The Daily Audio Bible
Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.
Ang Pangako ng Dios na Ililigtas ang mga Israelita
22 Bumalik si Moises sa Panginoon at nanalangin, “O Panginoon, bakit nʼyo po pinahihirapan ang inyong mga mamamayan? Bakit pa ninyo ako isinugo sa kanila? 23 Mula nang sinabi ko sa Faraon ang mensahe ninyo, lalo pa niyang pinagmalupitan ang inyong mga mamamayan, at hindi nʼyo man lang sila iniligtas.”
6 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Faraon. Dahil sa kapangyarihan ko, papayagan niyang umalis kayo sa bayan niya. Itataboy pa nga niya kayo.”
2 Sinabi pa ng Dios kay Moises, “Ako ang Panginoon. 3 Nagpakita ako kina Abraham, Isaac, at Jacob bilang Makapangyarihang Dios, pero hindi ko ipinakilala sa kanila ang pangalan kong Panginoon. 4 Gumawa ako ng kasunduan sa kanila, na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan kung saan sila nanirahan bilang mga dayuhan. 5 Narinig ko ang hinaing ng mga Israelita na inaalipin ng mga Egipcio at inalala ko ang kasunduan ko sa kanila.
6 “Kaya sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako ang Panginoon. Palalayain ko kayo sa pagkaalipin sa Egipto. Sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, matinding parusa ang ibibigay ko sa mga Egipcio, at ililigtas ko kayo sa pagkaalipin. 7 Ituturing ko kayong mga mamamayan at akoʼy magiging Dios ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon na inyong Dios na nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Egipto. 8 Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako kong ibibigay kina Abraham, Isaac, at Jacob. Ibibigay ko ito sa inyo bilang pag-aari ninyo. Ako ang Panginoon.’ ”
9 Sinabi ito ni Moises sa mga Israelita pero hindi sila naniwala sa kanya dahil nawalan na sila ng pag-asa sa sobrang pagpapahirap sa kanila bilang mga alipin.
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 11 “Lumakad ka at sabihin sa Faraon na hari ng Egipto na payagan na niyang umalis ang mga Israelita sa bayan niya.”
12 Pero sinabi ni Moises sa Panginoon, “Kung ang mga Israelita nga poʼy hindi nakikinig sa akin, ang Faraon pa kaya? Lalo naʼt hindi ako magaling magsalita!”
13 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa mga Israelita at sa Faraon na hari ng Egipto na inutusan ko kayong pangunahan ang mga Israelita para lumabas ng Egipto.”
Ang mga Ninuno nina Moises at Aaron
14 Ito ang mga ninuno ng mga sambahayan na nagmula sa lahi ng Israel:
Ang mga anak na lalaki ni Reuben, na panganay na anak ni Israel ay sina Hanoc, Palu, Hezron at Carmi. Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan na nagmula kay Reuben.
15 Ang mga anak na lalaki ni Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar at Shaul. (Si Shaul ang anak ni Simeon sa isang Cananea.) Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan na nagmula kay Simeon.
16 Ang mga anak na lalaki ni Levi ayon sa kasaysayan ng lahi niya ay sina Gershon, Kohat at Merari. Nabuhay si Levi ng 137 taon.
17 Ang mga anak na lalaki ni Gershon ay sina Libni at Shimei.
18 Ang mga anak na lalaki ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. Nabuhay si Kohat ng 133 taon.
19 Ang mga anak na lalaki ni Merari ay sina Mahli at Mushi. Ang mga angkan nila ay nagmula kay Levi ayon sa kasaysayan ng lahi niya.
20 Napangasawa ni Amram si Jochebed na kapatid ng kanyang ama. Ang kanilang mga anak na lalaki ay sina Aaron at Moises. Nabuhay si Amram ng 137 taon.
21 Ang mga anak na lalaki ni Izar ay sina Kora, Nefeg at Zicri.
22 Ang mga anak na lalaki ni Uziel ay sina Mishael, Elzafan at Sitri.
23 Napangasawa ni Aaron si Elisheba na anak ni Aminadab at kapatid ni Nashon. Ang mga anak nilang lalaki ay sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar.
24 Ang mga anak na lalaki ni Kora ay sina Asir, Elkana at Abiasaf. Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan nagmula kay Kora.
25 Si Eleazar na anak ni Aaron ay nakapag-asawa ng isa sa mga anak ni Putiel. Ang kanilang anak na lalaki ay si Finehas.
Sila ang mga ninuno ng pamilyang nagmula kay Levi.
26 Ang Aaron at Moises na nabanggit sa listahang ito ay ang Aaron at Moises na inutusan ng Panginoon na manguna sa pagpapalaya ng bawat lahi ng Israel sa Egipto. 27 Sila ang nakipag-usap sa Faraon na hari ng Egipto na palayain ang mga Israelita sa Egipto.
