aking mga kalaban.
40 Dahil sa inyo, umatras ang aking mga kaaway na may galit sa akin,
    at silaʼy pinatay ko.
41 Humingi sila ng tulong, ngunit walang sinumang tumulong.
    Tumawag din sila sa inyo Panginoon, ngunit kayoʼy hindi tumugon.
42 Dinurog ko sila hanggang sa naging alikabok na lang na inililipad ng hangin,
    at tinatapak-tapakan na parang putik sa kalsada.
43 Akoʼy iniligtas nʼyo sa mga rebelde,
    at ginawa nʼyo akong pinuno ng maraming bansa.
    Kahit akoʼy hindi nila kilala, pinaglingkuran nila ako.
44 Yumuyukod sila sa aking harapan.
    Naririnig pa lang nila ang tungkol sa akin, sumusunod agad sila sa utos ko.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
    kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan na nanginginig sa takot.
46 Buhay kayo, Panginoon!
    Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
    O Dios na aking batong kanlungan at Tagapagligtas!
47 Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,
    at ipinasailalim mo ang mga bansa sa aking kapangyarihan.
48 Inililigtas nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
    at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.
49 Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa.
    O Panginoon, aawitan ko kayo ng mga papuri.
50 Sa hinirang nʼyong hari ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
    Ang inyong pagmamahal ay ipinadama nʼyo kay David at sa kanyang lahi magpakailanman.

Kawikaan 4:11-13

11 Tinuruan na kita ng karunungan, kung paano mamuhay sa katuwiran. 12 Kung susundin mo ito, walang makakasagabal sa buhay mo at maliligtas ka sa anumang kapahamakan. 13 Huwag mong kalilimutan ang pagtutuwid ko sa iyong pag-uugali; ingatan mo ito sa puso mo sapagkat mabubuhay ka sa pamamagitan nito.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®