Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 9:7-10:20

Pagkatapos, sinabi niya kay Aaron, “Lumapit ka sa altar at ialay mo ang iyong handog sa paglilinis at handog na sinusunog para matubos ka at ang sambahayan mo[a] sa inyong mga kasalanan. At ialay mo rin ang handog ng mga tao para sila rin ay matubos sa kanilang mga kasalanan ayon sa iniutos ng Panginoon.”

Kaya lumapit si Aaron sa altar at pinatay niya ang handog na batang toro bilang handog sa paglilinis. Ang dugo nitoʼy dinala sa kanya ng kanyang mga anak, at inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwinisik sa parang sungay sa mga sulok ng altar, at ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar. 10 Sinunog niya sa altar ang mga taba at ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay ayon sa utos ng Panginoon kay Moises. 11 Ang karne at ang balat ay sinunog niya sa labas ng kampo. 12 Pagkatapos, pinatay din ni Aaron ang mga hayop na para sa handog na sinusunog. Ang dugo ay dinala ng kanyang mga anak sa kanya at iwinisik niya sa palibot ng altar. 13 Dinala rin sa kanya ng mga anak niya ang hiniwa-hiwang mga karne ng handog na hayop, pati ang ulo, at sinunog niya ang mga ito sa altar. 14 Hinugasan niya ang lamang-loob, at mga paa, at sinunog niya ang mga ito sa altar pati na ang iba pang parte ng handog na hayop.

15 Pagkatapos, dinala niya sa gitna ang mga handog na para sa mga tao. Pinatay niya ang kambing na handog sa paglilinis ng mga tao katulad ng kanyang ginawa sa una niyang handog na inialay para maging malinis siya sa kanyang mga kasalanan. 16 Pagkatapos, dinala rin niya sa gitna ang hayop para sa handog na sinusunog, at inihandog niya ayon sa paraan ng paghahandog nito. 17 Dinala rin niya sa gitna ang handog na mga butil. Dumakot siya ng isang dakot na butil at sinunog sa altar kasama ng handog na sinusunog tuwing umaga.

18 Pinatay din ni Aaron ang baka at ang lalaking tupa para sa mga tao na kanilang handog para sa mabuting relasyon. Ang dugo ay dinala sa kanya ng kanyang mga anak at iwinisik niya sa palibot ng altar. 19 Ang taba ng mga ito – ang matabang buntot, ang mga taba sa lamang-loob, ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay 20 ay ipinatong ng mga anak ni Aaron sa pitso ng mga handog na hayop. At sinunog ni Aaron ang mga taba sa altar. 21 Ayon din sa utos ni Moises, itinaas ni Aaron ang pitso at ang kanang hita ng hayop bilang handog na itinataas.

22 Pagkatapos maihandog ni Aaron ang lahat ng ito, itinaas niya ang kanyang mga kamay sa mga tao at binasbasan niya, at pagkatapos, bumaba siya mula sa altar. 23-24 At pumasok sina Moises at Aaron sa loob ng Toldang Tipanan. Paglabas nila, muli nilang binasbasan ang mga tao. At ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa mga tao sa pamamagitan ng apoy na sumunog sa mga handog na nasa altar. Nang itoʼy makita ng mga tao, nagsigawan sila sa tuwa at nagpatirapa para sambahin ang Panginoon.

Namatay si Nadab at Abihu

10 Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kapwa kumuha ng lalagyan ng insenso. Nilagyan nila ito ng mga baga at insenso at inihandog sa Panginoon. Pero ang ginawa nilang itoʼy hindi ayon sa utos ng Panginoon, dahil iba ang apoy na kanilang ginamit para rito.[b] Kaya nagpadala ng apoy ang Panginoon at sinunog sila hanggang sa silaʼy mamatay sa presensya ng Panginoon doon sa Toldang Tipanan. Sinabi ni Moises kay Aaron, “Iyan ang ibig sabihin ng Panginoon nang sabihin niya,

‘Dapat malaman ng mga pari[c] na akoʼy banal,
at dapat akong parangalan ng lahat ng tao.’ ”

Hindi umimik si Aaron. Ipinatawag ni Moises si Mishael at si Elzafan na mga anak ni Uziel na tiyuhin ni Aaron at sinabi niya sa kanila, “Kunin ninyo ang mga bangkay ng inyong mga pinsan sa Tolda at dalhin ninyo sa labas ng kampo.” Kaya kinuha nila ang mga bangkay, sa pamamagitan ng paghawak sa mga damit nito at dinala sa labas ng kampo ayon sa utos ni Moises. Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang sina Eleazar at Itamar, “Huwag ninyong guguluhin ang inyong buhok o pupunitin man ang inyong damit para ipakita ang inyong pagluluksa sa namatay. Kapag ginawa ninyo iyon, pati kayo ay mamamatay at magagalit ang Panginoon sa lahat ng taga-Israel. Pero maaaring magluksa ang mga Israelitang kamag-anak ninyo para sa kanilang dalawa na sinunog ng Panginoon. Huwag muna kayong umalis sa pintuan ng Tolda.[d] Mamamatay kayo kapag umalis kayo, dahil pinili kayo ng Panginoon para maging mga pari sa pamamagitan ng pagpahid sa inyo ng langis.” At sinunod nila ang iniutos ni Moises.

Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang iyong mga anak ay hindi dapat uminom ng alak o ng anumang inuming nakakalasing kapag papasok sa Tolda. Kapag ginawa ninyo iyon, mamamatay kayo. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon. 10 Dapat ninyong malaman kung alin ang para sa Panginoon at kung alin ang para sa lahat, kung alin ang malinis at marumi. 11 Kinakailangang turuan ninyo ang kapwa ninyo Israelita tungkol sa lahat ng tuntuning ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ni Moises.”

12 Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak niyang natitira na sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang natirang handog na pagpaparangal mula sa mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Lutuin ninyo iyon nang walang pampaalsa at kainin ninyo malapit sa altar dahil napakabanal niyon. 13 Iyon ang inyong bahagi mula sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Ito ang iniutos sa akin ng Panginoon. 14 Pero ang pitso at hita ng hayop na itinaas at inihandog sa Panginoon ay para sa iyo at sa iyong buong sambahayan. Kainin ninyo iyon sa lugar na itinuturing nating malinis. Itoʼy ibinibigay sa inyo bilang bahagi ninyo mula sa handog ng mga taga-Israel na handog para sa mabuting relasyon. 15 Kapag naghandog ang mga taga-Israel, ihandog nila ang pitso, at hita ng hayop pati na ang mga taba bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Ang pitso at hita ay itataas nila sa Panginoon bilang handog na itinataas. Pagkatapos, ibibigay nila ito sa inyo dahil ito ang inyong bahagi sa handog. Itoʼy para sa inyo, at sa inyong mga angkan magpakailanman ayon sa iniutos ng Panginoon.”

16 Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na handog sa paglilinis,[e] napag-alaman niyang nasunog na itong lahat.[f] Kaya nagalit siya kina Eleazar at Itamar at sinabihan, 17 “Bakit hindi ninyo kinain ang handog sa paglilinis sa banal na lugar? Ang handog na iyon ay napakabanal, at iyon ay ibinigay ng Panginoon sa inyo para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan sa presensya ng Panginoon. 18 Sapagkat ang dugo nito ay hindi dinala sa loob ng Banal na Lugar, kinain sana ninyo iyon doon sa Tolda, ayon sa sinabi ko sa inyo.”

19 Pero sumagot si Aaron kay Moises, “Kanina, naghandog ang aking mga anak ng kanilang handog sa paglilinis at handog na sinusunog,[g] pero namatay ang dalawa sa kanila. Sa nangyaring ito sa aking mga anak, matutuwa kaya ang Panginoon kung kinain ko ang handog sa paglilinis ngayong araw?” 20 Sumang-ayon si Moises sa sagot ni Aaron.

Marcos 4:26-5:20

Ang Paghahalintulad sa Binhing Tumutubo

26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Habang nagtatrabaho siya sa araw at natutulog sa gabi, ang mga binhing inihasik niya ay tumutubo at lumalago kahit na hindi niya alam kung paano. 28 Ang lupa ang nagpapatubo at nagpapabunga sa tanim. Sisibol muna ang mga dahon, saka ang uhay, at pagkatapos ay ang mga butil. 29 At kapag hinog na, inaani ito ng may-ari, dahil panahon na para anihin.”

Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(A)

30 Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano kaya maitutulad ang paghahari ng Dios? Sa ano ko kaya ito maihahambing? 31 Katulad ito ng isang buto ng mustasa[a] na siyang pinakamaliit sa lahat ng buto. 32 Ngunit kapag naitanim na at tumubo, nagiging mas mataas ito kaysa sa ibang mga halaman, at kahit ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim ng mga sanga nito.”

33 Marami pang mga talinghaga o mga paghahalintulad na gaya ng mga ito ang ginamit ni Jesus sa pagtuturo sa mga tao ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. 34 Hindi siya nangangaral sa mga tao nang hindi gumagamit ng talinghaga, pero ipinapaliwanag naman niya sa mga tagasunod niya kapag sila-sila na lang.

Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(B)

35 Kinagabihan, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” 36 Kaya iniwan ng mga tagasunod niya ang mga tao at sumakay na rin sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus. May mga bangka ring sumunod sa kanila. 37 Habang naglalayag sila, biglang lumakas ang hangin. Hinampas ng malalaking alon ang bangka nila at halos mapuno na ito ng tubig. 38 Si Jesus ay nasa hulihan ng bangka at natutulog ng nakaunan. Ginising siya ng mga tagasunod niya, “Guro, malulunod na tayo! Balewala lang ba ito sa inyo?” 39 Kaya bumangon si Jesus at pinatigil ang hangin at mga alon. Sinabi niya, “Tigil! Kumalma kayo!” Tumigil nga ang hangin at kumalma ang dagat. 40 Tinanong niya ang mga tagasunod niya, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananampalataya sa akin?” 41 Takot na takot sila at nag-usap-usap, “Sino kaya ang taong ito na kahit ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”

Pinagaling ni Jesus ang Taong Sinasaniban ng Masamang Espiritu(C)

Dumating sila sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno.[b] Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking galing sa kwebang libingan. Ang lalaking itoʼy sinasaniban ng masamang espiritu, at doon na siya nakatira sa mga libingan. Hindi siya maigapos ng matagal kahit kadena pa ang gamitin nila. Ilang beses na siyang kinadenahan sa kamay at paa, pero nalalagot niya ang mga ito. Walang nakakapigil sa kanya. Nagsisisigaw siya araw at gabi sa mga libingan at kaburulan, at sinusugatan ang sarili ng matatalas na bato.

Malayo pa si Jesus ay nakita na siya ng lalaki. Patakbo siyang lumapit kay Jesus at lumuhod sa harapan niya. 7-8 Sinabi ni Jesus sa masamang espiritu, “Ikaw na masamang espiritu, lumabas ka sa taong iyan!” Sumigaw ang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako, sa pangalan ng Dios, huwag mo akong pahirapan!” Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan, dahil marami kami.” 10 At paulit-ulit na nagmakaawa ang masamang espiritu kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.

11 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. 12 Nagmakaawa ang masasamang espiritu na kung maaari ay payagan silang pumasok sa mga baboy. 13 Kaya pinayagan sila ni Jesus. Lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang may dalawang libong baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.

14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng baboy papunta sa bayan at ipinamalita roon at sa mga kalapit-nayon ang nangyari. Kaya pumunta roon ang mga tao para alamin ang tunay na nangyari. 15 Pagdating nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasaniban ng kawan ng masasamang espiritu. Nakaupo siya at nakadamit, at matino na ang pag-iisip. Kaya natakot ang mga tao. 16 Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung ano ang nangyari sa taong iyon at sa mga baboy. 17 Kaya pinakiusapan nila si Jesus na umalis sa kanilang lugar. 18 Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. 19 Pero hindi pumayag si Jesus. Sa halip, sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka sa pamilya mo at sabihin mo sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at kung paano ka niya kinaawaan.” 20 Kaya umalis ang lalaki at ipinamalita sa Decapolis,[c] ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig tungkol sa nangyari.

Salmo 37:30-40

30 Ang taong matuwid ay nagsasalita ng tama, at may karunungan.
31 Ang Kautusan ng Dios ay iniingatan niya sa kanyang puso,
    at hindi niya ito sinusuway.
32 Ang mga taong masamaʼy laging nagbabantay
    upang salakayin at patayin ang taong may matuwid na pamumuhay.
33 Ngunit hindi pababayaan ng Panginoon ang taong matuwid
    sa kamay ng kanyang mga kaaway,
    o parurusahan man kapag siyaʼy hinatulan.

34 Magtiwala ka sa Panginoon at sundin mo ang kanyang pamamaraan.
    Pararangalan ka niya at patitirahin sa lupain ng Israel,
    at makikita mong itataboy niya ang mga taong masama.

35 Nakita ko ang masamang tao na nang-aapi.
    Gusto niyang kilalanin siyang mataas kaysa sa iba,
    katulad ng mataas na punongkahoy ng Lebanon.
36 Nang siyaʼy aking balikan, siyaʼy wala na;
    hinanap ko siya ngunit hindi ko na nakita dahil siyaʼy patay na.
37 Tingnan mo ang taong totoo at matuwid.
    May magandang kinabukasan at may tahimik na pamumuhay.
38 Ngunit lilipulin ang lahat ng masama,
    at ang kinabukasan nila ay mawawala.
39 Ang kaligtasan ng mga matuwid ay mula sa Panginoon.
    Siya ang nag-iingat sa kanila sa panahon ng kaguluhan.
40 Tinutulungan sila ng Panginoon at inililigtas sa mga taong masama,
    dahil silaʼy humihingi ng kanyang kalinga.

Kawikaan 10:6-7

Ang taong matuwid ay pinagpapala; ang bibig ng masamang tao ay nakakapinsala.
Ang alaala ng taong matuwid ay mananatili magpakailanman, ngunit ang masamang tao ay makakalimutan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®