Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 6:1-7:27

Ito pa ang sinabi ng Panginoon kay Moises tungkol sa taong lumabag sa nais ng Panginoon sa pamamagitan ng pandaraya sa kanyang kapwa tungkol sa bagay na ipinatago o iniwan sa kanya, o pagnanakaw ng mga bagay na iyon, o pagsasamantala, o pagsisinungaling tungkol sa isang bagay na nawala na hindi raw niya nakita, o pagsumpa ng kasinungalingan na hindi niya nagawa ang alinman sa mga kasalanang nabanggit. Kapag napatunayan na talagang nagkasala siya, kinakailangang ibalik niya ang kanyang ninakaw, o ang anumang nakuha niya sa pandaraya, o ang mga bagay na iniwan o ipinatago sa kanya, o ang mga bagay na nawala na nakita niya, o anumang bagay na ayon sa kanyang panunumpa ay wala sa kanya, pero ang totoo ay nasa kanya. Kinakailangan niya itong ibalik sa may-ari na walang kulang at dadagdagan pa ng 20 porsiyento ng halaga nito. Ibibigay niya ito sa may-ari sa araw na maghahandog siya bilang pambayad sa kanyang kasalanan. Magdadala siya sa pari ng isang tupang walang kapintasan, at ihahandog niya ito sa Panginoon bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. At kinakailangang ang halaga nito ay ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang kasalanan, at siyaʼy patatawarin ng Panginoon sa alin mang kasalanang nabanggit na kanyang nagawa.

Karagdagang mga Tuntunin tungkol sa Handog na Sinusunog

8-9 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang tungkol sa mga tuntuning ito, tungkol sa handog na sinusunog.

Ang handog na ito ay kinakailangang iwanan sa altar hanggang umaga, at kinakailangang patuloy ang pagningas ng apoy sa altar; huwag itong pabayaang mamatay. 10 Kinaumagahan, isusuot ng pari ang mga kasuotan niyang gawa sa telang linen: ang damit pang-ilalim na tatakip sa kanyang kahubaran at ang damit-panlabas. Kukunin niya ang abo ng handog na iyon at ilalagay sa tabi ng altar. 11 Pagkatapos, magpapalit siya ng damit at dadalhin niya ang abo sa labas ng kampo sa itinuturing na malinis na lugar. 12 Kinakailangang ang apoy sa altar ay patuloy na nagniningas. Huwag itong papatayin. Tuwing umagaʼy gagatungan ito ng pari, at aayusin nang mabuti ang mga handog na sinusunog sa itaas ng mga panggatong pati na ang mga taba ng hayop mula sa inialay na handog para sa mabuting relasyon. 13 Patuloy na paniningasin ang apoy sa altar, at huwag itong pabayaang mamatay.

Karagdagang mga Tuntunin tungkol sa Handog na Pagpaparangal sa Panginoon

14 Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog na pagpaparangal:

Ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ang magdadala nito sa Panginoon sa harap ng altar. 15 Dadakot ang pari sa handog na harinang may halong langis at dadalhin niya sa altar pati ang mga insensong inilagay sa harina. Susunugin niya ito bilang alaala sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon. 16-17 Ang natitirang harina ay lulutuin at kakainin ni Aaron at ng kanyang mga angkan. Pero itoʼy lulutuin nilang walang pampaalsa, at doon nila kakainin sa banal na lugar sa bakuran ng Toldang Tipanan. Inilaan iyon ng Panginoon para sa kanila bilang bahagi ng pagkaing inihandog sa kanya. Ang handog na pagpaparangal sa Panginoon ay napakabanal, katulad ng handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan. 18 Ang lahat ng lalaking mula sa angkan ni Aaron hanggang sa kahuli-hulihang angkan ay maaaring kumain nito, dahil ito palagi ang kanilang bahagi sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ang mga humahawak ng mga handog na ito ay dapat banal.

19 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Moises 20 tungkol sa handog para sa Panginoon na iaalay ni Aaron sa araw nang ordinahan siya bilang punong pari, at siya ring gagawin ng angkan niyang papalit sa kanya.

Maghahandog siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina. Ito ay handog na pagpaparangal sa Panginoon na dapat gawin magpakailanman. Ang kalahati nitoʼy ihahandog niya sa umaga at ang kalahati naman ay sa hapon. 21 Ang harinang ito ay hahaluan ng mantika at lulutuin sa kawali, pagpipira-pirasuhin at ihahandog sa Panginoon bilang handog na pagpaparangal. Ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa kanya. 22 Kinakailangang sunugin itong lahat, dahil itoʼy handog para sa Panginoon. Dapat itong sundin magpakailanman. Kailangang gawin ito ng angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari. 23 Ang lahat ng handog ng pagpaparangal ng mga pari ay kinakailangang sunugin, hindi ito maaaring kainin.

Karagdagang Tuntunin Tungkol sa Handog na Paglilinis sa Kasalanan

24 Inutusan din ng Panginoon si Moises 25 na sabihin kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang tungkol sa ganitong mga tuntunin.