Inutusan ng Panginoon si Aaron na Magsalita para kay Moises
28 Nang nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises sa Egipto, 29 sinabi niya kay Moises, “Ako ang Panginoon. Sabihin ninyo sa Faraon na hari ng Egipto ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”
30 Pero sinabi ni Moises sa Panginoon, “Hindi po ako magaling magsalita, kaya hindi makikinig ang Faraon sa akin.”
7 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makinig ka! Gagawin kitang parang Dios sa Faraon. Makikipag-usap ka sa kanya sa pamamagitan ng kapatid mong si Aaron. 2 Sabihin mo kay Aaron ang lahat ng sinabi ko sa iyo at ipasabi mo ito sa kanya sa Faraon. Sasabihin niya sa Faraon na palayain ang mga Israelita sa kanyang bayan. 3 Pero patitigasin ko ang puso ng Faraon at kahit na gumawa pa ako ng maraming himala at mga kamangha-manghang bagay sa Egipto, 4 hindi siya makikinig sa iyo. Pagkatapos, parurusahan ko nang matindi ang Egipto, at palalayain ko ang bawat lahi ng Israel na mga mamamayan ko. 5 Kapag naparusahan ko na ang mga Egipcio at napalabas na ang mga Israelita sa kanilang bansa, malalaman nilang ako ang Panginoon.”
6 Sinunod nila Moises at Aaron ang iniutos ng Panginoon sa kanila. 7 Si Moises ay 80 taong gulang at si Aaron ay 83 naman nang makipag-usap sila sa Faraon.
8 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 9 “Kapag sinabi ng Faraon na gumawa kayo ng himala, sabihin mo Moises kay Aaron, ‘Ihagis mo ang baston sa harap ng Faraon,’ at magiging ahas ito.”
10 Kaya pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at ginawa ang sinabi ng Panginoon. Inihagis ni Aaron ang baston niya sa harap ng Faraon at ng kanyang mga opisyal, at naging ahas ito. 11 Ipinatawag naman ng Faraon ang kanyang matatalinong tao at mga salamangkero. Sa pamamagitan ng kanilang salamangka, nagawa rin nila ang ganoong himala. 12 Inihagis ng bawat isa sa kanila ang mga baston nila at naging ahas din ang mga ito. Pero nilunok ng ahas ni Aaron ang mga ahas nila. 13 Pero nagmatigas pa rin ang puso ng Faraon at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya na rin ng sinabi ng Panginoon.
Naging Dugo ang Tubig sa Ilog Nilo
14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Matigas pa rin ang puso ng Faraon; hindi niya pinaalis ang mga mamamayan ng Israel. 15 Kaya puntahan mo bukas ng umaga ang Faraon habang papunta siya sa Ilog Nilo. Dalhin mo ang baston na naging ahas at makipagkita ka sa kanya sa pampang ng ilog. 16 Sabihin mo sa kanya, ‘Inutusan po ako ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo, na sabihin ito sa inyo: Paalisin mo ang mamamayan ko para makasamba sila sa akin sa ilang. Pero hanggang ngayon, hindi mo ito sinusunod. 17 Ako, ang Panginoon ay nagsasabing, sa pamamagitan ng gagawin ko, malalaman mo na ako ang Panginoon. Sa pamamagitan ng bastong ito, hahampasin ko ang tubig ng Nilo at magiging dugo ang tubig. 18 Mamamatay ang mga isda, at babaho ang ilog, at hindi na makakainom dito ang mga Egipcio.’ ”
19 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na iunat niya ang kanyang baston sa lahat ng tubig ng Egipto: sa mga ilog, sapa, kanal at sa lahat ng pinag-iipunan ng tubig, at magiging dugo ang lahat ng ito. Ganito ang mangyayari sa buong lupain ng Egipto. Kahit na ang mga tubig sa mga sisidlang kahoy o bato ay magiging dugo.”
20 Sinunod nila Moises at Aaron ang iniutos ng Panginoon. Habang nakatingin ang Faraon at ang kanyang mga opisyal, itinaas ni Aaron ang kanyang baston at hinampas ang Ilog ng Nilo, at naging dugo ang tubig. 21 Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog, kaya hindi nakainom ang mga Egipcio. Naging dugo ang lahat ng tubig sa Egipto.
22 Nagawa rin ito ng mga Egipciong salamangkero sa pamamagitan ng kanilang salamangka, kaya nagmatigas pa rin ang puso ng Faraon. Hindi pa rin siya nakinig kila Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon. 23 Bumalik ang Faraon sa palasyo niya at hindi pinansin ang nangyari. 24 Naghukay ang mga Egipcio sa palibot ng ilog para makakuha ng tubig na inumin dahil hindi nila mainom ang tubig sa ilog.
