The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Toldang Sambahan(A)
26 “Magpagawa ka ng Toldang Sambahan. Ito ang mga gagamitin sa paggawa nito: sampung piraso ng pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan ito ng kerubin sa mahuhusay na mambuburda. 2 Kailangang magkakasukat ang bawat tela na may habang 42 talampakan at may lapad na anim na talampakan. 3 Pagdugtong-dugtungin ninyo ito ng tiglilima. 4 At pagawan mo ng parang singsing na telang asul ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela, 5 at tig-50 na parang singsing na tela sa bawat dulo at kailangan magkatapat sa isaʼt isa. 6 Magpagawa ka ng 50 kawit na ginto para mapagkabit ang parang mga singsing na tela sa dalawang pinagsamang tela. Sa pamamagitan nito, magagawa ang Toldang Sambahan.
7 “Pagawan mo ng talukbong ang Tolda. Labing-isang pirasong tela na gawa sa balahibo ng kambing ang gagamitin sa paggawa nito. 8 Kailangang may haba na 45 talampakan ang bawat tela at anim na talampakan ang lapad. 9 Pagdugtong-dugtungin mo ang limang tela at ganoon din ang gawin sa natirang anim. Ang ikaanim naman ay tutupiin at ilalagay sa harap ng tolda. 10 Palagyan mo rin ito ng 50 parang singsing na tela ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela, 11 at ikabit dito ang 50 tansong kawit. 12 Ilaylay mo sa likod ng Tolda ang kalahati ng sobrang tela, 13 at ilaylay din sa bawat gilid ang isaʼt kalahating talampakan ng tela na sobra sa pangtalukbong ng Tolda. 14 Ang ibabaw ng talukbong ng Tolda ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat.[a]
15 “Dapat ang balangkas ng Tolda ay tablang akasya. 16 Ang haba ng bawat tabla ay 15 talampakan at ang lapad ay dalawang talampakan. 17 Ang bawat tabla ay nilagyan ng dalawang mitsa[b] para maidugtong ito sa isa pang tabla. Ganito ang ginawa nila sa bawat tabla. 18 Ang 20 sa mga tablang ito ay gagamitin sa pagtatayo ng Tolda sa timog na bahagi. 19 Ang mga tablang ito ay isinuksok sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. 20 Ang hilagang bahagi ng Tolda ay gagamitan din ng 20 tabla, 21 at isinuksok din sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. 22 Ang bandang kanlurang bahagi naman ng Tolda ay ginamitan nila ng anim na tabla, 23 at dalawang tabla sa mga gilid nito. 24 Pagdugtungin ang mga tabla sa mga sulok mula sa ilalim hanggang sa itaas. Kailangang ganito rin ang gawin sa dalawang tabla sa mga gilid. 25 Kaya may walong tabla sa bahaging ito ng Tolda, at nakasuksok ito sa 16 na pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla.
26 “Magpagawa ka rin ng mga akasyang biga – lima para sa bahaging hilaga ng Tolda, 27 lima rin sa bahaging timog, at lima pa rin sa bahaging kanluran sa likod ng Tolda. 28 Ang biga sa gitna ng balangkas ay manggagaling sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo. 29 Pabalutan ng ginto ang mga tabla at palagyan ng mga argolyang[c] ginto na pagsusuotan ng mga biga, pabalutan din ng ginto ang mga biga.
30 “Kailangang ipatayo mo ang Toldang Sambahan ayon sa planong sinabi ko sa iyo rito sa bundok.
31 “Magpagawa ka rin ng kurtina na gawa sa pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan mo ito ng kerubin. 32 Ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa apat na haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang apat na haliging ito ay nakasuksok sa apat na pundasyong pilak. 33 Kapag nakabit na ang kurtina sa mga kawit, ilagay sa likod nito ang Kahon ng Kasunduan. Ang kurtina ang maghihiwalay sa Banal na Lugar at sa Pinakabanal na Lugar. 34 Ang Kahon ng Kasunduan ay dapat ilagay sa Pinakabanal na Lugar at dapat may takip ito. 35 Ilagay ang mesa sa labas ng Pinakabanal na Lugar, sa hilagang bahagi ng Tolda, at sa bandang timog, ilagay sa tapat ng mesa ang lalagyan ng ilaw.
36 “Magpagawa ka ng isa pang kurtina para sa pintuan ng Toldang Sambahan. Pinong telang linen rin ito na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. 37 Pagkatapos, ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa limang haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang limang haliging ito ay nakasuksok sa limang pundasyong tanso.
