Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 4-5

Ang Handog sa Paglilinis

1-2 Nag-utos din ang Panginoon kay Moises na sabihin sa mga taga-Israel na ang sinumang makalabag sa kanyang utos nang hindi sinasadya ay kinakailangang gawin ito:

Kung ang punong pari ang nagkasala ng hindi sinasadya at dahil dito ay nadamay ang mga tao, maghahandog siya sa Panginoon ng isang batang toro na walang kapintasan bilang handog sa paglilinis. Dadalhin niya ang toro sa presensya ng Panginoon doon sa pintuan ng Toldang Tipanan. At ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng toro at saka niya ito papatayin. Kukuha ng dugo ng toro ang punong pari at dadalhin niya sa loob ng Tolda. Ilulubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik ng pitong beses sa harap ng tabing na tumatabing sa Pinakabanal na Lugar, sa presensya ng Panginoon. Pagkatapos, papahiran niya ng dugo ang parang sungay sa mga sulok ng altar na pagsusunugan ng insenso sa loob ng Tolda sa presensya ng Panginoon. At ang natitirang dugo ng toro ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar na pagsusunugan ng handog na sinusunog. Ang altar na itoʼy malapit sa pintuan ng Tolda. Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba sa lamang-loob ng toro, ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 10 (Ganito rin ang gagawin sa hayop na handog para sa mabuting relasyon.) Pagkatapos, ang mga itoʼy susunugin ng pari sa altar na pinagsusunugan ng handog na sinusunog. 11-12 Pero ang natitirang bahagi ng hayop, katulad ng balat, laman, ulo, mga paa at nasa loob ng tiyan, pati na ang lamang-loob,[a] ay dadalhin sa labas ng kampo at susunugin sa lumalagablab na siga ng mga kahoy, doon sa itinuturing na malinis na lugar na pinagtatapunan ng abo.

13 Kung ang buong mamamayan ng Israel ay makalabag sa utos ng Panginoon nang hindi sinasadya, sila ay nagkasala pa rin kahit hindi nila ito nalalaman. 14 Kapag alam na nila na silaʼy nagkasala nga, ang lahat ng mamamayan ay maghahandog ng batang toro bilang handog sa paglilinis. Dadalhin nila ang toro sa Toldang Tipanan. 15 Pagkatapos, ipapatong ng mga tagapamahala ng Israel ang kanilang kamay sa ulo ng toro at saka papatayin sa presensya ng Panginoon. 16 Kukuha ng dugo ng toro ang punong pari at dadalhin niya sa loob ng Tolda. 17 At ilulubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik ng pitong beses sa tabing na tumatabing sa Pinakabanal na Lugar, sa presensya ng Panginoon. 18 Pagkatapos, papahiran niya ng dugo ang parang sungay sa mga sulok ng altar na nasa loob ng Tolda sa presensya ng Panginoon. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar na pinagsusunugan ng handog na sinusunog. Ang altar na itoʼy malapit sa pintuan ng Tolda. 19-21 At ang gagawin niya sa toro na itoʼy katulad din ng ginawa niya sa torong handog sa paglilinis. Kukunin niya ang lahat ng taba ng toro at susunugin sa altar, at susunugin ang toro sa labas ng kampo. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng punong pari, ang mga taga-Israel ay matutubos sa kanilang mga kasalanan at patatawarin ng Panginoon ang mga kasalanan nila. Ito ang handog sa paglilinis para sa buong sambayanan ng Israel.

22 Kung ang isang pinuno ay nakalabag sa utos ng Panginoon na kanyang Dios nang hindi sinasadya, nagkasala pa rin siya. 23 At kapag nalaman niya na siya pala ay nagkasala, maghahandog siya ng isang lalaking kambing na walang kapintasan. 24 Ito ay handog para sa paglilinis ng kanyang kasalanan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing at papatayin ito sa presensya ng Panginoon sa dakong pinagpapatayan ng mga hayop na inihahandog bilang handog na sinusunog. 25 Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. 26 Susunugin niya ang lahat ng taba sa altar katulad ng kanyang ginawa sa mga taba ng hayop na handog para sa mabuting relasyon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

27 Kung ang isang pangkaraniwang tao ay makalabag sa alin mang utos ng Panginoon nang hindi sinasadya, nagkasala pa rin siya. 28 At kapag nalaman niyang siyaʼy nagkasala, maghahandog siya ng babaeng kambing na walang kapintasan para sa nagawa niyang kasalanan. 29 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing na handog sa paglilinis, at papatayin niya ito sa may Tolda, sa dakong pinagpapatayan ng mga hayop na handog na sinusunog. 30 Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. 31 Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng kambing katulad ng ginawa niya sa hayop na handog para sa mabuting relasyon. At susunugin niya sa altar ang taba at magiging mabangong samyo na handog at makalulugod sa Panginoon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, ang taoʼy matutubos at patatawarin siya ng Panginoon.