Ang Salot na mga Palaka
25 Pagkaraan ng pitong araw mula nang hampasin ng Panginoon ang Ilog ng Nilo sa pamamagitan ni Aaron.
Ang Talinghaga tungkol sa Utusan na Ayaw Magpatawad
21 Lumapit si Pedro kay Jesus at nagtanong, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid na laging nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?” 22 Sumagot si Jesus, “Hindi lang pitong beses kundi 77 beses. 23 Sapagkat ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang hari na nagpatawag sa mga alipin niya para singilin sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan na niya ang paniningil, dinala sa kanya ang isang alipin na nagkautang sa kanya ng milyon-milyon. 25 Dahil hindi siya makabayad, iniutos ng hari na ipagbili siya bilang alipin, pati ang kanyang asawaʼt mga anak, at lahat ng ari-arian niya, para mabayaran ang kanyang utang. 26 Nagmamakaawang lumuhod ang aliping iyon sa hari, ‘Bigyan nʼyo pa po ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ 27 Naawa sa kanya ang hari, kaya pinatawad na lang siya sa kanyang utang at pinauwi.
28 “Pagkaalis ng aliping iyon, nakasalubong niya ang isang kapwa alipin na nagkakautang sa kanya ng kaunting halaga. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay sabi, ‘Bayaran mo ang utang mo sa akin.’ 29 Lumuhod ang kapwa niya alipin at nagmakaawa, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kita.’ 30 Pero hindi siya pumayag. Sa halip, ipinakulong niya ang kapwa niya alipin hanggang sa makabayad ito. 31 Nang makita ito ng iba pang utusan, sumama ang loob nila, kaya pumunta sila sa hari at isinumbong ang lahat ng nangyari. 32 Ipinatawag ng hari ang alipin at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mong utusan! Pinatawad kita sa utang mo dahil nagmakaawa ka sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka rin sa kapwa mo alipin gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ 34 Sa galit ng hari, ipinakulong niya ang alipin hanggang sa mabayaran nito ang lahat ng utang niya.” 35 At pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ganyan din ang gagawin ng inyong Amang nasa langit kung hindi kayo magpapatawad nang buong puso sa inyong kapwa.”
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay(A)
19 Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang mga bagay na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa lalawigan ng Judea sa kabila ng Ilog ng Jordan. 2 Maraming tao ang sumunod sa kanya at pinagaling niya sila sa kanilang mga sakit.
3 May mga Pariseong pumunta sa kanya para hanapan siya ng butas. Kaya nagtanong sila, “Pinahihintulutan ba ng Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa kahit anong dahilan?” 4 Sumagot si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan na sa simula pa lang, nang likhain ng Dios ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae?’[a] 5 ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. At silang dalawa ay magiging isa.’[b] 6 Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Dios.” 7 Nagtanong uli ang mga Pariseo, “Pero bakit sinabi ni Moises na pwedeng hiwalayan ng lalaki ang asawa niya, bastaʼt bigyan niya ito ng kasulatan ng paghihiwalay?”[c] 8 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ipinahintulot ito ni Moises sa inyo dahil sa katigasan ng ulo ninyo. Ngunit hindi iyan ang layunin ng Dios mula sa simula. 9 Kaya sinasabi ko sa inyo, kung hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa anumang dahilan maliban sa sekswal na imoralidad, at pagkatapos ay mag-asawa ng iba, nagkasala siya ng pangangalunya. [At ang nag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.]”
10 Sinabi ng mga tagasunod ni Jesus, “Kung ganyan po pala ang panuntunan sa pag-aasawa, mabuti pang huwag na lang mag-asawa.” 11 Sumagot si Jesus, “Hindi matatanggap ng lahat ang turong ito, maliban na lang sa mga taong pinagkalooban nito. 12 May ibaʼt ibang dahilan kung bakit ang ilan ay hindi nag-aasawa. May iba na ipinanganak na sadyang baog. Ang ibaʼy hindi makakapag-asawa dahil sinadyang kapunin. At may iba naman ay ayaw mag-asawa dahil sa pagpapahalaga nila sa kaharian ng Dios. Kung kaya ng sinuman na hindi mag-asawa, huwag na siyang mag-asawa.”
Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol
23 Ang Panginoon ang aking pastol,
hindi ako magkukulang ng anuman.
2 Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
3 Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
upang siyaʼy aking maparangalan.
4 Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
dahil kayo ay aking kasama.
Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
5 Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
6 Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.
22 Ang masamang tao ay bihag ng kanyang kasamaan, para itong bitag na huhuli sa kanya. 23 Maliligaw siya dahil sa kanyang kamangmangan, at mamamatay dahil ayaw niyang itinutuwid.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®