Ang Altar na Pagsusunugan ng Handog(B)
27 “Magpagawa ka ng altar na gawa sa akasya. Pitoʼt kalahating talampakan ang haba, pitoʼt kalahating talampakan din ang lapad, at apat at kalahating talampakan ang taas. 2 Palagyan ito ng parang mga sungay sa apat na sulok, na kasama nang ginawa nang gawin ang altar. Pabalutan ng tanso ang altar. Ang lahat ng kagamitan ng altar ay kailangang gawa sa tanso – 3 ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, malalaking tinidor para sa karne at mga lalagyan ng baga. 4 Magpagawa ka rin ng parilyang tanso para sa altar, at lagyan ito ng argolyang[d] tanso sa bawat sulok. 5 Pagkatapos, ilagay mo ito sa ilalim ng altar, sa patungan nito sa bandang gitna ng altar. 6 Magpagawa ka rin ng tukod na pambuhat sa altar. Kailangang galing ito sa kahoy na akasya, at nababalutan ng tanso. 7 Ipasok ang tukod sa argolya sa bawat gilid ng altar para mabuhat ang altar. 8 Ang ipapagawa mong altar ay tabla at dapat bakante sa loob. Ipagawa ito ayon sa planong sinabi ko sa iyo roon sa bundok.
Ang Bakuran ng Toldang Sambahan(C)
9 “Palagyan ng bakuran ang Toldang Sambahan, at palibutan ito ng kurtina na gawa sa pinong telang linen. Ang haba ng kurtina sa bandang timog ay 150 talampakan. 10 Ikabit ang kurtina sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa baras na pilak sa mga haligi. 11 Ang kurtina sa bandang hilaga ay 150 talampakan din ang haba. Ikabit din ito sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pagkakabitan ng mga kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.
12 “Ang kurtina sa bandang kanluran ay may sukat na 75 talampakan ang haba at nakakabit ito sa sampung haligi na nakasuksok sa sampung pundasyon. 13 Ang kurtina sa bandang silangan ay 75 talampakan ang haba. 14 Ang pintuan ng bakuran ay nasa silangan, at may mga kurtina rin ito sa gilid. Ang kurtina sa kanan ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 15 Ang kurtina sa kaliwa ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit din ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon.
16 “Ang pintuan ng bakuran ay palagyan mo ng kurtina na 30 talampakan ang haba. Kailangang gawa ang kurtina mula sa pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. Kailangang napakaganda ng pagkakaburda nito. Pagkatapos, isabit ang kurtina sa apat na haligi na nakasuksok sa apat na pundasyon. 17 Kailangang may kawit at baras na pilak ang lahat ng haligi sa palibot ng bakuran, at kailangan ding may mga tansong pundasyon. 18 Ang buong sukat ng bakuran ay 150 talampakan ang haba at 75 talampakan ang lapad. Napapalibutan ito ng kurtinang pinong telang linen, na pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Ang mga haligi nito ay nakasuksok sa mga pundasyong tanso. 19 Kailangang purong tanso ang lahat ng kagamitan sa Toldang Sambahan pati na ang lahat ng tulos ng Tolda at sa bakuran nito.
Ang Pangangalaga sa Ilawan ng Toldang Sambahan(D)
20 “Utusan mo ang mga Israelita na dalhan ka nila ng purong langis na mula sa pinigang olibo para sa mga ilaw ng Tolda, para tuloy-tuloy ang pag-ilaw nito. 21 Ilagay ang lalagyan ng ilaw sa labas ng kurtina na tumatakip sa Kahon ng Kasunduan. Si Aaron at ang mga anak niyang lalaki ang mag-aasikaso sa mga ilaw sa Toldang Tipanan.[e] Sisindihan nila ito sa aking presensya araw at gabi. Ang tuntuning itoʼy dapat sundin ng mga Israelita at ng susunod pa nilang mga henerasyon.
Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Dalaga
25 “Ang paghahari ng Dios sa araw na iyon ay maitutulad sa kwentong ito: May sampung dalagang lumabas na may dalang ilawan upang salubungin ang lalaking ikakasal. 2 Ang lima sa kanilaʼy mangmang, at ang limaʼy marurunong. 3 Ang mga mangmang ay nagdala ng ilawan pero hindi nagdala ng reserbang langis, 4 habang ang marurunong naman ay nagdala ng reserbang langis para sa kanilang mga ilawan. 5 Natagalan ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya ang mga dalaga ay nakatulog sa paghihintay.
6 “Nang hatinggabi na, biglang may sumigaw, ‘Nariyan na ang ikakasal! Halikayoʼt salubungin ninyo!’ 7 Nagising ang sampung dalaga at inihanda ang kani-kanilang ilawan. 8 Sinabi ng mga mangmang sa marurunong, ‘Pahingi naman ng kaunting langis; malapit na kasing mamatay ang mga ilawan namin.’ 9 Sumagot sila, ‘Hindi pwede, dahil hindi magkakasya sa atin ang langis. Pumunta na lang kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo.’ 10 Kaya umalis ang mga mangmang na dalaga para bumili ng kanilang langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay sumama sa kanya sa handaan. Pagpasok nila, isinara ang pintuan.