Ang handog sa paglilinis ay kinakailangang patayin sa presensya ng Panginoon doon sa patayan ng handog na sinusunog. Ang handog sa paglilinis ay napakabanal. 26 Ang paring maghahandog nitoʼy dapat kumain nito roon sa bakuran ng Toldang Tipanan, na isang banal na lugar. 27 Ang sinumang makahipo nito ay mahahawaan ng pagkabanal nito. Ang damit na matatalsikan ng dugo ng handog na itoʼy dapat labhan doon sa banal na lugar sa Tolda. 28 Ang palayok na pinaglutuan ng handog na ito ay dapat basagin. Pero kung kaldero, itoʼy dapat kuskusin at hugasang mabuti ng tubig. 29 Ang lahat ng lalaki sa sambahayan ng pari ay maaaring kumain. Itoʼy napakabanal na handog. 30 Pero kung ang dugo ng handog na itoʼy dinala roon sa Banal na Lugar sa loob ng Tolda para gawing pantubos sa kasalanan ng tao, hindi maaaring kainin ang natirang karne na inihandog. Susunugin na lang ito.

Mga Karagdagang Tuntunin Tungkol sa Handog na Pambayad ng Kasalanan

Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog na pambayad ng kasalanan. Napakabanal ng handog na ito.

Ang handog na pambayad ng kasalanan ay doon papatayin sa pinagpapatayan ng mga handog na sinusunog. At ang dugo nitoʼy iwiwisik sa paligid ng altar. Ang lahat ng taba nito ay ihahandog – ang matabang buntot, ang tabang bumabalot sa lamang-loob, ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. Lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog sa Panginoon sa pamamagitan ng apoy. Itoʼy handog na pambayad ng kasalanan. Ang matitira ay maaaring kainin ng mga anak na lalaki ng mga pari, pero dapat nila itong kainin doon sa banal na lugar dahil napakabanal nito. Iisa ang tuntunin sa handog sa paglilinis at sa handog na pambayad ng kasalanan. Ang karne sa mga handog na ito ay para sa paring naghandog nito. Ang balat naman ng hayop na inialay bilang handog na sinusunog ay para rin sa paring nag-alay nito. Ganoon din sa lahat ng handog na butil na inialay bilang handog na pagpaparangal sa Panginoon, na niluto sa hurno o sa kawali. 10 At ang lahat ng handog na pagpaparangal, may halo man itong langis o wala ay para na sa mga paring mula sa angkan ni Aaron at paghahati-hatian nila ito ng pantay-pantay.

Mga Karagdagang Tuntunin para sa Handog para sa Mabuting Relasyon

11 Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog para sa mabuting relasyon[a] na iniaalay sa Panginoon.

12 Kung ang hayop na handog para sa mabuting relasyon ay inialay bilang handog ng pagpapasalamat sa Panginoon, sasamahan niya ito ng tinapay. Magdadala siya ng tinapay na walang pampaalsa katulad ng makapal na tinapay na hinaluan ng langis, manipis na tinapay na pinahiran ng langis, at tinapay na mula sa magandang klaseng harina na hinaluan ng langis. 13 Maliban dito, magdadala rin siya ng tinapay na may pampaalsa. 14 Siyaʼy maghahandog mula sa bawat uri ng tinapay na ito bilang kaloob sa Panginoon. At ang mga tinapay na ito na inihandog ay para na sa paring nagwiwisik ng dugo ng hayop na handog para sa mabuting relasyon. 15 Ang karne ng hayop na inihandog bilang pagpapasalamat sa Panginoon ay dapat kainin ng taong naghandog nito at ng sambahayan niya at ng mga pari sa araw ding iyon, at dapat walang matira kinaumagahan.

16 Pero kung ang kanyang handog para sa mabuting relasyon ay inialay niya bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, ang karne ay makakain sa araw ng paghahandog at ang matitira ay maaari pa ring kainin kinabukasan. 17 At kung mayroon pa ring matira hanggang sa pangatlong araw, dapat na itong sunugin. 18 Kapag may kumain pa nito sa pangatlong araw, hindi na tatanggapin ng Panginoon ang handog na ito at magiging walang kabuluhan ang handog niya. Ang handog na ito ay ituturing na kasuklam-suklam at magiging pananagutan pa ng sinumang kumain nito. 19 Kapag ang karne ay hindi sinasadyang nadikit sa anumang bagay na itinuturing na marumi, hindi na iyon dapat kainin, kundi susunugin na lang. Tungkol sa mga karneng maaaring kainin, itoʼy maaaring kainin ng sinumang itinuturing na malinis ayon sa batas. 20 Pero ang sinumang itinuturing na marumi[b] at kakain ng karneng handog para sa mabuting relasyon ay huwag ninyong ituring na kababayan. 21 Ang sinumang nakahipo ng mga bagay na itinuturing na marumi, katulad ng dumi o sakit ng taong nakakahawa, hayop na itinuturing na marumi, o anumang bagay na kasuklam-suklam at pagkatapos ay kumain ng karne na inihandog sa Panginoon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