32 Kung tupa naman ang ihahandog ng tao para maging malinis siya sa kanyang kasalanan, kinakailangang itoʼy babaeng tupa na walang kapintasan. 33 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng tupa at papatayin sa Tolda sa patayan ng mga hayop na handog na sinusunog. 34 Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng tupa at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng handog na sinusunog. Ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. 35 Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng tupa katulad ng ginawa niya sa tupang handog para sa mabuting relasyon. At susunugin niya ang taba sa altar pati na ang iba pang mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

Kung ang isang taoʼy ipinatawag sa hukuman para sumaksi sa pangyayaring kanyang nakita o nalalaman, at siyaʼy tumanggi, may pananagutan siya. Kung may nakahipo ng anumang bagay na itinuturing na marumi, katulad ng mga patay na hayop na marumi,[b] siyaʼy nagkasala at naging marumi[c] kahit hindi niya alam na nakahipo siya. Kung siyaʼy nakahipo ng mga maruming bagay ng tao,[d] kahit hindi niya alam na siyaʼy naging marumi, ituturing pa ring nagkasala siya kapag nalaman niya. Kung ang isang tao ay nanumpa nang pabigla-bigla, mabuti man o masama ang isinumpa niya, siyaʼy nagkasala kapag nalaman niya ang kanyang ginawa. Kapag nalaman ng isang tao na nagkasala siya ng alinman sa mga nabanggit, kinakailangang ipahayag niya ang kanyang kasalanan. At bilang kabayaran sa kasalanang nagawa niya, maghahandog siya sa Panginoon ng babaeng tupa o kambing bilang handog sa paglilinis. Ihahandog ito ng pari para matubos siya sa kanyang kasalanan.

Pero kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, maghahandog siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. Ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Dadalhin niya ito sa pari at ang unang ihahandog ng pari ay ang handog sa paglilinis. Pipilipitin ng pari ang leeg ng ibon pero hindi ito puputulin. At ang dugo nitoʼy iwiwisik niya sa paligid ng altar, at ang natitirang dugo ay ibubuhos sa ilalim ng altar. Ito ang handog sa paglilinis. 10 Ihahandog din ng pari ang isa pang handog na sinusunog ayon sa paraan ng paghahandog nito. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para matubos ang tao sa kanyang kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

11 Pero kung hindi niya kayang maghandog ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato, maghahandog na lang siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina. Huwag niyang lalagyan ng langis at insenso dahil itoʼy handog sa paglilinis at hindi handog ng pagpaparangal. 12 Dadalhin niya ito sa pari at babawasan ng pari ng isang dakot bilang pag-alaala sa Panginoon. Ang isang dakot na iyon ay susunugin niya sa altar pati ang iba pang mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Ito ang handog sa paglilinis. 13 Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matubos ang tao sa anumang kasalanang nagawa niya at patatawarin siya ng Panginoon. Ang natirang handog na harina ay sa pari na, gaya ng ginagawa sa handog ng pagpaparangal.

Ang Handog na Pambayad ng Kasalanan

14 Ibinigay din ng Panginoon ang utos na ito kay Moises:

15 Kapag ang taoʼy lumabag sa utos ng Panginoon dahil sa hindi niya ibinigay ang anumang nauukol para sa Panginoon, kahit hindi niya sinasadya, kailangang maghandog siya ng lalaking tupa na walang kapintasan bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Itoʼy handog na pambayad ng kasalanan.[e] 16 Kinakailangan niyang bayaran ang hindi niya naibigay na nauukol sa Panginoon, at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halagang hindi niya naibigay. Ibibigay niyang lahat ito sa paring maghahandog ng tupa bilang handog na pambayad ng kanyang kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

17 Kung may tao namang lumabag sa utos ng Panginoon nang hindi niya alam, siyaʼy nagkasala pa rin at may pananagutan sa Panginoon. 18-19 Kung alam na niyang nagkasala siya, kinakailangang magdala siya sa pari ng lalaking tupa na walang kapintasan na ihahandog niya bilang pambayad sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang kasalanang hindi sinasadya at patatawarin siya ng Panginoon.

Marcos 2:13-3:6

Tinawag ni Jesus si Levi(A)

13 Muling pumunta si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea. Maraming tao ang pumunta roon sa kanya, at tinuruan niya ang mga ito. 14 Habang naglalakad siya, nakita niya ang maniningil ng buwis na si Levi na anak ni Alfeus. Nakaupo siya sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod kay Jesus.

15 Habang kumakain si Jesus at ang mga tagasunod niya sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan ang kasama nilang kumakain, dahil marami sa kanila ang sumusunod kay Jesus. 16 May mga Pariseong tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nang makita nilang kumakain si Jesus kasama ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang mga itinuturing nilang makasalanan, sinabi nila sa mga tagasunod niya, “Bakit kumakain siyang kasama ng mga taong iyan?” 17 Narinig iyon ni Jesus, kaya sinagot niya ang mga ito, “Ang mga taong walang sakit ay hindi nangangailangan ng doktor, kundi ang mga may sakit. Naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid sa kanilang sariling paningin, kundi ang mga makasalanan.”

Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno(B)

18 Nang minsang nag-aayuno ang mga tagasunod ni Juan na tagapagbautismo at ang mga Pariseo, lumapit ang ilang mga tao kay Jesus at nagtanong, “Bakit po nag-aayuno ang mga tagasunod ni Juan at ang mga Pariseo pero ang mga tagasunod nʼyo ay hindi?” 19 Sumagot si Jesus, “Maaari bang hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! 20 Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”

21 Sinabi pa ni Jesus, “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil uurong[a] ang bagong tela kapag nilabhan at lalo pang lalaki ang punit. 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at pareho itong hindi na mapapakinabangan. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat.”[b]

Ang Tanong tungkol sa Araw ng Pamamahinga(C)

23 Isang Araw ng Pamamahinga, habang dumadaan sina Jesus sa triguhan, nagsimulang mamitas ng trigo ang mga tagasunod niya. 24 Kaya sinabi sa kanya ng mga Pariseo, “Tingnan mo ang mga tagasunod mo! Bakit nila ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?” 25 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nʼyo ba nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David at ng mga kasama niya nang magutom sila at walang makain? 26 Pumasok si David sa bahay ng Dios noong si Abiatar ang punong pari. Kinain ni David ang tinapay na inihandog sa Dios, at binigyan pa niya ang mga kasamahan niya, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain nito.” 27 At sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ginawa ang Araw ng Pamamahinga para sa ikabubuti ng tao. Hindi ginawa ang tao para sa ikabubuti ng Araw ng Pamamahinga. 28 Kaya ako na Anak ng Tao ang makapagsasabi kung ano ang nararapat gawin sa Araw ng Pamamahinga.”

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(D)

Muling pumasok si Jesus sa sambahan ng mga Judio. May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Araw ng Pamamahinga noon, kaya binantayang mabuti ng mga Pariseo si Jesus kung pagagalingin niya ang lalaking iyon, upang may maiparatang sila laban sa kanya. Sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa harapan.” Pagkatapos, tinanong niya ang mga Pariseo, “Alin ba ang ipinapahintulot ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” Pero hindi sila sumagot. Galit silang tiningnan ni Jesus, pero nalungkot din siya sa katigasan ng kanilang mga puso. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. Agad na umalis ang mga Pariseo at nakipagpulong sa mga tauhan ni Haring Herodes. Pinag-usapan nila kung paano nila ipapapatay si Jesus.

Salmo 36

Ang Kasamaan ng Tao at ang Kabutihan ng Dios

36 Pumapasok sa puso ng masamang tao ang tukso ng pagsuway,
    kaya wala man lang siyang takot sa Dios.
Dahil mataas ang tingin niya sa kanyang sarili,
    hindi niya nakikita ang kanyang kasalanan para kamuhian ito.
Ang kanyang mga sinasabi ay puro kasamaan at kasinungalingan.
    Hindi na niya iniisip ang paggawa ng ayon sa karunungan at kabutihan.
Kahit siyaʼy nakahiga, nagpaplano siya ng masama.
    Napagpasyahan niyang gumawa ng hindi mabuti,
    at hindi niya tinatanggihan ang kasamaan.

Panginoon, ang inyong pag-ibig at katapatan
    ay umaabot hanggang sa kalangitan.
Ang inyong katuwiran ay kasintatag ng kabundukan.
    Ang inyong paraan ng paghatol ay sinlalim ng karagatan.
    Ang mga tao o hayop man ay inyong iniingatan, O Panginoon.
Napakahalaga ng pag-ibig nʼyong walang hanggan, O Dios!
    Nakakahanap ang tao ng pagkalinga sa inyo,
    tulad ng pagkalinga ng inahing manok
    sa kanyang mga inakay sa ilalim ng kanyang pakpak.
Sa inyong tahanan ay pinakakain nʼyo sila ng masaganang handa,
    at pinaiinom nʼyo sila sa inyong ilog ng kaligayahan.
Dahil kayo ang nagbibigay ng buhay.
    Pinapaliwanagan nʼyo kami,
    at naliliwanagan ang aming isipan.
10 Patuloy nʼyong ibigin ang mga kumikilala sa inyo,
    at bigyan nʼyo ng katarungan ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Huwag nʼyong payagang akoʼy tapakan ng mga mapagmataas
    o itaboy ng mga masasama.
12 Ang masasamang tao ay mapapahamak nga.
    Silaʼy babagsak at hindi na muling makakabangon.

Kawikaan 10:1-2

Ang mga Kawikaan ni Solomon

10 Narito ang mga kawikaan ni Solomon:

Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay nagbibigay ng kalungkutan.
Ang kayamanang nakuha sa masamang paraan ay hindi makapagbibigay ng anumang kabutihan, ngunit ang matuwid na pamumuhay ay makapagliligtas sa iyo sa kamatayan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®