11 “Maya-mayaʼy dumating na ang limang mangmang na dalaga at nagsisigaw, ‘Papasukin nʼyo po kami.’ 12 Pero sumagot ang lalaki, ‘Hindi ko kayo kilala.’ ” 13 At sinabi ni Jesus, “Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng aking pagbabalik.”
Ang Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin(A)
14 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong papunta sa malayong lugar. Kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang pera niya.[a] 15 Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kanilang kakayahang magnegosyo. Binigyan niya ang isa ng 5,000, ang isa naman ay 2,000, at sa isa pa ay 1,000. Pagkatapos ay umalis na siya. 16 Ang alipin na binigyan ng 5,000 ay kaagad na umalis at ginamit sa negosyo ang pera. At tumubo siya ng 5,000. 17 Ganoon din ang ginawa ng alipin na binigyan ng 2,000. At tumubo siya ng 2,000. 18 Pero ang alipin na binigyan ng 1,000 ay naghukay sa lupa at itinago roon ang pera.
19 “Pagkalipas ng mahabang panahon, bumalik ang amo nila at ipinatawag sila upang magbalita tungkol sa perang ipinagkatiwala sa kanila. 20 Lumapit ang alipin na nakatanggap ng 5,000 at sinabi, ‘Heto po ang 5,000 na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang 5,000 na tinubo ko.’ 21 Sumagot ang amo niya, ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi sa aking kaligayahan!’ 22 Pagkatapos, lumapit naman ang alipin na binigyan ng 2,000 at sinabi niya, ‘Heto po ang 2,000 na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang 2,000 na tinubo ko.’ 23 Sumagot ang kanyang amo: ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi rin sa aking kaligayahan!’ 24 Lumapit din ang alipin na binigyan ng 1,000 at sinabi sa kanyang amo, ‘Alam ko pong mabagsik kayo at walang awa. Inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim, at kinukuha ninyo ang pinaghirapan ng iba. 25 Natakot po ako kaya ibinaon ko ang pera nʼyo sa lupa. Heto po ang 1,000 na ibinigay nʼyo sa akin.’ 26 Sumagot ang kanyang amo, ‘Masama at tamad na alipin! Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim, at kinukuha ko ang pinaghirapan ng iba. 27 Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay may makuha akong interes?’ 28 Kaya sinabi niya sa iba pang mga utusan, ‘Kunin ninyo sa kanya ang 1,000 at ibigay sa mayroong 10,000. 29 Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa ng mas marami, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 30 Itapon ninyo ang walang silbing alipin na iyan sa kadiliman sa labas. Doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ ”
Dalangin ng Pagtitiwala
31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako.
Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo.
2 Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.
Kayo ang aking batong kanlungan,
at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan.
3 Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan,
pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan.
4 Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,
dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.
5 Ipinauubaya ko sa inyo ang aking sarili.
Iligtas nʼyo ako, Panginoon,
dahil kayo ang Dios na maaasahan.
6 Panginoon, namumuhi ako sa mga sumasamba sa mga dios-diosan na walang kabuluhan,
dahil sa inyo ako nagtitiwala.
7 Akoʼy magagalak sa inyong pag-ibig,
dahil nakita nʼyo ang aking pagdurusa,
at nalalaman nʼyo ang tinitiis kong kahirapan.
8 Hindi nʼyo ako ibinigay sa aking mga kaaway,
sa halip iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan.
Papuri sa Karunungan
8 Ang karunungan at pang-unawa ay katulad ng taong nangangaral. 2 Tumatayo siya sa matataas na lugar sa tabi ng daan, sa mga kanto, 3 sa mga pintuan ng lungsod at mga daanan. Nangangaral siya nang malakas,
4 “Kayong mga tao sa buong mundo, pakinggan ninyo ang aking panawagan.
5 Kayong mga walang alam, magkaroon kayo ng karunungan.
Kayong mga mangmang magkaroon kayo ng pang-unawa.
6 Makinig kayo sa sasabihin ko, sapagkat ito ay tama at kapaki-pakinabang.
7 Ang sinasabi ko ay pawang katotohanan lamang; sa nagsasalita ng masama ako ay nasusuklam.
8 Pawang matuwid ang sinasabi ko; hindi ako nagsasalita ng kasinungalingan o pandaraya.
9 Ang lahat ng sinasabi ko ay malinaw at pawang tama sa taong may pang-unawa.
10 Pahalagahan ninyo ang karunungan at ang pagtutuwid ko sa inyong ugali kaysa sa pilak at ginto.
11 Sapagkat higit na mahalaga ang karunungan kaysa sa mamahaling hiyas at hindi ito matutumbasan ng mga bagay na hinahangad mo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®