Pagbabawal ng Pagkain ng Dugo at Taba

22 Nag-utos ang Panginoon kay Moises 23 na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Huwag kayong kakain ng taba ng baka, tupa o kambing. 24 Ang taba ng hayop na namatay o pinatay ng ibang hayop ay maaari ninyong gamitin sa anumang nais ninyo, pero huwag ninyong kakainin. 25 Ang sinumang kakain ng taba ng hayop na maaaring ihandog[c] sa Panginoon ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 26 At saan man kayo tumira, huwag kayong kakain ng dugo ng hayop o ibon. 27 Ang sinumang kakain ng dugo ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

Marcos 3:7-30

Sinundan ng Maraming Tao si Jesus sa Tabi ng Lawa

Pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa tabi ng lawa ng Galilea. Sinundan siya ng napakaraming tao na galing sa Galilea, Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabila ng Ilog ng Jordan, at sa palibot ng Tyre at Sidon. Dinayo siya ng mga tao dahil nabalitaan nila ang mga ginagawa niya. Dahil sa dami ng tao, nagpahanda ng isang bangka si Jesus sa mga tagasunod niya, para may masakyan siya kung sakaling magsiksikan sa kanya ang mga tao. 10 Maraming pinagaling si Jesus, kaya dinumog siya ng lahat ng may sakit para mahawakan man lang siya. 11 Kapag nakikita siya ng mga taong sinasaniban ng masamang espiritu, lumuluhod sila sa harap niya at sumisigaw: “Ikaw ang Anak ng Dios!” 12 Pero mahigpit niya silang pinagbawalan na sabihin sa iba kung sino siya.

Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol(A)

13 Pagkatapos, umakyat si Jesus sa bundok at tinawag niya ang mga taong nais niyang piliin. At lumapit sila sa kanya. 14 Pumili siya ng 12 [na tinawag niyang mga apostol] upang makasama niya at suguing mangaral. 15 Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu. 16 [Ito ang 12 apostol na kanyang pinili:] si Simon na tinawag niyang Pedro, 17 sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee (tinawag niya silang Boanerges na ang ibig sabihin ay mga anak ng kulog), 18 si Andres, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus, si Simon na makabayan[a] 19 at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus nang bandang huli.

Si Jesus at si Satanas(B)

20 Pag-uwi ni Jesus sa bahay na tinutuluyan niya, muling dumating ang napakaraming tao kaya siya at ang mga tagasunod niya ay hindi man lang nagkaroon ng panahon para kumain. 21 Nang mabalitaan ng pamilya ni Jesus ang mga ginagawa niya, siyaʼy sinundo nila, dahil sinasabi ng mga tao na nasisiraan na siya ng bait.

22 May dumating namang mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, “Sinasaniban siya ni Satanas[b] na pinuno ng masasamang espiritu. At ito ang nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.” 23 Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at nagsalita siya sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad, “Magagawa ba ni Satanas na palayasin ang mga kampon niya? 24 Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak ang kahariang iyon. 25 Ganoon din ang mangyayari sa isang tahanang ang nakatira ay nag-aaway-away. 26 Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak din siya at hindi na makakabangon pa.

27 “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi niya muna ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.[c]

28 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, lahat ng kasalanan, at anumang paglalapastangan sa Dios ay maaaring mapatawad. 29 Ngunit ang sinumang lumapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi talaga mapapatawad. Ang ganitong kasalanan ay hindi mapapatawad magpakailanman.” 30 Sinabi iyon ni Jesus dahil sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na siya ay may masamang espiritu.

Salmo 37:1-11

Ang Kahihinatnan ng Masama at Mabuting Tao

37 Huwag kang mainis o mainggit man sa masasama,
dahil tulad ng damo, silaʼy madaling matutuyo,
    at tulad ng sariwang halaman, silaʼy malalanta.

Magtiwala ka sa Panginoon at gumawa ng mabuti.
    Sa gayon ay mananahan ka nang ligtas sa lupaing ito.
Sa Panginoon mo hanapin ang kaligayahan,
    at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo.
Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa;
    magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya.
Ihahayag niya nang malinaw na ikaw ay matuwid at makatarungan,
    kasingliwanag ng sinag ng araw sa katanghaliang tapat.
Pumanatag ka sa piling ng Panginoon,
    at matiyagang maghintay sa gagawin niya.
    Huwag mong kaiinggitan ang masasama na gumiginhawa,
    kahit pa magtagumpay ang masasamang plano nila.
Huwag kang magagalit. Pigilan mo ang iyong poot.
    Ni huwag kang mababalisa, dahil ito sa iyo ay makakasama.
Ang masama ay ipagtatabuyan,
    ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay mananatili sa lupaing ito.
10 Hindi magtatagal at mawawala ang masasama.
    At kahit hanapin mo man sila ay hindi mo na makikita.
11 Ngunit ang mga mapagpakumbaba ay patuloy na mananahan sa lupain ng Israel nang mapayapa at masagana.

Kawikaan 10:3-4

Hindi hinahayaan ng Panginoon na magutom ang mga matuwid, ngunit ipinagkakait naman niya ang hangad ng mga masama.
Nagpapahirap ang katamaran, ngunit ang kasipagan ay nagpapayaman.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®